You are on page 1of 7

Diyosesis ng Malolos

Bikarya ni San Agustin


PAROKYA NI STA. MONICA
Angat, Bulacan

Rito ng Pagtanggap sa Imahen at Relikya ni


BEATO CARLO ACUTIS
Pagpapakilala at Pagpapalaganap ng Debosyon Kay Beato Carlo Acutis

Commentator: Mga kapatid, salubungin ang pagdating ng Imahe at Relikya ni Beato


Carlo Acutis. Sa mga sandaling ito, ialay natin ang papuri at pagdakila
sa Panginoon. Magsitayo po ang lahat.

Magsisimula ang rito mula pintuan ng Parokya. Mula roon ipuprusisyon ang imahe at relikya ni
Beato Carlo Acutis. Ang pagkakasunod-sunod ng hanay ay (1) ceriales, (2) bandera ng Biyahe ni
Carlo Acutis, (3) ang imahe ni Beato Carlo Acutis at ang may dala sa certificate of authenticity ng
relikya, at (4) Relikya ni Beato Carlo Acutis na tangan ng Paring Tagapanguna ng Pagdiriwang.

PAMBUNGAD NA AWIT
Not I, But You Lord
Christoffer Denzell Aquino, SHMI

Dear Lord, here am I kneeling at Your dwelling place


I know You listen so nigh in Your little prison of love
Dear Lord, let me stay to be with You is my plan
In the Eucharist we partake, I found my homeland.

Chorus:
Not I, but You O Lord. Your will, not mine be done.
Who am I that come to You? A helpless child you behold?
Let me sing of Your goodness ‘cause you made me original.
In Your heart, let me take rest, to be with You is my desire.

Dear Lord, help me please to be a testament


Of your love and peace to those who are in torment.
Dear Lord, I offer You my life to You alone.
Take my hand and use them too for the glory of Your name.

Coda:
In Your heart, let me take rest, to be with You is my desire.
PANIMULA
Pari: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen.
Pari: Sumainyo ang Panginoon
Bayan: At sumaiyo rin.
Pari: Mga minamahal kong mga kapatid, nagkakatipon tayo ngayon bilang isang
sambayanan upang tanggapin ang Relikya ni Beato Carlo Acutis sa Parokya ni
Santa Monica de Angat. Buong kagalakan tayong manalangin sa Diyos upang
ipagkaloob Niya sa atin ang Kaniyang mabathalang awa upang tamuhin natin
ang kaganapan ng buhay kabanalan.

Manalangin tayo.
Panginoong Hesukristo, sa Iyong kabutihan, ipinagkaloob Mo sa amin si Beato
Carlo Acutis upang maging ehemplo ng kababaan ng loob, tunay na pagtalima,
at pag-aalay ng sarili sa Iyo. Sa pamamagitan ng kaniyang ulirang halimbawa,
kami nawa ay tumindig, at magpahayag ng aming pag-ibig at pagsamba sa Iyo
na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, iisang Diyos
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.

PAGPAPAHAYAG NG MABUTING BALITA


Pari: Sumainyo ang Panginoon.
Bayan: At sumaiyo rin.
Pari: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos.
Bayan: Papuri sa Iyo, Panginoon.
Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway
ng mga alagad ang nagdala sa mga bata. Subalit lubhang nagalit si Jesus nang
makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang
mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila
nauukol ang paghahari ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang
sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na
bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. Nang makalong ni Jesus
at maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga bata, pinagpala niya sila.
Pari: Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

Commentator: Magsiupo ang lahat.


