You are on page 1of 8

COVID 19 Krisis: Sanhi at Bungang Dulot sa Lipunan

Ang Corona Virus Disease 2019 o COVID19 ay isang pandemic na sakit na


lumalaganap sa ilang mga bansa sa buong mundo. Kabilang na dito ang mga bansang
China, United States of America, Italy at ang ating bansang Pilipinas. Nagsimula ito
noong Disyembre taong 2019 hanggang kasalukuyan na tinawag bilang Novel Corona
Virus o NcoV. Nagsimulang nagkaroon sa Wuhan City, Hubei province, China.
Pinaniniwalaang ang sakit na ito ay isang zoonotic virus na maaring maisalin ng mga
hayop sa tao o kaya’y ng tao sa mga hayop. Ang nakamamatay na sakit ay hindi naiiba
sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome

(MERS) na pawang mga sakit na may kaugnayan sa komplikasyon sa paghinga. Ang


ilan sa mga sintomas ay nakararanas ng sakit na pagkakaroon ng pneumonia, flu, cold
at mahinang immune system. Ito ay kawangis ng mga natural na sintomas,
kinakailangan na magpatest upang malaman kung positibo na sa COVID19. Bakit
lumalawak ang apektado ng sakit na ito? Ayon sa pag-aaral ng mga mananaliksik at sa
mga doktor na ang sakit na ito ay lubhang nakahahawa kung kaya ang mga taong
mayroong kwento ng paglalakbay o pagtungo sa Wuhan, China at pumunta pa sa iba’t
ibang dako ng mundo ay apektado o napapasahan ng sakit na ito. Paano ba
mapoprotektahan ang sarili sa COVID19? Kailangang punog-puno tayo ng kaalaman sa
kinakalaban na sakit. Naipapasa ito mula sa respiratory droplets o sa pag-bahing at
pag-ubo kung kaya’t kailangang magsuot palagi ng face masks, surgical gloves ;
manatili sa bahay; maghugas ng kamay at dumistansya ng 6 na talampakan sa kausap
o sa kapwa. Sa mga madali at simpleng pamamaraan na ito ay maaari na nating
protektahan ang ating pangangatawan.

Hindi biro ang kalagayan ng karamihan ng mga bansa sa buong mundo.


Kabilang na dito ang ating bansang Pilipinas na sa kasalukuyan ay ikatlo sa maraming
kaso ng COVID 19 cases sa Southeast Asia. Marami ang namamatay at nagkakaroon
ng sakit na ito kaysa sa mga gumagaling. Ganito kalubha ang kalagayang
pangkalusugan ng ating bansa ngayon. Wala pang gamot na nalikha para puksain ito.
Hindi rin matukoy ang pinagmulan at pinanggalingan ng sakit na ito kung kaya’t
nakikipaglaban tayo nang hindi natin nakikita ang kalaban. Mas lalo pang nagpapahirap
sa ating kalagayan ang estadong pang-ekonomiya ng ating bansa bagamat tayo’y isang
third class country lamang hirap tayong panatilihin at tugunan ang ating
pangangailangan na nagbubunsod sa mga Pilipinong nagugutom at nagkakasakit.

Dahil sa krisis na ito, pangamba ang dulot nito sa ating mga buhay. Marami ring
pagbabago ang nangyari sa ating bansa at sa pang-araw-araw na pamumuhay. Narito
ang ilan sa mga sanhi at bunga ng mga ginawang hakbang ng gobyerno at
nangyayaring realidad sa kasalukuyan na dapat bigyang pansin ang mga sumunsunod:

Enhance Community Quarantine

Nagpahayag si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isasailalim sa ECQ ang ating


