Professional Documents
Culture Documents
Ang Pagtitipon
Nakatakdang ganapin sa gabing iyon ang marangyang handaan sa tahanan ni Don
Santiago Delos Santos o mas kilala bilang si Kapitan Tiyago. Ang nasabing handaan ay
upang magsilbing pasalubong sa isang binatang kagagaling lamang sa Europa, na hindi
iba sa Kapitan sapagkat ito ay anak ng kanyang matalik na kaibigan. Ang pagsalubong
ay gaganapin sa kanyang bahay sa kalye ng Anluwage. Napuno ng mga panauhin ang
tahanan ni Kapitan Tiyago, sapagkat sa lugar na iyon, isang malaking karangalan ang
maging panauhin ng Kapitan. Kilala siya bilang taong nabibilang sa mataas na lipunan
at matulungin sa mga mahihirap. Si Tiya Isabel na pinsan ng Kapitan ang taga-istima ng
mga bisita, at sadyang magkakahiwalay ang mga panauhing babae sa mga lalake.
Nagpakahuling dumating ang ibang mga panauhin, kabilang na sina Dr. de Espadaña
at ang kabiyak nitong si Donya Victorina. Sa lahat ng mga panauhin ng Kapitan, hindi
nagpapahuli ang kinatawan ng simbahan sa pangunguna nina Padre Sibyla, ang kura
paroko ng Binundok; Si Padre Damaso na sadyang magaslaw kumilos at magsalita;
dalawang paisano; at si Tenyente Guevarra, ang tenyente ng guardia civil. Bawat grupo
ng mga panauhin ay may kani-kaniyang paksa, isang pagkakataon upang
ipagparangalan ang kani-kanilang saloobin, humanap ng papuri, at makipag-tagisan ng
kuro-kuro. Napag-usapan sa gabing iyon ang tungkol sa mga Indio na walang iba kundi
ang mga Pilipino; ang tungkol sa pagkakatanggal ni Padre Damaso sa Parokya ng San
Diego sa kabila ng paninilbihan nito ng matagal na panahon; ang tungkol sa pulbura at
armas, monopolyo ng tabako at iba pa. Hindi na pinalagpas ni Pare Damaso ang
pagkakataon upang ihayag niya ang matinding panlilibak sa mga Indio, na ayon sa
kaniya ay mga hamak at mabababang uri ng nilalang. Gumawa naman ng paraan si
Pare Sybila na ibahin ang usapan at ito ay napadako sa pagkakatanggal ni Padre
Damaso bilang kura paroko sa loob ng 20 taon. Ayon kay Pare Damaso, hindi dapat
nakikialam ang hari ng Espanya sa pagpaparusa sa mga erehe sapagkat ito ang
nararapat. Ito naman ay tinutulan ng Tinyente at inilahad na ang nangyaring parusa ay
marapat lamang sa pananaw ng Kapitan Heneral. Ipinaliwanag din nito na ang dahilan
ng kanyang pagkakalipat ay sapagkat pinahukay nito ang bangkay ng isang marangal
na lalaki, na pinagbintangang erehe dahil lamang sa hindi pangungumpisal. Ang bagay
na ito ay nakapagpagalit ng lalo sa pari, lalo na nang maalala nito ang mga nawaglit na
mahahalagang kasulatan. Namagitan uli si Pari Sybila upang pakalmahin ang
mahahayap na pananalita ni Padre Damaso. Kalaunan ay lumawig muli ang talakayan.
