You are on page 1of 9

pw

Kabanata 3 Kulturang Popular at Kamalayang Filipino

Intended Learning Outcomes: Pagkatapos ng Yunit na ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
 Naipapaliwanag ang kaugnayan ng sikolohiya sa kultura at Kulturang popular
 Nakikilala ang iba’t ibang popular na sikolohiyang umusbong sa Kulturang Filipino
 Naipapaliwanag ang ugnayn ng sikolohiya at wika
 Nakikilala ang pilosopiyang Filipino
 Naipapaliwanag ang iba’t ibang pilosopiya ng wika

3.1.1. Sikolohiyang Filipino

Ang Sikolohiyang Filipino ay isang makaagham na pag-aaral sa sikolohiya batay sa mga


karanasan, kaisipan at oryentasyong kultural ng mga Pilipino. Si Virgilio Enriquez ang
tinaguriang ama ng Sikolohiyang Pilipino. Ipinakilala ni Enriquez noong 1974 ang mga pormal na
mga katutubong sikolohiya:

1. Kamalayan o consciousness- batay sa pandandamin at pangkabatirang karanasan


2. Ulirat o awareness- batay sa kinagisnang kapaligiran
3. Isip- batay sa kaalaman at pang-unawa
4. Diwa- mula sa mga ugali at mga nakasanayan
5. Kalooban- batay sa emosyon o damdamin
6. Kaluluwa o psyche – batay sa esperitwal na aspekto ng tao

Ang sikolohiyang Filipino ay nagpasimula bilang isang pagkilos mula sa sikolohiya at kaugnay na
disiplina noong 1970 na nakatuon sa mga sumusunod na tema: (a) pantayong pananaw at
pambansang kamulatan, (b) pambansang ulirat at pakikisangkot, (c) pambansa at etnikong
kultura at wika kasama ang pag-aaral sa katutubong sikolohiya, (d) batayan at paglalapat ng
katutubong sikolohiya sa kalusugan, praktika, agrikultura, sining at mass midya, at maging sa
relihiyon .
Ang pagkilos na ito ay nag-udyok ng mga pangunahing protesta. Una, ang sikolohiya ay
isang pagbabagong-isip, isang uri ng sikolohiyang kumalaban sa sikolohiyang makaluma ng
kolonyal na mentalidad at nag-aadya ng sikilohiyang Filipino para sa dekolonisasyon ng isip. Isa
itong hakbang sa kaunlaran ng pambansang kamalayan. Pangalawa, sikolohiyang Malaya o
liberated psychology, isang uri ng pagkilos na kumakalaban sa importasyon at pagtatakda ng
sikolohiyang buhat sa maunlad at industriyalisadaong bansa. Pangatlo, sikolohiyang mapaglaya
o liberating pscychology, isang pagkilos na nakatuon sa paglaban sa eksploytasyon ng masa.

Bilang isang anyo ng katutubong sikolohiyang tradisyon, angsikolohiyang Pilipino ay


nabuo mula sa mga batayang kaalaman na buhat sa : (a) kultura; (b) katutubong gawi; (c) batay
sa katutubong balangkas at sanggunian; (d) kalabasan ng mga paniniwala.

Ang sikolohiyang Pilipino ay umusbong sa dalawang mahahalagang proseso:


indigenization from without (paglalangkap) at indigenization from within (pagnilay). Ang unang
proseso ay nakatuon sa isang komon na lapit ng paggamit ng kaalaman at paglilipat ng
teknolohiya. Ito ay isang lapit batay sa pag-alam ng mga katutubong katumbas ng mga unibersal
na sikolohiyang konsepto o sa kontektuwalisasyon ng mga imported na pamamaraan at teknik,
kasangkapan at instrument. Ang isa sa maaaring halimbawa nito ay ang balidasyong kultural,
isang uri ng praktika ng pagpapatotoo mula sa sistematikong replikasyon ng iba’t ibang kultura.
Ang ikalawang proseso naman ay pagsasakatutubo mula sa pagnilay ng mga tanging sikolohiya.
Ito ay proseso ng pagsasapormal ng mag natatanging sikolohiyang dulog, kaalaman,
pamamaraan, praktika na umusbong mula sa batayang katutubong kultura o sanggunian. Ang
halimbawa naman nito ay ang kultura na rebalidasyon.

