You are on page 1of 32

Q&A Series

1 Hybrid Rice
2 Varieties and Seeds
3 Integrated Pest Management
4 Integrated Nutrient Management
5 Rice Biotechnology
6 Rice Postproduction Technology
7 Economics of Rice
8 Golden Rice
9 Organic Fertilizer
10 Location-specific Technology Development
11 Hybrid Rice (Filipino version)
12 Varieties and Seeds (Filipino version)
13 Integrated Pest Management (Filipino version)
14 Integrated Nutrient Management (Filipino version)
15 Rice Biotechnology (Filipino version)
16 Rice Postproduction Technology (Filipino version)
17 Economics of Rice (Filipino version)
18 Organic Fertilizer (Filipino version)
19 Climate Change and Rice Production
20 Climate Change at Pagpapalayan

Unang lathala, 2014. Philippine Rice Research Institute


Maligaya, Science City of Muñoz, 3119 Nueva Ecija
Mga Nilalaman
LOKAL AT PANDAIGDIGANG EPEKTO NG CLIMATE CHANGE

Paano nagkakaiba-iba ang mga katagang greenhouse effect,


global warming, at climate change? p. 1
Ano ang Intergovernmental Panel on Climate Change? p. 2
Paano nakakapag-ambag ang mga gawain ng tao sa climate
change? p. 2
Anu-ano ang mga palatandaan ng pandaigdigang climate
change? p. 3
Anu-ano ang mga palatandaan ng climate change sa Pilipinas?
p. 4
May mga tinataya bang pandaigdigang pagbabago sa klima? p. 4

Anu-ano ang mga tinatayang pagbabago ng klima sa Pilipinas? p. 5


Saang mga lugar sa Pilipinas ang delikado sa pananalasa ng
climate change? p. 5

EPEKTO NG CLIMATE CHANGE SA PAGPAPALAYAN

Ano ang mga pangunahing epekto ng climate change sa


pagpapalayan? p. 6
Ano ang mga epekto ng pagdami ng carbon dioxide (CO2 )? p. 7
Ano ang mga epekto ng pag-init ng temperatura? p. 7

KONTRIBUSYON NG PAGPAPALAYAN SA CLIMATE CHANGE

Paano nakakapag-ambag sa climate change at global warming


ang pagpapalayan? p. 8
Bakit sumisingaw ng methane ang mga palayan? p. 8
Anu-anong mga bagay ang nagpapasingaw ng methane? p. 9

MGA PARAAN NG PAMAMAHALA SA CLIMATE CHANGE

Ano ang “adaptation”? p. 11


Ano ang “mitigation”? p. 11

Ano ang maaaring gawin upang mabawasan ang epekto ng


climate change sa pagpapalayan? p. 11
Ano ang mga barayti ng palay na matatag sa climate change? p.
14
Ano ang mga teknolohiya at paraan para mabawasan ang
pagsingaw ng mga greenhouse gas sa palayan? p.14

IBA PANG PAGBABAGO SA KLIMA: EL NIÑO at LA NIÑA

Ano ang El Niño? p. 17


Ano ang La Niña? p. 18
Ano ang mga epekto ng El Niño at La Niña? p. 18
Paano mapapagaan ng mga magsasaka ang mga epekto ng El Niño
at La Niña? p. 18
LOKAL AT PANDAIGDIGANG EPEKTO NG CLIMATE CHANGE

Paano nagkakaiba-iba ang mga katagang greenhouse effect, global


warming, at climate change?

Nagkakaroon ng sapat na init ang mundo sa pamamagitan ng


prosesong tinatawag na greenhouse effect. Sa prosesong ito,
sumasalo ang mundo ng sapat na init mula sa liwanag ng araw. Kapag
lumalamig ang mundo, pinakakawalan nito ang init sa ibang anyo-
ang infrared radiation-papunta sa kalawakan. Bahagi ng init na ito
ay hinaharangan ng mga greenhouse gas (GHG) sa kalangitan kaya
umiinit ito. Dahil dito, umiinit din ang mundo.

Dahil sa sobrang GHGs na nagpapakapal sa kalangitan, maraming


infrared waves ang nahaharangan at naiipon kaya tumitindi ang pag-
init ng mundo. Dahil sa mga gawain ng tao, tumatambak ang GHG sa
himpapawid na lalong nagpapaalinsangan sa mundo.

1
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Ang climate change ay ang abnormal na pagbabago ng klima tulad


ng pag-init o paglamig ng temperatura, at tuluy-tuloy at malakas na
pag-ulan sa isang lugar. Ang pagbabago ay inaabot ng isang dekada o
higit pa. Ito ay maaaring resulta ng natural na kadahilanan tulad ng
pagbago ng enerhiya ng araw, o pagputok ng bulkan. Maaaring resulta
rin ito ng natural na proseso sa sistema ng klima tulad ng pagbabago
sa sirkulasyon ng karagatan, at kagagawan ng tao tulad ng pagsunog
ng fossil fuel at gawain sa agrikultura.

Ang global warming ay abnormal na pag-init ng karaniwang


temperatura sa mundo, na nagiging dahilan ng climate change.

Ano ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC)?

