You are on page 1of 15

Saan Papunta Ang Mga Putok?

November 27, 2008 by plumaatpapel ni Rogelio L. Ordonez

(Dula na sinulat noong rehimen ni dating Presidente Cory Aquino pero makatotohanan pa rin

ngayon. Pinalitan lamang ng Gloria ang Cory at, sa kasalukuyang rehimen, maaari na ring P-Noy ang

gamitin)

MGA TAUHAN

ADOR; lider-estudyante, 22 taong gulang, aktibo sa mga kilusang pambayan

AIDA; kapatid ni Ador, 19 na taong gulang, karaniwang estudyante, walang pakialam sa

mga isyung pambansa

ALING ESTER; ina nina Ador at Aida, 45 taong gulang, trabahador sa pabrika ng kape,

biyuda na buhat nang mapatay sa welga ang asawang dating tsuper sa isang kompanya ng

taksi

LINO; aktibistang estudyante, 23 taong gulang, kaibigan ni Ador

GRACE; nobya ni Ador, aktibistang estudyante rin, 21 taong gulang

LT. ABADILLA: isang imbestigador-militar ng AFP

SUNDALO 1, 2 at 3: mga tauhan ni Lt. Abadilla

ILAN PANG MGA SUNDALO AT MAMAMAYAN

TAGPO 1

(Mangyayari ang dula sa kasalukuyang panahon na laganap ang karalitaan, inhustisya,

kabulukan at katiwalian sa pamahalaan, pag-abuso sa kapangyarihan,

pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes, lalo na sa mga

Amerikano, habang patuloy na umiinit at umiigting ang kilusan ng mulat na mga

mamamayan sa hanay ng mga estudyante, manggagawa’t magsasaka, at patuloy rin naman

ang tumitinding pagsupil ng mga puwersa ng estado sa anumang tunay na makabayan at

mapagpalayang pagkilos ng sambayanan kaya dumarami ang basta na lamang hinuhuli,

ikinukulong, pinahihirapan o nagiging biktima ng makahayop na pagpatay.

Sa pagsisimula ng dula, makikitang sarado pa ang itim na telon ng tanghalan bagaman, sa

likod ng telon, mababanaagan ang bahagyang liwanag. Maririnig ang sigawan: PALAYASIN

ANG MGA KANO! IMF-WORLD BANK, BERDUGO NG SAMBAYANAN! GLORIA, PASISTA,

PAHIRAP SA MASA! GLORIA, TUTA! IBAGSAK… IBAGSAK! Sa mikropono, maririnig ang

isang nangingibabaw na tinig:


“Mga pasista, putang ‘na n’yo! Pabayaan n’yo kaming maayos na magpahayag ng tunay na

damdamin ng bayan. Ang ipinaglalaban namin ay kapakanan n’yo rin bilang mga

Pilipino. Ginagamit kayo ng estado hindi upang pangalagaan ang mga mamamayan at

ipagtanggol ang Konstitusyon. Ginagamit kayo upang mapangalagaan n’yo ang interes ng

mga tunay na kaaway ng bayan: silang iilang nagpapasasa sa kayamanan ng bansa! Silang

mga pulitikong nagpapayaman sa tungkulin! Silang nagpapakabundat sa

kapangyarihan! Silang iilang nagmamay-ari ng malalawak na lupain kaya iskuwater sa

sariling bayan ang maraming maralitang Pilipino! Silang mga suwapang na

negosyante! Silang mga mandurugas! Silang iilan ang tunay na mga kaaway ng bayan…

silang nangangamkam ng ating kinabukasan! Pabayaan n’yo kami… huwag n’yong guluhin

ang aming hanay. Hanggang alas singko pa ang aming permiso. Marunong ba kayong

tumingin sa relo?”

Bigla, maririnig ang isang pagsabog. Maririnig ang sigawan at tilian. Susundan iyon ng

sunud-sunod na putok ng baril. Lalong lalakas ang tilian at daing ng mga nasaktan, ang

ilang hagulhol at iyakan at pagmumura. MGA PUTANG ‘NA N’YO… KAMI LANG ANG KAYA

N’YO! MAY ARAW DIN KAYO… MGA PUTANG ‘NA N’YO! MAY ARAW DIN KAYO… MGA

PUTANG ‘NA N’YO!

Biglang tatahimik ang tanghalan. Mayamaya’y maririnig ang awiting BAYAN KO. Unti-

unting bubukas ang telon. Makikita ang isang simpleng sala ng isang karaniwang

bahay: may lumang sopang yari sa yantok, may isang mesitang aralan kung saan nakaupo

sa harap si Aida, tahimik na nagbabasa ng mga aralin. May isang munting radyong

nakapatong sa mesita katabi ng ilang libro, ngunit hindi ito tumutugtog. Mula sa pinto,

papunta sa likod ng tanghalan, humahangos na papasok sa sala si Ador, naka-T shirt na

puti, may bahid ng natuyong dugo, nakatatak ang pulang mga letra: KUNG HINDI TAYO

KIKILOS, SINO ANG KIKILOS? KUNG HINDI NGAYON, KAILAN PA? May plaster ang

kaliwang kilay ni Ador. )

AIDA: (magugulat) Ano’ng nangyari sa ‘yo, Kuya? Napaaway ka ba?

ADOR; Binatuta kami ng mga pasista, parang mga asong pinagbabaril. Aywan ko kung ilan

ang tinamaan sa amin… kung ilan ang nasa morge. Ang mga hayop na ‘yon… talagang mga

hayop! Wala bang naghahanap sa akin? Si Lino, si Grace… di ba nagpunta rito?

AIDA: (bibitiwan ang binabasang libro) Wala naman… wala. Seguro nagdemo na naman

kayo, ano? ‘Yan ang nakukuha mo sa kadedemo. Mabuti’t nabatuta ka lang sa kilay. E
kung nabaril ka’t namatay? Baka pati Nanay, namatay na rin sa atake sa puso. Tigilan mo

na nga ‘yan, Kuya.

