You are on page 1of 14

Aralin1.

A. Panitikan: Ang Tinig ng Ligaw na Gansa (Tula mula sa Egypt)


Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat
Mula sa Ingles na salin ni William Kelly Simpson

B. Gramatika at Retorika: Pagpapahayag ng Emosyon at Saloobin


(Padamdam na Pangungusap, Pahayag
na Tiyakang Nagpapadama ng Damdamin,
at Konstruksiyong Gramatikal)

C. Uri ng Teksto: Naglalahad

Panimula
Kilala ang mga taga-Egypt sa pagpapahalaga sa kamatayan ng tao. Ngunit lingid sa
kaalaman ng nakararami higit nilang pinahahalagahan ang buhay, kaya maging sa
kamatayan ay nais nila itong ipagpatuloy. Ang katibayan sa paniniwalang ito ay ang
mga sinaunang tulang nakuha sa mga kuweba ng Egypt. Ang paksa at tema ng mga
ito ay pawang tungkol sa kanilang pagpapahalaga sa karaniwang pamumuhay ng
mga tao.

Ang Aralin 1.6 ay naglalaman ng tulang lirikong pastoral ng Sinaunang taga-


Egypt na pinamagatang, “Ang Tinig ng Ligaw na Gansa.” Masusulyapan mo kung
paano naghahangad ng simpleng uri ng pamumuhay ang mga taga Egypt na
namumuhay sa sopistikadong henerasyon. Bahagi rin ng aralin ang pagtalakay sa
pagpapahayag ng emosyon na magagamit sa pagsulat ng tula batay sa sumusunod
na pamantayan: a.) malinaw na mensahe, b.) matalinghaga, at c.) may kariktan.

Masasagot mo rin ang mga pokus na tanong na: Paano mabisang


maipahahayag ang damdamin sa tula? Gayundin, susuriin mo kung bakit
mahalagang unawain ang tulang lirikong pastoral ng mga taga-Egypt?

Yugto ng Pagkatuto

Tuklasin

Sa sumusunod na gawain, tutuklasin kung ano na ang nalalaman mo tungkol sa tula at


tulang liriko upang sa gayo’y magabayan kita sa pagtuklas kung bakit mahalagang
unawain ang tulang lirikong pastoral ng mga taga-Egypt?

GAWAIN 1: Lagyan ng tsek (a) ang nagpapahayag ng katotohanan tungkol sa tula.


_____ salamin ng buhay
_____ maaaring may sukat at tugma
_____ nahahati sa iba’t ibang kabanata
_____ binubuo ng mga taludtod at talata
_____ piling-pili ang mga salitang ginagamit
_____ naglalaman ng masisidhing damdamin
_____ maikli lamang at nababasa sa isang upuan
86
_____ karaniwang nagsasalaysay ng mga pangyayari
_____ nagpapahayag ng katotohanan lamang
_____ ginagamitan ng tayutay o matatalinghagang pahayag

GAWAIN 2: Concept Web


Pumili ng mga salita mula sa kasunod na kahon na may kaugnayan sa tulang liriko at
isulat ito sa concept web. Ipaliwanag sa isa hanggang tatlong pangungusap ang
konseptong nabuo. Gawin ito sa sagutang papel.
sukat tugma korido trahedya
awitin tula Balagtasan pastoral
soneto epiko tanaga dalit
damdamin elehiya opinyon oda
Marahil may ideya ka na sa tatalakayin nating paksa. Magpatuloy ka pa sa pagtuklas ng
mga bagong kaalaman.

Tulang liriko

Alam mo ba na...
ang tulang liriko o tula ng damdamin ay puno ng masisidhing damdamin ng tao
tulad ng pag-ibig, kalungkutan, kabiguan, kaligayahan, tagumpay, at iba pa? Maikli
at payak ang uring ito ng tula.

Uri ng Tulang Liriko:

a. Pastoral – ang salitang pastoral ay mula sa salitang Latin na “pastor.” Ang


tulang pastoral ay hindi lamang tungkol sa buhay ng isang pastol at
pagpapastol. Ito ay tulang pumapaksa at naglalarawan ng simpleng paraan
ng pamumuhay, pag-ibig, at iba pa.