IPCC ang nangungunang siyentipiko at pandaigdigang organisasyon


na nagsusuri sa mga bagong impormasyong siyentipiko, teknikal, at
panlipunan sa buong mundo tungo sa pagpapaunawa kung ano ang
climate change. Ito ay itinatag noong 1998 ng World Meteorological
Organization at ng United Nations Environment Program.

Paano nakakapag-ambag ang mga gawain ng tao sa climate change?

Ang mga gawain ng tao katulad ng pagsunog ng fossil fuel, naiibang


paggamit sa lupa, paghahayupan, at paggamit ng pataba at irigasyon
sa agrikultura ay nagreresulta sa pagdami ng GHG, tulad ng carbon
dioxide (CO2), methane (CH4), at nitrous oxide (N2O). Pinalalala
ng mga ito ang greenhouse effect at pinaiinit ang temperatura ng
mundo.

Kumapal ang mga GHG sa kalangitan ng daigdig dahil sa mga gawain


ng tao mula noong 1750, at malayong nalampasan na ang mga sukat
bago lumakas ang industriyalismo (IPCC 2007).

Dahil sa mabilisang paglago ng mga gawaing pang-ekonomiya at


pang-industriya mula noong ika-18 siglo, sobra-sobra na ang paggamit

2
ng enerhiya at likas na yaman. Mula sa kalagitnaan ng ika-18 siglo,
nagkalat ng bilyun-bilyong tonelada ng CO2 sa kalangitan ang
paggamit ng fossil fuel at paggawa ng semento. Bago ang industrial
revolution, ang antas ng CO2 sa himpapawid ay 280 parts per million
(ppm) lamang. Noong 2007, umabot na ito sa 384 ppm-tumaas nang
37%. Tsina at Amerika ang pinakamalakas magbuga ng mga GHG.

Ranggo Greenhouse Gases Pinagmumulan ng Pagbuga


(sa dami)

1 CO2 paggamit ng fossil fuel,


naiibang paggamit ng lupa
2 CH4 agrikultura, paggamit ng
fossil fuel
3 N2 O agrikultura

Anu-ano ang mga palatandaan ng pandaigdigang climate change?

Ayon sa IPCC, malinaw na ang pag-init ng klima. Kapansin-pansin


ang pandaigdigang pag-init ng temperatura ng hangin at karagatan,
malawakang pagkatunaw ng mga yelo at niyebe, at ang patuloy na
pag-alsa ng tubig sa dagat. Tumaas ang karaniwang pandaigdigang
temperatura nang 0.74°C mula 1906 hanggang 2005. Pinakamainit na
mga taon ang 1997-2008 mula noong 1850.

Ang pangkaraniwang lebel ng tubig sa dagat ay tumaas nang 1.8 mm


kada taon noong 1961 hanggang 1993, at 3.1 mm noong 1993-2003.
Gayunpaman, hindi pa malinaw kung ito nga ay pangmatagalang
pangyayari.

Sa nakaraang 50 taon, dumalas ang mga matitinding kalamidad tulad


ng pagbaha, tagtuyot, bagyo, at sobrang init ng panahon. Simula
noong 1970s, mas lumala at tumagal ang tagtuyot, at mas malalawak
na lugar ang naaapektuhan nito. Mas madalas din ang matinding pag-
ulan sa mas maraming lugar.
3
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Pinatataas ng pag-init ng klima ang pandaigdigang lebel ng tubig sa


karagatan dahil sa malawakang pagkatunaw ng mga yelo at niyebe
sa ibabaw ng lupa. Habang umiinit ang tubig-dagat, tumataas ang
lebel nito. Natutunaw rin ang mga niyebe dahil sa init ng panahon at
umaagos ang mga ito sa karagatan.

Anu-ano ang mga palatandaan ng climate change sa Pilipinas?

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services


Administration (PAGASA), mula 1951 hanggang 2006, tumaas nang
0.35°C, 0.89°C, at 0.61°C ang pinakamainit, pinakamalamig, at
karaniwang taunang temperatura. Ang pinakamalamig na temperatura
ay tumaas nang triple sa itinaas ng pinakamainit na temperatura.
Mula 1961 hanggang 2003, dumalas ang pag-init sa araw at gabi, at
dumalang din ang malamig na araw at gabi.

Dumami ang mga araw na maulan. Ang paghaba ng panahon ng tag-


ulan at mabigat na pag-ulan ay naging dahilan ng biglaang pagbaha,
pagguho ng lupa, at paglubog ng mga mabababang lugar. Sa mga
nakaraang dekada, nasa 15 hanggang 20 bagyo ang pumapasok sa
bansa.

May mga tinataya bang pandaigdigang pagbabago sa klima?

Ang global warming at pag-angat ng tubig sa dagat ay magtutuluy-


tuloy hanggang sa mga susunod pang siglo.

Ayon sa IPCC, maaaring mangyari sa Timog-Silangang Asya sa 2010-


2099 ang mga sumusunod: pag-init ng temperatura nang 0.72-3.92°C;
paglakas ng ulan nang mula -2% hanggang 12%; at pagtaas ng tubig-
dagat nang 0.18 m-0.59 m. Ninipis o matutunaw ang mga yelo sa

4
ibabaw ng lupa at ang mga niyebe sa dagat. Maaaring gumuho ang
lupa sa gilid ng dagat at umangat ang tubig nito.