Upang mabalangkas ang sikolohiyang ito, mahalagang malaman ang mga sinubok na
paraan:

1. Makabuo ng mga konsepto at batayang katutubong sikolohiya


2. Mag-adapt, magpaunlad, at gumamit ng angkop na kasangkapan o instrumento

Katutubong konsepto at Pagdudulog


1. Kapwa- isang pagkilala sa ibinahaging pagkakakilanlan at tagong sarili na ibinahagi sa
iba. Ang pagkilalang ito ay nagmumula sa sarili at hindi sa iba.
2. Pakikiramdam- o shared inner perception ay isang pananaw na masasabing mahalagang
interpersonal na halagahan na tumutukoy sa naiugnay na mga halagahan tulad ng
pagmamahal at kagandahang loob. Ipinaliwanang ni Enriquez (2002) na maaring ang
pakiramdam ay isang mataas na anyo ng halagahan. Dagdag pa ni Mataragnon (1987)
ang pakikiramdam ay isang tentatibo, mapanuri, at mapag-bagong ugali na batay sap ag-
iisip upang hindi makapanakit sa kapwa.
3. Nakikitang halagahan- tulad ng hiya, utang na loob at pakikisama. May dalawang
katangian: akomodatibo at prangka.
4. Kagandahang loob- mapag-ugnay na sosyo-personal na halagahan. Isang predisposiyon
na nakatuon sa ugali sa gitna ng malawak na pag-uugali. Ang kagandahang loob ay
maaring maging karangalan, katarungan at kalayaan.

Antas at moda ng interaksyong sosyal:


A. Kategorya ng ibang tao (outsiders
1. Pakikitungo- o civility na nakatuon sa pakikiayon ng tao sa iba
2. Pakikisalamuha- ay akto ng paghahalo mula sa ibang tao
3. Pakikilahok- akto ng paglalahok
4. Pakikibagay- akto ng pagsang-ayon
5. Pakikisama- akto ng pakikiisa
B. Kategorya ng hindi ibang tao (one of us)
1. Pakikipagpalagayang-loob- akto ng pakikipalagayang tiwala
2. Pakikisangkot- ang akto ng pagsma sa iba
3. Pakikipagkaisa- ang akto ng pagiging kaisa sa iba

Ang mga antas na nabanggit ay hindi lamang magkaugnay na moda ngunit nakaayos mula sa
babaw o surface – lalim o depth na antas ng pakikipag-ugnayan.

3.1.2 Ugnayang Wika at Sikolohiya


Tinataglay o dinadala ng wikang Filipino ang sikolohiya ng mismong gumagamit nito, ang
mga Filipino. Sa kasalukuyan, kinikilala ang Sikolohiya bilang isang agham na nagsusuri sa pag-
uugali at kamalayan ng tao. Ito rin ang siyentipikong pag-aaral ng pag-iisip ng tao at fungsiyon
nito lalo na iyong nakakaapekto sa kilos; mental na katangian o aktitud ng isang tao o pangkat.
Kaugnay nito, batay na rin sa naibigay na depinisyon ng sikolohiya, ang Sikolohiya ng Wikang
Filipino ay ang pag-aaral sa karanasan, kaisipan at oryentasyong Pilipino, ito ang Sikolohiyang
Pilipino.
lutang na lutang na may sikolohiya ang wika nating mga Filipino sa mga oral na tradisyon at
panitikan. Makikita sa mga bugtong, salawikain, awit, tula, alamat at epiko ang mga
pagpapahalaga ng mga Filipino. Sa bugtong, salawikain at awit, makikita dito ang katangiang
pagiging malikhain ng mga Filipino kung saan ang isang bagay na nakikita niya sa kanyang
paligid ay nagagawan niya ng talinghaga at simbolismo upang maipakita ang katangian ng bagay
na tinutukoy nito sa realidad na may layon na mangaral sa buhay, magpasaya, o manlibang sa
kanyang kapwa. Gayundin naman ang mga epiko at alamat kung saan itinatanghal ang mga
pagpapahalagang taglay ng mga Filipino tulad ng pagkakaroon ng malapit na relasyon sa
pamilya, matapang, pakikiisa, pagmamahal sa bayan at marami pang iba tulad ng Biag ni Lam-
ang, isang epiko. Bukod dito, sa mga katutubong panitikan, mababakas ang kultura ng mga
Filipino.