MAIKLING KATESISMO
Sa panulat ni Bro. Francis R. Bartolome, O.P.
Narito ang Imahe at Relikya ni Beato Carlo Acutis, na nagpapa-alala sa ating lahat, na
tayo din ay tinatawagang maging banal at makatupad sa pagsunod sa kalooban ng
Panginoon. Magandang araw sa lahat ng kabataan ng Parokya ni Santa Monica de Angat, sa
minamahal na Kura Paroko nito Rdo. Msgr. Manuel B. Villaroman, sa bumubuo ng
Sangguniang Pastoral, isang mabiyayang araw sa ating lahat.
Marahil nagtataka kayo kung sino nga ba si Beato Carlo Acutis, bakit siya banal at
bakit siya maaaring maihanay sa kasamahan ng mga Santo ng Santa Iglesya? Siya ba ay nag-
alay ng kanyang buhay sa Diyos? Siya ba ay naging mabuti sa kanyang buhay? Halina at
ating buksan ang ating mga puso sa isang busilak na kasaysayan ng buhay ng isang binata na
nagngangalang Carlo.
Si Carlo Acutis ay isang Italian Teenager na isinilang noong ika-3 ng Mayo, 1991.
Isang mabuting anak sa kanyang mga magulang na sina Andrea Acutis at Antonia Salzano-
Acutis. Tulad ng tipikal na kabataan, Siya ay nag-aral at dumalo sa mga klase niya mula
noong 1995 hanggang Setyembre 2005. Bilang isang kabataan katoliko, nabanaag na sa
kanyang puso, ang pananalig at pananampalataya sa Diyos sa mura niyang edad. Mula sa
araw ng kanyang kauna-unahang pagtanggap ng Banal na Komunyon, hindi nakakaligtaan ni
Carlo na magsimba araw-araw at mangumpisal isang beses sa isang linggo.
Pagkabata pa lamang ay nakita na sa kanyang ang masidhi at tapat na pagmamahal
kay Kristo sa Eukaristiya, sa kanyang pagtulong sa mga nangangailangan, ipinakita niya ang
kabutihan at awa ng Diyos, sa kabila ng hamon ng makabagong panahon. Pinakita rin niya
ang pagiging bukas sa mga plano ng Diyos na nagdudulot sa kanya ng kabanalan.
Noong taong 2002, pagkatapos bumisita sa isang pagtitipon sa Rimini, nabighani si
Carlo sa mga iba’t ibang eksibit ng sining at mga sasakyan, kung kaya’t naisipan ni Carlo na
gumawa rin nang eksibisyon ng iba’t ibang mga Himala ng Banal na Eukaristiya na
kinikilala ng Simbahan sa Mundo. Ito ay humigit kumulang na 150 na panels na nagpapakita
ng mga misteryo at siyentipikong pagsusuri sa mga naturang mga milagro. Ito ay kanyang
nalikom sa pamamagitan ng kanyang paglalakbay iba’t ibang panig ng Europa kasama ng
kanyang mga magulang. Ito ay nakumpleto noong taong 2006 ilang linggo bago siya
namaalam. Itong exhibit na ito ay naglakbay sa iba’t ibang mga bansa, kasma dito ang
Pilipinas. Ito ay ginawa ni Carlo upang tugunan ang pangangailangan ng mga katolikong
nagdududa sa Tunay na Presensya ni Hesukristo sa Banal na Eukaristiya, na ito’y hindi lang
basta binendisyunang tinapay at alak, bagkus ito ay ang tunay na katawan at dugo ng ating
Panginoong Hesukristo. Bukod dito may iba pa siyang exhibit tulad ng mga Aparisyon ng
Mahal na Birhen, tungkol sa langit, purgatoryo, at Impyerno at tungkol sa mga anghel at mga
demonyo.
Siya rin ay isang deboto ng Mahal na Birhen. Ipiniapakita niya ito sa pagdadasal
araw-araw ng Santo Rosaryo at sa pagtutungo sa iba’t ibang mga dambana kung saan siya ay
pinipintuho. Ang kanyang debosyon sa Mahal na Birhen ng Rosaryo ng Fatima ay ang
kanyang inspirasyon upang ialay ang kanyang palagiang pag-rorsaryo para sa pagbabalik-