Ang mga sopistikadong alagad ng sining ang sumusulat ng tulang pastoral na


nagpapalagay at dinarama ang katauhan ng isang simpleng tao. Maaaring
pagaralan ang tulang pastoral bilang:

87
a. isang alegorya na gumagamit ng simbolismo.
b. panitikang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mambabasa na maranasan ang
pagtakas sa magulong buhay at madama pansamantala ang malaya at walang
kaguluhang buhay.
c. Paglagay ng komplikado sa simple

Sa Pilipinas ito’y tulang naglalahad ng buhay-buhay sa bukid at pagpapahalaga sa


gawain at pamumuhay sa bukid.

Halimbawa: Halika sa Bukirin ni Milagros B. Macaraig

b. Elehiya – Isang tula ng pamamanglaw na madaling makilala ayon sa paksa, gaya ng


kalungkutan, kamatayan, at iba pa. Maaaring ito’y pagdaramdam o kahapisan para
sa isang minamahal, pamimighati dahil sa isang yumao o nag-aagaw-buhay pa
lamang na dahil sa kalungkutan ay nagnanais na ang maliligayang sandali ay agad
lumipas.

Halimbawa: Ang Pamana ni Jose Corazon de Jesus

c. Soneto – tulang may labing-apat na taludtod hinggil sa damdamin, kaisipan at


pananaw sa buhay ng tao, may malinaw na kabatiran ng likas na pagkatao. Sa
kabuuan, ito’y naghahatid ng aral sa mambabasa.

Halimbawa: Soneto ng Buhay ni Fernando B. Monleon

d. Oda – Nagpapahayag ng isang papuri, panaghoy, o iba pang uri ng damdamin;


walang tiyak na bilang ng pantig o tiyak na bilang ng taludtod sa isang saknong.
Nagpapahayag ang oda ng matayog na damdamin at kaisipan ng makata. Sa
matandang panulaan, karaniwang ito’y isang awit ng papuri patungkol sa mga
pambihirang nagawa ng isang dakilang tao, bansa o anumang bagay (buhay man o
patay) na maaaring papurihan sa pamamagitan ng pagtula.

Halimbawa: Tumangis si Raquel

e. Awit – Ang karaniwang pinapaksa nito ay may kinalaman sa pag-ibig, kabiguan,


kalungkutan, pag-asa, pangamba, poot, at kaligayahan. Tinatawag na kundiman na
ayon kay Jose Villa Panganiban ay isang awit hinggil sa pag-ibig o palasintahan. Ito’y
nilalapatan ng tugtugin, karaniwang maikli at punong-puno ng pagsamo at pagluhog
sa isang sinisinta.

Halimbawa: May Isang Pangarap ni Teodoro Gener

f. Dalit – Noong araw ito ay isang awitin patungkol sa paglilingkod sa Diyos at


pananampalataya. Nabibilang din sa uring ito ang tula ng pagmamahal at pagkalugod
na ang layunin ay pagdakila at pagpaparangal. Sa panahon ng mga Espanyol ang
dalitsamba at dalitbansa ay itinuturing nang iisa dahil kilala ang dalawa sa taguring
dalit. Ang dalitsamba ay patungkol sa Diyos, samantalang ang dalitbansa ay
pagpapahayag ng pag-ibig at pagdakila sa bayan.

