You are on page 1of 3

SI BASTE AT ANG ASONG SI PANCHO

Malapit ang bahay nina Baste sa daungan kung kaya’t lagi silang namamasyal ni Pancho doon. Mabait
ang aso at parehas silang kilalang-kilala ng mga nagtratrabaho doon.

Halos araw-araw pagkatapos ng klase ay naglalakad sila papunta doon at hinihintay nila ang paglubog ng araw.
Subalit, habang lumilipas ang panahon at nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Baste, wala na siyang oras para
kay Pancho. Marami na rin siyang bagong kaibigan at malimit na silang pumunta sa daungan. Nalungkot is
Pancho sa mga pagbabago sa buhay ng taong tinuturing niyang matalik na kaibigan. Nakapagkatapos ng
kolehiyo si Baste ngunit ibang-iba na ito lalo na noong nakapagtrabaho at nakapagpatayo na ng sarili niyang
bahay. Pumanaw ang tiyo ni Baste bago pa sila lumipat sa bago niyang bahay. Isinama niya si Pancho ngunit
malungkot pa rin ito.

Madalang lang kasi silang makapaglaro. Palaging umaalis ng bahay si Baste o ‘di kaya’y pinupuntahan siya ng
mga kaibigan niya sa bahay niya. Pati pag-uugali niya ay nag-iba na. Isang araw, umuwi ng lasing si Baste.
Naka-tyempo naman na sobrang nananabik si Pancho sa kanya kung kaya’t tumakbo ito patungo sa kanya. Sa di
inaasahang pagkakataon ng aso, tinaboy siya ni Baste. Nagtampo ang kawawang aso. Kinabukasan, pagka
gising ni Baste, wala si Pancho sa bahay nila. Hinanap niya kung saan-saan. Bumalik na rin siya sa dating
nilang bahay ngunit wala ang aso doon. Habang nagmamaneho si Baste palabas ng baryo, doon sumagi sa isip
niya na ibang-iba na talaga ang buhay niya. Naalala niya yung mga panahong makapaglaro lang sila ni Pancho
ay masaya na siya. Napagtanto niya na lubos niyang napag-iwanan ang tanging nandun palagi sa tabi niya
bukod sa tito niya. Bigla niyang naalala ang daungan. Agad-agad siyang pumunta roon.

“Baste! Ang tagal mo na ‘ring hindi pumupunta dito ah, asensado ka na talaga. Nauna pa yung aso mo sa iyo
dito,” sabi ng guwardiya.

Bakas ang saya sa mga mata ni Baste sa narinig niya. Agad-agad siyang pumunta sa lugar kung saan palagi
silang umuupo ni Pancho noon at nanunuod ng paglubog ng araw. Doon nakita niya ang matandang aso na
nakaupo ng mag-isa. Lumapit si Baste kay Pancho at hinawakan niya ito na parang nilalambing. Agad naman
humiga ang aso sa mga paa ng binata. Simula noon, palagi na muling naglalaro sina Baste at Pancho.
Bumabalik na rin sila sa mga dati nilang pinupuntahan at inaalala na ng binata ang dati’y simpleng pamumuhay.

MGA TANONG:

1. Ilarawan ang pagkakaibigan nila Baste at ang kanyang alaganga aso.


2. Paano nagging malapit ang loob ni Baste sa asong si Pancho?
3. Anong dahilan ng pagbabago ng ugali ni Baste?
4. Magbigay ng aral na makukuha sa kwento.
5. Kung ikaw ang may akda ng kwento, anong pangalan ang ibibigay mo sa iyong alagang aso?Bakit yun
ang napili mo?

ZAIRA B. MORAL
Ang Bahay Na Bigla Na Lang Nawala Isang Gabi

Nag-iisang anak nina Mang Kanor at Aling Pacita si Jose kung kaya’t ginagawa nila ang lahat para dito.
Nakatira ang maliit na pamilya sa isang baryo sa probinsya ng Santo Tomas. Simula noong ipinanganak si Jose
ay doon na sila tumira. Hindi masyadong malaki ang bahay nina Jose pero palaging malinis ang loob nito
lalong-lalo na ang silid ng nag-iisang anak ng mag-asawa. Kahit hindi man marangya ang pamumuhay nila,
masasabing komportable ang buhay na ibinibigay nina Mang Kanor at Aling Pacita kay Jose. Kaya lang, habang
lumalaki ay tumitigas ang ulo ng kanilang anak.

“Wala pa si Jose? Anong oras na,” sabi ni Mang Kanor. Dali-dali na bumihis ang mag-asawa at naglakat
patungong baryo. Wala na kasing masasakyan na dyip pag sumapit na ang alas diyes ng gabi. Sinundo nila si
Jose sa isang tyangge. “Nagku-kwentuhan lang naman po kami ng mga barkada ko. Wala namang masama
doon, uuwi ako kung hindi man mamaya, e, bukas pag may dyip na,” sabi ni Jose. Walang nagawa ang mag-
asawa. Hinintay nila si Jose malapit sa tyangge na tinatambayan ng grupo niya hanggang magpasya ang
magbabarkada na umuwi. Padabog pa si Jose noong dumating na sila sa bahay nila habang ang ama’t ina niya
ay pagod kakalakad.

