You are on page 1of 11

1.

Ang Aso at ang Ibon


Isang araw, ang aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting
buto ang nahalang sa kanyang lalamunan, Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding
paghihirap ay napahalinghing nang ubod- lakas.
Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapa-aalis ng kanyang bikig. Parang
namamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang
anumang mayroon siya sa makapag aalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan.
Tumihaya na ang aso at ibinuka ang kanyang bunganga. Ipinasok naman ng pusa ang kanyang ulo
hanggang leeg upang alisin ang bikig. Pagkabunot ng bikig, ang pusa ay nagsalita, "Akin na ang aking
gantimpala." Umuungol ang aso. Inilabas ang matatalim na pangil. "Magpasalamat ka, at naipasok mo
ang iyong ulos sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi napahamak", wika ng aso na waring
nanunumbat.
2. Ang Pulubi
Minsan may dalawang pulubi na nasa lansangan na namamalimos ng barya sa mga nagdaraan. Isang
gabi, sila'y ginising mula sa pagkakahimbing ng isang nakasisilaw na liwanag. At mula sa liwanag na iyon
ay may namataan silang isang pambihirang nilalang.
Maganda ang damit at gawa sa mamahaling bato ang kasuotan nito. Natuwa ang dalawang pulubi. "Ito
na marahil ang hari ang mga hari," ang sabi ng isa. "Tama! Pagkakalooban niya tayo ng kayamanan, at
hindi na uli tayo kailangan pang mamalimos!"
Lumapit nga sa kanila ang hari at sila'y kinausap. "Ano ang maaari ninyong ihandog sa akin?" ang tanong
nito. Nagtaka and isang pulubi. Bakit sila pa ang magbibigay? Ang naisaloob niya.
Samantalang ang ikalawang pulubi ay nagmamadaling nagbukas ng kanyang sako at kumuha ng
pinakamalaking piraso ng tinapay na mayroon siya. "Anong gagawin mo?" ang tanong ng naunang pulubi
dito. "Iaalay ko sa kanya ang pinakamalaki kong tinapay." "Nababaliw ka na ba? At papaano ka?"
"Karapat-dapat lamang ipagkaloob sa hari ang nararapat para sa kanya at ito ang aking gagawin!"
Inalay nga ng pulubing yaon ang malaking piraso ng tinapay. "Ito lang po ang aking maipagkakaloob,"
ang sabi pa nito sa hari." Ngunit ito na po ang pinakamalaking bagay sa buhay ko. Nawa'y tanggapin
ninyo." Tinanggap ng hari ang tinapay na alay ng pulubi.
Nang balingan nito ang isa pang pulubi ay nakita nitong nagkukumahog ng naghahagilap ang pulubing
iyon sa paghahanap ng maipagkakaloob. Sa wakas, nakakita rin ito ng pinakamaliit na butil ng mais.
Inalay nito sa hari ang naturang butil ng mais. "Heto lang ang maaari kong ipagkaloob sa inyo," ang sabi
pa nito. Iyon lang at tinanggap iyon ng hari. At bigla ngang naglaho ang liwanag at nawala na rin ang hari.
Maya-maya'y may napansin ang isang pulubi sa buhat-buhat niyang sako. Animo bumigat iyon. Nang
buksan niya iyon, laking gulat niya sa nakita! Sa loob ng sako ay may nakalagay na ginto! Isang malaking
piraso ng ginto na 'sing laki ng tinapay na ipinagkaloob niya sa hari! Napalunok ang isa pang pulubi nang
makita iyon. Nang bisitahin din niya ang kanyang sako, hindi siya nagulat nang makita niyang nakalagay
na ginto doon. Gintong 'sing liit ng isang butil ng mais na ipinagkaloob niya.
MENSAHE:
Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Kung ano ang ipinagkaloob natin sa Diyos ay siya rin nating
tatanggapin.
3. Ang Kambing at ang Magsasaka
Isang araw ay nahulog ang kambing sa balon. Umatungal ito ng umatungal na nakapagpataranta sa
magsasakang may-ari ng kambing.
Wala siyang malamang gawin para maiakyat niya ito mula sa malalim na balon. Kaya minabuti niyang
tabunan na lang ng lupa ang balon kasama ang kambing. Tutal matanda na ang kambing at ang balon
naman ay wala ng tubig na makukuha.
Kaya humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay upang matabunan kaagad ang balon para matigil na ang
pa-atungal ng kambing.
Lalong umatungal ang kambing nang maunawaan niya ang gustong gawin ng magsasaka. Ibabaon siya
ng buhay.
Ilang sandali lang ay tumahimik na ang kambing. Dumukwang ang magsasaka kung bakit wala ng ingay
na nanggagaling sa balon. Nakita niya ang kambing na nakatayo sa lupang kanilang itinatabon. Tuwing
may itinatapon na lupa ay niluluksuhan ng kambing para makarating siya sa itaas. Hanggang nang
mapupuno na ang balon, ay tumalon ang kambing sa itaas na ikinagulat ng mga tao.
Para rin yang mga taong nagtatapon sa inyo ng dumi. Kagaya ng kambing ay tinatapakan lang niya at
pinapalis ang dumi hanggang sa siya ay makarating sa itaas.
4. Ang Gutom Na Aso
Mayroong isang malupit na mapang-alipin na hari kaya ang diyos na si Indra ay nagbalatkayong isang
mangangaso.
Kasama niya ang Demonyong si Matali na nag-anyong napakalaking aso, sila ay bumaba sa lupa.
Pagpasok nila sa palasyo ay umatungal nang napakalungkot kung kaya ang mga gusali ay nayanig ang
kailaliman nito. Ang malupit na hari ay nag-utos na dalhin ang mangangaso sa kaniyang harapan at
tinanong ang dahilan ng pag-aalulong ng aso.
Sabi ng mangangaso, "Ang aso ay gutom ". Kaya dali-daling nag-utos ang hari na kumuha ng pagkain.
Pagkatapos ubusin ang hinandang pagkain, umalulong ulit ang aso. Nag-utos ulit na magdala ng pagkain
ang hari para sa aso hanggang maubos ang kanilang inimbak na pagkain, hindi pa rin huminto ang aso
sa kaaalulong. Naging desperado ang hari. Siya ay nagtanong, "Walang makakabusog sa asong iyan?"
