You are on page 1of 16

Suyuan sa Tubigan

ni Macario Pineda

Sumisilip pa lamang ang araw ng kami'y lumusong sa landas na patungo sa tubigan ni


Ka Teryo. kasabay namin si Ka Albina na kasama niyang si Nati at ang kanyang pamangking si
Pilang. Ang tatlo'y may sunong na mga matong ng kasangkapan at pagkain.

"Ang Ka Teryo mo'y hindi makakalusong. Masidhi na naman ang rayuma," wika ni Ka
Albina sa akin. "Kung di nga lang lubugin ang tubigan naming yaon ay naurong sana ang
pasuyo namin ngayon. Mahirap ang wala ang Ka Teryo mo."

"Maano naman ho iyon," tugon ko. "Nariyan naman si Ka Ipyong at si fermin."

"Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?" tanong ni Ore." Aanim pa kaming nagkakasabay-
sabay ngayon."

"Wika ni Ipyong ay baka raw umabot sa dalawampu kayong lahat."

Nilingon ni Pakito ang dalawangdalaga. "Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong
na iyan. kay raming pagkain marahil," wika niya.

Nagtawa si Nati. Tila nga naman nagpapahiwatig ng malaking gutom ang panannalita ni
Pakito. Si Pilang ay walang imik at tila matamang pinagmamasdan ang landas na tinalunton.
Magaganda ang mga paa ni Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang kanyang banayad na
paghakbang.

Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang kalakina hanggang maagapay siya kay
Nati, "Aling Nati," wika niyang nakatawa, "ako na ho sana ang pasunungin ninyo ng matong na
iyan."nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si Pastor. "Salamat ho," tugon niya. "Diyan ho
lamang sa araro at kalabaw ninyo ay napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng matong.
Nais ba ninyong matambak?" "Bakit hindi mo aluking sunugin ang matong ni Pilang?" wika ni
Pakito. "Si Nati ba lamang ang pinahahalagahan n'yo?"

Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor ay halos pagulantang na tumawa kay Pakito. At


lumingon si Ka Albina sa amin alangang matawa, alangang magalit ang anyo ng kanyang
mukha. Pinamulahan ng mukha si Pilang ngunit kahit isang ngiti ay wala siyang isinalo sa
aming katuwaan. Patuloy ang banayad niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi ang
kanyang binti sa ibabaw ng putikang landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang
nagpatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin kong tila may malalim na iniisip ang binata ni Ka
Inso.

Nang Kami'y dumating sa tubigang aararuhin ay malapit nang makatapos ng pagtitilad si


Ka Ipyong at si Fermin. Sa hindi kalayuan ay natanaw naming dumating sina Ka Punso, Ka
Imong, Toning , Ilo, at Asyong. Sa malayo ay may ilan nang dumarating na hindi namin
mapagpasiya. Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni Fermin. "Tila pusang nanunubok kung humila ang
kalabaw ni Fermin," wika niya sa amin. "Mangyari'y nagpapagawa naman ng bahay si Fermin,"
pagtatangol sni Pakito. "Hayan nga naman, mayroon na silang bahay."

"Parang bakal naman ang kalabaw na iyan," wikani Ore, "At saka matakaw pa. Kupi kasi
ang sungay kaya matigas." "Siyanga," ayon ni Yoyong. "Talaga namang ibang-iba ang mga hita
ng kalabaw na iyan." Pinagmasdan ko si Bonita ko. "Paano kaya ang matsora ko? Huwag di
mahirapan ay ayaw nang kumain. Ayaw magtakaw.'
Nalingunan ko si Pastor na nakaupo sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa pag-
ayos ng mga kasangkapang gagamitin. "Huwag na, Pastor," wika ng dalaga. "Piniritong kamote
at kape lamang ang ihahain. Kaya na namin ni Nati iyan.""Bakit mo naman tinatanggihan ang
aking pagtulong?" tanong ni Pastor. Nang yumuko si Pilang upang hanguin ang iba pang mga
kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang binata sa dalaga.

Nilingon ko si Ore. Ang binata ay nakaupo at tila ang kanyang guyurang pinagdurugtong
lamang ang kanyang nakikita. Mapulang-mapula ang mukha ni Ore. Nang dumating sina Ka
Punso ay ang kalabaw ni Asyong na bagong bii ang aming pinagkulumutan. Walang malamang
tugunin si Asyong sa aming mga pagtatanong, "Dalawa't kalahati ng aba iyan, Asyong?"
"mabuti ba sa tubigan?" "Tila maliksi! Mainam ang mga braso." "Tuyong-tuyo ang mukha." "May
ilalabas ang kalabaw na iyan." "Hindi naman lubhang malaki ano?" "Ano kaya? maiharap kaya
natin iyan sa kalakian niKa Pedro?" "Saan mo nabili, Asyong?" "Sino ang kasama mong
pumili?"

"Si Punso yata ang kasama niya,' wika ni Ka Imong. Nilingon namin si Ka Punso na
hindi nakikisalamuha sa aming pagkakagulo sa kalabaw ni Asyong. "Hoy tsip," wika namin,
"kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw ang may tuklas nito, a." Nagtawa si Ka Punso. "Paano pa.
Sa lagay ba'y asin ko na'y lako ko pa?" At nagtawanan kaming lahat.

