You are on page 1of 13

I See You (ICU)

Camylia T. Cocjin

SYNOPSIS
Aksidenteng nagkakilala si Leah at Vince. Literal. Nasagasaan ni Leah si Vince dahil sa
kaniyang pagmamadali sa pagtakas sa sarili niyang kasal, pero hindi nila natatandaan yun. Kaya
naman nagsama ang kanilang mga kaluluwa at tinahak ang isang maikli ngunit masayang
abentura.
SCENE ONE

INT. – EMERGENCY ROOM

Sobrang gulo sa Emergency room- Mayroong isinugod dahil sa nabaling braso, mayroong
patuloy na tumataas ang lagnat, subalit isa ang pumukaw sa atensiyon ng lahat. Isang lalaking
duguan ang noo, putok ang labi, tadtad ng pasa ang mga braso, walang kamalay-malay.

LALAKI 1: Tumabi kayo! Magparaan kayo! Naghihinalo na ang lalaking ‘to!

Lubos na nanghihina ang lalaki sa bawat paglipas ng segundo, subalit naririnig pa rin ang
pintig ng kaniyang puso. Ang bawat pintig dala ang mga alaala- malungkot man o masaya. Bawat
pintig, palapit nang palapit sa huli.

Subalit, nasaan na kaya ang pamilya nito? Natawagan na kaya? Alam na kaya nila ang
kalagayan ng kanilang mahal na anak at kapatid?

Walang nakakaalam. Dinala ng lalaking ito ang misteryo at kilabot sa emergency room.
Ano nalang kaya ang nangyari dito? Bakit naman ganito ang kaniyang sitwasyon?

FLASHBACK: EXT – Aguinaldo Highway

Ika-5 na ng hapon at naglalakad siya papunta sa sakayan para umuwi na galing


eskwelahan. Pagod na siya, subalit wala nang bago doon dahil ayun na ang kanyang nagging
kalakaran sa nakaraang anim na taon.

Bumisina ang bus at napalingon siya. PASAY ang nakasulat sa karatula nito, tamang-tama.

Sumenyas siya at nagmadaling tumawid, hindi napansin ang biglaang pagsulpot ng isang
pulang kotse na nanggaling sa likod bus na tumigil upang antayin ang kaniyang pagsakay.

Isang mahabang busina ang narinig ng lahat, sumabay pa ang matinis na kiskis ng
biglaang pagpreno. Ngunit huli na ang lahat nang lumingon siya, dalawang dilaw na ilaw ang
kaniyang huling nakita.

At naging itim ang lahat…

BACK TO PRESENT
SCENE TWO

INT. - ICU

Beep, beep, beep…


Binuksan ni Vince ang kaniyang mga mata, masakit at mabigat ang kaniyang ulo, at nakita
niya ang kaniyang katawan na nakahiga sa kamang pang-ospital. Beep, beep, beep…

Isa bang biro ito? Nagsimula siyang mataranta, nilapitan ang sarili nang nanginginig ang
mga tuhod. Paano? Nananaginip ba ako? Beep, beep, beep…

Napansin niya ang malaking plaster sa kaniyang noo at ang kaniyang bugbog na mga
mata at katawan. Pinipilit niyang alalahanin ang mga nangyari bago pa siya makarating sa
ganitong sitwasyon pero hindi niya magawa at kumirot pa lalo ang kaniyang ulo. Beep, beep,
beep…
Biglang bumukas ang pinto ng kaniyang kuwarto ay may pumasok na nars. Hindi siya
nakita at nagpatuloy lang sa kaniyang mga gawain. Hindi siya nakikita ng tao.

Beep, beep, beep… Binuksan niya ang kaniyang bibig pero hindi niya magawang
magsalita. Tuyo ang kaniyang lalamunan pero hindi siya nauuhaw.

Hindi niya naiintindihan ang nangyayari sakanya, subalit sa tabi ng pinto mayroong
babaeng nakatayo. Nakasuot siya ng isang magarbo at puting damit, hindi siya nababagay sa
isang ospital.

Tumaas ang balahibo ng lalaki. Patay na ba siya? Pero hindi maaari, tumutunog pa rin
ang heart monitor sa tabi niya.

