You are on page 1of 11

‘Walking pneumonia’

KUNG isasalin sa Filipino ang sakit na “walking pneumonia”, ito ay “pulmonyang naglalakad” pero
para sa akin mas akma kung tatawaging “bahagyang pulmonya” dahil sa Ingles, sinasabing ito ay “mild
pneumonia”.

Gayunman, wala namang dapat ikabahala rito kung pagbabatayan ang mga pahayag ng Department
of Health (DOH) pero kailangan din ang mga pag-iingat para makaiwas dito. Sinasabi nga ng DOH na apat
na porsiyento lang ng kumpirmadong influenza-like illness mula Enero hangggang Nobyembre 25, 2023
dahil sa walking pneumonia at gumaling naman ang mga pasyente.

Sa larangan ng medisina, ang naturang sakit ay tinatawag na atypical pneumonia na maaaring sanhi
ng ilang klase ng molds, virus o bacteria, ayon sa American Lung Association. Kilala rin ito bilang
mycoplasma pneumonia. Hindi kailangang magpaospital o maratay sa kama ang nakakaramdam nito at dahil
bahagya lang o banayad ang mga sintomas, sino mang may ganitong sakit ay maaaring magpatuloy sa mga
araw-araw niyang gawain. Isa itong dahilan kaya tinatawag itong “walking pneumonia”.

Napaulat kamakailan sa website ng DOH na ayon sa isang health expert na si Dr. Anthony Leachon,
ang nabanggit na sakit ay isang kondisyon na ang isang tao ay walang lagnat pero matindi ang ubo.
“Bagaman maaari kang magpatuloy sa araw-araw mong ginagawa kahit meron kang pulmonya, maaaring
lumubha ang walking pneumonia at maospital ang mga madaling mahawahan nito tulad ng mga bata,
lubhang matatanda at yung merong comorbidities tulad ng diabetes, heart failure, coronary disease, cancer at
sumasailalim ng dialysis,” paalala ni Leachon.

Ayon naman kay Dr. Albert Rizzo, chief medical officer ng American Lung Association, maaaring
maging miserable rin ang walking pneumonia at karaniwang may kasamang ubo, lagnat, pananakit ng
dibdib, sakit ng ulo at iba pa. Kailangan pa rin anyang magpatingin sa doktor kahit pa bahagya o banayad
lang ang nararamdamang sintomas ng pulmonya. Mahalaga pa ring alagaan ang sarili, magpahingang
mabuti, uminom nang maraming tubig at uminom ng gamot na pampababa ng lagnat kung meron.
Kadalasang gumagaling ang karamihan sa loob ng tatlo o limang araw pero ang ubo na sanhi ng pulmonya
ay maaaring tumagal nang maraming linggo o buwan pagkatapos ng gamutan. Depende sa tao ang panahon
ng kanyang ikakagaling.

Maaaring kumalat ang pulmonya kapag ang taong may ganitong sakit ay humihinga, nagsasalita,
umuubo o bumabahin malapit sa ibang tao. Para mabawasan ang peligro sa infection, ayon sa mga eksperto,
magpabakuna laban sa trangkaso bawat taon bilang tulong na makaiwas sa pulmonyang nagiging sanhi ng
trangkaso, kumunsulta sa doktor hinggil sa pagpapabakuna laban sa pulmonya (walang bakuna sa viral o
mycoplasma pneumonia pero may mga indibidwal na kailangang mabakunahan laban sa pneumococcal
pneumonia), mag-ehersisyo, kumain nang balance, magkaroon ng sapat na pagtulog, madalas na maghugas
ng kamay, umiwas sa sigarilyo, takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahin at hikayatin ang iba na gawin
din ito para makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng naturang infection.

Zombie cells: ‘Susi’ sa pagtanda

Isang realidad sa buhay natin na sa tuwing papasok ang bagong taon, tumatanda rin tayo ng isa pang
taon. Takdang madagdagan ang edad ng bawat tao pagsapit ng kanyang kaarawan sa alin man sa mga
darating na buwan ng bawat papasok na bagong taon. Siyempre pa, hindi ito maiiwasan. Lahat tayo ay
tumatanda sa pagdaan ng maraming taon. At nagiging karaniwang kasabay ng pagtanda ang pagsulpot ng
iba’t ibang sakit.
Mapipigilan ba ang pagtanda ng tao? Kung hindi mapipigilan, maaari ba itong mapabagal o
maantala? Isa itong usapin na matagal nang hamon sa siyensiya at patuloy na hinahanapan ng kasagutan.
Kabilang sa matagal nang pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang tinatawag na senescent cells na kumakalat sa
katawan na parang zombies kaya tinatawag din itong zombie cells.

May 60 taon na ang nakakaraan nang matuklasan ito ng mga scientist. Naiipon sila at dumarami at
nagdudulot ng mga inflammation at sakit habang tumatanda ang tao. Sinasaliksik ng mga scientist kung
saan-saan sa katawan ng tao matutukoy ang mga selulang ito na sinisikap nilang maunawaan at makilala.

Meron na ngang ineeksperimentong mga gamot na sinasabing may potensiyal na makapagpatanggal


ng mga zombie cell na ito at maantala hangga’t maaari ang pagtanda ng tao. Ayon sa isang artikulo sa
Popular Mechanics, lumitaw sa ilang pag-aaral ng mga research group ng Mayo Clinic noong 2012 at 2016
na ang mga genetically engineered mice na walang senescent cells ay nagiging malusog nang napakatagal
habang tumatanda at walang palatandaan ng mga sakit na senyales ng pagtanda.