ADOR: (halatang inis) ‘Yan ang hirap sa ‘yo. Kagaya ka ng marami nating kababayan…

walang iniintindi kundi ang kanilang sarili! Walang pakialam kung ano ang nangyayari sa

bayan. Magkaletse-letse man ang bayan, di bale sa kanila, basta kumakain sila nang

tatlong beses maghapon kahit tuyo’t lugaw.

AIDA: (mapipikon) Oy, Kuya… magsisigaw man ako sa kalye kagaya n’yo kahit araw-araw,

ano’ng magagawa ko? Sino ako para baguhin ang sinasabi n’yong masamang sistema ng

lipunan?

ADOR: (parang nanlalambot na uupo sa sopang yantok, iiling-iling) Talagang wala na nga yatang

pag-asa ang bansang ‘to dahil maraming Pilipino na ang isip ay kagaya ng isip mo… isip-

lugaw, isip-abo!

AIDA: (pasigaw) Oo… kayo lang ang matalino! Pero, ano? Panahon pa yata ni Matusalem,

demo na kayo nang demo. May nangyari ba? Panay ang sigaw n’yo ng

ibagsak! Ibagsak! Ibagsak ‘yung sinasabi n’yong imperyalismo, piyudalismo at burukrata

kapitalismo at kung anu-ano pang ismo. Naintindihan ba kayo? Pinakinggan ba kayo? Ang

hirap nga kayo ang bumabagsak. Panay ang bagsak n’yo sa kalye kapag binatuta

kayo. Kundi sa ospital at sementeryo, sa kulungan ang bagsak n’yo. ‘Yung iba sa inyo,

kalimitang bagsak pa sa klase. Ikaw na lang, Kuya… ilang taon ka na sa kolehiyo? Dapat

tapos ka na noong isang taon pa. Aba, baka maunahan pa kita!

ADOR; (tatayo) Di bale nang di ako makatapos kung magiging utak-alipin lang ako. Kayo…

kayong paesko-eskolar, ano’ng natutuhan n’yo? Kaisipang alipin! Kaisipang

kolonyal! Kaya mula pa ng panahon ng Kastila hanggang ngayon, alipin tayo ng mga

dayuhan sa sarili nating bayan.

AIDA; Tigilan mo na nga ako, Kuya. Kahit ano pa ang sabihin mo, wala naman talaga

tayong magagawa. Basta ngayon, kailangang may natapos kang kurso. Tingnan mo na

lang ang Nanay… si Tatay. Parehong walang natapos kaya ano? Si Nanay, hanggang

ngayon, walang asenso, trabahador pa rin sa pabrika ng kape. Si Tatay, ano’ng

nangyari? Tsuper ng taksi at dahil kagaya mong mahilig makialam sa isyu-isyu.. ayun,

napatay sa welga!

ADOR; H’wag mo ngang masisi-sisi ang Tatay, Aida! Kung sa inyo lang na paesko-eskolar,

mas mabuti pa ang Tatay. Kahit tsuper lang s’ya ng taksi, mas mulat s’ya sa inyo. Noong

nabubuhay pa s’ya, noong nagtatayo pa s’ya ng unyon sa kompanya nila, sa kanya ko unang
natutuhan ang kaapihan ng manggagawa sa kamay ng mga kapitalista. Mas naiintindihan

pa nga n’ya noon kaysa sa akin ang mga problema ng bansa. Sayang at namatay agad

s’ya… ipinapatay ng mga hayop! (kukuyom ang mga kamao ni Ador, parang gustong isuntok)

AIDA; Ayun nga, ipinapatay. Banggain ba naman si Mr. Alvarez. Alam naman nilang bayaw

‘yon ni Congressman Santos. May kapatid pang militar. Major ba ‘yon o Colonel? Sabi nga,

tayong mahihirap at api, tayong mga walang koneks’yon ay nananalo lamang laban sa

makapangyarihan sa mga pelikula ni Fernando Poe?

ADOR: (mapapasuntok sa mesita, babagsak ang ilang libro) Ang mga putang ‘na

n’yon! Parurusahan din sila ng bayan! Dapat sa kanila’y ihilera sa pader… lahat sila! Lahat

ng kagaya nila! Kapag namulat na ang sambayanan, ang mga kagaya n’yo, Aida, kapag

ganap nang nagkaisa, mananalo rin ang maliliit.

AIDA; (tatawa) Nangarap ka na naman, Kuya. Ilusyon ‘yan, Kuya… suntok sa buwan.

ADOR; Ilusyon sa mga ayaw magising. Suntok sa buwan sa mga ayaw sumuntok. Pero

bakit nangyari sa panahon ng Tsaristang Rusya? Nangyari rin sa Tsina. sa

Cuba. Mangyayari rin ‘yan dito. Kaunting panahon na lang.

AIDA; Kuya, ang mabuti pa, maligo ka na, magpahinga ka na. May test kami bukas at mag-

aaral pa ako. (dadamputin ang libro, bubuksan) Kung sisipagin ka naman, tutal nakasaing na

ako, maghain ka muna. Baka dumating na ang Nanay. H’wag mong pababayaang walang

takip ‘yung mga pritong isda… baka maunahan pa tayo ng pusa.

ADOR; Mabuti pa nga. Mahirap talagang kausap ang mga tanga… ang mga embalsamado

ang utak.

(Bubulung-bulong na lalakad si Ador papunta sa pinto, lalabas na iiling-

iling. Ipagpapatuloy ni Aida ang pagbabasa. Ilang saglit lamang, papasok si Aling Ester,

halatang pagod, may pasalubong na isang balot ng pansit. Ilalapag ang supot ng pansit sa

mesita. Simple lamang ang damit nito, nakapaldang maong at karaniwang blusa at may

bitbit sa kaliwang kamay na plastic bag. Ilalapag din sa mesita ang bag.)