Kabanata 2
Si Crisostomo Ibarra
Dumating si Kapitan Tyago kasabay ang isang binata na halatang nagluluksa ayon sa
kasuotan. Binati ng Kapitan ang kanyang mga panauhin, at tulad ng kaugalian, humalik
siya sa kamay ng mga pari. Ang mga pari naman ay nabigla, lalo na si Padre Damaso
ng makilala nito na ang binata. Ipinakilala ni Kapitan Tiyago ang kagalang galang na
binata bilang anak ng kanyang nasirang kaibigan na si Don Rafael Ibarra. Kadarating
lamang ng binata mula pitong taon na pag-aaral nito sa Europa. Kusang nagpakilala si
Ibarra bilang Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin kasabay ng pakikipag-kamay nito,
isang kaugaliang natutunan niya sa bansang Alemanya. Tumanggi naman na makipag-
kamay si Padre Damaso at bagkus ay tinalikuran nito ang binata. Lumapit ang Tinyente
kay Ibarra at nagpasalamat ito sa ligtas niyang pagdating. Pinuri rin nito ang kabaitan
ng kanyang ama, na siyang nagpanatag sa kalooban ng binata. Palihim naman ang
pagsulyap ni Padre Damaso sa Tinyente na tila ba nagbabanta. Dahilan upang tapusin
ng Tinyente ang pakikipag-usap nito kay Ibarra. Nang malapit na ang hapunan,
inanyayahan ni Kapitan Tinong, sa pananghalian kinabukasan si Ibarra. Si Kapitan
Tinong ay malapit na kaibigan ni Kapitan Tiyago at kaibigan din ng kanyang ama.
Magalang na tumanggi ang binata sapagkat patungo siya sa San Diego sa araw na
iyon.
Kabanata 3: Ang Hapunan
Nagtungo na ang mga panauhin sa hapag-kainan. Kanya-kanyang kilos at nararamdaman
ang mga panauhin, na kung panonoorin ay maihahalintulad sa isang komedya. Si Padre
Sibyla ay nasisiyahan, kabaligtaran naman ni Padre Damaso. Ito ay walang pakundangang
nagdadabog at nataamaan tuloy ang isang kadete. Hindi naman ito pinansin ng Tinyente,
bagkus ay masusing pinagmamasdan ang kulot na buhok ni Donya Victorina. Hindi tuloy
nito namalayan na natapakan na niya ang kola ng saya nito, bagay na nakapag-painis sa
Donya. Ang ibang bisita naman ay kanya- kanya ng usapan at papuri sa masarap na handa
ng Kapitan. Sapagkat ang hapunang iyon ay pagsalubong sa pagdating ni Ibarra, karapat-
dapat na siya ay maupo sa kabisera. Pinagtalunan naman ng dalawang Pari kung sino ang
dapat maupo sa kabilang dulo ng kabisera. Ayon kay Padre Damaso, si Padre Sibyla ang
dapat maupo sapagkat siya ang kura sa lugar na iyon. Sinalungat naman ito ni Padre Sybila
at kinatwiran nito na si Padre Damaso ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tyago.
Sa kalaunan, inialok ni Padre Sybila ang upuan sa Tinyente, na tinanggihan naman ng huli.
Inanyayahan naman ni Ibarra si Kapitan Tyago ngunit magalang itong tumanggi bilang
nakaugalian. Nang inihain na ang pagkain, hindi sinasadyang napunta kay Padre Damaso
ang hindi masasarap na bahagi ng manok; bagkus ay mga leeg at pakpak ang laman ng
kanyang tinola. Lalo itong nag-alburuto sa mga pangyayari. Lingid sa kaalaman ng pari, ang
espesyal na tinola ay para lamang kay Ibarra. Kasabay ng kainan ang mahabang usapan.
Nagbahagi ang binata ng kanyang buhay, tulad ng pag-aaral sa Europa ng pitong taon, ang
pagpunta sa iba't ibang bansa at pag-aaral ng kasaysayan at pag-unlad ng mga bansang
ito, ang pagsasalita ng ibang wika, ang hindi paglimot sa kanyang bayan sa kabila ng
kaunlarang namasdan sa ibang bansa, at ang ang hindi pagkaka-alam sa tunay na dahilan
sa nangyari sa kanyang ama. Ang bagay na ito naman ang nagkumpirma sa hinala ng
Tinyente na wala ngang alam ang binata. Binanggit ni Ibarra na sa kanyang mga bansang
napuntahan, iisang antas lamang ang kabuhayan, pulitika at relihiyong tinatamasa ng mga
ito sapagkat pinahihintulutan ito ng sarili nilang kalayaan at kakayanang pamahalaan ang
kanilang sariling bansa. Binatikos naman ito ni Padre Damaso at ininsulto ang binata na
kahit paslit ay kaya itong matutunan; at ang kanyang pagpunta sa Europa ay maliwanag na
pag-aksaya ng salapi. Magalang naman na tinanggap ni Ibarra ang salita ng pari at
binanggit na lamang ang mga ala-ala niya na si Padre Damaso ay karaniwan nang kasalo
sa kanilang hapag-kainan at malapit na kaibigan ng kanyang ama. Hindi naman nakakibo
ang pari dahil sa mga naging kaganapan sa pagitan nila ng ama ni Ibarra. Maagang
nagpaalam si Ibarra ng gabing iyon, kaya't hindi sila nagkita ni Maria Clara, ang dalagang
anak ni Kapitan Tyago. Nagpatuloy naman ng pag-alipusta si Padre Damaso sa binata.
