Document 1

You might also like

You are on page 1of 5

Kung Bakit Sumusuko sa Buhay ang mga Tao

“Ang bawat isa ay may sariling dahilan sa pagpapatiwakal: siya lamang ang nakaaalam, mahirap
unawain, at lubhang nakababagabag.”—Kay Redfield Jamison, saykayatris.

“PAGDURUSA ang mabuhay.” Iyan ang isinulat ni Ryunosuke Akutagawa, isang kilaláng manunulat
noong mga unang taon ng ika-20 siglo sa Hapón, bago siya magpatiwakal. Gayunman, sinimulan niya ang
pangungusap na iyon ng mga salitang: “Sabihin pa, ayaw kong mamatay, ngunit . . .”

Tulad ni Akutagawa, marami sa mga nagpapatiwakal ang ayaw mamatay kundi gusto lamang nilang
“wakasan ang anumang nangyayari,” sabi ng isang propesor sa sikolohiya. Gayon nga ang ipinahihiwatig
ng pananalita na karaniwang nasusumpungan sa mga sulat ng pagpapatiwakal. Ang mga pariralang gaya
ng ‘Hindi ko na ito makayanan,’ o ‘Ano pa ang silbi ng mabuhay?’ ay nagpapakita ng masidhing
pagnanais na takasan ang malulupit na katotohanan sa buhay. Subalit gaya ng pagkakalarawan dito ng
isang dalubhasa, ang pagpapatiwakal ay “gaya ng paggamot sa sipon sa pamamagitan ng isang bombang
nuklear.”

Bagaman iba-iba ang dahilan kung bakit nagpapatiwakal ang mga tao, may ilang pangyayari sa buhay na
karaniwang sanhi ng pagpapatiwakal.

Mga Pangyayaring Sanhi ng Pagpapatiwakal

Karaniwan na para sa mga kabataan na sumusuko sa kabiguan at nagpapatiwakal na gawin ang gayon
kahit na sa mga bagay na waring hindi gaanong mahalaga sa iba. Kapag nasaktan sila at walang magawa
tungkol dito, maaaring malasin ng mga kabataan ang kanilang kamatayan bilang isang paraan upang
gumanti sa mga nanakit sa kanila. Si Hiroshi Inamura, isang espesyalista na tumutulong sa mga taong
gustong magpatiwakal sa Hapón, ay sumulat: “Sa pamamagitan ng kanila mismong kamatayan, ninanais
ng mga bata na parusahan ang taong nagpahirap sa kanila.”

Ipinakikita ng isang kamakailang surbey sa Britanya na kapag ang mga bata ay dumanas ng matinding
pananakot o pang-aapi, halos pitong ulit na mas malamang na sila’y magtangkang magpatiwakal. Ang
kirot sa damdamin na dinaranas ng mga batang ito ay tunay. Isang 13-anyos na batang lalaki na nagbigti
ang nag-iwan ng isang maikling sulat na bumanggit sa pangalan ng limang tao na nagpahirap at nangikil
pa nga ng pera sa kaniya. “Pakisuyong iligtas ang ibang mga bata,” ang sulat niya.
Maaari namang sikapin ng iba na magpatiwakal kapag sila’y nagkaproblema sa paaralan o sa batas,
dumanas ng kabiguan sa pag-ibig, nakakuha ng mababang marka sa kard, dumanas ng kaigtingan sa mga
eksamen, o nasiraan ng loob dahil sa mga alalahanin tungkol sa hinaharap. Sa mga kabataan namang
may matataas na marka na may hilig na maging mga perpeksiyonista, ang isang pagkatalo o isang
kabiguan—totoo man ito o guniguni—ay maaaring maging dahilan upang magtangkang magpatiwakal.

Para sa mga nasa hustong gulang, ang mga problemang pinansiyal o may kaugnayan sa trabaho ay
karaniwang mga pangyayaring sanhi ng pagpapatiwakal. Sa Hapón, pagkatapos ng mga taon ng paghina
ng ekonomiya, ang pagpapatiwakal kamakailan ay lumampas nang 30,000 sa isang taon. Ayon sa
Mainichi Daily News, halos tatlong-sangkapat ng mga lalaking nasa katanghaliang gulang ang
nagpatiwakal “dahil sa mga problemang nagmumula sa mga pagkakautang, pagbagsak ng negosyo,
kahirapan at kawalan ng trabaho.” Maaari ring humantong sa pagpapatiwakal ang mga problema sa
pamilya. Isang pahayagan sa Finland ang nag-ulat: “Ang mga lalaking nasa katanghaliang gulang na
kamakailan lamang nagdiborsiyo” ang bumubuo sa isa sa mga grupong higit na nanganganib. Natuklasan
ng isang pag-aaral sa Hungary na ang karamihan sa mga batang babae na nagbabalak magpatiwakal ay
lumaki sa mga wasak na tahanan.

