Natutulog si Buyong Humadapnon sa kaniyang duyan nang nagpakita sa kaniyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espiritu. Sinabi ng dalawa na marapat nang hanapin ng datu ang babaeng kaniyang mapapangasawa, na kapantay niya ang uri. Ibig sabihin, anakmaharlika rin, may kapangyarihan, bulawan ang buhok, may alam sa panggagamot. Ang babae’y si Nagmalitong Yawa, anak nina Buyong Labaw Donggon at Uwa Matan-ayon. Humiling si Humadapnon ng pahintulot sa kaniyang magulang na maglakbay para hanapin ang kaniyang mapapangasawa. Sa tulong ng maganak, pinagsama-sama nila ang kanilang mga dugo mula sa daliri at nakalikha sila ng isang datung kapamilya, si Buyong Dumalapdap. Siya ang makakasama ni Humadapnon sa kaniyang paglalakbay, sakay ng ginintuang biday o barangay na pamana pa ng magulang kay Buyong Humadapnon. Bilang paghahanda sa gagawing paglalakbay, dumaan muna si Buyong Dumalapdap sa pagsasanay. Anim na ulit siyang sinibat ng kaniyang kapatid at namatay. Muli naman siyang nabuhay hanggang sa sumapit ang ikapitong pagsibat at nakayanan ni Dumalapdap na iwasan ang rumaragasang patalim na kasimbilis ng kidlat. Sumulong na ang ginintuang biday (balangay o barangay na ginagamit ng mga datu sa paglalakbay) ni Humadapnon. May ritwal muna bago ito isulong sa dagat: pinausukan ng kamanyang at dinasalan para sa maayos na paglalakbay. Pinaalalahanan ang binata ng kaniyang magulang na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban. May puwersa itong bumubura sa konsepto ng pinagmulan. Hindi naman natinag si Humadapnon hanggang sa narating nila ito at kaniyang narinig ang paanyaya ng binukot (well-kept maidens). Napakaganda ng mga tinig at nahalina ang binata. Pinigil naman siya ni Dumalapdap at laging pinapaalala sa marapat nilang puntahan. Ang Tarangban ay isla ng mga binukot. Sa una, ayaw pagbigyan ni Humadapnon ang paanyaya ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit ang binata at umibis ng kaniyang sinasakyan. Tinanggap niya ang inaalok na nganga ng binukot. Doon, siya’y namalagi kasama ang mga dalaga. Itinuring ng binata na kalaro at laruan lamang ang mga binukot. Inabot ng pitong taon ang pamamalagi niya sa isla kasama ang mga binukot. Nang natauhan si Humadapnon at nagtangkang umalis, nagsara ang yungib ng Tarangban. Naging bihag ang binata. Nagluksa naman si Dumalapdap sa kapalaran nilang magkapatid. Hindi sila nagtagumpay sa paghahanap ng tamang binibini at sa pagpapatnubay sa isa’t isa. Bumalik sa kanilang tahanan si Dumalapdap. Ipinaalam niya ito sa kaniyang magulang. Nangako naman ang magulang na gagawin ang kanilang makakaya. Hindi nagtagumpay ang mag-anak. Nangako sila ng pabuyang kayamanan (para sa lalaking tagapagligtas) at kasal (para sa babae). Hindi nagtagumpay ang kalalakihan, gayundin ang mga dalagang Babaylan. Nanangis sa harap ng Tarangban si Dumalapdap hanggang sa makaisip ang kaniyang mga kaibigang espiritung sina Duwindi, Taghuy, at Hangin na pakiusapan ang binibining talaga naman nilang pakay sa paglalakbay. Mangyari, siya lamang ang maaaring makapagligtas sa nakulong na binata dahil magkasinlakas sila. Sa paanyaya, pang-uudyok, at pananakot ng mga espiritu, napapayag na rin si Nagmalitong Yawa. Una, sinabi nilang