Nagkatinginan sila ng babae at siya ay nginitian. Nakikita siya ng babaeng ito, posible
kayang parehas ang nangyayari sakanilang dalawa?

LEAH: Hi.

VINCE: H-hello? Nakikita mo ako?

LEAH: Oo, bakit naman hindi? Mukha kang takot na takot diyan, paano kita hindi mapapansin?

Walang naging reaksyon ang nars sa kanilang pag-uusap.

VINCE: Ano ba ang nangyayari? Bakit hindi tayo nakikita? Hindi pa naman ako patay, tumutunog
pa naman oh.

LEAH: Hindi ko rin alam. Basta’t pagkamulat ko ng mata, nakita ko nalang din ang katawan ko
na nakahiga sa kama.

VINCE: Eh natatandaan mo ba kung bakit ka nandito? Bakit ka naospital?


LEAH: Hindi. Wala akong maalala. Sumasakit lang ang ulo ko kapag sinusubukan ko. Kaya’t nag-
ikot ikot ako dito sa ospital at naghanap ng kadamay, at heto ka.

VINCE: Ano ang gagawin natin?

LEAH: Wala. Wala tayong gagawin. Lulubusin lang natin ang pagkakataong ito. Gaano ka ba
kadalas nakakalabas ng sarili mong katawan? Isipin mo, walang nakakakita sa atin.
Puwede tayo pumasok nang libre sa mga museo, mga pelikula… Tara na!

VINCE: Hindi ko nga alam ang pangalan mo.

LEAH: Leah, ako si Leah. Ikaw?

VINCE: Vince.

LEAH: Well, nice to meet you, Vince. Handa ka na ba sa malupet nating adventure?

Hindi na nagsalita si Vince at hinablot ni Leah ang kaniyang kamay, habang ang kabila
niyang kamay ay bitbit bitbit ang magarbo niyang palda.

Nagsimulang tumakbo ang dalawa sa pasilyo ng ospital. Ilang beses muntikang


makabangga ng mga nagmamadaling mga propesyonal, tila nakakalimutan na hindi sila nakikita
ng tao.

FADE TO:

SCENE 3

EXT. – PLAYGROUND

Nagpapatulak sa swing si Leah, at ginawa naman ito ni Vince. Tuwang tuwa si Leah, at
hindi naman mapigilan ni Vince ang kaniyang pagngiti.

LEAH: Oh ano, puro ako nalang? Ikaw naman!

VINCE: Ako? Ayoko nga, hindi ako sumasakay sa ganiyan.

LEAH: Bakit naman? Strict parents mo? Dali na, Vince, ang kj naman eh.

VINCE: Nabagok yung isa kong kapatid dati noong sumakay siya diyan. Muntikan pang mamatay.
Hindi ko malilimutan ang itsura ni mama at papa noon.

LEAH: Eh, malilikot na bata pa naman kayo noon. Hindi naman na mangyayari yun, ano ka ba.

Hindi natis ni Vince si Leah.


VINCE: Oo na, sige na. Gagawin ko na para tigilan mo lang ako.

Tinulak naman ni Leah si Vince sa swing. Kahit ayaw niyang aminin, nag-eenjoy siya sa
pakiramdam. Nakalimutan niya ang mga kakaibang pangyayari ngayong araw.

Maya maya, nanawa ang dalawa at tumigil panandalian. Pinapanood nilang maglaro ng
piko ang mga batang paslit.

LEAH: Parang gusto ko sumali.

VINCE: Edi sumali ka, wala namang pumipigil sayo.

LEAH: Eh, ang laki laki nitong palda ko.

VINCE: Bakit ba kasi ganyan suot mo-

LEAH: Pero, sige na nga.

Nabigla si Vince sa biglaang pagputol ni Leah sa kanilang pag-uusap, pero pinili niya
nalang na hindi pansinin.

Sumali nga si Leah sa grupo ng mga batang paslit. Makikita sa mukha niya ang bakas ng
lubos na kasiyahan. Hindi alam ni Vince kung dahil lang sa hilo, pero mukhang mala-anghel si
Leah- sa kaniyang katawa-tawang magarbong damit, kumikislap na mga mata, at ang isang
singsing na sumilaw kay Vince.

Saka niya naisip, ikakasal si Leah.