ALING ESTER: O, Aida… kumain ka na ba? Ang Kuya Ador mo, nariyan na ba?

AIDA: (bibitiwan ang aklat, tatayo at magmamano sa ina) Mano po, Inay.

ALING ESTER; Ang Kuya Ador mo ‘kako… nariyan na ba?

AIDA; Opo, kararating din lang. Baka naliligo pa.

ALING ESTER; Salamat naman. Alalang-alala ako dahil kangina, natrapik kami nang husto

sa may Liwasang Bonifacio. May demo raw doon at nagkagulo at ilan daw ang
napatay. May mga hinuli pa raw. Ay, salamat naman at narito na si Dominador. Tiyak ko,

kasama ang Kuya mo doon. Alam mo naman ‘yan.

AIDA; Seguro, Inay, makabubuting pagsabihan n’yo ang Kuya Ador. Tigilan na ang

pagsama-sama sa demo at baka kung mapano pa ‘yan. Kung nag-aaral na lang s’yang

mabuti, mas magaling pa. Dapat nga tapos na s’ya ngayon at nagtatrabaho na para

makatulong naman sa inyo.

ALING ESTER; Wala na tayong magagawa sa Kuya Ador mo, Aida. Kuhang-kuha ‘yan sa

ugali ng Tatay n’yo. (lulungkot ang mukha nang maalaala ang namatay nang asawa) Ang Tatay

n’yo noon, kahit ano’ng mangyari, paninindigan at ipaglalaban ang paniniwala.

AIDA; Kaya naman, ayun… ipinapatay. Kung buhay sana s’ya ngayon, di na sana kayo

nahihirapang malimit na mag-obertaym. Kung bakit nakisali-sali pa s’ya sa unyon-unyon

na ‘yon.

ALING ESTER; H’wag mong sisihin ang Tatay mo, Aida. Dapat mo pa nga siyang

ipagmalaki, ikarangal. Para sa akin, bayani siya, marangal siya. Kung di siya nagtayo ng

unyon sa kompanyang iyon ng taksi, malamang na hanggang ngayo’y inaabuso pa rin ni Mr.

Alvarez ang mga tsuper niya. Gumanda na raw ang palakad ngayon doon, ‘yon bang

kooperatiba na. Nagkaroon na ng sariling taksi ang mga tsuper. Tama ang Tatay mo, ang

Kuya Ador mo, ‘yung sinasabi nilang tayong maliliit ay dapat mag-organisa, magsama-

sama, magkaisa, para di yapak-yapakan ng iilang mayayama’t makapangyarihan.

AIDA; O, pinakinabangan ba naman ni Itay? Ano’ng nakuha natin? Noong mamatay si

Itay, oo, sikat nga siya sa mga manggagawa. Sabi n’yo’y bayani. Nakipaglibing sa kanya

ang mga kilalang lider, gaya ni Beltran at iba pa. Nabigyan tayo ng kaunting

abuloy. Iniyakan si Itay. Pero, pagkalibing… ano?

ALING ESTER; Buhay pa rin ang Tatay n’yo, Aida. Buhay pa rin. Para ko siyang nakikitang

lagi sa aming pabrika. May nagtatayo rin ng unyon sa amin dahil pinagsasamantalahan din

kami ng may-ari. Mataas na ang lahat ng presyo, ayaw pa ring taasan ang s’weldo namin

kahit malaki ang tinutubo ng pabrika. Pati obertaym namin, kulang ang bayad. Sabi nga

noong lider namin, kailangang mag-unyon kami, kailangang lumaban kami. Talagang para

siyang Tatay mo, Aida. Talagang buhay ang Tatay mo, Aida, buhay na buhay!

AIDA; Ay, naku, Inay… baka nagugutom na kayo? Baka ma-in love na naman kayo dahil

parang Tatay ko ‘yong lider n’yo. Aba, mabibiyuda na naman kayo. (hahawakan ni Aida ang

supot ng pansit na uwi ni Aling Ester, bubuksan, sisilipin) Aba… pansit! Kumain na muna kayo ni

Kuya Ador saka kayo parehong mangarap.


ALING ESTER; (uupo sa sopa, parang saglit na mag-iisip, malungkot) Buhay pa siya… buhay pa

siya. (halos pabulong)

AIDA: (mapapansin ang ina) Ay, naku… sabi ko, kumain na muna kayo ni Kuya

Ador. Tamang-tama at mainit-init pa ‘tong pansit na uwi n’yo. May prito pang isda doon.

ALING ESTER; (mapapatayo) Aba… ang Kuya Ador mo nga pala? Dominador! Dominador!

(Papasok si Ador. Bagong t-shirt na puti na ang suot, naka-short, nakasandalyas de goma,

at halatang bagong ligo. Lalapit agad ito sa ina, magmamano. May plaster pa rin ang

kaliwang kilay nito. Mapapatitig si Aling Ester sa kilay ni Ador.)

ALING ESTER; (hihipuin ang kaliwang kilay ni Ador, iilag si Ador) Tanggalin mo ang plaster,

Dominador. Malinis ang sugat at mapahiran kahit gamot na pula. (babalingan si Aida) May

gamot na pula pa ba tayo, ha, Aida? Kunin mo… ‘yung ginagamit mo kapag nagmamanikyur

ka.

AIDA; (lalakad papunta sa pinto ngunit biglang titigil) Wala na nga pala, Inay. Ubos na nga pala

noon pang ’sang araw. Kung gusto n’yo, bibili muna ako saka tayo kumain.

ADOR; H’wag na… h’wag na. Walang anuman ‘to, Inay. Kapiraso lang naman ang

putok. Ang grabe nga’y ‘yung katabi ko kangina… talagang putok ang ulo. Binatuta talaga

nang binatuta at kahit nakahiga na sa lupa, tinadyakan pa ng mga pasista.