kapatid ang nakulong. Ngunit ipinagtapat nilang iyon ang binatang ang diwata ang pakay. Nagbalatkayo si Nagmalitong Yawa bilang lalaki (buyong, datu). Ang hindi lamang niya maitago ay ang kaniyang matamis na amoy ng isang binukot. Pagdating nila sa Tarangban, naakit muli ang mga binukot. Binuksan nila ang Tarangban sa galak na makakitang muli ng makisig na binata. Bilang nagbabalatkayong lalaki, nagsamandirigma si Buyong Sunmasakay. Pinaslang niyang lahat ang mga binukot sa isla, maging ang pinakapinunong si Lubay Hanginon ay kaniyang sinaksak. Lumabas naman si Humadapnon na naengkanto. Wala na ito sa kaniyang sarili. Sa tulong ni Buyong Sunmasakay at ng mga kaibigang espiritu, ibinalik nila ang buhay (tubig buhat sa ikapitong antas ng langit) at katinuan ng nabihag na bayani. Hindi naman nagpakilala si Nagmalitong Yawa bilang tagapagligtas ng lalaki. ANG HABILIN NG INA Isinalin sa Filipino ni Magdalena G. Jalandoni Maikling Kuwento mula sa Iloilo
Papalubog na ang buwan at mag-aalas onse na ng gabing iyon. Umuungol ang
mga aso. Sa isang kubong kinatatanglawan lamang ng lampara ay nakahiga sa isang payak na higaan ang isang payat at maputlang babae na halos hindi makakilos dahil sa malubhang sakit. Nakaupo sa kaniyang tabi ang isang batang lalaking may sampung taong gulang. Sa uluhan ng maysakit ay may maliit na larawan ng Santo Kristo. Matagal niya itong tinitigan at pagkatapos ay hinipo at ilang ulit na hinagkan. Napabuntung-hininga siya, ang ilang namumuong luha sa kaniyang mga mata ay dumaloy na para bang may mahalagang habilin. Nilingon niya ang anak at sinabihan. “Pinakamamahal kong anak at bahagi ng buhay ko, ito na ang sandaling magkakahiwalay tayo. Ako’y mamamatay na at maiiwan ka rito sa lupa sa pagtahak sa matinik na landas ng buhay. Maiiwan kang walang magulang at kapatid. Ang Diyos ang magiging ama mong mapagkakatiwalaan. Siya ang magbabantay at magsisilbing ilaw mo. Matagal nang itinuro ko sa iyo ang magandang asal. Tinuruan kitang huwag mang-api at magnakaw. Isinasama kita sa simbahan tuwing Linggo at pista. Tinuruan din kitang pagsilbihan Siya na may-ari ng buhay mo. Maaasahan ko kayang pahahalagahan mo ang magagandang asal na ito habang buhay ka?” Naumid ang dila ng bata at pagkatapos ng ilang sandali’y nagwikang: “Inay, igagalang ko ang gusto mo. Susundin ko ang mga habilin mo habang ako’y nabubuhay.” Lumipas ang ilang sandali ng kanilang pag-uusap at tuluyang pumikit ang mga mata ng kawawang babae. Humalik siya sa noo ng bangkay hanggang sa ito’y binasa ng kaniyang mga luha. Nagdadalamhating humikbi ang bata at saka nagsalita: “Inay ko...Inay ko...! Lumipas ang ilang araw at naipalibing ang bangkay ng kaniyang ina sa tulong ng mga kapitbahay. Si Crispin, ang naiwang bugtong na anak sa lupa ay namasukan sa isang mayamang amo. Makikita siya tuwing umagang bitbit ang bote ng gatas. Umaalis siya ng bahay tuwing umaga upang bumili ng gatas sa kaniyang suki. Sa kaniyang pag-uwi, dumaraan muna siya sa simbahan upang magdasal dahil ito ang habilin ng yumao niyang ina. Tinutupad niya ito na parang buhay ang inang nagbabantay sa kaniya. Lumipas ang mga buwan. Sinusunod ni Crispin ang lahat ng utos ng kaniyang amo kaya nabihag nito ang kaniyang