You are on page 1of 28

Saliksik E-Journal

Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Artikulo

KATUTUBONG PANGGAGAMOT NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN


SA BROOKE’S POINT AT BATARAZA, PALAWAN
Jyferson A. Villapa
Departamento ng Kasaysayan
De La Salle University - Maynila, Pilipinas

Abstrak

Tungo sa pag-aambag sa mga larangan ng kasaysayang etniko, etnokasaysayan, at Araling


Pangkapaligiran, nilalayon ng akdang itong maitala at mapag-aralan ang tatlong uri ng
kasanayan sa katutubong medisina at pamamaraan ng panggagamot ng mga Pala’wan sa
bayan ng Brooke’s Point at Bataraza, Palawan. Ang tatlong pamamaraan ng panggagamot ay
ang tawar, baklat, at parimanes. Ilalahad dito ang mga hakbang kaugnay ng mga natukoy
na uri ng panggagamot ayon sa nakaugaliang gawi at pamamaraan ng mga Pala’wan kasabay
na rin ng pinagmulan o pinanggalingan ng kanilang kalinangan. Bibigyang-pansin din sa
pag-aaral na ito ang pilosopiyang isinasabuhay ng mga Pala’wan na may direktang epekto sa
kanilang kaalaman sa katutubong panggagamot; ang mga paniniwalang nakakabit sa
pamamaraan ng panggagamot batay sa kanilang kapaligiran o mga kaalamang naipasa ng
kanilang mga ninuno; at kung paano kinakabaka ng mga Pala’wan ang pagpasok at
impluwensya ng modernong medisina kasabay ng pagpapanatili ng kanilang tradisyon sa
katutubong panggagamot sa kanilang komunidad.

PANIMULA

Ang kasaysayan at kultura ay mahahalagang salik sa pagbubuklod ng isang bansa. Ang


kasaysayan ay nagsisilbing kuwentong kumakawing sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa
hinaharap at ang kultura nama’y nagbibigay-diwa sa lahi at kumakatawan bilang
kaluluwa ng isang bansa. Ilan sa pinanggagalingan ng kultura o kalinangan ng isang
bansa ang mga gawi, pamumuhay, at aktibidad ng mga sinaunang nanirahan dito. Sa
Pilipinas, napakahalaga at napakalaki ng papel na ginampanan at patuloy na

57 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

ginagampanan ng mga katutubo sa paghubog ng pangkalahatang kasaysayan at kultura


ng mga Pilipino. Hindi maipagkakailang ang kanilang mga ritwal, gawi, kaugalian, at
tradisyon ay nagsisilbing tulay ng kasalukuyan sa ating nakaraan.

Batay sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) (UN
2007), dapat ituring na yaman ang mga katutubo—dapat silang bigyan ng karampatang
atensyon upang masegurong hindi sila naaapi at nabibigyan ng respeto at pagkilala ang
kanilang pamumuhay. Sa prepasyo naman ng State of the World’s Indigenous Peoples
(SOWIP) (UN DESA 2009), na inilimbag din ng United Nations, sinasabing
nangangahulugan din ang hindi magandang pagtrato sa mga katutubo ng hindi wastong
pagkilala sa mismong kultura ng isang bansa. Katulad ng maraming katutubo o pangkat-
etniko sa ibang panig ng mundo, kinakaharap din ng mga pangkat-etniko sa Pilipinas ang
matinding pagpapahirap, hindi lamang sa kanilang pagkatao, kundi pati sa kanilang mga
gawi at tradisyong pinipilit nilang mapayapa at malayang maisagawa. Bunga nito,
maraming katutubong kaalaman at tradisyon ang unti-unting nang nawawala o nababaon
sa limot.

Papaksain sa papel na ito ang kasanayan ng pangkat-etnikong Pala’wan sa katutubong


medisina at gawaing pangkalusugan bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay
at ng kanilang mayamang kultura’t kaalaman sa paggamit ng mga halamang gamot na
may kalakip na pasalitang mga orasyon at dasal. Tatangkain ng kasalukuyang
mananaliksik na maitala at mapag-aralan ang mga uri at hakbang ng panggagamot ayon
sa nakaugaliang pamamaraan at gawi kasabay na rin ng pinagmulan o pinanggalingan ng
kalinangang ito. Bibigyang-pansin din sa pag-aaral ang mga sumusunod: ang mga
pilosopiyang isinasabuhay ng mga Pala’wan na may direktang epekto sa kanilang
kaalaman sa panggagamot; ang mga paniniwalang nakakabit sa panggagamot batay sa
kanilang kapaligiran o mga kaalamang naipasa ng kanilang mga ninuno; at kung paano
kinakabaka ng mga katutubo ang pagpasok ng modernong pamamaraan ng panggagamot
at pagpapanatili ng kanilang tradisyon sa medisina sa kanilang komunidad.

Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang mag-ambag sa mga larangan ng kasaysayang


etniko, etnokasaysayan, at Araling Pangkapaligiran. Malaki ang ambag ng mga
obserbasyon at mga salaysay ukol sa katutubong kaalaman at kultura sa Pilipinas sa
pamamagitan ng pagsusulat ng kasaysayang etniko at etnokasaysayan. Sa diwa ng
Bagong Kasaysayan, kinikila ang dimensyong etniko bilang bahagi ng konsepto ng bayan
at matibay na sandigan ng pangkalahatang salaysay ng isang kinabibilangang lalawigan at
pangkalahatang kasaysayang pambansa. Ani Zeus Salazar (1986), “Ang kasaysayang
etniko per se, na tatawagin natin ditong ‘kasaysayang-bayan,’ ang siyang maiuugnay sa
kasaysayang pampook at pambansa at dahil dito’y dapat isulat sa wika ng kabuuang
pambansa, para sa mamamayan nito.” Pagtalakay rin ito nang masinsinan sa mga
elementong etnikong tila hindi maisama-sama sa paglahad ng isang kasaysayang

58 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

pampook, bagama’t nararamdaman ng isang historyador na mahalaga sa pag-unawa’t


pagpaliwanag ng isang paksa (Salazar 1986). Sinusuri naman sa etnokasaysayan ang mga
grupong etnolinggwistiko o grupo ng tao na may partikular na wika’t kultura o isang
kakanyahang pangkalinangan at maaaring nakasulat ito sa Ingles o sa alinmang wika
dahil sa bahagi ito ng pansilang kamalayan ng alinmang kabuuang politiko-kultural na
may sariling tradisyong pang-agham (Salazar 1986). Itinuturing na mahalagang salik ang
katutubong kaalaman, kultura, at tradisyunal na gawain sa tuloy-tuloy at makatarungang
pagpapaunlad ng katutubong medisina kasabay na rin ng angkop na pangangasiwa ng
kalikasan at kapaligiran (UNDRIP 2007) kung kaya’t sa ganitong lapit, sisikapin ng
kasalukuyang mananaliksik na maitala at isalaysay ang isa sa kakanyahang
pangkalinangan ng mga katutubong Pala’wan sa tradisyunal na panggagamot. Ito’y sa
pamamagitan ng pagsusuri ng pinagmulan ng katutubong kaalaman sa panggagamot,
mga uri o pamamaraan nito, pagtatala ng mga hakbang na nakapaloob dito, at
pagsisiyasat sa mga paniniwala, mga suliranin, at kung paano sinosolusyonan ang mga ito
ng mga Pala’wan.

Bilang ambag naman sa Araling Pangkapaligiran, titingnan ng pag-aaral na ito ang epekto
at gampanin ng kapaligiran sa kamalayan at katutubong kaalaman ng mga Pala’wan sa
panggagamot, partikular na sa kanilang pangangalap at paggamit ng mga halamang
gamot o sangkap upang maisagawa nang husto ang panggagamot at makapagbigay-
kalunasan sa mga karamdaman. Ayon sa sanaysay ni Vicente Villan (2015), ang pag-aaral
ng kapaligiran ay “pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa mahalagang ginagampanan ng
kapaligiran at pook sa paghubog ng isang natatanging kalinangan at kamalayang
nagsisilbing tagapagbigay-hugis ng mga penomena o kaganapang pangkasaysayan.”
Samantala, ipinaliwanag naman ni Ma. Florina Orillos-Juan (2016) ang Kasaysayang
Pangkapaligiran bilang pagsisiyasat pangkasaysayan na tumutukoy sa “masalimuot na
ugnayan ng tao at kapaligirang likas o likha man” at nagbubunsod sa mga tao upang
tumugon, umangkop, at lumutas sa iba’t ibang hamon ng kapaligiran at kalikasan.
Dagdag pa niyang pangunahing adhikain ng o nagtulak sa mga iskolar na sumusulat ng
Araling Pangkapaligiran ang mabigyang-kalunasan at/o mapigilan o mabawasan ang
paglala ng mga suliraning pangkapaligiran sa kontemporanyong panahon (Orillos-Juan
2016).

