You are on page 1of 4

HALIMBAWA 1

Isang araw, habang naglalakad akong papunta sa eskuwelahan, may narinig akong nagsisigaw
ng “Snatcher! Snatcher!” At bigla na lamang na may bumangga sa akin. Isang batang lalaki,
mga 13-taong gulang at mahigpit ang hawak sa tangan-tangang bag. Hinawakan ko siya sa
dalawang balikat habang nagpupumiglas. Bigla akong napatitig sa kanyang mga mata, natigilan
ako, dahil bigla kong naalaala ang batang si Nicolas.

Noong una kong nakilala ang batang si Nicolas ay 10 taon lamang siya. Nag-aaral, masunurin
at masayahin. Subalit nang huli ko siyang makita ay nalaman kong may tatlong taon na palang
patay ang kanyang ama. Huminto siya sa pag-aaral dahil hindi raw kaya ng kanyang ina na
pag-aralin pa silang magkakapatid. Noon niya naisipan ang magtinda ng diyaryo. Nagbarkada
at naging laman ng kalye sa buong maghapon si Nicolas. At ngayon sa murang gulang na 13 ay
marunong nang manigarilyo at uminom ng alak. Natuto na rin siyang mandukot.

Isa lang si Nicolas sa maraming batang lansangan na inyong nakikita. Minsan lahat silay ay
puno ng pangarap sa buhay. Ngunit ngayon, wala na silang pakialam kung ano man ang
kanilang maging kahinatnan. Para sa kanila, wala na ring halaga ang buhay.

Hindi likas na masasama ang mga batang ito; mga biktima lamang ng masamang kapalaran.
May karapatan din silang mabuhay sa ating lipunan upang matupad ang kanilang pangarap at
harapin ang isang magandang kinabukasan.

Halaw sa Makipagtalastasan Tayo 1 nina Milambiling, et al. (1986)

HALIMBAWA 2

Singapore
Matatagpuan ang Republika ng Singapore sa kipot ng Malacca, isang maliit ngunit maunlad na
bansa sa timog-silangang Asya. Ito ay nakakawing sa Malaysia sa pamamagitan ng lansangang
likha ng tao sa ibabaw ng tubig.

Batay sa mga ulat ng Malay, noong 1160 A.D. matapos ang isang bagyo, si Utama (isang
pinunong Malay) ay napagawi sa isang bayan na kung tawagin ay Temasek. Dito ay nakakita
siya ng isang hayop na korteng-leon kaya’t naisipan niyang binyagan ang lugar bilang Singa-
pura o “Lunsod ng Leon”.

Noong 1819, itinatag ni Sir Thomas Stamford Raffles ang makabagong Singapore. Dahil sa
magandang lokasyon ng bansa, hinimok niya ang Britain na bilhin at sakupin ang teritoryo.
Naging bahagi ang Singapore ng Straits Settlements, na noong 1867 ay napaloob bilang
kolonya ng Britain. Sa panahong ito, umunlad ang Singapore bilang isang pangunahing sentro
ng kalakalan at internasyonal na malayang daungan sa pagbubukas ng Suez Canal.

Subalit hindi rin nakaligtas sa pananakop ng mga Hapon ang Singapore. Ang isla ay nasakop
mula 1942 hanggang sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ika – 3 ng Hunyo, 1959 nang magsarili ang Singapore. Apat na taon ang lumipas nang sumali
ang bansa sa Pederasyon ng Malaysia. Subalit nang magkaroon ng mga alitan ng pederasyong
Malay at minoryang Tsino, ang Singapore ay tumiwalag at naging malayang bansa noong ika –
9 ng Agosto, 1965.
Kilala ngayon ang Singapore hindi lamang sa pagiging isang industriyalisadong bansa kundi sa
pagkakaroon din nito ng pinakamalinis na lunsod sa buong mundo.
HALIMBAWA 3
Paano Bumoto sa Automated Election System?

1. Tiyakin na ang pangalan mo ay nasa listahan ng botante sa presinto. Sa araw ng eleksyon,


magpakilala sa presinto. Bibigyan kayo ng balota na may mga pangalan ng mga kandidato at
marker (pangmarka)
2. Gamit ang marker, itiman o i-shade nang buo ang oval na nasa tabi ng pangalan ng inyong
napiling kandidato.
3. Pagkatapos bumuto i-feed ang nasagutang balota sa Precint Count Optimal Scan (PCOS)
Machine.
Bumalik sa Board of Election Inspector (BEI) para lagyan ng indelible ink ang inyong daliri.

HALIMBAWA 4
TUBERKULOSIS

Ang tuberculosis ay sakit dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuberculosis.

