You are on page 1of 13

Maikling Kwento Tungkol Kay Pepe at sa Bato ni Lola

Pacing
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol kay Pepe at sa bato ni Lola Pacing.

Nasa ikatlong baitang si Pepe noong lumipat sila ng lola niya sa probinsya ng Habajan.
Ito’y pagkatapos kinuha na ng may-ari ang lupain kung saan dati silang nakatira ng
kanyang Lola Pacing.

Ulila na sa ama at ina si Pepe. Bata pa lamang siya noong namatay ang kanyang ina.
Sinundan naman ito ng pagkamatay ng kanyang ama pagkalipas ng isang taon kung
kaya’t laking lola talaga ang bata na ito.

Subalit, hindi maikakaila na sabik sa pagmamahal ng ibang tao si Pepe. Tanging si Lola
Pacing lang kasi ang nagpakita ng pagmamahal sa iya. Yung iba, kinukutya pa yung
itsura niya, ang malaking nunal sa ilong niya.

“Pepe pangit labas ka diyan laro kayo ng mga kalabaw sa sapa,” sigaw ni Fredo, isa sa
mga pangunahing nangungutya sa apo ni Lola Pacing.

Halatang nagagalit na si Pepe minsan. Parang akmang iiyak siya o lalabas at papatikimin
si Fredo sa mukha.
“Huwag kang lumabas, batuhin mo siya mula rito sa loob,” payo ni Lola Pacing kay
Pepe.

Nagulat si Pepe sa sinabi ng lola niya. Tinanong niya ulit ito kung pwede lang ba na
batuhin si Fredo at ang mga kaibigan nito.

“Pwede mo silang batuhin basta pandesal lang iyong ibato mo,” pagdudugtong ng


kanyang lola sabay ngiti.

Sinunod ni Pepe ang payo ng lola niya. Kinuha niya yung tatlong pandesal sa mesa nila at
ibinato kina Pepe at mga kaibigan niya.

“Aray! Ba’t mo kami bina… Pandesal pala ‘kala ko bato. Sabi ko na nga ba hindi ka
lang pangit, duwag ka pa,” sigaw ni Fredo habang nginunguya ang pandesal.

Araw-araw bumabalik sina Fredo at mga kaibigan niya sa bahay nina Pepe at Lola
Pacing. Araw-araw din silang binabato ng pandesal na siyang nagiging agahan nila.
“Lola mukha naman pong ayaw talaga nina Fredo at ng mga kaibigan niya na tumigil sa
pangungutya sa akin,” sabi ni Pepe sa lola niya isang gabi.

“Huwag kang mag-alala apo, matatauhan rin ang mga iyan at titigil rin o kakaibiganin
ka. Basta pangako mo sa akin, kahit anong mangyari, hindi ka mananakit ng
kapwa,” paalala ni Lola Pacing sa apo niya.

Isang araw, habang sumisigaw ang grupo nina Fredo sa labas ng bahay nina Pepe, nakita
nang isang grupo rin ng kabataan na binato sila ng pandesal. Ang grupo na iyon ay siya
ring kinakatakutan ng grupo nina Fredo.

“Hoy Fredo, ang sama niyo talaga. Kayo na nga ‘tong binibigyan ng pagkain, inaaway
niyo pa siya. Kung ganyan rin lang ang gagawin sa taong walang kasalanan sa inyo,
huwag na kayong pumunta rito,” pagalit na sabi ni Kulas kay Fredo.

Nakaramdan ng takot at hiya si Fredo at ang mga kaibigan niya. Naalala nila yung mga
panahon na ipinagtanggol rin sila ng grupo ni Kulas sang ibang mga tao.

“Patawad Kulas, simula ngayon, hindi na namin aawayin si Pepe,” sambit ni Fredo.

Isang araw, nagulat na lang si Pepe na lumipas ang umaga ng walang sumisigaw at
nangungutya sa kanya sa labas ng bahay nila. Sa ‘di inaasahan, may kumatok sa pintuan
nila. Noong buksan, si Fredo pala at mga kaibigan niya.

“Patawad Pepe sa mga kasalanan namin sa ‘yo. Ngayon kami naman ang bumili ng
pandesal para sa inyo ng lola mo. Tanggapin mo sana ito,” sabi ni Fredo.

