You are on page 1of 7

Ang Lobo at ang Kambing

Gutum na gutom na ang Lobo. Sa paghahanap ng hayop na mapapananghalian


ay napatingala siya nang matanawan sa mataas na batuhan ang nanginginaing
Kambing. Inisip ng Lobo kung paano niya mapapababa ang bibiktimahin.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Napakaganda mo lalo't tinatamaan
ng sikat ng araw ang balahibo mo."
"Talaga? Salamat." Sandaling yumuko lang ang Kambing na nagpatuloy sa
panginginain.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Nag-aalala ako sa kapakanan mo.
Baka madulas ka sa gilid ng batong tinutuntungan mo!"
"Kaya ko ito. Salamat sa pag-aalala mo," nagpatuloy sa panginginain at di man
lamang tumingin ang sumibangot na Kambing.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Di ka dapat sobrang magkakain. Ang
anumang sobrang pagkain ay makasasama sa kalusugan natin."
Sa pakikialam ng makulit na Lobo ay galit na galit na umingos ang Kambing na
nagpatuloy sa masarap na panginginain.
Nang inaakalang ayaw ng Kambing sa mga pananalitang naglalambing ay
malakas na tinawag ito ng naglalaway na sa gutom na Lobo.
"Hoy, Kambing. Bakit nagtitiis ka sa kaunting damo sa ituktok ng batuhan.
Bumaba ka at napakaraming damo kang makakain para sa iyong
pananghalian!"
"Hoy, Lobo," galit na sigaw ng Kambing. "huwag mong akalaing napakabobo
ko. Alam kong pananghalian mo at hindi pananghalian ko ang puntirya mo kaya
pinabababa mo ako."
Sa pagkapahiya ng Lobo ay lumayo na ito.

Aral: Di lahat ng pag-aalala ay may katapatang kasama.


Ang Sakim na Aso

May isang sakim na Aso na lagi nang nagnanakaw ng mga pagkain ng mga
inosenteng Tuta.
Isang araw ay gala nang gala ang Aso sa paghahanap ng magugulangang Tuta.
Masuwerte ang ganid sapagkat isang Tutang may sakmal na pata ang
makakasalubong nito sa daan. Nagkunwaring hindi pansin ng bruskong Aso
ang Tuta pero nang mapalapit ay bigla nitong inagaw ang taba at
nagtatakbong papalayo.
Nang mapagod sa katatakbo ang Aso ay nagpalinga-linga ito. Nag-aalala ang
ganid na baka may higit na malaki pang Aso na gustong agawin sa kanya ang
masarap na pata ng baboy. Upang makasiguro, hindi siya nagdaan sa kasukalan
kundi sa makitid na tulay.
Habang naglalakad na sakmal ang inagaw na pata ay nasalamin niya sa malinaw
na tubig ang sarili. Sa pag-aakalang higit na malaki ang patang sakmal-sakmal
ng higit na maliit na Asong nasasalamin sa tubig, tinakot ng ganid ang anino sa
pagtahol nito. Nabitawan ng Aso ang pata na lumubog sa malinaw na tubig.
Sisinghap-singhap ang ganid na Aso sa panghihinayang.

Aral: Ang hangaring panlalamang ay walang magandang


tutunguhan.
Ang Alamat ng Sayote

Noong Araw, ang tinola ay wala pang sayote dahil wala pa talagang sayote sa mundo. May
isang bata na ayaw na ayaw kumain ng gulay. Ulila na siya. Ang tanging nag-aalaga
lamang sa kanya ay ang kanyang nakatatandang kapatid na babae. Mahilig siyang magluto
ng tinolang manok kahit alam niyang di kumakain ng gulay ang kanyang kapatid. Kakainin
lamang niya ang manok, subalit ang gulay ay pinapaubos lagi niya sa kanyang ate.
Sinasabi niya "ang gulay ‘te ay para sa 'yo".

Sa tuwing maaaring tinola ang nasa hapag-kainan, ito ang kanyang sinasabi ukol sa mga
gulay, "te sa'yo".

Isang araw, dumalo silang magkapatid sa piyesta at siyempre maraming handa.


Napakasiba ng bata, naka-ilang plato ng kanin at ulam ang kanyang naubos. Tulad ng dati,
ang lahat ng gulay ay "te sayo".