pagmamahal. Walang nangyayaring masama sa kaniyang paglalakad tuwing umaga maliban lamang noong isang umagang umuulan nang siya’y nadulas at nadapa kaya nabasag ang boteng may lamang gatas. Kinabahan si Crispin nang makitang dumaloy sa lupa ang lahat ng laman ng bote at walang naiwan kahit isang patak. Ito ang kauna-unahan niyang pagkakamali. Alam niyang malupit ang kaniyang amo at marahil kapag nalaman nila ang nangyari ay isang malakas na palo ang matatanggap niya. Nanginginig ang buo niyang katawan sa takot kaya hindi niya napigilan ang pag-iyak. Natatakot siyang umuwi na walang dalang gatas kaya bumalik siya sa kaniyang suki. “Mama….,” ang sabi niya. “Natapon ang dala kong gatas. Bigyan mo ako ulit.” “Anak, alam mong singkuwenta sentimos ang halaga ng dala mong gatas kanina. Hindi na kita maaaring bigyan pa ng libre. Bibigyan kita kagaya ng natapon ngunit ipangako mong babayaran mo bukas.” Hindi kaagad nakasagot si Crispin. Huminga siya nang malalim na parang hindi alam ang gagawin. Ngunit saan siya kukuha ng perang pambayad sa gatas? Ito ang katanungang gumugulo sa kaniyang isipan nang araw na iyon. Wala siyang mapagkunang pera. Nanginginig na ipinagtapat niya sa among nagkautang siya ng singkuwenta. Wala siyang nagawa kaya nalito siya ng gabing iyon. Dahil sa matinding pangangailangan, nakalimutan niya ang habilin ng ina. Dinukot niya ang bulsa ng amerikana ng kaniyang amo na nakasabit sa dingding. Walang ibang nakakita sa kaniya. Natagpuan niya ang nakahalong singkuwenta sentimos at iyon lang ang kaniyang kinuha. Binayaran niya ang utang sa matanda kinaumagahan. Katulad ng ibang umaga, dumaan siya sa simbahan sa kaniyang pag-uwi. Lumuhod siya at nanalangin. Nang itaas niya ang ulo, nakita niya ang malaking larawan ng Santo Kristo na sa tingin niya’y parang malungkot. Tatayo sana siya upang halikan ang paanan nito ngunit hindi niya nagawa dahil bigla siyang kinabahan. Naalala ni Crispin ang habilin ng ina. Kinatatakutan niya ang kaunting pagkakamali sa amo. Naalaala niyang nagnakaw siya noong nakaraang araw ngunit hindi siya natatakot sa paggawa ng kasalanang ito sa Diyos na lumikha sa kaniya. Nanginginig ang buong katawan ni Crispin sa malaking takot sa Diyos na nagmamay-ari ng kaniyang buhay. Hindi niya napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa mata. Buong pusong nagsisi siya. Tiningnan nito ang larawan at nagsabing, “Panginoon, patawarin mo ako. Pinagsisisihan ko na ang aking pagkakasala.” Umuwi siya sa bahay na tinitirhan at walang takot na ipinagtapat sa among lalaki ang nagawa. Siya’y nagwika: “Ginoo, ninakaw ko ang singkuwenta sentimos sa bulsa ng amerikana ninyo habang natutulog kayo kagabi. Naibayad ko na po ang pera sa matandang pinagkautangan ko ng gatas. Handa akong tanggapin ang parusang katumbas ng aking pagkakamali.” Sa halip magalit ang amo ni Crispin, niyakap siya nito at hinalikan sabay na nagwikang, “Simula ngayon, pinagkakatiwalaan na kita at kapag malaki ka na, magiging katiwala ka ng mga ari-arian ko.” Nagkatotoo ang pangako ng amo dahil pinag-aral nito si Crispin. Sa paglipas ng panahon, siya’y isa nang ganap na binata, matalino, maka-Diyos at mapagkakatiwalaan ng lahat kapalit ang pagtupad sa mga habilin ng kaniyang ina.