You are on page 1of 17

Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway Arceo

Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong
dumarama sa init ng kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng
kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa malalim na
paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng
bagay, paghikbi...

Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko


nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin:
bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok,
singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing
duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking
noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na
kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay
Ina...

Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang


pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit
sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang
pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita.
Kailangang ‘do ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang
mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa
kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng
kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang mariing
huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.

Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong
puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw...

Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni


Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may magkabiyak ng
pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa
sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay
hindi nalilimot kailanman.

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang


amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre at nuno at tungkol
sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at
nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda
at masasayang bata.

Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang


pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang
pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot
ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong
nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano siya titingin sa
akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang
kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa
pagsulat...

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga


punit na damit; kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit
ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda
ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga
daliri – ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na
kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.

Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama


sa bahay: isang batang marahil ay nasa kanyang
kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may
ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na
paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at
labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o
isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaaring maging
katapatan...

Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit


man ay sadyang hindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko
rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga
biruan.

Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni


Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw o sa
tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng
isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang
ipadamang may naririnig siya.

Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung


makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina at ako. Malimit na
ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-
aaliw.

Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko


kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya
pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung
nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak.

Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng


isang taong inaangkin ng madla...

Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.

Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik


na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa
isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina:
yaon daw ay talaarawan ni Ama.

Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina.


Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi pagkabo buhat noon.
Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.

Ano ang nasa isang talaarawan?

Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si


Ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya nagyong gabi.
Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala
itong naibigay na ginhawa.

Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi
maipahayag na pagtutol.

Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang


pighating ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...

Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya
makahingang mabuti.

Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.


Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa
ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan
niya ng tingin ang bawat kilos ko.

Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at


ang kanyang binti, buhat sa tuhod hanggang sa mga
talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na
inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga
dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng makakapal na kumot
matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na
pinigaan ng kalamansi.

Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!

Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang


yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.

Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong


ituturing na mahalaga ang nadarama kong kasiyahan...

Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw


si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng
kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na
guhit.

Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang


makakaya. Ngunit, ayaw niyang ipagtapat sa akin ang
karamdaman ni Ama.

Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang


kanyang makinilya. Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong
kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa
kanyang mga kahon.

Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa


akin ng hindi gagaanong pagtataka: may isang kahitang pelus
na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga
bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang
tanggapan ang mga nasa sobre.
Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na
mukha, may ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, maninipis
na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga
titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang
larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang
pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan
ko ang maghinanakit kay Ama.

Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari?


Higit marahil ang aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa
aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na hindi
maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong
nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang
malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...

Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo


maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa
atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa
kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na
lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang
katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising
sa katotohanan...

Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako.


Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng isang tahanan. Hindi
ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko
mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang
bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin; ang mahal sa akin ay
hindi ko maaaring paluhain...

Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng


pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang
magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang
tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap
na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa
kalungkutang itong halos pumatay sa akin...

Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?


Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko
lamang namalayan na may pumasok sa aklatan. Nakita niya
ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya
ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.

Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga.


Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng kanyang palad
ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag
daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang
pagkakadantay...

Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa


napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang pagsasalubong ng aming
mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa
mga paninging yaon.

Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni,


nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang
bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak
ang susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang
kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi ko
maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.

Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!

Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang


ilang salitang ito.

Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang


uang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos
kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng
iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag
ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang
magpapahirap sa iyo habang-buhay...

Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng


damdamin ni Ama sa akin.

Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.


Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa
kanyang hindi pag-idlip, patuloy sa kanyang pahluha kung
walang makakita sa kanya...

Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang


pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa kanyang
dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.

Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay


nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.

Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong


pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan tayo maaaring
tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking
wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...

Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni


Ina ay nabasag at ilang butil niyo ang pumatak sa bisig ni Ama.
Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa
pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang
labi ang isang ngiting punung-puno ng pagbasa. Muling nalapat
ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya
namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga
salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.

Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama: Sabihin
mo, mahal ko, na maaangkin ko na ang kaligayahan ko...

Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y


mangusap ay hindi ko naaming kay Ina ang tinig na yaon:
Maaangkin mo na, mahal ko!
Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang
nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa mga mata man niya
ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na
wala nang luhang dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang
kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa...

