Walang nilaga. 2.Batang puso, Madaling marahuyo. 3.Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, Daig pa ang malansang isda. 4. Ang gawa sa pagkabata, Dala hanggang pagtanda. 5. Ang magalang na sagot, Ay nakakapawi ng poot. 6. Ang magandang asal Ay kaban ng yaman. 7. Ang matapat na kaibigan, Tunay na maaasahan. 8. Ang tao kapag mayaman, Marami ang kaibigan. 9. Ang tunay na anyaya, Sinasamahan ng hila. 10. Ang tunay na kaibigan, Karamay kailan man. 11. Ang tunay na kaibigan, Nakikilala sa kagipitan. 12. Kaibigan kung meron, Kung wala’y sitsaron. 13. Puri sa harap, Sa likod paglibak. 14. Turan mo ang iyong kaibigan, Sasabihin ko kung sino ikaw. 15. Walang paku-pakundangan, Sa tunay na kaibigan. 16. Kapag pinangatawanan, Sapilitang makakamtan. 17. Aanhin mo ang palasyo, Kung ang nakatira ay kuwago? Mabuti pa ang bahay kubo, Ang nakatira ay tao. 18. Ako ang nagbayo, Ako ang nagsaing. Saka ng maluto’y, Iba ang kumain. 19. Ako, ikaw o kahit sinumang nilalang, Tayong lahat ay arkitekto ng sariling kapalaran. 20. Ang bayaning nasugatan Nag-iibayo ang tapang. 21. Ang buhay ay parang gulong, Minsang nasa ibabaw, Minsang nasa ilalim. 22. Ang bulsang laging mapagbigay, Hindi nawawalan ng laman. 23. Ang hindi napagod magtipon, Walang hinayang magtapon. 24. Ang iyong kakainin, Sa iyong pawis manggagaling. 25. Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan at wala sa kasaganaan. 26. Ang lumalakad nang mabagal, Kung matinik ay mababaw. Ang lumalakad nang matulin, Kung matinik ay malalim. 27. Ang mabigat ay gumagaan kapag pinagtulung-tulungan. 28. Ang mabuting halimbawa ay higit na mabisa kaysa pahayag na dakila. 29. Ang maniwala sa sabi-sabi’y walang bait sa sarili. 30. Ang paala-ala ay mabisang gamot sa taong nakakalimot. 31. Ang pag-ilag sa kaaway ang tunay na katapangan. 32. Ang puri at ang dangal, Mahalaga kaysa buhay. 33. Ang tao na walang pilak, Parang ibong walang pakpak. 34. Ang taong mainggitin, Lumigaya man ay sawi rin. 35. Ang taong nagigipit, Sa patalim man ay kumakapit. 36. Ang taong tamad kadalasa’y salat. 37. Ang taong walang kibo nasa loob ang kulo. 38. Anuman ang gagawin, Makapitong iisipin. 39. Anuman ang gawa at dali-dali, Ay hindi iigi ang pagkakayari. 40. Bago ka bumati ng sa ibang uling, Pahirin mo muna ang iyong uling. 41. Bago mo sikaping gumawa ng mabuti, Kailangan mo munang igayak ang sarili. 42. Daig ng maagap ang taong masipag. 43. Di lahat ng kagalingan ay may dalang katamisan. 44. Di lahat ng kapaitan ay tanda ng kasamaan. 45. Gawin mo sa kapuwa mo, Ang nais mong gawin nila sa iyo. 46. Hanggang maiksi ang kumot, Magtiis na mamaluktot. 47. Huwag magbilang ng manok, Hangga’t hindi napipisa ang itlog. 48. Kadalasan, ang karikta’y ginagawang isang bitag upang siyang ipanghuli noong ibig ipahamak. 49. Kapag ang tao’y matipid, Maraming maililigpit. 50. Kapag may isinuksok, May madudukot. 51. Kung aakyat ka nga’t mahuhulog naman, Mabuting sa lupa’y mamulot na lamang. 52. Kung ano ang itinanim, Iyon din ang aanihin. 53. Kung ano ang puno, Siya ang bunga. 54. Kung binigyan ng buhay, Bibigyan din ng ikabubuhay. 55. Kung gaano kataas ang lipad, Gayon din ang lagapak pag bagsak. 56. Kung may tinanim, May aanihin. 57. Kung pukulin ka ng bato, Tinapay ang iganti mo. 58. Kung sino ang masalita, Siyang kulang sa gawa. 59. Kunwaring matapang bagkus duwag naman. 60. Madali ang maging tao, Mahirap magpakatao. 61. Magandang pamintana, Masamang pang kusina. 62. Magbiro ka sa lasing, Huwag sa bagong gising. 63. Magkupkop ka ng kaawa-awa, Langit ang iyong gantimpala. 64. Magsisi ka man at huli wala nang mangyayari. 65. Mainam na ang pipit na nasa kamay kaysa lawing lumilipad. 66. Matapang sa kapwa Pilipino, Susukot-sukot sa harap ng dayo. 67. Matutuyo na ang sapa nguni’t hindi ang balita. 68. May tainga ang lupa, May pakpak ang balita. 69. Nagpapakain ma’t masama sa loob, Ang pinakakain hindi nabubusog. 70. Nasa Diyos ang awa, Nasa tao ang gawa. 71. Pag may hirap, May ginhawa. 72. Pag may kalungkutan, May kasiyahan. 73. Pagkapawi ng ulap, Lumilitaw ang liwanag. 74. Pulutin ang mabuti, Ang masama ay iwaksi. 75. Sa larangan ng digmaan, Nakikilala ang matapang. 76. Sagana sa puri, Dukha sa sarili. 77. Sala sa lamig, Sala sa init. 78. Ubos-ubos biyaya, Pagkatapos nakatunganga. 79. Walang humawak ng lutuan, Na hindi naulingan. 80. Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha. 81. Yaong mapag-alinlangan, Madalas mapag-iwanan. 82. Kung saan nahihilig, duon din nabubuwal. 83. Ang araw bago sumikat, Nakikita muna’y banaag. 84. Kapag ang ilog ay maingay, Asahan mo at mababaw. 85. Kapag ang ilog ay matahimik, Asahan mo at malalim. 86. Tikatik man kung panay ang ulan, Malalim mang ilog ay mapapaapaw. 87. Ang sakit ng kalingkingan, Dama ng buong katawan. 88. Gaano man ang iyon lakas, Daig ka ng munting lagnat. 89. Ang hindi tumupad sa sinabi, Walang pagpapahalaga sa sarili. 90. Ang iyong hiniram, Isauli o palitan. Upang sa susunod, Hindi ka makadalaan. 91. Ang lalaking tunay na matapang, Hindi natatakot sa pana-panaan. 92. Ang mabuting gawa kinalulugdan ng madla. 93. Ang may malinis na kalooban ay walang kinatatakutan. 94. Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat. 95. Ang tunay mong pagkatao, Nakikilala sa gawa mo. 96. Ang utang ay utang, Hindi dapat kalimutan. 97. Kapag bukas ang kaban, Nagkakasala sinuman. 98. Nasa taong matapat ang huling halakhak. 99. Sa taong may tunay na hiya, Ang salita ay panunumpa. 100. Ang isip ay parang itak, Sa hasa tumatalas. 101. Ang pag-aasawa ay hindi biro, ‘Di tulad ng kanin iluluwa kung mapaso. 102. Ang pili nang pili, Natapatan ay bungi. 103. Pag kahaba-haba man ng prusisyon, Sa simbahan din ang tuloy. 104. Pagsasama ng tapat, Pagsasama ng maluwat. 105. Walang matiyagang lalaki, Sa pihikang babae. 106. Madaling pumitas ng bunga, Kung dadaan ka sa sanga. 107. Ang ibinabait ng bata, Sa matanda nagmula. 108. Anuman ang tibay ng piling abaka, Ay wala ring lakas kapag nag-iisa. 109. Kaya matibay ang walis, Palibhasa’y nabibigkis. 110. Magsama-sama at malakas, Magwatak-watak at babagsak. 111. Nawala ang ari, Ngunit hindi ang lahi. 112. Ang lakas ay daig ng paraan. 113. Ang umaayaw ay di nagwawagi, Ang nagwawagi ay di umaayaw. 114. Huli man daw at magaling, Naihahabol din. 115. Kung may hirap ay may ginhawa. 116. Kuwarta na, Naging bato pa. 117. Marami ang matapang sa bilang, Ngunit ang buo ang loob ay kulang. 118. Sa maliliit na dampa nagmumula ang dakila. 119. Sa taong walang takot, Walang mataas na bakod. 120. Walang mahirap na gawa pag dinaan sa tiyaga. 121. Aanhin pa ang damo, Kung patay na ang kabayo. 122. Ang ampalaya kahit anong pait, Sa nagkakagusto’y matamis. 123. Ang anumang kasulatan dapat ay lalagdaan. 124. Ang bungang hinog sa sanga, Matamis ang lasa. Ang bungang hinog sa pilit, Kung kainin ay mapait. 125. Ang butong tinangay ng aso, Walang salang nalawayan ito. 126. Ang katotohana’y kahit na ibaon, Lilitaw pagdating ng takdang panahon. 127. Ang langaw na dumapo sa kalabaw, Mataas pa sa kalabaw ang pakiramdam. 128. Ang lihim na katapangan ay siyang pakikinabangan. 129. Balat man at malinamnam, Hindi mo matitikman. 130. Bibig na natatakpan, Hindi papasukin ng langaw. 131. Buhay-alamang, Paglukso ay patay. 132. Buntot mo, hila mo. 133. Hampas sa kalabaw, Sa kabayo ang latay. 134. Hindi sasama ang pare, Kundi sa kapwa pare. 135. Ibong sa hawla’y ikinulong nang mahigpit, Kapag nakawala’y hindi na babalik. 136. Kahit saang gubat ay mayroong ahas. 137. Kahoy mang babad sa tubig, Sa apoy huwag ilapit. ‘Pag ito’y nadarang sa init, Sapilitang magdirikit. 138. Kapag apaw na ang takalan, Kailangan kalusan. 139. Kasama sa gayak, Di kasama sa lakad. 140. Kung ano ang sukat ng ohales, Iyon ding ang laki ng butones. 141. Kung anong bukang-bibig, Ay siyang nilalaman ng dibdib. 142. Kung hindi ukol, Hindi bubukol. 143. Kung nasaan ang asukal, Naroon ang langgam. 144. Kung sino ang unang pumutak, Siya ang nanganak. 145. Kung takot sa ahas, Iwasan mo ang gubat. 146. Mabuti’t masamang ginto sa urian natatanto. 147. Magkulang ka na sa iyong magulang, Huwang lang sa iyong biyenan. 148. Malakas ang bulong kaysa sigaw. 149. Malaking puno, Ngunit walang lilim. 150. Matabang man ang paninda, Matamis naman ang anyaya. 151. Matalino man ang matsing, Napaglalalangan din. 152. Naghangad ng kagitna, Isang salop ang nawala. 153. Nakikita ang butas ng karayom, Hindi nakikita ang butas ng palakol. 154. Walang lumura sa langi, Na di sa kanyang mukha nagbalik. 155. Walang mapait na tutong, Sa taong nagugutom. 