Nagmula ang mga datos na ginamit sa pag-aaral sa pananaliksik sa mga aklatan, mga
pahayagan, at mga institusyon ng pamahalaan sa lebel na nasyonal tulad ng Pambansang
Aklatan ng Pilipinas o National Library of the Philippines (NLP), Kagawaran ng
Kapaligiran at Likas na Yaman o Department of Environment and National Resources
(DENR), at Ahensiyang Pang-impormasyon ng Pilipinas o Philippine Information Agency
(PIA) na pumapaksa sa pangkat-etnikong Pala’wan, kasanayan sa katutubong
panggagamot at kaalaman. Ginamit din ang pananaliksik sa larangan (fieldwork) at
pakikipanayam sa mga pangkat-etnikong Pala’wan bilang metodo na isinagawa ng

59 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

kasalukuyang mananaliksik noong Nobyembre 2014 upang mapunuan ang mga


kakulangan sa mga nakalap na impormasyon at mga dokumento. Mayroong pitong
pangunahing kinapanayam ang kasalukuyang mananaliksik na may sapat at direktang
kasanayan at kaalaman sa panggagamot na tumugon sa mga tanong ng kasalukuyang
mananaliksik, nagbahagi ng mga pananaw at paniniwala tungkol sa paksa. Sila sina
Maman (Tatay) Dino Bayod, 57 taong gulang; Maman Sinond Gura, 67 taong gulang;
Maman Virgilio Badidil, 49 taong gulang; Maman Butuan Alwang, 97 taong gulang;
Maman Domino Salmani, 74 taong gulang; Minan (Nanay) Rose Kene, 42 taong gulang;
at Minan Binki Duadin, 55 taong gulang. Bukod sa mga nabanggit, may ibang pang
natanong, nakausap, at nakasalamuha ang kasalukuyang mananaliksik na nakapag-ambag
sa mga impormasyong kailangan sa pag-aaral na ito. Ang mga kinapanayam ay
naninirahan sa bayan ng Brooke’s Point, partikular na sa Brgy. Mainit at Brgy. Imulnod at
sa bayan ng Bataraza, sa Brgy. Malihud. Ang mga lugar na nabanggit ang pinakamalalapit
na barangay sa bayan ng Brooke’s Point at Bataraza kung saan may malaking bilang ng
naninirahang mga Pala’wan.

Ninanais ng kasalukuyang mananaliksik na makalikom ng mga impormasyong pang-


etnokasaysayan, kasaysayang etniko, mga pangyayari, at kuwento na madalas ay
pahapyaw o hindi natatalakay na makatutulong sa pag-unawa at pagpapahalaga ng mga
pangkaraniwang mamamayan at kabataan sa katutubong kaalaman at kultura sa
panggagamot. Inaasahang magiging isang munting kontribusyon ang pag-aaral sa
pagpapalakas ng kaalamang katutubo at kasanayan. Gayundin, isa itong pagsisikap na
makaambag sa pagsusulat ng isang makahulugang salaysay o pagsasadokumento ng isang
bahagi ng mayamang kultura ng mga Pilipino gamit ang wikang Filipino.

PALA’WAN BILANG PANGKAT-ETNIKO

Isang kuwento ang ibinahagi ni Maman Bayod (2014), isa sa mga kinapanayam ng
kasalukuyang mananaliksik mula sa Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan. Ang
kuwentong ito’y maaaring magbigay ng ideya sa identidad o pagkakakilanlan ng pangkat-
etnikong napili. Binuo ng kasalukuyang mananaliksik ang salaysay batay sa diskurso ng
pakikipanayam at mga talang nakalap mula sa katutubo:

Sugid/bitsara et mga taw Pala’wan (Isang kuwentong Pala’wan)

Libo-libong taon na ang nakaraan, ang pinakamalakas at kilalang tao sa


kalupaan ay nagpatawag ng isang malaking pagtitipon at lahat ng tao sa
mundo ay imbitado. Gamit ang mabibilis at malalaking alagang ibon,
nagpadala ang taong ito ng mga sulat at imbitasyon na nagsasabing “Lahat

60 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

ay imbitado at dapat ang lahat ay dumating sa lugar ng pagtitipon bago


matanaw ang unang sinag ng araw ng mga balintataw.

Sa araw ng pagtitipon, dumating ang mga Amerikano bago ang bukang


liwayway. Dahil sila ang pinakaunang dumating, pinagkalooban sila ng
taong nagpatawag ng pagtitipon ng isang kahon ng lapis at isang pad ng
papel. Habang unti-unting sumisilip ang maliliit na silahis ng araw,
dumating naman ang mga Tagalog (katawagan ng mga katutubo sa mga
Pilipino) at pinagkalooban naman sila ng isang pirasong lapis at papel.
Sakto naman sa pagsikat ng araw, dumating sa lugar ng pagtitipon ang mga
Muslim at bilang gantimpala sa pagdating sa takdang oras na nakasaad sa
imbitasyon, binigyan sila ng karunungan at tatlong kasanayan.

Tirik na tirik na ang araw nang magdesisyong pumunta ang mga Pala’wan
sa pagtitipon at dumating sila sa lugar noong malapit nang kainin ng dilim
ang kakaunting liwanag ng araw. Sa kanilang pagdating, tinanong sila ng
nagpatawag ng pagtitipon kung bakit sila ay nahuli. Agad naman silang
sumagot ng “Maramig banar atot bukid nakabaag kay lang kan sa nagpaenet
kay nga apoy, bago kay tuminogpa” (Masyadong malamig sa bundok at
nakasuot lamang kami ng bahag, kung kaya’t kami’y naghanap muna ng
mga kahoy upang gawing panggatong, para mainitan nang kaunti ang
aming mga katawan bago pumunta sa pagtitipong ito).

Nagalit ang taong nagpatawag ng pagtitipon matapos marinig ang mga


dahilan ng mga Pala’wan kung bakit sila nahuli ng pagdating at kanya na
ring ipinakilala ang sarili sa mga ito. At kanyang sinabi, “Kayo (mga
Pala’wan), hindi ba’t sinabi ko nang lahat ng imbitado ay dapat dumating
bago ang unang sinag ng araw ay matanaw ng iyong mga mata? Ako si
Empo (isa sa itinuturing na Bathala ng mga Pala’wan; ito ri’y isang
pangkalahatang katawagan ng mga Pala’wan sa dakilang Tagapaglikha) at
hinding hindi na ako babalik sa lugar ng pagtitipong ito.” Hindi binigyan ni
Empo ang mga Pala’wan ng mga bagay tulad ng lapis at papel o kasanayan
man lang kagaya ng ibinahagi niya sa mga naunang dumating sa pagtitipon
bagkus, sila’y iniwanan ng mga sumusunod na gamit: isang tukew (gulok),
isang tabig o tingkep (basket), isang bugtong (sibat), at iba’t ibang halaman
at binhi.

Sa kasalukuyan, ang mga Amerikano ay nakapagpapalipad na ng mga


eroplano, nakapaglalayag gamit ang mga barko, at tuloy-tuloy sa pag-
imbento ng mga makinarya. Nagagawa nila ito dahil marami silang
nakuhang lapis at papel na ipinagkaloob ni Empo para sa kanilang pag-

61 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

aaral. Tulad ng mga Amerikano, ang mga Pilipinong nakatanggap din ng


lapis at papel ay nagkakapag-aral at nagkakapagtrabaho. Ang mga Muslim
naman na biniyayaan ng karunungan at abilidad ay nakapaghahanap-buhay
sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan o pagtitinda.

Sa kabilang dako, ang mga Pala’wan na mayroon lamang tukew, tabig o


tingkep, bugtong, mga halaman at binhi ay pinag-aralan at ginamit ang mga
ito nang mabuti. Ang tukew ay para sa pagbubungkal ng lupa; ang tabig o
tingkep ay para lagyan ng mga aning bigas at mga pananim; ang bugtong ay
para sa pangangaso ng mga baboy ramo at usa; at ang mga halaman at binhi
ay para naman sa pagkain at gamot.

Ito ang kanilang kapalaran dahil hindi sila pinagkalooban ng lapis at papel
para magkapag-aral at makapaghanap-buhay. Sila ay di nakapag-aral at
walang ibang tanging paraan upang mabuhay maliban sa pagbubungkal ng
lupa at pagtatanim ng halaman at mga binhi… at lahat ng ito ay dulot
lamang ng kanilang huling pagdating sa dakilang araw ng pagtitipon ni
Empo (Bayod 2014).

Ayon kay Maman Bayod (2014), ang kuwentong ito’y mula pa sa kanyang mga magulang
at ilang nakatatanda sa kanilang komunidad. Ibinahagi ito sa kanilang magkakapatid sa
tuwing magbubungkal na sila ng lupa bilang paghahanda sa panahon ng pagtatanim.
Dagdag pa ni Maman Bayod (2014), kanyang nakabisado ang kuwentong ito, kasabay pa
ng ilang istorya, dulot na rin ng paulit-ulit na pagsasalaysay ng mga nakatatanda bilang
paalala na dapat silang magtrabaho nang husto, gumising nang maaga, at magbanat ng
buto bago pa sumikat ang araw. Naikintal na ito sa kanyang isip kasama ng ibang pang
Pala’wan sa pag-asang maiiba ang kanilang kapalaran sa pagbalik ni Empo at hindi
matulad sa kanilang mga ninuno, na nahuli sa pinatawag na pagtitipon. Isa sa kakakitaan
ng parehong paglalahad tungkol sa katayuang panlipunan, rasyunalisasyon ng
pangkasaysayang kalalagyan ng mga Pala’wan ang pag-aaral nina James Eder at Janet
Fernandez (1996). Mayroon din silang mga salaysay ukol sa iba pang pangkat-etniko sa
lalawigan tulad ng Batak at Tagbanua.