Dadalas ang lubhang pag-init ng panahon at matinding pag-ulan.


Lalong matutuyo ang mga rehiyong tuyo, at lalong magiging matubig
ang mga rehiyong basa. Lalapad ang mga lugar na matutuyot.
Mabagsik ang mga bagyo, lalakas ang hangin, at dadalas ang pag-ulan
na sanhi ng pagbaha.

Anu-ano ang mga tinatayang pagbabago ng klima sa Pilipinas?

Iinit ang lahat ng bahagi ng bansa bagamat mas matindi sa ilang lugar.
Ang taunang karaniwang temperatura ay tataas nang 0.9°C hanggang
1.4 °C sa 2020, at 1.7°C-2.4°C sa 2050.

Paiba-iba ang dami ng ulan sa Hunyo-Agosto at Marso-Mayo.


Mas madalang sa Disyembre-Pebrero at Setyembre-Nobyembre.
Lalong tataas ang temperatura sa Marso-Mayo at bibigat ang mga
pag-ulan. Dadalang ang ulan sa kalakhang Mindanao sa lahat ng
panahon pagdating ng 2050. Inaasahan din ang malakas na habagat.
Magkakaroon din ng mas malakas na hangin at ulan, at pagbabago sa
daan ng bagyo. Tataas ang posibilidad na magkaroon ng tagtuyot dahil
sa El Niño.

Saang mga lugar sa Pilipinas ang delikado sa pananalasa ng climate


change?

Pinakamalaki ang posibilidad na iinit ang temperatura sa Mindanao at


Gitnang Visayas. Malamang magbago ang pag-ulan sa Gitna, Timog,
at Timog-Silangang Luzon, at Silangang Visayas. Delikado rin sa mga
sama ng panahon at super bagyo ang Hilagang Luzon, Timog-Silangang
Luzon, at Silangang Visayas.

Malaki ang posibilidad na magkaroon ng tagtuyot dahil sa El Niño sa


Gitna at Kanlurang Mindanao. Maaaring makaranas ng mga panganib

5
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

dulot ng klima at panahon ang Timog-Silangang Luzon at Kanlurang


Visayas. Ang Gitnang Luzon at Silangang Mindanao, na palay ang
pangunahing tanim, ay masasabak sa panganib dulot ng klima.

EPEKTO NG CLIMATE CHANGE SA PAGPAPALAYAN

Ano ang mga pangunahing epekto ng climate change sa


pagpapalayan?

Magdudulot ang climate change ng malaking pinsala sa pagpapalayan


kung hindi ito maiiwasan. Ang bitin na suplay ng bigas, habang
kailangan ito, ay nakaaapekto sa pagkain at ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa mga masamang epekto ng climate change ay ang pag-init


ng temperatura, pagdalas, paglala, at paghaba ng tagtuyot, pagbaha,
at pagbagyo; pagbabago sa panahon at distribusyon ng ulan; pagkasira
ng lupa; at pagtaas ng tubig-dagat na magreresulta sa pagpasok ng
tubig-alat sa mga sakahan.

Ang pag-angat ng tubig-dagat ay maaaring magpalala sa pag-alat ng


lupa at pagsikip ng mga magagandang palayan malapit sa dagat.

Parusa ang tagtuyot sa lahat ng yugto ng paglaki ng palay. Maiiksi ang


mga uhay, payat pa ang mga butil. Ang pinakamalalang tagtuyot-El
Niño-ay nangyari noong 1997-1998 kung kailan bumulusok pababa ang
ani ng palay.

Ang di-tukoy na direksyon ng hangin dahil sa pagbabago ng klima ay


magkakalat ng mas maraming peste, fungi, at baktirya. Ang posibleng
pagdami ng mga peste ay maaaring maging dahilan ng paggamit
ng mas maraming kemikal na pamatay-peste. Makaaapekto rin ang
climate change sa ekolohiya ng mga damo, at ebolusyon ng mga
bagong uri ng damo.

6
Ano ang mga epekto ng pagdami ng carbon dioxide (CO2 )?

May magandang epekto sa paglaki ng palay at ani ang pagdami ng CO2


sa kalangitan kung hindi gaanong iinit ang temperatura sa panahon ng
pamumulaklak at pagbubuntis ng palay. Nakapagpaparami nang 0.5
t/ha na ani ang bawat 75 ppm pagtaas ng konsentrasyon ng CO2.

Ano ang mga epekto ng pag-init ng temperatura?

Ang ani ng mga pangunahing pananim, kasama ang palay, ay


bababa nang 5-7% sa bawat 1°C na pagtaas ng pang-araw-araw na
temperatura. Dahil ito sa pahirap dulot ng init at umiikling panahon
ng paglaki. Naaapurang gumulang ang palay.

Ayon sa isang pag-aaral, ang ani ng palay ay bababa nang 10% sa


bawat 1°C na pag-init ng temperatura sa gabi, lalo na sa tag-araw.