156. Walang naninira sa bakal, Kundi sariling kalawang. MGA BUGTONG 1. Heto na ang magkapatid, nag-uunahang pumanhik. Sagot: Mga paa 2. Dalawang batong itim, malayo ang nararating. Sagot: Mga mata 3. Kay lapit-lapit na sa mata, di mo pa rin makita. Sagot: Tenga 4. Dalawang punsu-punsuhan, ang laman ay kaligtasan. Sagot: Suso ng Ina 5. Batong marmol na buto, binalot ng gramatiko. Sagot: Ngipin 6. May tubig na pinagpala, walang makakakuha kundi bata. Sagot: Suso ng Ina 7. Baboy ko sa pulo, ang balahibo’y pako. Sagot: Langka 8. Nakayuko ang reyna di nalalaglag ang korona. Sagot: Bayabas 9. Isang prinsesa nakaupo sa tasa. Sagot: Kasoy 10. Ate mo, ate ko, ate ng lahat ng tao. Sagot: Atis 11. Isang tabo, laman ay pako. Sagot: Suha 12. Kung tawagin nila’y “santo” hindi naman milagroso. Sagot: Santol 13. Bulaklak muna ang dapat gawin, bago mo ito kanin. Sagot: Saging 14. Isda ko sa maribeles nasa loob ang kaliskis Sagot: Sili 15. Sinampal ko muna bago inalok. Sagot: Sampalok 16. Baboy ko sa parang, namumula sa tapang. Sagot: Sili 17. Nang munti pa ay paruparo, nang lumaki ay latigo. Sagot: Sitaw 18. Ang anak ay nakaupo na, ang ina’y gumagapang pa. Sagot: Kalabasa 19. Nang sumipot sa maliwanag, kulubot na ang balat. Sagot: Ampalaya 20. Munting tampipi, puno ng salapi. Sagot: Sili 21. Ulan nang ulan, hindi pa rin mabasa ang tiyan. Sagot: Dahon ng gabi 22. Puno ko sa probinsiya, puno’t dulo ay may bunga. Sagot: Puno ng Kamyas 23. Gulay na granate ang kulay, matigas pa sa binti ni Aruray, pag nilaga ay lantang katuray. Sagot: Talong 24. Nakatalikod na ang prinsesa, ang mukha’y nakaharap pa. Sagot: Balimbing 25. Tatlong bundok ang tinibag, bago narating ang dagat. Sagot: Niyog 26. Hindi Linggo, hindi piyesta, naglawit ang bandera. Sagot: Dahon ng saging 27. Isang pamalu-palo, libot na libot ng ginto. Sagot: Mais 28. Bahay ni Gomez, punung-puno ng perdigones. Sagot: Papaya 29. Nang maglihi’y namatay, nang manganak ay nabuhay. Sagot: Puno ng Siniguelas 30. Kumpul-kumpol na uling, hayon at bibitin-bitin. Sagot: Duhat 31. Sa maling kalabit, may buhay na kapalit. Sagot: Baril 32. Maliit na bahay, puno ng mga patay. Sagot: Posporo 33. May puno walang bunga, may dahon walang sanga. Sagot: Sandok 34. Hayan na si kaka bubuka-bukaka. Sagot: Gunting 35. Nagtago si Pedro nakalabas ang ulo Sagot: Pako 36. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari. Sagot: Zipper 37. Bumili ako ng alipin, mataas pa sa akin. Sagot: Sumbrero 38. Isa ang pasukan, tatlo ang labasan. Sagot: Kamiseta 39. Kung kailan mo pinatay, saka pa humaba ang buhay. Sagot: Kandila 40. Walang sala ay ginapos, tinapakan pagkatapos. Sagot: Sapatos 41. Kaban ng aking liham, may tagpi ang ibabaw. Sagot: Sobre 42. Dikin ng hari, palamuti sa daliri. Sagot: Singsing 43. Isang hukbong sundalo, dikit-dikit ang mga ulo. Sagot: Walis 44. Huminto nang pawalan, lumakad nang talian. Sagot: Sapatos 45. Hiyas akong mabilog, sa daliri isinusuot: Sagot: Singsing 46. Malambot na parang ulap, kasama ko sa pangangarap. Sagot: Unan 47. Ako’y aklat ng panahon, binabago taun-taon. Sagot: Kalendaryo 48. Maraming paa, walang kamay, may pamigkis sa baywang ang ulo’y parang tagayan, alagad ng kalinisan. Sagot: Walis 49. Alalay kong bilugan, puro tubig ang tiyan. Sagot: Batya 50. Nagbibihis araw-araw, nag-iiba ng pangalan. Sagot: Kalendaryo 51. Itapon mo kahit saan, babalik sa pinanggalingan. Sagot: Yoyo 52. Hindi hayop hindi tao, nagsusuot ng sumbrero. Sagot: Sabitan ng sumbrero 53. Nagbibigay na, sinasakal pa. Sagot: Bote 54. Isang butil ng palay, sakop ang buong buhay. Sagot: Bumbilya 55. Hinila ko ang baging, sumigaw ang matsing. Sagot: Kampana o Batingaw 56. Isang pirasong tela lang ito, sinasaluduhan ng mga sundalo. Sagot: Watawat 57. Panakip sa nakabotelya, yari lata. Sagot: Tansan 58. Hindi hayop, hindi tao, pumupulupot sa tiyan mo. Sagot: Sinturon 59. Araw-araw nabubuhay, taon-taon namamatay Sagot: Kalendaryo 60. Sa buhatan ay may silbi, sa igiban ay walang sinabi. Sagot: Bayong o Basket 61. Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa. Sagot: Pluma o Pen 62. Dala mo dala ka, dala ka ng iyong dala. Sagot: Sapatos 63. Ang ulo’y nalalaga ang katawa’y pagala-gala. Sagot: Sandok 64. Bagama’t nakatakip ay naisisilip. Sagot: Salamin ng mata 65. Hindi ako sikat na pilosopo, tulad ng henyong kapangalan ko, pero mahal din ako ng tao, dahil kinakainan ako. Sagot: Plato 66. Hindi tao, hindi hayop, kung uminom ay salup-salop. Sagot: Batya 67. Sa araw ay bungbong, sa gabi ay dahon. Sagot: Banig 68. Naabot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay. Sagot: Kubyertos 69. Malaking supot ni Mang Jacob, kung sisidlan ay pataob. Sagot: Kulambo 70. Hinila ko ang tadyang, lumapad ang tiyan. Sagot: Payong 71. Bahay ni Mang Kulas, nang magiba’y tumaas. Sagot: Payong 72. Sa bahay ko isinuksok, sa gubat ko binunot. Sagot: Gulok/Itak 73. Kalesa ko sa Infanta, takbo nang takbo pero nakaparada. Sagot: Silyang tumba-tumba 74. Aling mabuting letrato ang kuhang-kuha sa mukha mo? Sagot: Salamin (mirror) 75. Isang tingting na matigas, nang ikiskis ay namulaklak. Sagot: Posporo 76. Takbo roon, takbo rito, hindi makaalis sa tayong ito. Sagot: Duyan 77. May bibig walang panga, may tiyan walang bituka; may suso walang gatas, may puwit walang butas. Sagot: Bayong 78. Maliit na parang sibat, sandata ng mga pantas. Sagot: Pluma o Pen 79. Gawa ito sa kinayas na kawayan, lalagyan ng santol, mangga at pakwan. Sagot: Tiklis 80. Dalawang patpat, sabay lumapat. Sagot: Gunting 81. Butasi, butasi, butas din ang tinagpi. Sagot: Lambat 82. Alipin ng hari, hindi makalakad kung hindi itali. Sagot: Sapatos 83. Urong sulong, lumalamon. Sagot: Lagari 84. Lumabas, pumasok, dala-dala ay panggapos. Sagot: Karayom 85. Walang hininga ay may buhay, walang paa ay may kamay, mabilog na parang buwan, ang mukha’y may bilang. Sagot: Orasan 86. Sinakal ko muna, bago ko nilagari. Sagot: Biyulin 87. Sandata ng mga paham, papel lamang ang hasaan. Sagot: Pluma o Pen 88. Aso ko sa Muralyon, lumukso ng pitong balon. Sagot: Sungkaan 89. Isang malaking suman, sandalan at himlayan. Sagot: Unan 90. Lumalalim kung bawasan, bumababaw kung dagdagan. Sagot: Tapayan 91. Buklod na tinampukan, saksi ng pag-iibigan. Sagot: Singsing 92. Ipinalilok ko at ipinalubid, naghigpitan ang kapit. Sagot: Sinturon 93. Utusan kong walang paa’t bibig, sa lihim ko’y siyang naghahatid, pag- inutusa’y di na babalik. Sagot: Sobre 94. Instrumentong pangharana, hugis nito ay katawan ng dalaga. Sagot: Gitara 95. Banga ng pari, pauli-uli. Sagot: Duyan 96. Walang paa, lumalakad, walang bibig, nangungusap, walang hindi hinaharap na may dala-dalang sulat. Sagot: Sobre 97. Isang panyong parisukat, kung buksa’y nakakausap. Sagot: Sulat 98. Dalawang magkaibigan, magkadikit ang baywang; kapag silay’y nag papasyal, nahahawi ang daanan. Sagot: Gunting 99. Pitong bundok, pitong lubak, tig-pitong anak. Sagot: Sungkaan 100. Halaman ng dunong, walang dilig maghapon, araw-araw kung bilangin isang taon kung tapusin. Sagot: Kalendaryo 101. Aso ko sa muralyon, lumukso ng pitong balon. Sagot: Sungkaan 102. Pinilit na mabili, saka ipinambigti. Sagot: Kurbata 103. Baboy ko sa Sorsogon, kung di sakyan, di lalamon. Sagot: Kudkuran 104. Ang alaga kong hugis bilog, barya-barya ang laman-loob. Sagot: Alkansiya 105. Matanda na ang nuno di pa naliligo Sagot: Pusa 106. Maliit pa si kumpare, nakakaakyat na sa tore. Sagot: Langgam 107. Heto na si Kaka, bubuka-bukaka. Sagot: Palaka 108. Kaaway ni Bantay, may siyam na buhay. Sagot: Pusa 109. Maliit pa si kumare, marunong ng humuni. Sagot: Kuliglig 110. Kahoy ko sa Marigundong, sumasanga’y walang dahon. Sagot: Sungay ng Usa 111. Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari. Sagot: Paruparo 112. Aling bagay sa mundo, ang inilalakad ay ulo? Sagot: Suso (snail) 113. Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas. Sagot: Gamu-gamo 114. Mataas kung nakaupo mababa kung nakatayo. Sagot: Aso 115. Bahay ng aluwagi, iisa ang haligi. Sagot: Bahay ng Kalapati 116. Usbong ng usbong, hindi naman nagdadahon. Sagot: Sungay ng Usa 117. Isang bahay na bato, ang takip ay bilao. Sagot: Suso (snail) 118. Pagmunti’y may buntot, paglaki ay punggok. Sagot: Palaka 119. Tinaga ko ang puno, sa dulo nagdurugo. Sagot: Gumamela 120. Nakakaluto’y walang init, umuusok kahit na malamig. Sagot: Yelo 121. Hindi naman hari, hindi naman pare, nagsusuot ng sarisari. Sagot: Sampayan 122. Baka ko sa palupandan, unga’y nakakarating kahit saan. Sagot: Kulog 123. May bintana nguni’t walang bubungan, may pinto nguni’t walang hagdanan. Sagot: Kumpisalan 124. Pitak-pitak, silid-silid, pinto man ay di masilip. Sagot: Kawayan 125. Sundalong Negro, nakatayo sa kanto. Sagot: Poste 126. Sapagkat lahat na ay nakahihipo; walang kasindumi’t walang kasimbaho; bakit mahal nati’t ipinakatatago. Sagot: Salapi o Pera 127. Tatlong hukom, kung wala ang isa’y hindi