You are on page 1of 6

I SEE THE UNSEEN

Nagising ako dahil sa lamig ng hangin na tumatama sa aking balat na sinabayan ng sigaw ng
nagtitinda ng pandesal. Panibagong umaga na naman, isip-isip ko.
Katulad ng dati ko nang ginagawa, bumangon ako at niligpit ang higaan, parang robot na
nagpunta sa banyo, nag-sepilyo, tinawag ng kalikasan at naligo. Naka-program na ang lahat sa
utak ko, na kahit hindi ko na isipin ang sunod kong gagawin, awtomatiko nang kumikilos ang
katawan ko.
Nakakasawa.
Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung gumigising lang ba ako para pagurin ang katawan ko at
mabilis na makatulog sa gabi. At natutulog lang rin yata ako para magising kinabukasan at
magkalakas para pagurin ulit ang sarili ko.
Paulit-ulit. Nakakasawa.
“Ate,” tawag ng kapatid kong pinagtitiisan sa mesa yung tirang pandesal kahapon. “Nasira yung
sakbitan ng palda ko.”
Lumapit ako sa kaniya at tiningnan ang paldang pamasok na suot niya. Kupas ang kulay,
marami nang himulmol at ako pa ang unang nagsuot sa eskwela. Nakakaawa ang itsura.
“Tanggalin mo muna ‘to.” Hawak ko sa laylayan yung palda. May maliit butas sa bandang gitna.
“Tatahiin na lang muna ‘to ni Ate. Nasaan ang kuya mo?”
Ngumiti sa akin ang kapatid kong nasa kinder pa lang. “Bumibili ng Milo, Ate. Kinuha namin
yung pera sa bulsa ng bag mo.” Lumungkot ang mukha niya.
Hinawakan ko ang magkabilang sulok ng kaniyang labi at ipinorma ‘yon na parang nakangiti.
“Okay lang. Para sa inyo naman talaga ‘yon.” Nakangiti ring sabi ko.
Kinuha ko ang hinubad niyang palda at pumunta sa may kawayang upuan. Humanap ako ng
pulang sinulid at nagsimulang magtahi. Naiiyak ako habang pinagmamasdan ang palda. Sira
ang sakbitan, may butas, may maliliit na tastas sa laylayan. Nakakalungkot.
Naalala ko bigla ang masasayang araw sa eskwela na suot ko ang palda na ito. Ang mga
halakhak namin ng mga kaibigan ko habang naglalaro at naghihintay ng sundo pauwi. Ang
nakangiti mukha ni Nanay kapag isinusuot niya sa akin ito at ang mga kamay niyang tumahi
nang unang masira ang sakbitan.
“Wow! Maganda na ulit.” Malapad ang ngiti ng kapatid ko matapos niyang isuot ang palda.
Sinuklay ko ang kaniyang buhok at itinirintas ‘yon na kagaya ng laging gusto niya. Yung parang
pang-sirena.
“Ang ganda ng kapatid ko,” sabi ko ng iharap ko siya sa akin. “Bakit kaya nung bata ako hindi
mo ako kasing ganda?” Nakangiti ako. “Lagi akong madungis.”
“Sigurado akong kahit madungis ka noon Ate, maganda ka pa rin.”
Inihanda namin ang mga dadalahin niya sa eskwelahan. Isinuot ko sa kaniya ang sapatos
niyang pinagliitan ng kapitbahay namin at pinabaunan ko rin siya ng halik.
“Mali naman ang pagkakabutones mo.” Nakangiti kong sabi. “Binata ka na pa naman.”
“Ate naman,” reklamo ng kapatid kong lalaki. “Nagmamadali na kasi ako.” Inayos niya ang
pagkakabutones ng kaniyang uniporme. Pagkatapos no’n ay humarap siya sa salamin at nag-
ayos ng kaniyang buhok.
Nagbibinata na talaga ang kapatid ko. Konti na lang at mas matatangkaran na rin niya ako.
Gano’n pala talaga kabilis lumipas ang panahon.
“Uy teka, yung binalot niyo,” habol ko sa kanila. “Mag-iingat kayo sa daan.” Niyakap ko sila
pareho.
“Ba-bye Ate!”
Nakangiti kaming lahat nang magpaalam kami sa isa’t isa. Kahit na sumasakit ang puso ko
habang tinitingnan ko sila pareho. Hindi para sa kanila ang ganitong buhay. Hindi para sa kanila
ang mga damit na niluma na ng panahon. Hindi para sa kanila ang mga pagkain na hindi
naman bumubusog sa kanila.
