You are on page 1of 1

Mga Kwentong Bayan / Folktales

Ang kuwentong-bayan (Filipino: folklor) ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na
kumakatawan sa mga uri ng mamamayan, katulad ng matandang hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa
isang hangal na babae. Karaniwang kaugnay ang kwentong-bayan ng isang tiyak na pook o rehiyon ng isang
bansa o lupain. Kaugnay nito ang alamat at mga mito.

SI MARIANG MAPANGARAPIN
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa't masasabing
isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap
siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang
gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkos
pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang


manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang
bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama
ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang
ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa
tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at
pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon
siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang
lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang
ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang
bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng
pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang
pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang
itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang
itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang
itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad
siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang
umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang
sunung-sunong.

Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.

Sanggunian: Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other
Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp.84-85.

You might also like