AIDA; Walang k’wenta ‘yan sa Kuya Ador, Inay. Pangkaraniwan na lang po ‘yan sa

kanya. Sanay na ‘yang mabukulan o mabali ang tadyang. Di ba noong ’sang araw, umuwi

‘yan na akala ko’y di s’ya dahil magang-maga ang mukha. Di titigil ‘yan.

ADOR; (paangil) Ako… mukha’t katawan ang nabubukulan dahil may ipinaglalaban para sa

kapakanan ng sambayanan. Pero ikaw, at mga kagaya n’yong walang iniintindi kundi ang

kanilang sarili, ano? Nagkakabukol ang utak n’yo, nagkakapigsa dahil sa katangahan…

dahil sa inaamag na mga paniniwala!

AIDA; (dadampot ng libro at akmang ibabato kay Ador) Ang hayop na ‘to… sobra ka nang mang-

insulto! ‘Kala mo kung sino!

ALING ESTER: (aawatin ang dalawa) Hoy,,, hoy… tama na ‘yan! Mabuti pa’y magpahinga na

kayo. Kumain na tayo.

(Iirapan ni Aida si Ador, akmang sasampalin. Iilag si Ador, pandidilatan si Aida. Papagitna

sa dalawa si Aling Ester at hihilahin ang mga ito papunta sa pinto. Ngunit sunud-sunod na

malalakas na katok sa pinto ang maririnig. Bubuksan ni Ador ang pinto at humahangos na

papasok sina Lino at Grace, halatang takot na takot)

LINO at GRACE: (halos magkapanabay) Magandang gabi po, Aling Ester.


ALING ESTER: Magandang gabi naman sa inyo. Maupo kayo. Naghapunan na ba kayo?

LINO at GRACE: (magkakatinginan, saka titingin kay Ador na nakatayo sa tabi ng mesitang aralan ni

Aida. Mauupo si Aida sa silyang naroroon) Opo… opo. H’wag na kayong mag-abala.

ALING ESTER: (ngingiti) Ow, mukhang gutom na gutom kayo. Malimit kang ikuwento sa akin

ni Ador, Grace. (mapapatgungo si Aida, tatawa si Ador) Pasasaan ba’t di miyembro ka na rin ng

magulo naming pamilya. O, siya… d’yan na muna kayo at aayusin ko ang pagkain nang

makapaghapunan tayo bago kayo magkuwentuhan.

(Lalabas si Aling Ester, ngunit maiiwan ang pansit na nakapatong sa mesitang

aralan. Magkakatinginan sina Ador, Lino, Grace at Aida. Biglang tatayo si Lino, lalapit kay

Ador ngunit pasulyap-sulyap kay Aida)

AIDA: O, sige… mag-usap na kayo. Baka ayaw n’yong marinig ko dahil di naman ako

m’yembro ng magigiting. D’yan na kayo at tutulungan ko na lang si Inay sa kusina. (lalabas

si Aida, tatayo si Grace at lalapit kina Lino at Ador)

LINO: Alam mo na ba ang nangyari… ang mga balita?

ADOR: Alin?

GRACE: Natatakot ako, Ador.

LINO: Oo, Ador, parang may mga susunod pa.

ADOR: Ano ba kayong dalawa? Para kayong mga asong di mapaihi. Linawin n’yo nga ang

mga sinasabi n’yo!

LINO: Alam mo, noong nagkagulo kangina at magkahiwa-hiwalay tayo, tumakbo kami ni

Grace papunta sa National Press Club. ‘Yung iba, nagtakbuhan papuntang Quiapo. Sa baba

ng Press Club, may nagkukuwentuhang tila mga reporter. May mga sugatang dinala raw sa

ospital. Karamihan daw ay sa PGH. Marami rin daw ang nadampot at isinakay sa trak ng

militar.

ADOR: O, e ano ang dapat n’yong ikatakot? Ligtas nga tayo.

GRACE: (parang maiiyak) Masama ang nangyari sa HQ natin, Ador. Katatawag lang namin ni

Lino doon… si Mely ang sumagot sa telepono, umiiyak. Dinampot daw sina Ave at Edwin,

pinagbintangang mga Sparrow. Isinigaw daw noong dalawang nahuli kangina sa

demo. Dadalhin din daw sana si Mely, pero sabi n’ya, nagmakaawa s’ya at napapaniwala

n’ya ang mga militar na siya’y isa lang maid. Nakahinga nga ako nang maluwag nang

malaman kong di ka kasama.

LINO: Tumawag nga kami doon para malaman kung doon ka nagtuloy. Pagkatapos nga,

pilit nang pilit ‘tong si Grace na puntahan ka namin dito.


ADOR: O, e bakit nga kayo matatakot? Di naman tayo Sparrow. Di rin naman Sparrow sina

Edwin at Ave.

LINO: E kung ganoon ngang isinigaw?

ADOR: Sino naman ‘yung dalawang kumag na sumigaw? Baka mga kasama din natin na

pinitik lang ang bayag ay kung anu-ano na ang ikinanta.

LINO: E kung pahirapan din sina Edwin at Ave? Si Ave, alam ko, matibay ‘yon. Pero si

Edwin, duda ako. Mababaw ang luha noon. Baka biglang mag-La Paloma.

ADOR: Masyado kayong alarmista. Di pa nga natin alam kung totoo ‘yang mga bali-

balita. Kung dinampot man sina Ave at Edwin ay baka naman tatanungin lang sila tungkol

sa nangyari kangina, di dahil sila’y pinagbibintangang mga Sparrow.