Sa pinakabagong pag-aaral ng Asian Development Bank, sinasabing


ang 4°C na pag-init ng temperatura ay maaaring magresulta sa 75%
pagbaba ng potensyal na ani ng palay sa Pilipinas sa mga darating na
dekada. Ang antas ng pinsala ng mainit na temperatura ay depende sa
barayti ng palay at yugto ng paglaki nito.

Sa vegetative stage ng palay, mahihirapang magsuwi at mababansot


pa ang pananim kung lubhang mainit ang temperatura. Iindahin ito ng
palay hanggang sa pag-uhay.

Malantad lamang ang palay sa init ng araw na 36°C pataas sa loob ng


ilang oras, ay magiging tulyapis o payat na ang mga butil nito.

Maselan sa mainit na temperatura ang palay sa panahon ng


pamumulaklak. Dahil sa init, maaaring hindi magkalaman ang mga
butil. Kung sa panahon ng paghinog, mainit, mahirap tumubo o pangit
ang kalidad ng butil ng palay. Naaapura kasi ang paggulang ng palay,
kaya bumababa rin ang ani.

7
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Mapapabilis ang pagtuyo ng lupa (ebaporasyon) at ang pagpawis


(transpirasyon) ng halaman kung mainit ang temperatura. Dahil dito,
maaaring umalat ang lupa at papangit ang kalidad nito.

KONTRIBUSYON NG PAGPAPALAYAN SA CLIMATE CHANGE

Paano nakakapag-ambag sa climate change at global warming ang


pagpapalayan?

Ang methane gas ay sumisingaw mula sa nakalubog na palayan at


naiipon ito sa himpapawid. May gas din mula sa sinunog na dayami,
maging ang sariwang dayami na ihinalo sa lupa.

Kapag ang methane (CH­­4)ay nasa himpapawid na, hinaharangan nito


ang init na dapat ay tatagos sa kalawakan. Ang methane ay 21 beses
mas malakas humarang ng init kumpara sa CO2. Nagtatagal ito sa
kalangitan nang 9-15 taon. Pinalalala ng methane ang global warming
dahil sa greenhouse effect nito.

Ang paggamit ng sobrang kemikal na pataba at pamatay-peste ay


nakadaragdag din ng nitrous oxide (N2O). Naninibago rin ang mundo
dahil sa paglawak ng mga palayan, na dati ay mga kagubatan.

Bakit sumisingaw ng methane ang mga palayan?

Kung nakalubog ang palayan, hindi mapasok ng hangin mula sa


himpapawid ang lupa, kaya umaasim nang walang hangin ang mga
organikong bagay sa lupa. Methane ang isang pangunahing bunga
nitong abnormal na proseso. Sumisingaw pataas ito mula sa nakalubog
na lupa sa pamamagitan ng mga ugat at puno ng halamang palay.

Kung laging nakalubog ang lupa, mas maraming methane gas ang
unti-unting ibubuga nito kumpara sa mga bukid na natutuyo sa tuwi-
tuwina. Halos walang methane gas mula sa mga katihan dahil hindi
8
nalulubog ang lupa. Kontrolado rin ang methane gas sa mga palayang
sahod-ulan.

Anu-anong mga bagay ang nagpapasingaw ng methane?

1. Pagpapataba

Ang paggamit ng kemikal at organikong pataba tulad ng urea, dayami,


dumi ng hayop, at patabang halaman, ay nakadaragdag sa pagsingaw
ng CH4 sa kalangitan, ayon sa dami, kalidad, at panahon ng paglalagay
ng pataba. Ang pagpapatubig at ang temperatura ay maaaring
makapagpalala rin sa pagsingaw ng CH4.

2. Pagpapatubig

Habang nakalubog ang lupa, tuloy rin ang pagsingaw ng CH­4.


Kung natutuyo ang palayan sa tuwi-tuwina, nababawasan din ang
pagsingaw ng methane. Samakatuwid, kontrolado ang pagsingaw ng
methane sa palayang sahod-ulan kumpara sa may irigasyon.

3. Uri ng lupa

Mas marami ang sumisingaw na CH­­4 sa lupang luwad o lagkitin


kumpara sa buhaghag na lupa, dahil mas madali itong pasukin ng
tubig mula sa ibabaw.

Madaling matuyuan ang mga buhaghag na lupa kumpara sa luwad,


kaya mas marami itong oksiheno. Ito ay nakahahadlang sa pagsingaw
ng CH4.

9
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

4. Dami ng baktirya

May mga baktiryang kumukunsumo ng methane sa mga nakalubog na


palayan bago pa man ito makasingaw sa himpapawid.

5. Barayti ng palay

Magkakaiba ang pagpapakawala ng CH4 ng mga barayti ng palay.


Malaki ang papel ng mga ugat, bilang ng suwi, dayami, pati na ang
tagal ng paggulang ng mga barayti sa dami ng pasisingawing CH4.

6. Temperatura

Kung mainit ang panahon ilang linggo makalipas ang pagpapataba,


lalakas din ang pagsingaw ng CH4. Habang umiinit ang temperatura,
bumibilis din ang pagkabulok ng mga organikong bagay.

Umiinit ang temperatura at dumarami ang methane sa maagang yugto


ng paglaki ng palay. Lumalamig ang temperatura at umuunti ang
methane sa huling kalahating yugto kapag ang lupa ay napapayungan
na ng palay.

