You are on page 1of 43

“Sa pula, sa puti”

ni Francisco “Soc” Rodrigo

Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.


Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at
himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi
ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng
kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga
tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga
nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng
manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba
alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip
ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti,
Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y
hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako
ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong
isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8
ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan
kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing.
Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong
isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo
ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako
magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa
susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang
pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo
sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno,
diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali.
Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa
sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali,
ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na
rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si
Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing,
ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo
namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing
pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas.
Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit
kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming
magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang
buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok ay pinupusta ko si
Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y
matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang
aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng
simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon
ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare
namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay
mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok
si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya
kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala
akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang
Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay
upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at
pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may
kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo
bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at
pinalo nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang
buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin.
Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit
namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo. Unang
lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at patayo,
ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming
natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang
kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring
makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-
suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u
hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng
manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking
manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko
ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay
hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong
dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata
sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay
hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong
matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa
sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na
hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo.
Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa
bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At
nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka
niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo.
Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan
ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang
lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na
muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang
bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at
kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako.
Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa
kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di
mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay
nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien,
tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang
mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng
tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta
ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman
mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit
sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong
kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na
si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung
piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso.
Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit
natalo sa Kulas, samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong
kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y
sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit
ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y
parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan
mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din
ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at
pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang
diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At
anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate
Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit
apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo
kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay
sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa
rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni
Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.)
Mga Tula sa blog ni R. Ordonez

(Sa mga biktima ng masaker sa Mendiola, mga pagpatay sa Hacienda Luisita at,
ngayon naman, sa Kidapawan)

hindi na lupa’t mga butil ng bigas ang hihingin namin sa inyo


dahil punglo’t kamatayan ang ipinagkakaloob ninyo…
hindi na mga binhi ng palay ang ipupunla namin
kundi ngitngit na yayabong sa mga pinitak
sa inyo na ang inyong mga lupa
ni isang sangkal ay hindi na kami hihingi pa
dahil ang mga lupang iyan ang magiging libingan
ng inyong walang budhing kasakiman!

Di na Ako Makahabi ng Tula

ilang araw na akong nakatulala


sa papawiring makulimlim
di ako makahabi ng tula
tumakas at nagliwaliw ang mga salita
nagkagutay-gutay papel ng kamalayan
mga metapora’y pumailanlang
sa kalawakang nilunok ng dilim
mga imaheng mapagmulat at matulain
at mga talinghagang dapat arukin
ibinartolina sa kagubatan ng pangamba
at sa kabukirang di sibulan ng pag-asa
ibig pang gahasain ng mga buntala.

di na ako makahabi ng tula


pilantod na ang mga taludtod
mga saknong ay uugud-ugod
di tuloy makaakyat sa gulod
mga eskinita ng parnaso’y di mayakap
dibdib ng bangketa’y di malamutak
kinulaba mga mata at di makita
luha’t pawis ng manggagawa’t magsasaka
di marinig hinagpis ng mga sawimpalad
paano tutulain pa epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa kung mga daliri’y
ikinadena’t dinurog ng dusa?

muli akong maglulunoy sa iyong mga alaala


muli kong sasamyuin mga pulang rosas
sa ulilang hardin ng mga pangarap
muli kong idadampi ang palad
sa nagnaknak na sugat ng mga dantaon
muli’t muli kong palalanguyin ang diwa
sa ilog ng dugo at luha
at magbabanyuhay ang lahat
muling aalingawngaw singasing ng punglo
atungal ng kulog at bombang pumutok
saka lamang, oo, saka lamang
makahahabi ako ng tulang
magsasabog ng mga talulot ng apoy
sa puso’t diwa ng uring busabos at dayukdok!

Huwag Isampal Sa Akin

oo, mga makata ng inaaliping lahi


huwag ninyong ilulan sa hangin
o isakay sa pakpak ng langay-langayan
at itatak at paglunuyin sa aking isipan
mga bersong hitik sa kilig ng pag-ibig
ng mga pusong alipin ng buwan at bituin
at baliw sa lagkit ng paglalambingan.
oo, huwag isampal sa akin
mga taludtod ng nanggigitatang kalantarian
kung binubulaga ako sa aking paligid
ng nanunumbat na mga larawang
matagal nang nagnanaknak sa alaala
mga sikmurang napilipit ang bituka
mga batang nakalupasay sa bangketa
mga nahukot at namayat na katawan
sa bukirin at tubuhang walang hanggan
mga brasong kinain ang laman
sa imbing pabrika ng mga gahaman
mga dampang pawid nakaluhod sa kanayunan
mga barungbarong nagdarasal sa kalunsuran
mga kaluluwang nakabartolina
sa bilangguan ng dalita’t dusa
habang maringal na nagdiriwang
sa mesa ng grasya’t kapangyarihan
silang iilang hari-harian
sa nabubulok inuuod na lipunan.

oo, mga makata ng inaaliping lahi


saan makikita lantay na pag-ibig
sa gayong kahimahimagsik na mga larawan?
saan madarama lantay na pagmamahal
sa sumusurot na reyalidad sa balintataw
bumibiyak sa bungo sa puso’y gumugutay?
di kikiligin maging puson
gaano man katimyas ng pagsuyo
gaano man kahubad ng kariktan
ng dalawang pusong nagmamahalan
huwag isampal sa akin
mga landiang nagpapatili sa karamihan
at waring walang ipinupunla sa isipan
kundi daigdig ng ilusyon
ng pampakilig na romansa’t kahangalan
gayong naghuhumindig sa lipunan
malinaw pa sa kristal na mga katotohanan.
sa kilig ba lamang umiikot ang buhay
ng dayukdok na masang sambayanan
kaya ginagatasan ng ganid na kapitalistang
laging hangad gabundok na pera’t yaman?
kahabag-habag na mga sawimpalad
sa pusali ng karalitaan…
silang kinikilig bayag at lalamunan
silang nanginginig utong at tilin
sa munting kibot na mga eksena ng paglalambingan?
sabi nga tuloy ng makatang si amiri baraka
linisin muna nang husto ang mundo
upang lubos na umiral kabutihan at pagmamahal
at huwag munang ibandila mga tula ng pag-ibig
hanggang nakabalandra inhustisya’t panlalamang.

oo, mga makata ng inaaliping lahi


huwag isampal sa akin
himutok ng mga pusong nabigo sa pagmamahal
o nalulunod sa lungkot ng paghihiwalay
punuin ng pulbura inyong mga taludtod
gawing mga bombang gigiba’t dudurog
sa pader ng inhustisya’t kasakiman
inyong mga berso’y sukbitan ng baril
taglayin sa bakal na tubo himagsik ng punglo
itutok iputok sa mukha ng mga diyus-diyosang
walang mahalaga kundi kinang ng pilak at ginto
walang sinasanto kundi lukbutang puno
at magarbong buhay at bundat na tiyan
walang malasakit sa mga sinaktan
hindi naririnig ni nararamdaman
tagulaylay ng pusong ninakawan
ng dangal at yaman
at bulaklak ng kinabukasan.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag isampal sa akin
nakaduduwal na mga berso ng pag-ibig
huwag akong himasin ng libog at kilig
habang lipuna’y naaagnas inuuod
nais kong marinig tulang sa hangi’y rumaragasa
at waring mga palaso’t punglong itinutudla
sa mga impakto’t palalo
habang pinagmamasdan
pagbagsak sa lupa ng mga tinudla
iyon ang araw ng totoong mga makata
iyon ang araw na dakila!

