You are on page 1of 1

KWINTAS SA KAARAWAN

ni: Claire G. Frivaldo

Dire-diretso kong inilapag sa isang upuan ang aking bag pagkapasok ko sa bahay habang ngiti-ngiting
nakatingin sa bagay na nakasabit sa aking leeg. Naabutan kong hinihila ni inay ang isang upuang kahoy at
tumayo rito habang may pilit na ikinakabit sa kisame. Napatitig naman ako sa mala-lilang markang
nakapalibot sa kaniyang kaliwang mata. Naaalala ko pa kung paanong dumapo ang matitigas na kamao ni
itay sa sa maamong mukha ni inay.

Tumingin siya sa'kin at ngumiti sa nagtataka kong mukha, kasabay ang paglapit, hinawakan niya ang ang
kwintas sa aking leeg.

"Saan galing ang bagay na ito?"

"Ibinigay po iyan ni tiya sapagkat espesyal na araw daw po ngayon para sa akin."

Muling ngumiti si inay habang ang mga luha'y nagbabadyang tumulo sa kaniyang mga mata.

"Gusto mong pumasok sa unang baitang 'di ba?" tanong ni inay habang hawak ang aking pisngi.

"Gustong-gusto po!" nagagalak kong saad.

Tuluyan nang tumulo ang tubig sa mga mata ni inay na para bang nag-uunahan sa pag-agos. Wala akong
nagawa kundi ikulong si inay sa maliliit kong braso.

"Kung ganon, pumunta ka ngayon sa iyong tiya. Nasa kanya ang regalo ko para sa'yo."

Tumago ako. Pinipigilan ang aking pag-iyak.

"Tahan na inay, bibilhan din po kita ng kwintas kapag nakapag-aral na po ako."

Bahagyang tumawa si inay sa aking sinabi. Kumalas siya sa pagkakayakap at marahan akong
pinagmasdan ng mga mata niyang tila'y namamaalam.

"Sige na, humayo ka na." sabi ni inay at muling tumago sa upuang kahoy, inaabot ang isinabit niya roon.

"Maligayang kaarawan, Arby!" sigaw ni inay at isinuot ang pangit na kwintas, sabay sa aking paglabas.

Nanghina ang tuhod ko nang marinig ang isang kalabog.

"Maligayang kaarawan din inay. Masaya ako dahil hindi mo na muling mararanasan ang paghihirap sa
kamay ni itay." nakangiti kong sabi habang lumuluha. Gusto ko man siyang pigilan ngunit iyon na lamang
ang maihahandog kong regalo kay inay.

Nakasilip lamang ako sa labas ng bahay habang nakatingin sa nakabiting katawan ng aking ina sa kisame.

You might also like