bansa noong Marso, 2020 upang maiwasan ang pagdami ng mga positibong kaso nang
COVID19 sa bansa. Sinabi niya na tayo’y nakararanas ng Public Health Emergency
kung kaya hindi dapat ipagsawalang bahala ang virus na ito. Sa pamamagitan ng ECQ
hindi makapapasok at makalalabas ng bansa dahil sa lockdown; ititigil na muna ang
pagpasok sa mga trabaho; gayundin ang mga pampublikong transportasyon ay ititigil na
muna sa pagpasada; hindi na rin magbubukas ang ilang mga negosyo at paaralan;
hindi na rin maaring lumabas ng bahay o pumunta kung saan-saan kung hindi naman
importante ang lakad at kailangang panatilihin ang distansya sa bawat isa. Nagpasa rin
ng utos ang pangulo na ang bawat munisipalidad at ang mga LGU employees ang
mamamahala sa seguridad at pangunahing pangangailangan ng kanilang komunidad
gaya ng pagkain. Inuutos rin ng pangulo na sumunod tayo sa mga awtoridad at huwag
magpasaway. Mga ospital, banko, parmasya, pamilihan ng grocery at ilan pang mga
pasilidad na naghahatid ng ating pangangailangan ang maaring magbukas ngunit
kailangang magsuot ng mask, gloves at panatilihin ang distansya sa isa’t isa.

Ayon sa mga kondisyon na nakapaloob sa ECQ, masasabi kong nag-bunga ito


ng 85% dahil totoong napigilan ang pagdami ng kaso sa COVID19 kahit may ilan na
nagkakaroon pa rin ng nakamamatay na pandemya na ito dahil sa hindi pagsunod sa
ECQ o kaya’y mahina ang kalusugan. Sa kasalukuyan ay nasa apatnapung (40) araw
na tayo nasasailalim sa ECQ ngunit sa kasamaang palad ay patuloy pa rin ang pag
akyat ng bilang ng mga nagpopositibo, namamatay at may gumagaling rin naman.
Sinasang-ayunan ko rin ang hakbang na ito ng pangulo. Dahil sinolusyunan niya rin ang
bunga ng kanyang mga desisyon. Iminungkahi niya na magtulungan ang mga Pilipino
sa paglaban sa COVID19 sa paraan ng pag-intindi ng mga malalaking negosyo sa
kapakanan ng kanilang mga manggagawa; pagbigay ng compensation sa health
workers; magpasweldo pa rin o ibigay ang 13th month pay ng mga mangagawa; hindi
pagsingil sa mga bills, rent at membership fees at ang makapagtrabaho mula sa bahay
kung maari. Naging rasonable at epektibo ang hakbang na ito sa pag-sugpo ng krisis na
hindi natin nakikita at sa pag-laban sa araw-araw na pamumuhay sa kabila ng pagiging
mahirap nang ating bansa.

Mga Frontliners at Backliners

Ang R.A. 11469 “Bayanihan to Heal as One Act” ay ang batas na itinaguyod upang
maisagawa ang pinansyal na hakbang upang makatulong sa ating kababayan higit na
sa ating mga frontliners at backliners. Ang mga doktor, mga nars, mga sundalo, mga
pulis, mga empleyado ng munisipyo, mga mambabatas at iba pa ay ang ating mga
frontliners. Ang mga magsasaka, mga guro, mga artistang tumutulong, ang mga
tumutulong maging sa maliit na pamamaraan at tayong sumusunod sa ECQ ay
maituturing na backliners. Lahat tayo ay nasa panganib ang buhay. Higit na nasa
alanganin ang buhay ng ating mga frontliners dahil sila ang nakasasalamuha at
tumutulong upang mapagaling ang mga kababayan nating may COVID19. Ang mga
backliners naman ay tumutulong sa pamamagitan ng paghahatid at pagbabahagi ng
kanilang makakaya upang makatulong sa mga nagugutom nating kababayan. Walang
pinipili ang sakit na ito, mayaman o mahirap, bata man o matanda at propesyunal man
o ordinaryong tao. Ang konsepto ng batas na RA 11469 ay tiyak na makakatulong na
malampasan ang pandemya na ito.