7. Pagbubungkal ng lupa

Ang pag-aararo’t pagsusuyod ng lupa ay nakakapagpasingaw rin ng


naipong CH4.

8. Uri ng klima

Malakas sumingaw ang methane kapag pirming mainit ang timplada ng


panahon.

10
MGA PARAAN NG PAMAMAHALA SA CLIMATE CHANGE

Ano ang “adaptation”?

Ito ay pakikiangkop o pakikibagay sa ekolohikal, sosyal, at pang-


ekonomiyang sistema sa pagtugon sa pagbabago ng klima at
sa mga epekto nito. Ito ay proseso, aksyon, o resulta sa isang
sistema (sambahayan, komunidad, sektor, rehiyon, o bansa) upang
masabayan at maibsan ang pagbabago sa kondisyon, pahirap,
hamon, o pagkakataon (McCarthy et al. 2001; Smith at Wandel
2006.) Halimbawa ng climate change adaptation ay pagpapanatili sa
biological diversity.

Ano ang “mitigation”?

Ito ay pagkilos o paraan ng tao upang mabawasan ang methane sa


kalangitan. Ang pagtatanim ng mga punung-kahoy ay halimbawa ng
mitigation dahil babawasan nito ang pagsingaw ng methane.

Ano ang maaaring gawin upang mabawasan ang epekto ng climate


change sa pagpapalayan?

1. Pag-aalaga ng hayop o pagtatanim ng palay at iba pa

Pinairal ng PhilRice ang Palayamanan System upang tulungan ang mga


magsasaka sa sahod-ulan at katihan na mapanatili ang kabuhayan at
matakasan ang grabeng epekto ng climate change. Ang Palayamanan
ay sistema ng pagsasaka na sadyang nagtatanim ng palay at iba
pang halamang pagkain, naghahayupan, nagpapalaisdaan, at iba
pang paraan upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka. Hindi
mawawalan ng pagkain ang magsasaka, mas malaki ang kita, at mas

11
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

maraming aanihin. Masusulit pa niya ang kanyang bukid.

2. Wagas na pag-aalaga ng palayan

Maiibsan ng pagpapalayan ang mga pasakit ng climate change kung


lalago ang ani at kita ng mga magsasaka. Kung maraming bigas, mas
marami ang taong makakakain at mas disente ang pamumuhay. Sa
pagtalima sa PalayCheck System, maaaring tumaas ang ani ng mga
magsasaka. Ang PalayCheck ay isang sistema ng pangangasiwa sa
palayan na nagsasaad ng mga paraan upang maisulong ang ani at
mapakinabangan nang
wasto ang puhunan sa
pagsasaka. Makatutulong
din ang sistemang ito
sa mga palayang sahod-
ulan.

3. Pagpapalahi ng
mga barayting maani
at matibay sa mga
pangit na kundisyon ng
sakahan.

Ito ang pangunahing depensa laban sa climate change. May mga


barayting mabubuhay at aani pa rin nang maayos kahit sa mga
masungit na lugar at panahon, tulad ng tuyot, maalat na lupa, at
pagkalubog ng lupa sa tubig sa mahaba-habang panahon.

4. Paggamit ng mga teknolohiyang matipid sa tubig tulad ng


kontroladong (lubog-litaw) irigasyon, aerobic rice, hydroponic
seed establishment, small farm reservoir, at pag-iipon ng tubig-
ulan.

Nakatitipid ng 16-35% tubig ang lubog-litaw na pagpapatubig nang


hindi nababawasan ang ani. Maraming bukid sa duluhan at laylayan
12
ng patubig ang makikinabang.
Makatitipid din sa puhunan ang mga
magsasaka, makokontrol pa ang
pagsingaw ng methane.

5. Pagsasaayos ng disenyo,
pagtatayo, at pagmamantine sa
mga imprastraktura ng patubig

6.Pagdebelop ng mga matibay-sa-


anumang-panahon na kagamitan
sa bukid

7.Pagbago sa panahon ng pagtatanim upang makaiwas sa sakuna

8. Pagpapaseguro sa mga pananim, mabawi man lang ang puhunan

9. Pinalakas na serbisyo sa mga magsasaka gamit ang information


and communications technology
(ICT) tulad ng internet at
cellphone

10. Pagdebelop ng mga rice-


monitoring at forecasting system
gamit ang teknolohiyang remote
sensing, simulation o modelling,
climate forecasting, at pagtukoy
sa mga palayang delikado sa
tagtuyot, pagbaha, maalat na lupa, pag-alsa ng tubig sa dagat, at iba
pang parusa ng climate change.

11. Napapanahong pagbigay ng impormasyon tungkol sa klima at


panahon upang makapaghanda ang mga magsasaka.
13
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Ano ang mga barayti ng palay na matatag sa climate change?

1. Matibay sa tuyot

NSIC Rc192, Rc272, Rc274, Rc276, Rc278, Rc280, Rc282, Rc284,


Rc286, Rc288, Rc346, Rc348 para sa sahod-ulan at PSB Rc9, Rc80, at
NSIC Rc23 para sa katihan

2. Matibay sa maalat na lupa

NSIC Rc182 (Salinas), Rc184, Rc186, Rc188, at Rc190

3. Matibay sa mga lugar na lumulubog

NSIC Rc194 (Submarino 1). Nakakaraos ito kahit mababad nang 10


araw, kung nagsusuwi pa lamang.

