Panapanahon ng mga Panitikang Pasalindila tungo sa
Pagpapahalagang taglay ng Salinlahing Z
Ipinasa ni: Ipinasa kay:
Hannah Angela G. Niño Dr. Florencia Marquez
MAEDFIL Professor Panimula
Wika, panitikan, kultura, at pagpapahalaga, apat na simpleng salita ngunit
mayroong malalim na ugnayan at pagpapakahulugan. Ang mga ito ay mayroong malaking gampanin sa mamamayan at kabataan ng bansa. Umpisahan natin sa pagbibigay kahulugan ng wika ayon kay Henry Gleason ay "masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa iisang kultura." Ang ibig pakahulugan nito na ang wika ay hindi maihihiwalay sa kultura. Ang kultura ayon kina Anderson at Tayler (2007) ay isang kumplikadong sistema ng ugnayan na nagbibigay kahulugan sa paraan ng pamumuhay ng isang grupong panlipunan o lipunan sa kabuuan. Ang kahulugang ito ay mag-uugnay sa tinatawag nating panitikan na siyang daluyan ng tinutukoy na grupong panlipunan upang ilahad at ipakilala ang kanilang pang-araw araw na pamumuhay. Noong 1995, inilarawan ni Salazar ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi sa sangkatauhan. Ang mga ideyang ito ay tumutukoy sa mga kaugalian, pagbabago, at mga pagpapahalaga. Ayon kay R.K. Mukerjee (1949) (isang Indianong sosyolohista na nanguna sa pag-aaral ng mga pagpapahalaga) “ang mga pagpapahalaga ay ang mga kagustuhan at layuning tinanggap ng lipunan na natatamo at natututuhan sa proseso ng pagkokondisyon, pagkatutuo o pakikisalamuha na naging mga kagustuhan ng indibidwal batay sa kani- kaniyang pamantayan at adhikain. Batay sa mga pagpapakahulugang ito ay masasabi at makikita natin ang ugnayan ng bawat isa. Ang ating bansang Pilipinas ay hindi maipagkakailang mayaman at siksik sa pagpapahalaga at aral na naililipat sa mga mamamayan nito. Ito ay sa pamamagitan ng mga panitikan. Bago pa man ang pananakop ng mga dayuhan sa bansa ay mayroon na tayong sariling mga panitikan na hanggang ngayon ay pinag-aaralan at nakatutulong sa paghubog ng mga kagandahang asal na mayroon ang mga Pilipinong mamamayan. Kung babalikan natin ito ay nakapagtataka kung paanong hanggang sa ngayon ay nalalaman pa rin natin ang mga panitikang ito. Sa pag-aaral na ito ay ipakikita at ipakikilala ang pinagmulan ng mga panitikang ito. Sa napakaraming panahon ang mga panitikang pasalindila ang tumutulong sa mamamayan upang mapanatili ang kultura at pagpapahalagang mayroon ito. Sa pag-aaral na ito ay sisikapin ng mananaliksik na balikan at unawain ang pinagmulan o kasaysayan ng mga panitikang pasalindila. Sa pinakasimpleng pagpapakuhulugan ng panitikang pasalindila, ito ay ang mga panitikang naipasa sa iba’t ibang salinlahi sa pamamagitan lamang ng dila o mas kilala sa katawagang pagkukwento. Sa ganitong uri ng panitikan ay napanatili ang mga kultura at pagpapahalagang Pilipino na mayroon tayo. Kilala rin ang panitikang pasalindila sa isa pang katawagan at ito ay ang katutubong panitikan. Ang katutubong panitikan ay napapailalim sa kategoryang tinatawag na Matandang Panahon na nagsimula pa noong panahon ng mga Aeta hanggang sa bago tayo sakupin ng mga Kastila. Sa kabila ng tatlong daantaong nasakop tayo ng mga Kastila ay hindi maipagkakaila at masasabi pa rin nating ang mga kagandahang asal na mayroon tayo ay likas naman talaga sa mga Pilipino. Ang mga pasalindilang panitikang ito ay tumutukoy sa mga epiko, alamat, mitolohiya, kwentong bayan, at mga karunungang bayan (salawikan, sawikain, bugtong). Sa panahon ngayon, marami na ang nakalilimot sa mga konsepto at kulturang nabanggit. Isa sa mga layunin ng pananaliksik na ito ay muling balikan ang mga panitikang pasalindila at bigayang pagkilala ito sa pagtagal ng panahon hanggang sa kasalukuyang salinlahi. Sa pamamagitan nito ay hindi lamang para sa mag-aaral ang magandang maidudulot maging sa mga guro din. Mas mapalalawak nila ang pagtuturo at pagtitimo nito sa kanilang mga mag-aaral. Sa pag-aaral ding ito ay ipakikilala ang katangian ng mga nasa salinlahing Z at kung paanong nakaaapekto sa kanila ang pakikinig at pagbabasa ng mga panitikang pasalindila sa kasalukuyan. Upang bigyang kahulugan ang salinlahing Z, ayon sa Urban Dictionary (2012) sila ang mga salinlahing ipinanganak mula 1996-2009. Sila ang mga batang namulat na sa edad ng teknolohiya at multikulturalismo. Sila ang gitna ng mga milenyal at tinatawag rin na iGen o iGeneration dahil sa maraming bagay na ang kinagisnan nilang instant o madalian. Sa pamamagitan ng isang kuwalitatibong pananaliksik tungkol sa mga panitikang pasalindila ay mas maipakikita ang kahalagahan at kagandahan ng kulturang mayroon tayo sa bans amula pa noon. Ang mga salinlahing Z at mga guro ay magkakaroon ng unawaan na mas magpapalalaim pa sa ugnayang mayroon sila lagpas sa guro-mag- aaral. Maaari ding mapatunayan ng pag-aaral na ito ang mga dulot at kabisaan ng mga panitikang nagmula pa sa ating mga ninuno. Mabibigyang halaga rin ay mas mapauunlad ang mga panitikang pasalindila sa lubusang pag-unawa at pag-aaral ng mga ito. Magagamit ng mga mag-aaral at guro ang mga impormasyong makakalap dito at makatutulong sa pagpapaunlad ng mga kaisipan at pagpapahalagang mayroon ang sarili o ng isang indibidwal. Makikita ang mga katangian ng panitikang Pilipino sa iba’t ibang perspektiba at iba’t ibang panahon. Mapahahalagahan at masusuri ang paggamit ng wika sa panitikan at ang kaibahan nito sa mga panitikang pasalindila na makatutulong sa mas malalimang pag-unawa sa mga kultura at tradisyong Pilipino. Sa ganitong paraan at pag-aaral ay mas mapayayabong at mapananatili ng mga susunod pang salinlahi at madagdagan ang kasaysayan ng apat na salitang nabanggit – ang wika, panitikan, kultura, at pagpapahalagang Pilipino.