Sa kasalukuyan, nakatira ang karamihan ng mga Pala’wan sa timog na bahagi ng


lalawigan ng Palawan, partikular na sa malawak na bulubundukin ng Mantalingahan na
kumukurus sa mga bayan ng Brooke’s Point, Bataraza, Española, at Rizal (tingnan ang
Mapa 1) (EGP 2011; PIA IV-B 2015). Ayon kay Dario Novellino (2001), nahahati sa
dalawang pangkat ang mga Pala’wan batay sa kung saan sila naninirahan. Ang una ay ang
mga Pala’wang namumuhay sa kabundukan o ang mga tinatawag na Pala’wan sa
Bukid/Pala’wan sa Daja. Ang pangalawa naman ang mga Pala’wang nakatira sa kapatagan
o ang mga tinatawag na Pala’wan sa Napan. Nagsasagawa ang parehong grupo ng mga

62 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

katutubong gawain tulad ng pagkakaingin, pagsasaka ng bigas, kamote, at iba pang


pananim bilang kanilang kabuhayan. Ang ilan sa kanilang aning gulay, prutas, kasama ng
mga gawang sining o handicraft ay kanilang ipinagbibili sa lingguhang tabuan o market
day. May ilang bilang na rin ng mga Pala’wang nag-aalaga ng mga baboy, manok, pato, at
paghusto na ang gulang ng mga ito’y ipinagbibili na rin sa tabuan.

Madalas mapagkamalan ang mga Pala’wan bilang mga Tagbanua—isa pang malaking
pangkat-etnikong naninirahan sa lalawigan ngunit ang mga ito’y makikita sa hilaga at
gitnang bayan ng Palawan tulad ng Aborlan, Quezon, at Puerto Princesa (NLP 1999)—
dahil sa maraming pagkakapareho ng kanilang mga gawi at uri ng pamumuhay. Ayon sa
pag-aaral ni Robert Fox (1982) na pinamagatang Religion and Society Among the
Tagbanuwa of Palawan Island, Philippines, may posibilidad na ang mga Tagbanua at
Pala’wan ay may kaugnayan sa isa’t isa, na nagmula sila sa isang proto-culture. Sa
kanyang ginawang pagtalakay, nabanggit niya ang pagkakatulad ng wika at kultura ng
dalawang grupo gamit ang pananaliksik nina H.P. McKaughan at Richard Gridley ng
Summer Institute of Linguistics (SIL) noong 1954, kasabay na rin ng kanyang sariling
pananaliksik sa larangan at pagsasadokumento ng iba’t ibang ritwal ng mga Tagbanua.
Bagama’t may teoryang iniharap si Fox na maaaring mag-ugnay sa mga Pala’wan at
Tagbanua, itinuturing pa rin niyang magkaiba o hiwalay ang mga ito dahil lumilitaw pa
rin diumano ang kaibahan nila sa isa’t isa tulad ng mga impluwensyang nakuha at mas
matagal na pakikisalamula ng mga Pala’wan sa mga Hindu-Indones at Muslim. Makikita
rin ang ideyang ito ni Fox sa iba pang iskolar at mananaliksik tulad nina Diokno Manlavi
(1970) at Nilo Ocampo (1985) na nagpakadalubhasa at gumawa ng mga pag-aaral sa
kasaysayan ng lalawigan at mga naninirahan dito.

Tinukoy ni Ocampo (1985) ang mga Pala’wan at Tagbanua na may pagkakapareho sa ilang
bagay at gawi tulad ng pagkakaingin o pagbubungkal ng parehong grupo nang palipat-
lipat, malapit na relasyon ng kanilang wikang gamit, at pagkaugat ng kanilang relihiyon
at paniniwala sa espiritu ng mga patay. Ngunit sa kabila ng mga nabanggit na
pagkakatulad, sinabi rin ni Ocampo na malaki ang pagkakaiba sa kultura ang dalawang
pangkat na resulta ng espesyalisasyon at madalang o madalas na pakikipag-ugnayan sa
iba pang grupong may sariling kalinangan—gaya ng malakas at impluwensyang kultural
ng mga Muslim sa timog kung saan naninirahan ang mga Pala’wan. Samantala, sa akda
naman ni Manlavi (1970), bagama’t maikli ang pagtalakay, kanyang ipinakitang magkaiba
ang dalawang pangkat dahil naninirahan ang mga Tagbanua sa hilagang bahagi ng
lalawigan—sa mga bayan ng Aborlan, Dumaran, at Cuy0—kung kaya’t madalang o halos
walang ugnayan sa ibang kultura hindi tulad ng mga naninirahang katutubo sa timog
gaya ng mga Pala’wan na naimpluwensyahan ng kulturang Muslim. Sa pagsasalaysay pa
ni Manlavi (1970), noong dekada 1940, sinasabing may isang dominanteng espiritwal na
lider ng relihiyong Muslim na nanirahan sa bayan ng Brooke’s Point na may halos 12,776
na tagasunod sa buong lalawigan sa katauhan ni Datu Jolkipli.

63 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

MAPA 1
Mapa ng Brooke’s Point, Palawan

Mapang nagpapakita sa nasasakupan ng bayan ng Brooke’s Point, Palawan at mga


karatig nitong bayan tulad ng Rizal, Española, at Bataraza mula sa Community
Environment and Natural Resources Office (CENRO), Brooke’s Point, Palawan ng
Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o Department of Environment and
Natural Resources (DENR) (2016).

64 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Sa pagtatanong sa mga impormante, partikular na kay Panglima (Chieftain) Misang


Fernandez (2014), sa kung ano ang relihiyong kanilang sinusunod o isinasagawa, kanyang
sinabing bago pa dumating ang napakaraming misyonero mula sa iba’t ibang sekta ng
simbahan, ang Pala’wan ay walang relihiyon o sila’y “pagano.” Naniniwala lamang sila kay
Empo (binabaybay rin bilang Ampu), isang kataas-taasang nilalang na lumikha sa lahat
ng nakikita at nararanasan ng bawat taong nabubuhay. Si Empo ay naninirahan sa gubat,
dagat, at ilog kasama ng napakaraming bilang ng mga taw kewasa o mga espiritu
(Novellino 2001; Fernandez 2014). Dagdag pa ni Panglima Fernandez (2014), ang kanilang
pagkilala kay Empo at sa mga taw kewasa o mabubuting diwata at mga espiritu ang
nagsisilbing pundasyon ng pagkakakilanlan ng mga Pala’wan at tagapagbuo ng kanilang
komunidad dahil si Empo at ang mga taw kewasa ang naging saligan na rin ng kanilang
mga ritwal, seremonya, sayaw, at pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, sa pagsasagawa
ng kaingin, bago tabasan o linisin ng mga Pala’wan ang isang maliit na lugar ng
kagubatan at pagtaniman ng mga gulay at halamang ugat, sila muna ay kumokonsulta at
mapayapang nakikipag-usap sa iba’t ibang naninirahang taw kewasa sa napiling lugar.
May mga tiyak na palatandaan upang malaman kung ang mga taw kewasa ay papayag o
hindi (Novellino 2001; Novellino 2002). Kadalasan, para mapapayag ang mga taw kewasa,
naghahandog ang mga Pala’wan ng iba’t ibang alay tulad ng ritwal at mga pagkain. Ang
pagsamo sa mga taw kewasa ay masasalamin din sa pangangaso ng mga Pala’wan sa mga
ligaw na baboy o ang tinatawag na bjak at ramu ramu sa wikang Pala’wan. Ayon kay
Panglima Fernandez (2014), kung sila ay huhuli ng bjak at iba pang hayop sa kagubatan,
dapat muna silang humiling at makiusap sa taw kewasa na nagmamay-ari ng hayop na
nais nilang hulihin. Ang pasalitang orasyon at mga panalangin ang paraan ng mga
Pala’wan upang respetuhin ang mga taw kewasa.

Dalawa sa pinahahalagahang pilosopiya ng mga Pala’wan ang Ingasiq o habag at ang Adat
et Kegurangurangan o kultura at gawi ng kanilang mga ninuno. Ang mga ito ay
nananatiling gabay nila sa pang-araw-araw na buhay at mga gawain (Novellino 2001).
Ang Ingasiq ang nagiging batayan ng kanilang pangkalahatang kilos dahil sumasalamin
ito sa kahalagahan ng kagandahang-loob at pakikiramay sa kapaligiran, mga hayop, at
mga tao. Ang Adat et Kegurangurangan naman ay maaaring tukuyin bilang isang
representasyon ng katutubong kaalaman ng mga Pala’wan—ang kanilang mga kasanayan
sa mga seremonya, panalangin, deruhan (pagkanta), at tarek (pagsayaw) na isinasagawa
lamang sa mahahalagang pagdiriwang at mga makabuluhang kaganapan tulad ng rapat
(kasal), pulawon (lamay), pagbangunan (panganganak), at iba pang dapat ipasa sa mga
batang henerasyon (Novellino 2001).

Ang Ingasiq at Adat et Kegurangurangan ay masisipat din sa malawak na pag-aaral ni


Nicole Revel (1990), isang Pranses na nanirahan sa mga Pala’wan noong 1970 at nagtala ng
kanilang mga awit at epiko ng maalamat na bayani na si Kudaman. Ang epiko ay
nagsasaad din ng ilang paniniwala ng mga Pala’wan tulad ng sa mga taw kewasa at taw

65 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

maraqat o masasamang espiritu. Ang mga Taw maraqat ang mga espiritung nagpapakalat
ng sakit at nagdadala sa mga Pala’wan sa kamatayan. Samantalang ang mga taw kewasa
ang mga espiritu nagbibigay ng mga kaalaman at kakayahan sa mga piling tao ng mundo
upang labanan ang mga sakit at kamatayang dala ng masasamang espiritu (Revel 1990).
Ang halimbawa ng mga piniling tao ang mga manggagamot na pinagkalooban ng
karunungan para magkapagpagaling.