Hindi Ninyo Ako Matatakasan

hindi ninyo ako matatakasan


magtago man kayo sa pinakasulok ng mundo
manirahan man kayo sa mga igloo
o sa mga lugar na iniiwasan ng tao
hindi ninyo ako matatakasan
naglulublob man kayo sa kayamanan
nagtatampisaw man kayo sa kapangyarihan
nakokoronahan man kayo ng katalinuhan
hindi ninyo maikukubli inyong katawan
kahit sa inyong tierra incognita
sa ayaw man ninyo o gusto
dadalawin at dadalawin ko kayo
lalo na kung mga oras na wala sa hinagap ninyo.

hindi ninyo ako matatakasan


at hindi ninyo ako mahahadlangan
naka-kanyon man mga guwardiya ninyo
malalaki man mabagsik ninyong mga aso
sa napapaderan ninyong mga mansiyon at palasyo
sa inyong maringal na tierra inmaculada
kadluan ng makukulay ninyong mga alaala
papasukin at papasukin ko kayo
makulimlim man ang umaga
naninimdim man ang dapithapon
at nagdarasal ang gaplatong buwan
sa pagyakap ng itim na mga ulap sa kalawakan
dadalawin at dadalawin ko kayo.

oo, maraming paraan ang pagdalaw ko


at hindi ninyo ako matatakasan
nasa tuktok ako ng marahas na tsunami sa dalampasigan
nasa haplit ako ng kidlat sa inyong katawan
nasa alimpuyo ako ng habagat sa inyong bakuran
nasa singasing ako ng punglo sa karimlan
nasa ragasa ako ng mga sasakyan sa lansangan
nasa sumasambulat na mga bomba’t granada ako sa digmaan
naririyan ako, oo, naririyan ako
sa lahat ng lugar at sa lahat ng bagay
at hinding-hindi ninyo ako matatakasan
ikaw na palalo at gahaman
ikaw na patron ng kasamaan
ikaw na berdugo ng sambayanan.

oo, hinding-hindi ninyo ako matatakasan


at kapag nasamyo na ninyo halimuyak ng aking hininga
hindi ninyo maiiwasang manambitan
at sagad-langit kayong magdarasal
maninikluhod sa lahat ng santo’t santa sa kalangitan
ngunit walang makaririnig ng inyong tagulaylay
hindi kayo tutulungan ng sinumang pinakamakapangyarihan
upang hadlangan pagdalaw ko sa inyo
upang kayo’y tulungang matakasan ako
huwag kayong hangal, anak kayo ng buwaya’t kabayo
aali-aligid lamang akong lagi sa inyo
ako, akong pinipilit ninyong takasan
ako, ako, ang di ninyo matatakasang kamatayan!

Paghuhukom

babalikwas ang mga kalansay


sa kanilang mga nitso at hukay
iwawasiwas malagablab na mga sulo
sa maalinsangang madaling-araw
at iduduldol mga dila ng apoy
sa inuuod na mga mansiyon at palasyo
tutupukin mga diyus-diyosan, eskribano’t pariseo
silang sumalaula sa kanilang tinapay at buhay
silang dumapurak sa kanilang dangal at pagkatao
silang ngumatngat sa kanilang laman
at lumaklak sa kanilang dugo
sa kuta ng mapang-aliping mga makina
at palayan at tubuhang walang hanggan
silang nandambong sa kanilang kanin
at kapirasong ulam sa mesa ng kapighatian
silang nagkait sa kanila
ng mabulaklak na kinabukasan
sa luntiang hardin ng mumunting pangarap
silang ninakaw sa kanilang mga puso
matimyas at dalisay na pagmamahal
sa mapayapa’t marangal na buhay.

oo, babangon at babangon


mga kalansay ng kinitil na mga pangarap
babalikwas mga kalansay ng naunsiyaming pagsamba
sa ginintuang araw at mabining haplos ng amihan
makikinig sila sa oyayi ng agos ng ilog sa kaparangan
at hosana ng mga ibon sa kasukalan
habang hinahabol ng mga mata
naglalakbay na balumbon ng puting ulap sa kalawakan.
kasama ng humpak na mga pisngi
ng impis na mga dibdib na hitik sa ngitngit
at nagpupumiglas na butuhang mga bisig
ng mga kadugo’t kauring nakabartolina
sa bilangguan ng dalita’t dusa…
lahat sila’y sasalakay sa moog ng inhustisya
at nakasusukang pagsasamantala
sa bulok na lipunang mga panginoon
namanhid budhi at mukha
sa dagok at sampal ng ginto at pilak
at hindi naririnig, hindi nadarama
tagulaylay ng mga sawimpalad
at daing ng mga pusong ginutay ng dusa.

oo, humanda na kayo at kabahan


kayong mga impakto’t kampon ng kadiliman
kayong walang mahalaga kundi tiyan ninyo’t bulsa
kayong walang malasakit sa inyong aliping sinamantala
babalikwas at babalikwas
mga kalansay ng mapagpalayang mga layunin
at sagradong mga adhikain
paglalagablabin milyun-milyong sulo
tutupukin hanggang maging abo
palalo ninyong mga mansiyon at palasyo
at wala kayong pagtataguan
dahil ipagkakanulo ng alingasaw ng inyong katawan
inyong mga lunggang kinaroroonan
ituturo ng naghihimagsik na sikat ng araw
o maging ng nagrerebeldeng mukha ng buwan
sa darating na araw ng paghuhukom
maging butas ng inyong puwit
maging hibla ng inyong buhok
maging bulbol ng inyong puklo
at silang dati ninyong mga aliping inagawan ng dignidad
sila naman ang titibag ng inyong hukay
upang ilibing kayo nang buhay!

Awit ng Abantero

tulungan mo po ako ngayon


iahon mo po ako
malamig at napakadilim
di po ako makahinga
napakabigat po ng mga bato
bumabagsak po ang mundo
o, panginoon, tulungan mo po ako
nagsusumamong huwag mo pong ipahintulot
na mamatay agad ako
nais ko pa pong masilayan
ginintuang sikat ng araw
at mukha ng asawa ko’t anak
panginoon, huwag mo pong ipahintulot
na mamatay agad ako.

ngunit sinong makauulinig


sa mga daing ng hamak na abantero?
sinong makakikita sa kanyang pawis at dusa?
sinong magpaparangal
sa di kilalang bayaning ito?
halos di siya maaninag
halos kalahati ng katawan niya’y
nakabaon sa lupa
minamaso niya pader ng yungib
hinahanap ang mga ugat ng ginto
ngunit lahat ng gintong kanyang makukuha
mawawala rin sa kanya
dahil mundo’y di para sa kanya.

oo, huli na ang lahat


bago maunawaan ng hamak na abantero
mga kabalintunaan ng buhay
siyang nakahuhukay ng ginto
siya namang labis na nagdaralita
at siyang nangangarap
ng hangin at sikat ng araw
ay nalilibing naman sa minahan.
Dati Pa Silang Nakangingiti

dati pa silang nakangingiti


sa bawat pagbulaga ng araw
kung umagang inaantok pa ang papawirin
at humahalik ang hamog
sa nauuhaw na mga bulaklak sa damuhan
umaawit pa sila dati
tulad ng mga ibong
naglalaro sa kakahuyan
nagsasayaw pa sila dati
gaya ng mga palakang
naglulundagan sa kasukalan
o ng mga isdang pumupusag
sa mabining agos ng ilog
humahabi pa sila dati
ng mumunting mga pangarap
habang payapang nakamasid
puting ulap sa katutubong lupaing
dibdib nila’t tiyan
at kadluan ng masiglang halakhak
ng makukulay na mga alaala.