Nagulat si Pepe sa ginawa ni Fredo at ng mga kaibigan niya ngunit masayang-masaya


siya. Tinanggap niya at ito sa niyaya silang sumabay sa kanila ni Lola Pacing sa pagkain.

“Iba talaga ang bato ni Lola,” napa-isip ang batang walang mapagsidlan ng tuwa niya sa
pagkakaroon ng mga kaibigan.

Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:

 Gumawa ng mabuti sa kapwa kahit na anong mangyari


 Sumunod sa payo ng mga nakakatanda
 Laging pahalagahan ang utang-na-loob sa mga taong tumulong sa iyo
 Huwag mawalan ng pag-asa
 Palaging piliin ang tama
Maikling Kwento Tungkol Kay Juan Na Laging Wala Sa
Klase
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Juan na laging wala
sa klase.

Si Juan Franciso ay anak ng mayamang mag-asawa. Pagmamay-ari ng ama niya ang


pinaka-malaking hacienda sa baryo nila. Isa namang simpleng maybahay ang ina niya,
hindi na nito kailangang magtrabaho sa dami ng pera nila.

Dahil nag-iisa siyang anak ng mayamang mag-asawa, kampante si Juan na hinding-hindi


na siya mamumulubi hanggang sa pagtanda niya. Ito ang dahilan kung bakit tamad siya
mag-aral.

“Hindi ko naman kailangan gumradweyt, e, hindi ko na nga kailangan mag-aral sa dami


ng pera niyo ni daddy,” palaging katwiran ni Juan tuwing pinapagalitan ng ina dahil sa
hindi pagpasok sa klase niya.

Nagpatuloy ang hindi kaaya-ayang gawain ni Juan. Kahit guro niya ay pinupuntahan na
siya sa bahay nila upang kamustahin kung bakit wala siya sa klase.
“Anak, kailangan mong mag-aral. Ang pinag-aralan ang tanging bagay na hinding-hindi
makukuha sa iyo nino man,” sabi ng ina ni Juan pagka-alis ng guro niya.
Hindi na mabilang-bilang ang mga pagkakataong pinuntahan siya ng guro niya sa bahay
nila. Ngunit, talagang tamad si Juan. Mas gugustuhin pa niyang lumiban sa klase at
maglaro sa kompyuter or mamasyal kasama ang barkada.
sang araw, habang naglalaro ng kompyuter si Juan at kaibigan niyang si Pedro sa kwarto
niya, may narinig siyang isang malakas na sigaw ng ina niya.

“Juan! Juan! Ang daddy mo,” sabi ng ina ng batang tamad mag-aral.

Inatake sa puso ang ama ni Juan. Sinundan ito ng iba’t ibang komplikasyon. Halos
dalawang buwan na nakaratay ang daddy niya sa ospital bago ito pumanaw. Pati yung
hacienda na pagmamay-ari nila ay naibenta pambayad sa gastusin sa ospital.
“Anak, sa darating na pasukan, kailangan mong lumipat ng eskwelahan. Hindi na natin
kakayanin yung bayarin sa pribadong paaralan diyan sa baryo,” malungkot ng sabi ng
ina ni Juan sa kanya.

Naghirap silang mag-ina. Maraming pagkakataon na kinailangan ni Juan na pumunta sa


paaralan na walang laman ang tiyan o ang bulsa niya. Doon niya napagtanto na kung sana
e nag-aral siya ng mabuti eh gradweyt na siya sa kolehiyo at makakatulong na sa ina
niya.

Mas bata sa kanya ang mga kaklase niya at ang mga kasing-edad niya naman ay
nagtatrabaho na. Labis ang panghihinayang ni Juan sa mga nasayang na panahon ngunit
wala na siyang magagawa.

“Kung sana pinahalagahan ko na noon pa ang pag-aaral ko, ‘di sana hindi na
nahihirapan si Mama maglabada,” ang pagsisisi na laging bumubungad sa kanya sa
tuwing makikita ang ina na hirap na hirap makakain lang sila.
Ang Maikling Kwento ni Baste at ng Aso niyang si
Pancho
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Baste at sa aso niyang
si Pancho.