Isang leading senescent cell researcher sa Mayo Clinic na si James Kirkland ang nagpaliwanag na
maraming dahilan sa pagkakaroon ng senescent cell. Maaaring magdulot ng senescent cell ang DNA
damage, mga virus na tulad ng coronavirus, herpes at HIV at kahit mga bacterial changes sa gut
microbiome.

Umaasa kasi ang mga eksperto na, kung makakahanap ng solusyon sa naturang mga zombie cell,
malulunasan sa isang pasadahan ang mga sakit na kaakibat ng pagtanda. Ipinalalagay naman ng mga
ekspertong tulad ng aging researcher na si Matt Yousefzadeh ng Columbia University na, kung maiwawaksi
ang mga zombie cell sa katawan, mapapabagal ang pagtanda at mapuksa ang maraming sakit na kasama nito
sa isang buhos.

Hindi tulad sa kasalukuyang sitwasyon na, habang ginagamot halimbawa ng duktor ang sakit sa
puso ng isang senior citizen, lumalabas naman kinalaunan ang diabetes. Kung mapapababa ang alta presyon
ng isang matanda, nagkakarayuma naman ito.

Gayunman, sinasabi ng mga dalubhasa na, kahit wala pang gamot laban sa zombie cells, meron pa
namang magagawa ang mga tao. May mga ebidensiya na natural na nababawasan ang senescent cells sa
katawan sa iba’t ibang pagbabago sa pamumuhay.

Lumalabas sa isang pag-aaral ng grupo ng aging researcher na si Natathan LeBrasseur ng Mayo


Clinic noong 2021 na nababawasan ang mga marker ng senescence ng mga mas matatandang mga tao na
lumahok sa isang 12-week structured exercise program. Naging malulusog ang pangangatawan ng mga
kalahok dito. Nakaaapekto rin sa pagtanda at sa senescence ang tamang diet.

‘Dating Apps’ masama o mabuti?

ISA sa mga nagiging daan ng pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, kasintahan, o makakasama sa
buhay ang mga tinatawag na “dating application” o “dating apps” sa internet. Nagagamit ito sa pamamagitan
ng mga computer pero mas madalas itong buksan sa mga mobile phone ng mga taong interesado sa mga
online dating services.

Mahigit isang dekada nang namamayagpag sa mundo ng internet ang mga “dating apps” na ito kahit
noong bago pa isinara ang mas popular na Yahoo Messenger kasama ng mga chatroom nito. Dahil sa mga
“dating apps” sa internet, maaaring magkakilala ang sinuman kahit milya-milya ang layo nila sa isa’t isa o
nagmula sila sa magkakaibang bansa o lahi. Nabubuo ang mga tinatawag na online romance.
Sa tawag pa lang na “dating app,” ipinahihiwatig na ang mahahalatang intensiyon ng maraming
gumagamit nito—ang makatagpo ng manliligaw o maliligawan, maaaring maging kasintahan, romantikong
karelasyon o makakasama sa buhay o asawa. Hindi basta kaibigan lang. Popular din dito sa Pilipinas ang
mga “dating apps” na ito. Lumabas nga sa isang survey noong 2021 na 42 porsiyento ng mga Pilipinong
sinaklaw nito ang umamin na gumagamit sila ng isang “dating app”.

Nagpapatuloy ang pamamayagpag ng naturang mga online “Dating Apps” kahit meron ding mga
kaakibat na panganib dito. May mga nabibiktima rito ng mga manloloko, mandurugas, mapagsamantala,
mapang-abuso, mangingikil, at iba pang may utak-kriminal.

Kabilang ang mga “Dating Apps” sa ginagamit ng mga hacker o scammer para makapanloko at
makapagsamantala ng ibang tao. Hindi naman nagkulang ang mga kinauukulan sa pagpapayo sa publiko na
mag-ingat sa pakikitungo sa mga taong nakikilala sa internet tulad ng sa mga “dating apps”.

Maaaring epektibo ang mga “dating apps” na ito dahil tumatagal ang kanilang operasyon at marami
ang patuloy na tumatangkilik. Wala nga lang kabatiran kung lahat o karamihan ng mga nagkakakilala sa
ganitong programa sa internet ay nagkakatuluyan bilang mag-asawa o nauuwi sa masayang pagsasama o
hiwalayan. Kailangan marahil ng mga pandaigdigang pag-aaral sa mga epekto, bentahe at disbentahe o
kung nakakabuti ba o nakakasama ang naturang mga “dating apps.”

Gayunman, lumabas kamakailan sa New York Post ang isang bagong pag-aaral ng ilang mga
researcher sa Arizona State University na nagsasaad na ang mga kasal na mag-asawang unang nagkakilala
sa internet ay hindi gaanong masaya sa kanilang pagsasama kumpara sa ibang mga mag-asawa na unang
nagkakilala nang personal o pisikal na harapan.

Sinabi sa report na mabuway at mas mababa ang kalidad ng pagsasama ng mag-asawang nagkakilala
lang sa pamamagitan ng internet kumpara sa mag-asawang nagkakilala sa totoong buhay. Ibig sabihin ng
nagkakilala sa totoong buhay, iyong una silang nagkakilala sa pamamagitan ng kanilang mga kaibigan,
pamilya, trabaho, eskuwelahan, sa ibang mga pisikal na lugar, okasyon, aktibidad o pagkakataon halimbawa.