ngunit ngayon, oo, ngayon,


tumakas ang ngiti sa kanilang mga labi
bumukal sa kanilang mga mata
mga talulot ng lungkot at dusa
namaos na mga tinig nila
di dahil sa halakhak ng pagsinta
kundi sa protesta laban sa inhustisya
laban sa kalupitang nanibasib
sa mga katribo sa lianga
na ngayo’y namamaluktot
nakatulala sa tandag
maulap ang mga mata
maputla ang mga labi
tuliro ang diwa
at kaluluwa’y nag-aapuhap
ng kalinga’t pagmamahal.

itinaboy sila ng mga putok ng baril


ng mala-militar na mahat bagani
niligis ng takot
mga pusong lubos na nagmamahal
sa lupain nilang katutubong
himlayan ng sagrado nilang panata
kadluan ng kanilang ligaya’t pag-asa
at muli’t muling
sasalakayin ang kanilang lupain
ng dambuhalang mga makinarya
lalaplapin ang mayamang dibdib
hahalukayin ang ubod ng sikmura
gugutayin ang pinakabituka
dahil gahaman ang mga diyus-diyosan
sa gintong nasa sinapupunan
ng katutubo mong lupaing pinakasasamba…

ngunit hindi iidlip ang habagat


hindi hahalik sa lupa ang mga punongkahoy
hindi mananangis na lamang ang mga damo
o basta na lamang maluluoy ang mga bulaklak
hindi mahihimbing ang mga ilog
at sa saliw ng tagupak ng lintik
at singasing ng kidlat
at tungayaw ng kulog
magkukulay-dugo ang mga ulap
at sisilay na muli ang iyong mga ngiti
buong giliw na pakikinggan ng mga ibon
taginting ng iyong halakhak
mga kapatid naming lumad!

Maglulunoy Ako Sa Iyong Mga Alaala

nilalagnat na init ng katanghalian


hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…

rumaragasa ang hangin sa pamamaalam


nang ikaw ay tumimbuwang
sa masukal na kakahuyan.
walang kumikindat ni isang alitaptap
noong gabing nagdarasal
malamlam na mukha ng buwang
nakatitig sa daluhong ng karimlan.
lumuha ang mga damo
nanangis ang mga ibon
sa saliw ng mga putok ng kalaban
at bumulwak sa iyong dibdib
dugo ng lahing kayumangging
hitik sa matimyas na pagmamahal
sa uring alipin at dayukdok
at bansang laging nakalugmok
sa dusa’t alipin ng himutok.

maglulunoy ako sa iyong mga alaala


isisilid sa pulang sutlang supot
nagliliyab kong mga pangarap
buong ingat itatago sa baul ng adhika
lagi iyong tatanuran ng iyong gunita
habang umaali-aligid ulap ng pangamba
at dumaramba mga alon ng inhustisya.
oo, maglulunoy ako sa iyong alaala
kasing tingkad iyon ng pulang mga rosas
sa halamanan ng pagsinta
kasing init iyon
ng lagablab ng pakikibaka
kasing dalisay ng nektar ng gumamela.
maglulunoy akong lagi sa iyong alaala
at laging mag-aalab himagsik ng dugo ko’t diwa!

nilalagnat na init ng katanghalian


hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…

Pulang Bulaklak Ng Mga Pangarap

pipitas lamang ako


ng ilang pulang bulaklak
sa ulilang hardin ng mga pangarap
buong ingat na sasamyuin
sa nakapapasong katanghalian
at paghimas ng dapithapon
at paghalik ng ulap
sa mukha ng nakatulalang buwan
buong ingat kong isisingit
mga petalya ng pulang bulaklak
sa mga pahina ng lumuluhang aklat
supling ako ng aking kasaysayan.

ilang pulang bulaklak lamang


ilan lamang ang kailangan
upang lumangoy ang dugo sa mga ugat
ilang pulang bulaklak lamang
upang sumikdo ang puso
upang diwa’y maglagablab
at ilulan sa pakpak ng hangin
himagsik ng inaaliping lahi
habang mga punglo’y umaangil
sa sinapupunan ng dusa’t hilahil.

oo, ilang pulang bulaklak lamang


aking pipitasin at hahalikan
sa ulilang hardin ng mga pangarap
upang di ko makalimutang
supling ako ng aking kasaysayan!
Dugo at Utak
Akda ni Cornelio S. Reyes

Isang iglap na pagitan ng buhay at kamatayan. Isang iglap mula sa pag-igkas ng


mabilis na kableng gabisig at sa paghampas nito sa bungo ni Korbo. Isang iglap ng
abot-langit na sigaw ng pagtutol ng kanyang utak na sa loob ng isang iglap ding yaon
ay pira-pirasong nakalat sa lapag ng ikiran ng balot-bakal n kable.

Ang utak ang kalaban ng aking mga pangarap, ang buong aklat ng aking buhay. At
doo’y lagi kong iniingatang huwag muling mabuklat ang mga dahon ng aking mga
kalungkutan.

Ang utak, ang mga matang nakamalas ng iyong kagandahan, ang mga taingang
nakarinig ng mga pagtatapat ng iyong pag-ibig, ang mga ilong na nakasamyo ng iyong
bango, ang mga labing nakadama ng init ng iyong mga labi. Ang utak ang mga bisig na
ng tuturo sa iyo sa sutlang hiligan sa tapat ng aking puso at nagbuhol sa ating
dalawang katawan upang tayo’y maging kaisa ng lupa at langit , ng mga bituin at ng
santinakpan.

Isang iglap, at ang nasambulat na dugo at pira-pirasong malagkit, malambot at abuhing


ay mga bagay na wala nang kahulugan. Kalat na wawalisin at itatapon sa tapunan ng
mga dumi.

Sa isang iglap, mula nang nakita ni Korbo ang pag-igkas ng kableng may dalang
kamatayan para sa kanya at hanggang sa yao’y kanyang madama, ay isang kidlat ng
pagtututol ng kanyang buong pagkatao ang gumuhit sa kanyang utak. Isang iglap at
parang kislap ng gumuhit at nahalo sa kanyang utak ang ligaya, ang lungkot, si Karelia,
ang inangkin niyang anak, si Dando, upang magwakas ang lahat sa isang maapiy at
nakakabulag na liwanag.

Huwag! Hintay, Maginoong Kable. Ito’y hindi nararapat! Ito’y walang katarungan!
Hindi malalao’t parururok na ang araw. Napapaso ang init.
Walang namamalas kundi ang malayong abot ng karagatan sa bawa’t panig, ang wari’y
maninipis na anino ng di-maabot-tanaw na ilang pulo, ang bughaw na langit, ang pilak
na alapaap.

Mabanayad na nililikom ng babor-kable Apo, ang mga sirang kable sa kailaliman ng


dagat upang ayusin yaon at muling itatag, at nang muling magkaugnay ang mga
lungsod Maynila, ng Sebu, ng Iloilo, ng Zamboanga, upang muling ihinang ng pag-
uunawaan ang mga pulo.

At ang kable’y mabanyad na hinihila ng makina sa ibabaw ng kubyerta at inihuhulog sa


kailaliman, sa dilim ng tiyan ng bapor.

Dalawampu sila sa dilim ng malalim na balon-tangkeng ikiran ng kable. Dalawampu


sila, at isa-isa, hali-halili, pagdating ng bawa’t takda ay lumalapit sila na gaya ng isang
panata sa walang patid na dating ng gabisig at balot-bakal na kable. At ang bangis nito,
ay tigas at bigat, ang matutol sa pag-igkas at paghampas na may dalang
kapangyarihang lumuray at magwasak sa bawa’t tamaan ay sinusupil nila ng kanilang
dalawang bisig at iniikid hanggang sa yao’y maamong mailapag at mabanayad na
maiayos sa ikiran ng kanilang tinatapakan.