loob ng mga makasalanan at kagalingan sa mga maysakit.
Noong ika-8 ng Oktubre, 2006 dumating sa kanilang pamilya ang malungkot ng balita
na si Carlo ay positibo sa sakit na leukemia. Sa kabila nito, hindi nawala ang pananalig ni
Carlo sa Diyos kahit nalaman niyang siya ay may malalang karamdaman. Hindi naging
hadlang kay Carlo Acutis ang karamdaman niya para bumitaw sa Diyos, hindi naparam ang
ngiti sa kanyang mga labi. At sa puntong batid nya na ang kanyang oras, hindi siya
pinanghinaan ng loob, bagkus ay nagpahayag ng pagnanais na tumanggap ng sakramento ng
pagpapahid ng langis, at komunyon, bilang sa huling yugto ng kanyang buhay nais niyang
makasama si Hesus.
Tunay na pinakita niya sa atin na “Ang Eukaristiya ay kanyang daan patungong
langit”. Namatay si Carlo Acutis sa sakit na leukemia noong Oktubre 12, 2006 sa ganap na
6:45 ng umaga araw ng Huwebes sa edad na 15 taong gulang. Inilibing siya sa sementeryo
ng Ternengo noong Oktubre 14, 2006. Sa kanyang kamatayan marami sa kanyang mga
natulungan, nakasalamuha, at binigyan ng inspirasyon ang nagluksa at tumungo sa kanyang
libing. Bago mamatay si Carlo Acutis ay hiniling niya na ilibing siya sa Assisi, kaya noong
Enero 2007 inilipat ang kanyang labi sa sementeryo ng Assisi.
Ginamit ng Diyos si Carlo Acutis upang muling mag-alab sa ating mga puso bilang
mga kabataan ang pagnanais na kilalanin, ibigin at paglingkuran ang Diyos, sa kabila ng
hamon ng makabagong panahon. Sa pamamagitan nawa niya ay makita natin ang ating mga
sarili, na sa kanyang kabataan ay naruruon na sa kanyang puso ang kagalakan at pananalig sa
Diyos na kanyang pinaniwalaan at sinundan hanggang sa huli. Hindi madali ang pagsunod sa
kalooban ng Diyos. Ang totoong alagad ni Hesukristo ay Siya na ang itinatangi sa lahat ng
bagay, at sinusubukang sundan at tularan Siya at gawin ang kalooban ng Ama habang
naglalakbay dito sa lupa.
Noong ika-5 ng Hulyo, 2018 ideniklara ng Santo Papa Francisco si Carlo Acutis na
isang Venerable. Kaya ang labi ni Carlo Acutis ay pinahukay noong ika-23 ng Enero, 2019.
At inilipat ang kanyang mga labi sa Simbahan ng Santa Maria Maggiore sa Assisi kung saan
hangang ngayon ay doo’y pinipintuho siya ng kanyang mga deboto. Noong ika-10 ng
Oktubre 2020, siya ay idiniklarang Beato pagkatapos aprubahan ang milagrong naganap sa
bansang Brazil noong taong 2013 kung saan napagaling ang isang bata na may sakit sa
pancreas sa pamamagitan ng kanyang panalangin. Ngayo’y nanananalangin tayo na
magkaroon pa ng isang himala upang siya’y ganap na tanghaling santo ng simbahang
Katolika.
Kaya sa pangalan ng Dakilang Diyos at sa inyo sambayanan ng Parokya ng (banggitin
ang parokya na tatangap) ay aming hinahabilin ang tungkulin sa pagpapakilala at
pangangalaga sa Imahen at Relikya ni Beato Carlo Acutis. Nawa tulad niya ay ipagdiwang
natin ang Banal na Eukaristiya ng may angkop na paggalang at pagmamahal. Magdulot nawa
ito ng inspirasyon at lalong maging marubdob ang ating adhikain na makapaglingkod at
ipakilala si Kristo sa bawat isa.
Winika ni Beato Carlo “Ang Eukaristiya ang aking daan patungong langit” at
“Hanapin ang Diyos at mahahanap mo ang kahulugan ng iyong buhay”. Pagpalain nawa tayo
ng Poong Maykapal.