Lumabas sa pag-aaral na ang mga mag-asawang nagkakilala lang sa internet ay hindi gaanong
tinatanggap o sinusuportahan ng lipunan at maging ng malalapit nilang kaibigan at miyembro ng pamilya.
Lalong nakakaranas ng diskriminasyon ang mag-asawang nagkakilala sa internet kapag magkaiba ang lahi o
bansa. Dahil dito, merong mga mag-asawang nagsisinungaling sa kanilang pamilya sa pagsasabing una
silang nagkakilala sa isang restawran o bar kahit ang totoo ay sa “dating app” sila nagkakilala.

Ipinahiwatig sa pag-aaral na nagkakaroon ng hindi magandang epekto sa pagsasama ng mag-


asawang nagkakilala lang sa internet ang kawalan o kakapusan ng suporta ng ibang tao sa kanilang
relasyon na ayon nga sa isang hiwalay na pag-aaral noong 2021 ay nauuwi sa hiwalayan. Kapag malaki ang
suporta at aprubado ng mga kaibigan at pamilya ang relasyon ng isang magkasintahan o mag-asawa, lalong
tumitibay ang pagmamahalan at kasiyahan sa kanilang pagsasama, ayon sa pananaliksik.

Kahit sa U.S. ginawa ang naturang pag-aaral na maaari ring may mga limitasyon at hindi pa lubhang
komprehensibo, nakakapagbigay din ito ng dagdag na pananaw sa posibleng epekto ng mga “dating apps” sa
buhay ng mga taong nagkakilala dito at naging magkasintahn o mag-asawa.

Maaaring totoo ito sa U.S. pero hindi totoo sa ibang bansa. O, kahit saang bahagi ng mundo,
maaaring totoo ito sa ilang mag-asawa pero merong iba na naging masaya at matagumpay ang pagsasama
kahit una silang nagkakilala sa internet.

Mabubuhay ba ang Pinoy nang walang kanin?


ANG tanong na ito ay maaaring madali o masalimuot sagutin pero nagiging hamon ito ngayon sa
mga Pinoy na mahilig o malakas kumain ng kanin. Lalo na pamahal nang pamahal sa kasalukuyan ang
presyo ng bigas. Naglaho na nga sa maraming palengke ang klase ng bigas na dating nabibili ng P38 o P40
kada kilo. Nakagugulat ang mga price tag sa iba’t ibang klase ng mga tindang bigas na merong
nagkakahalaga ng P50, P65 at P80 bawat kilo.

Lubhang masalimuot ang mga dahilan ng nakakapagtakang tila sobrang pagtaas ng presyo ng bigas.
Sinasabing dahil ito sa nagdaang mga bagyo sa Pilipinas o kaya sa tagtuyot at kakulangan ng bigas sa ibang
bansang binibilhan ng Pilipinas ng bigas, transportasyon, farmgate prices, at iba pang rason.

Pero sa kabila nito, walang gaanong maramdamang reklamo sa hanay ng mga Pinoy. Napakatahimik.
Hindi na katulad ng nangyaring mga ingay sa isyu ng sibuyas, ilang buwan na ang nakararaan, na ang
sobrang pagtaas ng presyo ay naging tampulan ng mga kantiyaw, biruan, pagbatikos, katatawanan at intriga
sa social media na maging ang mga Pilipinong nasa ibang bansa ay nakisawsaw na rin sa gulo.

Naglaho lang ang ingay nang magbabaan o makontrol o napigilan ang patuloy na pagtaas ng halaga
ng mga sibuyas sa mga pamilihan. Pero sa tumataas na presyo ng bigas, wala ang ganitong ingay.

Meron nang naglilitawang iilang mga pasaring o hinaing o patutsada sa social media pero hindi pa
ito umaabot sa antas na tulad ng nangyari noon sa usapin ng sibuyas. Mahirap ding humusga kung bukas-
loob na lang na tinatanggap ng mga Pilipino ang nangyayari o wala na lang silang kibo na maaaring dahil
wala rin silang magagawa o dahil na rin sa nakasanayan na nila sa kanin na hindi maaaring mawala sa
kanilang hapag-kainan araw-araw. Dinadala nga ng Pinoy kahit nasa ibang bansa siya ang hilig sa kanin.

Pero, dahil meron ding mga isyung pangkalusugan sa kanin na nakasasama sa katawan, marami rin
namang Pinoy ang nagbabawas o tuluyang tumitigil sa pagkonsumo ng kanin. Naging napakahirap nito lalo
na sa mga Pinoy na walang kakayahang makabili ng mga pagkaing alternatibo sa kanin na maaaring
makabusog sa kanila.

Malabo na ang detalye sa alaala ko pero, sa pagkakatanda ko, nang magkaroon ng malaking krisis sa
bigas sa Pilipinas noong dekada 70, isinulong ng pamahalaan ang paggamit at pagkain ng mais bilang
alternatibo sa kanin o ang pagbebenta ng bigas na may halong mais.

Sana nagkaroon ng pag-aaral kung naging epektibo ba o ganap na tinanggap ng mga Pilipino noon
ang ganitong paraan. Maaaring naibsan o natapos ang krisis sa bigas kaya hindi na nagpatuloy ang
paggulong ng kilusan sa pagkonsumo ng mais bilang alternatibo sa kanin.

Wala pang lumalabas na datos sa epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas sa mga restawran, fastfood
outlet, canteen, karinderya, at iba pang mga kainan lalo na sa mga nag-aalok ng unli-rice at sa ibang mga
negosyong ginagamitan ng bigas. May ilang nagtaas na ng singil sa kanin pero ang iba ay nananatili sa
dating presyo na maaaring ang ginagamit nilang bigas ay nabili nila noong bago pa nagtaasan ang presyo
nito.