Pangunahing sanhi rin ang pagreretiro at pisikal na karamdaman, lalo na sa mga may-edad na.
Kadalasang pinipili ang pagpapatiwakal bilang lunas, kahit na wala naman taning sa buhay dulot ng isang
karamdaman, subalit kapag hindi na mabata ng pasyente ang paghihirap.

Ngunit, hindi naman lahat ay tumutugon sa mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal.
Sa kabaligtaran pa nga, kapag napaharap sa gayong maiigting na kalagayan, ang karamihan ay hindi
nagpapatiwakal. Kung gayon, bakit minamalas ng ilan ang pagpapatiwakal bilang lunas, samantalang ang
karamihan naman ay hindi?

Pangunahing mga Salik

“Ang kalakhang bahagi ng desisyong mamatay ay depende sa pagpapakahulugan sa mga pangyayari,”


ang sabi ni Kay Redfield Jamison, propesora ng saykayatri sa Johns Hopkins University School of
Medicine. Sabi pa niya: “Ang karamihan sa mga isipan, kapag malusog, ay hindi nagpapakahulugan sa
anumang pangyayari na gayon na lamang kagrabe upang magpatiwakal.” Sinabi ni Eve K. Mościcki, ng
U.S. National Institute of Mental Health, na maraming salik—ang ilan sa mga ito ay umiiral at
pangunahin subalit hindi halata—ang nagsasama-sama upang humantong sa pagkilos na umaakay sa
pagpapatiwakal. Kabilang sa gayong pangunahing mga salik ang mga sakit sa isip at pagkasugapa,
kayariang henetiko, at kemikal na reaksiyon sa utak. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Unang-una sa mga salik na ito ang mga sakit sa isip at pagkasugapa, gaya ng panlulumo, bipolar mood
disorder, schizophrenia, at pag-abuso sa mga inuming de-alkohol o droga. Ipinakikita ng pananaliksik
kapuwa sa Europa at sa Estados Unidos na mahigit sa 90 porsiyento ng naisagawang mga
pagpapatiwakal ay nauugnay sa gayong mga karamdaman. Sa katunayan, nasumpungan ng mga
mananaliksik na Sweko na sa mga lalaking nasuri na walang anumang uri ng gayong karamdaman, ang
dami ng pagpapatiwakal ay 8.3 sa bawat 100,000, subalit sa mga nanlulumo ito ay lumukso sa 650 sa
bawat 100,000! At sinasabi ng mga dalubhasa na ang mga salik na humahantong sa pagpapatiwakal ay
kahawig niyaong sa mga lupain sa Silangan. Gayunman, kahit ang pagsasama ng panlulumo at mga
pangyayaring sanhi ng pagpapakamatay ay hindi tumitiyak sa pagpapatiwakal.

Si Propesora Jamison, na minsa’y nagtangkang magpatiwakal mismo, ay nagsabi: “Waring natitiis o


nababata ng mga tao ang panlulumo habang naroroon ang paniniwala na bubuti pa ang mga bagay-
bagay.” Gayunman, nasumpungan niya na habang ang dumaraming kabiguan ay hindi na mabata, unti-
unting nanghihina ang kakayahan ng sistema ng isip na pigilan ang mga bugso ng pagpapatiwakal.
Inihahalintulad niya ang kalagayan sa pagnipis ng mga preno sa isang kotse dahil sa madalas na
pagpreno.

Mahalagang kilalanin ang gayong hilig sapagkat nalulunasan ang panlulumo. Ang mga damdamin ng
kawalang-kakayahan ay maaaring baguhin. Kapag nalutas ang pangunahing mga salik, maaaring iba na
ang maging reaksiyon ng mga tao sa mga sama ng loob at mga kaigtingan na kadalasang nagiging sanhi
ng pagpapatiwakal.

Inaakala ng ilan na ang henetikong kayarian ng isa ay maaaring maging isang pangunahing salik sa
maraming pagpapatiwakal. Totoo, ang mga gene ay gumaganap ng papel sa pagtiyak sa disposisyon ng
isa, at isinisiwalat ng mga pagsusuri na ang ilang angkan ng pamilya ay may higit na mga insidente ng
pagpapatiwakal kaysa sa iba. Subalit, “ang henetikong hilig na magpatiwakal ay hindi nangangahulugan
na hindi maiiwasan ang pagpapatiwakal,” sabi ni Jamison.

