You are on page 1of 10

1

Pangalan: ___________________________________ Guro: ______________

Baitang at Seksyon: __________________________ Petsa: _____________

Aralin Pagsusuri ng Maikling Kuwento


Mga Pang-ugnay sa Pagsunod-sunod ng
2 mga Pangyayari
Isinulat ni Mary Grace E. Capuli

Sa araling ito, tatalakayin natin ang katangian ng maikling kuwento gamit ang
halimbawa mula sa Thailand at iba’t ibang gamit ng mga pang-ugnay.

Inaasahan na sa pagtatapos ng aralin ay taglay mo ang sumusunod na


kasanayan:

1. Naihahambing ang ilang piling pangyayari sa napanood na telenobela sa ilang


piling kaganapan sa lipunang Asyano sa kasalukuyan (F9PD-Ia-b-39)
2. Nasusuri ang maikling kuwento batay sa: paksa , mga tauhan, pagkakasunod-
sunod ng mga pangyayari, estilo sa pagsulat ng awtor at iba pa (F9PS-Ia-b-41)
3. Napagsusunod-sunod ang mga pangyayari (F9PU-Ia-b-41)
4. Nagagamit ang mga pang-ugnay na hudyat ng pagsusunod-sunod ng mga
pangyayari (F9WG-Ia-b-41)

Bago ka magpatuloy ay basahin ang maikling kuwento at sagutin mo muna ang


unang gawain.

ANG MAG-ASAWANG WALANG ANAK

Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit


na isang anak sa loob ng labinlimang taong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang.
Lahat ng paraan ay ginawa na nila ngunit wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito,
ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga na lang ng maraming
hayop tulad ng aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa
pag-aalaga ng hayop, sila ay kumikita din dito.
Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni
Osang. Alagang-alaga ito ni Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa
pagtulog. Parang isang anak na ang turing ni Osang sa puting pusa.
Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi
pa rin sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata
sa iba’t-ibang santo sa ibat-ibang lugar.
Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na
kung siya ay bibiyayaan ng isang anak, ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.
Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng
isang babae at ito ay pinangalanan nilang Rosario. Lumaki si Rosario sa piling ng
mapagpalang kamay nina Teban at Osang. Tulad ng kanyang pangako, hindi
pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya’t si Rosario ay hindi nakalalabas
ng bahay.
Hanggang sa magdalaga na si Rosario ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga
paa nito. Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Rosario ang tungkol sa

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
2

kanilang pangako. Naintindihan naman ni Rosario ang kalagayan ng mga magulang at


iginalang niya ang bilin ng mga ito.
Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosario, maraming binata pa rin ang
nakabalita sa angking kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa
dalaga. May isang napupusuan si Rosario, siya ay si Antonio.
Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosario. Tumawag siya sa labas ng bahay.
Nagkataon naman na sa mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosario.
Dumungaw si Rosario sa bintana.
“Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosario?” ang tanong ni Antonio.
“Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at
Nanang na huwag akong magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay,” ang sagot ni
Rosario.
“Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentuhan tayo dito sa
hardin,” mungkahi Antonio.
Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang makausap sila ni Rosario sa
may hardin. Naisip ni Rosario na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa
hardin ni Antonio. Higit sigurong magagalit ang kanyang mga magulang kung
patutuluyin niya sa loob ng bahay ang binata.
Ngunit pagtuntong na pagtuntong ni Rosario sa lupa ay biglang yumanig ang
buong kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling.
Nilamon ng tubig ang kabahayan. Nagyakap sina Antonio at Rosario at humihingi ng
saklolo. Walang tulong na dumating.
Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila
nang di makita ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang
kanilang nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

Paunang Pagsubok
Gawain 1.1 Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari ayon sa akda
gamit ang bilang 1-5. Isulat ang sagot sa patlang.

_____A. Hindi magkaanak ang mag-asawa kaya namanata sila sa ibat-ibang santo sa
iba’t – ibang lugar.

_____B. Binuhos nila ang panahon sa pag-aalaga ng mga hayop at ang pinaka
paborito ni Aling Osang ay ang alagang puting pusa.