Pero sa biglaang rilyebo ng tadhana, narito ang kaluluwa niya ngayon- kasama si Vince
sa isang parke, naglalaro ng piko.

Hindi maiwasan ni Vince na magtaka kung ano nalang ang nangyari kay Leah. Pero
nanahimik muna siya at nagdesisyon na i-enjoy ang pagkakataon.

SCENE 4

INT. – Sinehan

Nakaupo sa pinakadulo ng sinehan ang dalawa. Nakapatong ang mga paa ni Leah sa mga
upuang nasa harap nila. Wala namang ibang tao sa parte ng sinehan na iyon kundi sila.

Tinititigan lamang ni Vince si Leah habang nanonood ng pelikula. Isang horror movie yata
ang pinasukan nila, at hindi interesado si Vince sa ganoong mga kwento.

LEAH: [Humikab] Ang boring naman nitong pelikulang ‘to… Magkwentuhan nalang tayo.
VINCE: Libre na nga lang eh, nagrereklamo ka pa.

LEAH: So, anong pinagkakaabalahan mo sa buhay mo, Vince?

VINCE: Hmm… Well, third year med student na ako. Hirap na hirap sa buhay, madalas puyat at
pagod, pero nakakaraos pa naman.

LEAH: May mga kapatid ka ba?

VINCE: Oo, meron. Ako ang panganay. Yung isa kong kapatid, si Toby, Grade 11 na, tapos
mahilig magbasketball, gwapo- lapitin ng mga chix, di tulad ng kuya niya. Tapos yung
bunso kong kapatid, si Riza, grade 7 na. Valedictorian noong elementary at nangunguna
pa sa klase niya ngayon. Sobrang hanga ko nga sakanila at ang gagaling nila sa mga
bagay na gusto nila kahit ang babata pa nila. Samantala ako, ang tanda tanda na, pero
hindi ko alam ang tunay na passion ko.

LEAH: Med student ka… Hindi mo bang masasabing passion mo ‘yun?

VINCE: Passion ko ‘yun. Hanggang sa naospital si mama at ayaw siyang tanggapin ng kahit
anong ospital kasi wala kaming pambayad... Palipat-lipat kami, nakarating pa kami ng
Maynila, hanggang sa makahanap kami ng isang ospital na tumanggap sa amin. Pero huli
na ang lahat, hindi na kinaya ni mama. [Naluluha] Diba, hindi ba dapat ginagawa ng mga
doktor ang trabaho nila para makatulong sa kapwa? Bakit naging tungkol na sa pera ang
pagttrabaho nila?

LEAH: Vince…

VINCE: Stage 3 Breast Cancer patient si mama, at biglaan nalang siya nanghina. NAsabihan
naman na kami ng mga doktor niya dati na hindi na siya masyadong magtatagal dito sa
mundo pero masakit parin. Ilang buwan yun para makapaghanda ako magpaalam
sakanya, pero pagdating ng araw na ‘yun, hindi parin ako handa. Sinabi kong mahal ko
siya pero na niya narinig. Hindi niya man lang akong nakitang grumaduate.

Walang masabi si Leah. Niyakap niya nang mahigpit si Vince. Nanatili sila sa kanilang
katahimikan habang nagsimula nang tumulo ang mga luha ni Vince.

LEAH: Nandito lang ako para sayo, Vince. Lagi.

VINCE: Kahit hindi na tayo mga kaluluwa? Nandito ka parin?

LEAH: Always.

Napangiti si Vince at nabuhay ang mga paruparo sa kaniyang tiyan.

LEAH: Osya, halika na. Wala namang kwenta ‘tong pelikula na ‘to.

VINCE: Madaya ka, hindi ka nagkwento.

LEAH: Kkwentuhan kita, promise. Basta sumama ka lang.


SCENE 5

INT. – Chapel

Nakaluhod si Leah habang nagdadasal. Pinapanood lamang siya ni Vince, na nakaupo sa


bangko sa tabi niya.

Naalala niya bigla ang naisip niya tungkol kay Leah kanina- ang kaniyang kasal.

Nang matapos magdasal si Leah, umupo ito sa tabi ni Vince.

VINCE: Bakit nga ba ganiyan ang suot mo?

LEAH: Ikakasal dapat ako kaso…

VINCE: Kaso?

