Professional Documents
Culture Documents
Marami-rami na rin siguro ang mga narinig mo nang kuwento mula sa magulang, lolo,
lola, tiyo, tiya, pinsan, kamag-anak, kaibigan, guro, kaaway at iba pang tao. Hindi na rin siguro
mabilang ang iyong mga nabasa mula sa facebook, twitter, blog, o iba’t ibang social media,
maging sa mga libro, magasin, komiks, patalastas, peryodikit, brosyur at iba pa. Kung oo ang
iyong sagot, nagpapatunay lamang ito na hindi ka makakatakas sa daigdig ng panitikan. Halos
lahat ng galaw mo sa buhay ay nasa impluwensiya ng panitikan.
Sinasabing ang Panitikan ay kabuuan ng mga akda, o ang disiplina ng pag-aaral nito.
Ngunit bago pa man naging isang disiplina, ang panitikan bilang isang natatanging kabuuan o
body of works ay umiiral na. Ito ay sa kadahilanang likas sa tao ang magpahayag at lumikha.
Naging bunga ang panitikan ng pagnanasa ng taong makapagpahayag at maging malikhain.
Kahulugan ng Panitikan
Sinasabing ang Panitikang Pilipino ay pahayag na pasalita o pasulat ng mga damdaming
Pilipino tungkol sa pamumuhay, pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika at
pananampalatayang niyakap ng mga Pilipino.
Hindi rin matatawaran ang bugso nang hindi mabilang na naisulat na panitikang Pilipino
na umiiral sa ating bansa na naging bahagi na ng ating kasaysayan at karamihan pa nga ay
naging malaking ambag sa pagbibihis at pagbabago ng lipunang Pilipino.
Ayon kina Lalic, E.D. at Matic, Avelina J (2004) Ang panitikan ng isang lahi ay ulat na
nagpapakilala ng pagkukuro at mga damdamin ng lahi nito. Sa panitikan ng isang bansa
mababakas ang mga kaisipan at mga bagay na nilulunggati, kinahuhumalingan o
kinasusuklaman ng lahi nito. Ang pagbabago ng kabuhayan ng isang bansa ay nakaiimpluwensya
sa panitikan nito.
Ayon naman kina Salazar (1995), ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa
alinmang uri ng lipunan. Maaalalang nagsilbing titis sa mga Amerikanong may kulay ang
pagkakabasa nila sa Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe upang kanilang ipakipaglaban
ang kanilang pantay na karapatan sa mata ng batas at katarungan na humantong sa kanilang
tagumpay sa Digmaang Sibil sa Amerika. Pinukaw naman ni Jean Jacques Russeau sa kanyang
Social Contract ang isipan ng mga Pranses. Sa pamamagitan ng akda ni Russeau, nabatid nilang
sila’y biniyayaan din ng Diyos ng karapatan at katarungan at natutunan nilang iyo’y kanilang
ipakipaglaban. Nang patuloy iyong ipagkait sa mga Pranses, ang pakikipaglaban nila sa
katarungan at karapatan ay humantong sa isang himagsikan sa Pransya, dito sa Pilipinas man ay
makakatukoy ng napakaraming katibayan kung paano pinakilos ng panitikan ang lipunan.
Nagsilbing inspirasyon sa mga katipunero ang mga akda ni Rizal upang maglunsad ng isang
himagsikan laban sa mga Kastila. Ang mapanghimagsik na dulang itinanghal noong panahon ng
mga Amerikano ay ikinapiit ng mga may-akda niyon at lalong nagpagalit sa maraming Pilipino.
Sinikil ng dating Pangulong Marcos ang laya sa pamamahayag ngunit hindi niya napigilan ang
paglaganap ng mga akdang naglalarawan sa pagmamalabis ng kanyang administrasyon. Iyon ay
isa sa maraming dahilan ng pagwawakas ng kanyang pamumuno noong 1986 sa EDSA.