Batay sa pag-aaral na ginawa ng Ancestral Land Domain Watch Network (ALDAW)


(2009), kasama ang University of Kent Center for Biocultural Diversity, tungkol sa mga
Pala’wan, nasasaad na naniniwala silang nagtataglay ang tao ng maraming kuruduwa o
kaluluwa. Ang bubun o bunbunan ng isang tao ay itinuturing ng mga Pala’wan bilang
daan at pintuan sa pinakamahalagang kuruduwa sa katawan ng isang tao. Itinuturing ang
kuruduwa na ito bilang korona sa ulo na naglalaman ng tinatawag nilang nakam, ang isip
o malay ng isang tao (Novellino 2001; ALDAW 2009). Gayundin, sa bubun madalas
nagsisimula ang panggagamot at paglapat ng lunas ng mga Pala’wan sa anumang sakit
(Duadin 2014). Ang konsepto ng pagkakasakit ng mga Pala’wan ay taliwas sa modernong
paniniwalang dulot ang karamdaman ng mga bakterya at mikrobyong pumapasok sa
katawan. Para sa mga Pala’wan, ang pagkakaroon ng sakit ay sanhi ng pagkawala ng
balanse ng kuduruwa sa katawan na may direktang epekto sa pisikal at mental na
kalusugan ng isang tao (Duadin 2014). Maaari rin itong magresulta sa mabilis na
panghihina at pagpasok ng masasamang elemento sa katawan (ALDAW 2009; Fernandez
2014).

Sa pagdating ng mga misyonero mula sa iba’t ibang sekta, nagpamiyembro ang


karamihan sa mga Pala’wan, partikular na yaong naninirahan sa kapatagan, sa
magkaibang relihiyon. Ang mga Pala’wang namamalagi sa kabundukan ng
Mantalingahan, bagama’t napupuntahan na rin ng ilang misyonero at hinihikayat maging
kabahagi ng kanilang sekta at banyagang pananampalataya, ay nananatili pa rin sa
kanilang taal na mga paniniwala at itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga
nominal na kasapi ng iba’t ibang relihiyon. Ang kanilang pagsali sa iba’t ibang sekta ayon
sa mga kinapanayam ay dulot ng kahirapan, dahil diumano, ang mga misyonero kapag
umaakyat sa bundok at nanghihikayat ng mga bagong miyembro ay nagdadala ng mga
pagkain tulad ng bigas, de-lata, instant noodle, at biskwit (Fernandez 2014; Bayod 2014;
Gura 2014).

KATUTUBONG PANGGAGAMOT NG MGA PALA’WAN:


URI AT PINAGMULAN

Ang mga pangkat-etniko ay may mayaman at magkakaibang kultura batay sa isang


malalim na espirituwal na relasyon sa kanilang kalupaan at likas na yaman. Mayroon

66 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

silang koneksyon sa kanilang lupain at teritoryo at may mga tiyak silang moda ng
paglikha o paggawa na batay sa kanilang kapaligiran (UN DESA 2009). Sa 82
pronbinsyang bumubuo sa bansa, hindi maikakailang ang bawat isa ay may kanya-
kanyang tradisyon, paniniwala, at kulturang kinagisnan. Mayroon din silang sariling
oryenstasyon sa bawat bagay na kung minsan pa nga’y magkakahawig. Sa larangan ng
katutubong medisina, hindi naiiba ang mga Pala’wan sa iba pang pangkat-etniko dahil
gumagamit din sila ng iba’t ibang halaman sa panggagamot (UPMASA 2012) at hindi nila
itinuturing ang kanilang mga sarili bilang hiwalay sa lupa at kalikasan, bagkus, tinatanaw
nila ito bilang kabahagi ng kanilang mga sarili.

Sa katutubong medisina at pamamaraan ng mga Pala’wan, ang mga katas at pinaghalo-


halong mga ugat, bulaklak, at dahon ay sinusuplementuhan pa ng sari-saring orasyon
upang maging mabisa at mabilis makapaghilom ng mga sugat at karamdaman. Kabilang
(ngunit hindi limitado) sa mga kaalaman at kakayahan ng mga Pala’wan sa panggagamot
ang mga sumusunod: tabang o tawar, ang sining ng pagpapagaling gamit ang mga
halaman at orasyon; ubat o ururu, ang sining ng pagpapagaling gamit lamang ang mga
halaman; atang, ang pag-aalay ng mga hayop na sinasabayan ng mga pasalitang orasyon
sa mga taw kewasa at kay Empo bilang kapalit ng pagpapagaling nila sa taong may
karamdaman; pangti o mas kilala bilang parimanes, ang paggamit ng mga pasalitang
anting-anting at galíng para sa pangangaso, pangingisda, pangangalap ng pagkain—
maituturing din itong sining ng pagsasalita, at maaaring magbigay ng isang pangako ng
pag-iibigan o pag-ibig, para sa mga digmaan, at kapandayan o lahat ng mga paraan ng
kataas-taasang kaalaman; at ang tultul, isang pag-awit ng epiko o mga katutubong kanta
na para sa mga Pala’wan ay isa sa pinakamahalagang kaalaman o pamana na ibinigay ng
mga taw kewasa at ni Empo (Revel 1990).

May tatlong pangunahing pamamaraan ng panggagamot ang mga Pala’wan na


naninirahan sa Brooke’s Point at Bataraza, Palawan—ito ang tawar, baklat, at parimanes.
Dalawa naman ang natukoy na pinagmulan ng kanilang karunungan at galíng sa
panggagamot—una, ang pamana ng kanilang mga ninuno’t magulang at pangalawa, ang
ipinagkaloob ng mga taw kewasa at ni Empo sa pamamagitan ng mga panaginip. Ang
dalawang pinagmulan ng galíng sa panggagamot ay nabanggit at tinalakay rin ni Revel
(1990) sa kanyang pagsasadokumento ng epikong Kudaman. Ayon kay Revel (1990), ang
mga taw kewasa ay nagbibigay ng higit sa karaniwang kaalaman sa mga piling tao sa
pamamagitan ng taginap o panaginip at palaplap o daydreaming. Ang mga napiling tao ay
tinuturuan ng taw kewasa sa kanilang taginap o palaplap at kung sila’y natuto na,
responsibilidad naman nilang ituro ito sa ibang kasapi ng pangkat nang sa gayo’y
madagdagan ang nakapagpapagaling.

Karamihan sa mga manggagamot na kinapanayam ay nakuha ang kanilang karunungan sa


katutubong medisina, partikular na ang tawar at parimanes sa dalawa sa kinikilalang

67 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

dakilang ninuno ng mga Pala’wan, sina Pangiran at Damar. Ayon kay Maman Bayod
(2014), si Damar ang may pinakamaraming alam na halamang gamot, mga dasal, at mga
kombinasyon nito upang pagalingin ang isang taong may sakit at si Pangiran naman ay
mas kilala sa kanyang karunungan sa parimanes na kanyang ginamit na sandata sa
pakikipaglaban sa mga Ilanon noong panahong lumusong ang mga ito sa mga Pala’wan
upang nakawin ang mga agong ng pangkat-etniko at gawin silang mga alipin.

Bagama’t di naitanggi ng ilang kinapanayam tulad nina Minan Kene (2014) at Maman
Badidil (2014) na may mga pinamanang kaalaman sa panggagamot ang kanilang mga
ninuno’t magulang, sinasabing mas marami raw silang natutunan at nalamang mga
pamamaraan at dasal sa pagpapagaling sa pamamagitan ng taginap at palaplap. Ayon pa
kay Minan Kene (2014), noong taong 2010 matapos siyang gumaling mula sa pagkakasakit
ng trangkaso, tatlong araw siyang sunod-sunod na nanaginip ng iba’t ibang halaman at
mga baging ipinakikita at ibinibigay ng mga taw kewasa sa imahen ng isang babaeng may
mahabang buhok. Lumilitaw raw ang babaeng ito mula sa talon ng Mainit (isang kilalang
talon sa bayan ng Brooke’s Point). Itinuturo rin ng babae ang mga tamang salita o mga
dasal kay Minan Kene hanggang sa namemorya na niya ito. Dagdag pa ni Minan Kene,
nakapanggagamot siya dahil sa patuloy na paggabay ng babaeng kanyang nakita sa
kanyang panaginip sa tuwing may hihingi ng kanyang tulong. Bumukal din ang kaalaman
ni Maman Badidil (2014) sa parimanes, partikular na sa pagpapaamo ng mga insekto,
ahas, kalabaw, at iba pang hayop sa palaplap sa hapon tuwing magpapahinga siya mula sa
pagsasaka. Ayon pa kay Maman Badidil (2014), ang kanyang mga panaginip ay “...mga
bukburak et mga alimunan” o tungkol lamang daw ito sa mga halaman namumulaklak at
iba’t ibang damong matatagpuan sa kagubatan. Taliwas sa karanasan ni Minam Kene,
ang mga panaginip ni Maman Badidil ay walang mga taw kewasa o tao at hindi niya ito
memoryado dahil aniya, pumapasok lamang sa kanyang isip ang mga tamang dasal o mga
salita kung kinakailangan.

