You are on page 1of 11

Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

ARALIN 4.4
Pagsusuri sa Maikling Pelikula
Talaan ng Nilalaman
Introduksiyon 1

Mga Layunin sa Pagkatuto 2

Mga Kasanayan sa Pagkatuto 2

Simulan 2

Pag-aralan Natin 3
Pagsusuri ng Pelikula 4
Hakbang sa Pagsulat ng Suring Pelikula 4
Pagsusuri ng Pelikulang “Ang Patintero, Ang Alamat ni Meng Patalo” 5

Sagutin Natin 6

Subukan Natin 7

Isaisip Natin 7

Pag-isipan Natin 8

Dapat Tandaan 9

Mga Sanggunian 10
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Aralin 4.4
Pagsusuri sa Maikling Pelikula

Lar. 1. Ang maganda at maayos na pelikula ay tinatangkilik ng mga manonood.

Introduksiyon
Sa pagsusuri ng isang napanood na pelikula, hindi lamang daloy ng kuwento ang
binibigyang pansin. Nararapat din na tingnan ang husay nang pagganap ng mga artista,
kahusayan ng ginamit na salita o dayalogo, kaakmaan ng kasuotan, lugar na pinangyarihan,
at iba pa. Nagiging makatotohanan ang pelikula kung mahusay ito sa lahat ng aspekto.

1
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Mga Layunin sa Pagkatuto


Sa araling ito, inaasahang matutuhan mo ang sumusunod:
● Nauunawaan ang pelikulang napanood;
● naiisa-isa ang mahahalagang pangyayari at kaisipan sa napanood na
pelikula; at
● nasusunod ang mga hakbang sa pagsulat ng suri ng maikling pelikula.

Mga Kasanayan sa Pagkatuto


Sa araling ito, ikaw ay inaasahang makasusulat ng suri sa isang maikling
pelikula.

Simulan

Pelikulang Napanood!

Materyales
● papel
● panulat

Mga Panuto
1. Balikan ang isang pelikulang napanood mo na iyong naibigan.
2. Ikuwento ang bahaging nagustuhan sa pelikula.
3. Ilahad din kung bakit maituturing na ito ay magandang pelikula.

2
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Talahanayan 1: Pelikulang napanood

Pelikulang Napanood Bahaging Nagustuhan Dahilan ng Pagiging


magandang Pelikula

Mga Gabay na Tanong


1. Ano ang pelikulang iyong napanood na maituturing mong maganda at mahusay na
pelikula? Bakit mo ito nagustuhan?
2. Ano ang kaisipan ng pelikulang iyong napanood?
3. Sa iyong palagay, bakit nagiging maganda at makatotohanan ang isang pelikula?

Pag-aralan Natin

Mahahalagang Tanong
Paano mauunawan nang lubos ang nilalaman ng isang pelikula? Bakit
kailangang suriin ang mga pangyayari at kaisipan ng pelikula? Bakit
kailangang tangkilikin ang pelikulang Pilipino?

May ilang manonood ng pelikula na nagbabasa muna ng pagsusuri ng pelikulang


panonoorin upang tiyakin na magiging makabuluhan ang kaniyang panonood kaya naman
mahalaga ang pagbuo o pagsulat ng isang suring pelikula. Nakatutulong ito na mabigyan ng
ideya ang ibang manonood sa nilalaman ng isang pelikula ngunit may mga pagkakataon na
nag-iiba-iba ang pananaw o pagtingin ng manonood sa pelikulang sinusuri. Maaaring naging
maganda at maayos ang pelikula sa iba ngunit sa iba ay hindi, dahil may kani-kaniyang

3
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

pagtanggap at pananaw ang bawat tao. Maaaring magamit ang mga pagsusuring ito upang
ayusin o pagbutihin pa ng mga gumagawa ng pelikula ang kanilang mga likha.

Alamin Natin
makabuluhan kapaki-pakinabang

pananaw opinyon

tiyakin siguruhin

Pagsusuri ng Pelikula
Ang pagsusuring pampelikula ay paglalahad ng sariling obserbasyon, pagsusuri, at
pananaw ng isang manonood tungkol sa kabuoan ng pelikula. Sa pagsasagawa ng isang
pagsusuri ng pelikula hindi lamang ang kuwento ang dapat na suriin. Maraming aspekto ang
dapat na pagtuunan ng pansin.