May mga pagkilos naman ang pamahalaan para maharap ang kasalukuyang problema sa bigas. Sana
nga ay makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo nito. Kung hindi, malaking hamon ito lalo na sa mga
ordinaryong Pinoy. Magagawa ba nilang magbawas o tumigil sa pagkonsumo ng kanin.

COVID-19 at ibang sakit na gumugulo sa buhay natin

TAPOS na ang grabeng yugto ng COVID-19 batay na rin sa deklarasyon ng World Health
Organization noong nakaraang linggo na hindi na isang global emergency ang COVID-19. Pero
nagpapatuloy pa ang pandemya kaya kailangan pa rin ang mga pag-iingat bagaman hindi na kasinghigpit na
tulad noong unang taon nito. Ayon na rin sa mga eksperto, walang katiyakan kung kailan tuluyang
matatapos ang pandemya bagaman nakakabalik na ang maraming bansa sa antas ng dating pamumuhay
noong panahong bago kumalat ang pandemya. Inihalimbawa nila ang pandemya ng Spanish flu noong 1918
na maraming dekada ang dumaan bago tuluyang nagwakas.

Malaking tulong na tumalima ang milyun-milyong mamamayan sa mundo sa mga health protocol at
pagpapabakuna na unti-unting pumigil sa pagkalat ng pandemya at nagpababa sa bilang ng mga tao na
nagkakasakit at namamatay dito.

Nasaksihan natin sa nagdaang tatlong taon lalo na sa unang taon ng pandemya kung paanong ginulo
ng COVID-19 ang araw-araw na normal nating pamumuhay. Bukod sa mga pumanaw sa sakit, daan-daan
libong mamamayan ang nawalan ng kabuhayan at trabaho, nalugi sa negosyo, hindi makauwi sa kanilang
pamilya sa Pilipinas ang mga overseas Filipino worker, nahinto sa pag-aaral ang mga estudyante, lalong
nagutom ang mga nagugutom, halos lahat ng tao ay naging tambay sa bahay, limitado ang galaw ng lahat,
hindi na mapuntahan ang dating napupuntahan madalas, at hindi na magawa ang mga dating nakakagawian
bago nagkapandemya. Hindi na makilala o mamukhaan ng mga tao ang mga kaharap o kausap nila dahil sa
suot nilang face mask at face shield. Marami ang naulila sa magulang, nawalan ng anak, nabiyudo o
nabiyuda, namatayan ng kamag-anak o kaibigan o ibang mahal sa buhay. Nagipit at naipit ang mga ospital at
health worker sa sobrang dami ng mga pasyente.

Kung tutuusin, hindi lang naman ang tulad ng COVID-19 ang maaaring bumabago o umuudlot sa
takbo ng karaniwang pamumuhay ng sinuman. Nagagawa rin ito ng ibang mga sakit. Nariyan halimbawa
ang mga sakit sa puso, stroke, kanser, diabetes, hypertension, pneumonia, Alzheimer’s Disease, lung
disease, asthma, mental ailments, tuberculosis, dengue, pagkakaroon ng kapansanan tulad ng pagkabulag,
pagkaparalisa, pagkabingi, pagkakalumpo, at iba pa. Nagiging depressed ang mga nagkakasakit.

Nababaon sa utang o nagsasangla o nagbebenta ng ari-arian kung meron man ang mga walang
nakahandang pera para sa pagpapagamot o pagpapaospital, nahihirapang makatikim ng serbisyo medikal
ang mga walang health insurance, at may mga dati nang aktibidad o nakagisnang gawain araw-araw na hindi
na ngayon magawa dahil sa dumapong karamdaman. May mga tao na dahil marahil sa pagtitipid o
kakapusan sa badyet o anumang pinagkakaabalahan ay hindi magawang magpatingin sa duktor kahit may
nararamdaman nang masama sa katawan. Nababago ang sistema ng pamumuhay ng isang tao kapag
pinagbabawalan na siya ng duktor sa iba’t-ibang bagay dahil sa kanyang sakit. Marami nang kaso
halimbawa na malubha na ang sakit ng isang pasyente nang ipasya niyang magpatingin sa duktor.

Kung nagawa nang marami sa atin na mag-ingat at makaligtas laban sa COVID-19, bakit hindi
magagawang mag-ingat at makaligtas hangga’t maaari laban sa ibang mga sakit? Hindi lang ang katawan ng
tao ang pinipinsala ng mga sakit. Ginugulo rin nito ang kanyang normal na pamumuhay.

Altapresyon, pangmahirap o pangmayaman?

Lumabas sa isang bagong pag-aaral na, kahit naging talamak ang altapresyon sa mga Pilipinong may
edad na mula 20 taong gulang pataas noong mga taong 2013 hanggang 2015, bumaba naman ang bilang nito
noong 2018-2019. Pero merong mga nakakabahalang impormasyong nakalap sa pag-aaral na dapat
mapagtuunan ng pansin at kaukulang hakbang.

Batay sa pag-aaral, tumaas nang 24.9 porsiyento noong mga taong 2018-2019 mula sa 20.7
porsiyento ng taong 2015 ang bilang ng mga Pilipino na merong controlled hypertension. Ito ang mga Pinoy
na namamantini ang kanilang altapresyon sa less than 140 mmHg (systolic) at less than 90 mmHg (diastolic)
at umiinom ng gamot partikular ng mga tinatawag na maintenance drug laban sa high blood pressure. Idiniin
dito na napakahalagang mapapababa at makontrol ang altapresyon para mabawasan ang panganib sa mga
sakit sa puso, stroke, diabetes at iba pa. Nakakasira rin ng atay at kidney ang tuloy-tuloy na pagtaas ng
altapresyon.