makakahatol. Sagot: Apog, ikmo at bunga 128. Tinuktok ko ang bangka, naglapitan ang mga isda. Sagot: Kampana 129. Bahay ni San Vicente, punung-puno ng diyamante. Sagot: Granada 130. Rubing nanggaling sa brilyante, brilyanteng nanggaling sa rubi. Sagot: Itlog 131. Likidong itim, pangkulay sa lutuin. Sagot: Toyo 132. Pampalapot sa sarsa, almirol sa kamiseta. Sagot: Gawgaw 133. Isang lupa-lupaan sa dulo ng kawayan. Sagot: Sigarilyo 134. Buhok ng pari, hindi mahawi. Sagot: Tubig 135. Lumalakad nang walang paa, maingay paglapit niya. Sagot: Alon 136. Nang munti pa ay may tapis, nang lumaki ay nabulislis. Sagot: Kawayan 137. Nang hinawakan ko ay namatay, nang iniwan ko ay nabuhay. Sagot: Makahiya 138. Kaisa-isang plato, kita sa buong Mundo. Sagot: Buwan 139. Kakalat-kalat, natisud-tisod, ngunit kapag tinipon, matibay ang muog. Sagot: Bato 140. Patung-patong na sisidlan, may takip ay walang laman. Sagot: Kawayan 141. Nagtanim ako ng isip sa gitna ng tubig, dahon ay makitid, bunga ay matulis. Sagot: Palay 142. Palda ni Santa Maria, ang kulay ay iba-iba. Sagot: Bahaghari 143. Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan. Sagot: Anino 144. Puno ay layu-layo, dulo’y tagpu-tagpo. Sagot: Bahay 145. Dalawang katawan, tagusan ang tadyang. Sagot: Hagdanan 146. Kung sa isda, ito ay dagat, kung sa ibon, ito’y pugad, lungga naman kung ahas, kung sa tao, ano ang tawag? Sagot: Bahay 147. Tungkod ni apo hindi mahipo. Sagot: Ningas ng kandila 148. Buto’t balat lumilipad. Sagot: Saranggola 149. Uka na ang tiyan, malakas pang sumigaw. Sagot: Batingaw 150. Ang sariwa’y tatlo na, ang maitim ay maputi na, ang bakod ay lagas na. Sagot: Matanda 151. Wala pa ang giyera, wagayway na ang bandera. Sagot: Dahon ng Saging 152. Nanganak ang aswang, sa tuktok nagdaan. Sagot: Puno ng saging 153. Pag-aari mo, dala-dala mo, datapwa’t madalas gamitin ng iba kaysa sa iyo. Sagot: Pangalan 154. Maaari mong makita ako sa tubig, ngunit hindi ako basa. Sagot: Panganganinag (reflection) 155. Lupa ni Mang Juan, kung sinu-sino ang dumadaan. Sagot: Kalsada 156. Bahay ko sa Pandakan, malapad ang harapan. Sagot: Pantalan 157. Alin sa mga santa ang apat ang paa? Sagot: Sta. Mesa MGA SAWIKAIN 1. Abot-tanaw Kahulugan: Naaabot ng tingin Halimbawa: Aking napagtanto na tayo pala ay abot-tanaw ng Panginoon. 2. Agaw-dilim Kahulugan: Malapit nang gumabi Halimbawa: Agaw-dilim nang umuwi si Ben sa kanilang bahay. 3. Alilang-kanin Kahulugan: Utusang walang bayad, pakain lang, pabahay at pakain ngunit walang suweldo. Halimbawa: Si Rowena ay alilang kanin ng kanyang Tiya Ising. 4. Amoy pinipig Kahulugan: Mabango, nagdadalaga Halimbawa: Amoy pinipig si Julie. 5. Amoy tsiko Kahulugan: Lango sa alak, lasing Halimbawa: Amoy tsiko ng umuwi si Alex sa bahay. 6. Anak-dalita Kahulugan: Mahirap Halimbawa: Marami akong kaibigan na anak-dalita. 7. Anak-pawis Kahulugan: Manggagawa, pangkaraniwang tao Halimbawa: Ako ma’y anak-pawis rin. 8. Asal hayop Kahulugan: Masama ang ugali Halimbawa: Hindi lahat ng mayaman ay asal hayop. 9. Balat-kalabaw Kahulugan: Matapang ang hiya Halimbawa: Balat-kalabaw na talaga kahit noon pa. 10. Balik-harap Kahulugan: Mabuti ang pakikitungo sa harap ngunit taksil sa likuran. Halimbawa: Bakit kaya may mga taong balik-harap? 11. Balitang kutsero Kahulugan: Maling balita / Hindi totoong balita Halimbawa: Magaling sa balitang kutsero si Mang Victor. 12. Bantay-salakay Kahulugan: Hindi mapagkakatiwalaan Halimbawa: Akala mo’y mabait ngunit bantay-salakay naman pala. 13. Basa ang papel Kahulugan: Bistado na Halimbawa: Basa na ang papel ng prinsipal ang inyong ginawa kaya huwag na kayong magsinungaling. 14. Basag-ulo Kahulugan: Away Halimbawa: Mahilig sa basag-ulo si Paking. 15. Bilang na ang araw Kahulugan: Malapit ng mamatay Halimbawa: Bilang na ang araw ni Aling Linda. 16. Buhok anghel Kahulugan: May magandang buhok Halimbawa: Si Kat ay may buhok anghel. 17. Bukal sa loob Kahulugan: Taos puso tapat Halimbawa: Bukal sa loob ni Henry ang pagtulong asa kapwa. 18. Bukang liwayway Kahulugan: Malapit nang mag-umaga Halimbawa: Hindi namalayan ni George ang oras kaya bukang liwayway na ng siya’y makauwi. 19. Bukas ang isip Kahulugan: Tumatanggap ng opinyon ng kapwa Halimbawa: Mabuti na lamang at bukas ang isip ni Abel sa mga usaping iyan. 20. Bukas na kaban Kahulugan: Mapagkawanggawa Halimbawa: May bukas na kaban si Aling Tasya sa mga mahihirap. 