Hakbang sa Pagsulat ng Suring Pelikula


Ang sumusunod ay maaaring gamiting gabay sa pagbuo ng isang suring pelikula:
1. Alamin at isulat ang pamagat ng pelikula. Kadalasan sa pamagat pa lamang ng pelikula
ay magkakaroon na ng ideya ang manonood kung tungkol saan ang pelikula. Ngunit may
mga pagkakataon na nakatago ang kahulugan ng pamagat at may mas malalim itong
kahulugan.
2. Ang simula ng suring-pelikula ay maaaring maikling buod sa nilalaman ng pelikula. Isama
na rin sa bahaging ito ang tema o paksa at mensahe ng pelikula. Isalaysay rin ang
damdaming nangibabaw sa pelikula. Ilahad kung ito ba ay nais magpatawa, manakot,
magpaiyak, manggulat, o manindak ng manonood.
3. Ang tagpuan o lugar na pinangyarihan ng pelikula ay mahalaga ring pagtuunan ng
pansin. Alamin kung saang lugar at kailan naganap ang mga pangyayari. Ilahad kung
akma ang mga lugar na pinangyarihan ng bawat eksena. Kung ang pelikula halimbawa

4
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

ay nangyari noong unang panahon pa, dapat ay mababakas dito ang mga lumang gusali
at mga kalsada, lumang bahay at iba pa.
4. Sunod na pagtuunan ng pansin ay ang mga tauhan na gumanap sa pelikula. Tingnan
kung akma ba sa kanila ang papel na ginampanan. Obserbahan din kung naging
kapani-paniwala ba ang kanilang pagganap at naging mahusay ba sila sa pagbibigay
buhay sa karakter na ibinigay sa kanila.
5. Isa pang nagpapatingkad ng ganda ng isang pelikula ay ang mga musika at tunog na
ginamit. Minsan ay nakakapagpapasidhi ito ng damdamin. Kung masaya ang damdamin
dapat ay masaya rin ang musika, gayundin naman kung malungkot ang nais ipahatid na
damdamin dapat ay aakma rito ang musikang gagamitin.
6. Pansinin din ang sinematograpiya ng pelikula, ito ay ang paggalaw at pagpokus ng
pelikula sa mga eksena at mga bagay. Kabilang din dito ang liwanag o dilim ng ilaw na
ginamit. Ang isang halimbawa nito ay kapag malungkot ang damdamin na nais
palutangin sa eksena ay madilim ang ilaw na ginagamit.

Pagsusuri ng Pelikulang “Ang Patintero, Ang Alamat ni Meng Patalo”

Ang pelikula ay tungkol sa batang si Meng na laging natatalo sa larong patintero. Ito ay
maituturing na isang simpleng kuwento ng batang determinadong lumaban at manalo sa
laro. Simple, ngunit nakapagbibigay ng inspirasyon na huwag agad sumuko. Lumaban pa rin
si Meng at ang kaniyang kagrupo sa sportsfest kahit na alam nilang mahina ang kanilang
grupo. May pagkakataong nanalo sila ngunit dinaya lang ito ni Meng at lumabas din sa huli
ang katotohanan at sila ay na-disqualify. Natalo man sila sa maraming pagkakataon,
nagsilbing magandang alaala naman ang kanilang makasaysayang mga laro sa kanilang
lugar at dadalhin nila ang magandang alaalang ito hanggang sila ay tumanda.

Ang kuwento ay naganap sa Barangay San Jose kung saan sikat na sikat ang larong
patintero. Sa tuwing may naglalaro ng patintero dito ay ipinamamalita ito sa buong
barangay kaya naman halos lahat ng kabataan ay nanonood sa laro.

5
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Mahusay ang pagkakaganap ng pangunahing karakter na si Meng. Umakma sa kaniya ang


taguring “patalo” dahil sa balingkinitan niyang katawan. Ang mga sumusuportang tauhan
naman na sina Shifty, Nicay, at Z-boy ay nagampanan din nang maayos ang kanilang mga
papel bilang mga tunay na kaibigan ni Meng. Bawat isa ay nagpakita ng galing sa pag-arte.
Bata man silang maituturing ay naging makatotohanan pa rin ang kanilang pagganap.

Ang musika at tunog na inilapat ay akma sa mga eksena ng pelikula. Nagpasidhi ito ng
damdamin ng manonood, katulad na lamang ng mga musika at tunog na ginamit habang
nagkakaroon ng matinding laban ng patintero sa pagitan ng dalawang grupo. Lalong naging
kapana-panabik ang resulta ng laro dahil dito. Samantala, gumamit naman ng mga
musikang malungkot sa mga eksenang malungkot din upang lalong mapalutang ang
ganitong damdamin.

Maayos at magaling din ang pagkakapokus ng kamera sa mga bagay na nais bigyang-diin.
Ang halimbawa nito ay ang pagpokus ng kamera sa iskor ng laro habang nagaganap ang
patintero at maging ang mga paa ng mga batang tumatakbo. Ginamit naman ang malamlam
o medyo madilim na ilaw sa mga pangyayaring malungkot tulad ng pag-aaway ng
magkapatid na Meng at Manuel.

Sa pangkalahatan ay hindi na kataka-takang humakot ng iba’t ibang parangal ang pelikulang


ito taong 2015 hanggang 2016. Kapuri-puri ang ipinakita ng mga taong nasa likod ng pelikula
lalo na ang direktor nito.

Sagutin Natin
1. Ano ang pagsusuring pelikula?
2. Ano-ano ang mga bagay na dapat pagtuunang pansin kapag magsusuri ng pelikula?
3. Bakit mahalagang suriing mabuti ang isang pelikula?

6
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Subukan Natin
Tukuyin kung ano ang sinusuri sa mga sumusunod. Isulat kung ito ay tema o paksa,
tauhan, tagpuan, musika at tunog, o sinematograpiya.