At ang kanilang isa-isang paglapit sa kable at walang patid na payukod na pagligid sa


tangkeng yaon ng kadiliman ay waring isang pagsamba sa isang mahiwagang Bathala.
Dalawampu sila,at ang galit na laman ng kanilang mga bisig, katawan at hita ay masakit
ay halos pumutok sa walng hintong pagtutol sa hapo. Ang kanilang mga baga ay halos
napupunit sa walang humpay na paghingi ng hangin at hanging waring walang
kasapatan.

Samantala, ang kanilang mga kamay na mahigpit n ikinakapit sa kable ay maga sa


dugo ng maraming sugat n ulit-ulit na hinihiwa ng mga talaba sa balat ng kable. At ang
mga sugat na yaon ay sumisigaw sa hapdi at kati ng sarisaring lasong nagmumula sa
ilalim ng dagat.

Pagkatapos ng turno ni Korbo ay sabik na minalas niya ang parisukat na piraso ng


langit na nakikita mula sa siwang sa kubyerta na pinagmumulan ng walng patid na
dating ng kable. Ang kaluluwa niyang kaluluwa ng isang pintor ay uhaw n umiinom sa
piraso ng langit na yaon na siyang tanging kagandahan sa dilim ng libingan ng ikiran.

Dalwang lingo nang hndi lumalapit ang bapor-kable Apo sa lupa at dalwang lingo nang
si Korbo at ng kanyang mga kasama ay namamahay sa ilalim ng kubyerta.
Dalawang lingo sa dilim at sa pagtutol ng katawan at kaluluwa sa pagkaalipin sa kable.
Dalawang linggong kasinghaba ng dalawang dantaon.

Natatakot ako na baka hindi n marunong gumuhit ang aking kamay.


Natatakot akong nalimot ko na ang kulay ng mga halaman at mga bulaklak, ang kulay
ng dagat, ang kulay ng lupa. Natatakot akong nalimot ko na ang mga damdam ng init
ng araw sa aking katawan, ang damdam ng hanging sa aking mukha at sa aking buhok.

Pumitpitlag ang aking puso sa kaba nab aka hindi ko na kilala ang iyong kagandahan,
ang dama ng iyong labi sa aking mga labi.

Paano’y kung mawawala ang lahat ng kagandahang ito at mamatay ang kaluluwa at
hindi na muling guguhit pa ana aking mga kamay. At ang buhay ay magiging isang
tunay na
Sa wakas ay dumaong din ang bapor-kable Apo.
At aang kalawakan ng langit ay hinigop ng uhaw na kaluluwa ni Korbo na matagl ding
nagtiis sa kapirasong dulot ng siwang sa kubyerta.
At sa isang tindahan ay maluwat niyang minamalas n nagingiti ang isang kuwintas na
may palawitn isang maliit at mahiwagang Bathala na di niya kilala.
“Magkano po?” ang tanong sa lumapit na tao ng tindahan.
Sinabi sa kanya ang halaga.
“Kung may sapat lamang akong ibabayad,” ang sabi ni Korbo.
“Iyan po ay hubog sa lantay nag into. Hindi mahal.”
Tuluyang natuwa si Korbo.

“Kasasabikan po iyan ni Karelia,” ang kanyang sabi. At nang mamalas ang hindi
pagkaunawa sa mata ng kausap: “Ang akin pong asawa ay mahilig sa pagtitipon ng
maliliit na ikit ng iba’t ibang Bathala. At hindi po ba makikiliti ang madilat ay
mahiwagang mga mata ng maliit na Bathalang iyan na wari bagang ibig saklawin sa
isang tinig ang lahat nang namamalas sa buong santinakpan?”
Ang nagtitinda naman ang napangiti. Nakatatawa ang namimiling ito. Ano ang ibig
sabihin?

Nasa ginto lamang ang halaga ng kuwintas na yaon. Pangit na pangit ang palawit.
“alang-alang sa kakatuwang ugali ng inyong asawa, sa kalahati lamang ng talagang
halaga‘y ibibigay ko na sa inyo.”

Binilang ni Korbo sa isip ang laman nag kanyang lukbutan.


“Balutin lamang ninyo agad bago ako makapag-bagong isip.”
Walng anuman, ang sabi sa sarili. Matutuwa naman si Karelia sa pasalubong na yaon.
Pagkatapos maihanda ang lahat at pagkatapos idugtong sa dalampasigan ang unang
dulo ng naayos na kable, ang babor-kable Apo ay mabanayad na naglayag sa
“paglalatag” tungo sa kabilang pulo.
Pagkatapos ng “paglalatag” ay babalik na sa Maynila ang bapor.
Banay-banay at maingat ang paglalayag sapagka’t kailangang bagayan ang makina
ang kubyerta n humihila sa kable mula sa tiyan ng bapor at nagtutulak doon sa
karagatan.
Ang lahat ng babala sa panganib ay nahanda. Ang tatlong putol-putol na babala ay
nangangahulugang dapat ihinto ang lahat ng makina.
Dalawampu sila sa tangke ng ikiran. At bawa’t isa’y maingat na umaalalay sa kableng
hinihila ngayon sa itaas mula sa lapag na kanilang tinatapakan.
At apatnapung mata ang nakahinang sa bawa’t tabo ng paitaas na lubid na bakal.
Ngunit mayroong nagkamali, mayroong nagtamad noong una sa pag-iikid pa lamang ng
kableng yaon, mayroong hindi naging maingat.
Pumitlag ang kable at dalawang bisig ang halos nawalat mula sa kanilang kasukasuan.
Sa apatnapung mata ay apatnapung kulay ng sindak at pagkatakot ang nalarawan.
Tatlong putol-putol na babala! Uli! At uli! At uli!
Panganib! Panganib! Ihinto ang lahat ng makina!
Humampas ang kable at naluray ang isang bungong nagkalat ng pira-pirasong utak sa
lapag ng ikiran.
Huminto ang lahat ng makina. Nagsiki ang lahat sa katahimikan. Ang buong kahabaan
ng kableng wari’y naubusang bigla ng lakas ay maamong nabitin ay ngayo’y wala nang
panganib.
Nakita ni Korbo ang pagpitlag niyong kable. Nang ihampas ang buong kahabaan niyon
ay namalas niya ang parang kidlat na pagdating na tungo sa kanya.
At sa loob ng isang iglap n yaon mula sa pagpitlag hanggang sa madama ang diin ay
isa-isang nabuklat sa kanyang utak ang buhay nila ni Karelia.
♦♣♦

At ang larawan ng buhay na yaon ay abot-langit n pagtutol ng kanyang kaluluwa.