"Halina kayo." tawag ni Ka Albina sa amin. 'Nakahanda na ang kape. Magpainit muna
kayo ng tiyan." Gumawi ako sa dalawang dalagang nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga
pinggan ng piniritong kamote. 'Maaari na ba akong maging serbidor diyan?" wika ko kay Nati.
Bigla akong inabutan ni Nati ng isang tasa ng kape. "Kumain ka na lang, lalaki ka. Tinawag ka
rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor."

Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape ay kusa
niyang sinapupo ang mapuputing daliri ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng mainit.
"Salamat," wika pa ng saragateng si Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang ngunit hindi siya
nagsalita gaputok man. Lumapit si Ore sa aking kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang
kape na tinimplahan ni Pilang ng asukal: akal ko'y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore kay Nati
Lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at kamote kay Ore.

Habang nagkakainan kami ay pasulyap-sulyap akokina Nati, Pilang, Ore, at Pastor.


Makailang nagpalitan ng makakahulugang titig sina Nati at ore. Si Pastor at laging kay Pilang
nakasulyap. Ang dalaga naman ni Ato ay laging nakatungo sa kanyang ginagawa. Ngunit
ngminsang mahuli niyang sa kanya nakatitig si Pastor ay pinamulahan siyang gayon na lamang
ng mga pisngi. At dagli niyang inayos ang kanyang saya upang matakpang mabuti ang kanyang
binti.

Pagkatapos ng kainan ay nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating ni Pekto.


Nagpapatakbo ng kalabaw na nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka Gabino. At
Humihiyaw, 'Kaunti na akong mahuli sa pista... kaunti na akong mahuli..." Kay saya ni Pekto at
kay liksi niya sa pag-aangat ng kanyang araro kung nilalampasan niya ang mga pilapil. Si Pekto
ang may sabi sa akin na kung mayroon daw suyuan sa tubigan ay tila,ay pista ang mga
magsasaka. Makisig dangan kasi ang kalakina ni Pekto.
Naunang napalakad si Ka Punso. At kami'y nagsunod-sunod. Ikalabin-lima ako sa
hanay. Ang sinusundan ko'y si Ka Imong. 'Huwag muna kayong bubugaw. bayaan muna nating
mag-init-init ang ating mga kalabaw," wika ni Ka Imong.

Nilingon ko sina Ore at pastor. Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin. Ang
dalawa'y tila nagkakahiyaang hindi ko mawari.

Nang tanawin ko ang dalawang dalaga ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang
ayos ng aming mga kalabaw.

Nakalimang likaw muna kami bago bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng putik si
FIlo ay bumugaw na rin ito. At ng maramdamam ni Asyong at ni Ka Punso ang kilusan sa
kanilang likuran ay lumingon ang dalawa. Nakatawa si ka Punso. Ang kanyang kalabaw ay tila
nakikimatyag. Sanay na sanay sa mga katuwaan ng suyuan ang kalabaw na iyon.

Si Uwing, na pagdating nagtilad na sa ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. "Arya na


kayo... arya na..." hiyaw niya. Tila ko nakita kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping usos ni
Uwing. Para kong nakikitang ang dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa kanyang
pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang mga ngiping pantay-pantay ni Pilang, mapuputi at
nagkikislapang anaki'y nakar. Nilingon ko si Ore at Pastor. Tila nagkakahiyaan pa rin ang
dalawa.

Binanat ni Ka Punso ang kanyang pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian. Sinutsutan si
Asyong ang kanyang bagong bili. Nagkapitikan kami ng aming mga kalabaw. Nagbugawan
kami. Nag-umalon ang mga kalamnan ng mga hita ng aming mga katulong. Sumagitsit ang
subsob kung bungkalin ang malagkit na putik. halos kumalabog ang lupa kung ibaliktad ng
lipya. At nagtayo ang mga ulo ng aming mga kalabaw. tila nahahalata ng aming mga katulong
na hindi nila dapat isubo sa kahihiyan ang kanilang mga panginoon.

At sa gayon ay madaling natapos ang malaking pitak na nilusungan namin. gayunman mataas-
taas na rin ang araw ng kami'y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

"Halina muna kayo." hiyaw ni Ka Albina. 'Magminindal muna kayo bago simulan iyan."

"Nariyan na kami," hiyaw ni Ka Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian. Sunod-sunod kaming
pumitik, nagbugawan kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang mga kalabaw. Sumagitsit
ang tubig, tumilapon ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya sa liwanag ng araw. Kay
saya ng aming hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang tinig ni Pekto. "Pista... pista ng
magsasaka."

Kaning mainit, bukayong niyog, at adobong manok ang aming minindal. Nagmamadali tuloy ako
sa pag kakalag kay Bonita. ngunit nang makakain na kami ay saka lamang namin napansin sina
Pastor, Ore at Tinong pala ay kasalukuyang nasusubukan sa tarakan sa ikatlong pitak. Nauuna
si Pastor, sumusunod si Ore, nasa hulihan si Tinong.