Ako kaya, para sa kanila?
Ako naman ang maghahanda para sumabak sa gyera ng sariling araw ko. Kumuha ako ng
natirang kanin mula sa niluto ko kanina para sa binalot ng mga kapatid ko. Nilagay ko ‘yon sa
baunan na araw-araw kong dinadala papasok. Pagkatapos no’n, naligo na ako at naghanda.
Tumingin ako sa malabo nang salamin sa may hagdanan.
Isang panibagong araw ulit.
“Edreia!”
Napangiti ako nang makita ko na nakangiti habang nakapangalumbaba sa bintana namin si
Codee, ang nag-iisang kababata na hanggang ngayon ay sanggang-dikit ko pa rin. Nakakatuwa
talaga yung kulot niyang buhok na natatamaan ng sinag ng araw.
Ang dami ko nang drama na naikuwento sa kaniya pero heto pa rin siya sa sinusundo ako sa
bahay namin. Kung totoo ang guardian angels, siya yung sa’kin.
Kung sana kasingliwanag lang ng mukha at ngiti niya ang buhay na tinatanaw ko.
“Natulala ka na naman sa kapogian ko ‘no?”
“Kapogian nung buhok mo, hindi sa’yo.” Ngumiti ako.
Nakapasok na siya sa loob ng bahay namin na salamat na lang at naisipan ko pang linisin
kahapon kahit pagod na ako. Ginabi na ‘ko ng uwi dahil sa part time ko na pagtu-tutor sa isang
learning center sa labas ng campus.
“Ang aga mo naman maasar. Siguro nagising ka na naman sa sigaw ni Mang Berting kanina
‘no?”
Si Mang Berting yung nagtitinda ng pandesal. Naging alarm na rin ng mga tao ang pagsigaw
niya tuwing madaling-araw.
“Partly yes.” Kinuha ko ang bag ko at sinakbit ‘yon. “Nag-walkathon lang ako ulit kahapon.”
“Naglakad ka na naman mula sa turtorial center?” tanong niya habang nakasunod sa akin.
Isinasara ko ang mga bintana at sinisgurado na wala nang naiwan na nakasaksak kahit electric
fan lang naman ang appliance namin.
“Ang laki na ng bilbil ko eh.” Hinawakan ko pa yung tiyan ko bago kami nagsimulang maglakad
palabas.
Yun nga lang halatang hindi siya natuwa.
“Sabi ko naman sa’yo na kung ayaw mong mabawasan yung pera mo, susunduin na lang kita
gamit ang motor.”
Tinapik ko siya sa may braso at saka tipid na ngumiti. “Excercise nga ‘yon.”
Huminto ako nang mapatapat kami sa may pintuan. Nginitian ko ang masayang mukha nina
Mama at Papa.
“Kita na lang po tayo mamaya.”
Nagpaalam na kami ni Codee sa kanila.
***
“Howdy Edreia!”
“Para namang hindi tayo nanggaling sa iisang classroom.”
“Alam mo namang hindi ako dapat nahihiwalay sa karugtong ng bituka ko.”
Inakbayan niya ako sa gitna ng mga gaya naming estudyante na di magkamayaw sa kung
paano mauunang makalabas ng building. Bukod sa mayroon pang klase ang iba, inaabangan
nila yung tindang meryenda sa canteen na sa sobrang benta, swerte na kung maymaabutan ka
pa.
“Magpa-part time ka pa ngayon?” tanong ni Codee.
Inayos ko ang buhok ko. “Hindi na. Diretso na ako kina Mama.”
“O? Baka naman lakarin mo pa ‘yon.”
“Kaya nga nandito pa ‘ko eh.” Nagpa-cute ako sa kaniya. “Hatid mo naman ako.”
“My pleasure!”
Tumakbo kami papunta sa kung saan naka-park ang motor niya. Halos mag-a-alas kwatro na
ng hapon kaya kailangan naming magmadali. Hindi ako pwedeng abutin ng sobrang gabi dahil
hihintayin ako ng mga kapatid ko.
Sayang nga lang at malayo kung nasaan sina Mama at Papa, maiisama ko rin sana ang mga
kapatid ko.
Hinagis sa’kin ni Codee ng helmet. Hinampas ko siya sa braso nang makalapit ako sa kaniya
dahil muntik nang tumama sa mukha ko ‘yon pagkahagis niya. Hindi na kaaya-aya kung
magkakapasa pa ako sa mukha dahil lang do’n.