Isinulat naman ni Ibarra sa pahayagan ng Estudios Coloniales ang kanyang mga
obserbasyon sa gabing iyon.
Kabanata 4 - Erehe at Pilibustero
Nagpalakad-lakad si Ibarra sa plasa ng Binondo at napagmasdan nitong sa kabila ng
matagal na panahon na pangingibang bansa, wala man lang pinagbago ang kanyang
bayan. Kung ano ang siya niyang iniwan, ay ito rin ang kanyang natunghayan sa
kanyang pagbabalik. Mababakas na ala man lang pinag-unlad ang bayang iyon.
Habang naglalakad ay nag-iisip din si Ibarra sa sinapit ng ama. Sinundan siya ni
Tinyente upang kwentuhan ng tungkol sa kanyang ama. Si Don Rafael ay isa sa
pinaka-mayaman sa bayan ng San Diego, matulungin at maraming nagmamahal. Sa
kabila ng kanyang kabaitan ay marami ring naiinggit dito, kabilang na ang mga pari sa
simbahan- sa pangunguna ni Padre Damaso. Dahil sa ganitong sitwasyon, minabuti ng
Don na hindi mangumpisal, bagay na lalong ikinagalit ng mga pari. May isang Kastila
doon na walang kaalam-alam, palaboy, at pinag-kakatuwaan ng lahat. Hinirang ito ng
Don bilang kulektor. Isang araw, hindi nakapag-pigil ang kolektor sa mga batang
nagtatawa sa kanya kaya't inakma niyang saktan ang mga bata. Kumaripas ng takbo
ang mga bata at ng hindi niya maabutan, binalibag niya ng baton at tinamaan ang isa.
Tumumba ang bata at walang awang pinagsisipa ito ng artilyero. Nakita ito ni Don
Rafael at inawat niya ang artilyero. Ayon sa mga sabi-sabi, sinaktan ni Don Rafael ang
Kastila hanggang sa kakapalag nito ay tumama ang ulo sa malaking bato. Tinulungan ni
Don Rafael ang bata, ang Kastila naman ay sumuka ng dugo at natuluyang mamatay.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang mga guardia sibil, ikinulong si Don Rafael at dito na
naglabasan ang mga lihim niyang kaaway. Kabilang sa mga paratang sa kanya ang
pagiging erehe at pilibustero, pangangamkam ng lupain at iba pang ilegal na paraan sa
pagpapayaman, ang pagbabasa ng El Correo de Ultramar at iba pang ipinagbabawal
na babasahin, pagtatago ng mga sulat at larawan mula sa isang binitay na pari,
pakikipagkaibigan at pagkupkop sa mga tulisan at pagsusuot ng Barong Tagalog. Ang
dating mga kaibigan ng Don ay nangawala at tumalikod sa kanya. Tanging si Tinyente
Guevarra lamang ang naging kakampi ni Don Rafael, sa kabila ng paniniwala ng taong
bayan na ang Tinyente ay nasisiraan ng bait. Si Tinyente rin ang humanap sa Kastilang
abugado ayon na rin sa pakiusap ni Don Rafael. Mahusay ang abugadong ito ngunit
nagsulputan sa kung saan saan ang kanyang mga kalaban hanggang ang kaso ay
tumagal at naging masalimuot. At ang masaklap ay hindi pa man tapos ang paglilitis,
siya ay nakakulong na at nagdadanas ng hirap sa loob ng rehas. Ang mga
pangyayaring ito, kasabay ng hirap na nararanasan ay labis na nakaapekto sa Don
kung kayat ito ay nagkasakit. Tuluyan na itong namatay sa loob ng bilangguan at ni
wala man lang nakiramay na kapamilya o kaibigan.
