You are on page 1of 2

Mga Hugis-Pagiisip ng Pilipino

Ang kaugalian at pag-iisip ng tao ay matutunghayan natin sa pamamagitan ng


metalingguwistikang paraan. Ang metalingguwistikang paraan ay nagsasaad na ang wika
ang sumasalamin sa pananaw ng isang tao. Dahil sa pagsasama-sama ng wika at kultura,
ito ay nakakabuo ng pagkakaiba-iba ng pananaw sa isang lipunan. Kung kaya’t ang hugis
pag-iisip ng tao ay naipapakita sa pamamagitan ng paraan ng pananalita at ang wikang
ginagamit. Kaya masasabi natin na ang iba’t ibang bansa ay may kani-kaniyang hugis-
pagiisip dulot ng wika at kulturang kinagisnan.

Samantala, ang mga Pilipino ay may sari-saring uri ng hugis-pagiisip at isa na rito
ay ang “kaisipang kasi”. Karaniwan na sa mga Pilipino ang pag-uugaling ayaw nating
harapin ang katotohanan. Ngunit kung susumahin ang salitang kasi ay hindi lamang
nangangahulugang tayong mga Pilipino ay palaging tumataliwas sa kung ano ang tunay na
kaganapan subalit ginagamit din ang salitang ito upang makapanisi ng ibang tao katulad na
lamang ng pariralang “siya kasi”, “kayo kasi”,“ikaw kasi” at marami pang iba. Ngunit hindi
lamang puro pagtaliwas sa katotohanan ang nakasaad sa kaisipang kasi dahil para sa mga
Pilipino ginagamit din ito upang malaman ang sanhi ng isang bagay at mabigyan ng
solusyon. Maipapakita naman sa “kaisipang ganyan lang ang buhay”, ang katangian ng mga
Pilipinong tanggapin kung ano ang mayroon siya sa buhay. Dahil lingid sa ating mga Pilipino
na tanggapin ang isang situwasyon mapasama man ito o mapabuti dahil wala tayong
kakayahan upang baguhin ang takbo ng buhay.

Sa hugis-pag-iisip ng mga Pilipino ay mayroon ding kaisipang tayo’y tao lamang sa


kaisipang ito ipinapahayag na tila normal ang pagiging marupok at mahina ng tao. Dahil sa
ipinanganak tayong hindi perpekto. Kung kaya sa tuwing nakakagawa ng hindi
magagandang gawi ang mga Pilipino madalas nating sabihin na “tao rin ako nagkakamali”
sa pamamagitan ng pariralang iyan ay tila nabibigyan ng kakayahan ang isang tao na
gumawa pa ng isa pang pagkakamali dahil sa pananaw na normal lamang ito. Ngunit
nagiging positibo ang kaisipang tayo’y tao lamang dahil mas nagiging mulat ang tao sa
kanyang pagkakamali. Maisasalamin naman ang kaisipang okey lang, na may matibay na
tiwala ang Pilipino sa kanyang sariling kakayahan kaya’t malakas ang kalooban nito upang
harapin ang hamon sa buhay na hindi maiiwasan. Nasasaad din dito na ang mga Pilipino
ay may kakayahang pagaanin ang isang mabigat na situwasyon. Mailalahad naman sa
kaisipang pasensiya ka na ang pagiging makatao ng Pilipino dahil sa pag-uugaling humingi
ng kapatawaran sa kapwa at ang pagiging maunawain. Panghuling hugis-pagiisip ng mga
Pilipino ay ang kaisipang makakaraos din ipinapamalas dito ang pagiging positibo ng mga
Pilipino na kahit ano man ang pagsubok na dumating ay malalampasan din. Dahil sa
kaisipang walang hindi magwawakas at lahat ay may katapusan.

Ang mga kaisipang ito ng mga Pilipino ay maaaring maging positibo o negatibo
depende na lamang sa gumagamit ng mga salitang nailahad. Ang mga hugis-pagiisip na ito
ay tila isang kapangyarihan para sa atin na mailahad ng malaya ang kani-kaniyang ninanais.
Kung kaya gamitin ito sa tama upang ang tunay na hangarin sa paggamit ng mga salitang ito
ay makamtan at makatulong sa ika-uunlad ng lipunan.

Sanggunian:
Timbreza, F. T. (1985, January 01). Mga Hugis-Pag-Iisip ng Pilipino (Filipino Mental
Frames). Retrieved from https://ejournals.ph/article.php?id=10184

You might also like