TAWAR, BAKLAT, AT PARIMANES NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN


NG BROOKE’S POINT AT BATARAZA, PALAWAN

Salamin ng mayamang kultura ng pamayanang Pala’wan sa bayan ng Brooke’s Point at


Bataraza ang tatlong pamamaraan ng katutubong medisina—ang tawar, baklat, at
parimanes. Ayon kay Panglima Fernandez (2014), walang direktang salin sa wikang
Filipino ang mga salitang tawar, baklat, at parimanes. Ngunit nagbigay siya ang mga
salitang maaaring ikabit sa mga ito: tawar—pagpapagaling; baklat—pagsipsip/paghigop
(ng masasamang elemento sa katawan); at parimanes—panggayuma o isang anting-
anting. Sa kinasamang-palad, hindi niya naisalin ang kabuuan ng mga sisipiing tawar,
baklat, at parimanes sa mga sumusunod na pahina dahilan sa kahabaan ng mga ito.

68 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Hindi rin naisalin ng kasalukuyang mananaliksik ang mga ito sa dahilang ang mga ito’y
may halong di maintindihang wika.

Bagama’t may ilang naisulat na tungkol sa katutubong panggagamot ng mga Pala’wan


tulad ng Ubat Ne Banar it Palawan: Ethnomedicine of the Palawan People of Mount
Domadoway (UPMASA 2012) at ilang pag-aaral ni Novellino (2001; 2002), limitado lamang
ang mga ito sa ubat o ururu, ang pamamaraan ng pagpapagaling gamit lamang ang mga
halaman. Pinapangalanan lamang dito ang mga halaman, tinutukoy ang partikular na
sakit na kayang gamutin at ang hakbang upang gamitin ang mga halaman. Ang paggamit
ng mga pasalitang orasyon at dasal sa tawar, baklat, at parimanes, kasabay ng mga
halamang gamot at samu’t saring pinaghalo-halong bahagi ng halaman at ugat ng puno
ay maituturing na dagdag o pagbabago sa mga nabanggit na akda. Ani Minan Kene
(2014), ang kanilang pamamaraan ng panggagamot ay hindi katulad ng sa mga doktor sa
bayan o mga ospital na sumisentro sa o ginagamot lamang ang pisikal na sugat o
karamdaman ng isang tao. Sa mga Pala’wan, una nilang binibigyang-pansin ang
pagkawala ng balanse ng kaduruwa ng tao—kung kaya’t sinasamahan nila ng mga dasal o
panalangin ang panggagamot—bago bigyang-lunas ang pisikal na sakit.

Tawar

Karamihan sa mga kinapanayam ay may karunungan at galíng sa pagsasagawa ng tawar.


Ang tawar ay ginagamit sa iba’t ibang sakit mula sa simpleng kirot, lagnat, at sakit sa mga
bahagi ng katawan hanggang sa mga kagat ng insekto at impeksyon mula sa mga
kamangdag at lason ng mga hayop (Fernandez 2014; Bayod 2014; Kene 2014). Ang mga
madalas na ginagamit na mga halaman sa pagtatawar ay ang mga sumusunod: ugat ng
abang-abang, bowang-bowang, dengingi, at kepayas (tingnan ang Larawan 1); balat ng
puno ng bago, bengkel, kamilit, kapok, at kaymito; dagta ng egupit; dahon ng biga
(tingnan ang Larawan 2), bebesalan, delapas, dinakep, enterungan, kapal-kapal (tingnan
ang Larawan 3), sangla-kayo (tingnan ang Larawan 2); at iba pa (Bayod 2014; Gura 2014).

Bukod sa mga nabanggit at iba pang kilala’t palasak na halamang ginagamit sa tawar,
karamihan sa mga ito’y di pangkaraniwang uri dahil makikita lamang ang ilan sa mga ito
sa kabundukan ng Mantalingahan. Ang Bundok ng Mantalingahan ang pinakamataas na
bundok sa lalawigan na kinikilala ng mga Pala’wan bilang isang sagradong lugar (Bayod
2014; Fernandez 2014; Alwang 2014). Idineklara rin ito bilang isang protektadong erya at
pambansang parke noong Hunyo 23, 2009 dahil ito ang kahuli-hulihang kagubatan sa
katimugan ng Palawan sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1815 ni Presidente Gloria Macapagal-
Arroyo (PRP 2009).

69 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

LARAWAN 1
Ugat ng Kepayas

Kepayas ang taal na katawagan ng mga Pala’wan sa puno ng papaya (larawang kuha ng may-akda).

LARAWAN 2
Dahon ng Biga at Sangla-kayo

Ang mga dahon ng biga (kaliwa) at sangla-kayo (kanan) ang madalas gamitin ng mga Pala’wan bilang
bahagi sa kanilang panggagamot, partikular na sa pagtatawar (larawang kuha ng may-akda).

70 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

LARAWAN 3
Dahon ng Kapal-Kapal

Kadalasang ginagamit ng mga Pala’wan ang kapal-kapal bilang


pantakip o pantapal sa kagat ng iba’t ibang insekto sa kagubatan
(Bayod 2014) (larawang kuha ng may-akda).

Marami sa mga halamang sangkap sa pangagamot ng mga Pala’wan na nakikita at


nakukuha lamang sa bundok ng Mantalingahan ay walang tiyak na ngalan at katawagan.
Napapangalanan man ng mga Pala’wan ang mga ito, ngunit sa kanilang malalim na
sariling wika lamang na kakaunti na lamang ang nakakaintindi (Bayod 2014). Minsan pa,
nalalaman lang nila na tama ang halamang kanilang pinitas o nakuha sa pamamagitan ng
amoy, lasa, at itsura nito (Alwang 2014).

Sa pagtatawar ang unang ginagawa ng mga manggagamot ay pagtatanong kung ano ang
karamdaman ng tao. Susundan ito ng pagkalap (kung hindi malubha ang sakit), gawa at
paghalo ng mga samu’t saring halaman, bulaklak, at ugat bago ang pagbibigkas ng
wastong mga orasyon upang maibalik ang balanse ng kaduruwa. Sa ginawang
pananaliksik sa larangan, naobserbahang may dalawang anyo ng orasyong ginagamit ng
mga Pala’wan—ang formulaic o pormulaiko o umuulit na mga dasal para sa lahat ng sakit
at non-formulaic o di-pormulaiko o pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng dasal sa bawat uri
ng sakit. Ang ilan sa maiikli at hindi gaanong komplikadong mga orasyong ginagamit ng
ilang manggagamot na kinapanayam ay bukas-loob nilang ibinahagi sa kasalukuyang
mananaliksik. Ito ay sa kanilang pagnanais na maisadokumento at mapanatili ang
pasalitang bahagi ng kanilang panggagamot. Samantala, ang iba namang manggagamot
ay piniling di ibigay ang kanilang mga orasyon sapagka’t itinuturing nila itong sagrado,
lalong lalo na ang mahahabang uri ng dasal.

71 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Si Maman Gura o mas kilala bilang Maman Sinong, ay isa sa mga manggagamot na
kinapanayam na gumagamit ng iisang anyo ng panalangin (pormulaikong panalangin).
Palagi niyang sinisimulan ang kanyang panggagamot sa pagpapahid ng mga katas at
dagta ng pinaghalo-halong halaman ng bebesalan, delapas, at kaymito at ugat ng mga
puno ng bowang-bowang at dengingi habang ang kanyang mga dasal ay nagsisimula sa
mga salitang “tawar-tawar, tawaran ko” na ang ibig sabihi’y “pagaling-pagaling,
papagalingin ko” at susundan ito ng mga detalye tungkol sa sakit na nais niyang lunasan,
pangalan ng taong pinagagaling, at iba pang salitang Pala’wan. Magtatapos naman ito sa
dalawang salita na “layla barakat.” Ayon kay Maman Gura (2014), walang katumbas na
salita at kahulugan sa wikang Filipino ang layla barakat, ngunit ang pinakamalapit na
salitang maaaring maglarawan at magpaliwanag dito’y ang “kapangyarihan.”

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga panalanging ipinagkaloob sa kasalukuyang


mananaliksik ni Maman Gura (2014) na kanyang ginagamit sa pagtatawar. Dagdag pa ni
Maman Gura (2014), ang mga tawar na ito ang kanyang madalas ginagamit at ilan dito’y
para sa mga karaniwang kagat ng mga insekto at hayop na kanya nang ginagamit sa mga
kapwa katutubong Pala’wan at mga naninirahan sa bayan na dumadayo sa kanya sa
kabundukan.

Tawar-tawar
tawaran ko Patawan (sakit ng tiyan)
magilag ko natiban
tinawaran patawan
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Tipdas (tigdas)
misan kula ng lalas
ako ng nagripnas
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Sasamban (nausog ng mga taw maraqat)
misan kula tawan
madali magulinan
atin na pagkanunga
madali magulinan
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Sapok (pana na may lason)

72 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

misan ano ngaropok


ako nga nakagabot
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Barabak (sugat mula sa boho)
alolaw gabi garuwak
ako nga nakapildak
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Dadasa (di makatulog)
gamot at andarasa
atin na pagkanunga
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Paso (paso)
mandi ko’t malulo
irog ko lumtaw anglo
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Sumbilang (natinik mula sa pagkain ng isda)
misan bilog nangragang
tabongan at maligamgam
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Pagi (dahunan/buntot pagi)
anukowan ka agi
misi ka at tanaki
layla barakat

Tawar-tawar
tawaran ko Alupihan (alipuhan)
nakita ko at dalan
kinagat ko na tiban
taplan ko’t maringkawayan
layla barakat (Gura 2014).