Habang kinakain ng kanyang ate ang kanyang mga itinirang gulay, bigla na lamang itong
na-empacho, subalit pagtakbo niya sa palikuran, ina-take ito sa puso at namatay. Dahil
hindi naman sila mayamang magkapatid ay inilibing na lamang niya ang kanyang ate sa
likod ng kanilang bahay kung saan ay nakatanim ang iba't ibang halaman.

Isang araw ay may tumubong kakaibang tanim sa puntod ng kanyang nakatatandang


kapatid. Hindi niya ito pinansin at hinayaan lamang tumubo. Namunga ito makaraan ang
ilang buwan at laking gulat niya ng maalala niya ang kanyang ate dahil sa hugis ng bunga
nito. Sabi niya, "Sa'yo 'Te ang gulay na to".

Mula noon ay natutunan niyang mahalin ang gulay na iyon at naging paborito niyang kainin.
Tinawag niya itong sayote bilang pag-alala sa kanyang nakatatandang kapatid.
Ang Alamat ng Paru-Paro

Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na baryo sa
Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang nakababata naman
ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang
ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin
kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag
at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na lamang ang kaniyang
binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na laging
nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo alilain ako
at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog at pumitas
ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang
buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala pala sa
kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog. Sumigaw ng
malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya ngunit walang
Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang lumutang sa
knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak
nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay. Walang ano-ano ay
lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at nagpalipat lipat sa mga bulaklak.
Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao na
PARUPARO.
Talambuhay ni Marcelo del Pilar

Panulat ang naging sandata ni Marcelo del Pilar upang makatulong sa ikalalaya ng Pilipinas noong
panahon ng Kastila.

Ipinanganak siya sa Bulacan, Bulacan noong Agosto 30, 1850. Ama niya si Juan Hilario del Pilar, tatlong
ulit na naging gobernadorcillo, at ina naman niya si Blasa Gatmaytan.

Mayaman ang pamilya del Pilar kaya natustusan ang pag-aaral ni Marcelo. Tinapos niya ang Bachelor of
Arts sa Colegio de San Jose. Ang nasabing kurso ay itinuloy niya sa Bachelor of Laws sa Unibersidad ng
Santo Tomas. Nang magtatapos na sa abugasya ay sinamang palad na masuspinde si Marcelo at
mabilanggo ng 30 araw nang makipagtalo siya sa Kura ng San Miguel tungkol sa pagtataas ng bayad sa
pagbibinyag.

Ang galit niya sa pamahalaang Kastila at sa mga prayleng Espanyol ay nadagdagan nang
mapagbintangang kasangkot sa Cavite Mutiny ang kapatid niyang si Padre Toribio del Pilar.

Ang karahasang tinanggap ng magkapatid ay dinamdam at ikinamatay ng ina ni Marcelo.

Nang makabalik sa UST ay tinapos niya ang abugasya na may itinatagong galit. Upang makapaghiganti ay
matapang siyang nagbibigay ng mga kritisismo laban sa pamahalaan at simbahan sa kaniyang mga
talumpati sa mga kapistahan, binyagan at pati na sa mga sabungan.

Noong 1882 ay isa siya sa nagtatag ng Diariong Tagalog na unang pahayagang nalimbag sa dalawang
wika. Dito isinulat niya ang maraming propaganda laban sa mga kaaway.

Nang pangunahan niya ang maraming demonstrasyong humihingi ng pagpapatalsik sa mga prayleng
Kastila ay pinaghanap siya ng mga awtoridad. Ito ang naging dahilan upang lumabas siya sa Pilipinas.
Bago umalis ay itinatag niya ang Junta de Programa na nagpapalawak sa pandaigdigang propaganda.

Espanya ang pinuntahan ni Marcelo. Namalagi siya sa Madrid kung saan pinalitan niya si Graciano Lopez
Jaena bilang editor ng La Solidaridad.

Upang hindi matunton ninuman, ilan sa mga tagong pangalang ginamit ni Marcelo ang mga sumusunod:
Plaridel, Siling Labuyo at Dolores Manapat.

Ilan sa mga nakapagpababa ng tingin sa pamahalaang Espanya at sa mga prayleng Espanyol ay mga akda
ni Marcelo sa Tagalog at Espanyol. Kabilang dito ang La Soberania Monacal en Filipinas, Kaiingat Kayo,
Dasalan at Toksohan, Pasiong Dapat Ipag-alab ng Puso ng Taong Babasa, Sagot ng Espanya sa Hibik ng
Pilipinas at Kadakilaan ng Diyos.