21. Bulaklak ng lipunan Kahulugan: Sikat at respetadong babae sa lipunan Halimbawa: Si Ginang Milagros ay itinuturing na bulaklak ng lipunan. 22. Bumangga sa pader Kahulugan: Lumaban sa makapangyarihan at mayamang tao Halimbawa: Kahit pa bumangga sa pader ay gagawin ni Tonyo huwag lamang maging sunud-sunuran sa mga ito. 23. Bungang-tulog Kahulugan: Panaginip Halimbawa: Bungang-tulog lang pala! Akala ko’y totoo na. 24. Buntong hininga Kahulugan: Himutok, hinagpis Halimbawa: Napa-buntong hininga na lang si Mang Ben ng masaksihan ang aksidente. 25. Busilak ang puso Kahulugan: Malinis ang kalooban Halimbawa: Busilak ang puso ng batang si Angel. 26. Butas ang bulsa Kahulugan: Walang pera Halimbawa: Butas ang bulsa ni Mang Cesar kung kaya’t hindi siya nakabayad agad ng kuryente. 27. Buto’t-balat Kahulugan: Sobrang kapayatan Halimbawa: Halos buto’t balat na si Boyet ng dalawin namin. 28. Buwaya sa katihan Kahulugan: Ususera, nagpapautang na malaki ang tubo Halimbawa: Buya sa katihan naman yang si aling Iska. 29. Di mahapayang gatang Kahulugan: Sobrang yabang Halimbawa: Aminado naman si Ruben na siya ay di mahapayang gating kaya kaunti lang ang kanyang kaibigan. 30. Di makabasag-pinggan Kahulugan: Mahinhin Halimbawa: Sadya namang di makabasag pinggan iyang anak ni Ka Miling. 31. Di malaglagang karayom Kahulugan: Napakaraming tao Halimbawa: Di malaglagang karayom ang rally kanina. 32. Galit sa pera Kahulugan: Gastador Halimbawa: Ang asawa ni Petra ay parang laging galit sa pera tuwing araw ng swelduhan. 33. Ginintuang tinig Kahulugan: Maganda ang boses Halimbawa: Si Elizabeth ay may ginintuang tining kaya lagging nagwawagi sa tunggalian ng kantahan. 34. Guhit ng tadhana Kahulugan: Itinakdang kapalaran Halimbawa:Siya na yata ang guhit ng aking tadhana. 35. Halang ang kaluluwa Kahulugan: Masamang tao Halimbawa: Halang ang kaluluwa ng taong gumawa ng karumal - dumal na krimen. 36. Haligi ng tahanan Kahulugan: Ama o Tatay Halimbawa: Ang aming haligi ng tadhanan ay mabait at maasahan. 37. Hampas ng langit Kahulugan: Ngitngit ng Diyos Halimbawa: Dahil sa ginawa mong iyan ay matitikman mo ang hampas ng langit. 38. Hampas-lupa Kahulugan: Lagalag, busabos Halimbawa: Ang hampas-lupang kagaya ni Dan ay di nababagay sa ganda at yaman ni Marian. 39. Hawak sa leeg Kahulugan: Sunud-sunuran Halimbawa: Palibhasa’y hawak sa leeg ng kanyang amo kaya kahit anong iutos ay sinusunod ni Inday. 40. Hindi madapuan ng langaw Kahulugan: Sobrang pinoprotektahan Halimbawa: Hindi madapuan ng langaw ang batang iyan. 41. Ibong mandaragit Kahulugan: Mananakop Halimbawa: Napakaming ibong mandaragit ang umaali-aligid sa bansa natin. 42. Ilaw ng tahanan Kahulugan: Ina o Nanay Halimbawa: Mahal na mahal ng aking kaibigan ang kanilang ilaw ng tahanan. 43. Isang bulate na lang ang hindi pumipirma Kahulugan: malapit ng mamatay Halimbawa: Isang bulate na lang ang hindi pumipirma kay Koring. 44. Isang kahig, isang tuka Kahulugan: Nabubuhay sa hirap Halimbawa: Ang pamilya niya’y isang kahig, isang tuka. 45. Itaga sa bato Kahulugan: Tandaan Halimbawa: Kahit kayla’y hindi na ako pupunta pa rito. Itaga mo yan sa bato! 46. Itim na tupa Kahulugan: Masamang anak Halimbawa: Si Pokwang ay itinuturing na itim na tupa ng kanyang ina. 47. Kabiyak ng dibdib Kahulugan: Asawa Halimbawa: Si Cardo pala ang kabiyak ng dibdib ni Elsa. 48. Kakaning-itik Kahulugan: Walang gaanong halaga, hindi maipagpaparangalan Halimbawa: Kakaning-itik kung ituring ni Mang Kepweng ang kanyang pamangkin. 49. Kalapating mababa ang lipad Kahulugan: Babaeng nagbibili ng aliw Halimbawa:Kayraming kalapating mababa ang lipad ang naglakad sa lansangan ng Maynila. 50. Kape at gatas Kahulugan: Maitim at maputi Halimbawa: Nang aking pagkumparahin, kape’t gatas pala ang kulay nina Amy at Daisy. 51. Kapit tuko Kahulugan: Mahigpit ang hawak Halimbawa: Kapit tuko naman iyang si Vilma sa kanyang asawa. 52. Kidlat sa bilis Kahulugan: Napakabilis Halimbawa: Ang tsismis talaga kahit kayalan ay kidlat sa bilis kung kumalat. 53. Kilos pagong Kahulugan: Mabagal kumilos Halimbawa: Kilos pagong ka kasi kaya tayo nahuli sa klase. 54. Kumukulo ang sikmura Kahulugan: Nagugutom Halimbawa: Kumukulo ang sikmura ko kanina ngunit ng ako’y binigyan mo ng biskwit ito ay nawala na. 55. Kutsarang ginto sa bibig Kahulugan: Lumaki sa yaman Halimbawa: Palibhasa’y lumaking may kutsarang ginto sa bibig kaya hindi siya namomroblema sa mga bayarin. 