Ayon naman kay Webster (1947), ang panitikan ay katipunan ng mga akdang nasusulat
na makikilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag, aestetikong anyo, pandaigdigang
kaisipan at kawalang-maliw. Kung ang panitikan ay katipunan ng mga akdang nasusulat,
maituturing bang panitikan ang mga tula, tugaman, kasabihan, awit at iba pang pasalin-salin sa
bibig ng tao lalo na noong panahong bago dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan? Ang
sagot ay oo, panitikan din ang mga iyon. Kailangan bigyang-diin na ang kahulugan ni Webster ay
modernong pagpapakahulugan sa panitikan sa panahong ang tao ay marunong nang sumulat at
sa panahong ang panitikang pasalin-dila ay naisalin na sa anyong pasulat. Kung tutuusin, maging
ang palabuan ng salitang panitikan ay nagbibigay-diin sa pasulat na katangian nito.
Ayon naman kay Jose Villa Panganiban (1954), ang paraan ng pagpapahayag ay iniaayos
sa iba’t ibang karanasan at lagay ng kalooban at kaluluwa na nababalot ng pag-ibig o
pagkapoot, ligaya o lungkot, pag-asa o pangamba.
Binigyang din nina Luz de la Concha at Lamberto Ma. Gabriel (1978) ng katuturan ang
panitikan bilang salamin ng lahi, kabuuan ng mga karanasan ng isang bansa, kaugalian,
paniniwala, pamahiin, kaisipan, at pangarap ng isang lahi na ipinahahayag gamit ang piling salita
sa isang maganda at masining na paraan, nakasulat man o hindi.
Kung gayon, ano ang tunay na panitikan? Ang tunay na panitikan ay pagpapahayag ng kaisipan,
damdamin, karanasan at panaginip ng sangkatauhan na nasusulat sa masining o malikhaing
paraan, sa pamamagitan ng isang aestetikong anyo at kinapapalooban ng pandaigdigang
kaisipan at dahil nasusulat ang panitikan, natitiyak ang kawalang-maliw nito.
Maaaring mauri ang panitikan bilang Pasalin-dila o kaya’y Pasulat. Ito ay Pasalin-dila
kung naisalin sa ibang henerasyon sa pamamagitan ng bibig ng tao o pagkukuwento.
Samatalang naging Pasulat ang paraan ng pagsasalin ng panitikan sa ibang henerasyon
magmula nang matutunan ng tao ang sistema ng pagsulat.
Bago pa man sinakop ng mga dayuhan ang Pilipinas ay may mga komunidad na tayong
umiiral. May sariling Sistema ng pamahalaan, edukasyon at maging yaman ng bayan na
panitikan. Ang mga ito ay karaniwang nasa anyong pasalita. Bagama’t maraming teorya na
may mga akdang naisulat na rin sa mga dahon, kawayan, bato at iba pa, pinaniniwalaang ang
mga ito ay sinira, winasak at sinunog dahil sa pagpapalaganap ng relihiyon, paniniwala at
pananakop ng mga dayuhan. Ngunit dahil hindi nila kayang sunugin at wasakin ang mga dila ng
mga Pilipino ay nakuha pa ring makapagtala at makapanatili ng marami sa ating mga pasalin-
dilang mga panitikan gaya ng: alamat, kuwentong bayan, epiko, mga awiting bayan, salawikain,
karunungang bayan, sawikain, at bugtong.
Awiting bayan -ay mga awit ng mga Pilipinong ninuno at hanggang ngayon ay kinakanta
o inaawit pa rin gaya ng Leron, Leron Sinta, Dalagang Pilipina, Bahay Kubo, Atin Cu Pung
Singsing, at Paruparong Bukid.
Mula sa mga pasalitang panitikang ito natin masasalamin ang yaman ng kulturang
Pilipino. Hindi maisasantabi na ang mga prinsipyo mula sa mga salawikain, pagmamahalan at
pag-iibigan mula sa mga awiting bayan, kasama na rin ang ilang kultura’t umiiral na
kabayanihan ng mga ninuno sa pamamagitan ng mga kuwentong bayan at mga epiko.