You are on page 1of 3

Aralin 1: Isang Maikling Kasaysaysan ng Nobela

Noli Me Tangere
ni Louie Jon Sanchez
Ang nobela ay isang genre o uri ng panitikan ng modernong panahon. Sa isang pagkakataon, kinilala ito
bilang isang modernong pag-aanyo ng klasikong epiko, kung saan madalas may bayaning dumaraan sa
mga pakikipagsapalaran. Sa literal na pagpapakahulugan, ang ibig sabihin ng nobela ay “bago” (novel or
new sa Ingles, novella sa Latin).

Ang nobela ay madalas na ipinapaliwanag bilang isang mahaba at kathang salaysay ng mga
pangyayaring pinagsunod-sunod upang makalikha ng isahang epekto. Sa kumbensiyonal na
pamamaraan, ang nobela ay madalas na sumusunod sa pag-unlad ng katauhan ng isang karakter.
Isinasalaysay ng mga ganitong naisulat na nobela ang mga pagkamulat—pagbabagong mabuti o
masama— ng tauhang bayani. Ang pagkamulat ay laging isang proseso ng pagharap sa mga pagsubok,
pagkakatukoy at pagharap sa pinakasuliranin, at pananagumpay (kung ipinahihintulot).

Ang nobelang Noli Me Tangere ay maihahanay sa ganitong uri ng salaysayin sapagkat masasaksihan sa
nobela ang pagkamulat ni Juan Crisostomo Ibarra sa kabuktutan ng kolonyal na pananakop, na noong
una’y panananaligan pa niya sa mithing kilalanin ang Pilipinas bilang ganap na bahagi ng Espanya.

Isang kakatwang katotohanan ang pagbasa natin sa Noli Me Tangere sa pamamagitan ng salin. Hindi
natin binabasa ang nobela sa orihinal nitong wika sapagkat iilan lamang sa atin ngayon ang may
kakayahang bumasa ng Espanyol. Ngunit minahalaga itong nobela dahil sa Batas Rizal noong 1956. Ang
batas na ito na kilala bilang Republic Act 1425 ay naglayong isama sa lahat ng kurikulum ng mga
paaralan ang pagpapahalaga sa pambansang bayani. Kabilang sa mga pagpapahalagang ito ang
pagpapabasa sa madla ng kaniyang dalawang nobela. Dahil dito, nagkaroon ng malaking espasyo sa
pagpapasalin ng nobela upang mapalawak ang mambabasa nito.

Matagal nang pinagpaplanuhan ni Rizal ang nobela at natapos lamang niya ito noong 1886 sa Berlin,
sampung taon bago sumiklab ang rebolusyon. Ipinagbawal ang pagbabasa at pagmamay-ari ng nobela
nang makarating ito sa Pilipinas ilang buwan matapos mailathala. Hindi nagustuhan ng mga pari ang anti-
simbahang sentimiyento ng nobela, bukod pa sa mga “makabago” at “banyaga” nitong adhikaing
nasagap ni Rizal at ng kaniyang mga kapanalig sa kilusang Propaganda. Ito rin ang itinuturing na dahilan
ng kaniyang pagkakabitay sa Bagumbayan noong Disyembre 31, 1896.

Sa simula ng nobela, magandang pagpukulan ng pansin ang siniping epigrape ni Rizal, maging ang
kaniyang paghahandog. Ang epigrape ay mula sa “Anino ni Shakespeare” ng manunulat na Aleman na si
Freidrich von Schiller. Mahalaga ang tanong na iniiwan nitong epigrape hinggil sa abang bansang ito, na
kinakatha ni Rizal sa kaniyang nobela: “Ngunit ang tanong ko, Kaibigan,/ sinong Dakila ang lilitaw/ Sa
ganitong mga Hamak? Anong/ Kadakilaan ang mangyayari/ sa pamamagitan nila?” Sa kaniyang
paghahandog naman, inilalarawan niya na ang “nakasulat sa kasaysayan ng pagdaralita ng
sangkatauhan ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting
dimasaling at nanggigising ng matatalim na kirot.”
Marubdob ang pagnanasa ni Rizal na itanghal ang sakit na itong dinaranas din ng bansang lagi’t lagi
niyang nililingon, lalo na nang nasa Europa siya at binabata ang lamig at pangungulila: “nilulunggati ko
ang iyong kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang pinakamabuting paglunas.” Ginamit niya
ang talinghaga ng mga sinaunang tao na naglalantad ng mga maysakit sa “baitang ng templo, upang
makapangmungkahi ng lunas ang sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.”

Malinaw ang nasa ni Rizal sa pagsulat ng nobela. Nais niyang “ilarawan” ang kalagayan ng bayan “nang
buong tapat at walang pangingimi.” Sa pagkasangkapan ng imahen ng lambong na “tumatabing sa
karamdaman,” sinisikap na ibunyag ni Rizal ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan. Sa buod ng mga
kabanatang ito sa nobela, mamamalas ang ganitong pagtatanghal ng kalagayang-bayan, lalo na ang
paghahari ng iilan sa mga sangay ng lipunan.

Bakit mahalagang pag-aralan ang noli?