_____C. Hinikayat ni Antonio si Rosario na makipagkwentuhan sa hardin.

_____D. Sa isang iglap ay nilamon ng tubig ang bung kabahayan.

_____E. Namanata ang mag-asawa na kung sila ay bibigyan ng anak ay hindi nila ito
patatapakin sa lupa.

Sagutan ang gawain sa balik-tanaw upang matiyak ko na malinaw na sa


iyo ang unang aralin.

Balik-tanaw
Gawain 1.2 Sagutan ang mga katanungan batay sa akdang
tinalakay. Piliin ang titik ng tamang sagot.
_____1. Si Mui Mui ay nasa gitna ng mahabang halinghing at hindi mapatahan ng
dalawang pinakamatand kapatid. Ano ang kasingkahulugan ng salitang may
salungguhit?
A. Pag-iyak B. Paghiyaw C. Pag-awit D. Pagbulyaw

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
3

_____2. Ano ang madalas na gawin ng ama sa mga anak at asawa sa tuwing siya ay
nalalasing?
A. Naghahanda ng pagkain C. Nambubugbog
B. Nakikipaglaro D. Nag-aayang matulog
_____3. Ito ang ugali ni Mui Mui na madalas ay hindi mapigil ng ina at kapatid.
A. Humahalinghing B. Tumatangis C. Nagsasayaw D. Kumakanta
_____4. Nagdesisyon ang ama na magbabago na at hinding hindi na siya _____.
A. Magsusugal B. Maglalasing C. Magtatrabaho D. Mangangalakal
_____5. Ang ama sa akda ay nawalan ng trabaho at ______?
A. Kaibigan B. Salapi C. Anak D. Kakampi

Pagpapakilala ng Aralin

Sa araling ito, pag-aaralan mo ang mga paraan sa pagsusuri ng isang Maikling


kuwento.

Paano nga ba magsuri ng isang maikling kuwento? Maari nating gawing batayan ang
mga sumusunod sa pagsusuri ng isang maikling kuwento. Handa ka na ba? Atin
nang basahin at unawain.

Una, ang LITERAL na pagsusuri. Dito ay halos iisa lamang ang sagot at kadalasang
nakapaloob sa akda ang lahat ng kasagutan. Pormularyo: literal = akda.

TAUHAN – siya/sila ang kumikilos (sinadya man o hindi) na nagdudulot ng


pangyayari sa kuwento

PANGUNAHING TAUHAN(PT) - sa kaniya/kanila umiikot ang kuwento; kadalasang


kumikilos sa pagsagot ng problema

IBA PANG TAUHAN (IPT) - siya/sila ang katuwang o katunggali ng PT sa pag-indayog


/pagtakbo ng kuwento

TAGPUAN – dito naganap ang kuwento (Lugar kung saan nangyari ang kuwento at
panahon kung kailan nangyari ang kuwento)

PROBLEMA – ito ang pinakadahilan / pinanggalingan ng lahat ng mga pagkilos ng


mga tauhan / pangyayari

PANGUNAHING PROBLEMA - *pinakaproblema, “nanay” ng lahat ng iba pang


mgaproblemang napapaloob sa kuwento - *taglay, dinadala ng pangunahing tauhan
(kaya magagamit itong patunay / palatandaan upang malaman kung sino ang
pangunahing tauhan)

PANGYAYARI – pagtakbo / pag-usad ng kuwento

PASAKALYE /SIMULA - mula sa pinakaumpisa hanggang sa ipakilala/ilahad ang


problema

SIMULA NG PROBLEMA - pinag-ugatan ng mga pagkilos ng tauhan; kadalasan dala


ng Pangunahing tauhan

PANANABIK/PATAAS NA AKSYON - lahat ng mga pagkilos ng PT (sadya man o hindi)


na magaganap upang masolusyunan ang problemang iniikutan ng kuwento maliban
sa pinakahuli

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
4

KASUKDULAN/KARURUKAN - pinakahuling pagkilos ng PT (sadya man o hindi) na


magaganap upang masolusyunan masolusyunan ang problemang iniikutan ng
kuwento

WAKAS/KINALABASAN - kinahinatnan ng kuwento (matapos maganap ang


pinakahuling pagkilos ng PT upang solusyunan ang problema)

PUNTO-DE-BISTA – Ano ang panauhang ginamit ng may-akda sa pagkukuwento?