"Wala", sagot ng mangangaso. "Maliban siguro kung ipapakain ang balat ng kaniyang mga kaaway. "At
sino ang mga kaaway niya ?" urirat ng hari.
Sumagot ang mangangaso: Ang aso ay [atuloy na aalulong hanggang may naguguton na tao sa kaharian
at ang kaniyang mga kaaway ay ang mga malulupit na umaapi sa mahihirap.
Ang hari na tinutukoy ng Mangangaso ay naalala ang kaniyang masasamang gawi at siya ay nagtika at
sa unang pagkakataon ay nakinig siya sa pangaral ng kabutihan.
5. Ang Parabula ng Asarol
Isang magsasaka ang nag-araro ng kaniyang bukid araw-araw nang mga nagdaang taon. Mahirap na
trabaho pero sagana naman siya. Isang araw ay tinanong niya ang sarili niya bakit nagpapakahirap siya.
May isang monghe na kumatok sa bahay niya at humihingi ng limos. Naisip niya na maganda ang buhay
ng monghe, walang masyadong responsibilidad.
Kaya, nagpasya siyang iwanan ang kaniyang mga ari-arian at magmonghe rin.
Pagkataos niyang umalis sa bahay, naramdaman niyang walang kalaman-laman ang kaniyang mga
kamay. Nahirati kasi siyang laging hawak ang asarol sa araw-araw at ngayon ay para siyang nanibago.
Bumalik siya sa kaniyang bahay, kinuha niya ang asarol at nag-isip siya kung ano ang gagawin niya
doon. Nanghihinayang siyang itapon yon dahil yon ay matalim at makintab dahil sa dalas nang gamit
niya.
Binalot niya ito at itinago sa loob ng bahay. Pagkatapos ay umalis ulit siya.
Ang magsasaka ay nagpumilit matupad ang mga kinakailangan para maging mabuting monghe. Pero,
hindi niya mapigilan ang pagbabalik-alala sa kaniyang asarol tuwing mapapadaan sila sa isang taniman.
Umuuwi siya at hinihimas ang asarol pagkatapos ay balik ulit siya sa templo.
Dumaan ang pito hanggang walong taon, naramdaman niyang tila hindi siya masaya ay malayang
monghe pagkataos niyang magpakabanal. Mayroong sagabal at iyon ang nagpapabigat sa kaniyang
kalooban. Umuwi siya sa bahay, kinuha niya ang asarol at itinapon niya sa lawa.
Pagkatapos lumubog ang asarol. tuwang-tuwang nagsisigaw ang magsasaka nang,
"Nanalo ako, Nagwagi ako.
Nang oras na yon ay dumaraan ang hari ang batalyon nito mula sa matagumpay na pakikidigma. Narinig
niya ang monghe at tinanong, "Ano ang iyong napanalunan? Bakit ka napakasaya?"
"Natalo ko ang masasamang damdamin na nasa aking puso. Pinalaya ko na ang aking sarili sa mga
materyal na bagay na siyang nagpapabigat sa aking nais na maging isang nilalang.
Namasdan ng hari na masaya talaga ang monghe dahil sa siya ay malaya na sa mga pagnanasa sa mga
bagay na materyal.
Nag-isip din siya."Nanalo nga ako pero ako ba ay masaya? Kinamkam ko ang mga lupang hindi sa akin.
Hindi ito ang tunay na tagumpay.
Napag-isip din ng hari na ang tunay na matagumpay ang karaniwang tao na napalaya ang sarili sa pag-
iimbot ng mga bagay na makakapagpaligayang pang materyal ay ang tunay na nagwagi.
6. Ang Pariseo at Kolektor ng Buwis
Siya'y nagwika ng parabula sa mga taong naniniwala na sila ay nasa katwiran at gumagawa ng tama
kaya kanilang kinamumuhian ang iba na inaakala nilang makasalanan.
"Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang magdasal;
ang isa ay Pariseo at ang isa ay kolektor ng buwis.
Ang Pariseo ay tumayo at nagdasal ng ganito:
Panginoon, nagpapasalamant ako at hindi ako katulad ng ibang tao na mga makasalanan,
mapagkurakot, mga mapang-apid sa hindi nila asawa o kaya katulang ng kolektor ng buwis na narito.
Ako ay nag-aayuno dalawang beses, isang Linggo at nagbibigay bahagi sa bawa't aking kinita."
Ang kolektor ng buwis na nakatayo sa hindi kalayuan ay hindi man lang nagtaas ng kaniyang mata sa
langit nguni't kaniyang tinapik ang kaniyang dibdib at nagwikang
Panginoon, kaawaan mo ako, isang makasalanan.
Ang sinasabi ko sa inyo, itong taong humingi ng awa ay tumanggap ng awa kaysa sa doon sa taong
itinaas ang sarili niya sa mata ng Diyos. Ang mapagmalaki ay ginagawang aba at ang nagpapakababa ay
siyang pinupuri.
(Luke 18:9-14)
7. Ang Nawala at Natagpuang Anak
May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki. Ang pinakabata ay lumapit sa ama at hiningi ang
kanyang mana.
Kaya ang ginawa ng matanda ay hinati niya ang kaniyang kayamanan sa dalawa. Ilang araw ang
nakalipas, umalis ang bunsong anak at nangibang bayan. Inubos niya ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng
ama.
Nagkaroon ng matinding taggutom sa bansang iyon kaya napilitan siyang mamasukan sa isang
mamamayan na nagpadala sa kaniya sa bukid bilang tagapagpakain ng baboy.
Habang nagtitiis siyang kumain ng kaning baboy dahil wala namang ibinibigay sa kanyang pagkain,
naalala niya ang kaniyang ama at ang mga katulong nito sa kanilang sariling pataniman.
Naisip niyang bakit siya magtitiis na mamatay sa gutom habang ang mga katulong ng kaniyang ama ay
sagana sa pagkain.
Minabuti niyang umuwi at humingi ng patawad at handa siyang magtrabaho kahit na bilang katulong lang.
Malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kaniyang ama na tumakbo at siya ay niyakap at hinalikan.
Tinawag nito ang kaniyang mga katulong at inutusang bihisan ang kaniyang anak ng magarang
kasuotan, bigyan ng sapatos at singsing sa kaniyang daliri. Iniutos din niya ang magpatay ng baka upang
ipadiwang ang pagbalik ng kaniyang anak.