May karaniwang sintomas ang TB:


 Lagnat na kadalasang nararamdaman kung tanghali o panahon na
 Pag-ubo na tumatagal ng dalawang (2) linggo o higit pa
 Pambihirang pagpapawis lalo na kung gabi
 Minsan may pag-ubo na may kasamang dugo
 Walang ganang kumain o pangangayayat

Tama ba ang mga paniniwala mo ukol sa Tuberkulosis?


1. Ang tuberkulosis ay hindi namamana. Ang karamdamang ito ay maaaring makuha sa
paglanghap ng hangin na may mikrobyo na mula sa isang pasyenteng may TB. Matagal na
eksposyur ang kinakailangan.

2. Ikaw ay agad na mahahawa ng TB kapag gumamit ng mga bagay tulad ng kubyertos


na ginamit ng mga taong may TB.

Hindi nakakahawa ng TB ang paggamit ng mga bagay tulad ng kubyertos na pagmamay-ari ng


taong may TB. Ang di mainam na nutrisyon ang isa sa mga sanhi ng mas mabilis na pagkapit
ng tuberkulosis.

3. Ang TB ay napakahirap gamutin o di kaya’y wala nang lunas.

Ang TB ay maaaring gamutin at mabigyang lunas. Matagal nang may mga gamot laban sa TB.
Ang gamutan ay maaaring tumagal ng 6 – 9 na buwan. Kailangang tuloy-tuloy inumin ang
gamot at makum

HALIMBAWA 5

Walang patumanggang pagputol ng kahoy sa mga bundok at kagubatan. Pagwawalang-bahala


ng pamahalaan sa iligal na pagkakahoy. Ang hindi pag-uukol ng atensyon sa muling pagpapasibol at
pagtatanim ng mga punungkahoy. Ang ating mga kabundukan ay kalbo na. Nararanasan na natin ang
bunga ng mga gawaing iyon. Ang pagkakaroon ng tagtuyo’t kung katag-arawan at ang malalaking baha
kung tag-ulan.

Kung dumarating ang malalaking baha, lahat ay napipinsala. Ang mga pananim ay nasisira. Ang
mga kalye ay lalong nasisira. Maraming bahay, kasama ang mga kasangkapang nababad, ay baha ang
nagiging sanhi ng pagkabulok at pagkasira. Paralisado ang mga sasakyan, tanggapan, at mga
eskuwelahan. Malungkot isipin at sa palagay ko, dalawang uri lamang ng mamamayan ang natutuwa
kapag may baha. Ang mga estudyante pagkat walang pasok sa eskuwelahan, at ang mga nagtutulak ng
kotse at dyip na nasisiraan sa gitna ng baha.
HALIMBAWA 6

Ang Buhangin at ang Tao


Ni Demeterio N. Espino

May pagkakatulad ang buhangin at ang tao. Alamin natin kung ano ang pagkakatulad nito.
Sinasang-ayunan mo ba ang paghahambing na ito?

Sa unang malas, katawa-tawa kundi man kataka-takang paghambingin ang buhangin at ang
tao.

Hindi maaaring magawa o matangka ang paghambingin ang iyon, masasabi natin. At
maidaragdag pa, ang buhangin ay walang iwing buhay gaya ng tao. Ang buhangin ay walang
isip; ang tao ay mayroon.

At kaugnay nito’y pataka nating maitatanong: makalilikha baga ng explorer at sputnik ang
buhangin?

Saka susundan ng ganito: Ang buhangin ba’y maaaring maging lapastangan sa kanilang
magulang, tulad ng ilang sibol na kabataan ngayon?

Pagkunwa’y wawakasan nang paganito: Ang buhangin ba’y iniluluwal ng isang ina gaya ng
pagluwal sa isang sanggol?

Marami pa tayong maidaragdag na mga patibay na pader na haharang sa anumang


pagtatangkang paghambingin ang buhangin at ang tao.
Walang butas na maaaring daanan sa pagtatangkang yaon. Marahil ay wala ngang butas,
ngunit sa unang malas lamang.

Sapagkat kung pakasusuriin ang tinutungkol sa daigdig na ito ng buhangin at ng tao ay


hahanga tayo sa isang kongklusyon o katuusang ang mga iyon ay may pagkakatulad sa mga
ginagampanang papel.

Halos araw-araw, tayo’y nakakakita ng mga gusaling mababa at mataas – mga gusaling
konkreto. Ngunit hindi natin gaanong pansin ang mga ito. Ano ang sukat mapansin sa mga iyon,
maitatanong natin?

Wala, maliban kung sinaisip natin ang katanungang: Paano nabuo ang gusaling iyon?