Halimbawa: Halika sa Bukirin ni Milagros Macaraig

88
Mga Elemento ng Tula
1. Sukat – Ito’y bilang ng pantig sa bawat taludtod. Ang isang taludtod ay karaniwang
may 8,12 at 16 na pantig o sukat.
Halimbawa:
Sukat: Lalabindalawahing pantig
Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig Sa buong
maghapon gumagawang pilit.
2. Tugma – Ito’y ang pagkakasintunugan ng mga salita sa huling pantig ng bawat
taludtod. Maaaring ganito ang tugma ng hulihan: a-a-a-a, a-b-a-b, o kaya ay a-b-d-a.
Halimbawa:
Tugmang a-a-a-a (magkatugma lahat ng linya)
Sa aking lupain doon nagmumula
Lahat ng pagkain nitong ating bansa Ang lahat
ng tao, mayaman o dukha Sila’y umaasa sa
pawis ko’t gawa.
3. Talinghaga – Ito’y ang matayog na diwang ipinahihiwatig ng makata. Ayon kay A.
Abadilla, tugma at hindi tula ang binasa kapag sa unang pagbasa ay nauunawaan
agad ang ibig sabihin. Kailangang may naitatagong kahulugan sa salita o pahayag.
Dito kinakailangan ang paggamit ng tayutay o matalinghagang mga pahayag.
Halimbawa:
Nahuli sa pain, umiyak
Ako’y hawak ng iyong pag-ibig
Hindi ako makaalpas
4. Kariktan – Ito’y ang malinaw at di-malilimutang impresyon na nakikintal sa isipan ng
mambabasa. Mahusay ang tula kapag may naibibigay na impresyong mahirap
mabura sa puso at isipan ng bumabasa.

Mga Paraan sa Pagsulat ng Tula


1. Magmasid sa paligid, paglakbayin ang imahinasyon at magbasa ng mga halimbawa
ng tula. Sa ganitong paraan, detalyado at malinaw na mailalarawan ng makata ang
kaisipang nais niyang palutangin sa tula.
2. Lahat na ng paksa ay naitampok na sa tula subalit nakasalalay pa rin sa makata ang
pagiging orihinal ng akdang kaniyang isinusulat. Nagiging bago ang lumang paksa sa
pagbibigay ng makata ng bagong pananaw tungkol dito. Ang pananaw na ito ay
maaaring batay sa sarili niyang karanasan, mga namasid niya o bunga lamang ng
kanyang makulay na imahinasyon.
3. Ang tula ay siksik at nag-uumapaw sa mensahe na ipinahahayag sa kakaunting salita
lamang. Magiging busog sa kahulugan at malikhain ang pagpapahayag ng kaisipan
kung gagamitan ng tayutay (sinadyang paglayo sa karaniwang paraan ng
pagpapahayag ng kaisipan) at matatalinghagang pananalita.
4. Kailangang maging mapagparanas ang isang tula upang mag-iwan ng kakintalan sa
mambabasa. Mapagparanas ang isang tula kung ipinakikita at ipinadarama
(nalalasahan, naaamoy, naririnig) ng makata ang mensahe ng kanyang akda hindi
lamang niya ito sinasabi.
- Mula sa Sulyap sa Panulaang Filipino,(Macaraig, 2004) at Panitikan sa Pilipino 2
(Pandalubhasaan), (Gonzales, 1982)

89
Linangin

Naririto ang isang tulang nasulat noong panahon ng Bagong Kaharian (1570-1085 B.C.)
ng Sinaunang Egypt. Ito ang panahon ng pagapapalawak ng Empire ng Egypt at
panahon ng napakasopistikadong pag-usbong ng kultura nito.Tuklasin mo kung bakit
mahalagang unawain ang tulang pastoral ng mga taga-Egypt na nagpapakita ng
pagnanais nila ng simpleng buhay sa gitna ng komplikadong sitwasyon ng kanilang
panahon.

Ang Tinig ng Ligaw na Gansa


Ang tinig ng ligaw na gansa nahuli sa
pain, umiyak
Ako’y hawak ng iyong pag-ibig, hindi ako
makaalpas.

Lambat ko ay aking itatabi, subalit kay


ina’y anong masasabi?
Sa araw-araw ako’y umuuwi, karga ang
aking mga huli
Di ko inilagay ang bitag
sapagka’t sa pag-ibig mo’y nabihag.

GAWAIN 3: Paglinang ng Talasalitaan


a. Pilliin sa talaan ng mga salita ang katulad na kahulugan ng salitang nasa loob ng
kahon. Isulat sa sagutang papel ang inyong sagot.
nakulong naloko mailap kawala
pain mahirap hulihin silo bilanggo
takas preso pugante nabihag

alpas

bitag

bihag

liwag ng bansa
b. Basahin ang mga taludtod ng tula at ilarawan kung anong damdamin ang
ipinahahayag nito. Kopyahin ang pormat sa iyong sagutang papel.
Taludtod ng tula Damdamin
nahuli sa pain, umiyak

hindi ako makaalpas

Lambat ko ay aking itatabi subalit


kay ina’y anong masasabi?
90
Sapagka’t sa pag-ibig mo’y nabihag
GAWAIN 4: Kaisipan Mo’y Mahalaga
Sagutin ang mga tanong. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