Isang dipang langit ni Amado V. Hernandez


hangad palibhasang diwa ko’y piitin,

katawang marupok, aniya’y pagsuko,

damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:

bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

lubos na tiwalag sa buong daigdig

at inaring kahi’t buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas

ay sandipang langit na puno ng luha,

maramot na birang ng pusong may sugat,

watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

sa pintong may susi’y walang makalapit;

sigaw ng bilanggo sa katabing muog,

anaki’y atungal ng hayop sa yungib.


Ang maghapo’y tila isang tanikala

na kalakaladkad ng paang madugo,

ang buong magdamag ay kulambong luksa

ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang

sa hudyat—may takas!—at asod ng punlo;

kung minsan’y tumangis ang lumang batingaw,

sa bitayang muog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdigko ngayon—

bilangguang mandi’y libingan ng buhay;

sampu, dalawampu, at lahat ng taon

ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap

at batitis pa rin itong aking puso:

piita’y bahagi ng pakikilamas,

mapiit ay tanda ng hindi pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog


at di habang araw ang api ay api,

tanang paniil ay may pagtutuos,

habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw

sa sandipang langit na wala nang luha,

sisikat ang gintong araw ng tagumpay…

layang sasalubong ako sa paglaya!

WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang


hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako
na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya
magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang
dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang
tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan
ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa
kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't
saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin
niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa
kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon
ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang
malungkot na animas.
"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa
anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y
nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa
ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y
ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang
kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay
binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya
ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't
nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas,
saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa
kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may
pangungusap, may nagsasalita.
"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig
ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa
sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang
huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni
Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak
ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay
sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang
anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan.
Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid,
lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang
anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng
ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang
kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin.
Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib
ang kanyang anak.
"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may
belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at
manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang
masasayahan ka roon."
"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan
lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y
naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang
pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa
kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya
uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang
bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay
niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon
ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim
nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating
taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang
kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat
ng lupa nilang sinasaka.
"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak
sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae,
sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo
na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng
binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng
lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya
ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang
naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at
walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang
mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga
gulay na tanim nila sa bakuran.
Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng
lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa
manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa
kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at
karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila
makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang
isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit
nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa
maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon,
..:namespace prefix = st1 ns = "urn:schemas-microsoft-
com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama
ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa
paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya
namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan
sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang
binubuwisan?
Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang
isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan
buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si
Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni
Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng
kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na
silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara
ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang
kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad.
Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib
niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang
mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang
pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos,
kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya
ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o
kaya'y salinwikang nito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala
siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay
maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-
ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa
kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang
magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang
"Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya
ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya
maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang
ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at
lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita
niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa
pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na
kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa
niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang
dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng
pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay
nakasapit sila sa pampang.
"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni
Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y
mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang
lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na
nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy.
Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang
mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag
mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay
hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang
simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking
kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae
ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang
malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman
na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi,
ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay
mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay
tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw
minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber.
Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya.
Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang
iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay
mawawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na
lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang
may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At
saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang
pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan
ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa
kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis
na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng
bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag
nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa.
Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa
siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang
panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na
pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y
naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na
niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi
natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."
Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas.
Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka
lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang
kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya.
Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng
namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang
ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang
pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka
ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig
mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman,
ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing
sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa
daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako
niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago
malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung
sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad.
Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong,
kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."
Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa
ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may
isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag
magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung
nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay
isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang
linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay
tawagan siya ng pansin ng matanda.
"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang
natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay
Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani
ngayon?"
"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak.
"Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may
nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya
ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling
kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang
pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung
walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap
na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang
sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni
Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa
kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na
manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa
hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa
kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.
"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa
harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?"
ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang
pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni
Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y
nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na
tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa
hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay
isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter,
saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating
niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang
kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot
hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan
niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng
isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang
malaking kandila.
"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang
ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-
ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka
magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil
ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may
dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang
magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang
pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng
mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang
balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa
pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa
lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit
sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang
kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat
sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay
sinalo naman ng kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa
bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos
agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan
pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa
hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang
ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y
nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni
Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon.
Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya
gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang
marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang
naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.
"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang
naibulong.

You might also like