Layunin ng sanhi na ito na paigtingin ang pagkakaisa ng mga Pilipino at ang pagsa-
sakripisyo para sa ikabubuti ng nakakarami. Alam ng ating mga frontliners na buhay nila
ang kanilang inaalay sa pagsugpo ng krisis na ito sa ating bansa ngunit hindi sila
humihinto sa panggagamot at sa pagpunta sa kanilang mga trabaho upang pagsilbihan
ang kanilang bayan. Marami nang namamatay sa ating mga frontliners. Masama ang
balitang ito ngunit hindi natin ito kontrolado sapagkat hindi natin nakikita ang ating
kalaban. Nakakalungkot man itong isipin ngunit hindi malilimutan ng lahat ang kanilang
kabayanihan at lubos ang pasasalamat ng lahat sa kanilang matapang na pagsesrbisyo
sa kabila ng hamon ng COVID19. Makikita ang pagiging epektibo ng RA 11469
bagamat may mga tao pa ring nagpapasaway at makasarili. Marami pa rin ang tunay na
maka-Pilipino na handang tumulong sa pamamagitan ng “small acts of kindness” na
palihim man o lantaran kung tumulong ay nakatutulong pa rin. Iyon ang mahalaga sa
panahong ito.

Pamumulitika at Reklamador na Pilipino

Sa kabila ng krisis na pinagdadaanan natin sa kasalukuyan, pinapairal pa rin ng


mga politiko ang pamumulitika sa pagbabahagi ng tulong na nagmula naman sa pera
ng taumbayan. Inilalagay nila ang kanilang pangalan sa mga binibigay na tulong o di
kaya’y hindi buong ibibigay ang mga tulong at ang mas masaklap ay sa mga ka-alyado
lamang ang nakatatanggap ng tulong. Mayroong mga reklamador na Pilipino na
nagpapahayag ng kanilang saloobin sa social media na hindi pinag-iisipang mabuti ang
mga sinasabi. Hindi na maganda ang kalagayang pang-kalusugan ng bansa ngunit
pinapairal pa nila ang mataas na pagtingin sa sarili na imbis sumunod ay mas lalong
nag-poprotesta.

Hindi maganda ang bunga nito sa krisis na ating kinakaharap. Ipinapahamak nila
ang kanilang sarili lalo na ang buhay ng nakararami. Ang pamumulitiko ay
nakahahadlang lamang sa pamamahagi ng tulong at hindi nakatutulong. Sa kalagayan
ng ating bansa, dapat na kalimutan na muna ang bangayan sa pulitika at magtulungan
bilang mga Pilipino na mamamayan ng Pilipinas sapagkat wala namang magagawa ang
pagkilalang iyong matatanggap kung ika’y tinamaan na ng sakit na ito. Gayundin sa
mga reklamador na mga Pilipino na hindi na iginalang ang kanilang sarili sa paggamit
ng kanilang karapatan sa pagpapahayag. Paano diringgin ng gobyerno o ng iyong
kapwa kung ang iyong mga sinasabi ay hiwalay na sa iyong katawan na puro batikos at
makasariling opinyon lagi? Isipin mong pinapalala mo lamang ang sitwasyon ng iyong
sariling bayan. Magbubunga ito ng marami pang problema ayon lamang sa salitang
iyong bibitawan. Maaaring sumunod na lamang at ipahayag ng maayos ang iyong
sentimento. Sundin ang ECQ, isipin ang mga frontliners at isabuhay ang mungkahing
pagkakaisa o “WE HEAL AS ONE.”
Semana Santa ngayong COVID-19

The pandemic is not a judgment from God, but a time for us to judge, to choose what
matters and what passes away...It is a time to get our lives back on track. –Pope
Francis

Dahil napapasa-ilalim tayo sa ECQ maging ang mga gawaing pang-simbahan ay


natigil bawal ang mass gatherings, prusisyon at maging ang iba pang aktibidad ng
simbahan ay itinigil muna. Ngunit hindi titigil ang simbahan sa paggunita ng muling
pagkabuhay at pagkamatay ni Hesus. Sinasariwa ng Semana Santa ang sakripisyo at
pag-ibig sa atin ng Poong lumikha at ng Kanyang anak na si Hesus. Ipinapaalala sa atin
na minsan na tayong iniligtas ni Hesus sa ating mga kasalanan at gaya nga ng winika ni
Pope Francis na kailangan na natin magbalik loob sa turo ng Diyos at ayusin na ang
ating buhay sa pagpili lamang ng nararapat at pag-layo sa mga bagay na nakakasama
sa iyong buhay. Ang turo ng simbahan ay hindi natigil kahit may ECQ kung kaya’t
huwag nating hahayaan na tumigil din ang ating buhay dahil hindi na natin magawa ang
ating nakasanayan. Sa apatnapung (40) araw sa loob ng bahay natutuhan kong hindi
mahalaga ang materyal na bagay o ano pa mang pansamantalang bagay na
nakapagpapasaya sa akin. Ang higit na mahalaga ay ang relasyon sa pamilya, pagiging
makatao at relasyon sa panginoon.