LINO: Pero, Ador, alam mo naman ang mga militar. ‘Pag may napatay sa kanila, sasabihing

Sparrow ang pumatay. ‘Pag may nahuli sila, sasabihing Sparrow ang nahuli nila. Di ba

noong minsan, nang maghabulan din sa demo sa Mendiola, ‘yung malas na ice cream

vendor na nakitakbo rin dahil sa takot ang nadampot. Ano… di ba hanggang ngayo’y

nakakulong pa? Dahil pinahirapan seguro nang husto, kahit di totoo’y napilitang umaming

siya’y Sparrow.

GRACE: Ador, talagang mabuti’y umalis ka muna. Sa grupo natin, ikaw ang kilalang-

kilala. Magtago ka muna hanggang di pa malinaw ang lahat tungkol kina Ave at

Edwin. Kung gusto mo, sasamahan kita sa Batangas… doon sa lugar ng Tiya ko. Di ka

basta matutunton doon.

ADOR: Ano ba kayo? Kung magtatago ako’t di naman ako hinahanap… di nagmukha lang

akong gago! Ang hirap sa inyo, natatakot kayo sa sarili n’yong anino.

LINO: Mabuti na rin ang nag-iingat, Ador. Alam mo naman ang hustisya ngayon.

ADOR: Hustisya? Meron pa bang hustisya?

GRACE: ‘Yon nga, e. Di bale kung anak ka ni Congressman.

LINO: O anak-mayaman ka. Malamang na nasa d’yaryo ang retrato mo at di ka

gagalawin. Pero tayong maliliit, tayong mahihirap, Ador, di tayo tao sa kanila kaya dapat

na mag-ingat na lang muna tayo.

ADOR: Putang ‘na nila! Tayo lang ang kaya nilang hulihin. Ba’t di ‘yung mga nagbebenta

ng ating kinabukasan? Pero, teka, wala ba tayong mga kasama doon sa mga napatay, doon

sa mga dinala sa ospital?

LINO: Ewan… ewan. Sana’y wala. Alam ko, nang magtakbuhan tayo, nang magputukan,

malayo ang tropa natin sa sentro ng gulo. Pero, ikaw, ba’t nadale ka sa kilay?
ADOR: Di ba humiwalay ako sa inyo dahil ako sana ang susunod na speaker bago

nagputukan? Nandoon ako sa tabi ng monumento ni Bonifacio. Kami ang napuruhan ng

mga putang ‘na!

(Mapapatingfin si Grace sa mesang aralan kung saan nakalagay ang munting radyo sa tabi

ng supot ng pansit at mga libro. Mapapansin ni Grace ang radyo at biglang lalapitan,

hahawakan.)

GRACE: May radyo pala. Ba’t di tayo makinig ng balita? Ano ba ‘to… de-baterya o de-

koryente?

ADOR: De-baterya ‘yan. Ilagay mo sa DZRH… 666 sa dial.

(Bubuksan ni Grace ang radyo, pipihitin ang dial. Sa simula’y maririnig ang sari-saring awit at tugtog

hanggang sa marinig ang tila boses ni Joe Taruc.)

LINO: D’yan nga… d’yan! Lak’san mo, Grace.

(Bigla silang matatahimik, matamang pakikinggan ang radyo)

“Deo… Deo. Masama ang signal mo. Umiba ka ng location. Babalikan kita mamaya. Mga

kababayan, iyon po si Deo Macalma na maghahatid sa atin ng mga sariwang balita tungkol

sa mga kaganapan sa madugong demonstrasyon kangina sa may Liwasang Bonifacio. Ayon

po kay Lt. Abadilla nang makapanayam ng reporter nating si Jennifer Postigo, kasalukuyan

pa nilang iniimbestigahan ang dalawang nahuli nilang naghagis diumano ng molotov bomb

sa hanay ng mga pulis at sundalo kung kaya nagkagulo. Ayon sa kanya, mga Sparrow ang

dalawang iyon, sina Conrado Torres, alyas Ka Pepe, at Juanito Perez, alyas Ka Lando, ng

Alex Boncayao Brigade. May mga kasamahan pa diumano ang dalawa na kasalukuyan

ngayong tinutugaygayan ng militar at maaaring mahuli anumang sandali. Deo… Deo… ayos

ka na ba? Come in, Deo! Come in!”

“Hello, Pareng Joe! Hello!”

“Ok na ang signal mo, Deo. Go ahead, Deo! Go ahead!”

”Ito po si Deo Macalma na naghahatid sa inyo ng mga sariwang kaganapan sa nangyaring

demonstrasyon kangina. Narito po ako ngayon sa emergency room ng PGH kung saan

naroroon ang mga sinamang-palad na masugatan. Sila po’y sina Evelyn Mondragon,

estudyante ng FEU, Rico Moran, estudyante ng UP, Cirilo Montanez, estudyante ng PUP,

Mauro Mendoza, isang manggagawa, Pedro Ramos, manggagawa rin, at Teresita Bello,

isang batang sidewalk vendor. Ang iba pa’y di pa natin makuha ang mga pangalan, wala

pang mga malay at nasa malubhang kalagayan.”


“Deo… Deo! ‘Yung mga napatay? Di mo ba nakuha ang mga pangalan? Wala ba d’yan sa

morge ng PGH?”

“Wala, Pareng Joe. Wala dito. Aalamin ko sa ibang ospital o sa mga funeral

parlor. Pansamantala, hanggang dito na lang muna ako, Pareng Joe. Back to you, Pareng

Joe.”

“Mga kababayan, iyon po si Deo Macalma. Habang hinihintay natin ang mga sariwang

balita mula sa labas, pakinggan muna natin ang awiting HELP ME MAKE IT THROUGH THE

NIGHT na inihahandog namin sa mga kababayan nating manggagawa sa Middle East.”

ADOR: (biglang papatayin ang radyo) Putang ‘na! Mga m’yembro natin sa LFS sina Conrado at

Juanito. Paano magiging Sparrow ang mga ‘yon?

LINO: Tiyak, tinort’yur ang mga ‘yon!