Ang panganay niyang anak na nasa pataniman ay narinig ang musika at ang pagsasaya habang siya ay
papalapit sa bahay. Tinanong niya ang isa sa mga utusan kung ano ang kasayahang yaon. Nalaman niya
na nadiriwang ang kaniyang ama sa pagbalik ng kaniyang anak.
Nagalit ang panganay na anak at ayaw niyang pumasok para sumali sa pagdiriwang.
Sinumbatan niya ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang pagsisilbi dito na parang alipin subalit ni minsan
ay hindi siya binigyan ng kahit maliit na kambing para magsaya kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Pero nang dumating ang kaniyang kapatid na nilustay ang kaniyang mana sa mga masasamang babae,
ito ay binigyan pa ng pagsalubong.
Sinagot siya ng kaniyang ama na siya ay naroong kasama niya at lahat ng kasaganaang tinatamasa niya
ay kasama siya samantalang ang kapatid niya ay nawala at bumalik. Tila siya namatay na nabuhay ulit.
(Luke 15:11-32)
8. Ang Parabula ng Ama, Anak at Kalabaw
Isang mapagmahal na pamilya ang nakatira sa isang bundok. Ang ama’y magsasaka samantalang
mabuting may-bahay ang ina. Isang lalake ang anak ng mag-irog na naninirahan sa bundok. Pitong na
taon na ngayon ang kanilang anak.
Nang minsang bumaba sa bukid ang ama ay isinama niya ang kanyang anak upang makatulong kahit
papaano at nang malibang na rin. Dala rin nila ang kalabaw na siyang mag-aararo sa lupang tatamnan.
May kalayuan ang pinag-aanihang bukid ng ama. Kinakailangang dumaan ng apat na baryo bago
marating ang bukid.
Masayang-masaya ang batang lalake habang tinutulungan ang kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid.
Nanghuhuli rin siya ng maliliit na langgam at ng luntiang tipaklong sa pagkakataong nag-aararo ang ama.
Maligaya naman ang ama habang pinagmamasdan ang kanyang anak.
Magdidilim na at pagod na ang ama. Tumigil na rin ang kalabaw sa paggawa dahil sampung kwadro na
ang binungkal nito. Kaya naisipan na ng ama na umuwi at niyaya na nga ang anak.
Habang sila’y naglalakad patungo sa bundok na kanilang tinitirhan ay napadaan sila sa isang baryo.
Hapung-hapo ang ama kaya naisip ng anak na ang ama na lang ang ipasakay sa kalabaw sa halip na
siya. Hawak ng bata ang lubid na nakatali sa kalabaw na kinasasakyan ng ama. Napansin nilang nag-
uusap ang ilang ale sa isang banda ng baryo. Narinig na lamang nila: “Hay naku, anong klase ama ‘yan?
Kabata-bata ng anak inaalila nang ganyan. At siya, komportableng nakasakay sa kalabaw.”
Napahiya ang ama sa kanyang narinig. Kaya bago tumawid sa sunod na baryo ay bumaba na ito at
ibinuhat ang anak pasakay sa kalabaw. Hapung-hapo sa paglalakad ang ama habang hawak ang lubid
ng kalabaw. Ngunit nakarinig na naman sila ng mga komento mula sa mga tagabaryo. “Ano ba naman
iyang batang ‘yan? Nakita na ngang pagud na pagod ang ama sa pag-aaro nang buong araw sa bukid
hinayaan pa ang ama na maglakad. Napakawalang utang na loob sa amang kumakayod para sa
pamilya.” Kaya bago tumungo sa ikatlong baryo ay ibinaba ng ama ang anak.
Magkahawak kamay ang mag-ama habang naglalakad kasama ang kalabaw. Nang maabot ang ikatlong
baryo, nanghina ang mag-ama sa narinig mula sa isang tagaroon: “Katangahan naman ang ibinigay sa
mag-amang ito. Ang layo ng bukid na pinanggalin. Pagod pa sa paggawa roon. Naglakad. Hindi man
lamang naisip sakyan ang kalabaw. Ano pa ang silbi nito? Tsik...tsik...” Sumakay sa kalabaw ang dalawa.
Sakay sila ng kalabaw hanggang maabot ang ikaapat at panghuling baryo.
“Kawawa naman ang kalabaw. Maghapong nag-araro sa bukid, napapagod din ‘yan. Siguro kung
nakapagsasalita lamang ang kalabaw na iyan siguradong magrereklamo na ‘yan. Itong mag-ama,
napakalupit! Wala man lang konsiderasyon sa kalagayan ng hayop. Kahit hayop, napapagod at may
pakiramdam din.” Narinig na lamang nilang sabi ng isang lalake habang lumalagok ng tuba sa tindahang
nadaanan.
Nang makarating ng bahay, hindi maintidihan ng babae sa itsura ng kanyang mag-ama.
9. Ang Alibughang Anak
Ang parabulang “Ang Alibughang Anak” ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng Lucas kabanata
15 talata 11 hanggang 32 (Lucas 15:11-32).
May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki.
Ang bunso ay hiningi na sa kanyang ama ang parte ng kanyang kayamanan.
Kaya naman hinati ng ama sa dalawa ang lahat ng kanyang yaman. Pagkalipas ng ilang araw ay umalis
na ang bunso at nagtungo sa malayong lupain dala ang lahat ng kanyang mana.
Nilustay niya ang lahat ng kanyang ari-arian. Nang magugol na niya ang lahat ng kanyang yaman ay
saka naman nagkaroon ng matinding taggutom sa lugar na kanyang pinuntahan.
Nakahanap siya ng trabaho bilang tagapag-pakain ng baboy. Sa sobrang gutom ay pati ang kaning-
baboy ay kanya na ring kinakain.
Nang makapag-isip-isip ang bunsong anak ay naalala niya na sa lugar ng kanyang ama ay maraming
upahang mga utusan. Ang mga iyon ay sagana sa tinapay samantalang siya ay mamamatay na dahil sa
gutom.
Naisip niyang bumalik sa kanyang ama kahit bilang utusan na lamang at siya’y hihingi umano ng tawad.
Tumayo siya sa kinauupuan at naglakbay pabalik sa kanyang ama.