Huwag! Hintay, Maginoong kable! Tinagnan kung ito’y marpat, kung ito’y may
katarungan.
Sa paglubog ng araw ay parang napupunit ang buong ng-aapoy na kalangitan.
Natigil ang buong daigdig: ang malalaking tipak ng alapaap. Ang mga halaman. Ang
tahimik na dagat na inuulit na salamin ng kanyang kalawakan ang paghihimagsik ng
langit.
Naabutan na ni Korbo si Karelia sa kanilang tipanan. Nakaupo ito sa isang malaking
bato at minamalas ang maliliit na along gumagapang sa buhanginan.
Nang masdan niya ang mukha niyon ay nakita niya ang lunkot at nabakas niya ang
ilang pinahid na luha.
Umupo siya sa tabi ni Karelia at minalas ang nagbabagang araw na kumakabila na sa
maitim na bundok sa dako pa roon ng malawak na tubig.
“Kung gayo’y alam mo na,” ang kanyang sabi. “hindi ako natanggap sa pagawaang
itinuro mo sa akin. Totoong marami ang walang hanapbuhay. Kayrami naming pumasok
gayong isa lamang ang kailangan”
“Hindi ko alm,” ang sabi ni Karelia. “Nguni’t alam kong wala kang loob sa gayong
Gawain. Alam kong nasa pagpipinta ang iyong isip. Inaalaala ko na unti-unti mo lamang
ngangatngatin ang iyong puso kapag natanggap ka sa gawaing yaon.”
“A, nagalit ka na sa akin, Karelia, gayong hindi ko naman kasalanan ang pagiging pintor
ko. Kasalanan bang makadama at makakita ng kagandahan at ibigin ng buo kong
pagkatao na iguhit yaon upang Makita at madama naman ng iba? At kung tinatawanan
man ng marami ang gayong gawain sapagka’t hindi ko maibibili ng bigas ay hindi
nangangahulugang nasa kanila ang katotohanan. Kung ang bigas ang ituturing
ngayong pinakamahalagang bagay, iyan ay hindi bunga ng katunayan kundi ng laganap
na karalitaang dulot ng tinatawag nating kaunlaran. Ang kagandahan ay isa sa mga
halagang niwawalan natin ng kahulugan. Ang pag-ibig ay isa pa.”
Siya’y napatawa.
“A, nagsesermon na naman ako. Ikaw kasi. Sinalang mo na naman ang kinagigiliwan
kong diwa”
Unti-uting nawawala ang mapulang araw.
“Korbo,” ang sabi ni Karelia “natatakot akong hindi sapat ang pagakain ng aking
kapatid. Si Pepe ay may-sakit na naman. Tanong maliit ang naitutulong ko sa kanila.
Ang Tatay ay nawaln na naman ng gawain.”
Maliit na bahagi na lamang ang nakaungos sa araw.
“Korbo,” ang sabi ni Karelia. “dalawang taon nang tayo ay magkatipan. Kilala mo si
Dando. Nagtapat siya ng pag-ibig sa akin.”
Lubusan nang lumubog ang araw sa unti-unting lumalaganap ang dilim.
“Iniibig mo bas a Dando?” ang tanong ni Korbo.
Sa kaunting banaag ng liwanang na nalalabi pa ah namalas niya ang paglaganap ng
dugo sa maliit na ugat ng mga pisngi ni Karelia.
“May sapat na kakayahang tumulong sa aking mga kapatid si Dando,”ang sabi ni
Karelia.
“May sapat na kakayhaang mag-asawa si dando.”
Nadama ni Korbo ang sampal na sagot sa sampal na tanong niya.
“Laganap na ang dilim,” ang sabi ni korbo. “baka inaantay ka na ihahatid na kita.”
“Huwag na. Magtatrambiya na lamang ako” ang sabi ni Karelia.

♦♣♦

Isang iglap sa pagitan ng buhay at kamatayan. At ang dahon ng alaala ay matulin at


baha-bahaging nabuklat sa kanyang utak.
Nang mawala si Karelia ay waring nawalan ng kahulugan sa kanya ang buhay. Waring
namanhid ang kanyang pandamdam. Nawala ng kagandahan sa kanyang daigdig.
Ang mga bulaklak ay hindi na mga tainmtim na panalangin. Ang mga kislap ng bituin na
ulit-ulit na pagtatapat ng pagibig.
Ang damit sa huli niyang kuwadro ay naluma sa taguan na di nakadama ng isa mang
kulay sa guhit ng pinsel.
♦♣♦

Matulin ang agos na malinaw sa tubig na kumikislap sa mga batuhan sa tiyan ng


mababaw na ilog.
Isang babae ang naglalaba sa tabi nito. Nakilala ni Korbo si Karelia.
Sa pampang sa lilim ng mga kawayan ay saglit-saglit na inaabot ng tanaw ni Karelia
ang isang papag ng batang may kulong at tinutulungan ng isang pasusuhin.
Nilipat ni Korbo ang papag at maluwat at pinagmalas ang nakawiwiling natutulog na
sanggol. nang balingan niyang muli ng tanaw si Karelia ay nakita niyang nakatigil ito sa
paglalaba at matamang nakatitig sa kanya na waring ayaw pang maniwala na siya ay
naroroon.
Nakangiting lumapit siya kay Karelia. Umupo siya sa isang bato, inalis ang kanyang
balanggot at pinahid ng panyo ang pawis ng kanyang noo.
“Napakalayo naman sa bayan ang inyo ng nayon,” ang sabi ni Korbo. “Napagod ako sa
kakahanap.”
Pinagmasdan niya ang kanyang mga sapatos na namumuti sa alikabok. Maybutas na
ang swelas ng isa niyon. Itinapak niya upang di makita ni Karelia.
“Paano mong natutuhan ito?” tanong ni Karelia. Nakita ni Korbong hindi nalingid kay
Karelia ang inililihim niyang ssira ng kanyang sapatos.
“Itinuro sa akin ng iyong kapatid ,” ang kanyang sabi.
Ibig niya ang mga mata ni Karelia. Malalim at mahiwaga ang mga itim niyon.
“Nang mabalitaan kong ikinasal si Dando ay pinuntahan kita,” ang sabi ni Korbo. “Ang
sabi ng iyong kapatid ay sinaktan ka at pinalayas ng iyong ama.”
“Sumulat ako sa iyo makailang araw na tayo ay magkagalit,” ang sabi ni Karelia.
“Tumungo ako sa inyong tinitirahan. Lumipat ka na at hindi mo raw sinabi kung saan.”
“Pumasok akong manggagawa sa bapor na nag-aayos ng kable sa Bisaya at
Mindanaw. Sa kapaguran ng aking mga laman at katawan ay naari kong limutin ang
aking mga alaala.”
“Sa aking sulat ay sinabi ko na may mga sandal, kung tayo ay magkakasama, na wari
bang nakasisilip ako ng kaunting banaag ng kahulugan ng buhay,” ang sabi ni Karelia
na tila ibig tawanan ang kanyang alaala. “Sinabi ko sa mga sandaling yaon ay
napupuno ako ng damdaming ang buhay ay may halaga lamang sapagka’t ikaw ay
naroroon.”
Patulooy ang pagkusot ni Karelia sa damit na nilalabhan. Matingkad ngayon ang kulay
ng kanyang mga pisngi. Sa nalaylay na liig ng kanyang baro ay nakalabas ang kanyang
balikat na pinamumula ng sikat ng araw.
♦♣♦
Halos hindi na maabot ni Korbo sa alaala ang bahagi ng kanyang buhay na hindi
kinaroroonan ni Karelia. Sa palagay niya ay nangyari yaon bago pa nilalang ang
daigdig.
Sa wari niya ay simula pa lamang noon ng daidig nang may isang dalagang lumapit sa
kanyang pagpipinta at nagugulumihan ng nagmasid sa iginuguhit ng kanyang pinsel.
Nasa isang ilang siya noon. At ang dalaga ay hininuha niyang kasama sa isang piknik.
Pagkatapos ng matagal at pilit na pag-unawa sa kanyang kwadro ay bumaling sa kanya
ang dalagang nagingiti.
“Ang kawayanan po bang yaon ang inyong pinipinta?”
“A, nahulaan din ninyo sa wakas,” ang sabi niyang tumatawa.
“Patawarin ninyo po ako,” ang sabu, “Ngunit bahagya nang makilala ang inyong mga
kawayan at ang namamayani sa inyong kuwadro ay ang mahihiwagang kulay na pilit ko
mang wariin ay hindi ko makita sa mga puno ng kawayan yaon.”
Lalong natuwa ang kanyang kalooban.
“A, kung kayo lamang ang maaaring lumagay sa kinalalagyan ko ngayon at Makita at
maipinta ang pilak ng kislap at lalim ng itim ng inyong mga mata, ang rosas ng inyong
mga pisngi at ang pula ng inyong mga labi, ay di maniniwala n asana kayong ang kulay
pala ay may sariling wika na nauunawaan ng puso.”
Tumawa ang dalaga.
“Ang nauunawaan ko lamang ay ang ibang-iba at kakatuwang paraan ninyo sa
pagsasabing maganda ang isang dalaga.”
Nagsabat ang tunog ng kanilang halkhak.
♦♣♦
Umiyak ang sanggol sa tulugan nito sa lilim ng mga kawayan sa pampang.
Iniwan ni Karelia ang kanyang nilalabhan at pinuntahan ang sanggol.
Binuhat at idinuyan sa kanyang mga bisig. Ngunit hindi tumigil iyon sa pag-iyak.
Sumunod si Korbo at hiningi ang sanggol kay Karelia.
“Bayaan mo ako,” ang kanyang sabing nakangiti at inabot ang sanggol.
Ibinigay ni Karelia at tumigil naman yaon nang mahimlay sa lalong malalaking bisig ni
Korbo. At tuluyan nang natulog na muli.
“Alis na muli ang aming bapor sa linggong darating,” ang marahan niyang sabi upang di
magising ang dala niyang sanggol na di iniiwan ng kanyang tingin. “May inupahan
akong bahay sa Maynila. Kung maghahanda ka ngayon ay aabot tayo roon bago
dumilim. Bukas ay maari tayong pakasal.”
♦♣♦
Isang iglap lamang ang pagitan ng buhay at kamatayan. Sa loob ng isang iglap ay
maaari kayang danasing muli ang buong buhay ng isang kinapal?
At sa bawat tilamsik ng sumambulat na utak ay maaari kayang piliin at pag-ugnay-
ugnayin ang mga nagsasabi ng lungkot at ang mga nagsasabi ng ligaya upang sa
nabuong larawan ay mabasa ang kahulugan ng buhay?
Sa kalat na mga utak ay napasama ang isang kuwintas nag into na may palawit na
maliit at mahiwagang Bathala. Madidilat ang malalaking mata nito na wari bagang ibig
sakupin sa isang titig lamang ang lahat ng makikita sa buong santinakpan.
Suyuan sa Tubigan