Si Baste ay ulila na sa ama at sa ina. Namatay ang nanay pagkatapos manganak sa kanya
at ang ama niya naman ay pumanaw noong siya walong taong gulang pa lamang.
Ang tiyuhin ni Baste ang nagpalaki sa kanya. Kasama niyang lumaki ang asong
pinangalanan niyang Pancho. Bigay ito ng tiyuhin niya sa kanya noong magtapos siya sa
sekondarya.
Matalino si Baste, gayundin si Pancho. Mula noong tuta pa lamang ito hanggang umabot
ng dalawang taon, si Baste ang lagi niyang kalaro. Hindi rin mabarkada ang noo’y nasa
ikalawang taon sa kolehiyo na binata.
Malapit ang bahay nina Baste sa daungan kung kaya’t lagi silang namamasyal ni Pancho
doon. Mabait ang aso at parehas silang kilalang-kilala ng mga nagtratrabaho doon.
Halos araw-araw pagkatapos ng klase ay naglalakad sila papunta doon at hinihintay nila
ang paglubog ng araw.
Subalit, habang lumilipas ang panahon at nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Baste, wala
na siyang oras para kay Pancho. Marami na rin siyang bagong kaibigan at malimit na
silang pumunta sa daungan.

Nalungkot is Pancho sa mga pagbabago sa buhay ng taong tinuturing niyang matalik na


kaibigan. Nakapagkatapos ng kolehiyo si Baste ngunit ibang-iba na ito lalo na noong
nakapagtrabaho at nakapagpatayo na ng sarili niyang bahay.

Pumanaw ang tiyo ni Baste bago pa sila lumipat sa bago niyang bahay. Isinama niya si
Pancho ngunit malungkot pa rin ito.
Madalang lang kasi silang makapaglaro. Palaging umaalis ng bahay si Baste o ‘di kaya’y
pinupuntahan siya ng mga kaibigan niya sa bahay niya. Pati pag-uugali niya ay nag-iba
na.

Isang araw, umuwi ng lasing si Baste. Naka-tyempo naman na sobrang nananabik si


Pancho sa kanya kung kaya’t tumakbo ito patungo sa kanya. Sa di inaasahang
pagkakataon ng aso, tinaboy siya ni Baste.

Nagtampo ang kawawang aso. Kinabukasan, pagka gising ni Baste, wala si Pancho sa
bahay nila. Hinanap niya kung saan-saan. Bumalik na rin siya sa dating nilang bahay
ngunit wala ang aso doon.

Habang nagmamaneho si Baste palabas ng baryo, doon sumagi sa isip niya na ibang-iba
na talaga ang buhay niya. Naalala niya yung mga panahong makapaglaro lang sila ni
Pancho ay masaya na siya.

Napagtanto niya na lubos niyang napag-iwanan ang tanging nandun palagi sa tabi niya
bukod sa tito niya. Bigla niyang naalala ang daungan. Agad-agad siyang pumunta roon.

“Baste! Ang tagal mo na ‘ring hindi pumupunta dito ah, asensado ka na talaga. Nauna
pa yung aso mo sa iyo dito,” sabi ng guwardiya.

Bakas ang saya sa mga mata ni Baste sa narinig niya. Agad-agad siyang pumunta sa lugar
kung saan palagi silang umuupo ni Pancho noon at nanunuod ng paglubog ng araw. Doon
nakita niya ang matandang aso na nakaupo ng mag-isa.

Lumapit si Baste kay Pancho at hinawakan niya ito na parang nilalambing. Agad naman
humiga ang aso sa mga paa ng binata.

Simula noon, palagi na muling naglalaro sina Baste at Pancho. Bumabalik na rin sila sa
mga dati nilang pinupuntahan at inaalala na ng binata ang dati’y simpleng pamumuhay.

Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong
reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng
komento.

Ang Maikling Kwento Tungkol kay Tikboy at sa


Dalawang Duwende
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol sa batang si Tikboy at sa dalawang
duwende na kasama nila sa kanilang bahay.

Nabiyayaan ng dalawang anak na lalake ang mag-asawang Tony at Ninfa Cruz. Sila ay
sina Charles Cruz na ang palayaw ay si Tikboy at si Tony Cruz Jr. na Junior naman kung
tawagin ng kanyang mga magulang at kamag-anak.
Siyam na taong gulang si Tikboy habang si Junior ay pitong-taong gulang. Katamtamang
estado ng pamumuhay ang mayroon ang pamilya Cruz.