Malayo pa’y natanawan na siya nito at naawa sa sinapit ng anak. Niyakap niya ang anak at hinagkan.
Sinabi ng bunsong anak, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na ako karapat-
dapat na tawaging anak mo.”
Gayunpaman ay tinawag ng ama ang kanyang mga utusan at sinabing, “Madali! Dalhin ninyo ang
pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay
at panyapak para sa kaniyang mga paa. Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain
at magsaya. Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at
natagpuan.”
Pag-uwi galing sa bukirin ay narinig ng panganay na anak ang kasiyahan sa kanilang bahay. Itinanong
niya sa isa nilang alipin kung anong mayroon doon.
Anang alipin ay dumating na umano ang bunso niyang kapatid. Nagpapatay ng guya ang kanyang ama
dahil umuwing malusog at walang sakit ang kapatid niya.
Nang marinig ito ay nagalit ang panganay at ayaw pumasok ng sa kanilang bahay.
Dahil dito’y lumabas ang kaniyang ama at inamu-amo siya.
Anang panganay, “Naglingkod ako sa iyo ng maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa
iyong utos. Kahit minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong
kasama ng aking mga kaibigan. Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng
pinatabang guya. Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga masasamang babae.”
Tumugon ang ama at sinabing, “Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. Ang magsaya at
magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at
natagpuan.”
Aral:
• Nagagalak ang Diyos sa tuwing nagbabalik-loob ang mga anak Niya sa kanya. Maging
mapagpakumbaba, aminin ang mga kasalanan, at magbalik-loob sa Diyos.
• Iwasan ang pagiging mainggitin. Ang nais ng Diyos ay matuwa ka sa tuwing may magandang
nagyayari ito man ay sa iyong kapwa o sa sariling kapatid dahil ang disenyo ng Diyos sa tao ay ang
magmahalan at hindi ang magsakitan.
• Tunay nga na walang magulang na makatitiis sa anak. Gayundin naman, hindi kayang titiisin ng
Diyos ang mga anak niya.

10. Parabula ng Sampung Dalaga


Ang “Parabula ng Sampung Dalaga” ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng Mateo kabanata 25
talata 1 hanggang 13 (Mateo 25:1-13).
Ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay maitutulad sa talinghagang ito.
Mayroong sampung dalaga na lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Lahat sila ay may
dalang ilawan. Lima sa mga dalaga ay matatalino samantalang ang lima ay hangal.
Bagama’t may dala-dalang ilawan ang limang dalagang hangal, wala naman silang baon na langis na
reserba. Kabaligtaran naman ng limang dalagang matatalino dahil bukod sa kanilang ilawan na dala ay
mayroon pa silang baong langis.
Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya naman ang mga dalaga ay inantok at nakatulog sa
paghihintay.
Nang maghatinggabi na ay may sumigaw at sinabing, “Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo
upang salubungin siya!”
Mabilis na bumangon ang sampung dalaga at agad na inayos ang kani-kanilang ilawan.
Napansin ng mga dalagang hangal na aandap-andap na kanilang ilawan kaya naman sila’y humingi ng
langis sa mga dalagang matatalino.
Ngunit pinayuhan ng mga matatalino na pumunta na lamang ang mga hangal sa tindahan upang bumili
ng langis dahil baka hindi magkasya sa kanilang lahat ang dala nilang langis.
Kaya naman agad na lumakad ang limang babaeng hangal upang bumili ng langis.
Di nagtagal ay dumating ang lalaking ikakasal at ang nasumpungan niyang limang dalaga ay kasama
niyang pumasok sa kasalan saka isinara ang pinto.
Pagkaraan ay dumating ang limang dalagang hangal at nakiusap ng, “Panginoon, panginoon, papasukin
po ninyo kami!”
Ngunit tumugon ang lalaking ikakasal at sinabing, “Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.”
Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang
oras.”
Aral:
• Walang nakaaalam ng araw o ng oras sa pagbabalik ng Panginoon kaya naman dapat nating
ugaliing maging handa ng lahat ng pagkakataon.
11. Ang Mabuting Samaritano
Ang parabulang “Ang Mabuting Samaritano” ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng Lucas
kabanata 10 talata 25 hanggang 37 (Lucas 10:25-37).
Isang araw ay may lumapit kay Jesus na isang eskriba na dalubhasa sa kautusan upang siya ay subukin.
Tinanong niya si Jesus ng, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang
hanggan?”
Sumagot si Jesus at itinanong sa lalaki, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ba ang nababasa mo
roon?”
Anang eskriba ay ibigin ang Panginoong Diyos ng buong puso, kaluluwa at lakas. At ibigin ang kapwa
gaya ng sarili.
Tama umano ang sagot ng lalaki ayon kay Jesus. Gawin daw iyon at magkakamit siya ng buhay na
walang hanggan.
Ngunit upang hindi lumabas na kahiya-hiya ang lalaking dalubhasa sa kautusan ay nagtanong pa ulit ito
kay Jesus.
“Guro, sino po ang aking kapwa?”
Kaya naman inihayag ni Jesus ang talinghaga tungkol sa mabuting samaritano.
Isang araw ay may taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga
tulisan. Hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na.
May isang pari na napadaan sa lugar ngunit sa halip na tulungan ay lumihis siya ng daan at nagpatuloy
lamang sa paglalakad na parang walang nakita.
Ganun din ang ginawa ng isang Levita na nakakita sa bugbog saradong katawan ng lalaki.
Nagkataon namang napadaan ang isang lalaking Samaritano na naglalakbay at nang makita ang lalaki
ay agad niya itong tinulungan. Siya’y naawa dito, binuhusan at nilinis ang sugat saka binendahan.
Pagkaraan ay isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang
maalagaan siya doon.
Bago umalis kinabukasan ay nag-iwan pa siya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-
panuluyan at nagbilin na alagaan niya muna ang lalaki at kung sakaling may magastos pa siya na higit sa
iniwan niyang pera ay babayaran na lamang niya ito sa kanyang muling pagbabalik.
Pagkatapos mailahad ni Jesus ang talinghaga ay nagtanong ito, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang
naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
“Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng eskriba.
Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka’t gayon din ang gawin mo.”