Suyuan sa Tubigan
ni Macario Pineda

Sumisilip pa lamang ang araw ng kami'y lumusong sa landas na patungo sa tubigan ni


Ka Teryo. kasabay namin si Ka Albina na kasama niyang si Nati at ang kanyang
pamangking si Pilang. Ang tatlo'y may sunong na mga matong ng kasangkapan at
pagkain.

"Ang Ka Teryo mo'y hindi makakalusong. Masidhi na naman ang rayuma," wika ni Ka
Albina sa akin. "Kung di nga lang lubugin ang tubigan naming yaon ay naurong sana
ang pasuyo namin ngayon. Mahirap ang wala ang Ka Teryo mo."

"Maano naman ho iyon," tugon ko. "Nariyan naman si Ka Ipyong at si fermin."

"Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?" tanong ni Ore." Aanim pa kaming nagkakasabay-
sabay ngayon."

"Wika ni Ipyong ay baka raw umabot sa dalawampu kayong lahat."

Nilingon ni Pakito ang dalawangdalaga. "Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong
na iyan. kay raming pagkain marahil," wika niya.

Nagtawa si Nati. Tila nga naman nagpapahiwatig ng malaking gutom ang panannalita ni
Pakito. Si Pilang ay walang imik at tila matamang pinagmamasdan ang landas na
tinalunton. Magaganda ang mga paa ni Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang
kanyang banayad na paghakbang.

Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang kalakina hanggang maagapay siya kay
Nati, "Aling Nati," wika niyang nakatawa, "ako na ho sana ang pasunungin ninyo ng
matong na iyan."

nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si Pastor. "Salamat ho," tugon niya. "Diyan ho
lamang sa araro at kalabaw ninyo ay napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng
matong. Nais ba ninyong matambak?"

"Bakit hindi mo aluking sunugin ang matong ni Pilang?" wika ni Pakito. "Si Nati ba
lamang ang pinahahalagahan n'yo?"

Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor ay halos pagulantang na tumawa kay Pakito. At


lumingon si Ka Albina sa amin alangang matawa, alangang magalit ang anyo ng
kanyang mukha.
Pinamulahan ng mukha si Pilang ngunit kahit isang ngiti ay wala siyang isinalo sa
aming katuwaan. Patuloy ang banayad niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi ang
kanyang binti sa ibabaw ng putikang landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang
nagpatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin kong tila may malalim na iniisip ang
binata ni Ka Inso.

Nang Kami'y dumating sa tubigang aararuhin ay malapit nang makatapos ng pagtitilad


si Ka Ipyong at si Fermin. Sa hindi kalayuan ay natanaw naming dumating sina Ka
Punso, Ka Imong, Toning , Ilo, at Asyong. Sa malayo ay may ilan nang dumarating na
hindi namin mapagpasiya.

Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni Fermin. "Tila pusang nanunubok kung humila ang
kalabaw ni Fermin," wika niya sa amin.

"Mangyari'y nagpapagawa naman ng bahay si Fermin," pagtatangol sni Pakito. "Hayan


nga naman, mayroon na silang bahay."

"Parang bakal naman ang kalabaw na iyan," wikani Ore, "At saka matakaw pa. Kupi
kasi ang sungay kaya matigas."

"Siyanga," ayon ni Yoyong. "Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na
iyan."

Pinagmasdan ko si Bonita ko. "Paano kaya ang matsora ko? Huwag di mahirapan ay
ayaw nang kumain. Ayaw magtakaw.'

Nalingunan ko si Pastor na nakaupo sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa pag-


ayos ng mga kasangkapang gagamitin. "Huwag na, Pastor," wika ng dalaga. "Piniritong
kamote at kape lamang ang ihahain. Kaya na namin ni Nati iyan."

"Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?" tanong ni Pastor. Nang yumuko
si Pilang upang hanguin ang iba pang mga kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang
binata sa dalaga.

Nilingon ko si Ore. Ang binata ay nakaupo at tila ang kanyang guyurang


pinagdurugtong lamang ang kanyang nakikita. Mapulang-mapula ang mukha ni Ore.

Nang dumating sina Ka Punso ay ang kalabaw ni Asyong na bagong bii ang aming
pinagkulumutan.

Walang malamang tugunin si Asyong sa aming mga pagtatanong, "Dalawa't kalahati ng


aba iyan, Asyong?" "mabuti ba sa tubigan?" "Tila maliksi! Mainam ang mga braso."
"Tuyong-tuyo ang mukha." "May ilalabas ang kalabaw na iyan." "Hindi naman lubhang
malaki ano?" "Ano kaya? maiharap kaya natin iyan sa kalakian niKa Pedro?" "Saan mo
nabili, Asyong?" "Sino ang kasama mong pumili?"
"Si Punso yata ang kasama niya,' wika ni Ka Imong. Nilingon namin si Ka Punso na
hindi nakikisalamuha sa aming pagkakagulo sa kalabaw ni Asyong. "Hoy tsip," wika
namin, "kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw ang may tuklas nito, a."

Nagtawa si Ka Punso. "Paano pa. Sa lagay ba'y asin ko na'y lako ko pa?" At
nagtawanan
kaming lahat.

"Halina kayo." tawag ni Ka Albina sa amin. 'Nakahanda na ang kape. Magpainit muna
kayo ng tiyan."

Gumawi ako sa dalawang dalagang nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga pinggan ng
piniritong kamote. 'Maaari na ba akong maging serbidor diyan?" wika ko kay Nati.

Bigla akong inabutan ni Nati ng isang tasa ng kape. "Kumain ka na lang, lalaki ka.
Tinawag ka rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor."

Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape ay kusa
niyang sinapupo ang mapuputing daliri ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng
mainit. "Salamat," wika pa ng saragateng si Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang
ngunit hindi siya nagsalita gaputok man

Lumapit si Ore sa aking kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang kape na


tinimplahan ni Pilang ng asukal: akal ko'y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore kay Nati
Lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at kamote kay Ore.

Habang nagkakainan kami ay pasulyap-sulyap akokina Nati, Pilang, Ore, at Pastor.


Makailang nagpalitan ng makakahulugang titig sina Nati at ore. Si Pastor at laging kay
Pilang nakasulyap. Ang dalaga naman ni Ato ay laging nakatungo sa kanyang
ginagawa. Ngunit ngminsang mahuli niyang sa kanya nakatitig si Pastor ay
pinamulahan siyang gayon na lamang ng mga pisngi. At dagli niyang inayos ang
kanyang saya upang matakpang mabuti ang kanyang binti.

Pagkatapos ng kainan ay nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating ni Pekto.


Nagpapatakbo ng kalabaw na nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka Gabino. At
Humihiyaw, 'Kaunti na akong mahuli sa pista... kaunti na akong mahuli..." Kay saya ni
Pekto at kay liksi niya sa pag-aangat ng kanyang araro kung nilalampasan niya ang
mga pilapil. Si Pekto ang may sabi sa akin na kung mayroon daw suyuan sa tubigan ay
tila,ay pista ang mga magsasaka. Makisig dangan kasi ang kalakina ni Pekto.

Naunang napalakad si Ka Punso. At kami'y nagsunod-sunod. Ikalabin-lima ako sa


hanay. Ang sinusundan ko'y si Ka Imong. 'Huwag muna kayong bubugaw. bayaan
muna nating mag-init-init ang ating mga kalabaw," wika ni Ka Imong.

Nilingon ko sina Ore at pastor. Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin. Ang
dalawa'y tila nagkakahiyaang hindi ko mawari.
Nang tanawin ko ang dalawang dalaga ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang
ayos ng aming mga kalabaw.

Nakalimang likaw muna kami bago bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng putik si
FIlo ay bumugaw na rin ito. At ng maramdamam ni Asyong at ni Ka Punso ang kilusan
sa kanilang likuran ay lumingon ang dalawa. Nakatawa si ka Punso. Ang kanyang
kalabaw ay tila nakikimatyag. Sanay na sanay sa mga katuwaan ng suyuan ang
kalabaw na iyon.

Si Uwing, na pagdating nagtilad na sa ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. "Arya na


kayo... arya na..." hiyaw niya. Tila ko nakita kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping
usos ni Uwing. Para kong nakikitang ang dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa
kanyang pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang mga ngiping pantay-pantay ni Pilang,
mapuputi at nagkikislapang anaki'y nakar. Nilingon ko si Ore at Pastor. Tila
nagkakahiyaan pa rin ang dalawa.

Binanat ni Ka Punso ang kanyang pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian. Sinutsutan
si Asyong ang kanyang bagong bili. Nagkapitikan kami ng aming mga kalabaw.
Nagbugawan kami. Nag-umalon ang mga kalamnan ng mga hita ng aming mga
katulong. Sumagitsit ang subsob kung bungkalin ang malagkit na putik. halos
kumalabog ang lupa kung ibaliktad ng lipya. At nagtayo ang mga ulo ng aming mga
kalabaw. tila nahahalata ng aming mga katulong na hindi nila dapat isubo sa kahihiyan
ang kanilang mga panginoon.

At sa gayon ay madaling natapos ang malaking pitak na nilusungan namin. gayunman


mataas-taas na rin ang araw ng kami'y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

"Halina muna kayo." hiyaw ni Ka Albina. 'Magminindal muna kayo bago simulan iyan."

"Nariyan na kami," hiyaw ni Ka Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian. Sunod-sunod


kaming pumitik, nagbugawan kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang mga
kalabaw. Sumagitsit ang tubig, tumilapon ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya
sa liwanag ng araw. Kay saya ng aming hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang
tinig ni Pekto. "Pista... pista ng magsasaka."

Kaning mainit, bukayong niyog, at adobong manok ang aming minindal. Nagmamadali
tuloy ako sa pag kakalag kay Bonita. ngunit nang makakain na kami ay saka lamang
namin napansin sina Pastor, Ore at Tinong pala ay kasalukuyang nasusubukan sa
tarakan sa ikatlong pitak. Nauuna si Pastor, sumusunod si Ore, nasa hulihan si Tinong.

"Salbahe talaga yang si Tinong," wika ni Ka Punso. "Tiyak na siya ang nagbuyo sa
dalawa. Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?"

Malimit ang hiyaw ni Tinong sa kanyang kalabaw ngunit sina Pastor at Ore ay walang
imikan. Banat na banat ang kanilang mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng
kanilang mga araro, nag-uumalon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanilang mga
kalabaw.

At sumusubo lamang kami ng pagkain ay nasa malayo ang aming isip at mga mata.
Sinulyapan ko ang dalawang dalaga. Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay
nakatungong may kung anong inaayos. Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong
nagtatarakan.

"Noong si Juana ay aking nililigawan ay nakatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni


Tandang Lucio sa Nabao," wika ni Ka Punso. "Alam kong nais niyang gumiri kay Juana.
Maganda ang kalabaw ng taga-Dalig na yaon. Ang gilas ng tindig - kung masisindakin
ka'y sasabihin mong mahirap girian nang gayun-gayon lamang." Kumislap ang mga
mata ni Ka Punso.

Mangyari pang di si Pekto ang hahabol sa pangyayari. "Ano ang nangyari Ka Punso?"
tanong ng binata ni Ka Gabino, "Nagkahiritan ba kayong mabuti?"

"Nahuhuli ako. At sampung likaw na yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw niya.
Ang kalabaw ko naman ay napapansin kong ibig nang tumigil. Bumubula ang ang
bunganga. Palagay ko'y abot na ang hingal."

Tinanaw ko ang tatlong nagsusubukan. Naiiwan na si Toning. Nagkakabuntutan pa rin


ang mga kalabaw nina Ore at Pastor.

"Noong nakadadalawangpung likaw na kami marahil ay pinilantik ng taga_Dalig ang


kanyang kalabaw. Akala niya marahil ay maiiwan na ako. Sa pilantik niyang iyon ay
akalain ninyong biglang mahiga ang kanyang kalabaw. Kay lalim ng lubak na ginawa."
kay lakay ng halakhak ni Pekto.

"At ang kalabaw mo Ka Punso?" tanong ko, "hindi ba nahirapan?"

Nagtawa nang malakas si Ka Punso. "Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo'y ayaw
man lamang tumayo kinabukasang ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng
urang ni Ama." Lalong napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa ilong ng isang
butil ng kaning nanggaling sa bibig ni Ka Punso.

Patuluyan ng tumigil si Toning. Pinanonood na lamang niya ang nag tatarakan. May
labinlimang likaw na ang kanilang nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang dalawa.
Napabuntong-hininga ako nang pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula sa
kinauupuan namin ay tila ko nakita ang mukha ni Ore - kunot ang noo, tiim ang mga
ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil ang ugit ng araro, at halos magsugat ang
kaliwang palad sa pagbanat ng pamitik. Napapaangat ako sa bawat hakbang ng
kalabaw ni Ore. Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore ay nakatuon sa likuran
ng kanyang kalabaw.
At wari'y malikmatang gumuhit sa balintataw ng aking mga mata ang mga liham ng
dulang nangyari na sa paligid-ligid ng mga tubigang yaon: si Ka Punso't Ka Juana, si Ka
Imong at si Ka Marta, si Fermin at si Gundang, si Asyong at si Auring, si... mga
pasalising tagpo sa malaki't lalong makabuluhang dula ng buhay.