73 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Ang isa pang manggagamot na gumagamit ng pormulaikong anyo ng panalangin ay si


Maman Aston. Hindi niya ibinigay ang kanyang buong orasyon ng tawar ngunit may mga
nabanggit siyang bahagi ng kanyang mga ginagamit na panalangin. Ito raw ay kalimitang
nagsisimula sa pariralang “Empo, Empo, tabangon ko” na nangangahulugang “O Bathala, o
Bathala, tulungan ninyo ako” at ipagpapatuloy niya ang panalanging naglalaman ng mga
detalye tungkol sa sakit sa wikang Pala’wan (Aston 2014). Sinabi niyang ang panalangin
ay kailangang masambit sa malakas at malinaw na pamamaraan o kaya’y dapat itong
isigaw dahil mas maririnig daw ito ni Empo. At kung ito’y maririnig nang mas mabilis ng
Amang Bathala ng mga Pala’wan, mas mapapadali raw ang paggaling ng isang taong may
karamdaman (Aston 2014).

Sina Maman Salmani at Maman Alwang ay dalawa naman sa nakapanayam na may iba’t
ibang uri ng panalangin sa bawat klase ng sakit o karamdaman. Ang mga sumusunod ang
kanilang mga ipinagkaloob na tawar.

Ilan sa mga tawar mula kay Maman Salmani:

Para sa malubhang pagsakit ng tiyan o pagsusuka at pagdudumi:

Dumunsor dumampang
adak-adak ka dadak
alu ka dadak
Pikpik ko pikpik dingding
intang intang manglingtang
unday unday marapisang (Salmani 2014).

Para sa sobrang taas na lagnat:

Dapu dapu
kapat kapat maluwat
katuro maluwat (Salmani 2014).

Ilan sa mga tawar mula kay Maman Alwang:

Para sa kagat ng ahas:

Sampar buruan
idongya simbalang
tumalib si madayon
ako tumarawas (Alwang 2014).

74 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Para sa sakit ng ulo at hilo:

Tawaran ko timabalon
timbalon, alon alon
tumawa ko’t barakat
barakatin mamad simula (Alwang 2014).

Para sa mga bagong panganak, para mapabilis ang paghilom ng mga sugat:

Inkung gigintulak
Mga bilis saytan
pitu pidyuro alam
donya pintas tulak (Alwang 2014).

Baklat

Ang baklat ay isang pamamaraan ng panggagamot na ginagamitan ng mga pinatuyong


mga dahon at maliit na bahagi ng puro tobako na binabalot sa papel at ginagawang
mistulang sigarilyo o ang tinatawag ng mga Pala’wan na sigup. Ang mahalaga sa uri ng
panggagamot na ito ay ang usok na nagmumula sa sigup na sinasabayan ng mga orasyon.
Si Minan Duadin ang tanging manggagamot na nakapanayam ng kasalukuyang
mananaliksik na marunong sa pagbabaklat. Ayon kay Minan Duadin (2014), ang mga
sangkap sa sigup ay ipinagkaloob sa kanya ng mga taw kewasa sa isang panaginip at ang
paglalagay ng tabakong puro ay isang paraan lamang upang maging mas matapang ang
amoy at lasa ng usok pareho para sa manggagamot at ginagamot.

Ginagawa ang baklat sa pamamagitan ng pagbubuga ng usok ng manggagamot sa bubun o


bunbunan ng may sakit. Ayon pa kay Miman Duadin (2014) at sa pag-aaral na rin ni
Novellino (2001), sa kulturang Pala’wan, ang sakit o pagkakasakit ay sanhi ng masamang
espiritung pumapasok sa katawan ng isang tao at tanging ang mga taw kewasa at si Empo
lamang ang makapagpapaalis ng mga ito sa loob ng katawan ng tao. Ang matapang na
amoy at lasa ng usok mula sigup ay isang pamamaraan upang mapalayas at mapalabas
ang masasamang espiritung dahilan ng pagkawala ng balanse ng katawan ng isang tao.
Hindi nakapagbigay si Minan Duadin ng mga ginagamit niyang dasal o orasyon dahil
itinuturing niya itong sagrado at dapat lamang daw gamitin kung may taong kailangan
gamutin. Dagdag pa niya, sa bayan ng Brooke’s Point ay kakaunti na lamang silang
marunong sa pamamaraan ng panggagamot na ito (Duadin 2014).

75 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Parimanes

Parimanes ang pinakanaiiba sa lahat ng pamamaraan ng katutubong medisina ng mga


Pala’wan sapagka’t itinuturing na rin ito ng mga Pala’wan bilang isang uri ng pasalitang
anting-anting o panggayuma. Maaari itong gamitin sa tao at hayop. Ayon kay Panglima
Fernandez (2014), ang wikang ginagamit sa parimanes ay kombinasyon ng wikang
Pala’wan at isang di maintindihang wika. Karamihan sa mga salitang nakapaloob sa mga
parimanes ay paulit-ulit at halos magkakatunog at ayon sa mga kinapanayam, ang mga
salitang ginagamit dito ay naglalayong pukawin ang kapangyarihan ng Bathalang si Empo
at mga diwata ng kabundukan at kagubatan (Bayod 2014; Alwang 2014).

Dagdag pa ni Panglima Fernandez (2014), ang parimanes ay maaaring sambitin sa prosa o


patula. Ang bawat salitang langkap sa isang parimanes ay pinaniniwalaang
makapangyarihan na agad, na ang mismong mga salita ay mayroon nang kakayahang
gawin o tuparin ang anumang bagay o kung anumang paggagamitan nito (Alwang 2014).
Ang mga halimbawa ng kakayahan ng parimanes ay ang sumusunod: pagiging mukhang
bata sa mga mata ng mga tao kahit na ika’y talagang may edad o matanda na, maaari rin
itong gamitin para sa pag-ibig, o di kaya nama’y paamuin ang mga taong galit sa iyo sa
paggamit lamang ng mga parimanes (Alwang 2014).

Si Maman Alwang ang pinakakilala sa mga kinapanayam na may pinakamaraming


kaalaman sa parimanes. Sinasabing siya’y isang buhay na patunay na marami at epektibo
ang kanyang mga nalalamang parimanes (Fernandez 2014). Sa kanyang edad, 97 taong
gulang ay kaya pa niyang magtrabaho sa bukid para magkaingin, magkalakal, at
magbenta ng mga produktong kanyang itinanim. Base sa kanyang itsura—walang puting
buhok, kulubot sa mukha—walang makikitang indikasyong siya’y 97 taong gulang na
(Fernandez 2014). Dagdag pa rito, mayroon siyang limang asawang naninirahan sa loob
ng isang bahay lamang, na pawang kasama niya. Ayon kay Maman Alwang (2014),
nagagawa niya ang lahat ng nabanggit dahil sa kanyang ginagamit na mga parimanes na
mula pa sa kanyang mga ninuno. Ang parimanes tulad ng tawar at baklat, ay
sinasamahan din ng mga tamang kombinasyon ng mga dagta at katas ng mga halaman at
bulaklak. Inilalagay niya ang mga dagta at katas—na may malakas o matapang na
amoy—sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan malakas ang pulso ng dugo.

Hindi naisalin ng kasalukuyang mananaliksik ang mga pinagkaloob na parimanes ng mga


kinapanayam sa dahilang ang mga ito’y may halong di maintindihang wika, ngunit
kalakip naman ng mga ito ang gamit o kung para saan ang partikular na parimanes:

Ang parimanes para mapaibig ang isang lalaki/babae:

Tilik ko si gulong gulong

76 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Kay ko tilik, tilik ko gulong gulong


Manaring kur at lungsod
Pilibu gulana kaba biri idayang
Ako sama’t lana (Alwang 2014).

Ang parimanes para sa nagkahiwalay na mag-asawa o magkasintahan—


upang sila’y magkaroon ng maayos na relasyon at magkaigihang muli:

Tilik kong ko sagit


Kay ko tilik, tilik id dayang gila gila
Burak kya karumbana
Panggila para nya sa atuy ya
Manggalak galak barakat tanggulinan
Ubos tangis kumlab kumayang si dayang (Alwang 2014).

Ayon pa kay Maman Alwang (2014), ang susunod na parimanes ang kanyang ginamit na
sambit para sa kanyang limang asawa—upang hindi sila mag-away-away habang
magkakasama sa loob ng isang bahay. Dagdag pa niya, kailangang pakainin muna ang
mga taong paggagamitan nito ng mga piling talbos ng kawayan o dalanghita (tangerine
fruit) nang hindi nila nalalaman.

Siringayo maburo
Sigantang pandikar
Pilandok sangkawpo
Sangkari nga kita (Alwang 2014).

Si Maman Bayod (2014) ay nagbahagi rin ng kanyang kaalaman sa parimanes. Ito ay


patungkol sa pagiging bata at pananatiling mabuti sa mata ng mga tao—pagkakaroon ng
magandang panlabas na aura o karisma. Tulad ng parimanes na ibinahagi ni Maman
Alwan, gagana lang din ang parimanes na ibinigay ni Maman Bayod kung gagamit din ito
ng mga talbos ng dalanghita—sa pagkakataong ito, ang talbos ng dalanghita ay hindi
kakainin, bagkus ipapahid lamang sa pulso ng kamay, kilay, at likod ng tenga habang
sinasambit ang nakatandang parimanes bago itago sa bulsa ng suot na damit o pang-
ibabang kasuotan. Ayon kay Maman Bayod (2014), ang matapang na amoy ng talbos ng
dalanghita ay may direktang epekto sa taong iyong makakasalamuha dahil ang amoy nito
ay may kakayahang magpalaway. Ang mga sumusunod ang sasambiting salita:

Dua ko agsim
Milumunanis si (pangalan ng taong gusto mo)
Sia manangis ako si (pangalan mo)

77 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Pandang mangis
Biri biri yadto na
Misan gatos ribo
Manis pandang barangko
Nangandawan sinalo (Bayod 2014).