“AKO”
Kasali (Unang Panauhan)
Hal. Ako ay naglalakad nang bigla akong
nadapa at napaluha ako sa sakit.

“SIYA” /” SILA” / “SI”


Hal. Siya ay naglalakad nang bigla siyang
nadapa at napaiyak.
Limitado / Nagmamasid lang (Ikatlong *isinasalaysay lamang ang
Panauhan) bagay/pangyayaring nakita

“SIYA” /” SILA” / “SI”


Hal. Siya ay naglalakad nang bigla siyang
nadapa, at naalala niyang bigla ang mga
Mala-Diyos (Ikatlong Panauhan) dating kahihiyang naranasan niya.
*isinasalaysay hindi lamang ang nakita
kundi pati ang nararamdaman o naiisip
ng mga tauhan

ESTILO NG PAGSASALASAY – ito ang daloy kung paano isinalasaysay ang kuwento

Kronolohikal (A, B, C,…Z)

Pabalik-tanaw (Z-A, B, C, -…)

Daloy ng Kamalayan (P, X, N)

DETALYENG FILIPINO – Ano ang nagpapa-Filipino sa akdang isinalaysay sa akda


bukod sa wika?

- tayo lang o isa lang tayo sa iilang mayroon


- bahagi ng kulturang Filipino naipinakita o binanggit sa akda (maaaring bagay,
lugar, pangyayari o okasyon, kaugalian, kaisipan)

Ang ikalawa, ang MALALIM na pagsusuri. Dito ay maaaring higit sa isa ang
tamang sagot bagama’t may maituturing pa ring mali. Ang mga paliwanag o patunay
sa sagot ay nagmula pa rin sa akda. Ito ay kadalasang bunga ng pinagsamang talino
ng may-akda at mambabasa. Pormularyo: MALALIM = AKDA + IKAW (mambabasa)

PAHIWATIG – detalye sa likod ng mga detalye - mga nais sabihin ng may-akda ngunit
hindi niya direktang sinabi

SIMBOLISMO – detalyeng ginamit ng may-akda na kumakatawan sa isang mas


malaking kaisipan/ ideyang napapaloob sa akda - pormularyo: A ~ B dahil ang
katangian ng/nangyari sa A ay katangian ng/nangyari rin sa B

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
5

PAGLALAPAT – mga kaisipan o pangyayari sa akda na maihahalintulad mo sa


totoong buhay - may mga pangyayari ba sa akdang katulad ng nangyari sa iyo/sa
ating lipunan/sa ibang akda/sa iba pang larangan? - Pormularyo: A=B pero ang A ay
mula sa akda, ang B ay mula sa labas ng akda

ESTILO/KASININGAN – mga teknik na nakatulong sa bisa/pagkaepektibo ng akda -


Anu-ano ang ginamit na paraan ng may-akda sa kaniyang pagsulat upang maging
makatotohanan, may talab, masining, malikhain, at akma ang kaniyang akda (bukod
sa paggamit niya ng simbolismo at pahiwatig?)

PINAKATEMA – pinakasinasabi ng akda - Sa isang pangungusap, anong katotohanan


sa buhay ang ibinabahagi ng kabuuan ng akda?

Ngayong naunawaan mo na ang mga paraan sa pagsusuri ng maikling kuwento,


basahin ang halimbawa nito mula sa bansang Thailand.

Ang Operasyon (Buod)


Ni Pensri Kiengsuri

Si Danu Thangrongsakdi ay isang walong taong gulang na biktima ng polio,


may lantang mga kamay at depormado ang mga paa. Masaya niyang ibinalita sa
kaniyang kaibigan na may sampung taong gulang, na siya ay ooperahan na sa Lunes.
Ngunit nakaramdam siya ng takot. Sanay na siyang gumapang sa lapag gamit ang
kaniyang mga kamay.

