You are on page 1of 1

Si Fidel Lansangan (JC Santos) ay ipinanganak na may “speech defect” at kinakailangan niyang limitahan sa

tatlong salita ang kanyang pangungusap upang hindi mautal. Taong 2004 ang kanyang unang taon sa kolehiyo
bilang estudyante ng kursong sikolohiya sa “Pampanga Agricultural College”. Doon nakilala niya ang rakista na
si Stella Puno (Bela Padilla) na napaibig sa kanya. Sa kanyang apat na taon sa kolehiyo, siya’y nagsulat ng 100
tula para sa taong mahal niya, sa pag-asang mamahalin din siya.

Si Fidel at Stella ay ang kabaliktaran na isa’t isa. Si Fidel ay isang mahiyaing estudyante, napakatalino at
“grade-conscious na honor student” habang si Stella naman ay isang matapang na rakista (na paboritong
banda ay Rivermaya) na mas kinahihiligan ang kumanta sa kanyang banda kaysa sa pag-aaral.

Ang mahiyain na si Fidel ay nagsimulang magsulat ng mga tula para kay Stella, ngunit hindi siya nagkaroon ng
lakas ng loob upang maipabasa man lamang ang kanyang mga tula. Si Stella naman ay marami nang naging
kasintahan para lamang makakuha siya ng kontrata sa kanyang pagkanta. Habang sa pagsulat naman ni Fidel
ng kanyang pang-isang daang tula, kakayanin ba niyang ibigay kay Stella ito at sabihin sa kanya ang kanyang
nararamdaman sa loob ng apat na taon na lihim niyang pagtingin?

Ako’y pumasok sa sinehan at umaasa na ito ay magiging isang magaan at masayang pelikula ngunit ako’y
lumabas ng sinehan na mabigat ang pakiramdam. Sa talento ng mga bida na si JC Santos at Bela Padilla,
talagang mararamdaman ng tagapanood ang pagkabigo at sakit ng parehong karakter. Para sa akin, hindi
naging madali ang pagdala ng mabigat at masakit na damdamin sa dalawang oras na pinanuod ko ito.

Isa sa mga napansin ko sa pelikula ay hindi katanggap-tangap na si Stella at si Fidel ay 17 taong gulang lamang
kung ikukumpara mo sila sa kanilang mga kaklase. At dahil mukha silang matanda para sa edad nila, may mga
bagay na ginagawa nila na hindi kapanipaniwala dahil gawain lamang iyon ng mga bata.

Pero sa pangkalahatan, ang pelikulang ito ay napakaganda na para sa isang “indie film”. Hindi mo lamang
mamahalin ang napakagandang tanaw ng Mt. Arayat pero mapapansin mo din ang pag-iyak mo para sa
istorya ng pagmamahalan ni Fidel at Stella na naipakita sa kakaibang paraan. Maaalala mo ang mga
napakagandang kanta ng Rivermaya tulad ng 241 at Balisong (isinalin ng bandang “The Juans” nang
napakaganda).

Mararamdaman mo ang tuwa at sakit sa damdamin ng mga karakter sa pelikulang ito. Ang “100 Tula Para Kay
Stella” ay mag-iiwan ng impresyon na gugustuhin mong ipagsapalaran ang lahat para sa iyong iniibig; at kahit
pa nasasaktan ka, kung nakikita mong masaya ang iyong minamahal, matututunan mong magpaparaya.
Binibigyan ko ito ng 8/10.

Tungkol sa may-akda: Si Jaimie Salvador ay ang Associate Editor ng Counterpoint. Siya ay naging miyembro ng
publikasyon noong siya ay nasa Baitang 10 at naging Literary Editor nito noong taong 2016–2017. Sa
kasalukuyan, siya ay isang estudyante ng Baitang 12 sa De La Salle Zobel na kumukuha ng kursong Humanities
and Social Sciences.

You might also like