Isa pang parimanes mula kay Maman Bayod ay para naman mawala ang galit ng isang tao
sa iyo:

Angka angka palangka


Siya (pangalan ng taong may galit sa iyo) tudok
Ako lumangka (Bayod 2014).

Kung may mga parimanes na ginagamit para sa mga tao, mayroon ding parimanes para sa
mga hayop. Ang mga Pala’wan na nakakaalam ng ganitong uri ng parimanes ay ginagamit
at pinakikinabangan ito para sa kanilang kabuhayan at kaligtasan. Isa sa mga
nakapanayam na gumagamit nito ay si Maman Badidil. Ginagamit niya ang parimanes
upang makakuha siya ng pulot (honey) sa matataas na punong kahoy na hindi man lang
makakagat ng mga bubuyog. Hindi ibinahagi ni Maman Badidil ang sambit para rito sa
dahilang itinuturing niyang pamana ito ng kanyang mga magulang at tanging mga anak
niya lamang daw ang makakaalam o kanyang pagpapasahan ng parimanes upang sila’y
magkaroon ng siguradong hanapbuhay sa kanilang pagtanda (Badidil 2014).

Isa sa mga halimbawa ng parimanes para sa hayop ay ipinagkaloob naman ni Maman


Sinong (Gura 2014). Tungkol ito sa mabilis na paghuli ng malalaking isda sa dagat at sa
ilog:

Kum kum kam kam


Barakat tu umkam
Umkam tikom (Gura 2014).

May kaalaman naman si Minan Kene (2014) ukol sa mababangis na hayop sa kagubatan,
upang malayo sa anumang panganib na maaari nilang idulot. Nagagamit niya raw ang
mga parimanes sa tuwing tatawid sila sa malalawak na kabundukan, mga ilog at
kagubatan. Dapat daw itong sambitin bago umalis ng sariling bahay o tinitirahan:

Aduyu kam barukam


Si parte si Batang
Si parte si puti barakansing (Kene 2014).

78 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

KATUTUBO AT MODERNONG PANGGAGAMOT


SA MGA PAMAYANAN NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN

Nagsisilbing daan ng ideya at kaalaman ng mga katutubong Pala’wan sa modernong


medisina ang mga aktibidad na ginagawa ng iba’t ibang sekta ng simbahan sa katauhan
ng mga misyonero at pampamahalaang ospital sa pamamagitan ng mga midwife, nars, at
paminsan-minsan, mga doktor (Fernandez 2014). Ang mga aktibidad na ito’y ang
paglelektyur o pagtuturo (Information, Education and Communication), feeding program,
medical mission, at panghihikayat na sila’y maging isang miyembro at kabahagi ng isang
simbahan. Nagiging dahilan ang mga ito upang magkaroon ng pagtatalaban ang
katutubo at modernong kasanayan sa panggagamot sa mga pamayanan ng Pala’wan ng
bayan ng Brooke’s Point at Bataraza, Palawan.

Sang-ayon kina Maman Bayod (2014) at Maman Alwang (2014), ang mga misyonero,
bukod sa pagbabahagi ng salita ng Diyos at panghihikayat na maging miyembro ang mga
Pala’wan ng kanilang sekta, ay nagbibigay ng mga lektyur tungkol sa masasama at
mabubuting gawi batay sa kanilang panrelihiyong pamantayan at namamahagi rin ng
mga mga supply na naglalaman ng bigas, mga de-lata, sabon, at gamot. Ani Minan Kene
(2014), turo raw sa kanila ng mga misyonero na dapat walang sinasamba o
pinaniniwalaang ibang diyos at mga diyos-diyosan bukod sa diyos ng sektang kanilang
sasalihan. Ang paniniwala raw sa mga diwata at kay Empo ay isa sa mga dapat iwaksi ng
mga Pala’wan. Ibig sabihin, kanilang iwawaksi ang pagsamba kay Empo at sa mga diwata,
ang kanilang kinikilalang Diyos, Tagapaglikha ng lahat, at nagbigay sa kanila ng
karunungan. Ang pagwaksi kay Empo ay nangangahulugan na rin ng paglimot sa mga
galìng na ibinigay niya tulad ng tawar, baklat, at parimanes. Labag man sa kanilang loob
ang itinuturo ng mga sekta, patuloy silang nagpapalista at nagpapamiyembro sa
panghihinayang sa mga dalang pagkain o ipinamimigay ng mga misyonero (Kene 2014).
Dagdag ni Minan Kene (2014), ang ilan sa mga Pala’wan ay miyembro sa dalawa hanggang
apat na sekta. Nagpapamiyembro sila para makakuha ng libreng bigas, mga de-lata, at iba
pa; pero hanggang miyembro lang sila, hanggang palista lang sila. Naniniwala pa rin sila
kay Empo at nagtatawar at parimanes pa rin sila. Ibig sabihin, hanggang nominal na
miyembro lamang ang mga Pala’wan, nananatili pa ring taal ang kanilang relihiyon.

Ang mga tauhan naman ng pampamahalaang ospital ay nagagawi sa pamayanan ng mga


Pala’wan, dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan upang magbigay ng mga gamot,
bitamina, at iba pang pangangailangang may kinalaman sa kalusugan. Kasabay ng
pamamahagi ng mga nabanggit, nagbibigay rin ang mga taga-ospital ng lektyur o
kaalaman tungkol sa mga dapat bilihin, inumin, o ipahid na mga gamot sa partikular na
sugat, sakit o karamdaman. Ani Maman Bayod (2014), noong nagkaroon daw ng
pagtuturo ang mga taga-ospital tungkol sa pagpapahilom ng mga sugat, sila raw ay
pinagsabihang huwag basta-basta lalagyan ng mga katas ng halaman, dahon o kung

79 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

anuman ang kanilang nakasanayan gawing pamamaraan upang mapagaling ang mga ito
dahil maaaring maimpeksyon at lumala raw ang kalagayan nito.

Hati ang pagtanggap ng mga Pala’wan sa mga impormasyong kanilang naririnig at


nalalaman mula sa mga taga-ospital. Hindi naniniwala ang mga nakatatandang miyembro
na ang kanilang katutubong pamamaraan ay lalong magpapalala ng sitwasyon tulad ng
nabanggit na halimbawa ni Maman Bayod (2014). Samantala, ang mga batang miyembro
ng katutubong pangkat, partikular na yaong napapabilang sa edad na 18 taong gulang
pababa, ay naniniwalang dapat gamutin na agad ito ng mga gamot o tabletas na bigay ng
mga nars at doktor bago pa lumala at magdulot ng mas malubhang karamdaman.
Karamihan sa mga nakatatandang miyembro na matapat pa rin sa kinagisnang tradisyon
ng panggagamot ay napapabilang sa pangkat ng Pala’wan sa Daja (Fernandez 2014).
Dulot na rin ito ng kanilang malayong lokasyon at hiwa-hiwalay na tirahan sa
kabundukan na dagdag-hirap para sa mga taga-ospital para mapuntahan, matipon, at
makapagbigay ng impormasyon. Samantala, mas may bukas ang pagtanggap sa
modernong pamamaraan ang mga Pala’wan sa Napan dahil sila ang madalas mapuntahan
at mababahaginan ng mga impormasyon, gamot, at may mga pagkakataon pang ang ilan
sa kanila’y nabibigyan ng mga pagsasanay ng mga taga-ospital bilang mga Barangay
Health Workers (Fernandez 2014). Nahahati man sa dalawa ang pananaw ng mga
Pala’wan sa kung ano ang dapat gamiting pamamaraan ng panggagamot ay nanatili pa
ring malakas o mas ginagamit pa rin ang katutubong panggagamot dahil bukod sa
matagal na itong umiiral sa kanilang pamayanan at kalinangan, wala silang dapat
gastusing salapi dahil lahat ng kanilang kakailanganing sangkap o halaman ay makukuha
sa kagubatan.

Mapapansing bagama’t may akses ang mga Pala’wan sa modernong pamamaraan ng


panggagamot, maging sa mga paniniwala ng iba’t ibang sekta ng simbahan, bumabalik pa
rin sila sa mga katutubong paniniwala—sa tawar, baklat, at parimanes at kay Empo.
Marahil dulot na rin ito ng kanilang isinasabuhay na mga pilosopiya, ang Ingasiq at Adat
et Kegurangurangan.

PAGLALAGOM

Ang katutubong medisina ng mga Pala’wan sa bayan Brooke’s Point at Bataraza, Palawan
ay maituturing na kakaibang yamang dapat panatilihin, itaguyod, ibahagi, at ikapuri. Ang
tawar o ang sining ng pagpapagaling gamit ang mga halaman at orasyon; baklat o ang
paggamit ng sigup; at parimanes o ang mga pasalitang anting-anting, panggayuma, at
galíng ay representasyon at larawan ng isang kalinangan ng pangkat-etnikong Pala’wan at
patunay na ang katutubong medisina sa panahon ng modernong panggagamot ay
ginagawa, ipinapasa, at pinaniniwalaan pa rin.

80 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Bagama’t nagkakaroon ng pagtatalaban ng modernong panggagamot sa pamayanan dahil


sa pagpasok ng mga banyagang kaisipan at konsepto—sa katauhan ng mga doktor at mga
misyonero, kinakabaka ito ng mga Pala’wan sa pamamagitan ng patuloy nilang
paniniwala at respeto sa mga taw kewasa at kay Empo at sa mga pilosopiyang tulad ng
Ingasiq at Adat et Kegurangurangan.

