You are on page 1of 2

PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN NG FATIMA

O Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, alang-alang sa pagpapakita mo sa


Fatima kami’y buong pamimintuho at pagmamahal na dumudulog at
nagbibigay-dangal sa iyo.
Noong ikaw ay nasa lupa, lubusan kang nakikiisa kay Hesus sa pagtubos
sa sangkatauhan. Ngayong nariyan ka sa langit, taglay ang katawan at
kaluluwa, sa maluwalhating luklukan ng iyong pagka-Reyna, patuloy ka pa
ring kaisa ni Hesus na walang tigil na namamagitan sa kapakanan naming
iyong mga anak na makasalanan.
Kung kaya’t pumaroon ka sa Fatima, upang bigyan kami ng babala, para
maiadya kami sa kapahamakang naka-amba. Narito kami ngayon, O
butihing Ina, na tumutugon sa iyong babala at kami’y taimtim na
dumadalangin, buong katotohanang nagbabalik-loob, nagbabayad-puri sa
napakabuting Ama sa langit, at nagpapakasakit dahil sa karumal-dumal na
mga pagkakasala ng sanlibutan.
Ipadama mo sa amin ang iyong pagmamahal upang kami’y mapuspos ng
maalab na pag-ibig sa Diyos at kami’y maging mulat at gising, na sa
katauhan ng aming kapwa, lalo na’t sa aba at kapus-palad, ay aming
makita, tanggapin, igalang at mahalin si Kristo. Pawiin mo sa amin ang
kasakiman, ang kamandag ng pagkamakasarili at pag-iimbot, ng
pagsasamantala at pang-aapi. Ikintal mo sa aming puso ang hinahon, ang
pagtitimpi at kababaan ng loob, upang tulad mo, maihasik namin sa lahat
ang kapayapaan, ang katarungan, pagmamalasakitan, at pagmamahalan.
Tanglawan mo kami ng liwanag ng pananampalataya upang sa lahat ng
bagay ang hanapin lamang namin ay ang lalong ikaluluwalhati ng Diyos at
ang ikauunlad ng aming sarili, ng aming kapwa at ng sambayanan. Loobin
mo sanang maisabuhay namin ang Salita ng Diyos at sa aming tunay na
ugali at kilos, maipamalas namin ang aral at halimbawa ni Kristo. Itulot
mong maipahayag namin sa aming kapaligiran ang Magandang Balita ng
Kaligtasan upang tunay na magkaroon ng Kristiyanong Kapatiran.
Inang Birhen ng Fatima, alisin mo sa aming mga mag-anak at sa lahat ng
mag-anak ang pagkakawatak-watak. Pag-isahin mo kami sa
pagkakasundu-sundo at sa pag-ibig sa kabanalan. Iligtas mo kami sa
kapahamakan at lalung-lalo na, igawad mo sa amin ang tanging biyayang
kailangang-kailangan namin ngayon.
(Banggitin ang mga natatanging kahilingan)
O Mahal na Birhen ng Fatima, dinggin mo nang buong giliw ang aming
taimtim na dalangin. Ama naming makapangyarihan, ipagkaloob mong
kami’y magkamit kailanman ng kalusugan at kagalingan sa aming katawan
at kalooban. Pakundangan sa pagdalangin ng laging Birheng si Santa
Mariang mahal kami nawa’y mahango sa hapis sa kasalukuyan sa
pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang
hanggan. Amen.

O Mahal na Birhen ng Fatima Ipanalangin mo kami.

You might also like