You are on page 1of 10

1

Pangalan: ___________________________________ Guro: ______________

Baitang at Seksyon: __________________________ Petsa: _____________

Aralin Pag-uugnay ng Damdamin at


Pananaw sa Tula ng Rehiyong Asya
5 Isinulat ni Rosenie G. Quijano

Mga Inaasahan
Sa araling ito, babasahin mo ang ilang tulang liriko ng
Rehiyong Asya. Aalamin mo ang mga uri ng tulang ito at iuugnay mo rin ang
iyong damdamin at pananaw sa pag-aaral ng bawat tula.

Sa pagtatapos ng araling ito, inaasahang malilinang sa iyo ang mga


sumusunod na kasanayan :

1. Naiuugnay ang sariling damdamin sa damdaming inihayag sa napakinggang


tula (F9PN-Ie-41)
2. Nailalahad ang sariling pananaw ng paksa sa mga tulang Asyano (F9PB-Ie-41)
3. Natutukoy at naipaliliwanag ang magkasingkahulugang pahayag sa ilang
taludturan (F9PT-Ie-41)
4. Naisusulat ang ilang taludtod tungkol sa pagpapahalaga sa pagiging
mamamayan ng rehiyong Asya (F9PU-Ie-43)

Simulan mo ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagsagot ng Paunang


Pagsubok.

Paunang Pagsubok
Basahin ang nilalaman ng tula. Pagkatapos ay sagutin ang kasunod
na tanong. Piliin ang letra ng tamang sagot.

Babang-Luksa
(Tula/Pampango)
Salin ni Olivia P. Dantes
“Pabanua”
ni: Diosdado Macapagal

1Isang taon ngayon ng iyong pagpanaw


Tila kahapon lang nang ika’y lumisan;
Subalit sa akin ang tanging naiwan,
Mga alaalang di – malilimutan.

4Sa matandang bahay napuno ng saya


Sa araw na iyo’y pinagsaluhan ta;
Ang biyayang saglit , kung nababalik pa
Ang ipapalit ko’y ang aking hininga.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
2

5Bakit ba, mahal ko, kay- agang lumisan


At iniwan akong sawing – kapalaran
Hindi mo ba talos , kab'yak ka ng buhay
At sa pagyaon mo’y para ring namatay ?

6Marahil tinubos ka ni bathala


Upang sa isipa’y hindi ka tumanda ;
At ang larawan mo sa puso ko’t diwa
Ay manatiling maganda at bata.

7Sa paraang ito kung nagkaedad na


Ang puting buhok ko’y di mo makikita
At ang larawan kong tandang tanda mo pa
Yaong kabataan taglay na tuwina

8 At dahil nga rito, ang pagmamahalan


Ay hanggang matapos ang kabataan,
Itong alaala ay lalaging buhay,
Lalaging sariwa sa kawalang-hanggan.

9Kaya aking mahal, sa iyong pagpanaw


Tayo’y nagtagumpay sa dupok ng buhay,
Ang ating pagsintang masidhi’t marangal
Hindi mamamatay, walang katapusan

10 Ang kaugalian ng ninuno natin


Isang taon akong nagluluksa mandin;
Ngunit ang puso ko’y sadyang maninimdim;
Hanggang kalangitan tayo’y magkapiling.

_____ 1. Sino ang persona o ang nagsasalita sa tula?


A. makata C. asawang lalaki
B. Olivia P. Dantes D. asawang babae
_____ 2. Ano ang angkop na kahulugan ng pagpanaw sa unang saknong?
A. umalis B. lumayo C. naglakbay D. namatay
_____ 3. Anong damdamin ang nangingibabaw sa ikalimang saknong?
A. pagkabalisa B. pagkahabag C. paghihinagpis D. pagkalito
_____ 4. Aling saknong ang nagpapakita ng pahayag na imposibleng mangyari?
A. saknong 4 B. saknong 6 C. saknong 7 D. saknong 9
______ 5. Alin sa mga taludtod ang may pahayag na magkasingkahulugan?
A. Kaya aking mahal, sa iyong pagpanaw
B. Hindi mamamatay, walang katapusan
C. Ang ating pagsintang masidhi’t marangal
D. Tayo’y nagtagumpay sa dupok ng buhay
_____ 6. Ano sa mga pahayag ng piling saknong ang magkasingkahulugan?
A. (6) Upang sa isipa’y hindi ka tumanda, C. (8) Lalaging buhay’
manatiling maganda at bata lalaging sariwa
B. (7) kung nagkaedad na, D. (9) sa iyong pagpanaw
Puting buhok di makikita hindi mamamatay