Ang paggunita sa Semana Santa ay ginawa sa pamamagitan ng teknolohiyang


mga behikulo gaya ng pag-mimisa sa Facebook Live, Youtube at iba pang media.
Mayroon ding mga parokya na ipinarada ang krusipeyo at ang Pari lamang ang
nakasakay sa kotse upang ipaalala ang pagkamatay ni Hesus at ang ilan na may mga
Santa o Santong inaalagaan at binibihisan ay inilabas sa pinto ang mga imahe o statue
at dinadaanan ng pari at binibendisyunan na isinasalang-alang pa rin ang distansya sa
kapwa. Dahil sa pamamaraang ito, nagigising ang mga natutulog na diwa ng mga tao at
ipinapaalala ang totoong misyon at bisyon sa buhay na regalo ng panginoon sa kanila.
Mahalaga sa akin ang Semana Santa, ang aming pamilya ay tradisyon na maging
bahagi ng paggunita nito kung kaya’t isa ito sa kakaibang pagdiriwang namin ng
semana santa ngayong may kinakaharap na krisis pang-kalusugan ang ating bansa.
Social Amelioration Program

Katatapos pa lamang ng pamamhagi ng Social Amelioration Program (SAP) na


nagbibigay ng halagang limang libo (P5,000.00), ito ay tulong mula sa ahensya ng
Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and
Employment (DOLE) na kaugnay sa ipinasang batas na RA 11469. Maraming reklamo
na naman ang narinig sa mundo ng social media. Hindi iniintindi ng mga tao ang mga
paliwanag at pamantayang binibigay ng mga ahensyang ito dahil sarado ang kanilang
isip at ang nais lamang nila ang pinapakinggan. Dahil limitado ang pondo ng gobyerno
na nagpapatotoo lamang na hindi gaano maunlad ang ekonomiya ng ating bansa, hindi
lahat ay makatatanggap ng tulong na ito. Maraming hinaing ang mga middle class at iba
pang mga hindi nakatanggap. Mayroon din namang hindi sumunod at niloloko ang sarili
upang makakuha sa SAP at lumala lamang ang kanilang sitwasyon. Ang iba namang
pasaway na nakakuha ay inaabuso ang tulong na bigay ng gobyerno dahil ipinang-
iinom at ipinang-susugal pa ang tulong na nakuha mula sa SAP.

Bunga ng mga sitwasyong ito, may karampatang parusa ang mga sumuway sa
mga tuntunin ng pamamahagi ng tulong para sa apektado ng COVID19. Ang pumila
kahit alam niyang hindi siya kwalipikado dahil miyembro na siya ng 4Ps ay natanggal sa
pagiging miyembro. Ang mga nahuling nag-iinuman sa kabila ng liquor ban at mga
nagsusugal na nahuli at ang ginamit pang pera ay ang nakuha mula sa SAP ay
ikinulong at pag-papiyansahin pa. Hindi mawawala ang mga pasaway na tao kung
kaya’t napakahalaga ng pagsulong ng mga batas at ang tuwirang pagpapatupad nito.

Lawlessness ng mga Rebelde: Pagkamatay ng mga Sundalo

Ang mga sundalo ay kabilang sa ating mga frontliners na nagbibigay ng tulong at


nagsasagawa ng mga iniaatas ng pangulo kahit alam nilang nasa paligid lamang ang
kanilang mga kalaban. Dahil sinabi ng pangulo na isantabi na muna ang bangayan ng
rebelde kontra gobyerno inaabutan ng tulong lahat ng Pilipino walang pinipili ang mga
sundalo at iba pang mga ahensya. Ngunit sa kasamaang palad, ilang araw pa lamang
ang nakalilipas na pagkamatay ng ilang sundalo at ang ilan naman ay kritikal ang
kundisyon mayroon na namang bagong insidente na pinatay ang dalawang sundalo na
mag-aabot lamang ng tulong na pagkain para sa ating mga kababayan. Nakalulungkot
ang ganitong pangyayari, sa kalagayan natin sa krisis na ito ay hindi nila maisantabi
ang sariling prinsipyo para sa ikakabuti ng nakakarami.