Commentator: Magsitayo ang lahat.

PANGKALAHATANG PANALANGIN
Pari: Halina at dumulog tayo sa Diyos, upang tayong lahat na nagkakatipon ngayon
ay tunay na makibahagi sa Misyon ni Kristo na palaganapin ang Kapayapaan at
Pag-ibig, sa pamamagitan ng mga halimbawa at panalangin ni Beato Carlo
Acutis. Ating isamo:
PANGINOON MANATILI KA SA AMIN.

Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, nawa ay atin ding taglayin
ang kababaang-loob ni Kristo sa pagbibigay Niya ng Kanyang sarili sa atin sa
Eukaristiya upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ating
isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, tayo nawa ay maging
masigasig sa paglilingkod sa ating kapwa sa pagpapalaganap ng pagsamba sa
Sakramento ng Eukaristya lalo na sa panahong ito ng teknolohiya. Ating
isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, tayo nawa ay makatagpo ng
kalakasan sa pananalig sa Diyos, lalo na ang mga kabataang nakararanas ng
depresyon at pang-uusig, ay makatagpo ng kapayapaan at kaligtasan sa piling
ng ating mga mahal sa buhay. Ating isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, tayo nawa ay makatagpo ng
inspirasyon, upang sa pamamagitan ng ating asal at pagkilos, ay maibahagi
natin ang ating talino at kakayahan sa mas ikadadakila ng Panginoon. Ating
isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, Mag-alab nawa ang ating
pagnanais lalo na ang mga kabataan ng ating Parokya na katagpuin ang
Panginoon sa Banal na Eukaristiya na nagbubunsod ng mas malalim na
bokasyon ng Pag-ibig. Ating isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Tulad ng mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis, makatagpo nawa ang lahat
ng mga may karamdaman ng kagalingan at kaaluan sa kanilang mga
pinagdaraanan, upang sa pamamagitan nito sila ay makibahagi sa
pagtatagumpay ni Kristong nagbibigay buhay. Ating isamo…
Bayan: Panginoon, manatili ka sa amin.
Namumuno: Sa pamamagitan ng mga halimbawa at panalangin ni Beato Carlo Acutis,
ating isamo sa Diyos ang ating natatanging kahilingan at intension. Maglaan
tayo ng ilang sandali para sa tahimik na pananalangin.

Pari: Ama naming mapagmahal, tanggapin Mo nawa ang aming mga pagsusumamo
upang ang aming mga puso na nagpapakumbababang totoo ay maging
karapatdapat na magtamasa ng pag-ibig mula sa Iyo pakundangan sa mga
halimbawa at panalangin ni Beato Carlo. Sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon.
Bayan: Amen.
Pari: Bilang nagkakaisang bayan, tumawag tayo sa Ama sa mga salitang itinuro ng
Panginoong Hesus sa atin.
Bayan: Ama namin, sumasalangit Ka. Sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang
kaharian mo Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw at patawarin Mo kami sa
aming mga sala Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At
huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso at iadya Mo kami sa lahat ng masama.
Amen.

PAGBABASBAS
Pari: Sumainyo ang Panginoon.
Bayan: At sumaiyo rin.
Pari: Ang Diyos na nagkaloob ng kadakilaan at kaligayahan sa lahat ng mga banal
na ngayon ay pinararangalan ay siya nawang magpala sa inyo ngayon at
magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
Pari: Ang mga panalangin ng mga banal ay magbunga nawa ng inyong kabanalan
mula sa kasalukuyang kasamaan, ang halimbawa ng kanilang pamumuhay
upang ang Diyos at kapwa ay paglingkuran ngayon at magpasawalang
hanggan.
Bayan: Amen.
Pari: Ngayong ikinagagalak kaisa ng buong Simbahan ang pagsapit sa langit ng mga
banal para kamtin ang walang maliw na kapayapaan, makarating nawa kayo sa
tahanan ng Diyos Ama upang makaisa ng mga banal ngayon at
magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
Hahawakan ng Pari ang relikya ni Beato Carlo Acutis ay igagawad ang pagbabasbas sa
sambayanan.
Pari: Pagpalain kayo ng Makapangyarihang Diyos Ama,  at ng Anak, at ng
Espiritu Santo.
Bayan: Amen.
Pari: Humayo kayo sa pag-ibig ni Kristo.
Bayan: Salamat sa Diyos.

PAMBUNGAD NA AWIT
Isang Bansa
Timoteo Jose Ofrasio, SJ

O kay ganda ng ating buhay


napupuspos ng pagpapala
ng Sakramentong mahiwaga
kaloob ni Hesus sa ‘ti’y gabay.

O kay tamis ng pagsasama


nagmumula sa pagkakaisa
bumubukal sa pagsasalo
sa iisang hapag ay dumalo.

Purihin si Hesus sa sakramento!


Purihin ng lahat ng tao!
Purihin siya ng Pilipino
sa pagkakaisa lingapin Mo!

You might also like