At sa isip natin ay magkakaanyo ang larawan ng isang gusaling minsang naparoonan natin.
Pawing nasasangkapan iyon ng semento: sahig, tabiki, kisame.

Ngunit ano-ano ang bumubuo sa sementong iyan?

Saka lamang natin magugunita: Buhangin.

Maliwanag na ngayon ang naging bahagi ng buhangin – ng mumunting buhangin – sa


pagtatayo ng mga gusali, ng nagtatayugang gusali. At hindi lamang mga gusali. Maiisip din
natin ang nangatayong mga moog, bantayog, palasyo. Naging bahagi rin ang buhangin sa
pagtatayo ng mga iyon.

At ganyan, humigit-kumulang ang tao sa kanyang pagtatayo o pagbubuo ng isang bansa.

Sapat nang magunita natin ang mga Rizal, Bonifacio, Quezon, Roxas at iba pa; upang
magkaanyo sa ating isip – tulad ng pagkakaanyo ng mga gusali sa ating isip sa pagkagunita
natin sa buhangin – ang pagkakatindig ng isang Republika sa dakong ito ng daigdig – ang
Pilipinas.

Ang mga nilikhang ito ay mahahalagang butyl “buhanging” naging makabuluhang sangkap sa
pagtatayo ng isang bansa.
Nakagawa na tayo ng paghahambing, nang walang pag-aalinlangan. At may ilang
paghahambing pang magagawa.

Kung minsan, may buhanging tikis na hindi napapasangkap sa sementong ginagamit sa


pagtatayo ng gusali; gaya rin ng di-iilang nilikha, sa pagtatayo ng isang bansa.

Ang buhanging iyo’y nasa ialng hindi abot-tanaw ng nangangailangan; tulad din ng mga
nilikhang nagkakasya na lamang sa pagiging walang halaga.

Ang buhanging pumupuwing sa atin at nagdudulot sa atin ng pagkainis at pagkapoot ay


maitutulad sa mga taong hindi na nakatutulong sa mga mamamayan ay nakukuha pang
magsamantala sa mga ito. Ang mga yao’y ang ilang pinunong-bayang nagsasamantala sa
kanilang katungkulan; mga Pilipinong may isipang-alipin tungkol sa sariling kalinangan, sa
sariling wika, sa pagka-Pilipino. Sila’y matatawag na buhanging “puwing” ng sambayanan sa
lumang kalakaran n gating lipunan.

Marahil, sa ilang mahahalagang katibayang sinasabi ay matatanggap natin ang buhangin


(walang buhay at isip at ina) at ang tao (may buhay at isip at ina) ay maaaring paghambingin,
bagaman at sa ilan lamang kabagayan.

Ngayon ay maitatanong natin sa sarili:

Ako kaya’y “buhanging” napasangkap o napapasangkap na sa pagbuo ng aking bayan, o ako’y


isang “puwing”?

HALIMBAWA 7

Kung iisipin natin ang sitwasyon sa klasrum, mahirap para sa guro at estudyante na gumamit ng
banyagang wika sa paglalahad ng karanasan at mga konkretong halimbawa kaugnay ng mga paksang
tinatalakay sa Siyensa at mas lalo na sa Matematika. Kung kaya’t madalas magreklamo ang estudyante
na hindi niya maintindihan ang tinuturo kaya bagsak ang nakukuha niyang grado. Kailangan ng isang
midyum na komportable ang lahat para maging maayos ang komunikasyon at hindi nagkakaroon ng
kalituhan ang mga mag-aaral dulot ng wikang hindi maintindihan.

Mahirap ipaliwanag sa isang banyagang wika ang kahalagahan ng pagtuturong Matematika na hindi
nahihirapan ang mga estudyante pati narin ang guro. Hindi na kailangang maging teoretikal o isipin ng
malalim dahil simple lang ang argumento para sa promosyon ng Filipino para sa midyum ng pagtuturo.

Bagamat marami ang nanliligaw, halimbawa, na nagpapasikat sa paramihan ng Ingles, aminin nating
Filipino pa rin ang ginagamit natin para malalim na ipahayag ang ating damdamin. Sariling wika pa rin
ang midyum sa mga away at lambing ang nangyayari, pati narin sa panahong kailangan nang tapusin ang
relasyon sa kung anumang dahilan.

Kung kaya’t ganoon din pagdating sa Matematika. Mahirap para sa isang estudyante ang maintindihan
ang itinuturo kung ang gamit na midyum ng guro ay Ingles. Kaya bilang nag-aaral sa larangang ito, mas
madali na maintindihan kung Wikang Filipino ang ginagamit sa pagtuturo para masolusyunan ang
suliranin sa pagbaba ng grado ng mga estudyante sa Matematika.

You might also like