Ang naturang pag-aaral na pinamagatang “Prevalence and Factors Associated with Hypertension
among Filipino Adults in Different Survey Periods” ay ibinatay sa mga datos ng 2013 National Nutrition
Survey, 2015 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups
(Updating Survey), at 2018–2019 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science
and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).

Gayunman, lumabas sa pag-aaral na ito na bagaman mas marami ang mga adult na Filipino (yaong
nabanggit sa una na nagmumula sa edad na 20 anyos pataas kasama na ang mahigit na sa 60 anyos pataas)
na merong mataas na pinag-aralan na merong controlled hypertension.

Meron itong kahawig na pananaliksik noong 2014 na nagsasaad na ang mga adult Filipino na
nakatapos ng pag-aaral ay merong tendensiyang magkaroon ng kamalayan, mas mataas na kinikita, at
madaling makabili ng mga gamot laban sa altapresyon kumpara sa mga mas mababa ang pinag-aralan.

Mahihiwatigan ba rito na ang mga mahihirap na hindi nakatapos ng pag-aaral o mababa ang pinag-
aralan ay mas namemeligro sa mga sakit at maagang kamatayan na idinudulot ng mataas na altapresyon
dahil wala silang paraan para ito makontrol lalo na kung wala silang perang pampagamot.

Lumabas din sa pag-aaral na napakataas ng bilang ng mga matatandang edad na 60 anyos pataas na
nakakapagkontrol ng kanilang altarepresyon noong taong 2013, 2015 at 2018-2019 at dumarami ito sa
pagdagdag ng edad; mas maraming babae ang may controlled hyptertension; Kabilang sa mga nagdudulot
ng altapresyon ang katabaan, malaking baywang, mataas na timbang, at pag-inom ng alak; at malaki ang
bilang ng mga pensioner na kadalasan ay mga senior citizen ang merong altapresyon,

Kilalang silent killer ang hypertension dahil karamihan ng mga tao ay hindi agad nakikitaan ng mga
sintomas. Marahang nabubuo ang mataas na altapreyon sa pagdaan ng panahon. Lagi itong may kaugnayan
sa sakit sa puso, heart failure, at stroke.

Isa sa mga researcher na si Chona F. Patalen ang nagsabi na inirerekomenda ng kanilang research
team ang ibayong mga programa at patakaran na tumutok sa mandatoryo at regular na pagmomonitor ng
blood pressure, healthy lifestyle, pag-eehersisyo, planong panggagamot sa pasyente at systematic follow-up.

Ligtas inumin: Tubig sa gripo o mineral water?

MATAGAL nang malaganap ang bottled water na may iba’t ibang klase tulad ng mineral, spring,
sparkling, distilled, at purified. Maaasahan ang mga ito kahit anong oras o saanmang lugar na walang
maiinumang malinis at ligtas na tubig at abot-kaya ng bulsa. Nadadala kahit saan at kahit kailan. Nabibili sa
mga sari-sari store, supermarket, convenience store, grocery, botika, water station, mga bus at jeepney
terminal, restawran, food court, karinderya, mga bangketa at kahit sa mga kalsada na merong naglalako ng
bottled water.

Regular na kagamitan na sa maraming opisina, establisimento, ospital, eskuwelahan, klinika,


ahensiya o institusyon ang mga water dispenser at marami na ring mga kabahayan ang meron nito.
Itinuturing na ngang isa na sa pinakasikat na inumin sa buong mundo ang bottled water.

Gayunman, meron ding mga lugar sa bansa at kahit sa ibang panig ng mundo ang hindi nasusuplayan
ng linya ng malinis na tubig sa gripo. Iyong tap water na maiinom ng lahat ng tao kahit kailan na inilalaan
ng mga pamahalaan para sa buong publiko. Ang kakulangang ito ang isa sa mga dahilan kaya naging
malaganap ang bottled water.

Kaugnay nito, isang report ng United Nations University Institute for Water, Environment and
Health (UNU-INWEH) na lumabas sa Popular Science ang nagpahayag ng pagkabahala na ang malawakang
pagkonsumo ng bottled water ay maaaring nakaaapekto nang masama at nakakapagpabagal sa mga proseso
ng pamumuhunan at pagsisikap ng mga pamahalaan na masuplayan ng malinis na maiinom na tubig mula sa
gripo ang higit pang mas maraming mamamayan at mas marami pang lugar sa mundo.

Pinuna pa sa report na ang mga bottled water ay maaaring nagtataguyod ng kawalan ng tiwala sa
tubig na nagmumula sa gripo at pananaw na hindi ito malinis kahit na ligtas namang inumin ang galing sa
gripo. Nagiging mahalaga nang napagkukunan ng ligtas na inuming tubig sa maraming lugar ang bottled
water dahil sa kawalan ng sapat na public water supply system

Sinabi pa sa report na dapat hamunin ang idea na mas ligtas ang bottled water kaysa galing sa gripo.
Ipinunto pa sa report na maaaring makompromiso ang kalidad ng tubig sa bote sa pinanggagalingan ng tubig
nito o sa dinadaanan nitong proseso. Hindi rin garantiya halimbawa na ang mga ibinebentang mineral o
spring water ay walang taglay na Cryptosporidium (Crypto) parasites na second highest cause of reported
waterborne disease outbreaks in 2015.