Ipinangako ng kanyang kapatid na si Darunee na tetelegramahan niya ang


kanilang Inay. Nang matanggap ng kaniyang ina ang telegrama, nagpaalam siya sa
kaniyang asawa. Ginawang dahilan ni Kamjorn, ang asawang lalaki kay Sriprai na
higit na kailangan siya ng kanilang mahal na anak ganoon din ang pagbabantay sa
tindahan. Nagkaroon sila ng pagtatalo. Sinabi ni Sriprai na alam niya ang dahilan
kung bakit gusto ni Kamjorn na pumunta sa Bangkok at iyon ay ang kasiyahang
matatamasa sa siyudad, hindi ang pagbabantay sa kaniyang anak na lumpo.
Humaba pa ang kanilang pagtatalo. Iginiit pa ni Sriprai na higit na maibibigay niya
ang pagmamahal at pagsuyo bago dalhin sa operating room si Danu.

Matapos ang mahabang pagatatalo kung sino ang pupunta sa Bangkok


Rehabilitation Center for Crippled Children, si Kamjorn ang nasunod. Kinabukasan
ng tanghali nang dumating siya, hindi siya tumuloy sa Rehabilitation Center, sa halip
ay sa matalik niyang kaibigan, si Aneg. Nabahala si Darunee kaya tumawag ito sa
center at nalaman niyang wala pa ang ina. Nag-iiyak si Danu at sinabing hindi siya
magpapaopera kung wala ang ina. Hindi siya kayang payapain ni Miss Ubol.

Alam ni Darunee na walang tren mula sa Lampang na nakatakdang dumating


sa Bangkok sa araw na iyon. Hindi darating ang susunod na express train kundi sa
Lunes pa ng tanghali at ang operasyon ay nakatakda sa ikasiyam ng umaga sa araw
ding iyon. Hindi na posibleng makarating sa takdang oras ang ina. Isang serye ng
operasyon ang pagdadaanan ni Danu bago niya mapakinabangan ang mga paa.
Kapag pinalagpas niya ang pagkakataong maoperahan, maghihintay na naman siya
ng maraming buwan. Tumawag siya ng long distance sa ina.

Nag-aalala si Sriprai. Maraming masasamang pangitain ang pumapasok sa


kanyang isip. Nagdesisyon siyang puntahan si Danu sa rehabilitation center.
Samantala, nagulat naman si Darunee nang bisitahin siya ng kaniyang ama sapagkat
hindi man lamang ito tumawag sa kanya. Nakita rin ni Kamjorn si Danu. Masaya
naman ito nang makita ang ama. Matagal na hinawakan ni Danu ang kamay ng ama
bago siya isakay sa stretcher.

Nabatid ni Kamjorn na may aksidenteng naganap sa tren at kinabahan siya.


Tinanong niya kung may namatay at nalaman niyang dalawampu’t tatlo ang nakilala
na. Dali-dali niyang kinuha ang diyaryo. Nawalan siya ng malay at nang magkaroon

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
6

ng ulirat, nag-iiyak at nagtangkang magpakamatay. Laking pagkahabag ang nadama


ni Miss Ubol kay Danu nang makita si Kamjorn sa magusot na kaayusan. Kumalat
ang balitang nabaliw ito at ang ina naman ay namatay sa aksidente sa tren.

Subukan mong sagutin ang mga tanong:

1. Sino si Danu? Ilarawan siya.___________________________________________


2. Ano ang gagawin sa kanya?____________________________________________
3. Bakit hindi ang kaniyang ina ang nagtuloy sa Bangkok upang magbantay kay
Danu sa Ospital?_______________________________________
4. Paano tinanggap ng kaniyang ama ang nangyari sa ina bunga ng aksidente sa
tren? _____________________________________________________
5. Paano inilarawan ang pamilyang Asyanong ipinakita sa
kwento?_______________________________________________________________

Ngayon naman ay pag-aralan mo ang pang-ugnay na gingamit bilang hudyat ng


pagsunod-sunod ng mga pangyayari.