Tahimik lang ang biyahe dahil hindi rin naman namin maririnig ang isa’t isa kung magsasalita
kami. Ibinukas ko ang aking mga bisig at dinama ang malakas na hanging sumasalubong sa
amin. Nang hindi ako makunteto ay tinanggal ko rin ang helmet na suot ko at hinayaang
kumalas ang nakapusod kong buhok hanggang sa ang hangin na ang nagsasayaw roon.
“Kumapit ka!” sigaw sa akin ni Codee nang tingnan niya ako gamit ang side mirror. Ngiti lang
ang isinagot ko sa kaniya.
Ngayong mga oras na ito, malaya ako kasama ng hangin. Parang niyayakap niya ako at sa
bawat paglampas niya sa katawan ko ay nagdadala ang mga bagay na nakakapagpabigat sa
nararamdaman ko.
Tumingala ako at nakita kung gaano ang kakulay ang ulap. Nag-aagaw ang kulay ng kahel,
dilaw at pula sa langit. Nakakamangha na kung paanong ang langit ay mas naging makulay
nang malapit nang lumubog ang araw.
Napaisip ako. Naitigil.
Ang buhay kaya ng tao, mas nagiging makulay kapag papalapit na ang paglubog ng kaniyang
araw?
Hindi ko namalayan na nakarating na pala kami ni Codee. Huminto kami sa may entrance at
iniabot ko sa kaniya yung helmet na ginamit ko.
“Hanap lang ako ng parking ah. Baka mamaya iwanan mo pa ako.”
“Ewan ko sa’yo Codee.” Tumawa ako. “Hanapin ko na muna sina Mama.”
“Sige. Susunod na ‘ko. Alam kong gusto rin akong makita ni Tita,” sabi niya sabay kindat.
Umalis ako nang may ngiti sa labi. Kahit paano, kahit hirap ako dahil sa pag-aalaga ko sa mga
kapatid ko, nandiyan si Codee para samahan ko. Ihatid kung kailan at kapag napipilit niya ako.
Sa totoo lang, ayoko na siyang abalahin. Sobra na ang naitulong niya sa akin pero sa ngayon,
siya lang ang sandigan ko.
Ngumiti ako nang makita ko na sina Mama at Papa pero nanatili muna akong nakatayo habang
pinagmamasdan ang paligid. Pumikit ako hanggang sa maramdaman ko na ang haplos ng
hangin.
“Ma, Pa,” simula ko, “pasensya na po kung ngayon lang ulit ako nakadalaw. Hindi ko maiwan
sina Celine at Tisoy eh.”
Umupo ako sa damuhan at ipinatong sa tabi ng lapida nila ang isang paso ng bulaklak na binili
namin ni Codee sa nadaanan naming flower shop.
Huminga ako nang malalim habang tinitingnan ang mga pangalan nilang nakaukit sa
parihabang semento na nasa ibabaw ng damuhan.
In Loving Memory
Adel M. Acuzar
March 11, 1963- December 5, 2016
Mariflor D. Acuzar
August 26, 1966- December 5, 2016
Tinanggal ko ang ilang damo na nasa ibabaw noon at dinukot sa loob ng bag ko ang dalawang
puting kandila. Sinindihan ko ‘yon at sandaling pumikit para magdasal.
“Pa’no kaya kung hindi ako naiwan sa bahay dahil sa final exams kinakabukasan?” kausap ko
sa kanila kahit alam kong hindi naman nila ako sasagutin. “Siguro kasama niyo na ako ngayon.”
Umiling ako. “Hindi. Alam kong naiwan ako no’n para sa mga kapatid ko.”
Ilang taon na ba ang lumipas? Apat na taon na pero parang kahapon lang nung halos mawalan
na ‘ko ng mga mata kakaiyak. Tandang-tanda ko pa yung pakiramdam na parang sobrang liit ng
mga baga ko dahil kinukulang na ako ng hangin.
“Sana hindi ko na kayo hinayaang umalis para lang maghanap sa pang-final exam namin sa
lab. Sana ako na lang ang lumabas para bumili.” Nagsimula nang mabasag ang boses ko.
“Sana kayo ang kasama ngayon nina Celine at Tisoy, Ma, Pa.”
“Kaso ako ang naiwan. Ni hindi ko na nga makita kung saan patungo ang buhay ko eh.” Pinilit
kong ngumiti sa gitna ng mga luha. “Araw-araw babangon ako, papasok sa eskwela,
magtatrabaho, uuwi at matutulog. Paulit-ulit na lang. Hindi kagaya noong narito pa kayo, ang
dami kong dahilan para tumawa. Ang daming naging dahilan para sumaya sa gitna ng lahat
dahil nasa tabi ko kayo kaso ngayon....”