LEAH: Kaso tinakbuhan ko ang magiging asawa ko.

VINCE: [Lumalakas ang boses] Tinakbuhan mo? Sira ka ba-

LEAH: Niloko niya ako. Nakita kong nakikipaghalikan siya sa isa sa mga bridesmaids ko isang
linggo bago kami ikasal. Hindi ko siya kinausap dahil wala naman kaming pag-uusapan,
kasi halata naman nang hindi matutuloy ang kasal dahil ayoko na sakanya. Pero yung epal
niyang pamilya, ayaw pumayag. Ito namang mga magulang ko, hindi rin sumusuporta
sakin. Walang nakinig sa akin. Kaya gumawa nalang ako ng sarili kong paraan, tumakbo
ako.

VINCE: Eh paano ka naospital?

LEAH: Hindi ko rin alam. Ang huli ko lang na natatandaan ay sumakay ako sa kotse ko at hindi
na lumingon sa simbahan na ‘yun. Hinahabol ako ng mga pinsan ko pero hindi na nila ako
naabutan… Ikaw ba, paano ka naospital?

VINCE: Ewan ko. Basta alam kong naglalakad na ako pauwi at sasakay ako sa bus… Pero hindi
ko matandaan kung ano kasunod ‘nun, sumasakit lang ang ulo ko [fading]…

CUT TO

EXT. – Aguinaldo Highway

Tumutulo ang mga luha ni Leah habang hawak hawak ng kaniyang dalawang mga kamay
ang manibela ng kaniyang kotse.

Pagod na siya at gusto niyang takasan ang kaniyang kapalaran. Hindi siya papayag na
maikasal sa isang manloloko.

Halos pitong taon ang kanilang relasyon at parang isang pelikula ang kanilang
pagmamahalan. Kasal nalang talaga ang kulang sakanilang dalawa, pero mapaglaro ang tadhana.
Pinunasan ni Leah ang mga bakas ng kaniyang luha, wala nang pakielam kung masira
man ang pagkakaayos sakanya.

LEAH: Tama na ang pag-iyak, Leah. Hindi ka pa ba napapagod?

Mabilis ang kaniyang pagpapatakbo dala ng kaniyang mga emosyon. Kaya naman ay
nabigla siya nang tumigil ang bus sa harap niya.

LEAH: Buwisit naman!

Iniwas niya ang kaniyang kotse para um-overtake sa bus.

Hindi niya napansin ang tumatawid na lalaki.

Pinatunog niya ang kaniyang busina sabay apak sa kaniyang preno.

Pero huli na.

At naging itim ang lahat.

RETURN TO

INT. – Chapel

VINCE: Leah? Okay ka lang ba?

LEAH: [Umiiyak] Vince, I’m sorry, Vince. Pero kailangan ko nang umalis.

VINCE: Bakit? Ano meron? May nasabi ba ako?

LEAH: Wala, wala. Wala kang nagawa. Kasalanan ko to, kasalanan ko ang lahat ng ito…

Dali-daling tumayo si Leah sa bangko at tumakbo palabas ng chapel, bitbit bitbit parin
ang malaki niyang palda.

VINCE: Leah, sandali. Mag-usap muna tayo. Bakit ba?


Sinundan ni Vince si Leah. Tatawid na sa kalsada, pero lumingon siya at nakita muli ang
dalawang dilaw na ilaw.

Napapikit nalang siya.

At naging itim ang lahat.

SCENE SIX

INT. – ICU

Beep, beep, beep…


Mabigat ang pakiramdam ni Vince. Dahan-dahan niyang binuksan ang kaniyang mga mata
at nakita ang puting kisame ng kuwarto.

RIZA: Pa! Pa! Gising na si kuya!

TOBY: Hindi mo na kami mauuto, Riza.

RIZA: Totoo na ‘to! Totoo na!

Nakita ni Vince ang kaniyang dalawang kapatid at napangiti siya. Pinanood niyang dali-
daling tumayo ang kaniyang ama at pumunta sakaniyang tabi.

TATAY: Vince… Pinagalala mo ako. Riza, tumawag ka nga ng nars!

Nagyakapan ang mag-ama.

VINCE: Pa naman, buhay pa naman ako.