Ano ang mga teknolohiya at paraan para mabawasan ang singaw ng


mga greenhouse gas sa palayan?

1. Patuyuin pansamantala ang palayan kapag tapos nang magsuwi.

Magandang gawain ito kumpara sa tuluy-tuloy na pagkalubog ng


palayan. Mga 80% ang ibababa ng pagtagas ng methane, at hindi
mababawasan ang ani.

Praktikal ang paraang ito sa mga patag at may tiyak na patubig na


palayan. Subalit maaaring tumubo ang damo habang walang tubig
sa palayan at tumagas din ang nitroheno. Kailangan nito ng tamang

14
pangangasiwa sa palayan.

2. Gamitin ang kontroladong (lubog-litaw) pagpapatubig.

Mga pag-aaral sa India, Pilipinas, Japan, Indonesia, at iba pang bansa


ang nagpapakita na nakokontrol ng paraang ito ang pagtagas ng
methane sa himpapawid, nang hindi bumababa ang ani.

3. Patuyuin ang palayang walang tanim.

4. Magsabog-tanim.

Kinokontrol ng paraang ito ang pagtagas ng methane dahil mas maikli


ang pagkakalubog ng palayan, mabilis pang gumulang ang palay. Mga
16-54% ang naiiwasang pagtagas ng methane kumpara sa lipat-tanim
(Corton et al. 2000).

5. Pansamantalang magtanim ng ibang halaman.

Magtanim ng mga pagkaing baging matapos ang sunud-sunod na


pagpapalayan. Buhayin ang mga puno sa mga dike o pilapil. Dahil
dito, mababawasan ang tatagas na carbon sa lupa, makokontrol ang
pagguho at pagsingaw ng nitroheno. Gaganda ang kalidad ng lupa, di
madaling matuyuan, di basta-basta guguho ang lupa, at darami ang
organismong mabubuhay.

6. Tamang paggamit ng nitroheno.

Saklaw nito ang tamang pagsabog ng patabang nitroheno sa lupa


upang mas madaling masipsip ng mga ugat ng palay; tingi-tingi
bagamat napapanahong pagpapataba ng nitroheno ayon sa kailangan
ng pananim.

15
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Ang Leaf Color Chart (LCC) at Minus-One Element Technique (MOET)


ay mura at madaling gamitin upang matukoy ang nitrohenong
kailangan ng pananim.

7. Gumamit ng patabang kemikal.

Ang paggamit ng patabang ammonium sulfate ay nakababawas sa


pagsingaw ng CH4 nang 25-36%. Ang paggamit ng phosphogypsum at
urea ay nakababawas nang 70% sa tumatagas na methane.

8. Ayusin ang paghahanda ng lupa.

Matindi ang pagsingaw ng methane habang ihinahanda (inaararo/

sinusuyat) ang lupa upang tamnan.

Sumisingaw ang methane na nabaon sa lupa mula sa mga natirang


bahagi ng halaman sa nakaraang taniman.

Dahil sa pagbubungkal ng lupa, tumatagas ang carbon. Napananatili


ang carbon kung ang tanim ay hindi matakaw sa pagbungkal ng lupa.
Sa mga palayang may irigasyon, ang teknolohiyang reduced tillage
ay nakababawas sa methane na sumisingaw kumpara sa nakasanayan
nang paraan. Madali itong isakatuparan matapos matutuhan nang

16
husto.

9. Gamitin nang wasto ang dayami.

Gumamit ng na-compost sa halip na sariwang dayami bilang pataba


sa pirming nakalubog na palayan upang mabawasan nang 63% ang
methane na sumisingaw.

10. Paramihin ang carbon; magtanim ng sari-saring halaman at


buhayin muli ang mga sirang lupa.

Ibubunga ng mga paraang ito ang mas maraming organikong bagay sa


lupa. Hindi basta-basta tatagas ang carbon at nitroheno.

11. Gamitin ang mga pinag-anihan.

Ipanggatong ang ipa at iba pang pinag-anihan, o gamitin bilang


patabang organiko para menos-gastos sa kemikal na abono. Subukin
ang Rice Husk Gasifier-Engine System, Maligaya Flatbed Dryer, at
Maligaya Rice Hull Stove. Matipid ang mga teknolohiyang ito.

IBA PANG PAGBABAGO SA KLIMA: EL NIÑO AT LA NIÑA

Ano ang El Niño?

Ito ang matinding pag-init ng temperatura sa Karagatang Pasipiko


na nagpapainit din sa kalangitan at panahon ng buong mundo.
Nangyayari ito sa bawat 2-7 taon at nagtatagal nang 8-12 buwan.
Hindi pare-pareho ang tama ng El Niño.

17
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Ano ang La Niña?

Ito ay kabaliktaran ng El Niño. Lumalamig ang temperatura ng


Karagatang Pasipiko. Madalas nangyayari ang La Niña pagkatapos ng El
Niño.

Ano ang mga epekto ng El Niño at La Niña?

