You are on page 1of 6

ARAW NG KALAYAAN

HUNYO 12

Panalanging Pambungad

O Diyos, May-akda ng kalayaan at bukal ng pagkakaisa, ginugunita namin


ang araw nang ang Sambayanang Pilipino ay lumaya at mapabilang sa hanay ng
pamilya ng mga bansa. Tanggapin mo ang panalanging iniaalay namin para sa
aming Inang Bayan, upang ang pagkakaisa at katarungan ay mapatibay ng
matalino at matuwid na mamamayan, at ang bansang ito, na perlas ng silanganan,
ay magtamasa ng palagiang kasaganaan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ni Jesucristo na iyong Anak, kasama mo at ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan. Amen

LITURHIYA NG SALITA NG DIYOS

Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo Exodo 13:3-5,8-10

Noong panahong iyon, sinabi ni Moises sa mga Israelita,"Alalahanin ninyo


ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkakaalipin sa bansang Egipto; mula
roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Huwag kayong kakain ng tinapay na may lebadura. Aalis kayo ng Egipto sa
araw na ito ng buwan ng Abib. Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako
niya sa inyong mga ninuno, sa mayaman at masaganang lupain. Pagdating
doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito.

Sa araw na yaon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak:


"Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang
ialis niya kami sa Egipto.' Ang pag-aalaalang ito'y magiging parang isang tanda
sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos
ni Yahweh, pagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang
kapangyarihan. Gaganapin ninyo ito sa takdang araw taun-taon."

Ang Salita ng Diyos.

1
Salmong Tugunan Awit 71:1-2,3-4,7-8, 16b-17b

Tugon : Harinawa pagpalain ating bansa, tulad niyang pinagpala.

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran, sa taglay mong katarungan, O


Diyos, siya’y bahaginan; upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan, at
pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

Tugon : Harinawa pagpalain ating bansa, tulad niyang pinagpala.

Ang lupain nawa niya’y umunlad at managana; maghari ang katarungan sa lupain
nitong bansa. Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap at ang mga taong
wala’y pag-ukulan ng paglingap; yaon namang nang-aapi ay malupig at bumagsak.

Tugon : Harinawa pagpalain ating bansa, tulad niyang pinagpala.

Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan, madama ng bansa niya at


umunlad habang buhay. Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak, mula
sa ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

Tugon : Harinawa pagpalain ating bansa, tulad niyang pinagpala.

Sa lupai’y sumagana nawang lagi ang pagkain; ang lahat ng kaburulan ay mapuno
ng pananim at matulad sa Libano na mauunlad ang lupain. Nawa siya ay purihin
ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: Harinawa pagpalain
kaming lahat, tulad niyang pinagpala.

Tugon : Harinawa pagpalain ating bansa, tulad niyang pinagpala.

Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga Taga-Galacia Gal.5:1,13-18

Mga kapatid: Pinalaya tayo ni Cristo upang manatiling malaya.


Magpakatatag nga kayo at huwag nang paalipin uli! Mga kapatid, tinawag
tayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong
kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't-

2
isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong kautusan ay nauuwi sa isang
pangungusap,"Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Ngunit kung
kayu-kayo'y magkakagatan at magsasakmalang parang hayop, mauubos kayo.

Ito ang sinasabi ko sa inyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa
inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman. Sapagkat ang
mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa
ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya
hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin. Kung kayo'y pinapatnubayan ng
Espiritu, wala na kayo sa kautusan.

Ang Salita ng Diyos.

Aleluya
Mabuting Balita Mateo 5:1-12

Pagbasa mula sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang makita ni Jesus ang napakaraming tao,


umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at
siya’y nagsimulang magturo sa kanila.

“Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat
kabilang sila sa kaharian ng langit.

“Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

“Pinagpala ang mga mapagkumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

“Pinagpala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng


Diyos, sapagkat sila’y bibigyang kasiyahan ng Diyos.

“ Pinagpala ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

“Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

“Pinagpala ang mga gunamagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat


sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.

3
“ Pinagpala ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng
Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.