Aral:
• Ang nagmamahal sa Diyos ay nagmamahal din sa kapwa. Kaya naman maging mabuti sa iyong
kapwa sa lahat ng pagkakaton.
12. Parabula ng Nawawalang Tupa
Ang “Parabula ng Nawawalang Tupa” ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng Lucas kabanata
15 talata 1 hanggang 7 (Lucas 15:1-7).
Isang araw ay lumapit kay Jesus ang mga taong makasalanan at mga maniningil ng buwis upang makinig
sa kanyang mga turo.
Nakita ito ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng kautusan kaya sila ay nagbulung-bulungan. Nakikisama
at nakikisalo daw umano si Jesus sa mga taong makasalanan.
Nang marinig ito ni Jesus ay kanyang ibinahagi ang talinghaga ng nawawalang tupa.
May isang lalaki na may isandaang tupa ngunit nawala ang isa. Iniwan niya ang siyamnapu’t siyam at
hinanap ang nawalang isa.
Nang makita ang nawawalang tupa ay masaya niya itong pinasan saka umuwi.
Pagdating sa bahay ay inanyayahan niya ang kanyang kaibigan at mga kapitbahay at sinabing,
“Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!”
Makaraang ilahad ni Jesus ang talinghaga ay kanyang sinabi, “Magkakaroon ng higit na kagalakan sa
langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na
di nangangailangang magsisi.”
Aral:
• Iwasan ang pagiging mapanghusga sa kapwa at ang pagpapalagay na ikaw o kayo lamang ang
hindi makasalanan. Hindi kinalulugdan ng Panginoon ang ganoong pag-uugali.
• Naparito ang Diyos upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw ng landas kaya naman kung
kumakatok siya sa iyong puso ay iyo siyang pagbuksan.
13. Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa
Ang kwento sa Bibliya na “Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa” ay hango sa Bibliya na matatagpuan
sa aklat ng Mateo kabanata 8 talata 23 hanggang 27 (Mateo 8:23-27).
Nang minsangs sumakay si Jesus sa bangka kasama ang kanyang mga alagad ay bumugso sa lawa ang
isang malakas na bagyo.
Sa lakas ng bagyo ay halos matabunan na ng alon ang bangkang sinasakyan nila.
Nagkataon namang natutulog noon si Jesus kaya ang mga alagad ay nilapitan at ginising siya.
“Panginoon, tulungan ninyo kami! Mamamatay kami! Lulubog tayo!”
Nang magising si Jesus ay sinabi niya sa mga alagad, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng
pananalig ninyo!”
Nang oras ding yaon ay bumangon ni Jesus, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang
panahon.
Ang lahat ng nakasakay sa bangka ay namangha at sinabing, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang
hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”
Aral:
• Ang lahat ng bagay ay magagawa ng Diyos kung marunong lamang tayong magtiwala sa Kanya.
• Huwag tayong matakot kung tayo man ay dumaranas ng mga pagsubok o kabiguan sa buhay. Lagi
nating tandaan na kasama natin ang Diyos at maari natin siyang tawagan anumang oras.
14. Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
Ang kwento sa Bibliya na “Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin” ay hango sa Bibliya na
matatagpuan sa aklat ng Lucas kabanata 17 talata 11 hanggang 37 (Lucas 17:11-37).
Sa paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem ay dumaan siya sa gitna ng Samaria at Galilea.
Nang papasok na siya sa isang nayon ay sinalubong siya ng sampung lalaki na may ketong.
Nakatayo sa malayo ang sampu at sumigaw ng, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”
Nang makita sila ni Jesus ay sinabi nitong, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.”
Sa kanilang paglalakad ay napansin ng isa sa sampung ketongin na sila ay gumaling. Siya ay bumalik at
sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.
Ang lalaking bumalik ay isang Samaritano. Tinanong ni Jesus kung nasaan ang iba pa niyang kasama.
“Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?”
Pagkaraan ay sinabi ni Jesus sa lalaki, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa
iyong pananalig.”
Aral:
• Ang nais ng Diyos ay matuto tayong magpasalamat sa lahat ng pagpapalang natatanggap natin. Ito
man ay maliit o malaking pagpapala, nalulugod ang Diyos sa taong marunong magpasalamat.
• Kung may bagay kang nais mong gawin ng Diyos sa buhay mo, sabihin mo sa kanya kung ano ito
at dapat ay magkaroon ka ng malaking pananalig sa Diyos na magagawa niya iyon.
15. Ang Talinghaga Tungkol sa Pariseo at Publikano
Ang parabulang “Ang Talinghaga Tungkol sa Pariseo at Publikano” ay hango sa Bibliya na matatagpuan
sa aklat ng Lucas kabanata 18 talata 9 hanggang 14 (Lucas 18:9-14).
Isang araw ay may dalawang lalaki na pumasok sa templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang
isa ay publikano o maniningil ng buwis.
Tumayo ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito, “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat
hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga mandaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad
ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu lahat
kong kinikita.”
Samantala, ang publikano ay nakatayo sa malayo, ni hindi makatingin sa langit at dinadagukan ang
kanyang dibdib. Sinabi niya, “‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!”
Ang publikano ay umuwing kinalulugdan ng Diyos samantalang ang Pariseo ay hindi. Dahil ang sinumang
nagpapakataas ay ibinababa, at siyang nagpapakababa ay itinataas ng Diyos.
Aral:
• Huwag ipagpalagay ninuman na siya ay matuwid, banal, at walang kasalanan. Ang paghamak sa
kapwa ay bagay na hindi kinalulugdan ng Diyos.
• Maging mapagpakumbaba sa harapan ng Diyos dahil kagaya ng sinabi ni Jesus sa Lucas 18:14,
“Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
16. Talinghaga Tungkol sa Tatlong Alipin
Ang parabulang “Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin” ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng
Mateo kabanata 25 talata 14 hanggang 30 (Mateo 25:14-30).
May isang taong maglalakbay kaya tinawag niya ang tatlo niyang alipin upang pamahalaan ng kanyang
ari-arian.
Binigyan niya ng pera ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan.
Ang unang alagad ay binigyan niya ng limanlibong salaping ginto, dalawang libong salaping ginto naman
sa ikalawang alipin, at isang libong salaping ginto sa ikatlo.
Pagkatapos nito ay umalis na ang kanilang panginoon.