"Salbahe talaga yang si Tinong," wika ni Ka Punso. "Tiyak na siya ang nagbuyo sa dalawa.
Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?"

Malimit ang hiyaw ni Tinong sa kanyang kalabaw ngunit sina Pastor at Ore ay walang imikan.
Banat na banat ang kanilang mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng kanilang mga araro,
nag-uumalon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanilang mga kalabaw.
At sumusubo lamang kami ng pagkain ay nasa malayo ang aming isip at mga mata. Sinulyapan
ko ang dalawang dalaga. Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay nakatungong may kung
anong inaayos. Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong nagtatarakan.

"Noong si Juana ay aking nililigawan ay nakatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni


Tandang Lucio sa Nabao," wika ni Ka Punso. "Alam kong nais niyang gumiri kay Juana.
Maganda ang kalabaw ng taga-Dalig na yaon. Ang gilas ng tindig - kung masisindakin ka'y
sasabihin mong mahirap girian nang gayun-gayon lamang." Kumislap ang mga mata ni Ka
Punso.

Mangyari pang di si Pekto ang hahabol sa pangyayari. "Ano ang nangyari Ka Punso?" tanong
ng binata ni Ka Gabino, "Nagkahiritan ba kayong mabuti?"

"Nahuhuli ako. At sampung likaw na yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw niya. Ang
kalabaw ko naman ay napapansin kong ibig nang tumigil. Bumubula ang ang bunganga.
Palagay ko'y abot na ang hingal."

Tinanaw ko ang tatlong nagsusubukan. Naiiwan na si Toning. Nagkakabuntutan pa rin ang mga
kalabaw nina Ore at Pastor.

"Noong nakadadalawangpung likaw na kami marahil ay pinilantik ng taga_Dalig ang kanyang


kalabaw. Akala niya marahil ay maiiwan na ako. Sa pilantik niyang iyon ay akalain ninyong
biglang mahiga ang kanyang kalabaw. Kay lalim ng lubak na ginawa." kay lakay ng halakhak ni
Pekto.

"At ang kalabaw mo Ka Punso?" tanong ko, "hindi ba nahirapan?"

Nagtawa nang malakas si Ka Punso. "Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo'y ayaw man
lamang tumayo kinabukasang ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni
Ama." Lalong napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa ilong ng isang butil ng kaning
nanggaling sa bibig ni Ka Punso.

Patuluyan ng tumigil si Toning. Pinanonood na lamang niya ang nag tatarakan. May labinlimang
likaw na ang kanilang nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang dalawa. Napabuntong-
hininga ako nang pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula sa kinauupuan namin ay tila ko
nakita ang mukha ni Ore - kunot ang noo, tiim ang mga ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil
ang ugit ng araro, at halos magsugat ang kaliwang palad sa pagbanat ng pamitik. Napapaangat
ako sa bawat hakbang ng kalabaw ni Ore. Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore ay
nakatuon sa likuran ng kanyang kalabaw.

At wari'y malikmatang gumuhit sa balintataw ng aking mga mata ang mga liham ng dulang
nangyari na sa paligid-ligid ng mga tubigang yaon: si Ka Punso't Ka Juana, si Ka Imong at si Ka
Marta, si Fermin at si Gundang, si Asyong at si Auring, si... mga pasalising tagpo sa malaki't
lalong makabuluhang dula ng buhay.

Muling pumilantik si Ore. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si Pastor.
Hindi pa siya pumipilantik ay nakakadalawa na si Ore.
Nilingon ko si Nati. Ang dalaga ni Ka Albina ay napapatunganga sa panonood ng
pagsusubukan. Si Pilang ay nakatungong naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-mapula ang
mga pisngi ng dalaga.

Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore. Ngunit
ang kalabaw nito ay lalong nag-uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa pagsunod sa
kalabaw ni Pastor. Isang pamitik na ang agwat ni Pastor kay Ore. At damak-damak na palayo si
Pastor. Naghiyawan kami.

Pumilantik si Ore at sinabayan ng isang sutsot. Lalong nag-umahon ang mga kalamnan
sa mga hita ng kanyang kalabaw. Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si ore. Lalong
bumilis ang hakbang ng kanyang kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga ay unti-unting
umabot si Ore kay Pastor. Isa pang pilantik. Nag-umunat angkalabaw ni Ore. Bumubula ang
bunganga ng kalakian. Yuko ang ulo at lahat ng lakas ay ibinigay na. Lalo kaming naghiyawan.

Lumingon si Pastor. Nakita niyang umabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor ang
kanyang pamitik. Sinutsutan niya ang kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang makalatay
na pilantik. Umigpaw ang kalabaw. Lalo naman nag-umunat ang kalakian ni Ore. Mayroon pa
kayang ilalabas ang bumubuntot na kalabaw? At naghiyawan kami nang malakas nang aming
makitang pagkatapos ng ilang makalagot-litid na pagpupumilit ay biglang tumigil ang kalabaw ni
Ore. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.

"Magkalag muna kayo," hiyaw ni Ka Punso."Naghihintay ang pagkain... Pastor,


magkalag muna kayo."

Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kanyang kalabaw. Pagkatapos masabuyan ng tubig ay


nakatawang lumapit sa amin. Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang kalabaw na abot-abot
ang paghingal.

Inabutan ni Pilang ng pinggan si Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga.

'Ore," hiyaw ko. "Halika na. Kumain ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa
kalabaw mo."

Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore. Mapulang mapula ang kanyang mukha. At paulit-
ulit niyang ikinukuskos ang kanyang mga palad sa kanyang pantalong maong. Malinis na
malinis na ang palad ni Ore ay kuskos pa rin siya nang kuskos. Naiisip ko tuloy: mayroon
kayang putik ang kanyang mga palad na siya lamang ang nakakakita?

"Talagang matikas ang kalakian ni Pastor," wika niya.

Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor -
kumakain na siya sa tabi ng dalawang dalaga.

Nang ako'y tumayo upang tunguhin ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si Pilang sa
binata. At doon sa kinauupuan ng binata - ilang hakbang ang layo sa karamihan - doon siya
dinulutan ni Pilang. Ano kaya ang kanyang sinasabi kay Ore?

Nang ako'y muling tumanaw mula sa aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na


kalabaw ay nakita kong tila naibsan na ng hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang mga
binti ni Pilang ay tila lalong mapuputi.
Ang Kwintas
sa panulat ni Gracian Faith Gumallaoi

“Pakawalan niyo ako dito. Maawa naman kayo sa akin,” nagmamakaawang sabi ni Rhea.
“Dito ka lang mahal kung asawa. Dito ka lang. Hahaha,” sumbat naman ni Cronus.

“Gusto ko nang makita ang anak natin Cronus. Matagal ko nang hindi nakita,” sabi ni Rhea.

Walang nagawa si Rhea.Nakakulong siya sa kaharian ni Cronus. Maraming gwardiya


ang nagbabantay sa kanya. Mahal na mahal ni Cronus si Rhea kaya naman ikinulong ang
asawa dahil alam niya na hindi siya ang mahal ni Rhea. Natatakot siya dito na may ibang
mamahalin ang kanyang asawa. Wala naman ang kanilang anak sa kanilang tabi dahil
kinakatakutan ni Cronus na maaaring mapatay siya, dahil ang kanilang anak lamang ang
pwedeng pumatay kay Cronus. Nahihirapan na si Rhea sa kanyang kalagayan. Ang kanilang
anak lamang ang nasa isipan niya araw man o gabi.

Si Cronus ay diyos ng agrikultura. Siya ang nag-aalaga ng mga pananim dito sa mundo.
Mahilig siya sa mga halaman. Gustong gusto niyang binabantayan ang mga ito. Kapag marami
siyang ani pumupunta sa mga tao para ipamigay ang mga sobra.

Isang araw masayang masaya si Cronus dahil marami ang kanyang ani. Ngayong araw
din nakatakda ang kanyang pamimigay ng mga sobrang ani sa mga tao.

“Mga gwardiya bantayan niyong mabuti si Rhea at ang kwintas na ito. Huwag niyo
siyang papakawalan at wawalahin ito. Napakaimportante ang kwintas na ito. Ito kasi ang
magbubukas ng aking kaharian at marami pang iba ang magagawa nito,”bilin ni Cronus sa
kanyang mga tauhan.
“Babantayan namin ng mabuti iyan haring Cronus,” sagot ng mga gwardiya. Narinig ni Rhea
ang usapan nila. Kaya hindi na siya nagdalawang isip na tumakas. “Ito na ang pagkakataon
para tumakas. Wala ngayon si Cronus,”bulong sa kanyang sarili.

Nahirapan siya sa kanyang pagtakas dahil talaga namang marami ang nagbabantay sa kanya.
Nang nakatulog na ang mga gwardiya sinamantala niya ang oras na ito. Ang una niyang kinuha
ay ang kwintas para siya ay makalabas sa kaharian. Nang makuha na niya ito nabuksan ang
pinto at nakalabas nga si Rhea. Napunta siya sa isang lupain ng mga tao. Hindi niya ngayon
alam kung saan niya hahanapin ang anak. Kaya hiniling niya sa kwintas na itungo siya sa
kinaruruunan ng kanyang anak.

“Tao po may tao ba dito?,” kumakatok na sabi ni Rhea.

“Sandali lang po. Ayan na ako,” binuksan ni Hestia ang pinto.

Nakilala naman ni Rhea agad ang kanyang anak. Niyakap agad ni Rhea si Hestia ng mahigpit.
Nagtaka naman si Hestia kung bakit ganun ang ginawa ng ale.
“Siya ang iyong ina Hestia. Salamat sa Diyos at nandito ka na aking mahal na anak,”nagagalak
na sabi ni lola Sofia.

“Anak ako ang iyong ina,” sabi ni Rhea kay Hestia. Nabigla naman si Hestia sa kanyang narinig.
Si Hestia ay isang mabait at matulungin. Siya ay nakatira sa bahay ng kanyang lola at halos dito
na siya lumaki. Bagamat siyaý nabigla sa pagdating ng ina, makikita parin sa kanyang mga
mata na nagagalak sa pagdating ng kanyang ina. Masayang masaya naman na tinanggap niya
ang kanyang ina.
“Inay tuloy po kayo. Kayo munaý magpahinga mukhang pagod na pagod po kayo”.
“Salamat anak”.
Sa kabila ng kasiyahan na nararamdaman ni Hestia, maraming katanungan ang bumabalot sa
kanyang isipan. Hindi siya nakatiis at nagtanung nga si Hestia.