Isang ahente sa isang kilalang kompanya ang padre de pamilya at mayroon rin silang
maliit na tyangge sa tindahan. Si Ninfa ang namamahala sa kanilang maliit na negosyo.

Naging maganda ang takbo ng trabaho ni Tony at umunlad rin ang kanilang negosyo sa
tindahan kung kaya’t nakabili sila ng sarili nilang bahay. Subali’t hindi nila alam na may
mga nakatira na pala rito bago pa sila lumipat rito.

Sa bago nilang bahay, may sarili nang kwarto sina Tikboy at Junior. Ngunit hindi roon
natutulog ang bunso dahil nakakatakot raw. May mga maliliit raw na naglalakad sa sahig
nila tuwing gumigising siya kung madaling araw.
Binalewala ito ng mga mag-asawa. Baka raw nasobrahan lang sa panonood ng TV ang
bunsong anak nila. Si Tikboy naman walang ibang ginawa kundi maglaro buong araw.

Isang araw, malapit na ang pinal na pagsusulit nila ni Tikboy sa paaralan at pinapa-aral
siya ng ina niya. Binilin sa kanya na mag-aral siya sa kwarto niya at dadalhin ng mama
niya si Junior upang hindi siya kulitin nito.

Sumang-ayon si Tikboy sa bilin ng mga magulang niya ngunit pag-alis nila, ni-lock niya
ang kwarto niya at naglaro maghapon sa loob. Wala siyang ibang ginawa kundi maglaro
ng kompyuter at ng mga laruang bigay ng Tito niya.

Alas-sais na ng hapon ng makauwi ang mag-asawa at si Junior sa bahay nila. Noong


marining ni Tikboy ang tunog ng sasakyan, dali-dali niyang niligpit ang mga laru-an niya
at inilabas ang mga libro niya.

“Ang very good naman ng anak ko, sigurado perfect mo yung test niyo,” sabi ng mama
niya noong madatnan siyang nakayuko sa libro at nagbabasa.

Masayang silang naghapunan ngunit walang ka-alam alam sina Tony at Ninfa na hindi
talaga nag-aral ang anak nila. Kinabukasan, ganun ulit yung nangyari.
Ngunit bago nakapagsimulang maglaro si Tikboy, napansin niyang nawawala ang mga
paborito niyang laruan sa spiderman. Hindi niya ito makita kung kaya’t naglaro na
lamang siya ng kompyuter.
Pag-uwi ng Papa, Mama, at kapatid niya, papuri na naman ang nakuha niya sa mga
magulang niya. Naulit nang naulit iyon hanggang sa natapos ang araw ng pagsusulit.
Paglabas ng grado, hindi pumasa si Tikboy.

Pag-uwi nila sa bahay, laking gulat ni Tikboy na kakaunti na lang ang laruan sa kwarto
niya. Hinanap niya at noong buksan niya yung aparador, laking gulat niya ng may nakita
siyang nakaupo rito – dalawang duwende.

“Hindi ka pumasa siguro noh? Laro lang kasi inatupad mo,” sabi ng isang duwende.

“Hindi ka man lang nakinig sa bilin ng papa at mama mo. Dahil diyan, isusumbong ka
namin sa kanila,” sabi ng isa pang duwende.

Tumakbo palabas si Tikboy at nagsumbong sa mga magulang niya. Ngunit, hindi siya
pinaniwalaan ng mga ito. Bukod sa hindi siya pumasa, nalaman nila mula sa titser ni
Tikboy na hindi naman talaga siya nakikinig sa klase.

Sa tingin nina Tony at Ninfa ay umiiwas lang ang anak nila na mapagalitan. Walang
magagawa si Tikboy kundi bumalik sa silid niya. Takot na takot siya kung kaya’t nagtago
siya sa ilalim ng kumot niya.

“Hoy Tikboy labas ka diyan, laro tayo!” sabi ng isang duwende.

“Laro tayo! ‘Di ba yan lang ang gusto mo, hindi ka nga nag-aral kakalaro!” dagdag ng
isa pang duwende.