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
3

_____ 7. Bakit nasabi ng persona na sila’y nagtagumpay sa dupok ng buhay?


A. Dahil mayroon silang malaking bahay
B. Dahil naging masaya sila sa kanilang pagsasama
C. Dahil namatay ang babae nang bata at maganda
D. Dahil masidhi pa rin ang kanilang pagmamahalan nang pumanaw
ang asawa
_____ 8. Ano ang paksa ng tula?
A. Pag-alaala sa minamahal na asawang pumanaw na
B. Pag-alaala sa masasayang karanasan sa buhay
C. Paggugunita sa itsura ng minamahal
D. Pagsunod sa kaugalian
_____ 9. Bukod sa pagkakaroon ng sukat at tugma, ano pang katangian ang
ipinakikita ng tula?
A. Mayroon itong isang banghay at tagpuan.
B. Naglalaman ito ng mga dayalogo.
C. Nagpapahayag ito ng masidhing damdamin.
D. Marami itong tauhan at magkakaugnay na mga pangyayari.
_____ 10. Anong uri ng tula ang iyong nabasa?
A. elehiya B. soneto C. oda D. tulang pasalaysay

Bago tayo magpatuloy, halinang magbalik-aral sa nakaraang aralin.

Balik-tanaw

Piliin sa kahon ang tunggaliang tinutukoy sa bawat pangungusap. Isulat


ang letra ng tamang sagot.

A. Tao laban sa Tao C. Tao laban sa sarili

B. Tao laban sa lipunan D. Tao laban sa kalikasan

______ 1. Nagdadalawang-isip ang tauhan kung tama ba o mali ang kanyang


gagawing pag-iwan sa mga anak.
______ 2. Nais agawin ng sariling tiyuhin ang trono ng batang hari.
______ 3. Hirap iligtas ng sundalong bida ang mga taga-Urk dahil sa patuloy
na pagyanig ng lupa
______ 4. Alam ni Kap. Ri na ang hukbong sandatahan ng Timog Korea ang bago
niyang kalaban.
______ 5. Ayaw sanang gamutin ni Dr. Kang ang lider ng sindikato ngunit patuloy
namang ipinapaala ng kanyang isip ang pangakong sinumpaan bilang isang
doktor.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
4

Pagpapakilala ng Aralin

Sa araling ito, pag-aaralan mo ang isang uri ng tulang


nagpapahayag ng masidhing damdamin at kaisipan.

Tulang Liriko

Sa uring ito ng tula, ibinabahagi ng makata ang kaniyang sariling damdamin at


ang kaniyang pagbubulay-bulay batay sa kaniyang sariling karanasan o sa karanasan
ng iba. Ito rin ay nagtataglay ng mga guniguni at pangarap ng may-akda.

Mga Uri ng Lirikong Tula

Ang awit (dalitsuyo) ay isang tulang pandamdamin na pumapaksa sa matimyas


na pagmamahal, pagmamalasakit, at pamimighati ng isang mangingibig. Karaniwan
itong sinasabayan ng himig ng isang instrumento.

Ang elehiya (dalitlumbay) naman ay nakikilala sa katangiang mapanangis at


karaniwang pumapaksa sa pag-alaala sa taong namatay na. Ito rin ay may himig na
mapagtimpi at mapagmuni-muni.

Ang Oda (dalitpuri) ay may kaisipan at estilong marangal at dakila. Ito ay


nagbibigay-pugay sa mga taong gumawa ng kapuri-puring ambag sa lipunan o sa
bayan. Ito rin ay isinusulat bilang papuri o dedikasyon para sa isang tao o isang
bagay na nagsisilbing inspirasyon para sa makata. Ang ganitong uri ng tulang
pandamdamin ay kadalasang hindi sumusunod sa tradisyunal na pagkakabuo ng tula
dahil wala itong tiyak na bilang ng pantig o tiyak na bilang ng taludtod.