Bilang ambag sa kasaysayang etniko at etnokasaysayan, nabigyang-pansin sa pag-aaral na


ito ang elementong etniko bilang bahagi ng bayan sa katauhan ng mga katutubong
Pala’wan. Naipakita sa papel na ito ang malawak na kaalaman ng mga Pala’wan di
lamang sa mga halamang gamot kundi pati na rin ang kanilang mayamang pasalitang
tradisyon at isinulat ito sa wikang Filipino upang maging makabuluhan sa talastasan ng
mga Pilipino. Pinatunayan sa salaysay ang napakahalagang papel ng kultura, paniniwala’t
pananampalataya, pilosopiya, at kapaligiran. Sa aspektong kultural, mahalagang maipasa
at maipagpatuloy di lamang ang kaalaman sa mga halamang gamot kundi pati ang
pasalitang mga orasyon, dasal, at sambit. Ang paniniwala naman ng mga Pala’wan kay
Empo, sa mga taw kewasa, at nabanggit na mga pilosopiya ay nagiging gabay nila sa mga
desisyon at gawain sa buhay. Bilang kontribusyon sa Araling Pangkapaligiran, natanlad
din ang importansya ng kapaligiran para sa mga Pala’wan—ang bundok ng
Mantalingahan, mga halaman, at puno; dahil bukod kay Empo at sa mga taw kewasa, ang
kapaligiran ang nagbigay at humubog sa kanila para maging maalam sa wastong
halamang ipanlulunas nila sa iba’t ibang karamdaman. Sa kasamaang palad, sa kabila ng
di-matumbasang kultural na kayamanan at kahalagahan ng katutubong medisina,
nagiging mababaw ang pagtanaw at pag-unawa ng nakararami dahil sa makakanluraning
kaisipan at mga impluwensya.

Sa harap nito, mahalaga ang pagkakaroon ng integratibong lapit sa kalusugan at medisina


na parehong magsasaalang-alang kapwa sa katutubong kaalamang pangkalusugan at sa
modernong medisina upang mapalawak ang makipot na kamalayan ng mga taong
mababaw ang pagtanaw sa bisa at kontribusyon ng katutubong kalinangang
pangkalusugan at mga halamang gamot. Sa katunayan, kinikilala ng World Health
Organization (WHO) ang kahalagahan ng mga halamang gamot at katutubong
pamamaraan mula sa iba’t ibang kultura sa mundo upang makapagpagaling ng sakit
(WHO et al. 1993). Sinasabing halos 80% ang bilang ng mga taong umaasa sa mga
tradisyunal na gamot para sa kanilang pangunahing pangangailangan sa kalusugan
(WHO WPRO 1993). Makabubuting magtulungan ang mga doktor at paham mula sa
iba’t ibang larangan ng siyensya upang tuklasin, pag-aralan, at magkaroon ng matibay na
siyentipikong basehan—patnubay ukol sa gamit, bisa, pamamaraan, at pagiging ligtas ng
panggagamot mula tradisyunal na medisina. Sa ganitong dulog, tuluyang maihahabi ang
tradisyunal at makabagong pamamaraan ng panggagamot na mas makatutulong sa
nakararami.

81 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Sanggunian

Alwang, Butuan. 2014. Panayam kay Butuan Alwang (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod,
Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4.

Ancestral Land Domain Watch Network (ALDAW). 2009. The Mt. Gantong/Brooke’s
Point 2009 Geotagged Report. ALDAW Network Reports, Hulyo.

Aston, Asti. 2014. Panayam kay Asti Aston (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan
ng tawar) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas,
Nobyembre 2.

Badidil, Virgilio. 2014. Panayam kay Virgilio Badidil (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod, Brooke’s
Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4.

Bayod, Dino. 2014. Panayam kay Dino Bayod (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng tawar at parimanes at Barangay Kagawad) ni Jyferson Villapa.
Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2.

Duadin, Binki. 2014. Panayam kay Binki Duadin (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng baklat). Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas,
Nobyembre 3.

Eder, James at Janet Fernandez, mga pat. 1996. Palawan at the Crossroads: Development
and the Environment on a Philippine Frontier. Quezon City: Ateneo de Manila
University Press.

Ethnic Groups Philippines (EGP). 2011. Palawano, Central Ethnic Profile. Websayt ng
Ethnic Groups Philippines, pinost noong Abril 18, https://goo.gl/RKHcBo (nakuha
noong Abril 13, 2017).

Fernandez, Misang. 2014. Panayam kay Misang Fernandez (Panglima sa Barangay Mainit)
ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas,
Nobyembre 2.

Fox, Robert. 1982. Religion and Society Among the Tagbanuwa of Palawan Island,
Philippines. Manila: National Museum of the Philippines.

82 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Gura, Sinond. 2014. Panayam kay Sinond Gura (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng tawar) ni Jyferson Villapa. Barangay Malihud, Bataraza, Palawan,
Pilipinas, Nobyembre 5.

Kene, Rosa. 2014. Panayam kay Rosa Kene (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan
ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod, Brooke’s Point,
Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4.

Manlavi, Diokno. 1970. History of Palawan. W.L.: W.T.

National Library of the Philippines (NLP). 1999. Tagbanua Ethnic Profile. Websayt ng
National Library of the Philippines, pinost noong Abril 17, https://goo.gl/ihrh5R
(nakuha noong Abril 19, 2017).

Novellino, Dario. 2001. Palawan Attitudes Towards Illness. Philippine Studies 49, blg. 1
(Enero-Abril): 78-93.

Novellino, Dario. 2002. The Relevance of Myths and Worldviews in Palawan


Classification, Perceptions, and Management of Honey Bees. Nasa Ethnobiology
and Biocultural Diversity: Proceedings of the 7th International Congress of
Ethnobiology, mga pat. John Stepp, Felice Wyndham, at Rebecca Zarger, 189-206.
Georgia: University of Georgia Press.

Ocampo, Nilo. 1985. Katutubo, Muslim, Kristyano: Palawan, 1621-1901. Kolonya,


Alemanya: Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan.

Orillos-Juan, Ma. Florina. 2016. Kasaysayang Pangkapaligiran at Araling Pangkapaligiran


sa Wikang Filipino: Katayuan at Tunguhin. SALIKSIK E-Journal 5, blg. 1 (Mayo): 1-
43.

Philippine Information Agency MIMAROPA (PIA IV-B). 2015. Sining at kultura ng mga
katutubo sa Palawan, dinokumento. Websayt ng Philippine Information Agency
MIMAROPA, pinost noong Agosto 3, https://goo.gl/kY4pvu (nakuha noong Abril
19, 2017).

President of the Republic of the Philippines (PRP). 2009. Presidential Proclamation No.
1815: Designating Mt. Mantalingahan Mountain Range Situated in the
Municipalities of Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Espanola, Quezon and Rizal,
All in the Province of Palawan as Protected Landscape Area pursuant to R.A. 7586
or the National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992. Official
Gazette of the Republic of the Philippines, Hunyo 23.

83 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017

Revel, Nicole. 1991. Kudaman: Isang Epikong Palawan na Inawit ni Usuy. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press.

Salazar, Zeus. 1986. Paunang Salita sa Kasaysayan ng Bulakan ni Jaime B. Veneracion.


Nasa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan; Pambungad sa Pag-aaral ng Bagong
Kasaysayan, mga pat. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez, at Vicente Villan, 45-53.
Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997.

Salmani, Domino. 2014. Panayam kay Domino Salmani (Manggagamot na gumagamit ng


pamamaraan ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit Brooke’s
Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2.

United Nations (UN). 2007. United Nations Declaration on the Rights of Indigenous
Peoples (UNDRIP). Websayt ng United Nations, pinost noong Agosto 19,
https://goo.gl/Ke5aC1 (nakuha noong Abril 13, 2017).

United Nations (UN) Department of Economic and Social affairs (DESA). 2009. State of
the World’s Indigenous Peoples (SOWIP). Websayt ng United Nations, pinost
noong Setyembre 8, https://goo.gl/9bXT6x (nakuha noong Abril 13, 2017).

University of the Philippines Medical Alumni Society in America (UPMASA) Delaware


Valley Chapter, 2012. UBAT NE BANAR IT PALAWAN: Ethnomedicine of the
Palawan people of Mount Domadoway, Palawan, Philippines. Manila: University of
the Philippines Medical Alumni Society in America.

Villan, Vicente. 2015. Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar: Kabugwason sa Araling


Pangkapaligiran. Nasa Pantayong Pananaw: Pagyabong ng Talastasan, Pagbubunyi
kay Zeus A. Salazar; Tomo I: Araling Pangkapaligiran, Pilipinolohiya, Sikolohiyang
Pilipino, Pilosopiyang Pilipino, at Araling Kabanwahan, mga pat. Atoy Navarro,
Mary Jane Rodriguez-Tatel, at Vicente Villan, 11-21. Quezon City: Bahay-Saliksikan
ng Kasaysayan/Bagong Kasaysayan, Inc.

World Health Organization (WHO), International Union for Conservation of Nature and
Natural Resources (IUCN), at World Wide Fund for Nature (WWF). 1993.
Guidelines on the Conservation of Medicinal Plants. Gland: World Health
Organization, International Union for Conservation of Nature and Natural
Resources, at World Wide Fund for Nature.

World Health Organization (WHO) Western Pacific Regional Office (WPRO). 1993.
Research Guidelines for Evaluating the Safety and Efficacy of Herbal Medicines.
Manila: World Health Organization Western Pacific Regional Office.

84 VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan

You might also like