Narito ang mga panandang naghuhudyat ng pagkakasunod-sunod ng mga


kilos/pangyayari o gawain na maaari nating gamitin sa paglalahad:

sa pagsisimula: una, sa umpisa, noong una, unang-una

sa gitna: ikalawa, ikatlo, ..., sumunod, pagkatapos, saka

sa wakas: sa dakong huli, sa huli, wakas

Kung tayo ay magpapahayag ng pagbabagong-lahad, maaari nating gamitin


ang mga salitang: sa ibang salita, sa kabilang dako, sa madaling salita

Kung tayo naman ay nais magbigay-diin o kaya ay nais magbigay-pokus,


maaari nating gamitin ang mga salitang gaya ng: bigyang-pansin ang, pansinin na,
tungkol sa

Sa pagdaragdag o may karagdagan sa ating nais ipahiwatig, magagamit natin


ang mga salitang: muli, kasunod, din/rin

Sa pagpapahayag naman ng paglalahat ay maaari nating gamitin ang mga


pahayag na: bilang paglalahat, sa kabuoan, samakatuwid

Sa pagtitiyak o pagpapasidhi ng ating pahayag ay maaari nating gamitin ang


mga pahayag na: siyang tunay, walang duda

Inaasahan ko na naunawaan mo ang ating mga tinalakay. Kung may bahaging


hindi mo lubos na naunawaan ay huwag kang mag-atubiling magtanong sa iyong guro.
Maaari mo nang sagutin ang mga gawain sa kasunod na bahagi.

Mga Gawain

Gawain 1.1 Pagpapalawak ng Talasalitaan

Bigyang-kahulugan ang sinalungguhitang mga pahayag ayon sa pahiwatig nito


sa pangungusap.

1. Sanay na siyang gumapang sa lapag gamit ang kaniyang mga kamay.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
7

2. Sinabi ni Sriprai na alam niya ang dahilan kung bakit gusto ni Kamjorn na
pumunta sa Bangkok at iyon ay ang kasiyahang matatamasa sa siyudad, hindi
ang pagbabantay sa kaniyang anak na lumpo.
3. Hindi siya kayang payapain ni Miss Ubol.
4. Hindi na posibleng makarating sa takdang oras ang ina.
5. Laking pagkahabag ang nadama ni Miss Ubol kay Danu nang Makita si
Kamjorn sa magusot na kaayusan.

Gawain 1.2 Isalaysay na muli ang binasang akda gamit ang kasunod na
dayagram.

ANG OPERASYON
SIMULA
Pangunahing Tauhan _____________________________________________
Tagpuan _____________________________________________
Suliranin _____________________________________________
GITNA
Kasukdulan _____________________________________________
WAKAS
Kakalasan _____________________________________________
Katapusan _____________________________________________

Rubriks sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusunod na


puntos:
Mga katangian ng sagot :
5 – taglay ang 3 pamantayan
✓ Kumpleto ang ibinigay na sagot.
✓ Maayos ang pagkakasunud-sunod 3– piling pamantayan lamang
ng mga pangyayari
1 – isang pamantayan lamang
✓ Mahusay ang pagbuo ng
pangungusap

Nagustuhan mo ba ang kuwento? Ngayon naman ay subukan mong ihambing


ang isang pangyayari sa napanood na telenovelang Asyano sa kasalukuyang panahon.

Gawain 1.3 Maglahad ng pangyayari sa telenovelang Asyano at ihambing ito sa


ilang mga kaganapan sa kasalukuyang panahon.

Pangyayari sa Napanood na Kaganapan sa Lipunang Asyano sa


Telenovelang Asyano Kasalukuyang Panahon

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
8

Rubriks sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusunod na


puntos:
Mga katangian ng sagot:
5 – taglay ang 3 pamantayan
✓ Angkop ang ginawang
paghahambing. 3– piling pamantayan lamang
✓ Malinaw ang pakakalahad ng mga
pangyayari. 1 – isang pamantayan lamang
✓ Maayos ang pagkakabuo ng mga
pangungusap.