Kabanata 5- Isang Tala sa Gabing Madilim
Pumunta ng Maynila si Ibarra ng araw na iyon at nanuluyan sa Fonda deLala. Sa
kanyang silid ay nagmuni-muni ang binata tungkol sa sinapit ng ama. Kalaunan ay
napadako ang tingin nito sa durunguwan, at sa kabila ng ilog ay tanaw na tanaw niya
ang nagliliwanag na bahay ni Kapitan Tyago. Tila bagat naririnig pa niya ang kasayahan
sa loob ng bahay, ang kalansingan ng mga pinggan at kubyertos at tugtog ng mga
orkestra. Sa gabing iyon sa bahay ni Kapitan Tyago ay nagaganap uli ang isang
kasiyahan. Dumating ang nag-iisang anak nito na si Maria Clara, kung kaya't
sinalubong siya ng kanyang mga kaibigan, kababata, mga Kastila at paring malalapit sa
ama, mga Pilipino, Intsik, at militar. Ang lahat ay nakatuon ang paningin sa kagandahan
ni Maria Clara, na nakasuot ng isang marangyang kasuotan at napapalamutian ng
alahas na diyamante at ginto. Si Donya Victorina naman ay matiyagang inaayos ang
buhok ng dalaga. Si Padre Salvi na mahilig sa mga magagandang dilag ay masayang
masaya at kadaupang palad niya ang mga dalaga roon. Lihim din ang kanyang
paghanga sa kagandahan ni Maria Clara. Madaling nakatulog si Ibarra ng gabing iyon,
kabaligtaran naman ni Padre Salvi na hindi dinalaw ng antok sapagkat hindi mawala sa
kanyang isipan si Maria Clara.
Kabanata 6- Si Kapitan Tyago
Si Kapitan Tyago na ngayon ay mahigit kumulang 35 taong gulang, ay nag-iisang anak ng
isang negosyante ng asukal sa bayan ng Malabon. Hindi siya pinag-aral ng kanyang ama
bagkus ay naging katulong at naturuan naman siya ng isang paring dominiko. Itinuloy niya
ang pangangalakal ng mamatay ang kanyang ama, nakilala si Pial Alba mula sa bayan ng
Sta. Cruz at sila ay nagpakasal. Kapwa mahusay magpalakad ng negosyo kaya't sila ay
natanyag bilang pinakamayaman kayat sila ay nabibilang sa matataas na antas ng lipunan.