GRACE: Baka isinigaw ka rin, Ador? Magtago ka na muna! Magtago ka!

LINO: Senga, Ador. Kung ayaw mo sa Batangas, sasamahan kita sa Kabite, doon sa

Alfonso. Marami akong kakilala doon na p’wede nating matuluyan.

ADOR: Putang ‘na! Bakit nga ako magtatago? Ano ba ang kasalanan ko? Nagdedemo lang

tayo para ipahayag ang mga karaingan ng bayan, ng masa! Wala na bang karapatan ang

mga mamamayan, ang mga kagaya natin, na magsalita nang totoo? Nasa Konstitusyon ang

karapatan nating ‘yan!

LINO: Papel lang ang Konstitusyon, Ador, sa panahong ito. May Konstitusyon pa bang

kinikilala ang mga pasista? Ikaw na nga ang nagsabi na meron pa bang hustisya

ngayon. Malimit mo ring sabihin noon na mas masahol pa sa puta ang mga nagpapatakbo

ng ating gobyerno… mas marangal pa ang mga puta dahil katawan lang nila ang kanilang

ibinibenta dahil sa pangangailangan, dahil sa karalitaan… pero sila, ano ang

ibinibenta? Ang buong bansa! Ang kinabukasan ng susunod pang henerasyon!

ADOR: (parang nag-iisip, tutungo at sasapuhin ang ulo) Ang mga hayop! Ang mga hayop! Pero

di ako magtatago. Bakit ako magtatago?

GRACE: (parang maiiyak na lalapit kay Ador at halos yakapin ito) Ewan ko, ewan ko,

Ador. Talagang kinakabahan ako. Paano kung hulihin ka? Sino, sino ang tatakbuhan

namin para tulungan ka? Ang mass media? Kanila rin ang mass media. Mabuti kung

bigyan ka man lang ng kahit kapirasong espasyo sa d’yaryo at ibalitang hinuli ka. Baka

palitawin ka pang NPA at lalo kang idiin.

ADOR: Hulihin na nila kung huhulihin! Putang ‘na… matatakot na lang ba tayo nang

matatakot? Tatakbo nang tatakbo?


{Bigla, magkakagulo sa likod ng tanghalan. May magsisigawan: “Raid! Raid! May mga

sundalo! May mga pulis! May huhulihin yata! Takbo! Takbo! Mahirap na!” Hintakot na

papasok sa sala sina Aida at Aling Ester. May hawak pang sandok si Aling Ester, may hawak

namang baso si Aida, may lamang tubig.)

ALING ESTER: Dominador! Dominador! Mga sundalo raw ‘yung nasa labas. (parang

natataranta at hindi malaman kung ilalapag o hindi ang tangang sandok; aagapayanan ito ni Aida, pilit

paiinumin mula sa tangang baso)

AIDA: Tubig, Inay. Uminom po muna kayo at baka kung mapa’no pa kayo. (iduduldol ang

baso sa bibig ni Aling Ester na iinom ng ilang lagok)

ALING ESTER: (bubuntung-hininga) Dominador, baka nga kayo ang hinahanap? Alis muna

kayo… alis na! Doon kayo dumaan sa may kusina. Dali! Dali!

AIDA: Sige na, Kuya. Sige na! Ako na ang bahala kay Inay.

(Itutulak palabas nina Aling Ester, Aida, Lino at Grace si Ador, ngunit magpipilit itong

maupo sa sopa.)

ADOR: Bakit nga ako aalis? Ano ba ang kasalanan ko? (muli, ipagtutulakan nina Lino, Aida,

Grace at Aling Ester si Ador)

ALING ESTER: (halos patili na) Umalis ka na sabi, Dominador! Umalis ka na!

AIDA: Umalis ka na, Kuya! Umalis ka na! Papatayin mo sa nerbiyos ang Inay!

(Muling hihilahin nina Grace at Lino si Ador, ngunit magpipilit pa rin itong maupo. Biglang

may tatadyak sa pinto. Mabilis na papasok ang tatlong sundalong nakauniporme ng

fatigue, nakatutok agad ang mga baril kina Ador.)

SUNDALO 1: Ito ang bahay ni Dominador Robles, ano?

ALING ESTER: Ito nga po. Ito nga po… pero bakit po?

SUNDALO 2: (babalingan sina Lino at Ador) Sino sa inyo si Dominador Robles?

ADOR: (biglang tatayo) Ako… bakit? Ano’ng kailangan n’yo?

(Bigla itong susunggaban ng Sundalo 3, pipiliting posasan. Magwawala si Ador,

sisikmuraan ito ng Sundalo 2 habang nakatutok naman ang baril ng Sundalo 1. Yayakap si

Grace kay Ador ngunit tatabigin ito ng Sundalo 2 at mapapasadsad sa sopa si

Grace. Yayakap naman si Aling Ester kay Ador at pilit itong hihilahin ng Sundalo

1. Mapoposasan si Ador.)

ALING ESTER: (umiiyak na) Bakit n’yo hinuhuli ang anak ko? Bakit? Di naman ‘yan

kriminal! Di naman ‘yan magnanakaw.


SUNDALO 1: Sabi ko na’t ang lugar na ‘to ang taguan ng mga Sparrow. (mapapatingin ito sa

mesang aralan na kinaroroonan pa ng supot ng pansit, munting radyo at ilang libro; babalingan ang

Sundalo 2) Tingnan mo ‘yang mga libro. Baka subversive documents ang mga ‘yan!

AIDA: (susunggaban ang mga libro) Mga libro ko ‘to sa esk’wela! (pilit na aagawin ng Sundalo 2

ang mga libro kay Aida hanggang mabitiwan ni Aida)

SUNDALO 1: Bulatlatin mo… baka may nakaipit na mga dokumento. (mabilis na iwawagwag

ang libro, ngunit walang makikitang anumang dokumento ang Sundalo 2 at marahas na bibitiwan ang

aklat)

SUNDALO 3: (habang nakatutok ang baril sa ulo ni Ador) ‘Yung supot sa mesa… ano ‘yon? Baka

molotov bomb… tingnan n’yo!