Sa buong mundo, mas merong regulasyon at namomonitor ang tubig mula sa gripo. Ang mga bottled
water ay kulang sa sampling at walang obligasyon na isiwalat ang impormasyon hinggil sa laman nito o ang
mga proseso sa paggawa nito

Sabagay, may punto ang report. Minsan nga, sa isang establisimento na naantala ang inorder na
mineral water, merong nagbiro na nagkabit ng paskel na may nakasulat na “funeral water” sa basyong galon
ng tubig sa water dispenser na ibig sabihin ay nagmula lang sa gripo ang lamang tubig nito. Parang ang
pahiwatig ay masamang inumin ang galing sa gripo.

Nadiskubre ko rin minsan nang hindi sinasadya sa isang maliit na kainan na tubig mula sa gripo lang
ang nasa water dispenser nila. Kailangan pa talaga nilang magpanggap kahit ligtas namang inumin ang tubig
mula sa gripo. Batay nga sa report, ang popularidad ng bottled water ay lumilikha ng panlahatang
paniniwala na delikadong inumin ang galing sa gripo.

Paano maiiwasang ma-hacked ang FB?

ILANG eksperto sa social media ang nagmumungkahi ng mga paraan kung paano makakaiwas na
ma-hacked ang Facebook account. Sa mismong website ng Facebook, meron naman itong mga tinatawag na
security measures para hindi ma-hacked ang account. Perwisyo rin kasi kung ma-hacked ang account lalo
kung mawawala ang mga importanteng contact o ginagamit ito sa trabaho, negosyo, pag-aaral,
pakikipagkaibigan, at iba pa.

Isa sa mga iminumungkahi ang pagbukas sa two-factor authentication. Dito, pana-panahon kang
magpapasok ng isang special code bilang dagdag sa iyong password tuwing magla-log in ka sa isang bagong
gadget. Kahit makuha ng hacker ang log-in (username) at password, hindi mabubuksan ang account nang
walang code. Pumunta lang sa setting and privacy, setting, security and login, two-factor authentication, i-
klik ang “edit” at ipasok ang password. Makakakita ng tatlong mapagpipiliang paraan. Isa rito ang sa text
message. Magti-text ang Facebook sa cell phone number na nakarekord sa account sa FB website o app
kapag magla-log in pagkatapos ipasok ang password.

Pangalawa ang authentication app. Kailangang magbukas ng isang third-party app tulad ng Twilio’s
Authy o Google Authenticator para makakuha ng numeric code sa halip na message. Mapapangalagaan dito
laban sa seryoso pero hindi karaniwang klase ng hack na tinatawag na SIM swap.

Pangatlo, ang security key. Sa halip na text message o smartphone app, maa-authenticate ang
identidad sa pamamagitan ng isang physical security key. Pero sinasabi ng ilang eksperto na hindi ito
kailangan nang malawak na mayorya ng karaniwang mga FB user.

Kailangang tiyakin na ang email address na nakatala sa FB account ay bago at madalas na ginagamit
sa kasalukuyan, aktibo at gumagana. Kapag luma at hindi na gumagana ang lumang email na nasa
Facebook, halos imposible nang mai-reset ang iyong password kapag emergency. Ang iyong email account
ay dapat ding merong malakas at kakaibang password at merong two-factor authentication. Kahit meron ng
two-factor authentication, kailangan pa rin na merong kakaiba at malakas na password. Password na
mahirap hulaan at hindi ginagamit sa ibang account o services.

Kapag nakakatanggap ng message mula sa sinuman—kaibigan, miyembro ng pamilya o opisyal na


mukhang estranghero na humihingi ng tulong, security code o pera, o ng iyong personal na impormasyon,
huwag sumagot. Kontakin sila sa ibang paraan para mapatunayan kung totoo.

Huwag ipaalam kahit kanino ang password o code. Kahit kailan ay hindi iti-text, padadalhan ng
email o tatawagan ng Facebook para hingin ang log-in information o two-factor authentication. Iwasang
iklik ang matatanggap na kahina-hinalang mga link. Gamitin ang browser para magbukas ng Facebook
homepage at mag-log in doon.

Magpalit agad ng password kapag napansing may ibang nagtatangkang magbukas ng FB account.
Para malaman kung may nakakapag-log in sa FB account, pumunta sa settings and privacy, settings,
security and login, setting up extra security. Iklik ang option na “Get alerts about unrecognized logins.”
Nabatid na takda nang tanggalin ng Facebook ang feature na ito at sinabing awtomatiko na nitong sasabihan
ang mga tao sa pamamagitan ng app sa hinaharap.

Literatura ng makina

PAANO nga ba gumawa ng mga tula, kuwento, sanaysay o nobela? Maraming paraan. Walang nag-
iisang pamantayan sa pagsusulat ng ganitong mga anyo ng literatura. Kung minsan, humahalaw ito sa
sariling karanasan ng ibang mga tao o sa sariling karanasan ng manunulat, sa kasaysayan, sa mga nagaganap
sa kapaligiran, bumabatay sa iba’t ibang klase ng mga impormasyon o sitwasyon sa buhay, pagbabasa ng
mga obra ng mga premyado at kilalang manunulat dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa o kahit anong
klaseng libro. Merong malalalim at merong mabababaw, hilaw at hinog.

May mga nagsasabing malaking bagay din ang merong inspirasyon at mahabang karanasan sa buhay
sa pagsusulat. Sabi nga ng isang namayapa nang matandang beteranong manunulat, para epektibo kang
makapagsulat ay dapat maranasan mo rin ang magmahal, mabigo, magtagumpay, masaktan, umiyak,
tumawa, maligayahan, mainis, mabuwisit, malungkot, magdusa, sumigaw, masindak, maghirap, matakot,
mabalisa at ibang damdamin o emosyon na likas sa tao.