Si Kapitan Tyago ay mailalarawan bilang isang magandang lalaki, may morenong
pangangatawan, pandak, at bilugan ang mukha. Ang kanyang hitsura ay sinira ng
pananabako at pag-nganga nito. Naninilibihan siya bilang gobernadorcillo, at kasama sa
kanyang paglilingkod ay ang hamakin ang mga Pilipino at hayaan ang mga Kastila sa
ganitong gawain. Itinuturing din ng Kapitan na siya ay isa nang Kastila, at ang mga Pilipino
ay Indio. Sa paniniwala ng Kapitan, ang mga Kastila ay mararangal at karapat-dapat pag-
ukulan ng paggalang at pagpapahalaga. Kaibigan siya ng lahat ng mga may
kapangyarihan, lalong lalo na ang mga pari. Kung kaya't hindi mawawala ang kanyang
pangalan sa misa at padasal para bilhin ang langit. Nabibili niya ang kabanalan at mga
santo na kanyang maibigan. Ang kanyang silid ay punong-puno ng mga dinadasalang
katulad nina Sta, Lucia, San Pascual Bailon, San Antonio De Padua, San Francisco De
Asis, San Antonio Abad, San Miguel, Sto. Domingo, Hesukristo at ang larawan ng Banal na
Mag-anak (Hesus, Maria at Hosep). Sa pagnenegosyo ni Kapitan Tyago ay nakabili siya ng
maraming ari-arian, kabilang na dito ang pagbili ng lupain sa San Diego. Ito ang naging
daan upang makilala nila ang kura doon na si Padre Damaso at ang pinakamayaman sa
bayang iyon na si Don Rafael Ibarra. Sa kabila ng magandang buhay na tinatamasa ng
mag-asawa, sa loob ng anim na taon ay hindi pa sila nagkaka-anak sa kabila ng walang
humpay nilang pamamanata. Pinayuhan sila ni Padre Damaso na mamanata sila sa
Obando at magsayaw si Pia Alba sa kapistahan ng San Pascual Bailon at Sta. Clara sa
Nuestra Senora De Salambao. Makalipas ang kaunting panahon ay nagdalantao nga si Pia
Alba, (sa panghahalay na rin ni Padre Damaso bagamat ang katotohanang ito ay nailantad
sa kalaunan). Ngunit ang babae ay naging masasakitin at tuluyang namatay pagkatapos ito
ay manganak. Pinangalanang Maria Clara ang bata at kinalinga ni Tiya Isabel. Binusog din
siya ng pagmamahal nina Kapitan Tyago at mga prayle. Lumaking magkababata sina Ibarra
at Maria Clara, pati na rin ng kanilang mga kaibigan. Ipinasok ng kanyang ama mula sa
udyok ng mga pari si Maria Clara sa kumbento ng Sta Catalina ng ito ay maging katorse
anyos. Pumunta naman si Ibarra sa Europa upang mag-aral ng pagka-medisina. Si Kapitan
Tyago at Don Rafael ay nagkasundong ipakasal ang dalawa sa takdang panahon, bagay
na indi naman tinutulan ng dalawa sapagkat sila ay nag-iibigan.
Kabanata 7- Suyuan sa Asotea
Maaga pa lamang ng araw na iyon ay nakapagsimba na sina Maria at Tiya Isabel.
Pagkatapos mag-almusal ang mag-anak ay nagkanya-kanya na siya ng gawain. Si Tiya
Isabel ay naglinis ng bahay dahil sa mga kalat bunga ng hapunan ng nakaraang gabi.
Nagbuklat naman ng mga kasulatan tungkol sa kabuhayan si Kapitan Tyago. Si Maria
Clara ay nanahi habang kausap din ang ama upang malibang ang sarili sapagkat
ngayon ang araw ng kanilang pagkikita ni Ibarra, at siya ay hindi mapakali sa pananabik
na masilayan ang kanyang sinisinta. Napagpasyahan na siya ay magbakasyon sa San
Diego sapagkat nalalapit na ang pista doon. Pamaya-maya ay dumating na si Ibarra at
hindi maikakailang nataranta ang dalaga. Pumasok pa ito sa silid at tinulungan naman
siya ni Tiya Isabel na ayusin ang sarili. Lumabas rin ito at nagkita ang dalawa sa
bulwagan. Nagtama ang kanilang paningin at kapwa nagkaroon ng kaligayahan sa
kanilang mga mata. Nagtungo sila sa Asotea upang makapag-sarili at makaiwas na rin
sa alikabok na likha ng pagwawalis ni Tiya Isabel. Masinsinang nag-usap ang dalawa
tungkol sa kanilang nararamdaman, sa kanilang mga sinumpaan sa isa't-isa, sa
kanilang kamusmusan, sa kanilang naging tampuhan at mabilis na pagbabati. Kapwa
itinago ng dalawa ang mga ala-ala at bagay na ibinigay nila sa isa't-isa: ang dahon ng
sambong na inilagay ni Maria Clara sa sumbrero ni Ibarra upang hindi ito mainitan, at
ang sulat ni Ibarra kay Maria bago ito tumulak papuntang Europa. Binasa ito ni Maria
Clara sa katipan. Kabilang sa sulat ang layunin ni Don Rafael na pag-aralin si Ibarra sa
malayong lugar upang makapaglingkod ng mataas na kalidad sa bayang sinilangan.
