Alamin natin kung ano ang pagkakatulad nito. Sinasang-ayunan mo ba ang paghahambing na ito?
Sa unang malas, katawa-tawa kundi man
kataka-takang paghambingin ang buhangin at ang tao.
Hindi maaaring magawa o matangka ang
paghambingin ang iyon, masasabi natin. At maidaragdag pa, ang buhangin ay walang iwing buhay gaya ng tao. Ang buhangin ay walang isip; ang tao ay mayroon.
At kaugnay nito’y pataka nating
maitatanong: makalilikha baga ng explorer at sputnik ang buhangin?
Saka susundan ng ganito: Ang buhangin
ba’y maaaring maging lapastangan sa kanilang magulang, tulad ng ilang sibol na kabataan ngayon?
Pagkunwa’y wawakasan nang paganito: Ang
buhangin ba’y iniluluwal ng isang ina gaya ng pagluwal sa isang sanggol? Marami pa tayong maidaragdag na mga patibay na pader na haharang sa anumang pagtatangkang paghambingin ang buhangin at ang tao. Walang butas na maaaring daanan sa pagtatangkang yaon. Marahil ay wala ngang butas, ngunit sa unang malas lamang.
Sapagkat kung pakasusuriin ang tinutungkol
sa daigdig na ito ng buhangin at ng tao ay hahanga tayo sa isang kongklusyon o katuusang ang mga iyon ay may pagkakatulad sa mga ginagampanang papel. Halos araw-araw, tayo’y nakakakita ng mga gusaling mababa at mataas – mga gusaling konkreto. Ngunit hindi natin gaanong pansin ang mga ito. Ano ang sukat mapansin sa mga iyon, maitatanong natin?
Wala, maliban kung sinaisip natin ang
katanungang: Paano nabuo ang gusaling iyon?
At sa isip natin ay magkakaanyo ang
larawan ng isang gusaling minsang naparoonan natin. Pawang nasasangkapan iyon ng semento: sahig, tabiki, kisame. Ngunit ano-ano ang bumubuo sa sementong iyan?
Saka lamang natin magugunita: Buhangin.
Maliwanag na ngayon ang naging bahagi ng
buhangin – ng mumunting buhangin – sa pagtatayo ng mga gusali, ng nagtatayugang gusali. At hindi lamang mga gusali. Maiisip din natin ang nangatayong mga moog, bantayog, palasyo. Naging bahagi rin ang buhangin sa pagtatayo ng mga iyon.
At ganyan, humigit-kumulang ang tao sa
kanyang pagtatayo o pagbubuo ng isang bansa. Sapat nang magunita natin ang mga Rizal, Bonifacio, Quezon, Roxas at iba pa; upang magkaanyo sa ating isip – tulad ng pagkakaanyo ng mga gusali sa ating isip sa pagkagunita natin sa buhangin – ang pagkakatindig ng isang Republika sa dakong ito ng daigdig – ang Pilipinas.
Ang mga nilikhang ito ay mahahalagang
butil “buhanging” naging makabuluhang sangkap sa pagtatayo ng isang bansa.
Nakagawa na tayo ng paghahambing, nang
walang pag-aalinlangan. At may ilang paghahambing pang magagawa. Kung minsan, may buhanging tikis na hindi napapasangkap sa sementong ginagamit sa pagtatayo ng gusali; gaya rin ng di-iilang nilikha, sa pagtatayo ng isang bansa.
Ang buhanging iyo’y nasa ilang hindi abot-
tanaw ng nangangailangan; tulad din ng mga nilikhang nagkakasya na lamang sa pagiging walang halaga.
Ang buhanging pumupuwing sa atin at
nagdudulot sa atin ng pagkainis at pagkapoot ay maitutulad sa mga taong hindi na nakatutulong sa mga mamamayan ay nakukuha pang magsamantala sa mga ito. Ang mga yao’y ang ilang pinunong- bayang nagsasamantala sa kanilang katungkulan; mga Pilipinong may isipang- alipin tungkol sa sariling kalinangan, sa sariling wika, sa pagka-Pilipino. Sila’y matatawag na buhanging “puwing” ng sambayanan sa lumang kalakaran n gating lipunan.
Marahil, sa ilang mahahalagang katibayang
sinasabi ay matatanggap natin ang buhangin (walang buhay at isip at ina) at ang tao (may buhay at isip at ina) ay maaaring paghambingin, bagaman at sa ilan lamang kabagayan. Ngayon ay maitatanong natin sa sarili:
Ako kaya’y “buhanging” napasangkap o
napapasangkap na sa pagbuo ng aking bayan, o ako’y isang “puwing”?