Sa El Niño, tuyo at mainit ang timplada ng panahon, mas matagal na


tag-araw, maikling tag-ulan, mahinang pag-ulan at bihira ang bagyo.

Mahinang umani ang mga pananim bagamat matakaw sila sa tubig.


Napipilitang magtipid sa tubig ang mga kabahayan.

Sa La Niña, basa ang kondisyon ng panahon, maikling tag-araw,


mahabang tag-ulan, mas maraming bagyo, at mas malamig ang
hangin.

Mag-ingat sa pagbaha at pagguho ng lupa sa mga tatamaang lugar.


Malamang masira ang mga pananim.

Paano mapagagaan ng mga magsasaka ang mga epekto ng El Niño at


La Niña?

Sa panahon ng El Niño:

1. Magtanim ng barayting matipid sa tubig at maagang inaani (NSIC


Rc10, Rc14, Rc192, Rc348, atbp.)

2. Aralin at gamitin ang teknolohiyang reduced tillage.

3. Gumamit ng mga teknolohiyang tipid sa tubig tulad ng


kontroladong (lubog-litaw) irigasyon, aerobic rice, at drip irrigation.

18
4. Maglagay ng alap-ap (mulch) sa lupa
upang di mabilis matuyo, at makontrol pa
ang damo. Maaaring gamiting alap-ap ang
dayami, mga damo, at plastik.

5. Gumamit ng evaposuppressant upang


makontrol ang pagsingaw ng tubig.

6. Magtanim ng ibang halaman (tulad ng


gulay) sa halip na palay sa
mga lugar na hindi sapat ang
tubig.

7. Magtanim ng mga
halamang ma-presyo
(pakwan, kalabasa, melon)
upang kumita, o mga
halamang matipid sa tubig
tulad ng kamoteng-kahoy,
kamote, at ube.

8. Tuwi-tuwinang bisitahin
ang palayan upang makita
kung inatake ng peste at sakit dala ng init ng panahon.

9. Palaging makinig o magbasa ng mga pagtaya ng panahon upang


maplano ang mga gagawin sa bukid.

Sa panahon ng La Niña:

1. Magtanim ng mga barayting nakakaraos kahit nalulubog sa tubig


(NSIC Rc194).

2. Planuhin ang pagtatanim upang ang pamumulaklak, paglalaman, at


pag-ani ay hindi matapat sa malakas na ulan o hangin.

19
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

3. Kumpunihin ang mga dike, pilapil, at kanal ng irigasyon.

4. Paagusin ang sobrang tubig sa palayan pagkatapos ng malakas na


ulan.

5. Magtanim ng punong-kahoy sa paligid ng palayan para may


panangga sa hangin (wind-breaker).

6. Gumamit ng mechanical dryer kung hindi pwedeng magbilad ng


palay.

Floating Garden

7. Sa mga lugar na nagtatagal ang baha,


magtanim sa floating garden.

8. Imbakin ang tubig-ulan gamit ang small farm reservoir.

20
References
Australian Bureau of Meteorology. The Greenhouse Effect and Climate
Change. Retrieved October 2010, from http://www.bom.gov.
au/info/GreenhouseEffectAndClimateChange.pdf.

Commonwealth of Australia. (2007). Climate Change Science. Re-


trieved October 2010, from http://www.climatechange.gov.
au/~/media/publications/science/science-faq.ashx.

Environmental Protection Agency (EPA). (2009). Frequently Asked


Questions about Global Warming and Climate Change: Back to
basics. Retrieved October 2010, from http://www.epa.gov/
climatechange/downloads/Climate_Basics.pdf.

International Rice Research Institute (IRRI). (2007). Rice Today Maga-


zine, Vol. 6 No. 3.

Manila Observatory. (2005). Mapping Philippine Vulnerability to Envi-


ronmental Disasters. Retrieved October 2010, from http://
www.observatory.ph/vm/.

Matthews, R.B., M.J. Kropff, T. Horie, and D. Bachelet. (1997).


Simulating the impact of climate change on rice production
in Asia and evaluating options for adoption. Agric. Syst.,
54:399-425.

Matthews, R.B., and R. Wassmann. (2003). Modelling the impacts


of climate change and methane emission reductions on rice
production: a review. European Journal of Agronomy, 19:573-
598.

Met Office. (2009). Warming: Climate change - the facts. Retrieved


October 2010, from http://www.metoffice. gov.uk/climate
change/guide/downloads/quick_guide.pdf.

21
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

Pachauri, R.K. and A. Reisinger (Eds.). (2007). Climate Change 2007:


Synthesis Report. Contribution of Working Groups I, II and III
to the Fourth Assessment Report of the Intergovernmental
Panel on Climate Change. Switzerland.

Peng, S.B., J.L. Huang, J.E. Sheehy, R.C. Laza, R.M. Visperas, X.H.
Zhong, G.S. Centeno, G.S. Khush, and K.G. Cassman. (2004).
Rice yields decline with higher night temperature from
global warming. Proc. Natl. Academy of Science, 101:9971-
9975.

Philippine Rice Research Institute. (2004). Ecological Rice Farming.


Rice Technology Bulletin No. 51. Philippines: Philippine Rice
Research Institute.