Agad na kumilos ang binigyan ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal ang salapi. Siya ay kumita
ng limanlibong salaping ginto.
Gayundin ang ginawa ng ikalawang alipin kaya tumubo din ang kanyang salapi ng dalawang libong
salaping ginto.
Samantala, ang tumanggap ng isang libong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping
ginto ng kanyang panginoon.
Pagkaraan ng mahabang panahon ay nagbalik na ang kanilang panginoon at pinag-ulat ang bawat isa.
Lumapit ang unang alipin at sinabing, “Panginoon, tumubo po ng limang libo ang salaping ipinagkatiwa
ninyo sa akin.”
Natuwa ang panginoon at sinabi sa alipin, “Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa
kaunting halaga, kaya’t pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!”
Sunod na lumapit ang ikalawang alipin at sinabi sa kanyang panginoon, “Panginoon, ito po ang iniwan
ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na
tinubo nito.”
Sumagot ang panginoon at sinabing, “Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting
halaga, kaya’t pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!”
Huling lumapit ang ikatlong alagad na tumanggap ng isang libong ginto at sinabing, “Alam ko pong kayo’y
mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik.
Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.”
Nagalit sa kanya ang kanilang panginoon at sinabing, “Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang
pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo na lamang
inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano’y may tinubo sana ito! Kunin ninyo sa kanya ang
isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. Sapagkat ang mayroon ay
bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.
Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo’y mananangis siya at
magngangalit ang kanyang mga ngipin.”
Aral:
• Ang Diyos ay pinagkatiwalaan ang bawat isa sa atin ng talento. Nais niyang gamitin natin ito sa
paraang makapagpapalugod sa kanya.
• Bagaman magkakaiba ang talentong pinagkaloob sa atin ng Diyos, gusto niyang pagyamanin natin
ito. Sa bandang huli kapag ito’y tumubo, pantay-pantay ang matatanggap nating gantimpala sa
Kanya.
17. Ang Balyenang Naghangad
Ang balyena marahil ang pinakamalaking nilalang sa mundo. Ngunit ito’y naging dahilan upang
magyabang ang isang balyena.
Ang sabi niya, “Ako ang pinakamalaking nilalang sa mundo, kaya’t hindi ako nararapat sa karagatan
lang! Sa lupa, mas higit nila akong kikilalanin at hahangaan!”
Sa ‘di kalayuan ng aplaya, nakita niyang maliwanag ang landasin doon.
At madalas din, naririnig niya sa mga mangingisdang naglalakbay sa karagatan ang mga kuwento
tungkol sa kabayanan. At kung papaanong kinikilala ang mga matatagumpay at mahuhusay doon.
Ang balyenang mayabang ay naghangad.
Isang gabing kabilugan ng buwan, siya ay naglakbay at lumangoy nang matulin patungo sa aplaya.
Masayang-masaya siya sa pag-aakalang katuparan ng pangarap ang naghihintay sa kanya. Ang hindi
niya alam, kamatayan pala ang nakaabang.
Dahil nang marating niya ang mababaw na bahagi ng karagatan ay hindi na siya nakalangoy pa. At nang
makita siya ng mga tao, siya nga’y pinagkaguluhan!
Ngunit hindi upang hangaan. Kundi upang pagpistahan sa taglay niyang laman.
Sinalakay siya ng mga mangingisda at pinatay.
18. Ang Ginintuang Aral
May isang mag-asawang may anak na batang lalaki. Kasamang naninirahan ng pamilyang ito ang ama
ng Tatay. Noong una, maligayang nakakatulong ng mag-asawa sa paghahanapbuhay ang ama at
masayang nakakasama ng bata ang kanyang Lolo sa paglalaro. Ngunit dumating ang sandaling tuluyan
nang inagaw ng katandaan at madalas na pagkakaroon ng karamdaman ang lakas ng matandang
lalaki. At dahil dito, hindi na ito napakinabangan sa bahay.
Sa tuwing kumakain sa hapag-kainan, parating nakakabasag ng pinggan ang matandang lalaki nang
dahil sa panginginig ng kamay.
Sa buwisit ng mag-asawa sa matanda ay ginawan na lang nila ito ng pinggan na gawa sa kahoy, na
animo isang aso.
Ang pinggan nga naman na gawa sa kahoy ay hindi na mababasag nito.
Naging saksi ang batang anak ng mag-asawa sa ginawa nila sa matanda.
Isang araw, nagtungo sa silong ang bata at kumuha ng magandang uri ng kahoy.
Nang makita siya ng kanyang ama ay kaagad nilapitan at tinanong.
Ano ang ginagawa mo?
Tumingin ang bata sa kanyang ama at sinabing, “Gumagawa po ako ng pinggan na gawa sa
kahoy. Upang sa inyong pagtanda ni Nanay ay mapagkalooban ko rin kayo ng ganitong kainan.”
Biglang natauhan ang ama sa narinig.
Dali-dali niyang kinausap ang kanyang asawa. At magmula noon, nagbago na ang pakikitungo nila sa
matanda.
19. Ang Magandang Dilag at ang Kuba
Minsan may isang magandang dilag na sinusuyo ng halos lahat ng kalalakihan sa nayon.
Ngunit ang magandang dilag ay tila mapili o sadyang pihikan. Sa dinami-rami ng mga manliligaw nito’y
wala pa ring mapili.
Ayon sa magandang dilag, hindi lang panlabas na anyo ang batayan nito sa pagpili ng lalaking
mapapangasawa. Ang hinahangad nito ay isang lalaking mamahalin siya ng lubos.
Isang gabi, isang kuba ang umakyat sa kanya ng ligaw.
Nagtawanan ang ilang binata na nakasabay ng kuba sa panliligaw.
Batid ng mga ito na wala nang kapag-a-pag-asa ang kubang iyon sa pihikang dilag.
Nang makita nga ng magandang dilag ang kuba na nakatakdang manligaw sa kanya ay napailing ito.
Hindi man siya naghahangad ng masyadong guwapo, pero ang kubang ito ay sadyang nakaririmarim
pagmasdan. Hirap itong lumakad at tunay na may kapangitan.
Hindi alam ng dilag kung papaano niya sasabihin sa kuba na wala na itong pag-asa sa kanya.