56. Lahing kuwago Kahulugan: Sa umaga natutulog Halimbawa: Itong si Andeng ay may sa lahing kuwago. 57. Lakad pagong Kahulugan: Sobrang bagal na pag-usad tao man o sasakyan Halimbawa: Pambihirang trapik yan, lakad pagong! 58. Laman ng lansangan Kahulugan: Laging istambay sa kalye Halimbawa: Laman ng lansangan na yang batang yan kaya madalang ng umuwi ng bahay. 59. Lamog ang katawan Kahulugan: Sobrang pagod Halimbawa: Napaka-daming trabaho sa opisina kaya lamog ang katawan ni Joy pag-uwi ng bahay. 60. Lantang gulay Kahulugan: Halos hindi na maigalaw ang katawan sa sobrang pagod Halimbawa: Ang layo ng tinakbo nya kaya lantang gulay na siya ng matapos ang karera. 61. Lawit ang dila Kahulugan: Sobrang pagod Halimbawa: Lawit ang dila ni Nancy pagkauwi galing trabaho. 62. Laylay ang balikat Kahulugan: Bigong-bigo Halimbawa: Kung alam ko lang na laylay ang balikat mong uuwi dito, hindi na sana kita hinayaang umalis pa. 63. Luha ng buwaya Kahulugan: Hindi totoong nag-dadalamhati, pakitang taong Halimbawa: Akala mo’y totoo pero luha ng buwaya lang naman ang ipinakita niya. 64. Lumagay sa tahimik Kahulugan: Nagpakasal, nag-asawa Halimbawa: Mula ng lumagay sa tahimik si Nathan ay di na siya muling ginambala pa ni Karen. 65. Lumaki ang ulo Kahulugan: Nagyayabang dahil sa nakamit na tagumpay o pangarap Halimbawa: Sana hindi na lang siya nagbago at lumaki ang ulo. 66. Lumuha man ng bato Kahulugan: Hindi mapatawad Halimbawa: Kahit pa lumuha man ng bato si Leni ay hindi na magbabago ang desisyon ni Ashley. 67. Maaliwalas ang mukha Kahulugan: Masayahin, taong palangiti Halimbawa: Nakakatuwa ang taong maaliwalas ang mukha. 68. Maamong kordero Kahulugan: Mabait na tao Halimbawa: Bakit kaya sa maamong kordero na si Toto pa nangyari ang bagay na ito? 69. Mababaw ang luha Kahulugan: Iyakin Halimbawa: Pasensya na kayo kung mababaw ang luha ko, hindi ko lang talaga mapigilang umiyak. 70. Mabigat ang dugo Kahulugan: Di makagiliwan Halimbawa: Mabigat ang dugo ni Vic sa kanyang manugang. 71. Magaan ang kamay Kahulugan: Laging nananakit Halimbawa: Masyadong magaan ang kamay ang mga kamay ni aling Petra sa kanyang mga anak. 72. Magaling ang kamay Kahulugan: Mahusay gumuhit o magpinta Halimbawa: Bihira lang ang taong may magaling ang kamay. 73. Magdilang-anghel Kahulugan: Magkatotoo sana Halimbawa: Naku Pedro magdilang-anghel ka sana. 74. Magkataling-puso Kahulugan: Nag-iibigan, mag-asawa Halimbawa: Magkataling-puso na pala sina Ariel at Marta. 75. Mahabang dulang Kahulugan: Kasalan Halimbawa: Nalalapit na ang mahabang dulang ng anak ni Mang Tonyo. 76. Mahangin ang ulo Kahulugan: Mayabang Halimbawa: Siya ba yung lalaking mahangin ang ulo? 77. Mahina ang loob Kahulugan: Duwag Halimbawa: Kung alam ko lang na mahina ang loob mo ay hindi na nana kita isinama. 78. Maitim ang budhi Kahulugan: Tuso, masama ang ugali Halimbawa: Maitim ang budhi ng babaeng iyan! 79. Makapal ang bulsa Kahulugan: Masalapi, mayaman Halimbawa: Hindi ba’t makapal ang bulsa nya? Bakit ngayo’y halos walang-wala siya? 80. Makapal ang palad Kahulugan: Masipag Halimbawa: Ang taong makapal ang palad ay may magandang bukas. 81. Makitid ang isip Kahulugan: Mahinang umunawa, walang gaanong nalalaman Halimbawa: Hindi nga ba’t makitid ang isip ni Balang kaya ayaw na siyang kausap ni Pina. 82. Malakas ang loob Kahulugan: Magiting, matapang, buo ang loob Halimbawa: Ang mga sundalo ay malakas ang loob na humarap sa mga rebelde. 83. Malawak ang isip Kahulugan: Madaling umunawa, maraming nalalaman Halimbawa: Sana’y kagaya ka na lang ni Baldo na malawak ang isip. 84. Malikot ang kamay Kahulugan: Kumukuha ng hindi kanya, kawatan Halimbawa: Kung alam ko lang na malikot ang kamay ni Berta ay di ko na sana siya kinaibigan. 85. Mapait na lunukin Kahulugan: Kahiya-hiyang pagkabigo Halimbawa: Mapait na lunukin ang nangyari sa akin. 86. Mapurol ang utak Kahulugan: Bobo Halimbawa: Mapurol ang utak ni Wanda kaya nakailang balik na siya sa Grade 3. 87. Masama ang loob Kahulugan: Nagdaramdam Halimbawa: Masama ang loob ni Lea sa mga nangyari sa kanyang ama. 88. Masama ang panahon Kahulugan: May bagyo Halimbawa: Walang pasok bukas dahil masama ang panahon. 89. Matalas ang tainga Kahulugan: Madaling makarinig o makaulinig Halimbawa: Matalas ang tainga ng pusa ni Minda.