“Inay, bakit po kayo nawala ng matagal sa tabi ko,” tanong ni Hestia.

“Anak, sana mapatawad mo ako sa aking nagawa. Hindi ko naman ito ginusto anak.
Maiintindihan mo naman ito sa tamang oras. Ngayon baka hinahanap na ako ng iyong itay,”
paliwanag ni Rhea.

“Ang itay? Nasaan siya?,”tanong na naman ni Hestia.

“Oo, ang itay mo. Pero siya ang dahilan kung bakit tayoý nagkalayo anak. Ikinulong niya ako sa
kanyang kaharian”.

“Teka lang inay hindi kita maintindihan. Pero bakit niya naman ginawa ito?”

“Maraming dahilan anak. Kaya maaaring hinahanap na niya ako ngayon at baka papatayin niya
ako dahil sa aking pagtakas. Hanggang maaga pa kunin mo na ang kwintas na ito. Hiniling ko
na sa mga kwintas na ito na ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan kapag isusuot mo ito.
Kapag naisuot mo na magkakaroon ka ng kakaibang lakas, kakaibang mga pakpak para ikaý
makalipad at pwede ka ding maging inbisibol. Kaya alagaan mo ito dahil ikaw lamang ang
makakapigil sa kasamaan ng iyong itaý,”paliwanag ni Rhea.

Habang silaý nag-uusap may naririnig silang mga hiyawan at sigawan ng mga tao. Halatang
may kinakatakutang nilalang.

“Malamang ang itay mo na iyan. Anak mag-ingat ka sa iyong mga gagawin”. Bukod sa wala pa
siyang alam tungkol sa mga kapangyarihan, takot pa siyang gamitin ang mga ito. Pero hindi na
siya nag-atubilin kasi marami na ang taong napatay ng kanyang ama . Isinuot niya ang kanyang
kwintas. Naging isang taong may pakpak, mas malakas at mas lalong gumanda si Hestia, dahil
sa bago niyang kasuotan. Nagmadali silang lumabas sa kanilang bahay. “Siya nga ang iyong
itay anak,” sabi ni Rhea sa anak.

“Hahaha. Sabi ko na nga ba na pupuntahan mo ang ating anak. Ipapatay mo ako siguro no?
Anak, ako ang iyong itay at huwag kang maniniwala sa iyong ina,”sinabi ni Cronus habang siyaý
lumilipad sa hangin.

“Ang mga sinasabi ng iyong ina tungkol sa akin ay kasinungalingan. Huwag kang maniwala sa
kanya,” dagdag pa na sinabi ni Cronus.
“Huwag kang maniwala diyan anak. ikwinento ko na sayo lahat ng nangyari sa amin. Totoo
lahat iyon,” paliwanag naman ni Rhea.

Naguguluhan si Hestia sa mga narinig niya. Pero nanaig parin sa kanyang puso sa
eksplanasyon ng kanyang ina. Kaya hindi na sinayang ni Hestia ang kanyang oras. Hinilo niya
si Cronus sa pamamagitan ng paglipad paikot-ikot. Pagkatapos nito binugbog niya ng binugbog
pagkatapos inilipad niya ito at ihinagis sa malayo hanggang siyaý namatay.
“Salamat anak. Binigyan mo ako ng panibagong buhay at magsisimula rin tayo kasama ka.,”
masayang sinabi ni Rhea.

“Para sa inyo iyon inay. Mahal na mahal ko po kayo. Kung hindi naman sa ibinigay ninyong
kwintas hindi ko ito magagawa,” sagot naman ni Hestia sa ina. Nagyakapan ang dalawa.
Ang Gilingang Bato
(Kabuuang Bersyon)

ni Edgardo M. Reyes

May kahulugan sa buhay


ang gilingang bato ng kanyang ina.

Walang nakaaalam kung gaano na katanda ang gilingang bato. Ito'y nagisnan na naming
magkakapatid. Ayon kay Ina, ito'y minana niya kay Impo, na minana rin naman daw ni Impo sa
sariling ina nito. Sa likod niyan ay wala nang makapaglahad sa kasaysayan ng gilingang bato,
maliban sa sabi-sabi na ang kalahian daw ni Ina ay kalahian ng magpuputo. Ang ina raw ni
Impo ay isang mahusay na magsusuman na kinilala sa buong San Fermin at dinarayo maging
ng mga tagakaratig-bayan na nagnanais magregalo o maghanda ng espesyal na suman sa
kapistahan, kasalan at iba pang okasyon na may handaan.

Si Impo ay naging kabalitaan daw naman sa kanyang bibingkang sapin-sapin. At kung ang
pagpuputo ay likas sa talinong namamana, si Ina ang tanging nakamana niyon pagka't sa
kanilang magkakapatid, tatlong lalaki at apat na babae, siya lamang ang lumabas na
magpuputo.

