You are on page 1of 2

Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto tungo sa Pananaliksik

Baitang at Pangkat : G12-D (9:30-11:30 AM), G12-C (1:00-3:00 PM), G12-B (3:00-5:00 PM)

Proseso sa Pagsulat
1. Bago Sumulat (Prewriting)
- brainstorming
* malayang mag-isip at magtala ng mga kaalaman at karanasan na may kinalaman sa paksa.
* napagpapasiyahan kung ano ang susulatin, ano ang layunin sa pagsulat, at ang estilong gagamitin.
2. Habang Sumusulat (Actual Writing)
- pagsulat ng unang burador (first draft) na ihaharap ng bawat isa sa isang maliit na grupo upang magkaroon ng interaksiyon
kung saan tatalakayin ang mga mungkahing pagbabago o mga puna. Karaniwang tuon dito ang halaga ng paksa, kabuluhan ng pag-
aaral, at lohika sa loob ng sulatin.
3. Pagkatapos Sumulat (Post-Writing)
- Sa bahaging ito, ginagawa ang mga pagbabago sa pamamagitan ng pagdaragdag, pagkakaltas, at paglilipat-lipat ng mga
salita, pangungusap, o talata. Bilang pangwakas na hakbang, pagtutuunan na ang mekaniks ng sulatin tulad ng baybay, bantas at
gramatika.
Sa proseso ng pagsulat, bigyang-pansin ang mga bahagi ng teksto ayon sa sumusunod:
1. Panimula
– ang bahaging ito ay nararapat na maging kawili-wili upang sa simula pa lamang ay mahikayat ang mambabasa na tapusing
basahin ang teksto.
2. Katawan
- sa pagsulat ng bahaging ito, matatagpuan ang wastong paglalahad ng mga detalye at kaisipang nais ipahayag sa akda.
Mahalagang magkaroon ng ugnayan at kaisahan ang mga kaisipang ipinahahayag upang hindi malito ang mambabasa dahil ito ang
pinakamalaking bahagi ng teksto.
a. Pagpili ng organisasyon
b. Pagbabalangkas ng nilalaman
c. Paghahanda sa transisyon ng talataan
3. Wakas
- dapat isaalang-alang ang pagsulat ng bahaging ito upang makapag-iwan ng isang kakintalan sa isip ng mambabasa na
maaaring magbigay buod sa paksang tinalakay o mag-iiwan ng isang makabuluhang pag-iisip at repleksiyon.

Gawaing Pagsulat:
Pumili ng isang pinakamasayang pangyayari sa iyong buhay ngayong taon. Sumulat ng maikling sanaysay hinggil dito.
Sundin ang tinalakay na proseso ng pagsulat at mga bahagi ng teksto. Isulat ito sa isang short bond paper.

Panimula
Dapat na ang panimula ay:
- isang pangungusap na makatawag-pansin
- isang pambungad na salaysay.
Katawan
Dapat na ang katawan ay:
- Pagbabalangkas ng nilalaman (mahahalagang ideya o kaisipan ng mga pangyayari na may wastong pagkakasunod-
sunod)
Wakas
Dapat na ang wakas ay:
- Pag-iiwan ng isang makabuluhang diwa o kaisipan.