Ngunit nang mahalata iyon ng kuba ay bigla itong nagsalita. “Naniniwala ka ba na ang bawat nilalang ay
pinaglalaanan ng Diyos ng makakapareha sa buhay?”
Tumango ang magandang dilag, dahil naniniwala siya doon. Sa katunayan, iyon ang hinihintay niyang
dumating sa kanyang buhay. Ang lalaking kapareha ng kanyang kaluluwa.
“Kung ganoon, hindi mo na ba ako natatandaan?” ang biglang tanong ng kuba.
Nagtaka ang magandang dilag, “Ha? Nagkita na ba tayo?”
Kung sabagay, hindi kita masisisi. Hindi mo na nga ako makikilala pa…
Nasilip ng magandang dilag sa mga mata ng kuba ang kakaibang kalungkutan. Siya’y nahabag dito at
nagsabing, “Sige, isalaysay mo sa akin ang una nating pagkikita…”
“Bago pa lang tayo isinilang sa lupa, nagkita na tayo. Parati tayong magkasama at maligayang-
maligaya. Hindi pa ganito ang itsura ko. Hindi ako kuba at hindi ganito ang aking mukha. Isang araw,
tinawag tayo ng Anghel. Oras na raw upang tayo’y isilang sa lupa. Ngunit may mga pagbabago. Ako
raw ay mapupunta sa pamilyang dukha. At ikaw ay mapupunta sa pamilyang may kaya sa buhay, ngunit
kapalit niyon ay ang pagbabago ng iyong anyo. Ikaw raw ay isisilang na isang kuba at pangit.
Anong ibig mong sabihin?
Nakiusap ako sa Anghel na sa akin na lang ibigay ang mapait na kapalaran. Hindi ko matitiis na isilang
kang ganito. Ang sabi ko sa Anghel, kahit sa dukhang pamilya ako mapunta, kayo kong magsikap at
umunlad. At nang tanungin niya ako, papaano ang pangit kong itsura at pagiging kuba? Hindi ko na raw
mababago iyon. Wala raw babaing magkakagusto sa akin. Totoo iyon. Pero malaki ang tiwala ko na
matatagpuan kita. At kapag naalala mo ang aking ginawa para sa iyo ay mamahalin mo rin ako.
Ganoon nga ang nangyari. Dahil sa ikinuwento ng kuba sa magandang dilag, binigyan ito ng
pagkakataon ng dilag na makapanligaw at mapatunayan ang pagmamahal nito.
At sa bandang huli nga, ang kuba pa ang umani ng matamis na “oo” ng magandang dilag.
Sila’y ikinasal at naging maligaya ng isa’t isa.
20. Ang Magkapatid
Minsan may magkapatid na naninirahan sa isang bayan. Ang isa ay mayaman. At ang isa naman ay
mahirap na walang ibang pinagkakabuhayan kundi ang pagtatanim ng kalabasa.
Isang araw, namunga ng isang kakaibang kalabasa ang kanyang pananim. Isang kalabasang may
pambihirang laki!
Hindi alam ng lalaki ang kanyang gagawin sa dambuhalang kalabasa.
Naisin man niyang kainin ito, ngunit napakalaki at tiyak na maraming masasayang. Kung mag-iimbita
siya ng mga bisita para kumain sa kalabasa ay manghihinawa lang ang mga iyon. Kung dadalhin naman
niya sa palengke upang ibenta ay hindi rin maaari. Walang sasakyang maaaring magdala sa ganito
kalaking kalabasa. At hindi rin magiging sapat ang kita para makabawi sa gagamiting transportasyon
patungo sa palengke.
Naisip ng taong ito na iregalo na lamang sa hari ang dambuhalang kalabasa.
At ganoon nga ang kanyang ginawa. Laking tuwa ng hari. Dahil noon lamang ito nakakita ng ganoong
kalaking kalabasa.
“Isa itong kamangha-manghang bagay. Tiyak na magiging pangunahing pang-akit ito sa ating kaharian!”
At dahil sa kasiyahan ng hari, binigyan nito ng ginto at mamahaling bato ang taong nagbigay ng
regalo. Tuwang-tuwa siya at kaagad nagtungo sa kanyang kapatid upang isalaysay ang nangyari.
Hindi makapaniwala ang kanyang mayaman na kapatid.
Gayunpaman, naisip ng mayamang kapatid na kung ang hari ay natuwa sa walang kuwentang kalabasa,
tiyak na mas ikagagalak nito kung reregaluhan niya ng mas mahalagang bagay tulad ng mamahaling
kasuotan at magagandang alahas.
Kaya’t ganoon nga ang ginawa ng mayamang kapatid. Niregaluhan niya ang hari ng mga magagandang
kasuotan at magagandang alahas.
Lubos namang natuwa ang hari. Ang sabi niya, “Ang mga ganitong pambihirang regalo ay dapat lang
suklian ng pambihirang regalo.”
Natuwa ang mayamang kapatid. Batid na niyang saku-sakong ginto ang ireregalo sa kanya.
Ngunit sa kanyang kabiglaanan, ang ipinagkaloob sa kanya ng hari ay ang pinakamahalagang bagay sa
palasyo noong mga sandaling oyon.
At iyon ay walang iba kundi ang dambuhalang kalabasang nagmula sa kanyang kapatid.
21. Ang Manok at ang Gintong Itlog
May isang babaing nakabili ng buhay na manok sa palengke. At nang ito’y kanyang iuwi sa bahay upang
alagaan, laking gulat niya nang mangitlog ito. Sapagkat ang itlog ng manok na iyon ay ginto!
Laking tuwa ng babae sa kanyang natuklasan! Tiyak na ito ang magbibigay sa kanya ng kayamanan!
Ngunit ang manok ay minsan lang sa isang buwan kung mangitlog.
Hindi naglaon, hindi na naging sapat sa karangyaang pamumuhay ng babae ang minsan sa isang
buwang pangingitlog ng manok.
Upang makarami, naisip ng babae na baka kapag pinakain niya nang pinakain ang manok ay mas
dumalas ang pangingitlog nito.
Ganoon nga ang kanyang ginawa. Pinakain niya nang pinakain ang manok hanggang sa ito’y mabundat.
At dahil dito, namatay ang kanyang kawawang manok.
Sising-sisi ang babae sa kanyang ginawa. Nang dahil sa kanyang kasuwapangan, ang manok ay
namatay. At gayon, mas lalo pa siyang nawalan.