1. Sino ang persona o nagsasalita sa tula? Ilarawan ang kaniyang katangian at


damdamin batay sa nilalaman ng tula.
2. Ano ang pang-araw-araw na gawain ng nagsasalita sa tula?
3. Bakit kakaiba ang araw na ito sa kaniya?
4. Ano ang larawang nabuo mo sa iyong isipan pagkatapos basahin ang tula?
5. Ano ang masasalaming kultura ng mga taga-Egypt na makikita sa akda? Paano
ito maiuugnay sa kulturang Pilipino?
6. Sa iyong palagay, ano-ano ang positibo at negatibong nagagawa ng tao nang
dahil sa pag-ibig? Magbigay ng tigdalawang halimbawa at ipaliwanag ang

POSITI NEGATI
BO BO
___________ ___________
______
__________ bawat
isa.
7. Paano maiiwasan ang negatibong bunga ng pag-ibig? Ipaliwanag ang iyong
sagot.
GAWAIN 5. Paglinang ng Kasanayang Pampanitikan
1. Suriin ang simbolismong ginamit sa tula at ipaliwanag ang kahulugan nito.
Tinig ng Ligaw na Gansa

Simbolismo Kahulugan

Ligaw na gansa

pain

bihag

2. Ano ang tinutukoy na komplikasyon ng buhay sa tula?


3. Paano ipinakita sa tula ang simpleng pananaw sa komplikasyon ng buhay?
4. Ano ang impresiyon o kakintalang naiwan sa iyo pagkatapos mong mabasa ang
tula?
5. Paano nakatutulong ang pagtingin sa iba’t ibang pananaw o perspektibo ng tao
sa buhay?
GAWAIN 6: Suriin Mo
91
Naririto naman ang tulang lirikong pastoral na mula sa Pilipinas. Suriin mo ang pagkakatulad at
pagkakaiba nito sa tulang “Ang Tinig ng Ligaw na Gansa.”

Bayani ng Bukid ni:


Alejandrino Q. Perez

Ako’y magsasakang bayani ng bukid


Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

Ang kaibigan ko ay si Kalakian


Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman

Ang haring araw di pa sumisikat


Ako’y pupunta na sa napakalawak Na
aking bukiring laging nasa hagap At
tanging pag-asa ng taong masipag.

Sa aking lupain doon nagmumula


Lahat ng pagkain nitong ating bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha Sila’y
umaasa sa pawis ko’t gawa.

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad


Ang aki’y dumami ng para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak Umaasa
akong puso’y nagagalak.

At pagmasdan ninyo ang aking bakuran


Inyong makikita ang mga halaman Dito
nagmumula masarap na gulay Paunang
pampalakas sa ating katawan.

Sa aming paligid namamalas pa rin


Ang alagang hayop katulad ng kambing Baboy,
manok, pato’y alay ay pagkain Nagdudulot lakas
sa sariling atin.

Ako’y gumagawa sa bawat panahon


Na sa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong At
nang maiwasan ang pagkakagutom.

Ako’y magsasakang bayani ng bukid


Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

- Mula sa Panitikan ng Pilipinas nina Pangiban at Panganiban. 1998


92
Sagutin ang mga gabay na tanong.
1. Tungkol saan ang tula?
2. Ano-ano ang simbolismong ginamit sa tula?
3. Ano ang damdaming nangingibabaw sa tula?
4. Paano nagkakatulad o nagkakaiba ang mensahe ng tulang “Ang Tinig ng Gansa”
sa tulang ito?
5. Ano ang masasalaming kultura ng mga Pilipino sa tulang “Bayani ng Bukid?”