Nagkahirap-hirap si Marcelo sa pagpapalimbag ng La Solidaridad. Sa patung-patong na gawain sa opisina


ay laging napupuyat ang manunulat. Malaking suliranin sa kanya na walang tulong pinansiyal na
dumarating mula sa Pilipinas. May panahong hindi siya kumakain. May panahong hindi siya natutulog.
Upang makalimutan ang gutom, may pagkakataong namumulot na siya ng nahitit na sigarilyo sa mga
kalye.

Namatay si Marcelo sa sakit na tuberkulosis sa Barcelona noong Hulyo 4, 1896.


Piping saksi ang La Solidaridad sa matapat at dakilang pagmamahal sa bayan ni Marcelo Hilario del Pilar.

Talambuhay ni Teodora Alonzo

May kasabihang ina ang tuwirang humuhubog sa kaugalian ng isang anak. Kung ang anak ay
mapagmahal sa bayan, asahan mong ang ina ay mapagmahal din sa lupang tinubuan.

Si Teodora Alonzo na ina ni Jose Rizal ay ipinanganak sa Maynila noong Nobyembre 9, 1827. Siya ay isa
sa limang anak nina Lorenzo Alonzo at Brigida de Guintos na kapwa mayaman at may mataas na pinag-
aralan.

Si Orang ay nag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Gustung-gusto niyang matutuhan ang lahat na may
kinalaman sa sining at syensiya, literatura at matematika.

Beinte anyos si Teodora nang sagutin ang iniluluhog na pag-ibig ni Francisco Mercado. Matapos makasal
ay napagkasunduan ng dalawang manirahan sila sa Calamba, Laguna. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng
labing-isang anak. Si Jose na pampito, ang tanging nagpahirap sa pagdadalangtao ni Teodora. Sinasabing
malaki ang ulo ng Pambansang Bayani.

Bilang asawa, masikap na kabiyak ng puso ang dakilang ina. Lagi siyang tumutulong sa pagpapalago ng
kanilang kabuhayan. Bukod sa masikap na paghawak ng mga gastusing pang-araw-araw, siya rin ang
direktang namamahala ng kanilang pataniman ng mais, palay at tubo. Upang hindi masayang ang
bakanteng oras, nagbukas din siya ng tindahan sa silong ng kanilang bahay.

Kahit marami-rami rin namang gawaing pangkabuhayan, hindi kinakalimutan ni Teodora ang mga
obligasyong kalakip ng pagiging ina niya. Sinikap ni Orang na maging modelong gabay sa maraming anak
niya. Sapagkat labis na mausisa si Jose nang kabataan niya, lagi at laging may laang sagot si Teodora.

Maraming sakripisyong isinabalikat ang ina ni Jose. Una rito ang pagpapalakad sa kaniyang nakayapak
mula Calamba hanggang Sta. Cruz. Pinagbintangan siya ng mga Dominiko na kinamkam daw niya ang
sariling lupa. Ikalawa rito ang di makatarungang pagpapakulong sa kaniya ng alkalde ng Binan na
naniwala sa sabi-sabing pakikialam niya sa suliraning pampamilya ng isang malapit na kamag-anak.
Pangatlo rito na sakripisyo ng mga sakripisyo ay nang barilin sa Bagumbayan ang anak niyang si Jose sa
bintang na rebelyon at pag-oorganisa ng mga ipinagbabawal na samahan.

Matapos ang digmaan at makamit ng Pilipinas ang kapayapaan ay nagtangkang maghandog ang ating
pamahalaan ng pensiyong pinansiyal kay Teodora. Tinanggihan ito ng "Dakilang Ina" na nagpahayag na
hindi raw mababayaran ng materyal na bagay ang sakripisyo nilang mag-ina na kapwa nagmahal sa
bayan. Si Jose na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan at si Teodora na humugis sa kadakilaan ng
isang pambansang bayani ng sangkapuluan.
Namatay si Teodora Alonzo noong Agosto 16, 1911.

Ang dignidad na kalakip ng pagiging Ina ni Teodora ay ipinagmamalaki ng lahat ng inang Pilipina na
nagmamahal din sa mga anak nila.

You might also like