Sa mangasul-ngasul na hilatsa ng gilingang bato, ang pinag-ukitang batong-buhay ay maaaring


sintanda na ng panahon. Ngunit ang mismong gilingan ay hindi kapapansinan ng kalumaan,
maliban sa tatangnang mulawin na kuminis na at nagkabaywang sa kaiikot ng sarisaring
kamay.

Hindi ko alam kung gaano kahusay na magpuputo si Ina. Sa lasa ko, ang kanyang lutong mga
kakanin, na bihira kong tikman, ay wala namang katangi-tanging sarap. Ngunit maaaring dahil
ako'y sawa na. Nawawalan ng lasa ang pinakamasarap mang pagkain kapag araw-araw ay
nakahain iyon sa iyo. Ngunit maaaring masarap ngang magkakanin si Ina, pagkat siya, tulad ni
Impo, ay naging kabalitaan din sa pagpuputo.

Ang pagkakanin ni Ina, kung bagaman, ay hindi siyang sandigan ng aming kabuhayan noong
nabubuhay pa si Ama, na isang panday. Kung baga'y nakatutulong lamang si Ina. Ngunit
biglang-bigla ang pagkamatay ni Ama. Nakaramdam ng naninigid na pananakit sa puson at
pamamanhid sa paligid ng pigi, inakalang iyon ay kung ano lamang na titigil din nang kusa, at
nang oumayag na pahatid sa ospital (nang panahong iyon ay mayayaman lamang ang
karaniwang nagpapaospital) sa kabisera ay huli na; mula sa San Fermin hanggang sa kabisera
ay dalawang oras na paglalakbay sa karitela, at sa daan pa lamang ay sabog na ang
apendisitis.

Maliit pa ako noon, pito o walong taon, upang akin nang maunawaan ang kahulugan ng pagyao
ni Ama at ang mga naiwan. Ngunit nang malaki na ako, ang pangyayari'y napag-uusapan pa rin
paminsan-minsan ng aking mga kapatid at ang nilalaman ng kuwento-kuwento ay nag-aalay ng
tagni-tagning kabuuan.

Dalawang beses lamang daw umiyak si Ina: sa aktuwal na sandali ng pagkamatay ni Ama at
nang ang bangkay ay ibinababa na sa hukay. ang pait ay kinimkim sa kalooban, ayaw iluha. At
sa libing pa lamang ay usap-usapan na ng mga tao kung paano kami mabubuhay ngayong wala
na si Ama. Kawawa raw naman kami.

Tatlong araw pagkaraan ng libing ay pinulong daw kami ni Ina (hindi ko ito natatandaan).

"Wala na'ng ama n'yo. Ano'ng iniisip n'yo ngayon sa buhay natin?"

Isa man daw sa amin ay walang umimik -- si Kuya (panganay sa amin at mga 17 taon noon), si
Ate, si Diko, si Ditse, saka ako (bunso).

"Mabubuhay tayo," sabi raw ni Ina. "Pero kikilos tayong lahat."

Dati, si Ina ay nagpuputo lamang kapag may pagawa sa kanya. Ngunit ngayong wala na
kaming ibang pagkukunan ay hindi na maaari iyong umasa na lamang kami sa dating ng order;
kailangang magputo kami at magtinda araw-araw.

Naging abala ang gilingang bato mula noon. Gumigiling kaming lahat, palit-palitan. Sa umaga,
ang malagkit ay nakababad na. Sa hapon ang simula ng paggiling, na inaabot ng katamtamang
lalim ng gabi. Hindi madaling gilingin ang tatlo-apat na palangganang galapong.

Bukod sa mga tanging pagawa, si Ate at si Kuya ay nagtulong sa isang puwesto ng bibingka at
puto-bumbong sa kanto. Si Ditse ay nakapuwesto sa palengke tuwing umaga, sa hapon ay
lumilibot, sunong ang bilao ng sumang malagkit at suman sa lihiya. Si Diko, na ang karaniwang
tinda'y butse at palitaw, ay nakababad naman sa palaruan ng pool sa bayan, ngunit tuwing
Sabado at Linggo ay nakapuwesto sa harap ng sabungan. At maging ako, sa edad kong iyon,
ay nagtitinda rin, naglalako ng gurgorya, bagama't hindi ako lumalayo nang malayo.

Natatandaan ko na minsan ay napaaway ako sa aking paglalako ng gurgorya. Dalawang bata


ang nakisabay sa lakad ko, at tuwing itatawag ko ang aking tinda ay ginagagad ako.
Nakipagbabag ako dahil doon. Umuwi ako nang ngumangalngal, dumurugo ang bibig, may
kalmot sa leeg at sa pisngi. Nagsumbong ako kay Ina, ngunit ako ang kanyang sinisi. Hindi ko
raw dapat pinansin ang panunukso, at lalong hindi raw nararapat na makipagbasag-ulo ako
nang dahil lamang doon. Pinadapa niya ako, tatlong sunod na pinalo ng patpat.