GAWAIN 7: Pagsusuri sa Kayarian


1. Paano nagkakatulad at nagkaiba ayon sa kayarian ang dalawang tula? Isulat sa
sagutang papel.
Ang Tinig ng Ligaw na
Kayarian Bayani ng Bukid
Gansa
Pagkakatulad

a. sukat

b. tugma

c. talinghaga

d. kariktan

Pagkakaiba

a. sukat

b. tugma

c. talinghaga

d. kariktan
2. May nakahihigit ba sa dalawang tula batay sa kasiningan ng pagpapahayag ng
kaisipan kung pagbabatayan ang kayarian? Ipaliwanag.
3. Paano ipinakikita ang komplikadong buhay at simpleng buhay sa dalawang tula?
EGYPT – Tinig ng Ligaw na Gansa
Tulang Lirikong Pastoral

Komplikadong ng buhay Simpleng buhay

PILIPINAS – Bayani ng Bukid


Tulang Lirikong Pastoral

Komplikasyon ng buhay Simpleng buhay

93
Pagsasanib ng Gramatika at Retorika

Iba’t iba ang damdamin ng mga tao. Sa pagpapahayag ng damdamin nagiging makulay
ang alinmang akdang pampanitikan. Kaya mahalagang malaman kung paano mabisang
maipahahayag ito.

Basahin ang tula at pagtuunan ng pansin ang damdaming nangingibabaw sa pamamagitan ng


pagsagot sa gabay na tanong.

Republikang Basahan ni
Teodoro Agoncillo

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan? Ang


tingin sa tanikala’y busilak ng kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi?


Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari,

Ang buhay mo’y walang patid na hibla ng pagtataksil Sa


sarili, lipi’t angkan, sa bayan mong dumarating!

Kalayaan! Republika! Ang bayani’y dinudusta Kalayaan


pala itong mamatay nang abang-aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili Ang dangal ng


tahanan mong ibo’t pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitaya’n ikaw’y manhik, At


magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan – ito pala’y mayron na ring tinutubo Sa


puhunang dila’t laway, at hindi sa luha’t dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap, Sa


ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing, Na


sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin, Subalit


ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,


Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,


Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi’t gawa

Republika na nga itong ang sa inyo’y hindi iyo, Timawa


ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!
Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
94
Sa patak ng iyong luha’y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok, Palasapin


mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Kasarinlan! Republika! Kayo baga’y nauulol, Ang


inyong kalayaa’y tabla na rin ng kabaong?

Bawat hakbang na gawin mo sa templo ng kalayaan Ay


hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Republika! Kasarinlan! Mandi’y hindi nadarama, Ang


paglaya’y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Ang paglaya’y nakukuha sa tulis ng isang sibat,


Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapuwa tabak

Ang paglaya’y isang tining ng nagsamang dugo’t luha, Sa


saro ng kagitinga’y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin, Isang


punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!

- Mula sa Panitikan ng Pilipinas nina Pangiban at Panganiban. 1998

Sagutin ang mga gabay na tanong. Isulat ito sa sagutang papel.

1. Bakit hindi tunay ang pagkamit ng kalayaan ng bansa ayon sa may-akda?


2. Paano makakamit ang tunay na kalayaan ayon sa tula?
3. Magtala ng lima hanggang sampung taludtod o saknong ng tula na
nagpapahayag ng iba’t ibang damdamin. Gamitin ang kasunod na pormat sa
pagtalakay ng iyong sagot.
Taludtod/saknong Damdamin

Halimbawa:
Republika baga itong busabos ka ng dayuhan? pagkagalit
Ang tingin sa tanikala’y busilak ng kalayaan?
4. Ano ang naramdaman mo pagkatapos basahin ang tula?
5. Paano ipinahayag ng makata ang damdamin sa tula?
6. Naging mabisa ba ito? Ipaliwanag.
Alam mo ba na... ang wika ay hindi lamang instrumento sa pagpapahayag ng
kaisipan kundi ng saloobin, gawi at paniniwala? Sa pamamagitan nito’y naipahahayag
natin ang nadarama natin sa ating kapwa.

Pagpapahayag ng Emosyon
Maraming paraan ng pagpapahayag ng emosyon o damdamin sa wikang
Filipino, kabilang ang sumusunod:

95
1. Isang paraaan ang paggamit ng padamdam na pangungusap sa pagpapahayag ng
matinding damdamin. Ginagamit sa pangungusap na ito ang bantas na padamdam (!), at
kung minsa’y ang bantas na patanong (?) tulad ng sumusunod:

a. Paghanga: Wow! Perfect ang iskor mo.Naks! Ganda! Bilib ako!


b. Pagkagulat: Ha? Nakakahiya.Inay! Naku po!
c. Pagkatuwa: Yahoo! Pasado ako, Yehey! Yipee!
d. Pag-asa: Harinawa, Sana sumama ka sa group study namin.
e. Pagkainis/Pagkagalit: Bagsak ako! Kakainis!