Noong madaling araw na, nagkaroon ng kakaunting lakas ng loob si Tikboy. Inalis niya
yung kumot at tiningnan ang paligid niya. Nakita niyang nakaupo ang dalawang duwende
at dilat na dilat na nakatingin sa kanya.

“Huwag kang matakot sa amin. Hindi kami masama. Nais lang namin na gawin mo yung
tama, sundin mo yung mga magulang mo,” sabi ng isang duwende na mukhang awang-
awa na sa takot na bata.

“Talaga? Iiwan niyo na ako dito pag sinunod ko sina Mommy at Daddy?” tanong ni
Tikboy sa dalawang duwende.
“Oo, basta’t mag-aral ka na at huwag magsisinungaling dahil kung hindi, mawawala
talaga lahat ng laruan mo ng tuluyan,” sabi ng isa.

“At isusumbong ka namin sa mga kapwa namin para marami tayo rito sa silid
mo,” pananakot ng isa pang duwende.

Bumalik si Tikboy sa pagtatalukbong ng kumot at nakatulog siya. Kinabukasan, hindi na


niya nakita ang dalawang duwende ngunit hindi niya nakakalimutan ang mga sinabi nito
kung kaya’t naging masunuring bata na siya nandiyan man o wala ang mga magulang
niya.

Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:

 Pahalagahan ang utos ng ating mga magulang


 Huwag magsinungaling o manloko ng ibang tao lalong-lalo na ang mga
magulang natin
 Gabayan ang mga bata sa kanilang pag-aaral
 Pahalagahan ang pag-aaral
Ang Maikling Kwento Tungkol sa 12 Kahilingan ni
Benny sa Pasko
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol sa 12 kahilingan ni Benny sa
Pasko.

Anak ng mayamang mag-asawang Lopez si Benny o Bennington Lopez. Dahil nag-iisang


anak, lahat ng luho ng pitong taong gulang na bata ay agad na ibinibigay. Ngunit hindi
siya katulad ng ibang mayamang bata.
Malimit kung may hingin si Benny sa mga magulang niya at kung mayroon man ay
ipinapasabi niya na lang ito sa drayber nila. Kadalasan kasi ay wala ang daddy at mommy
niya sa mansyon nila. Parehong strikto ang mga magulang ng bata.

Madalas ay mag-isang naglalaro si Benny. Minsan ay lumalabas rin siya ng bahay


kasama ang yaya niya at nakikipaglaro sa mga bata sa kalye ngunit pagdating na
pagdating ng mga magulang niya ay ipinapapasok siya agad.

“Mommy, pwede po bang mag-imbita na lang ako ng mga bata dito sa bahay para
makapaglaro kami?” tanong ni Benny sa ina niya.

Bigo si Benny sa kahilingan niya. Nagbilin rin ang mommy niya sa yaya niya na huwag
siyang papalabasin upang makipaglaro sa mga bata sa kalye.

Sinabi ng mommy ni Benny sa bata na hintayin niya na lang na dumating mula abroad
ang mga pinsan niya at sila ang magiging kalaro niya. Dalawang buwan pa bago ito
mangyari at mauuna pang dumating ang kaarawan niya.
Lumipas ang mga araw na nag-iisang naglalaro si Benny. Isang umaga, awang-awa na
talaga ang kanyang Yaya Piling sa kanya at niyaya siyang lumabas ng bahay. Hinayaan
siya ng yaya niyang maglaro sa mga kaibigan niya.

Pagkatapos nilang maglaro, bumili rin sila ng pagkain at binigyan rin nila ang mga
batang kalye. Sa di inaasahang pagkakataon, maagang umuwi ang daddy ni Benny.
Pagpasok nila ng mansyon ay nakaupo na ito sa sala.

“Saan kayo galing? Di ba sinabi sayong huwag dalhin si Benny sa labas?” tanong ng


daddy ng bata kay Yaya Piling.

Hindi na nagpaliwanag ang matanda at kusa na lang itong humingi ng patawad. Si Benny
naman ay pinagalitan ng daddy niya.