"Di mo dapat ikahiya'ng paghahanapbuhay," sabi niya. Inulit niya ang pangaral na ito sa aking
mga kapatid kinagabihan. "Ayoko ng ikahihiya ng sinuman sa inyo ang hanapbuhay natin. Hindi
tayo nagnanakaw. Pinaghihirapan natin 'to!" Ngunit ang higit daw na pinag-uukulan niyon ay si
Kuya, na diumano, sapagkat binata na, ay malimit magparamdam kay Ate ng pagkahiya sa
bibingkahan at puto-bumbungan.

Hindi naman sa paglapastangan sa alaala ni Ama, magaan-gaan ang naging pamumuhay


namin kaysa noong siya'y buhay. Ang aming bahay na pawid at kawayan ay naging tabla at
yero. Sa gabi, ang kabuuan ng mga entrega ng pinagbilhan ay tinutuos ni Ina, ang tubo ay
inihihiwalay sa puhunan, itinatabi.

Matrabaho ang pagkakakanin. Mula sa pangunguha ng mga dahon ng saging hanggang sa


pagtitinda ng luto nang mga kakanin ay samut-samot na paghahanda at gawain. Ngunit sa
kabila ng mga kaabalahan ay naisisingit namin ang pag-aaral, maliban lamang kay Ditse, na
sapagkat may kapurulan ang ulo sa eskuwela ay tumigil pagkaraang makapasa, nang pasang-
awa, sa ikalimang grado.
Nauna si Kuya na nagkolehiyo (sa Maynila, pagkat noo'y wala pang kolehiyo sa lalawigan),
sumunod si Ate, sumunod si Diko. Nababawasan ang katulong ni Ina sa hanapbuhay ay
nadaragdagan naman ang paggugugulan. Tatlo na lamang kaming naghahali-halili sa gilingang
bato. Sa isang banda'y maipagpapasalamat ko na naging mapurol ang ulo ni Ditse, sapagkat
kung hindi ay sasapit sana na ako lamang ang maiiwang katulong ni Ina.

Patuloy ang pagtanggap ni Ina ng mga pagawang puto at suman. Si Ditse ang pumalit sa
bibingkahan at puto-bumbungan. Sa akin napasalin ang pagtitinda ng kakanin sa palaruan ng
pool sa bayan, at sa sabungan tuwing sabado at Linggo. Gayunman, ang kita namin ay hindi na
katulad noong lima kaming kabalikat ni Ina sa hanapbuhay.

Tulad ng aming nakatatandang mga kapatid, nang matapos namin ni Diko ang mga kursong
pinili namin at magkaroon ng sariling trabaho, ang sumunod na hinarap namin ay pag-aasawa.
Si Ditse ang pinakahuling nag-asawa sa amin, at ang naging kapalaran naman ay isang
magsasaka.

Nalayo kay Ina ang kanyang mga anak, liban kay Ditse, at sa napangasawa nito na nakapisan
sa kanya, sa dating bahay namin. Kaming tatlong lalaki ay layu-layo rin ng tirahan sa
Kamaynilaan. Si Ate, na ang napangasawa ay isa ring titser na tulad niya, ay iniuwi ng aking
bayaw sa sariling bayan nito, sa Santa Cruz, Laguna, at doon sila parehong nagtuturo.

Ngunit hindi kami nakalilimot ng pagdalaw kay Ina. Lalo na tuwing Pasko, nasa kanya kaming
lahat, pati na ang mga manugang at mga apo.

Talagang matanda na noon si Ina. Pilak na ang kanyang nandadalang na buhok, luyloy na ang
kalamnan ng mga braso, lumaladlad na ang mga pisngi. Ngunit sa larawang iyon ng katandaan
ay mababakas pa rin ang katatagan, at sa may kalabuan nang mga mata ay masasalamin ang
kawalang-pagsisisi sa kanyang buhay at sa kanyang pagiging isang ina.

At bakit nga hindi? Sa abot ng kanyang kaya ay nagawa niya ang pinakamabuti para sa
kanyang mga anak. Bukod sa pagdakila ng kanyang mga anak, siya'y pinupuri ng mga
nakakakilala. Sa San Fermin, ang anak ng isang kutsero ay maaasahang magiging isang
kutsero din. Ngunit kami, apat kaming nakapag-aral at ang ikalima'y dapat sanang nakapag-
kolehiyo din kung di lamang sa isang kakulangan. Bihirang ina ang makagagawa ng nagawa ni
Ina.

Si ditse ay abala na sa sariling mga anak upang maasikaso pa ang pagtitinda ng mga kakanin.
Ngunit si Ina ay tumatanggap pa rin ng mga pagawang puto at suman. Iisa ang payo ng
kanyang mga anak, na dapat na siyang tumigil sa mabigat na gawaing iyon, dapat na niyang
iukol ang nalalabing mga araw ng kanyang buhay sa pamamahinga. Ngunit ayaw niya kaming
pakinggan.

"Madadali'ng buhay ko pag sinunod ko kayo," katwiran niya.

Sa lungsod ay walang katatagan ang pamumuhay. Maaaring may trabahao ka ngayon,


maaaring bukas naman ay wala. Darating sa iyo ang sarisaring di mo inaasahang mga
kagipitan.