Ginagamit din kung minsan ang panandang pananong (?) sa pagpapahayag ng damdamin lalo
na kung ito ay may halong pagtataka.

Maaaring samahan ang mga ito ng parirala o sugnay na tumitiyak sa emosyong nadarama.
Gaya nito:
a. Paghanga: Wow, ang ganda n’yan, a!
b. Pagkagulat: O, ikaw pala!
c. Pagkalungkot: Naku, kawawa naman siya!
d. Pagtataka: Siyanga? Totoo bang sinabi mo?
e. Pagkatuwa: Yipee! Matutuwa si Mommmy.
f. Pagkagalit/ Pagkainis: Hmmpp! Nakaiinis ka!
g. Pag-asa: Naku, sana nga’y makapasa ka na!

2. Isa ring paraan ang paggamit ng pahayag na tiyakang nagpadama ng damdamin at/ o
saloobin ng nagsasalita. Ngunit mahuhulaang hindi masyadong matindi ang damdaming
inihahayag sa ganitong paraan. Pansinin ding ginagamitan ng tuldok ang mga pahayag,
bagaman maaari ring gamitan ng padamdam ang bawat isa upang makapaghudyat ng
mas matinding damdamin.
a. Pagtanggi: Dinaramdam ko, hindi na ako lalahok sa paligsahan.
b. Pagkasiya: Mabuti naman at narito na kayo.
c. Pagtataka: Hindi ako makapaniwala. Ngayon ko lang narinig ang balitang iyan.
d. Pagkainis: Nakabubuwisit talaga ang kinalabasan ng pagsusulit.

3. Maihahayag din ang iba pang emosyon sa tulong ng sumusunod na konstruksiyong


gramatikal:
• Paggamit ng mga padamdam na pahayag na karaniwang binubuo ng pariralang nominal
o adjectival.
a. Ang ganda ng tulang iyan!
b. Nakakapanggigil talaga ang alaga mong aso!
c. Ang ilap ng gansa!

• Paggamit ng mga ekspresiyong karaniwang nagpapahiwatig ng antas ng kasukdulan o


kasobrahan.
a. Napakakulit ng lalaking mangingibig!
b. Sobrang bait ng mag-aaral.
c. Ang ganda-ganda niya!
d. Talagang gulat na gulat si Arvyl.

96
• Paggamit ng negatibong ekspresiyon na binibigyang-diin kapag binibigkas,
kasama ang ano man, sino man, saan man at iba pa.
a. Wala kang maaasahang ano man sa kaniya.
b. Hindi matatalo ng sino man ang marunong manuyo.
c. Saan ka man pumunta, hindi ka makaliligtas sa akin.
• Paggamit ng mga tanong na retorikal (Patayutay na pagtatanong upang
bigyang-diin ang isang kaisipan. Ito ay tanong na hindi sinasagot sapagkat
lantad na.)
a. Ang ganda ng ginawa nila, di ba?
(Napakaganda ng ginawa nila!)
b. Dahilan ba iyan para malungkot ka?
(Hindi iyan sapat na dahilan para malungkot ka!)
c. Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi?
(Hindi, sapagkat nakasusi ang bibig)
d. Anong diperensiya noon?
(Wala iyong diperensiya)
e. Sino ang hindi nakaalam niyan?
(Alam iyan ng lahat)
Pagsasanay 1: Tukuyin kung anong damdamin at paraan ng pagpapahayag ang
ginamit sa bawat pangungusap.
Paraan ng
Pangungusap Damdamin
Pagpapahayag
1. Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang
nangangarap
2. Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit
hindi? Sa patak ng iyong luha’y malaya
kang mamighati!
3. Ang buhay mo’y walang patid na hibla ng
pagtataksil
Sa sarili, lipi’t angkan, sa bayan mong
dumarating!