Handa rin itong magtiis na mawalay sa anak upang sa bandang huli ay maibigay nito sa
bayan ang kanyang hangarin. Dito natigilan si Ibarra dahil naalala nito na bukas ay
undas at marami siyang kailangang gawain. Nagpaalam na ang binata at pinagbilinan ni
Kapitan Tyago si Ibarra na sabihin sa kanyang katiwala na sila ay magbabakasyon
doon. Hindi naman mapigilan ni Maria na maluha dahil sa pangungulila kay Ibarra,
kaya't sinabihan siya ng kanyang ama na ipagtulos si Ibarra ng dalawang kandila at
ialay sa santo ng manlalakbay.”
Kabanata 8:
Mga Alaala
Kabilang dito ang mga kalesa at karumatang hindi tumitigil sa pagbibiyahe, mga taong
may ibat-ibang uri ng kasuotan na katulad ng mga Europeo, Intsik, Pilipino, mga
babaing naglalako ng mga bungang-kahoy, mga lalaking hubad na nagpapasan, mga
ponda at restauran at pati ang mga karitong hila ng mga makupad na kalabaw. Pati
ang bilanggong patay sa ilalim ng kariton at malapit sa dalawang bilanggo rin ay
kanyang naalala.
Nang madaan siya sa Hardin Butaniko saglit na napawi ang kanyang mga
magagandang gunita. Pumasok sa kanyang isip na ang hardin sa Europa ay
nakakaakit at nakapag-aanyaya sa mga ito upang iyon ay malasin. Itinuon niya ang
tingin sa malayo at makita niya ang matandang Maynila na naliligid ng makakapal at
nilumot na mga pader.
Umaga pa lamang ay handa na ang mga banda ng musiko upang magbigay saya at
salubungin ang kapistahan. Sinabayan pa ito ng tunog ng kampana at mga siklab at
pasabog ng paputok. Nagising ang mga tao sa bayan at nagsigayak na para makiisa.
Ang taumbayan ay naghanda ng kanilang pinakamainan na kasuotan at mga alahas.
Naghanda rin ng masasarap na pagkain ang bawat tahanan at hinahatak ang mga tao
upang tikman ang mga ito. Taliwas ito sa ikinilos ni Pilosopo Tasyo, sapagkat ayon sa
kaniya, paglulustay lamang ng pera at pakitang tao lamang ang pagsasaya sa araw na
ito. Marami ang dapat na higit pagkagustasan ng may kabuluhan at marami ang hinaing
ng bayan na hindi natutugunan. Sang-ayon si Don Filipo sa ganitong pananaw ngunit
ala siyang lakas ng loob upang salungatin ang pari. Sa simbahan ay naghihintay na ang
mga tao at mga tanyag na tao sa bayan. Si Padre Damaso naman ay itinaon ang sarili
na magkasakit upang higit na makakuha ng importansya mula sa lahat. Inalaagaan siya
ng taga-pangasiwa ng simbahan habng siya ay may sakit. Sinumulan ang mahabang
prusisyon ng iba't-ibang santo bandang alas otso ng umaga. Kahit sa prusisyon ay
ipinapakita ang pagkaka-iba ng antas o diskriminasyon sa lipunan kahit na ang mga
nagpuprusisyon ay mga ginggon. Natapos ang prusisyon sa tapat ng bahay ni Kapitan
Tyago, na inaabangan naman nila Maria Clara, Ibarra at ilan pang mga Kastila.
Kabanata 30 – Sa Simbahan
Sinimulan ni Padre Damaso ang kanyang sermon mula sa isang sipi sa Bibliya at
nagsermon sa wikang Tagalog at Kastila. Ang kabuuan ng sermon ni Padre Damaso ay
pagpupuri sa mga banal na santo ng simbahan, ang dapat tularan na sina Haring
David, ang mapagwaging si Gideon, at si Roldan na isang tapat na mananampalataya;
at higit sa lahat ay ang panlilibak sa mga Pilipino na binibigkas sa wikang Kastila kung
kayat walang kamalay-malay ang nakararami sa kahulugan ng kanyang mga sinasabi.