May pagkakataong bigla na lang kumikislap sa isip ng isang makata, kuwentista, tagasanaysay o
nobelista ang mga ideya o konsepto ng dapat niyang isulat. Bumubukal mula sa kanyang puso at kalooban
ang kanyang akda. Natural na dumadaloy ito mula sa kanyang kamalayan at kalooban. Nagkakaroon ng
kaluluwa ang nalilikhang obra.
Paano naman kung ang magkukuwento, tutula, magsasanaysay o susulat ng nobela ay isang
programa sa computer? Anong klase ng akda ang malilikha ng isang makina?

Mga usapin na maibabato sa bago at sumisikat na artificial intelligence na Chatbot na tinatawag na


ChatGPT—Isang klase ng search engine na tulad ng sa Google pero nakakausap na parang tao at
nakagagawa ng mga sanaysay at tula sa iba’t ibang lengguwahe. Pero hilaw, kulang sa damdaman at hindi
kakikitaan ng mga talagang katangian ng mga akdang pampanitikan na gawa ng totoong tao. Inaamin naman
ng ChatGPT ang kanyang mga kahinaan sa aspetong ito.

Sinubukan kong magpagawa rito ng isang tula, sanaysay o maikling kuwento pero ang isinulat niya
ay hilaw, depektibo sa grammar, mababaw, kulang sa damdamin at hubad sa mga katangian ng akdang gawa
ng tao.

Sabi nga nito sa mga sagot sa tanong na pinagsama ko rito, “Isa akong makabagong chatbot na may
kakayahang maglikha ng mga tula, kuwento at sanaysay sa wikang Filipino. Ngunit mahalagang tandaan na
bilang isang chatbot, hindi ko kayang maunawaan ang lahat ng konteksto at kahulugan ng mga salita at
pahayag, kaya maaaring hindi ganap na naiintindihan ang mga emosyon o kahilingan sa isang tula o
kuwento.

“Bilang artificial intelligence, ang aking kakayahan ay limitado sa paggawa ng mga sulating teknikal
at pangkalakalan. Bilang isang wika, ang Filipino ay may malawak na bokabularyo at naglalaman nang
maraming salitang may malalim na kahulugan, na maaari kong gamitin sa pagbuo ng isang kuwento o
nobela.

“Ngunit, ang kakayahan ko na gumawa ng isang masining at makabuluhang nobela ay limitado sa


aking programasyon at sa aking abilidad na maunawaan ang kahulugan at kalikasan ng pagiging tao, na
maaring humantong sa hindi wastong interpretasyon ng mga sitwasyon o character.”

Maraming puwedeng isipin at pagdebatehan sa abilidad na ito ng ChatGPT sa larangan ng panitikan.


Maaaring mapaunlad pa ito sa ibang darating na panahon pero ano ang magiging epekto nito sa mga
kabataang estudyante? Puwede bang tanggapin halimbawa ng titser ang sanaysay na isusumite ng kanyang
estudyante pero pinagawa lang pala nito sa ChatGPT? Ngayon pa nga lang, may mga eskuwelahan sa ilang
mga bansa na ipinagbabawal ang ChatGPT.

A.I. ngayon, O.I. bukas?

SA makabagong panahon ngayon, isa sa mga teknolohiyang pinakikinabangan ng mundo ang


tinatawag na Artificial Intelligence (A.I.). Nagagamit ito sa maraming larangan sa pribado man o
pampublikong sektor tulad sa medisina, negosyo, industriya, edukasyon, seguridad, pinansiyal na
transaksyon, pagbabanko, komunikasyon, astronomiya, pananaliksik, transportasyon, komersiyo,
navigation, militar, pulisya at iba pa.

Ang tinatawag na biometric o ang facial recognition sa cell phone o voice recognition halimbawa ay
gumagamit ng A.I. Isang klase rin ng A.I. ang search engine ng Google at ChatGPT, Netflix, Youtube,
drone, self-driving cars, virtual o digital assistants, at iba pa.

Marami na ring klase ng mga robot at computer kahit mga satellite ang ginagamitan ng ganitong
teknolohiya. At habang patuloy ito sa pag-unlad, patuloy na nadaragdagan ang gamit ng A.I. sa araw-araw
na buhay ng tao.

Walang kabatiran kung ano naman ang susunod na bagong uusbong na teknolohiya pagkatapos ng
A.I.. Baka itong tinatawag na Organoid Intelligence (O.I.) na niluluto sa kasalukuyan ng ilang mga
researcher at scientist sa ilang mga bansa. Ito ang pinag-eeksperimentuhan nilang mas makabagong
computer na may sariling utak na gawa mula sa mga laman o selula ng tao. Sa madaling-sabi, computer na
may sariling pag-iisip.

Pinaplano nilang magpalaki at magparami ng mga brain cell na tinatawag nilang organoid at lumikha
ng teknolohiyang magbibigay-daan para ang mga selulang ito ay maging mas makapangyarihan at mas
mahusay na computer. Isang grupo ng mga researcher, ayon sa isang isyu ng Popular Mechanics
kamakailan, ang nagbinyag dito ng pangalang Organoid Intelligence o O.I. at plano nilang maisakatuparan
ito.

Umaasa ang mga researcher na ito na makakagamit sila ng mga sample ng mga tissue mula sa
katawan ng tao para makalikha ng maliliit na koleksyon ng mga selula ng utak na magagamit bilang kapalit
ng standard na silicon computer chips.

Umaasa rin ang mga researcher na ang mga maiimbentong OI na computer ay magagamit sa pag-
aanalisa at paghahanap ng remedy sa kundisyon ng mga tao na merong kapansanan sa pag-iisip, memorya o
Alzheimer’s disease.

