Professional Documents
Culture Documents
Palasak mang basahin ngunit, tunay na ang lipunan, at ang mga panitikang hinulma ng
mamamayang Pilipino ay pawang bahagi ng kasaysayan ng pakikidigma, rebelyon, at
subersibong paniniwala. Hindi maipagkakaila na sa pagkatagal-tagal na panahon mula nang
simulang maitala ang kasaysayan ng Pilipinas, ang naratibo nito ay umikot sa tunggalian ng
iba’t ibang uri--sa perspektiba man ito ng dayuhan o sa pananaw ng mga katutubong Pilipino.
Lumalagos ang mga kwentong ito, mula noon hanggang ngayon, sa pagsasalaysay kung paano
itinulak ng mga masasahol na materyal na kondisyon ang masidhing damdamin upang
tanganan ng mga Pilipino ang paraang matagalan at marahas bilang proseso ng paglaya sa
tanikala--ang pakikidigma. Bagaman ganito ang kinsasapitan ng bawat lipunan ng
mamamayang Pilipino, ang karahasang inudyok ng masang api ay makatarungan dahil
nagsisilbi itong tulay sa bawat sibilisasyon, at uri ng lipunang mayroon ang Pilipinas. Masisipat
na ang panuldok sa bawat lipunang nananaig tulad ng Pilipino sa mga Kastila, Hapon, at
Amerikano (na nagpapatuloy hanggaang ngayon), malaki ang ginagampanan ng rebolusyon
upang patuloy na isulong ang matagal nang sinimulang pakikibaka para sa henwinong
kalayaan. Sa bawat yugto ng kasaysayang ito, inaanak ang mga panitikang sumasalamin sa
tunay na dinadanas ng Pilpino, mga manipestasyon ng lipunan at ng mga kahaharapin pa nito.
Propaganda
Ang pagkapukaw ng kamalayan ng mamamayang Pilipino sa diwang makabansa ay
nagbunsod din sa mga subersibong mga sulatin na siyang humulma sa lipunan na mayroon ang
Pilipinas. Sa konteksto ng mga Kastila, sila Rizal, Del Pilar, at marami pang manunulat ay bumuo
ng organisasyong tinatawag na La Solidaridad na ang pangunahing tunguhin ay gamitin ang
panulat upang bumalikwas sa sistemang ginawa ng mga Kastila upang mapanatili ang kanilang
lakas at matagal nang pananakal sa mga Pilipino. Sila mismo, bagaman hindi pantay ang
nararanasang pang-aabuso sa mga mananakop dahil sa katayuan nila sa buhay at edukasyong
bitbit nila, ay may pahapyaw ding kaalaman sa kung ano ang danas ng normal na Pilipino;
kinatha nila ito upang silaban ang galit na siyang magpapaputok sa mangyayaring pag-aaklas.
Ang mga tampok na akda sa usaping ito ay ang katulad ng mga isinulat ni Rizal na Noli Me
Tangere na nagkukwento ng estado ni Rizal bilang erehe o taksil sa mga kaisipang itinatakda ng
simbahan. Mayroon ding El Filibusterismo na tumatalakay sa estado naman ng pagiging
pilibustero ni Rizal o pagiging taksil sa gobyernong mayroon ang Pilipinas habang sakop ng
mga Kastila. Ibinulgar niya ang mga umiiral na kasahulan noon at nagbadya ito sa pagkabuo ng
organisasyong walang takot na nakipagtuos sa mga mananakop na siya ring pinagkuhanan ng
lakas ng mamamayang Pilipino ngayon upang mabuo ang mga hindi matalo-talong pwersang
nag-aarmas sa kanayunan: ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng
Bayan (KKK).
Digmang Bayan
Umabot hanggang sa punto ng rebolusyon ang mga panitikan na siyang mas lalo pang
pinaapoy ang galit ng mga mamamayang Pilipino. Kabilang sa KKK si Jacinto na siyang
nagsulat ng Kartilya. Pamoso ito ipinapabatid na kaalaman ni Jacinto ukol sa pangangailangan
ng internal na rebolusyon sa hanay ng mga mamamayang Pilipino liban pa sa nangyayaring
digmaan sa labas. Ang dekalogo naman ni Bonifacio ay isa lamang sa ginamit upang
magkaroon ng lubos na ahitasyon ng mga pesante at manggagawang matagal na nagtiis sa
panguyurak ng mga Kastila. Nang sumapit naman ang panahon ng Amerikano hanggang sa
kontemporaryong panahon, umusbong din ang pangalan nila Joi Barros, Pete Lacaba, Amado
Hernandez, Amado Guerrero, Renato Constantino, Alice Guillermo, at marami pang ibang
tumatangan din sa mga rebolusyonaryo, progresibo, at makabayang kaisipan. Sila ang mga
manunulat na nagpapatunay na ang subersyon sa panitikan, na lubusang nakasandig sa mga
pangyayari sa lipunan ay nagpapatuloy hanggang nananatili ang oryentasyong nagpapanatili ng
relasyong kumitil at nagpahirap na sa henerasyon ng mga Pilpino.
Silakbo
Ang mga makabagong manunulat sa panahon na tulad ko, ay nagpapatuloy sa pagkatha
ng mga akdang naglalaman ng galit ng masang Pilipino hindi dahil ito ang sukatan ng maayos
na pulitika sa konteksto ng bansa ngayon bagkus sa kadahilanang palala ito nang palala at
hinog na hinog na ang kondisyon upang muling ikasa ang labang siyang tatapos sa lahat ng
paghihirap. Sa amin pa lamang, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang aking
mga propesor ay kaisa na sa mahalagang tungkulin upang makiisa sa produksyon ng
subersibo’t rebolusyonaryong sulatin na siyang ginagamit upang konsolidahi’t pakilusin ang
laksa-laksang Pilipinong may direktang danas sa pahirap na estado. Gayunding sa aming
programang Associate in Arts in Malikhaing Pagsulat sa Filipino ay napakarami na din ang
kinakikitaan ng sigasig upang dalhin ang kanilang galing sa panulat sa mga sakahan at
pagawaan bilang nandodoon ang tunay at sagad-sagaring pagpapahirap. Hindi rin dapat
ihiwalay ang sekundaryang salik na impluwensya ito ng matagal nang hindi maapulang
pagdating ng mga manunulat na bagaman lumisan ay nag-iwan ng kakintalan sa bansa.
Pinagniningas nito hindi lamang ang kasalukuyan ngunit maging ang hinaharap pa ng mga
manunulat na sa lipunan ay subersibo.
Malaki at mabigat ang kaakibat na implikasyon ng salitang subersibo ngunit
mahalagang tantusin sa sanaysay na ito na talagang makatarungan ang maging rebolusyonaryo
at taliwas sa sistema dahil wala nang pagbabalat-kayo ang mga naghaharing-uri. Lantad nang
hindi sila kaiba sa mga mananakop at bagkus ay mga tagapagmana lamang ng kapangyarihang
matagal nang ginagapi ng mamamayang Pilipino. Ang posturang sinasalamin ng subersyon sa
lipunan at pagsusulat ay postura din ng bawat pinatay, at papatayin pa lamang ng sistemang ito
hangga’t hindi pa naililibing sa hukay ang siyang mga mapanlupig. Ang salitang subersyon ay
higit pa isang salita; ito ay ang kilos at pamumuhay ng isang manunulat, o maging ng normal na
mamamayang Pilipino sa kasaysayan ng Pilipinas.