Ang dalit (dalitsamba) ay maikling awit na pumupuri sa Diyos. Kalimitan itong


wawaluhing pantig na may dalawa, tatlo o apat na taludturan.

Ang soneto (dalitwari) ay kinikilalang tulang may labing-apat na taludtod


ngunit hindi rito nagtatapos ang katangian ng soneto. Karaniwan, ang unang walong
taludtod ay nagpapahayag ng isang pangyayaring nagwawakas sa isang malubhang
suliranin o pagtataka sa malalim na kahulugan ng buhay. Samantalang ang mga
sumunod na taludtod ay nagsasaad ng katuturan at kahalagahan ng unang walong
taludtod At ang huling taludturan naman ang siyang pumapawi sa isinaad ng
sinundang taludtod.

Ngayong naunawaan mo na ang tulang liriko at mga uri nito maaari mo


nang basahin ang halimbawa nito mula sa bansang Malaysia.

Kilalanin mo muna ang may-akda.

Si Dr. Usman Awang ay isang Malaysian National Laureate na kilala sa mga


sagisag-panulat (pen name) na Tongkat Warrant, Adi Jaya, Amir at iba pa. Siya ay
sumikat hindi lamang sa bansang Malaysia kundi maging sa bansang Singapore nang
maging editor siya ng panitikang dyornal gaya ng Utusan Zaman at mapabilang sa
Asia’s 50 sa bansang ito.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
5

Karamihan sa kaniyang mga akda ay nagpapakita ng pagmamahal sa buhay at


karapatan ng tao kaya’t madalas siyang inilalarawan bilang humanista.

Halina’t alamin mo kung paano mamamalas sa kaniyang tula ang


matinding mithiin niya para sa kaniyang bayan.

Puting Kalapati, Libutin Itong Sandaigdigan


Usman Awang
Salin ni A. B. Julian

Sa mga pangyayaring walang katiyakan,


Kung saan ang tao'y naghihinala't tuwina'y may agam-agam
Lumipad ang kalapati upang lakbayin ang sandaigdigan
Sa kaniyang puting pakpak na hanap ay kapayapaan
Habang sagisag ng pagkakasundo'y patuloy na pumapailanlang.

Puting kalapati, libutin itong sandaigdigan


Ang hanging panggabi'y iyong panariwain
Ang mga bulaklak iyong pamukadkarin
Itong aming mga labi'y iyong pangitiin.

Pagkat sa iyo na ang pag-asa ay di nawala


Sa iyong hininga, hanging sariwa nagmula
Itong sandaigdigan, paniwalain mo sa kapayapaan
Habang puso'y pumipintig sa gabi ng katahimikan.

Ngunit ikaw na palamara


Tulad ng alabok, humayo ka't mawala
Pagkat mundo mo't bantayog ay gumuho na
Ngayon ay may bagong hinagap na kayganda
Bilang repleksyon nitong buhay na mapayapa.

Inaasahan ko na naunawaan mo ang ating tinalakay. Kung may


bahaging hindi mo lubos na naunawaan huwag kang mag-atubiling magtanong
sa guro. Maaari mo nang sagutin ang mga gawain sa kasunod na bahagi.

Mga Gawain

Gawain 1.1 Pagpapalawak ng Talasalitaan


Piliin sa mga taludtod ang magkasingkahulugang pahayag at ipaliwanag
ang kahulugan ng mga ito. Isulat ang sagot sa loob ng kahon.

1. Kung saan ang tao’y naghihinala’t may agam-agam,


Sumahimpapawid nang matanggal ang pag-aalinlangan.