Pagsulat ng Abstrak:
Ang abstrak, mula sa salitang Latin na abstracum/ abstractus (drawn away o exract from) Harper, 2016, ay ang maikling buod
ng artikulo o ulat na inilalagay bago ang introduksiyon. Ito ang siksik na bersiyon ng mismong papel. Ipinapaalam nito sa mga
mambabasa ang paksa at kung ano ang aasahan nila sa pagbabasa ng isinulat na artikulo o ulat.
Ito ang karaniwang unang tinitingnan ng mambabasa, kaya maituturing itong mukha ng akademikong papel.
Uri, Kalikasan at Bahagi: Abstrak
Ang uri ng abstrak na iyong isusulat ay nakadepende sa paksa o sa disiplinang kinapapalooban nito.
Sa kabila ng kaiksian ng abstrak, kailangang makapagbigay pa rin ito ng sapat na deskripsiyon o impormasyon tungkol sa
laman ng papel.
Ang bahaging bumubuo sa deskriptibo at impormatibong abstrak ay karaniwang isang pangungusap lamang ngunit may
kalayaan ang manunulat na maging malikhain kung paano niya aayusin ang mga ito.
DESKRIPTIBONG ABSTRAK:
* Inilalarawan sa mga mambabasa ang mga pangunahing ideya ng papel.
* Nakapaloob dito ang kaligiran, layunin at tuon ng papel o artikulo.
* Kung ito ay papel-pananaliksik, hindi na isinasama ang pamamaraang ginamit, kinalabasan ng pag-aaral at kongklusyon.
* Mas karaniwan itong ginagamit sa mga papel sa humanidades at agham panlipunan at sa mga sanaysay sa sikolohiya.
IMPORMATIBONG ABSTRAK:
* Ipinapahayag sa mga mambabasa ang mahahalagang ideya ng papel.
* Binubuod dito ang kaligiran, layunin, tuon, metodolohiya, resulta at kongklusyon ng papel.
* Maikli ito, karaniwang 10% ng haba ng buong papel at isang talata lamang.
* Mas karaniwan itong ginagamit sa larangan ng agham at inhinyeriya o sa ulat ng mga pag-aaral sa sikolohiya.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak:
1. Basahing muli ang buong papel. Habang nagbabasa, isaalang-alang ang gagawing abstrak. Hanapin ang mga bahaging ito:
layunin, pamamaraan, sakop, resulta, kongklusyon, rekomendasyon, o iba pang bahaging kailangan sa uri ng abstrak na
isusulat.
2. Isulat ang unang draft ng papel. Huwag kopyahin ang mga pangungusap. Ilahad ang mga impormasyon gamit ang sariling
salita.
3. Irebisa ang unang draft upang maiwasto ang anumang kahinaan sa organisasyon at ugnayan ng mga salita o pangungusap,
tanggalin ang mga hindi na kailangang impormasyon, magdagdag ng mahahalagang impormasyon, tiyakin ang ekonomiya
ng mga salita at iwasto ang mga maling grammar at mekaniks.
4. I-proofread ang pinal na kopya.
Mahalagang Ideya:
Huwag magpapalinlang. Bagaman maiksi, nangangailangan ng mataas na kasanayan sa pagbasa at pagsulat ang pagbuo ng
abstrak.
Walang halaga ang pag-aaral at kahusayan ng papel kung walang magbabasa nito dahil sa mahinang abstrak.

Upang magkaroon ng ideya kung ano ang abdtrak, maaaring bisitahin ang mga sumusunod na Web site para sa ilang
halimbawa nito:
* http://www.sccur.uci.edu/sampleabstracts.html
* http://www.willamette.edu/cla/ssrd/abstract_examples/
Mga Katangian ng Mahusay na Abstrak:
1. Binubuo ng 200-500 salita.
2. Gumagamit ng mga simpleng pangungusap na nakatatayo sa sarili nito bilang isang yunit ng impormasyon.
3. Kompleto ang mga bahagi.
4. Walang impormasyong hindi nabanggit sa papel.
5. Nauunawaan ng pangkalahatan at ng target na mambabasa.

Subukin ang Natutuhan: Isulat ang sagot sa isang short bond paper
1. Ano ang abstrak?
2. Bakit kailangan ng abstrak?
3. Bakit karaniwang inilalagay sa unahan ng papel ang abstrak?
4. Ano-ano ang mga kaibahan ng impormatibo at deskriptibong abstrak ayon sa nilalaman?
5. Bakit mahalagang basahing muli ang buong papel bago isulat ang abstrak?
6. Paano ilalahad sa abstrak ang mga impormasyong nakuha sa papel?
7. Ano ang kahalagahan ng pagrerebisa ng unang draft ng abstrak?
8. Bakit kailangang gumamit ng mga simpleng salita at pangungusap sa abstrak?
9. Ano-anong mga paghahanda ang gagawin mo upang makalikha ng isang mahusay na abstrak?
10. Paano mo tatayain ang kahusayan ng isusulat mong abstrak?

Pagsulat:
Bumuo ng abstrak mula sa pananaliksik na ginawa sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto tungo sa
Pananaliksik. Isaalang-alang ang mga pamantayan sa pagbuo ng abstrak. Gawin ito sa short bond paper.

Gawain:
Manaliksik ng tiglimang papel-pananaliksik na kuwalitatibo at kuwantitatibo. Tipunin ang mga abstrak nito at paghambing-
hambingin ang pagkakaiba mula sa paksa, nilalaman, implikasyon, at kalikasan o katangian.

You might also like