Sa pagbibiro, bagamat meron din namang nagaganap na pagbibiruan sa ibang mga bansa,
naiiba naman ang layon ng pagbibiro dito sa Pilipinas. Bukod sa ang paksa naman talaga ng mga
biro dito sa Pilipinas ay karaniwang nagpapakita ng kultura mayroon ang Pilipinas, isang
mahalagang dahilan ng pagbibiro sa Pilipinas ay upang magsilbi itong coping mechanism ng mga
Pilipino sa oras na mahirap ang kanyang sitwasyon o may problema. Dito makikita na ginagamit
ang pagbibiro upang magdamayan ang mga Filipino sa oras na kailangan upang hindi gaanong
maging mabigat ang impak ng mga problema sa kanilang buhay. Sa pagmumura naman, isa
itong pagsasabi ng masasakit na salita upang ibaba ang halaga ng isang tao. Kung mapapansin
ang mga salitang mura sa wikang Filipino ay may kaugnayan sa seks at pagkawalang-gaalang sa
ina (tulad ng putangina). Sa lipunan kasi na sobra ang pagpapahalaga sa pamilya lalo na sa ina,
ang paggamit nito sa mura ay lubhang makapagpapasakit sa damdamin kung sino man ang
pinatutungkulan nito.
Isa pang magandang patunay na may partikular na sikolohiya ang wikang Filipino na
mauunawaan lamang ng mga Filipino ay ang kawalan ng katumbas ng pagsasalin ng mga
terminong Filipino sa ibang wika tulad ng Ingles. Ang kawalan nito ng katumbas sa ibang wika ay
nangangahulugan na katangi-tangi ang salita o wikang iyon sa bansang pinagmulan nito at
dinadala nito ang kultura at sikolohiya ng lipunang pinagmulan nito. Halimbawa, sa Bulacan ay
mayroong Singkaban Festival na nagaganap taun-taon. Ang salitang Singkaban ay tumutukoy sa
arkong kawayan na inilalagay tuwing may kapistahang nagaganap. Sapagkat ito ay bahagi ng
tradisyon o ng sikolohiya ng mga Filipino, tanging ang mga Filipino lamang ang makapagbibigay
nito ng kahulugan. Ang salitang Singkaban ay walang katumbas sa ibang mga wika sapagkat
hindi ito bahagi o abot ng kanilang sikolohiya. Ang mga tradisyon at kaugaliang Pilipino ang mga
halimbawa kung saan mahirap matumbasan sa ibang wika ang mga terminong ginagamit dito
sapagkat ang sikolohiya ng mismong Filipino ay nakapaloob din sa wika nito. Magandang
halimbawa din ang konsepto ng rice sa Pilipinas, maraming katawagan ito sa atin tulad ng palay,
bigas, kanin, tutong, samantalang sa Amerika ang tawag lamang nila dito ay rice. Sapagkat
pangunahing pagkain ng mga Filipino ang bigas, marami silang katawagan dito.

Ang yupemismo sa lenggwahe ng mga Pilipino ay isang pag-aangkop sa mga sitwasyong


kailangang iwasan. Halimbawa nito, kapag mayroong nakikiusap sa atin sa halip na sabihin
nating hindi, sinasabi natin na siguro, depende, ewan ko, pag-iisipan ko sapagkat ayaw nating
mapahiya ang taong nakikiusap sa atin. Sa ganitong paraan, naipakikita sa mga simpleng
salitang ito ang lubhang pagpapahalaga sa kapwa.ng mga Filipino. Ginagamit din ang
yupemistikong salita upang pag-iwas na makasakit ng loob. Bilang pagbati sa isang kakilala na
pumapayat, sasabihin natin na “lalo ka yatang sumeseksi ngayon” o kaya naman sasabihan na
“malusog ka ngayon” para sa mga tumataba. Ito’y sa paniniwalang mas mabuting gamitin ang
mga salitang positibo o kaya’y nagpapakita ng concern o pagmamalasakit kaysa diretsang
pagsasabi na tila isang pagpuna. Ang salitang bawal o taboo ay napapalitan ng mga yupemistiko
tulad ng dibdib sa halip na suso, bulaklak sa halip na ari ng babae, pokpok sa halip na puta, at
marami pang iba. Ginagawa ito sapagkat hindi diretsang masabi dahil nakahihiyang gamitin at
malakas ang dating. May mga pananaw na nag paggamit ng yupemistiko ay panloloko,
panlilinlang, pagsisinungaling o pag-iwas man ito ngunit para sa mga Filipino ito ay isang
pangangailangang sikolohikal upang maging maayos at walang gusot ang relasyon sa
komunidad at pagpapahalaga sa damdamin ng kapwa.