Philippine Rice Research Institute. (2007). PalayCheck System for


Irrigated Lowland Rice. Philippines: Philippine Rice Research
Institute.

Philippine Rice Research Institute. (2007). Controlled irrigation:


saving water while having good yield. Rice Technology
Bulletin No. 59 (2nd ed.). Philippines: Philippine Rice Research
Institute.

Philippine Rice Research Institute. (2008). Leaf color chart. Rice


Technology Bulletin No. 22 (Rev. ed.). Philippines: Philippine
Rice Research Institute.

Sheehy, J.E., P.L. Mitchell, and A.B. Ferrer. (2006). Decline in rice
grain yields with temperature: Models and correlations can
give different estimates. Field Crop Res., 98: 151-156.

Wassmann R., S. V. K. Jagadish, S. Heuer, A. Ismail, E. Redona, R.


Serraj, R. K. Singh, G. Howell, H. Pathak, and K. Sumfleth.
(2009). Climate Change Affecting Rice Production: The
Physiological and Agronomic Basis for Possible Adaptation

22
Strategies. In D. L. Sparks (Ed.). Advances in Agronomy, Vol.
101, pp. 59-122.

Villarin, J.R.T. and M.A.Y. Loyzaga. In the eye of the perfect storm:
What the Philippines should do about climate change.
Retrieved October 2010, from http://ecce.admu.edu.ph/wiki/
pub/Main/Science10/ SCJ_doc.pdf.

World Watch Institute. (2009). Climate Change Reference Guide.


Retrieved October 2010, from http://www. worldwatch.org/
files/pdf/CCRG.pdf.

Ziska, L.H. (2000). The impact of elevated CO2 on yield loss from a
C3 and C4 weed in field-grown soybean. Global Change Biol,
6:899-905.

Ziska, L.H. (2003a). Evaluation of the growth response of six invasive


species to past, present and future atmospheric carbon dio-
xide. J. Exp. Bot., 54:395-404.

Ziska, L.H. (2003b). Rising carbon dioxide: implications for weed-crop


competition. In T.W. Mew et al. (Eds.) Rice science:
innovations and impact for livelihood. Proceedings of the
International Rice Research Conference, Beijing, China, 16-19
September 2002. Philippines: International Rice Research
Institute, p. 615-634.

23
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

NOTES

24
NOTES

25
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

NOTES

26
Subject Matter Specialists
Ricardo F. Orge, PhD
Elmer D. Alosnos
Eduardo Jimmy P. Quilang, PhD
Constancio A. Asis Jr., PhD

Managing Editor/ Layout Artist


Mervalyn O. Tomas

Editorial Advisers
Constante T. Briones
Myriam G. Layaoen
Jaime A. Manalo IV
Eufemio T. Rasco Jr.

For more information,

text the PhilRice Text Center: (+63) 920-911-1398;

visit: www.pinoyrkb.com;

write, visit, or call:

Agronomy, Soils, and Plant Physiology Division


Philippine Rice Research Institute
Maligaya, Science City of Muñoz, 3119 Nueva Ecija
Tel: (044)-456-0285; -0258 local 212, 215 or 217

Readers are encouraged to reproduce the contents of this bulletin


with acknowledgment.

27
Climate Change at Pagpapalayan
Series 20 | October 2014

PHILRICE CENTRAL EXPERIMENT STATION


Science City of Muñoz, 3119 Nueva Ecija • Tel: (044) 456 -0277;
Direct line/Telefax: (044) 456-0112;
Email: prri.mail@philrice.gov.ph

BRANCH STATIONS :

PHILRICE BATAC MMSU Campus, Batac City, 2906 Ilocos Norte;


Tel: (077) 670-1867; Telefax -1882;
Email: batac.station@philrice.gov.ph

PHILRICE ISABELA
San Mateo, 3318 Isabela; Mobile: 0917-594-9285;
Email: isabela.station@philrice.gov.ph

PHILRICE LOS BAÑOS UPLB Campus, College, 4031 Laguna


Tel: (049) 501-1917; Telefax: (049) 536-8620;
Email: losbanos.station@philrice.gov.ph

PHILRICE BICOL Batang, Ligao City, 4504 Albay


Mobile: 0905-735-2078; 0918-946-7439
Email: bicol.station@philrice.gov.ph

PHILRICE NEGROS Cansilayan, Murcia, 6129 Negros


Occidental; Mobile: 0928-506-0515;
Email: negros.station@philrice. gov.ph

PHILRICE AGUSAN Basilisa, RTRomualdez, 8611 Agusan


del Norte; Tel: (085) 343-0778; -0768;
Email: agusan.station@philrice.gov.ph

PHILRICE MIDSAYAP Bual Norte, Midsayap, 9410 North


Cotabato; Tel: (064) 229-8178;-7242;
Email: midsayap.station@philrice.gov.ph

PHILRICE FIELD OFFICE


CMU Campus, Maramag, 8714 Bukidnon, Tel: (088) 222-5744

LIAISON OFFICE
3rd Flor. ATI Bldg, Elliptical Road, Diliman, Quezon City
Tel/Fax (02) 920-5129, Mobile: 0920-906-9052

28

You might also like