Pahayag

Pahayag Kahulugan

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
6

2. Itong sandaigdigan, paniwalain mo sa kapayapaan


Upang paghugutan ng pag-asa niring sangkatauhan

Pahayag

Pahayag Kahulugan

3. Ngunit ikaw ay palamara katulad ng alabok


Dapat mawala ang mga taksil sa lahat ng pook

Pahayag

Pahayag Kahulugan

Gawain 1.2 Pagsagot sa mga Tanong

1. Tungkol saan ang binasa mong tula? Ano ang masasabi mo sa paksang tulad nito
ng mga tulang Asyano?
__________________________________________________________________________________
2. Ano ang sinisimbolo ng kalapati? Bakit kaya ito ang ginamit ng may-akda bilang
simbolismo? _____________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________
3. Pareho ba kayo ng ninanais ng may-akda para sa bayan? Ipaliwanag ang iyong
sagot. ___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
4. Anong damdamin ang litaw sa piling saknong? Ano naman ang iyong nadarama
tungkol dito?

Saknong 3: Pagkat sa iyo na ang pag-asa ay di nawala


Sa iyong hininga, hanging sariwa nagmula
Itong sandaigdigan, paniwalain mo sa kapayapaan
Habang puso'y pumipintig sa gabi ng katahimikan.

Damdaming umiiral sa saknong Damdamin ko

Saknong 4: Ngunit ikaw na palamara


Tulad ng alabok, humayo ka't mawala
Pagkat mundo mo't bantayog ay gumuho na

Damdaming umiiral sa saknong Damdamin ko

5. Sa panahon mo ngayon, ano-ano ang nagiging sagabal sa kapayapaan ng iyong


komunidad? Paano ito nakakaapekto sa iyo? _____________________________________
_____________________________________________________________________________________

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
7

6. Kilalanin mo sa iyong lipunan ang mga bayaning gumagawa para sa kapayapaan at


ang mga palamarang sumisira nito?

Bayani: Palamara:
Ginawa: Ginawa:

7. .Ngayong nauunawaan mo ang marubdob na pag-asang mayroon ang makata sa


pagnanais magkroon ng kapayapaan, anong uri ng tula ang iyong nabasa?
__________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

Mahusay! Natapos mo ang mga gawaing ibinigay. Patuloy mo pang


palawakin ang iyong kaalaman.

Tandaan
Matapos mong pag-aralan ang tulang liriko at ang mga uri
nito, narito ang mga dapat mong tandaan.

1. Ang tulang liriko ay isang uri ng tulang nagpapahayagng masidhing


damdamin, kaisipan, guni-guni o pangarap ng may-akda.

2. Ang awit, elehiya, oda, soneto, at dalit ay mga uri ng tulang liriko.

3. Si Dr. Usman Awang ay isang Malaysian National Laureate na sumikat


hindi lamang sa bansang Malaysia kundi maging sa bansang Singapore dahil sa
angking galing sa pagsulat. Kadalasang tema ng kaniyang mga akda ang
pagmamahal sa buhay at karapatang pantao.

Isang gawain pa ang inilaan ko para sa iyo upang mailapat mo ang iyong
mga natutuhan.

Pag-alam sa mga Natutuhan

Sumulat ka ng tatlo hanggang limang taludturan ng tula na


may paksang pagpapahalaga ng pagiging mamamayan sa rehiyong
Asya. Sundin ang mga sumusunod na batayan:

1. Akma sa paksa at napapanahon


2. Hindi bababa sa tatlo hanggang limang taludturan
3. Nagpapahayag ng masidhing damdamin
4. Orihinal na gawa

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
8

Ang bawat pamantayan ay may kalakip na puntos batay sa mga sumusunod:

4 3 2 1
Napakahusay Mahusay Katamtaman Dapat Paunlarin

Nasunod ang lahat May isang Dalawa lamang sa Isa lamang sa


ng batayan. batayang hindi mga batayan ang batayan ang
nasunod nasunod nasunod

Pangwakas na Pagsusulit
Basahin ang nilalaman ng tula at sagutin ang mga tanong.
Isulat ang letra ng tamang sagot.

COVID Ka Lang, Pilipino Kami


ni : R. Quijano

Sino ka upang hamunin ang lahing Kayumanggi?


na sa mga unos ng buhay hindi nagpagapi?
Maging bagyo man o lindol ‘di umobra sa amin.
Covid ka lang, ‘di mo kami kayang gibain.

May takot man nanatili kaming nagkakaisa.