Pinatutsadahan din ng Padre ang lahat ng tao na kanyang hindi gusto upang ipahiya
ang mga ito sa karamihan. Sapagkat karamihan ng mga tao doon ay walang
naiintindihan sa pinagsasasabi ng Padre, hindi nila napigilang antukin at mapahikab,
lalo na si Kapitan Tyago. Si Maria at Ibarra naman ay palihim na nagsusulyapan at
nangungusap ang kanilang mga mata. Sinimulan na din sa wakas ni Padre Damaso
ang misa sa wikang Tagalog. Dito ay walang pakundangan na tinuligsa niya si Ibarra,
bagamat hindi niya pinangalanan ang kanyang inaalipusta ay mahahalata naman ng
lahat na walang ibang pinatutunguhan ang kanyang mga salita kundi si Ibarra lamang.
Hindi naman na natuwa si Padre Salvi sa nagaganap kung kaya't nagpakuliling na ito
upang maging hudyat kay Padre Damaso na tapusin na nito ang kanyang sermon.
Ngunit nanatiling bingi ang mayabang na pari at nagpatuloy pa ng kalahating oras sa
walang kwentang sermon at pag-alipusta kay Ibarra. Samantala, palihim naman na
nakalapit si Elias kay Ibarra habang tuloy ang misa. Binalaan ni Elias si Ibarra na mag-
ingat at huwag lalapit sa bato na ibabaon sa hukay sapagkat maaari niya itong
ikamatay. Wala namang nakapansin sa pagdating at pag-alis ni Elias.
Kabanata 32 – Ang Panghugos
Nagkaroon ng demonstrasyon ang taong dilaw kay Nol Juan patungkol sa paggamit ng
panghugos bago ganapin ang pagpapasinaya sa paaralan. Ang istrukturang ito ay may
walong metro ang taas at ang apat na haligi ay nakabaon sa ilalim ng lupa. Ang apat na
haligi naman ay nasasabitan ng malalaking lubid na sa tingin ay napakatibay ng
pagkakayari. Ipinagmalaki ng taong dilaw na ang ganitong paraan ay natutuhan pa niya
sa nuno ni Ibarra na si Don Saturnino. Ipinakita ng taong dilaw kung paano itinataas at
ibinababa ang batong malaki na siyang ibabaon sa hukay na napapagitnaan ng apat na
haligi. Hinangaan naman ito ni Nol Juan at pinuri rin ito ng mga tao sa paligid. Dumating
ang araw ng pagpapasinaya ng bahay-paaralan. Pinaghandaan niya ang araw na iyon,
naghanda din ang mga guro at mag-aaral ng mga pagkain para sa mga panauhin.
Mayroon ding mga banda ng musiko. Sinimulan ni Padre Salvi ang pagbabasbas sa
bahay-paaralan. Inilulan ang mga mahahalagang kasulatan at relikya at iba pang
mahahalagang bagay sa isang kahang bakal, na ipinasok naman sa bumbong na yari
sa tingga. Ang lubid ang nagko-kontrol sa bato, na may hukay sa gitna kung saan
ilalagay ang tingga. Hawak naman ng taong dilaw ang lubid. Sinimulan ng Pari ang
seremonya at nagsibabaan ang lahat ng importanteng tao upang sumaksi. Isa si Elias
sa mga taong naroroon upang sumaksi sa okasyon. Hindi niya winala ang tingin sa
taong dilaw. Hustong pagbaba ni Ibarra upang maki-isa sa pagsaksi ay humulagpos
ang lubid mula sa kalo at kasaba'y nito ay ang pagkagiba ng balangkas. Ilang saglit ang
lumipas at nasaksihan ng lahat na si Ibarra ay nakatayo sa pagitan ng nasirang kalo at
ng malaking bato. Ang taong dilaw ang siyang namatay at hindi si Ibarra. Nais ng
alkalde na ipahuli si Nol Juan ngunit sinabi ni Ibarra na siya na ang bahala sa lahat.