ADOR: Pansit ‘yan… lamunin n’yo!

SUNDALO 1: (sasampalin si Ador) Matapang ka, ha? Talagang matapang kayong mga

Sparrow. Marami na nga kayong napapatay sa amin kahit araw na araw!

ALING ESTER: (paiyak) H’wag n’yong saktan ang anak ko… di ‘yan Sparrow! (muli nitong

akmang yayakapin si Ador ngunit itutulak ito ng Sundalo 3 at maaalalayan naman ni Lino para hindi

mabuwal)

ADOR: Mga putang ‘na n’yo! Pati ba naman babai’y di n’yo iginagalang!

SUNDALO 1: (itutulak si Ador) Sige… ibaba na ‘yan at isakay sa d’yip!

ALING ESTER: Saan n’yo dadalhin ang anak ko? Maawa kayo sa kanya… maawa

kayo! Dominador! Dominador!

(Hihilahing palabas ng dalawang sundalo si Ador. Magpapalahaw ng iyak si Aling

Ester. Umiiyak na rin sina Aida at Grace. Parang natitigilang nakahawak sa braso ni Aling

Ester si Lino. Bago tuluyang umalis ang Sundalo 1, tatabigin nito ang supot ng pansit sa

mesitang aralan. Babagsak iyon sa sahig, tatadyakan at sisipain ng Sundalo 1, at sasabog

ang pansit. Nag-iiyakang pagtitiyagaang likumin iyon nina Aling Ester, Aida at Grace

habang nakatingin si Lino. Maririnig ang umaatungal na tunog ng tambutso ng dyip sa likod

ng tanghalan. Magdidilim ang tanghalan at isasara ang telon.)

TAGPO 2

(Sa muling pagbubukas ng telon, makikita ang isang kuwartong naiilawan ng isang

maliwanag na bombilyang nakalawit. May isang malapad na mesa doon, may dalawang

karaniwang silya sa harap ng mesa, may bote ng alak at basong nakapatong sa mesa, may

isa ring makinilya. Makikita si Ador na nakaupo sa isang silya, nakaposas pa rin, nakayapak

na at iyon pa ring dating short at t-shirt ang suot. Mahahalatang may bahid na ng dugo ang
t-shirt, gayundin ang labi ni Ador. Makikita rin ang tatlong sundalo kangina. Biglang

papasok si Lt. Abadilla, nakauniporme rin ng fatigue. Sasaluduhan siya ng tatlong sundalo.)

MGA SUNDALO: Mission accomplished, Sir!

LT. ABADILLA: Good… good. At ease. (mauupo si Lt. Abadilla sa silyang nasa likod ng mesa

paharap sa manonood; magsisindi ito ng sigarilyo, sasalinan ng alak ang baso at lalagok,

pagmamasdan ang mukha ni Ador)

SUNDALO 1: Matapang, Sir. Ayaw umamin.

LT. ABADILLA: (hihithit ng sigarilyo, ibubuga ang usok sa mukha ni Ador) A, ‘yan pala ang

sinasabing si Ka Ador. Alisan n’yo ng posas. Mukha namang di Sparrow. (lalapit ang Sundalo

3 kay Ador, aalisin ang posas nito)

SUNDALO 3: Panay ang mura n’yan sa amin kangina, Sir. Kundi ako nakapagpigil kangina,

Sir, tinodas ko na sana ‘yan at itinapon sa Pasig River.

LT. ABADILLA: (muling iinom ng alak) O, uminom ka muna… baka nauuhaw ka? (ilalapit ang

baso kay Ador; titingnan lamang ni Ador ang baso)

SUNDALO 2: Suplado, Sir. Chivas na ang ipinaiinom mo, Sir, ayaw pa.

LT. ABADILLA: Ka Ador, sinu-sino pa ang mga kasama n’yo dito sa Metro Manila? Saan-

saan ang hideout n’yo?

ADOR: Di ako Sparrow… at talagang wala akong alam sa mga pinagsasabi n’yo. Pipiliin

n’yo naman ang huhulihin n’yo!

SUNDALO 1: (dadagukan si Ador sa likod at muntik na itong mahulog sa pagkakaupo sa

silya) Bastos, Sir. Hoy, igalang mo ang Sir namin!

ADOR: Ang Nanay ko, ang kapatid kong babae… iginalang ba ninyo kangina?

SUNDALO 2: (tututukan ng baril sa ulo si Ador) Pilosopo pa, Sir. Ipasyal na kaya namin, Sir?

LT. ABADILLA: (muling magsasalin ng alak sa baso, lalagok) Ka Ador, sagutin mo na lang ang

mga tanong ko… di ka sasaktan ng mga ‘yan. Kung ayaw mong sabihin ang iba mo pang

kasama, ‘yon na lang lider n’yo dito ng Alex Boncayao Brigade.

ADOR: Talagang wala akong alam! Ang hirap sa inyo, kaming maliliit, kaming mga walang

kasalanan ang kaya n’yo lang hulihin. Bakit di ‘yung mga malalaking kriminal sa gobyerno

ang hulihin n’yo? Nasa Kongreso ang iba, sa BIR, sa Customs, sa Immigration. Mayroon

din sa Malakanyang!

LT. ABADILLA: (tatayo, lalapitan si Ador, hahawakan sa balikat) Di bale. Kung ayaw mong

kumanta, papipirmahin na lang kita ng tula. Madali lang ‘yon… pipirmahan mo

lang. Tawagin ang typist.


(Lalabas ang Sundalo 1 at makaraan ang ilang saglit, muli itong papasok kasama na ang isa

pang sundalong nakasibilyan. Hihilahin ng nakasibilyan ang silya, iaayos ang makinilya sa

mesa.)