TATAY: Pero naghihinalo ka na kanina! Hindi ko maisip kung mawala ka sa amin ngayon. Sa
susunod naman kasi mag-iingat ka! Tumingin ka maigi sa tinatawiran mo! Baka naman
kasi kung saan saan ka tumitingin kapag nasa kalye ka-

TOBY: Hay naku ‘tay, parang mas gugustuhin pa ni kuya na ma-comatose ulit dahil diyan sa
paglilitanya mo.

VINCE: Okay na ako, ‘pa. Huwag na po kayo mag-alala sa akin.


Masaya si Vince na makita muli ang kaniyang pamilya, pero mabigat ang pakiramdam ng
kaniyang dibdib dahil kay Leah. Siya ang nakasagasa sakaniya.

Pero hindi niya maiwasang mag-alala sakaniya.

CUT TO:

SCENE SEVEN

INT. – ICU

DOKTOR: Ayos naman na po ang kalagayan ng anak niyo, Mr. Calamba, wala na po kayong
dapat alalahanin. Pero kinakailangan pa po siyang manatili dito hanggang bukas para
mabantayan siya nang maigi.

TATAY: Maraming salamat ‘ho, Dok. Maraming salamat ‘ho talaga.

DOKTOR: Walang anuman po. Tumawag lang po kayo ng nurse kapag may kailangan kayo.

Lumabas na ang doktor at naiwan ang pamilya.

VINCE: Pa, saan tayo kukuha ng pambayad dito? Ang mahal nito, sa ICU pa ako nilagay.

TATAY: Anak naman, wala ka bang tiwala sa papa mo? Ako ang bahala dito. Tska babayaran
naman ng nakabangga sayo ang lahat ng ito eh.

VINCE: Ayoko, pa.

TATAY: Anong ayaw mo? Malaking tulong na ito sa atin. Nakapagsampa na kami ng kaso
kahapon…

VINCE: Huwag na. I-atras niyo na ang kaso. Gawan natin ng paraan ‘to.

TATAY: Vince, anak, naiintindihan kong wala ka pa sa tamang wisyo ngayon, pero, tanggapin
mo na yung tulong. Kailangan na kailangan natin ito.

Ayaw ni Vince na maabala pa si Leah kaya niya nasasabi ang mga bagay na ‘iyon.

VINCE: Mangutang nalang po muna tayo kay Aunty, at ako na ang bahala sa pagbabayad, pa.

TATAY: Anak..

VINCE: Please po, Pa. Magtiwala po kayo sa akin.

Pumayag din ang kaniyang ama.


SCENE EIGHT

INT. – Hospital Cashier

Nakaupo si Vince sa isa sa mga waiting chairs sa tapat ng cashier. Inaantay niya na
makabalik ang tatay niya sa pagsundo sa kaniyang tiya na uutangan nila.

Naisipan ni Vince na hanapin at puntahan si Leah, pero hindi siya hahayaan ng mga
kapatid niya na umalis na mag-isa, at wala pa siyang enerhiya upang magkwento ang
magpaliwanag.

TOBY: Kuya, nag-text si Papa. Ipaayos na raw natin ang mga papel mo para pagdating nila ay
magbabayad nalang sila.

Tumayo si Vince kasama si Toby at nilapitan ang cashier.

VINCE: For discharge po, Vince Calamba…

CASHIER: Sige po, Sir. Maupo nalang po ulit kayo at tatawagin nalang namin kayo.

VINCE: Sige, maraming salamat.

Hindi mapakali si Vince at hindi malaman kung bakit. Nagsisimulang kumirot ang kaniyang
ulo, pinipikit niya lamang ang kaniyang mga mata upang subukang pahupain ang
nagsisimulang migraine.

Maya maya pa ay nakita niya ang kaniyang ama at ang kaniyang tiya.

TITA MARY: Vince, anak, hay, mabuti nalang at okey ka. [Niyakap si Vince] Kamusta ang
pakiramdam mo?

VINCE: Ayos naman po, Tita. Pasensiya na po sa abala pero pangako po, babayaran ko po ‘yan.

TITA MARY: Naku, manahimik ka nga. Huwag mo munang masyadong isipin yun, basta ang
mahalaga ay ligtas ka.

CASHIER: Mr. Calamba po?