Gawain 1.4 Pagsasanay Panggramatika

Piliin sa loob ng panaklong ang angkop na pananda sa paghuhudyat ng


pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

1. Nakatakdang operahan si Danu at hindi nais palagpasin ang pagkakataon


(samakatuwid, kasunod) kailangan niya ang ibayong tibay ng loob.
2. Nalalaman ni Sriprai ang dahilan kung bakit iginigiit pa rin ni Kamjorn na siya
ang luluwas papuntang Bangkok at (sa dakong huli, saka) ay nanaig ang
kagustuhan ni Kamjorn.
3. Hindi tumuloy sa rehabilitation center si Kamjorn (sa madaling salita, muli) ay
kanyang binalikan at agad na binisita ang kanyang matalik na kaibigan.
4. Maraming masasamang pangitain ang pumasok sa isip ni Sriprai (una, sa
kabuuan) siya ay nagpasyang sundan ang asawa at puntahan ang anak.
5. Hindi matanggap ni Kamjorn ang balita ukol sa kanyang asawa kaya’t larawan
siya ng pagsisisi (muli, walang duda) ang masaklap na katotohanan ng
kanyang buhay na walang katiyakan.

Mahusay! Natapos mo ang mga gawain ibinigay. Patuloy mo pang palawakin


ang iyong kaalaman.

Tandaan
Matapos mong pag-aralan ang pagsusuri ng maikling kuwento at iba’t
ibang gamit ng pang-ugnay, narito ang mga dapat mong tandaan.

1. Ang mga maikling kuwento ay lubos nating mauunawaan kung susuriin sa


iba’t ibang paraan gaya ng paksa, mga Tauhan, pagkakasunud-sunod ng mga
pangyayari, estilo sa pagsulat ng awtor at iba pa.

2. Ang Pang-ugnay ay mga salitang nagpapakita ng relasyon ng dalawang yunit sa


pangungusap, maaaring salita, dalawang parirala o ng dalawang sugnay

3. Ang mga angkop na pang-ugnay ay ginagamit sa pag-uugnay-ugnay ng mga


pangyayari upang maging mas mabisa ang daloy ng kuwento.

Isang gawain pa ang inilaan ko para sa iyo upang mailapat mo ang iyong mga
natutuhan.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
9

Pag-alam sa mga Natutuhan


Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari batay sa daloy ng kwentong binasa.
Gamitin ang titik A-E.

_____1. Si Danu ay nakatakdang operahan kaya’t nagpadala ng telegrama ang


kanyang kapatid na si Darunee dahil kailangan nito ang kanyang ina upang palakasin
ang kanyang loob.

_____2. Lumuwas sa Bangkok si Kamjorn at walang nagawa si Sriprai kaya nagkasya


na lamang ito sa pag-aalala para sa anak.

_____3. Sumakay ng tren si Sriprai para maabutan ang operasyon ng anak ngunit sa
kasamaang palad ay nakabilang ito sa mga nasawi sa aksidente.

_____4. Si Danu ay isang batang walong taong gulang at biktima ng polio.

_____5. Nawala sa katinuan si Kamjorn nang mabalitaan ang aksidenteng


kinasangkutan ng kanyang asawa.

Pangwakas na Pagsusulit

Basahin ang maikling kuwento at pagsunud – sunurin ang mga pangyayari


ayon sa daloy ng kuwento.

Ang Operasyon ni Eli


Ni Jane McBride Choate (Batay sa tunay na buhay)

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap


ako, wika ng Panginoon” (D at T 84:35).

Tiningnan ni Eli ang tambak na homework na idinaan ng kanyang kaibigan pauwi


mula sa eskuwelahan. Isang linggo pang lumiban sa klase si Eli dahil sa impeksyon
sa tainga.