Nakakatawa kung paanong ang nangyayari sa pelikula ay nangyayari rin sa akin ngayon- ang
umulan habang umiiyak. Kahit anong patak ng mahinang pag-ulan, hindi ako umalis sa harapan
nina Mama at Papa.
Pakiramdam ko ‘yon ang ulan ang pagpaparamdam nila na hindi ako nag-iisa sa pighati ko. Na
kahit ang langit lang, kasama ko.
“Balak mo ba talagang..”
Huminga si Codee nang malalim at pilit na ipinahawak sa akin ang payong na bitbit niya. Nangiti
ako dahil hindi lang ulan ang kasama ko ngayon. Narito pa rin si Codee.
“Sana man lang sumilong ka sa kahit aling musoleo dito.” Nakangiti pa rin ako kahit
pinapagalitan niya na ako.
At dahil nasa’kin na ang payong niya, hoody jacket lang ang panlaban niya sa ulan kaya tumayo
ako at lumapit sa kaniya.
“E kung sumisilong ka rin kaya sa payong.”
“Tita o.” Sumilip siya sa likuran ko kung nasaan ang puntod nina Mama. “Nilalandi ako ng anak
niyo.”
“Sige ‘pag sila bumangon diyan, ikaw pa ang aawayin.”
“Ikaw ang aawayin dahil hindi mo pa raw ako ligawan.”
Lumakas pa lalo ang ulan kaya sumilong muna kami sa musoleong pag-aari ng dating mayor.
Tutal kilala naman siya bilang totoong naglingkod sa bayan namin, tinodo na namin.
Itinapat ko ang palad ko sa pumapatak na ulan galing sa bubong ng musoleo. Inipon ko roon
ang tubig-ulan pero napasigaw ako nang itulak ni Codee ang kamay ko dahilan para mabasa
ang mukha ko.
“Ang bastos!” Sinabuyan ko rin siya ng tubig-ulan hanggang sa siya na ang sumuko.
“Sinisisi mo mo pa rin ba ang sarili mo sa nangyari?” tanong ni Codee na hindi nakatingin sa’kin
at naglalaro ng patak ng ulan.
Huminga ako. “Oo.”
“Bakit?” Nakatingin na siya sa’kin ngayon. “Ikaw ba ang bumangga sa tricycle niyo?”
Umiling ako. “Siyempre hindi ako. Pero dahil sa’kin kaya kinailangan nilang pumunta do’n.”
Wala nang lumabas na salita sa mga bibig namin nang mga oras na ‘yon at yakap niya lang
ako.
Maggabi na at di pa rin tumitila ang ulan.
***
Halos mag-a-alas siyete na nung nakarating kami sa bahay. Nagpaalam si Codee para magpalit
ng damit na nabasa ng ulan pero inaya ko siyang sa bahay na lang namin maghapunan.
Kakasweldo ko lang kasi kahapon at dahil death anniversary nina Mama ngayon, bumili ako ng
isang buong lechong manok para sa hapunan.
Sigurado akong matutuwa sina Celine at Tisoy.
Naihanda ko na ang manok at yung binili naming kanin nang pumasok si Codee. May dala pa
siyang isang bote ng Coke. Naglabas ako ng mga baso at inayos ‘yon sa mesa.
“Bakit ang daming plato?” nakakunot ang noo na tanong niya.
“Kakain tayo eh.” Tinapik ko siya sa braso. “Susunduin ko lang sina Celine. Baka na kina Aling
Bebang na naman ‘yon.”
“Edreia.” Pinigilan niya ako.
“Ano?” Tinanggal ko yung kamay niya pero ‘di ko maalis. “Lalamig yung manok e paborito nila
‘yan.”
Iniharap niya ako sa kaniya at hinawakan ang pareho kong balikat. Hindi ko maintindihan ang
ikinikilos niya. Kanina lang sobrang excited niya dahil unang beses ko raw mag-aya ng libreng
hapunan.
“Huy ano ba?!”
“Sinong susunduin mo?”
“Si Celine at Ti--”
“Apat na taon nang patay si Celine at Tisoy. Kasama sila ng Mama at Papa mo sa aksidente.”
Napaatras ako. Umiiling.
Nanlalamig ang buong katawan at naluluha.
Kaya pala.
Kaya pala may kasunod pa ang pangalan nina Mama at Papa sa lapida.
Naalala ko na.
Kung gano’n, bakit kakapasok lang nila at nakangiting nakaupo na sa harap ng mesa?

You might also like