90. Matalas ang ulo
Kahulugan: Matalino Halimbawa: Ako ay nagagalak dahil matalas ang ulo ng aking anak. 91. Matandang kalabaw Kahulugan: Taong may edad na Halimbawa: Kahit matandang kalabaw nang ituring ang tatay ni Juan ay sige pa rin ito sa pagtatrabaho. 92. Nag-aapoy sa init Kahulugan: Mataas na mataas ang lagnat Halimbawa: Nag-aapoy sa init na ang bata bago pa man dalahin sa ospital. 93. Nagbibilang ng poste Kahulugan: Naghahanap ng trabaho Halimbawa: Nagbibilang ng poste si Inggo kung kaya bukas ay sasama ako sa kanya. 94. Nagmumurang kamatis Kahulugan: Matandang lalaking nag-aayos binata, matandang babae nag-aayos dalaga Halimbawa: Kung maka-porma iyang si Elsa akala mo’y nagmumurang kamatis. 95. Nagsusunog ng kilay Kahulugan: Masipag mag-aral Halimbawa: Ang batang si Marco ay nagsusunog ng kilay kung kaya nakatanggap siya ng parangal. 96. Nakahiga sa salapi Kahulugan: Mayaman Halimbawa: Mabuti pa si Lando lumaking nakahiga sa salapi kaya hindi na niya kailangang maghanap ng trabaho. 97. Namamangka sa dalawang ilog Kahulugan: Salawahan Halimbawa: Hindi ko maintindihan kung bakit namamangka sa dalawang ilog itong si Mitoy kahit maganda naman at mabait ang kanyang asawa. 98. Naniningalang-pugad Kahulugan: Nanliligaw Halimbawa: Naniningalang-pugad na naman si Karding. 99. Pag-iisang dibdib Kahulugan: Kasal Halimbawa: Ang pag-iisang dibdib na inaasam ni Liway ay magaganap na bukas. 100. Pagputi ng uwak Kahulugan: Walang maaasahan, walang kahihinatnan Halimbawa: Babayaran ka rin nya sa kanyang pagkakautang pagputi ng uwak. 101. Panakip butas Kahulugan: Panghalili, pamalit Halimbawa: Akala mo totoong mahal ka niya pero panakip butas ka lang pala. 102. Pantay ang mga paa Kahulugan: patay na Halimbawa: Naawa ako sa mga anak ni Ingga ng malaman kong pantay na ang mga paa niya. 103. Parang aso’t pusa Kahulugan: Laging nag-aaway Halimbawa: Parang aso’t pusa ang magkakapatid na aking kapitbahay. 104. Parang kiti-kiti Kahulugan: Malikot, galaw nang galaw Halimbawa: Parang kiti-kiti na naman si Sam. 105. Patabaing baboy Kahulugan: Walang hilig magtrabaho, tamad Halimbawa: Patabaing baboy na lang yang si Edgar. 106. Pusong mamon Kahulugan: Maramdamin Halimbawa: Hindi ko na sana biniro si Mike kung alam ko lang na pusong mamon pala siya. 107. Pusong-bakal Kahulugan: Hindi marunong magpatawad Halimbawa: Namatay na’t lahat ngunit pusong-bakal pa rin si Ising. 108. Putok sa buho Kahulugan: anak sa labas, anak ng taong nagsama ng hindi kasal Halimbawa: Nakakaawa talaga ang batang putok sa buho. 109. Sira ang tuktok Kahulugan: Gago, loko-loko Halimbawa: Hindi na nakakapagtaka kung may ginawa siyang hindi maganda. Palibhasa’y sira ang tuktok. 110. Takaw-tulog Kahulugan: Mahilig matulog Halimbawa: Takaw-tulog na lang lagi si Manding. 111. Tengang kawali Kahulugan: Nagbibingi-bingihan Halimbawa: Nagtetengang-kawali na naman si Boyet. 112. Tinik sa lalamunan Kahulugan: Hadlang sa layunin Halimbawa: Iyang si Harold ang tinik sa lalamunan ni Harvy. 113. Tulak ng bibig Kahulugan: Salita lamang, di tunay sa loob Halimbawa: Puro tulak ng bibig lamang naman ang alam ni Eya. 114. Utak-biya Kahulugan: Walang nalalaman Halimbawa: Kung makapag-salita akala mo’y maraming alam pero utak biya naman. 115. Walang bahid Kahulugan: Walang maipipintas Halimbawa: Sadyang mababait at walang bahid ang pamilya ni Lanie. Awiting Bayan Ang awiting bayan o kantahing bayan ay isa sa mga sinaunang panitikan ng Pilipinas. Sa katunayan, mayroong 10 halimbawa ng awiting bayan ukol sa paksa nito. Ito ay ang mga sumusunod: 1. Kundiman 2. Dalit 3. Kumintang 4. Oyayi 5. Diona 6. Talindaw 7. Suliranin 8. Sambotani 9. Dung-aw 10. Ogasyon Ang Kundiman ay awit ng pag-ibig. Ang Dalit na awitin sa mga Diyos-diyosan ng mga Bisaya. Ang Kumintang ay handog para sa pakikidigma. Ang Oyayi ay awitin sa pagpapatulog ng bata. Diona ay handog na awitin sa kasal. Ang Talindaw ay awit ng pamamangka.
Ang Suliranin ay kinathang awit ng mga manggagawa. Ang Sambotani ay awit sa
pagtatagumpay. Ang Dung-aw ay awit sa pagdadalamhati at ang Ogasyon ay awit sa pagbati.
Narito pa ang ibang halimbawa ng awiting-bayan:
1. Leron, Leton Sinta 2. Bahay Kubo 3. Sitsiritsit 4. Malinak Kay Labi 5. Masdan Mo Ang Kapaligiran 6. Dandansoy 7. Tuldok 8. Pamulinawen 9. Manang Biday 10. Dalagang Bukid Tuldok – Asin Ang tuldok ay may salaysay at may kahulugan Na dapat mapansin at maintindihan Kahit sino ka man ay dapat malaman Na dito sa mundo ikaw ay tuldok lang
Kahit na ang araw sa kalangitan
Siya ay tuldok lamang sa kalawakan Lahat ng bagay ay tuldok ang pinanggalingan At kung masdang mabuti, tuldok ang uuwian
AD LIB
Tingnan mong mabuti ang ‘sang katauhan
Maraming nag-aaway, tuldok lang ang dahilan Sa aking nakita, ako’y natawa lang ‘Pagkat ang nangyayari’y malaking kahibangan Kaya wala kang dapat na ipagmayabang Na ikaw ay mautak at maraming alam Dahil kung susuriin at ating iisipin Katulad ng lahat, ikaw ay tuldok rin Region I Schools Division Office I Pangasinan Lingayen Pangasinan