VINCE: [Lumapit] Heto na po…

CASHIER: Fully paid na po ang bill ninyo, Sir.


TATAY: Baka ho nagkamali kayo? Ngayon palang kami magbabayad…

CASHIER: Binayaran na po kaninang umaga, Sir. May resibo pa po.

VINCE: Sino? Sino po ang nagbayad? May pangalan po bang nakalagay?

CASHIER: Pasensiya na po, pero hindi po kami authorized para ibigay sainyo ang ganoong
impormasyon.

Naramdaman ni Vince ang pintig ng kaniyang puso. Onti-onti nang nagsisimula ang
kaniyang migraine.

Si Leah na nagbayad parin sa kaniyang pagkaka-ospital kahit inatras na ni Vince ang kaso
laban sakaniya.

SCENE NINE - EPILOGUE

INT. – Emergency Room

10 Years Later
Sobrang gulo sa Emergency room. Walang katapusang pagkakagulo sa pagitan ng mga
pasiyente at mga nars at doktor.

Ito na nga ang trabaho ni Vince ngayon. Isa na siyang ganap na doktor na nagttrabaho
sa emergency room. Hindi ito ang pinakamainam na trabaho para sa kaniya, pero inaalala niya
ang naranasan ng kaniyang ina at ayaw niyang mangyari pa sa iba. Ang gusto niya ay ang
makatulong.

Habang may inaasikasong matandang babae, biglang bumukas ang pinto ng emergency
room at pumasok ang isang babae na may kasamang batang lalaki na umiiyak dahil sa sakit.

Tinitigan ni Vince ang babae, sapagkat siya ay namumukhaan niya.

LEAH: [Natataranta] Hindi na nawala ang lagnat ng anak ko… Please, parang awa niyo na,
kailangan naming ng tulong!

Napangasawa rin ni Leah ang lalaking iniwan niya sa altar. Dalawang buwan lamang nang
maganap ang aksidente ay natuloy na din ang kanilang kasal. Nagbunga ang kanilang
pagmamahalan ng isang anak na lalaki, na siyang may sakit ngayon.

Dinala ng isang nars si Leah at ang kaniyang anak sa loob ng isang examination room.
Agad agad silang tinanong tungkol sa kalagayan ng bata.

Maya maya lamang ay lumabas na ang nars dala dala ang impormasyon sa isang
clipboard.
NURSE: Dok, ‘eto na po. Tatlong araw na pala nilalagnat yung bata, at hindi ito bumababa.
Mukhang dengue na naman ‘to.

VINCE: Napaparami tayo ngayon ‘ah. Sige, salamat. Ako na ang bahala dito.

Pumasok si Vince sa loob ng examination room, ginawa ang mga karaniwan na proseso.

Hindi niya natatandaan si Leah. Dahil sa kalubhaan ng naging dagok sa aksidente,


nagkaroon ng trauma ang kanilang mga utak at hindi na naaalala ang isa’t isa.

Iba ang pintig ng puso ni Vince at pinipili niyang hindi pansinin ito.

Nang matapos ang lahat, napatingin ang mga pagod na mata ni Vince sa naluluhang mga
mata ni Leah.

VINCE: Okay na po, misis. Antayin nalang po natin ang magiging resulta ng mga lab tests. Pero
sa mga sintomas palang, alam ko nang may dengue ang anak niyo, kaso gusto ko parin
manigurado.

Sa unang pagkakataon simula nang pumasok ng emergency room si Leah ay nakitaan


siya ng bakas ng ngiti sa mukha.

LEAH: Salamat, Dok. Medyo napahupa niyo ang loob ko… Pero, um… Sobrang wala sa lugar ng
pagkakatanong ko nito, pero, have we met?

Narinig ang isang mahabang busina, naalala bigla ni Vince ang itsura ng dalawang dilaw
na ilaw, pero hindi na tumuloy ang alaala.

VINCE: I don’t think we did, ma’am. But you do look familiar.

LEAH: I thought so.

Nginitian na lamang ni Vince si Leah at lumabas ng exam room, hindi na muli lumingon.
Samantala si Leah ay nagdasal para sa ikabubuti ng kaniyang anak. Hindi man nila maalala ang
isa’t isa, pero iisa parin ang pintig ng kanilang puso.

THE END

You might also like