SIBILYAN: Umpisahan ko na, Sir. Pangalan lang at address, Sir. (magsusubo ito ng papel sa

makinilya)

LT. ABADILLA: Dominador Robles ‘yan. Ano ang address mo, Ka Ador? (mukhang galit na

titingnan lamang ni Ador si Lt. Abadilla)

SUNDALO 2: Tinatanong ka ni Sir… hoy, sumagot ka! (akma nitong dadagukan si Ador)

ADOR: (pagalit) 124 Interior 1, Anonas St., Sta. Mesa.

(Mabilis na magmamakinilya ang sundalong nakasibilyan, bubunutin ang papel sa makinilya

at iaabot kay Lt. Abadilla. Dudukot ng ballpen sa kanyang bulsa si Lt. Abadilla, pahapyaw

na babasahin ang nakamakinilya sa papel)

SIBILYAN: Ayos ba, Sir?

LT. ABADILLA: Good… good. O, Ka Ador, pirmahan mo na.

ADOR: Bakit ko pipirmahan ‘yan? Alam kong puro kasinungalingan ‘yan!

LT. ABADILLA: Mukhang tama kayo… talagang matigas nga yata. Lalabas lang ako’t

magpapalamig ng ulo. Alam n’yo namang masama akong magalit. Kayo na ang bahala

d’yan. Medya-medya lang. Pero pagbalik ko, kailangang pirmado na ‘yan. (lalabas si Lt.

Abadilla at agad na lalapitan ng tatlong sundalo si Ador)

SUNDALO 1: (iduduldol ang papel at ballpen kay Ador) O, pirmahan mo na! Masama ang

matigas ang ulo… baka sumabog ‘yan.

ADOR: (tatabigin ang kamay ng sundalo, mabibitiwan nito ang ballpen) Kayo ang pumirma!

(Biglang itatayo ng dalawang sundalo si Ador. Sisikmuraan ito ng Sundalo 1. Mapapaigik si

Ador at akmang lalaban, ngunit pigil-pigil siya ng dalawa pang sundalo. Dalawang beses pa

siyang sisikmuraan ng Sundalo 1.)

SUNDALO 1: Ang hayop na ‘to… pahihirapan pa yata tayo!

(biglang isasalya ng dalawang sundalo sa silya si Ador, mabubuwal ito at sisipain siya ng

Sundalo 1}

SUNDALO 2: Pirmahan mo na sabi, e… para di na kami mahirapan!

(Dadamputin nito ang ballpen sa lapag, kukunin ang papel at iduduldol sa mukha ni

Ador. Muling tatabigin ni Ador ang kamay ng sundalo. Bigla siyang tatadyakan sa tagiliran

ng Sundalo 1.)

SUNDALO 3: Sige… sige, iupo n’yo sa silya at mapitpit na ang bayag.


(Itatayo ng Sundalo 1 at 2 si Ador. Pilit na pauupuin sa silya, sasalat-salatin ang bayag

nito.)

SUNDALO 1: Aba… malaki! Sayang naman at baka di na makaanak.

SUNDALO 2: Kung hubaran na lang natin. Tingnan natin. Baka supot pa, e, mabinyagan

na rin. Kundi naman, saksakan natin ng may sinding palito ng posporo ang butas,

ADOR: Mga putang ‘na n’yo! Mga hayop kayo!

(Bigla siyang sasampalin nang sunud-sunod ng Sundalo 2. Halos malungayngay ang ulo ni

Ador, ngunit nanlilisik siya, kuyom ang mga kamay, parang gustong isuntok)

SUNDALO 3: Ang putang ‘nang ‘to! Gusto pa yatang lumaban. Ipasyal nga natin! (papasok

si Lt. Abadilla, may dalang isang basong puno ng manilaw-nilaw na likido)

LT. ABADILLA: O, ano… pinirmahan na ba?

SUNDALO 1: Sir, talagang ayaw.

LT. ABADILLA: Aba… mapipilitan yata akong magalit. Pirmahan mo na, Ka Ador(matalim

na tititigan lamang ni Ador si Lt. Abadilla) Sparrow talaga. Matigas, e. Ibuka n’yo ang

bibig. (Pipigilan ng Sundalo 2 at 3 si Ador. Lalapit si Lt. Abadilla, ibubuhos ang laman ng

baso sa bibig ni Ador. Mapapaduwal si Ador na parang masusuka. Magtatawanan ang mga

sundalo)

SUNDALO 2: O, ano? Di nakatikim ka ng juice ni Sir.

SUNDALO 3: Sir, dalhin na kaya natin sa kubeta, mahilamusan at mapatikim naman ng

special hamburger sandwich. Baka nagugutom na kasi ‘yan, Sir!

LT. ABADILLA: H’wag na… pipirma ‘yan. (kukunin ni Lt. Abadilla ang papel at ballpen,

iaabot kay Ador; pahablot na aabutin iyon ni Ador, biglang pagpupunit-punitin)

ADOR: (pasigaw) Mga putang ‘na n’yo! Mga putang ‘na n’yo! May araw din kayo! May

araw din kayo! Mga demonyong pasista!

(Pagtutulungan siyang bugbugin ng mga sundalo. Mahahandusay si Ador sa lapag. May

sisipa sa kanya, may tatadyak.)

LT. ABADILLA: Tama na! Ipasyal na ‘yan! Ipasyal n’yo na! (Itatayo ng mga sundalo si

Ador, hihilahin papunta sa pinto. Kahit nanghihina, biglang aagawin ni Ador ang nakasukbit

na baril ng isang sundalo. Biglang isasara ang telon at maririnig ang sunud-sunod na

putok. Bigla ring tutugtugin ang PAMBANSANG AWIT ng Pilipinas. Magtatayuan ang mga

manonood.)#

You might also like