4. Ang galing-galing mong magsaulo ng tula.

5. Ang husay ng mga taga-Egypt sa kanilang


sining, di ba?
6. Talagang galit na galit ang makata nang
isulat niya ang tula.
7. Wala na tayong pag-asa kung patuloy
tayong magpapaalipin.
8. Sobrang sipag ng mga magsasaka sa ating
bansa!
9. Wow! May pag-asa pa tayong umunlad!

10. Pasensiya na, wala na akong magagawa.

97
Pagsasanay 2: Naririto ang iyong pagkakataong maipahayag ang iyong saloobin.
Bumuo ng isang pangungusap na nagpapahayag ng iyong damdamin sa sumusunod na
mga katauhan. Ipahayag ang pangungusap na tila kausap mo sila. Gumamit ng iba’t
ibang paraan ng pagpapahayag ng damdamin.

1. Taong lihim na hinahangaan: ___________________________________


2. Nakilalang may mabigat na suliranin: _____________________________
3. Taong nais hingan ng paumanhin: _______________________________
4. Kaklase na hinahangaan mo dahil sa kanyang kabutihan: ____________
5. Pangulo ng Pilipinas:_________________________________________

Pagsasanay 3: Sumulat ng isang text message na magpapanumbalik ng pag-asa sa


iyong kaibigan, kaklase o kakilalang may pinagdaraanang suliranin. Sikaping ipahayag
sa mensahe ang positibong pananaw sa buhay upang magpatuloy siyang harapin ito.
Maaaring patula o tuluyan ang isusulat na mensahe.Isulat sa sagutang papel o
maaaring ipadala sa iyong guro sa pamamagitan ng pag-text.

Pagnilayan at Unawain
Gawain 9: Bahaginan
Ibahagi sa iyong kamag-aral ang iyong sagot sa sumusunod na tanong.

1. Paano naiiba ang pastoral sa iba pang uri ng tulang liriko?


2. Bakit mahalagang maipahayag ng tao ang kaniyang damdamin sa kapwa?
3. Paano nakatutulong ang pagbabasa ng tulang pastoral sa mambabasa ?
4. Bakit mahalagang unawain ang tulang lirikong pastoral ng mga taga-Egypt?
5. Paano mabisang maipahahayag ang damdamin sa tula?

Pagkatapos ng pakikipagpalitan ng sagot at tanong sa kaklase, bumuo ng sintesis


tungkol sa mga natutuhan sa buong aralin. Talakayin ang sagot sa tulong ng kasunod na
grapikong representasyon.

98
Ilipat
Isa kang Guidance Conselor (propesyunal na tagapayo ng mga mag-aaral
kaugnay ng kanilang pampersonal, pang-akademiko at propesyunal na mga
alalahanin.) sa isang pampublikong paaralan. Linggo-linggo ay may iba’t ibang
mag-aaral ang nagtutungo sa iyong opisina upang humingi ng payo tungkol sa
kanilang mga pinagdaraanang suliranin sa buhay. Napansin mong kahit sa
murang edad ng mga mag-aaral ay masalimuot na ang mga suliraning kanilang
kinahaharap. Ito ang nagiging sanhi ng hindi nila pagkakaroon ng lubos na
atensiyon sa pag-aaral. Sa dami ng mga mag-aaral sa iyong paaralan hindi mo
mabibigyan ng atensiyon at payo ang lahat ng mga mag-aaral. Naisip mo na
magpaskil ng tulang pastoral na may mensaheng makapagbibigay sa kanila ng
positibong pananaw sa buhay sa kabila ng pagiging masalimuot nito. Sa ganitong
paraan parang nabigyan mo na rin ng payo ang bawat makababasa ng iyong tula.
Dalawa hanggang tatlong taludtod na tulang pastoral ang iyong isusulat batay sa
pamantayang ito:

a. malinaw na mensahe 10 puntos


- piling-pili ang mga salitang ginamit
- may malinaw na pagpapahayag ng damdamin

b. matalinghaga 10 puntos
- malalim ang kahulugan / may simbolismo
- malikhain at matayutay na pagpapahayag ng kaisipan

c. may kariktan 10 puntos


- may kakintalan - mapagparanas

99

You might also like