________________ 1. Ang pinangyarihan ng pelikula ay isang malawak na karagatan.


Ang mga tauhan ay nakasakay sa isang malaking barko.

________________ 2. Mahusay ang pagkakagamit ng tunog. Lalong naging


nakakatakot ang eksena dahil sa tunog na nakakatakot.
Talagang makapanindig-balahibo ang mga tagpo sa pelikula.

________________ 3. Sadyang naaliw ang mga manonood. Ang mga pangyayari ay


tunay na nakatatawa. Ito ay isang komedya na nakagagaan ng
damdamin. Makalilimutan mo ang iyong mga problema kung
ito ay iyong panonoorin.

________________ 4. Mahusay ang mga gumanap na artista sa pagbibigay buhay sa


kanilang ginampanan na papel sa pelikula.

________________ 5. Ang unang pangyayari ay ginanap sa lumang ospital.

Isaisip Natin
Paano makatutulong ang isang suring pelikula sa mga magbabasa nito?

Pag-isipan Natin

7
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

1. Magsuri ng isang maikling pelikulang sa youtube.


2. Gamiting gabay ang mga hakbang sa pagsulat ng suring-pelikula.

Gamitin ang sumusunod na rubrik bilang gabay.

Mas Mababa Kailangan pa


kaysa ng Nakatugon sa Lumagpas sa
Inaasahan Pagsasanay Inaasahan Inaasahan
Pamantayan 1 2 3 4

Nilalaman (70%) Hindi nailahad Nagsikap na Mahusay na Napakahusay


Mahusay ang kabuoan ang paksa o mailahad ang nakapagsuri ng kabuoan
ng pagsusuri sa tema, hindi pagsusuri ng ng maikling ng pagsusuri
maikling pelikula kompleto ang maikling pelikula. May sa pelikula.
pagsusuri sa pelikula. May paksa o tema, Lubos na
tauhan at paksa o tema kompleto ang nailahad ang
tagpuan, hindi ngunit hindi pagsusuri sa paksa o tema,
rin kompleto ang tauhan at kompleto ang
nakapaglagay pagsusuri sa tagpuan, pagsusuri sa
ng pagsusuri sa tauhan at nabigyan din tauhan at
musika o tunog tagpuan, ng pansin ang tagpuan, may
at hindi rin musika o makabuluhan
sinematograpiy nasuri nang tunog at ang g
a. mabuti ang sinematograpi obserbasyon
musika o ya at pananaw
tunog at sa musika o
sinematograp tunog at sa
iya. sinematograp
iya.

Kaayusan at Walang Kailangang Maayos at Napakaayos


kalinisan (15%) kaayusan at matutong malinis ang at napakalinis
Malinis at maayos ang napakadumi ng maging output; may ng ipinasang
kabuoan ng gawain output; maayos at ilang nakitang output;
napakaraming malinis sa bura, dumi, o walang
nakitang bura, paggawa; pagkakamali. nakitang
dumi, o maraming bura, dumi, o
pagkakamali. nakitang pagkakamali.

8
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

bura, dumi, o
pagkakamali.

Panahon ng Nakapagpasa Nakapagpa Nakapagpasa Nakapagpasa


Paggawa (15%) ng output sa sa ng output ng output sa ng output
Natapos at naipasa loob ng ilang sa loob ng itinakdang bago pa ang
ang gawain sa panahon ilang panahon panahon ng itinakdang
itinakdang panahon matapos ang matapos ang pagpapasa. panahon ng
itinakdang itinakdang pagpapasa.
pasahan dahil pasahan.
ipinaalala ng
guro.

Kabuoang Marka =

Dapat Tandaan

● Ang pagsusuring pampelikula ay paglalahad ng sariling obserbasyon, pagsusuri, at


pananaw ng isang manonood tungkol sa kabuoan ng pelikula.
● Sa pagsusuri ng pelikula, dapat na pagtuunan ng pansin ang tema o paksa, tauhan,
tagpuan, musika at tunog, at sinematograpiya.

9
Filipino

Baitang 6 • Yunit 4: Maikling Pelikula

Mga Sanggunian
Almario, Virgilio S. 2010. Binagong Edisyon ng UP Diksyunaryong Filipino. Quezon City: UP
Sentro ng Wikang Filipino at Anvil Publishing House Inc.
Arevalo, Miguel Victor. 2002. Tekstong Patnubay sa Pag-aaral ng Gramatika. Quezon City: C &
E. Publishing Inc.
Badayos, Paquito. 2008. Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Filipino (Mga Teorya,
Simulain at Istratehiya). Valenzuela City: Mutya Publishing House.
Mangahis, Josefina. 2015. Sanghaya 5: Wika at Pagbasa sa Filipino. Quezon City: C & E
Publishing, Inc.
Santiago, Alfonso O. at Norma G. Tiangco. 1991. Makabagong Balarilang Filipino. Manila: Rex
Book Store.
Taruc, Zendel Rosario. 2015. Sanghaya 6: Wika at Pagbasa sa Filipino. Quezon City: C & E
Publishing, Inc.

10

You might also like