“Pinagpala ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinararangalan ng mga


lahat ng uri ng kasamaan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak
sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din
ang mga propetang nauna sa inyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Homilya

Panalangin ng Bayan

Pari: Mga kapatid, dumulog tayo Panginoong Diyos na nagpapalaya sa atin sa


lahat ng umaalipin sa atin

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang ang ating Simbahan sa buong mundo, ang Santa Iglesya Katolika, na
dumaranas ng iba't-ibang suliraning dulot ng pagkakamali ng ilang mga pari
at obispo, ay makaalpas na sa matinding pagsubok na ito at huwag nang
magpaalipin sa tukso ng kapangyarihan at pita ng laman. Manalangin tayo.

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang tayong Sambayanang Pilipino, matapos makalaya sa mga dayuhang


mananakop, ay tuluyang maging malaya sa makitid na kaisipan at ugaling
makasarili, pagkakapangkat-pangkat, kawalang-pakialam sa kapwa at
kapaligiran, matuto tayong mahalin ang ating bayan at pahalagahan ang
mga sakripisyo ng ating mga bayani. Manalangin tayo.

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang ang iba nating mga pulitiko at pinuno ng gobyerno ay maging malaya
na sa pagka-alipin ng kapangyarihan, kasikatan at kayamanan na
ginagamit nila para manatili sa puesto, sa pangungurakot sa kaban ng

4
bayan at humahadlang sa ibang may kakayahang Pilipino na
makapaglingkod din sa bayan. Manalangin tayo.

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang ang mga Pilipinong alipin pa ng iba't-ibang bisyo gaya ng sugal, alak,
sabong, pamba-babae at ilegal na droga, na sumisira sa kanilang katawan
at relasyon bilang mag-asawa at pamilya, ay lubos nang makalaya. Huwag
nilang sayangin sa walang kwentang paraan ang kanilang buhay at mga
biyaya ng Diyos. Manalangin tayo.

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang palayain natin ang ating mga sarili sa nakamulatan nating maling
ugaling Pilipino gaya ng pagka-inggit, siraan, katamaran, paninirang-puri,
ningas cugon, bahala na, palakasan, nepotismo, panlalamang, batikusan,
pamimintas na wala namang ginagawa at naitutulong, ang mga ito ang
nagpapabagal sa ating pag-unlad at sumisira sa atin. Manalangin tayo.

Tugon: Panginoon, makalaya nawa kami sa lahat ng umaalipin sa amin.

Nam: Upang makalaya na tayo sa colonial mentality, ang pagdepende sa ibang


mayayamang bansa, matuto tayong magsikap at paunlarin ang ating
bansang mayaman sa mga likas-yaman, makalaya na rin sana tayo sa kuko
at pambubusabos ng gahamang China na laging sinasakop at inaapi ang
maliliit na bansang katabi nito. Manalangin tayo.

Pari: Mapagpalayang Ama, salamat po sa kaloob mong kasarinlan na aming


tinatamasa ngayon bunga ng pag-aalay ng buhay ng aming mga
bayani, malaya na kaming nabubuhay, nagagawa at nakapupunta sa gusto
namin. Pahalagahan nawa namin ang kalayaang ito, gamitin sa kabutihan
hindi sa kasamaan at iwasan naming gawin ang pang-aapi sa aming
kapwa-Pilipino na dinanas noon ng aming mga ninuno sa kamay ng mga
dayuhan hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesucristo kasama ng
Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.

5
Panalangin Ukol sa mga Alay

Mapagmahal na Diyos at Ama ng lahat, sa paghahandog namin nitong tinapay


at alak, panatilihin mo sa amin ang pagnanais na maglingkod sa bayan sa matapat
na paggawa at bukas-palad na pagbabahagi ng iyong mga biyaya, upang ang mga
nangangailangan ay madamayan, ang mga walang tirahan ay matulungan at ang
mga nagugutom ay mapakain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesucristo
na aming Panginoon. Amen

Panalangin Pagkapakinabang

O Diyos, tagapagdulot ng tanang mabuti, tinanggap namin ang sakramento ng


pagkakaisa. Ipagkaloob mo, na kaming pinag-isa sa panalangin at gawa, ay sama-
samang magsikap na itaguyod ang isang bansang malaya sa matatag na saligan ng
katarungan at pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesucristo na
aming Panginoon. Amen

You might also like