Muling pumilantik si Ore. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si


Pastor. Hindi pa siya pumipilantik ay nakakadalawa na si Ore.

Nilingon ko si Nati. Ang dalaga ni Ka Albina ay napapatunganga sa panonood ng


pagsusubukan. Si Pilang ay nakatungong naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-mapula
ang mga pisngi ng dalaga.

Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore. Ngunit
ang kalabaw nito ay lalong nag-uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa pagsunod
sa kalabaw ni Pastor. Isang pamitik na ang agwat ni Pastor kay Ore. At damak-damak
na palayo si Pastor. Naghiyawan kami.

Pumilantik si Ore at sinabayan ng isang sutsot. Lalong nag-umahon ang mga kalamnan
sa mga hita ng kanyang kalabaw. Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si ore.
Lalong bumilis ang hakbang ng kanyang kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga
ay unti-unting umabot si Ore kay Pastor. Isa pang pilantik. Nag-umunat angkalabaw ni
Ore. Bumubula ang bunganga ng kalakian. Yuko ang ulo at lahat ng lakas ay ibinigay
na. Lalo kaming naghiyawan.

Lumingon si Pastor. Nakita niyang umabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor ang
kanyang pamitik. Sinutsutan niya ang kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang
makalatay na pilantik. Umigpaw ang kalabaw. Lalo naman nag-umunat ang kalakian ni
Ore. Mayroon pa kayang ilalabas ang bumubuntot na kalabaw? At naghiyawan kami
nang malakas nang aming makitang pagkatapos ng ilang makalagot-litid na
pagpupumilit ay biglang tumigil ang kalabaw ni Ore. Talagang makisig ang kalabaw ni
Pastor.

"Magkalag muna kayo," hiyaw ni Ka Punso."Naghihintay ang pagkain... Pastor,


magkalag muna kayo."

Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kanyang kalabaw. Pagkatapos masabuyan ng tubig ay


nakatawang lumapit sa amin. Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang kalabaw na
abot-abot ang paghingal.

Inabutan ni Pilang ng pinggan si Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga.

'Ore," hiyaw ko. "Halika na. Kumain ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa
kalabaw mo."

Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore. Mapulang mapula ang kanyang mukha. At


paulit-ulit niyang ikinukuskos ang kanyang mga palad sa kanyang pantalong maong.
Malinis na malinis na ang palad ni Ore ay kuskos pa rin siya nang kuskos. Naiisip ko
tuloy: mayroon kayang putik ang kanyang mga palad na siya lamang ang nakakakita?

"Talagang matikas ang kalakian ni Pastor," wika niya.

Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor -
kumakain na siya sa tabi ng dalawang dalaga.

Nang ako'y tumayo upang tunguhin ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si Pilang sa
binata. At doon sa kinauupuan ng binata - ilang hakbang ang layo sa karamihan - doon
siya dinulutan ni Pilang. Ano kaya ang kanyang sinasabi kay Ore?

Nang ako'y muling tumanaw mula sa aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na


kalabaw ay nakita kong tila naibsan na ng hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang
mga binti ni Pilang ay tila lalong mapuputi.
“Impeng Negro”
ni Rogelio Sicat

"BAKA makikipag-away ka na naman, Impen."

Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na


batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

"Hindi ho," paungol niyang tugon.

"Hindi ho...," ginagad siya ng ina. "Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo'y lagi
ka ngang mababasag-ulo."

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya
ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay,
pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa'y naghilamos.

"Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo," narinig niyang bilin ng ina. "Wala nang
gatas si Boy. Eto ang pambili."

Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay.


Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit
kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon
na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa
pagsahod.

Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok.

"Nariyan sa kahon ang kamiseta mo."

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata'y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang
kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang
dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang
laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

"Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha."

Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid.
Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng
nanggigimalmal na mesang kainan. nagsisikain pa.

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si
Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang
kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama'y
maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit
nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang
kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

"Yan na'ng isuot mo." Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong
bili ngunit ngayo'y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit
wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina
sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya'y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-
tuloy niyang tinungo ang hagdan.

"Si Ogor, Impen," pahabol na bilin ng kanyang ina. "Huwag mo nang papansinin."

Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na
siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina.


Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga
raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya
yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa
kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng


panunukso:

"Ang itim mo, Impen!" itutukso nito.

"Kapatid mo ba si Kano?" isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

"Sino ba talaga ang tatay mo?"

"Sino pa," isisingit ni Ogor, "di si Dikyam!"

Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor


ang kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

"E ano kung maitim?" isasagot niya.


Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa'y bigla na lamang
nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.

"Negrung-negro ka nga, Negro," tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang


manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok.
Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang
nguso...Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa
sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya'y isang
sundalong Negro na nang maging anak siya'y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang
pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya
kasama ang kanyang ina?)

"Sarisari ang magiging kapatid ni Negro," sinabi ni Ogor. "Baka makatatlo pa ang
kanyang nanay ngayon!"

Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa.
Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa
pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang
lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang
napagtuunan ng sarisaring panunukso.

Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang
umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati'y binhi lamang ng isang paghihimagsik:
nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng
pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang
tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga
barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng
mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito,
ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit:
Negro!

Napapatungo na laamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng
araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito.
Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si
Ogor? Sa mula't mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng
pagkakataong maging kaibigan.
Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si
Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig;
tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila.
Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana'y
huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa


ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na
naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang
tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga
nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang
dulo ng pila'y nasa labas pa niyon.

Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay


nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang
sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin
ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi.
Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init.
Pasasaan ba't di iikli ang pila? naisip niya. Makasasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

"Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!"

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at
nanunukso na naman.

"Negro," muli niyang narinig, "sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!"

Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang
naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya'y ang bilin ng
ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang
balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng
araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya'y
nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap
ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa
ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di
natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa
ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang
ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya
ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang
iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang
kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.

"Negro!" Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya
ang nagsalita. Si Ogor. "Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig."

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo,
muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya


nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor,
naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno


ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako,
sabi niya sa sarili. pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya
kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang


sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa
kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan
nito ng tubig.

"Gutom na ako, Negro," sabi ni Ogor. "Ako muna."

Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde.
Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. "Kadarating
mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi,
e," giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting
nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga
paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib
uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang
na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

"Ano pa ba ang ibinubulong mo?"


Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng
nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento.
Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod,
dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri.
Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!

Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na
pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
"O-ogor...O-ogor..." Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad.
Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. "Ogor!" sa wakas ay
naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal
ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At
samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga
mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma
ang mga bisig.

"O-ogor..."

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit


ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla
niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya.
Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan
ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding
sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang
kanyang mga mata nang siya'y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si ogor...Sa mula't mula pa'y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni
Ogor?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita


niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol
na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. nagyakap sila. Pagulung-gulong.


Hindi siya bumibitiw. Nang siya'y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok,
dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.

Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila.


Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na
Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin. Papatayinnn!
Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit
makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya
naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling
matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit
siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman
sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!

Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro.


Negro!

Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri
siyang umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok,
bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok,
bayo, dagok, dagok, dagok...

Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay.


Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga
mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

"Impen..."

Muli niyang itinaas ang kamay.

"I-Impen..." Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. "I-Impen...s-suko n-na...a-
ako...s-suko...n-na...a-ako!"

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya Abut-
abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang
tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan
ang kanyang likod. May basa ng dugo't lupa ang kanyang nguso.

Marmaing sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador.


Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata
ng mga ito. Ang nababakas niya'y paghanga. Ang nakita niya'y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod
niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang
tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor.
Pagkaraa'y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na
nakatindig sa pinagwagihang larangan.

You might also like