3.1.3 Pilosopiyang Filipino

Ang pilosopiya ay hango sa mga salitang Griyego na, filos na ang kahulugan ay
“nagmamahal” at sofia na ang katumbas naman ay “karunungan.” Lumalabas lamang na ang
etimolohiyang kahulugan ng pilosopiya ay ang “pagmamahal sa karunungan.” Si Pythagoras,
isang pilosopong Griyego, ang nagbigay ng terminolohiyang ito, sapagkat para sa kanya, di kaya
ng tao na maabot ang kabuuan ng karunungan, kaya maaari lamang niya itong mahalin o
maging kaibigan. Sa gayon ay maaari lamang siyang tawaging pilosopo o nagmamahal sa
karunungan. Sino man ang nagtatanong at naghahangad matuto at magpaliwanag ng kanyang
sarili at paligid ay matatawag na namimilosopiya o pilosopo. Pero sa pang-akademiyang gamit,
ang pilosopiya ay isang gawang pantao na tumutukoy sa pagtatanong at paghahanap ng
kahulugan at pundasyon ng kanyang pag-iral at ng mga bagay sa kanyang paligid. Una, ito ay
isang gawa at hindi isang subheto na dapat aralin o sauluhin. Wala itong isang porma o hugis na
angkop upang isalarawan. Kung magkagayon, ang mismong pagpapaliwanag na ito ay di pa rin
sapat para ipaunawa ang pilosopiya. Kaya sino mang nagnanais na makipagkaibigan sa
karunungan o mamilosopiya ay dapat handang mag-isip, magnilay, at muling mag-isip sapagkat
iyon lamang ang tanging paraan upang ito’y maranasan. Pangalawa, ito ay gawang pantao,
sapagkat may pag-iisip ang tao na siyang tanging gamit sa gawang pamimilosopiya. Ang pag-
iisip na ito ay pansarili o personal, di maaaring mag-isip ang isang tao para sa ikauunawa ng iba.
Di ito tulad ng isang trabaho na puwedeng iba ang gumawa bilang kapalit. Sinumang
namimilosopiya ay siya mismo ang dapat mag-isip. Bagaman maaari siyang matuto sa
karanasan, kaalaman, at paliwanag ng iba. Subalit ang mismong pagkatuto o pagkaunawa ay
tanging siya pa rin ang kailangan gumanap. Pangatlo, ito ay isang pagtatanong, ito ay
nagsisimula sa pag-alam sa kanyang sitwasyon, at ang kasunod nito ay paghahanap pa ng
dahilan kung bakit siya ay nasa sitwasyon. Kasabay na rin ng pangatlo ay ang paghahanap ng
kahulugan at pundasyon ng kanyang pag-iral. Kakaiba ang pagtatanong na ito sa kanyang pag-
iral dahil mismong ang mga talagang batayang pangkalahatan o universal ang hinahanap dito.
Samakatuwid ay lumalampas ito sa personal o pansariling paliwanag lamang. Ang pundasyon ay
ang salalayan ng mga kasagutan na maituturing na ugat at buod na maaring gamitin sa iba pang
pagsagot sa mga katanungan tungkol sa pag-iral ng iba. Bagama’t di natatapos ang kanyang
mga tanong, di rin natatapos ang kanyang paghahanap sa mga pundasyon at kahulugan.
Panghuli ay ang paghahanap ng kahulugan at pundasyon ng pag-iral ng mga bagay sa kanyang
paligid. Naiiba ito sa pangatlo dahil tinatahak nito ang pag-unawa sa mga bagay na labas sa
kanyang sarili, materyal man o hindi. Dito makikita na saklaw din ng paghahanap ng pundasyon
at kahulugan ang iba’t ibang pananaw. Kung ganon, ay di lang basta pananaw ang hinahanap ng
pilosopiya kundi maging ang mga pundasyon ng bawat pananaw.
Ayon nga kay Mabaquiao sa kanyang artikulong “Isang Paglilinaw sa Kahulugan at
Kairalan ng Pilosopiyang Filipino” (2011) ang hinahanap sa pilosopiya ay ang “pundasyon ng
mga pananaw” dagdag pa ni Mabaquiao, para matawag talagang pilosopiko ang paghahanap,
kailangang ito ay may a) paksa, b) metodolohiya, at c) pamamaraan ng pagsulong sa mga
palagay. Ang paksa ay dapat kabilang sa mga pangunahing sangay ng pilosopiya na; lohika na
tumutukoy sa sining ng sistematikong pag-iisip at pakikipag-argumento, epestimolohiya na ukol
sa kasiguraduhan o katotohanan ng mga kaalaman ng tao, metapisika na nakatuon sa mga
pundasyon ng pinagmulan ng lahat material man o hindi, estetika na sumasakop sa
pamantayan ng sining at kagandahan, at etika na naglilinaw sa mga pundasyon at pamantayan
ng kabutihan ng gawa ng tao. Samantalang ang metodololohiya naman ay tumutukoy sa mga
pamamaraan ng pag-aaral na katanggap-tanggap sa disiplina ng pilosopiya tulad ng;
penomenolohiya na nakasentro sa pagbalik sa mismo o aktuwal na pagdanas ng tao sa isang
bagay, analitikong pilosopiya na nakabatay sa paghahanap ng mga eksakto at siguradong
kahuluhan ng mga salita o argumento, eksistensyalimo na nakabatay sa pagpapakita ng
kalayaan ng tao, Marxismo na nakaangkla sa usapin ng pagkakapantay-pantay ng tao lalo na sa
opportunidad at yaman sa lipunan lalo na sa mga may kinalaman sa moda ng paggawa o
produksyon , feminismo na umiikot sa karapatan ng mga kababaihan, kritikal na teorya- na
tumitingin sa mga usapin ng di pagkakapantay-pantay sa lipunan sa pagitan ng mga api at nang-
aapi at iba pang relasyon, at ermenyutika na nakatuon sa paghahanp kahulugan sa isang teksto.
At ang huling elemento ay tumutukoy sa mga argumentong ginagamit upang suportahan at
pangatwiranan and bawat posisyon. Sa pamamagitan ng mga elementong ito ang isang
paghahanap o pagtatanong ay matatawag talagang pilosopiko at ito ay isang gawang pang
pilosopiya.