“Halimbawa, maaaring paghambingin natin ang pormasyon ng memorya sa organoid na nakuha


mula sa malusog na tao at yaong nagmula sa pasyenteng may Alzheimer at subukang kumpunihin ang mga
depekto,” sabi ni Thomas Hartung, isang researcher sa Johns Hopkins University at isa sa mga awtor ng
pag-aaral na lumabas sa Popular Mechanics. “Maaaring gamitin ang OI para subukan kung may mga
substances na tulad ng pesticide na nagdudulot ng problema sa memorya o learning problem,” dagdag pa
niya.

Bago pa lamang naman ang konseptong ito ng O.I. kaya kahit ilang taon na itong pinag-
eeksperimentuhan, matagal pa bago masagot o malinawan ang mga tanong, usapin, implikasyon o
kumplikasyon na maaaring umusbong o umuusbong kaugnay ng ganitong teknolohiya.

Tulad ng kuwestiyon kung okay lang ba na gamitin ang selula ng tao sa paglikha ng computer?
Maaari bang magkaroon ng kamalayan ang computer na gawa sa selula ng tao? Iyong kamalayan na tulad ng
sa buhay na tao na merong kamalayan.

Puwede bang mangyari at hahayaan bang mangyari na ang isang computer ay may sariling isip tulad
ng sa tao, makakagawa ng sarili niyang opinyon at pagsusuri, makakapagdesisyon nang mag-isa, magiging
mapanuri, maaaring manghusga o humatol, at iba pang mga katangian sa utak na meron ang tao? Mga
tanong na karaniwan ding ibinabato sa mga nalilikhang robot sa kasalukuyang panahon.

ChatGPT: ‘Papatay’ nga ba sa Google?

ISA sa mga matunog na usapin sa teknolohiya sa kasalukuyan ang ChatGPT (Chat Generative Pre-
Trained Transformer) na noong Nobyembre ng nagdaang taon nagsimula ang operasyon at sinasabing
“papatay” sa search engine na Google.

Pero, dahil halos tatlong buwan pa lang ang operasyon nito, inaamin maging ng mga tagagawa nito
na meron pa rin itong mga kahinaan at depekto tulad ng ilang maling datos at impormasyon na kailangan
pang mapabuti. Halos wala naman itong kaibahan sa ibang mga chatbot na tinatawag ding virtual assistant o
digital assistant.

Pero puwede itong kausapin ng tulad ng isang tunay na tao at maaaring tanungin sa maraming bagay
at sasagot sa bawat tanong. Nakakagawa ng mga sanaysay, tula, payo, imahe at suhestiyon sa mga personal
na usapin.
Marami na namang naglipanang chatbot sa internet. Ano itong chatbot? Isa itong klase ng computer
program na gumagamit ng A.I. at natural language processing. Tinawag lang siyang “bot” pero hindi siya
tulad ng robot. Maraming website sa internet ang meron nito.

Ginagamit ito ng iba’t ibang pribadong mga kumpanya, pampublikong utilidad, ahensiya ng
pamahalaan, pamantasan, ospital, banko, pribadong institusyon at iba pa para tugunan ang mga
pangangailangan o katanungan ng kanilang mga kustomer, kliyente o ibang mga taong nakikipag-ugnayan
sa kanila.

Tila napapansin lang ang ChatGPT dahil sa abilidad nito na maunawaan at sumagot sa mga prompts
na nakasulat sa ordinaryong lengguwahe. Mas malawak ang makukuhang impormasyon dito kumpara sa
mga limitadong datos na ibinibigay ng mga chatbot ng ilang mga website at naiiba ang pamamaraan ng
kanyang mga pagsagot sa mga tanong.

Pero mapapanaligan ba ang mga datos at impormasyong ibinibigay nito? Hindi naman ito agad
nagbibigay ng source o kung saan nagmula ang mga datos at impormasyon. Sa paggawa ng mga research
paper, thesis, o ibang mga kaukulang report, meron bang legalidad o puwede bang tanggapin dito ang mga
datos na makukuha sa ChatGPT?

Tatanggapin ba ng isang titser halimbawa na ang sagot na ibinigay ng estudyante ay nagmula sa


chatbot na ito? Pakikinggan ba sa korte ang mga argumentong ibinatay sa mga impormasyong hango sa
ChatGPT?

Mukhang tinablan naman ang Google sa paglabas ng ChatGPT dahil lumikha rin ang una ng sarili
nitong chatbot na panlaban sa ChatGPT.

Sabagay, napakaaga pa para husgahan ang ChatGPT na kinakitaan agad ng malaking potensiyal
bilang A.I. Milyun-milyon na ang tumatangkilik dito pero napakalayo pa ang agwat nito laban sa
napakalaking bilang ng mga gumagamit ng Google lalo na bilang search engine.

Huwag lang kalimutan na isa rin itong negosyo. Libre naman ang ChatGPT kung ang gagamitin ay
ang basic version at meron nang bayad kung mas mataas na bersiyon ang gagamitin.

Kailangan nga lang marahil beripikahin sa iba ang mga impormasyong nakukuha sa ChatGPT na ito
lalo pa at “sanggol” pa lang ito sa edad na tatlong buwan. Mahirap madala o mabola agad sa mga
mabulaklak at matatamis na mga kuwento at paliwanag hinggil sa kagandahan ng makabagong chatbot na
ito.

Maaari ngang malaos dito ang search engine o ang sariling chatbot ng Google dahil wala namang
bagay sa mundo na tumatagal nang habampanahon lalo na kung higit pang mapauunlad ang ChatGPT.

You might also like