Sa bawat araw, puno lagi ng pag-asa.
Narinig mo ba ang panalanging sama-sama?
Tulong-tulong sa pagbigay ng pangangailangan ng iba.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
9

Kaya mo lang magbigay ng panik sa lahat!


Ngunit, bayaning frontliners sa amin ay sapat.
Kagalingan at kaayusang bigay, serbisyong tapat
Husto sa bawat mamamayan, higit sa nararapat.

Covid ka lang! Pilipino kaming handa nang sumulong.


Sa patuloy na edukasyon lahat kami’y hindi uurong.
Ekonomiya nami’y ready na sa pagbangon.
Lahing Pilipino sa tagumpay paroroon.

_________ 1. Ano ang kaisipang ipinahahayag sa unang saknong?


A. Mahirap talunin ang mga problema sa buhay.
B. Matatag ang lahing Kayumanggi sa mga pagsubok sa buhay.
C. Hindi umuurong sa anomang gulo ang lahing Kayumanggi.
D. Nakakatakot ang COVID-19.
_________ 2. Ipinakikita ng unang saknong ang damdaming ___________.
A. kalungkutan B. panghihinayang C. katatagan D. kayabangan
_________ 3. Aling salita sa mga pahayag ang magkasingkahulugan?
A. nagkakaisa / sama-sama C. tulong-tulong/nagkakaisa
B. panalangin/pangangailangan D. araw/pag-asa
_________ 4. Ano ang emosyong nangingibabaw sa ikalawang saknong?
A. natatakot B. nagmamalaki C.nanunumbat D. umaasa
_________ 5. Ano ang tinutukoy na nagbibigay ng panik sa lahat?
A. pagpapatuloy ng edukasyon C. pagkalat ng COVID-19
B. pangangailangan ng mamamayan D. Serbisyo ng frontliners
_________ 6. Ano ang katotohanang ipinahayag ng ikatlong saknong?
A. Nagpapanik ang lahat ng tao at nawawalan ng pag-asa
B..Maraming gumagaling at nagiging maayos ang bansa sa panahon
ng pandemya
C. One is to one ang bilang ng mga pasyente at frontliners
D. Nababawasan ang takot ng lahat dahil sa serbisyong bigay ng mga
frontliners
_________ 7. Alin sa mga sumusunod na damdamin ang litaw sa panghuling saknong?
A. determinado B. nagdududa C. umaasa D. katapangan
_________ 8. Alin sa mga tambalang pahayag ang magkasingkahulugan?
A. Ready sa pagbangon - handa nang sumulong
B. Sa tagumpay paroroon - hindi uurong
C. Handa nang sumulong - kami’y hindi uurong
D. Patuloy na edukasyon - ekonomiya’y babangon
_________ 9. Bakit ito maituturing na tulang liriko?
A. Litaw ang masidhing damdamin at kaisipan ng may-akda
B. Nagsasalaysay ng isang pangyayari
C. Mayroong tauhang nabanggit sa tula
D. May indayog at aliw-iw
_________ 10. Ang mga sumusunod ay katangian ng tulang binasa maliban sa isa.
A. Binubuo ng 14 na taludturan
B. May sukat at tugma
C. Ginamitan ng matatalinhagang salita
D. Nagpapahayag ng pagbulay-bulay ng may-akda sa kaganapan sa
kaniyang kapaligiran

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo
10

Pagninilay
Bumuo ka ng tulang may apat na saknong na nagpapahayag
ng damdamin at pananaw ng iyong pamilya sa pagharap sa Covid-
19. Sundin ang batayan sa ibaba.

Mga batayan:
1. Malinaw na naipakita ang damdamin at pananaw
2. Binubuo ng hindi bababa sa apat na saknong
3. May kaugnayan sa paksang ibinigay

4 - kumpleto ang lahat ng batayan 2 - kulang ng higit sa isa ang batayan


3 - kulang ng isang batayan 1 - hindi sinunod ang mga batayan

Binabati kita! Natapos mo na ang Aralin 5. Kung mayroon pang nais


linawin tungkol sa modyul na ito, huwag mahiyang magtanong sa iyong guro.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalimang Linggo

You might also like