Una sa lahat ang mga nobela ni Rizal ang unang gumising sa mga natutulog na isipan ng mga Pilipino,
ito ang nagdilat sa mga mata ng ating kababayan sa kung ano talaga ang nangyayari sa atin at sa inang
bayan natin. Pangalawa, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay parte ng ating makulay na kahapon,
isa ang mga akdang ito sa nagpatingkad ng ating kasaysayan. Ito ang nagsilbing inspirasyon at lakas sa
ilan pa nating magigiting na bayani upang ipaglaban ang anuman na dapat ay para sa atin. Pangatlo,
may malaki itong ginampanan sa buhay ng bawat isang Pilipino, ang mga aral na mapupulot dito ay
maaari nating magamit hindi lamang ngayon ngunit hanggang wakas ng ating buhay na maaari pa nating
maipasa sa mga susunod na henerasyon pang daraan. Napakaraming aral ang maaari nating mapulot sa
mga nobela ng ating bayani. Sa Noli Me Tangere ang aral na mapupulot natin ay ang hindi paggamit ng
anumang dahas gaano man kalaki ang nagawang kasalanan ng ibang tao sa atin. Isa pa ang
napakamakapangyarihang mensahe ni Rizal mula pa rin sa kaniyang Noli ay ang ‘hindi paglalagay ng
batas sa ating mga kamay’, para sa akin ito ang mensaheng kumatawan sa buong nobela.
Napakagandang isipin na sa kabila ng mga nagawa ng mga kastila at pagpapakita ng kasamaan ng mga
dominikong pari kay Rizal ay ni minsan hindi niya nagawang saktan o pisikalin ang mga ito. Bagamat
dawit sa kanyang mga nobela ang mga prayle ay nagsaad lamang siya ng katotohanan. Sa nobela
naman niyang El Filibusterismo bagamat bunyag na sa titulo ang nais o patutunguhan ng kwento ay may
masasalamin pa rin tayong aral dito. Sa nobela nagbalik si Juan Crisostomo Ibarra sa katauhan ni
Simoun na isang mayamang mag-aalahas at tagapayo ng Kapital Heneral. Ang aral na nangingibabaw sa
nobela ay ‘sa kabila ng mga kasalanan na ating nagawa sa katapus-tapusan ng araw ay babalik pa rin
ang loob natin sa Poong Lumikha’ napakaganda ng bawat tagpo sa nobela kung hihimayin ang bawat
paksa dito. Ito ang mga dahilan ko para masabi na mahalaga ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Epekto

Ang epekto nito sa imahe ng bansa ay nakakadulot ng posititbong motibasyon lalo na sa mga kapwa
Pilipino na nasa ibang bansa. Noong nagpunta si Rizal sa Madrid upang mag-aral ng medisina ay
nakilala siya ng mga Pilipinong magaaral sa Unibersidad ng Madrid na mga determinadong magtrabaho
para sa ikauunlad ng Pilipinas. Si Rizal sa kanyang edukasyon at katalinuhan mula sa buong mundo ay
gusto ng reporma at pantay na pagtrato mula sa Espanya. Ito ay isa sa dahilan kung bakit kilala ang mga
Pilipino bilang demokratiko o gusto ng isang maayos at malayang pamamahala.

Ang buhay ni Jose Rizal ay ang nagpabago sa Pilipinas ng habang buhay dahil sa kanyang pananaw ng
pagkakapantaypantay para sa kanyang kapwa mamamayan; na nakapagpagalaw ng puso ng mga
Pilipino. Ang kanyang mga tanyag na gawa na Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nagbigay kaisipan
at nagging umpisa ng mga rebolusyon noong araw. Siya ay naniwala sa kapangyarihan ng pluma at
nagawa niyang ipakita sa mga Pilipino ang tunay na realidad na hindi katanggap-tanggap na imahe ng
ating nasyon. Ngunit hindi ko rin naman masiguro kung tuluyan niya nga bang nabuksan ang mga mata
ng mga Pilipino ng bawat isa sa atin. Ang mga nobela niyang nagawa na nabasa ng mga Pilipino ay
nakapagpabukas ng malawak na pag-iisip at ang bawat nakabasa nito ay ang mga Pilipino. Ang aking
punto ay ang mga Pilipino ang imahe ng ating bansa.

Tayo ang gumagawa ng imahe o pagkakakilanlan ng ating nasyon upang magkaroon tayo ng sentralidad.
Masasabi kong napakaaganda ng mga nilalaman ng kanyang mga tula at dapat lamang na matuto ang
mga estudyante mula sa pag-aaral nito. Dapat isapuso at isaisip na mahalaga ang pagiging malaya mula
sa kaisipang kolonyal. Na siya namang nakapagpakulong sa atin ng matagal na marahil na rin siguro ito
ng mahabang taon na pagkakasakop sa atin ng mga dayuhan ng halos isandaang taon.

Si Rizal ay isang ordinaryong tao rin na may sariling buhay. Ang pagtingin ko kay Rizal ay hindi na
magbabago. Isa siya sa mga taong tinitingala ko, at tila mas nadagdagan pa ang aking paghanga
pagkatapos kong mapagaralan ang kanyang talambuhay sa ikalawang pagkakataon. Mahalaga ring
malaman ang bawat detalye ng kanyang buhay dahil ang ilan sa bahagi ng mga ito ay hindi nabibigyang
linaw sa hayskul. Hindi katulad sa kolehiyo dito nabibigyan ng detalye at sapat na kaalaman ang mga
estudyante. Sana ang kanyang mga likhang nobela ay patuloy na makapagbigay aral sa mga
kasalukuyang pinag-aaralan ito lalo na sa mga estudyanteng kagaya ko. Sapagkat ang mga kabataan ay
kabilang sa mga mamamayan at ang mga mamamayan ang pambansang pagkakakilanlan.

You might also like