22. Ang Pagmamahal sa Kapwa
Isang mataas na bundok ang tinangkang akyatin ng isang grupo ng kalalakihan.
Ngunit sa proseso ng kanilang pag-akyat, isang pagguho ng yelo ang naganap at marami sa kanila ang
nasalanta at namatay.
Tatlong lalaki mula sa grupong iyon ang milagrong nakaligtas. Ngunit malubhang napilayan ang isa.
“Mamamatay na rin lang ang lalaking iyan, iwan na natin!” ang pagyayaya ng isa.
“Hindi. Hindi natin siya maaaring iwanan hangga't may buhay pang nalalabi sa kanya,” wika naman ng
ikalawa.
“At anong gagawin mo? Bubuhatin ang lalaking iyan hanggang sa makababa tayo? Isa kang baliw!”
“Mas hindi ko makakayang iwan siya rito...” ang tugon lamang nito.
Kaya't nagpatiuna na nga ang lalaking iyon at iniwan ang dalawa.
Samantala, buong pagtitiyaga ngang binuhat ng lalaki ang sugatan. Isinakay niya ito sa kanyang likuran,
at yumakap naman sa kanya ang lalaki upang hindi mahulog.
Naglakbay sila sa ganitong ayos, kahit na nga mahirap ay tiniis ng lalaki, mailigtas lamang ang kasama.
Makalipas ang dalawang araw ng paglalakbay, laking gulat ng dalawang lalaki nang madaanan ang isang
bangkay.
Bangkay iyon ng lalaking nagpatiuna sa kanila.
“Ano ang nangyari?” tanong ng napilayang lalaki sa kasama.
Hindi niya marahil nakayanan ang lamig, at bumigay ang kanyang baga.
Pero tayo... nakayanan natin ang lamig.
Dahil magkasama tayo at magkaniig ng ganito. Ang init ng ating mga katawan ang naging proteksiyon
natin sa matinding lamig.
Isang mahalagang aral ang natutunan nila habang bumababa na sila ng bundok tungo sa kaligtasan. Na
ang pagmamahal sa kapwa ay parating may magandang kinahihinatnan, kaysa sa mga nang-iiwan.
23. Ang Palaka na Naghahangad Lumipad
Minsan may isang palakang tumingala sa langit at humanga sa mga ibong nagliliparan.
“Gusto ko ring makalipad na tulad nila!” ang sabi niya.
Ngunit ang tanong ay papaano?
Isang hapon, nakakita ang palaka ng lobong lumilipad. Noon niya naisip ang solusyon sa kanyang
paghahangad.
Gaya ng lobo, pupunuin ko ng hangin ang aking tiyan upang ako’y makalipad!
At ganoon nga ang kanyang ginawa. Lumulon siya nang lumulon ng hangin hanggang sa siya ay
lumutang.
Tuwang-tuwa ang palaka! Lumulutang na siya! Lumulutang na!
Pero hindi pa sapat! Nais niyang marating ang nararating ng mga ibon. Kaya’t siya’y muling lumulon ng
hangin. At lumulon pang muli. Hanggang sa lumaki nang lumaki ang kanyang tuyan.
At nang marating niya ang pinakamataas na ulap ay napakalaki na ng kanyang tiyan na punung-puno ng
hangin.
Hindi na nakayanan ng kanyang katawan ang hangin. At dahil dito, ang palaka ay sumabog at
nagkawatak-watak ang katawan.
Pagbagsak sa lupa ng kanyang nagkapira-pirasong katawan ay pinagpistahan ito ng mga ibon at kinain.
Sa kabilang banda, natupad ang kanyang hangarin na maging ibon. Ngunit sa isang mapait na
pangyayari.
24. Ang Pinakamaliit na Bato
Ang guro at ang kanyang mga estudyante ay naglalakad sa isang bulubunduking lugar. Malayo pa ang
kanilang lalakbayin. Ang mga estudyante ay nakaramdam na ng gutom. Wala naman silang
nadaraanang puno na may bunga para makapitas sila ng makakain. Dalawang batis na ang kanilang
dinaanan. Uminom silang lahat sa dalawang batis. Napawi naman ang kanilang uhaw. Ang hindi lang
nawala ay ang nararamdaman nilang matinding gutom.
Wala rin naman mga bahay at tindahan sa kanilang dinaraanan. Maaari sana silang bumili o humingi ng
anumang pagkain para mapawi ang kanilang gutom. Nahihiya naman silang magsabi sa kanilang guro.
Alam nilang ang kanilang guro ay mayroong kapangyarihan. Kung gugustuhin nito ay maaari itong
makagawa ng pagkain para sa kanilang lahat. Kaya laking pasasalamat nila ng huminto sa paglakad ang
kanilang guro at humarap sa kanilang lahat.
“Malayo pa ang ating lalakbayin,” sabi nito.
“Kailangang magkaroon tayo ng panibagong lakas. Dumampot kayo ng tig-i-tig-isang bato at dalhin
ninyo,” dagdag pa nito.
Nagdamputan naman ang mag estudyante. Mayroong dumampot ng malaki at mayroong maliit. Isa sa
mga estudyante si Islaw. Naiinis siya sa kanilang guro dahil gutom na nga sila at pagod ay pagdadalhin
pa sila ng bato. Sa inis niya ay maliit na maliit na bato lang ang kanyang dinala’t lihim pa niyang
pinagtawanan ang ibang kasama dahil malalaki pang bato ang kinuha ng mga ito.
Pagsapit nila sa isang batis ay sinabi ng guro na magpapahinga muna sila doon at kakain.
“Saan po tayo kukuha ng kakainin?” inis na tanong ni Islaw.
“Iyang mga batong pinadala ko sa inyo ay gagawin kong tinapay,” sagot ng guro. “Iyan ang magiging
pagkain ninyo.”
Sa isang pitik ng daliri ng guro ay naging tinapay nga ang mga batong dinala ng bawat isa. Sising-sisi si
Islaw dahil sa pinakamaliit ang dala niyang bato.

Pinagmulan:
http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-parabula.html?m=1
https://pinoycollection.com/parabula/
https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-parables-mga-parabula-mga-parabula-ng-
pilipinas_1045.html

You might also like