Nang gabing iyon pumasok ang mga magulang ni Eli sa kanyang silid. Naupo ang
kanyang ina sa gilid ng kama ni Eli at hinawakan ang kanyang kamay. “Eli, sa
palagay ng doktor ay kailangan mong maoperahan,” wika niya.

“Ano pong klaseng operasyon?”

“Gusto niyang lagyan ng mga tubo ang mga tainga mo para hindi na kumalat ang
impeksyon,” sabi ni Inay. “Hindi masakit iyon, at isang araw ka lang sa ospital.”
Pinisil ni Inay ang kanyang kamay.

May tiwala si Eli sa kanyang mga magulang. Ngunit takot siya sa ideyang ooperahan
siya. Naisip niya ang kuwentong narinig niya sa Primary tungkol kay Joseph Smith.
Nang si Joseph ay pitong taong gulang, naimpeksyon ang buto niya sa binti. Lumala
ang impeksyon kaya ipinasiya ng doktor na kailangang alisin ang bahagi ng buto o
kung hindi ay mapuputulan ng binti si Joseph o baka mamatay pa siya.

Noong panahon ni Joseph Smith, pinaiinom ng alak ng mga doktor ang mga taong
ooperahan para hindi sila makadama ng sakit, ngunit tinanggihan ni Joseph ang alak
na ipinaiinom sa kanya ng doktor. At ayaw niyang magpatali sa kama. Sinabi niya na
kung hahawakan siya ng kanyang ama, hindi siya gagalaw. Mahigpit na niyakap si
Joseph ng kanyang ama sa buong operasyong iyon na masakit. Tagumpay ang
operasyon, at gumaling si Joseph.

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo
10

Naisip ni Eli ang tapang at pagtitiwala ni Joseph sa kanyang ama. “Maaari po ba ninyo
akong basbasan, Itay?” tanong niya. Alam ni Eli na makakatulong sa kanya ang basbas
ng priesthood. Noong magsimula ang klase, binasbasan ng kanyang ama si Eli.

“Maganda ang naisip mo, ” sabi ng kanyang ama.

Humalukipkip at yumuko ang ina ni Eli. Nadama ni Eli ang mga kamay ng kanyang
ama sa kanyang uluhan. Tiwala ang tinig ng kanyang ama nang basbasan nito si Eli
na hindi siya matakot at lubusang gumaling.

Nang matapos ang pagbabasbas, hindi na takot si Eli. “Puwede na po akong operahan
ngayon,” wika niya.

Tatlong araw pagkaraan nagpunta siya sa ospital at umuwi kinabukasan. Hindi


naglaon at nawala na ang impeksyon sa tainga, at madaling nakahabol si Eli sa
gawain sa paaralan.

Nagpasalamat si Eli na siya ay miyembro ng “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga


Banal sa mga Huling Araw” at siya ay mababasbasan sa pamamagitan ng priesthood.

Subukin mong pagsunud-sunurin ang mga pangyayari gamit ang bilang 1-5.

_____A. Tiwala siya sa tinig ng kaniyang ama nang basbasan si Eli upang hindi na siya
matakot.
_____B. Malaki ang tiwala ni Eli sa kanyang mga magulang ngunit takot siya sa ideya
ng operasyon.
_____C. May impeksyon sa tainga si Eli at kailangan operahan ayon sa kanyang
doktor.
_____D. Hindi naglaon at nawala na ang impeksyon sa tainga at gumaling na si Eli.
_____E. Isang linggo pang lumiban sa klase si Eli dahil sa kanyang karamdaman.

Pagninilay
Kung ikaw si Danu, paano mo haharapin ang bukas ng walang
kasiguruhan? Iguhit ang iyong mga pangarap na nais
matupad.

Rubriks sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusunod na


puntos:
Mga katangian ng sagot:
5 – taglay ang 3 pamantayan
✓ Naaangkop ang iginuhit sa ibinigay
✓ Maayos at madaling maunawaan 3– dalawang pamantayan lamang
✓ Naipaliwanag nang mahusay 1 – isang pamantayan lamang

Modyul sa Filipino 9
Unang Markahan: Ikalawang Linggo

You might also like