3.1.4 Pilosopiya ng Wika


Ang paikut-ikot at walang katapusang debate sa papel at halaga ng wikang
pambansa/ Filipino ay nananahan at nag-uugat sa krisis sa lipunan atrasado at kolonyal. Sa
kabilang banda naman, hindi rin pwedeng pasubalian ang kapangyarihan ng wika / wikang
pambansa sa pagbabalikwas mula sa tiwaling sistema. Napatunayan ito mismo sa kasaysayan ng
bansa mula sa panahon ng Katipunan hanggang sa aktibismo ng dekada 1970. Dito napakalaga
ang papel ng pagpaplanong pangwika, sosyolingwistiks na nakatuon sa gamit ng wika. Sa
pagsasalansan ng diskurso sa wikang pambansa at sa wikang Filipino bilang wikang pambansa
ay inisyal na nabubuo ang sumusunod na pilosopiya:
Ang pilosopiya sa wikang pambansa ay sumasagot ng mga usaping katangian, pinagmulan at
gamit ng wika. Kung ilalapat ito sa kaso ng wikang Filipino bilang wikang pambansa:
1. katangian-patuloy na payayabungin (mula sa mga wika sa Pilipinas at iba pang wika),
nakabase sa mga komon na padron ng mga wika sa bansa/ unibersal na lapit, de facto at de
jure.

2. Pinagmulan/batayan- lingwistikal (Tagalog, mga wika sa Pilipinas at mga wika ng


mananakop), historikal at antropolohikal (karanasan ng Katipunan ni Andres Bonifacio,
karanasan sa sistema ng edukasyon at lakas ng mas midya at kulturang popular)
3. Gamit- na instrumental sa pagkakaisa at sa demokratisasyon (wika ng pagtuturo at
pagkatuto, pambansang lingua franca, wikang opisyal) at sentimental (pagbibigay
kilanlan/identidad at dignidad bilang isang bansang naghahangad ng soberanya)

You might also like