Kabanata 33 – Malayang Kaisipan
Ang pagkakatuklas ni Elias tungkol sa balak na pagpatay ng taong dilaw kay Ibarra.
Nagkakilala rin sina Elias at Ibarra sa kabanatang ito. Matutunghayan ang katalinuhan
ni Elias sa kabila ng kawalan nito ng pormal na edukasyon. Palihim na dumating si Elias
sa tahanan ni Ibarra at sila ay nag-usap tungkol sa mga kaaway ni Ibarra. Pinayuhan ni
Elias si Ibarra na nagkalat ang kanyang mga kaaway kahit na ang hangad niya ay
kabutihan. Sinabi rin nito ang pagkatuklas niya sa balak ng taong dilaw na patayin si
Ibarra sa araw ng pagpapasinaya sa paaralan, bagamat mahiwatig ang binitiwang salita
ng taong dilaw sa taong kausap nito, "hindi kakanin ng isda ang isang ito (Ibarra) tulad
ng kanyang ama". Palihim na sinubaybayan ni Elias ang taong dilaw at napag-alaman
nito na prinisinta nito ang sarili kay Nor Juan kahit maliit ang sahod kapalit ng kanyang
mga kaalaman. Nanghinayang naman si Ibarra sa pagkawala ng taong dilaw sapagkat
marami pa siyang matutuklasan kung ito ay nabubuhay lamang. Bagay na sinalungat
naman ito ni Elias sapagkat tiyak niyang makakaligtas sa hukuman ang taong dilaw
dahil sa kabulagan ng hustisya sa bayan. Nagkaroon naman ng interes si Ibarra sa
pagkato ni Elias sapagkat marami itong nalalaman at ang kanyang mga kaisipan ay
kakaiba sa karaniwang mamamayan. Napako ang kanilang usapan tungkol sa
paniniwala sa Diyos at hindi tinanggi ni Elias na siya ay nawalan na ng tiwala. Kalaunan
ay nagpaalam na rin si Elias at nangako ng katapatan kay Ibarra.
Kabanata 34 – Ang Pananghalian
Sa araw na iyon ay darating ang Heneral at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tyago.
Magkakaharap na nananghali ang mga mayayaman sa San Diego. Nasa magkabilang
dulo ng hapag si Ibarra at ang alkalde mayor. Katabi ni Ibarra si Maria sa gawing kanan
at ang eskribano naman sa kaliwa. Nandoon din sa hapag sina Kapitan Tyago, iba pang
mga kapitan ng bayan ng San Diego, mga prayle, mga kawani ng pamahalaan at mga
kaibigan nina Maria at Ibarra. Nagtaka naman ang karamihan sapagkat hindi pa
dumarating si Padre Damaso. Habang kumakain ay nag-uusap-usap ang mga nasa
hapag. Napadako ang usapan sa hindi pagdating ni Padre Damaso, ang kamang-
mangan ng mga magsasaka sa mga kubyertos, ang mga kursong nais nilang ipakuha
sa kanilang mga anak, at kung ano-ano pa. Pamaya-maya ay dumating na si Padre
Damaso at lahat ay bumati sa kanya liban kay Ibarra. Sinimulan ng ihanda ang serbesa
at sinimulan na rin ni Padre Damaso ang patutsada kay Ibarra. Tinangkang sumingit
naman ang alkalde upang maiba ang usapan ngunit lalong nagumalpas ang dila ng
pari. Hindi naman kumikibo si Ibarra at nagtimpi na lamang. Ngunit talagang nananadya
si Padre Damaso kayat inungkat ang nangyari sa kanyang ama, bagay na hindi
mapapayagan ni Ibarra kung kaya't dinaluhong nito ang pari at tangkang sasaksakin.
Pinigilan naman ni Maria ang katipan kung kaya't bumalik ang hinahon ni Ibarra at
umalis na lamang ito.
Kabanata 35- Mga Usap-usapan