Nagpupuyos ang damdamin ng ating pangulong Duterte sa balitang ito. Kung


hindi pa raw tumigil ang mga patayan ay isasailalim niya naman ang bansa sa Martial
Law. Lubha na ang kasamaan ng ilan sa mga tao na imbis makatulong ay mas lalong
pinasasama ang sitwasyon.

General Community Quarantine

Matatapos na ang ECQ sa darating na Abril 30, 2020 kung kaya inilahad na ng
pangulo ang susunod na hakbang na gagawin upang maibalik na sa dati ang
sirkulasyon ng buhay ng mga Pilipino. Napagdesisyunan na nila na maging maluwag na
sa ibang mga probinsya na wala o kaunti ang kaso ng COVID at palawigin pa ang ECQ
sa mga lugar na marami ang kaso ng COVID mula Mayo 1 hanggang Mayo 15, 2020.
Layon ng GCQ na unti-unting pagbalik ng mga trabaho sa pagbubukas ng mga gusaling
pinagtatrabahuhan at transportasyon. Limitado pa rin ang paglabas ng mga tao, ang
maaari lamang lumabas ay ang edad 22-60; gagamit pa rin ng mask at kailangan pa rin
ang quarantine pass. Magbubukas na ang ilang malls at ang mga unibersidad ngunit
kailangan pa rin ang social distancing at bawal pa rin ang mga gawaing kailangang ang
paglahok ng maraming tao. Ang Camarines Sur ay napapasailalim na sa GCQ ngayon
ngunit mayroon pa ring kaso sa Naga City dahil hinihintay pa natin ang magiging resulta
o epekto ng GCQ sa pag dating ng Mayo 1, 2020, hindi pa rin natin maaaring sabihing
ligtas tayo sa banta ng pandemiyang ito. ECQ man GCQ huwag tayong mapanatag at
maging maluwag sa pag-asikaso ng ating kalusugan at ng ating pamilya.

Iilan lamang ang mga nabanggit sa mga sanhi at bunga ng mga ginawang
hakbang ng gobyerno at nangyayaring realidad sa kasalukuyan. Hindi ito isang laro
dahil buhay ang kinukuha nito at ang pag-asa ng mga Pilipino. Hindi lamang kalusugan
ang pinapahina ng COVID19 krisis na ito kundi maging ang saykologikal at emosyunal
na estado nating mga Pilipino. Nararapat lamang na tulungan natin ang isa’t isa bilang
mamamaayang nagbabayanihan at nagmamahalan. Makiisa tayo sa “WE HEAL AS
ONE. FLATTEN THE CURVE. WE ARE IN THIS TOGETHER” na kampanya. Gawin
natin ang hinihingi ng gobyerno na manatili sa bahay at alagaan ang sarili dahil para rin
ito sa ikakabuti natin at ng bayan. Lahat ng sakuna atin ng nalampasan, makakaya
natin ito basta’t samasama sa ispiritwal na paraan (dahil hindi maaari sa pisikal sa
kasalukuyang sitwasyon). Iisa lamang ang ating buhay. Huwag natin itong sayangin.
Magpasalamat at pangalagaan ang buhay na handog ng Maykapal. Tumulong ng taos
sa puso. Pagnilayan ang iyong misyon sa buhay na ito. Marami kang oras upang
tukuyin kung anong adhikain ang iyong sisimulan, mga bagay na dapat mo ng itigil at
mga bagay na dapat mo pang ipagpatuloy. Ganito lamang ang buhay, nadadapa,
nababasag, nabibigo pero kapag kasama mo ang Diyos may lakas ka para bumangon,
gumaling at lampasan ang hamon ng buhay. COVID19 lang yan, likha tayo ng Diyos at
kasama natin siya.

Checked by:
(Signed)
Ms. Vanessa V. Ballore
5/4/2020

Mahusay ang mga ginamit na mga salita lalo na ang daloy ng mga kaisipan at pagkakalahad. Ipagpatuloy
ang magandang nasimulan. Ang isang pagiging manunulat ay saiyo’y nakaabang 

You might also like