“Lahat na lang ng laruan na gusto mo ibinibigay ko, hindi ka pa makuntento. Umakyat


ka sa kwarto mo at bawal ang panonood ng TV,” sigaw ng ama ng bata sa kanya.
Kinabukasan, walang Yaya Piling na gumising kay Benny upang yayain siyang mag-
agahan na. Nakaalis na rin ang mommy at daddy niya pagka gising niya. Ang sabi ng
drayber sa kanya, pinauwi na raw ang yaya niya sa kanila.

Nalungkot at umiyak si Benny. Buong linggo, ang mga katulong at drayber lang nila ang
kasama niya sa bahay sapagkat may business trip ang mga magulang niya.

Isang hapon, habang naglalaro si Benny sa harden nila ay may nakita siya aso malapit sa
gate nila. Mukhang gutom ito at may sugat pa sa mukha. Awang-awa, binuksan niya ang
gate at pinapasok ito.

Patagong dinala ni Benny sa kwarto niya ang aso. Kumuha rin siya ng pagkain sa kusina
nila at ibinigay ito sa aso na agad naman nitong kinain.

“Simula ngayon ikaw na si Bruno. Kain ka lang, maglalaro tayo mamaya,” sabi ng bata
sa aso habang nasa ulo nito ang kamay niya.

Isinara ni Benny ang pinto ng kwarto niya at naglaro sila ni Bruno maghapon. Walang
kaalam-alam ang mga yaya nila na may aso siyang kasama sa loob. Pagkatapos ng
tatlong araw ay nakauwi na ang mga magulang niya.

Sa pananabik ni Benny sa daddy at mommy niya ay nakalimutan niyang isara ang pinto
noong lumabas siya. Sumunod sa kanya si Bruno at nakita ito ng mga magulang niya.
Nagalit ang daddy ni Benny at sinigawan siya nito. Inawat ng mommy niya ang daddy
niya at sinabihan ang bata. Agad-agad na ipinalabas si Bruno sa mansyon. Doon siya
itinali sa labas ng gate.

Pagkalipas ng isang linggo ay kaarawan na ni Benny. May malaking selebrasyon at


maraming bisita ngunit wala ang kanyang mga magulang. May biglaang inasikaso ang
mga ito sa negosyo nila sa ibang bansa.

Kahit ang dami-dami ng pumunta sa kaarawan niya, malungkot pa rin si Benny dahil
wala ang daddy at mommy niya. Pagkatapos ng selebrasyon ay agad siyang pumunta sa
kwarto niya at hindi na lumabas.

Pagkalipas ng isang linggong bakasyon ay balik eskwela na si Benny. Hinatid siya ng


drayber nila sa paaralan. Noong papunta sila roon, nangyari ang hindi inaasahan. Isang
aksidente ang tumapos sa buhay ng pitong taong gulang na bata.

Agad-agad na umuwi ang kanyang mga magulang at hindi makapaniwala sa nangyari.


Labis silang nalungkot at yung lungkot ay nahaluan ng pagsisisi pagkatapos inabot ng
isang kasambahay nila ang papel na nakuha sa bulsa ni Benny.

Ang papel na iyon ay naglalaman ng mga kahilingan ng nag-iisa nilang anak sa Pasko.

1. Sana po magkaroon na ng oras sina Daddy at Mommy sa akin.


2. Sana po mapabalik sa trabaho si Yaya Piling.
3. Mabigyan po sana ng mga laruan at pagkain ang aking mga kaibigan.
4. Sana po maging mabait na si Daddy sa akin.
5. Sana po hahayaan na ako ni Mommy na makipaglaro sa mga kaibigan ko sa labas.
6. Pumayag na sana po si Mommy na papasukin ang mga kaibigan ko sa bahay namin.
7. Sana po papasukin na sa mansyon si Bruno.
8. Sana pakainin po namin si Bruno at maging busog at masaya siya.
9. Makapagpahinga rin po sana ang aking mga magulang. Lagi na lang po silang abala.
10. Sana papupuntahin ni Mommy ang mga bata sa labas sa birthday ko.
11. Hindi na sana umalis sina Daddy at Mommy tuwing birthday ko.
12. Sana po maging katulad rin kami ng ibang masasayang pamilya.

Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:

 Maglaan ng oras para sa pamilya


 Huwag magpapadala sa galit
 Maging mabait sa ibang tao sa kabila ng pagkakaiba ng estado sa buhay

You might also like