Nagpatuloy ang ganung ugali ni Jose. Palagi siyang sinasabihan ng mga magulang niya na umuwi agad
pagkatapos ng klase pero wala ito sa kanya hanggang isang gabi ay dumating ang hindi niya inaasahan.
Mag-aalas onse na ng gabi nang dumating si Jose sa kanila. Malayo pa lang ay tanaw na niya ang mga ka-baryo
nila na nagsisitakbuhan papunta sa kanilang bahay na may bitbit na balde.

“Jose ang bahay niyo nasusunog,” sigaw ni Mang Tonyo, ang karpentero na nakatira malapit sa kanila. Natulala
si Jose. Naalala niya ang bilin ng mga magulang niya na umuwi ng maaga at nami-miss na nilang maghapunan
kasama siya. Pumatak ang luha niya ng hindi niya namamalayan. Madaling-araw na ng naapula ang apoy. Halos
kusina na lang nina Jose ang natira. Hindi na rin makilala ang katawan ng mga magulang niya. Natagpuan ang
mga ito sa kanilang hapag-kainan. “Tay, Nay patawad,” ang nasabi ni Jose sa harap ng mga bangkay ng
magulang niya bago siya nagsimulang humagulgol.

MGA TANONG

1. Sinu- sino ang mga pangunahing tauhan sa kwento?


2. Sa iyong palagay, bakit nawala ang bahay na tinutukoy sa kwento?
3. Ilarawan ang bahay nila Jose.
4. Ano ang dahilan ng pagkasunog ng bahay nila Jose?
5. Magbigay ng aral na makukuha sa kwento.

ANGEL L. REVILLAS
“Si Juan Na Laging Wala Sa Klase”

Si Juan Franciso ay anak ng mayamang mag-asawa. Pagmamay-ari ng ama niya ang pinaka-malaking hacienda sa
baryo nila. Isa namang simpleng maybahay ang ina niya, hindi na nito kailangang magtrabaho sa dami ng pera nila. Dahil
nag-iisa siyang anak ng mayamang mag-asawa, kampante si Juan na hinding-hindi na siya mamumulubi hanggang sa
pagtanda niya. Ito ang dahilan kung bakit tamad siya mag-aral. “Hindi ko naman kailangan gumradweyt, e, hindi ko na
nga kailangan mag-aral sa dami ng pera niyo ni daddy,” palaging katwiran ni Juan tuwing pinapagalitan ng ina dahil sa
hindi pagpasok sa klase niya. Nagpatuloy ang hindi kaaya-ayang gawain ni Juan. Kahit guro niya ay pinupuntahan na siya
sa bahay nila upang kamustahin kung bakit wala siya sa klase.
“Anak, kailangan mong mag-aral. Ang pinag-aralan ang tanging bagay na hinding-hindi makukuha sa iyo nino
man,” sabi ng ina ni Juan pagka-alis ng guro niya. Hindi na mabilang-bilang ang mga pagkakataong pinuntahan siya ng
guro niya sa bahay nila. Ngunit, talagang tamad si Juan. Mas gugustuhin pa niyang lumiban sa klase at maglaro sa
kompyuter or mamasyal kasama ang barkada. Isang araw, habang naglalaro ng kompyuter si Juan at kaibigan niyang si
Pedro sa kwarto niya, may narinig siyang isang malakas na sigaw ng ina niya.
“Juan! Juan! Ang daddy mo,” sabi ng ina ng batang tamad mag-aral. Inatake sa puso ang ama ni Juan. Sinundan ito ng
iba’t ibang komplikasyon. Halos dalawang buwan na nakaratay ang daddy niya sa ospital bago ito pumanaw. Pati yung
hacienda na pagmamay-ari nila ay naibenta pambayad sa gastusin sa ospital. “Anak, sa darating na pasukan, kailangan
mong lumipat ng eskwelahan. Hindi na natin kakayanin yung bayarin sa pribadong paaralan diyan sa baryo,” malungkot
ng sabi ng ina ni Juan sa kanya. Naghirap silang mag-ina. Maraming pagkakataon na kinailangan ni Juan na pumunta sa
paaralan na walang laman ang tiyan o ang bulsa niya. Doon niya napagtanto na kung sana e nag-aral siya ng mabuti eh
gradweyt na siya sa kolehiyo at makakatulong na sa ina niya. Mas bata sa kanya ang mga kaklase niya at ang mga kasing-
edad niya naman ay nagtatrabaho na. Labis ang panghihinayang ni Juan sa mga nasayang na panahon ngunit wala na
siyang magagawa. “Kung sana pinahalagahan ko na noon pa ang pag-aaral ko, ‘di sana hindi na nahihirapan si Mama
maglabada,” ang pagsisisi na laging bumubungad sa kanya sa tuwing makikita ang ina na hirap na hirap makakain lang
sila.

MGA TANONG:
1. Ilarawan ang pamumuhay ni Juan Francisco.
2. Sa iyong palagay, ano ang dahilan ng hindi pagpasok ni Juan Francisco sa klase?
3. Anong hindi magandang pag- uugali ang hindi dapat tularan ng mga kabataan ngayon?
4. Anong aral ang maaaring makuha mula sa kwento?
5. Kung ikaw ang may akda ng kwento, Paano mo wawakasan ang kwento?

EZRHA JERMAINE L. DAGSALIO

You might also like