Maaari ring maging isang pangunahing salik ang kemikal na reaksiyon sa utak. Ang bilyun-bilyong neuron
ng utak ay nakikipagtalastasan sa elektrokemikong paraan. Sa nagsasangang dulo ng mga himaymay ng
mga nerbiyo, may maliliit na agwat na tinatawag na mga synapse kung saan dinadala ng mga
neurotransmitter ang impormasyon sa kemikal na paraan. Ang antas ng isang neurotransmitter, ang
serotonin, ay maaaring nasasangkot sa biyolohikal na kahinaan ng isang tao na magpatiwakal. Ganito
ang paliwanag ng aklat na Inside the Brain: “Ang mababang antas ng serotonin . . . ay maaaring mag-alis
sa kaligayahan ng buhay, anupat nawawalan ng interes ang isang tao sa kaniyang pag-iral at
nadaragdagan ang panganib ng panlulumo at pagpapatiwakal.”

Subalit, ang totoo ay na walang sinuman ang itinalagang magpatiwakal. Napagtatagumpayan ng milyun-
milyong tao ang mga sama ng loob at mga kaigtingan. Ang paraan kung paano tumutugon ang isipan at
puso sa mga panggigipit ang siyang umaakay sa ilan na magpakamatay. Dapat lutasin hindi lamang ang
kasalukuyang mga sanhi kundi ang pangunahing mga salik din naman.

Kaya, ano ba ang magagawa upang lumikha ng isang mas positibong pangmalas na magpapanumbalik ng
sapat na kasiyahan sa buhay?

[Kahon sa pahina 6]

Kasarian at Pagpapatiwakal

Ayon sa isang pagsusuri sa Estados Unidos, bagaman dalawa hanggang tatlong ulit na mas malamang
magtangkang magpatiwakal ang mga babae kaysa sa mga lalaki, apat na ulit na mas malamang na
maisagawa ng mga lalaki ang pagpapatiwakal. Ang mga babae ay di-kukulanging dalawang ulit na
dumanas ng panlulumo kaysa sa mga lalaki, na maaaring siyang dahilan ng mas maraming bilang ng mga
tangkang pagpapatiwakal. Gayunman, ang kanilang mga karamdaman dahil sa panlulumo ay maaaring
hindi gaanong matindi, at sa gayo’y maaari silang bumaling sa hindi gaanong matinding paraan. Sa
kabilang dako naman, ang mga lalaki ay maaaring gumamit ng mas agresibo at tiyak na mga paraan
upang siguruhin na maisagawa nila ito.

Subalit sa Tsina, naisasagawa ito ng mas maraming babae kaysa ng mga lalaki. Sa katunayan, isinisiwalat
ng isang pagsusuri na mga 56 na porsiyento ng mga pagpapatiwakal ng mga babae ang nangyayari sa
Tsina, lalo na sa mga lalawigan. Sinasabing ang isa sa mga dahilan ng mapusok na mga tangkang
pagpapatiwakal ng mga babae na humahantong sa naisagawang mga pagpapatiwakal doon ay na
madaling makakuha ng nakamamatay na mga pestisidyo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Pagpapatiwakal at Kalungkutan

Ang kalungkutan ay isa sa mga salik na umaakay sa mga tao sa panlulumo at pagpapatiwakal. Si Jouko
Lönnqvist, na nanguna sa pagsusuri ng mga pagpapatiwakal sa Finland, ay nagsabi: “Para sa marami [na
nagpatiwakal], malungkot ang buhay sa araw-araw. Marami silang libreng panahon subalit kakaunting
pakikipag-ugnayan sa iba.” Si Kenshiro Ohara, isang saykayatris sa Hamamatsu University School of
Medicine sa Hapón, ay nagkomento na ang “pagbubukod” ang pangunahing salik sa kamakailang bugso
sa pagpapatiwakal ng mga lalaking nasa katanghaliang gulang sa bansang iyon.
[Larawan sa pahina 5]

Para sa mga nasa hustong gulang, ang mga problemang pinansiyal o may kaugnayan sa trabaho ay
karaniwang mga pangyayaring sanhi ng pagpapatiwakal

https://wol.jw.org/tl/wol/d/r27/lp-tg/102001762

You might also like