Umaabot ito kay Kuya, sa akin, at lalo na kay Diko, na ang tinapos lamang ay kursong
vocational radio-TV technician. At sa kagipitan, ang takbuhan ni Kuya at Diko ay si Ina. sa
pananalita ni Kuya at ni Diko, ang kinukuhang pera ay hiram, ngunit sa pagbabayaran ay hindi
naman tinatanggap ni Ina.

"Hamo na. Mahirap 'yong kayo pa'ng kapusin. Nasa Menila kayo, walang malalapitan."

Ngunit ako, sa kagipitan, ay sa mga kaibigan lumalapit. Anhin ko mang wariin ay hindi ko
kayang dibdibin na hingan ng pera, sa porma ng hiram, si Ina, na tuwing maaalala ko ay sa
kalagayang matanda at mahina na ay pumipihit pa rin ng gilingang bato.

Ang totoo, ni minsan mula nang ako'y magkapamilya ay hindi ko ipinahalata sa kanya na ako'y
kinakapos sa pera. sa pagdalaw ko sa kanya ay mangyari pa na ako'y may pasalubong na -- na
ang ibinili ay maaaring inutang ko lamang. At gayundin, sa aking pagpapaalam ay may iaabot
ako sa kanya na sampu-dalawampung piso -- na maaari ring inutang ko lamang. kahit anong
pilit naman ang gawin ko ay hindi niya iyon tatanggapin.

Nangungutang ako ng perang ibibigay ko sa kanya, na alam kong hindi naman niya kukunin,
upang mapalabas ko na ako'y nakaluluwag, sapagkat ngayong kami'y may kanya-kanya nang
pamilya, si Ina, kapag tungkol sa pera, ay may ibang trato sa amin. Kung gaano siya kapilit sa
pagbibigay ng pera sa mga anak ay gayundin naman siya kapilit sa pagsasauli sa perang bigay
ng mga anak.

Kapag umuwi ang isang anak niya, at sa pagpapaalam ay walang iniaabot na pera, ang hinala
agad niya ay gipit ang anak niyang ito, at kaya umuwi ay may kailangan, nahihiya nga lamang
na magsalita. Dudukot siya ng pera sa kanyang bulsikot at ipipilit iyon sa anak. At kung ibig ng
anak na magdamdam at magtampo ang ina, ang kailangan lamang na gawin ay tanggihan ang
perang ibinibigay.

Kaya't ako, sa pagdalaw ko, upang hindi hinalain ni Ina na ako'y hikahos, at upang hindi ako
alukin ng perang sa ayaw ko at sa ibig ay kailangang kunin ko, ay nangungutang ako sa
kaibigan, kung ako'y walang pera, upang may maiabot sa kanya sa aking pagpaalam. Hindi
niya tatanggapin iyon, alam ko, ngunit hindi na lamang niya ako sapilitang bibigyan ng pera
pagkat sa akala niya ay maluwag ako, na siyang kahulugan ng aking pagbibigay.

At isa pa ay ayokong isa pa ako sa kanyang mga anak na iniintindi niya. Ibig ko na kapag
naaalala niya ako at ang aking pamilya ang nasa isip niya ay patag ang aming lagay.

Minsan, sa pag-uwi ko ay dinatnan ko si Ina sa akto na paggiling. Bago ko inagaw sa kanya ang
trabaho ay ilang sandali munang minasdan ko siya sa pagkakaupo ko sa kanyang tabi.
Makupad na at hirap ang kanyang mga kilos. May kinig na ang kanyang mga kamay sa
pagsusubo ng binabad na malagkit. Mabagal na ang ikot ng pang-ibabaw na taklob ng gilingang
bato. Pasaglit-saglit ay tumitigil siya, naghahabol ng hininga. Wala na ang kanyang dating
lakas, sigla at liksi. Ngunit ang pinagtatakhan ko ay kung paanong ang tuyot nang bisig na iyon
ay nakakaya pang makapihit ng gayong bigat.

Sa bawat tulak at sa bawat kabig ay lalong nanlalalim ang kanyang malalalim nang balagat.
Ang nag-usling mga ugat sa kanyang braso ay waring nagsisipagbantang mag-igkasan. Natuon
ang tingin ko sa kanyang kamay: kuluntoy, butuhan. Si Ina ay anino na lamang ng kanyang
dating sarili, ngunit ang gilingang bato ay iyon pa rin. Sa gilingang bato ay nabanaag ko ang
panahon; sa lantang kamay ni Ina ay nakita ko ang mga huling sandali ng pakikihamok ng tao
sa panahon. Ang tao ay dumarating at yumayao; ang panahon ay nananatili. Si Ina ay tao; ang
gilingang bato ay panahon.
Inagaw ko ang gilingan. Ayaw niyang ibigay iyon. Sa pagpipilitan namin ay napahawak siya sa
kamay ko. Naramdaman ng aking kamao ang ligasgas ng kanyang makapal at nagkakalyong
palad. Nakadama ako ng di maunawaang panliliit at pagkahiya.

Bumitiw siya sa tatangnan.

"Mahihirapan ka," sabi niya.

Ako, na bata at malakas, ang kanyang inalala, hindi ang kanyang sarili!

"Dati kong trabaho 'to," sabi ko.

Dati ko ngang gawain iyon, ngunit nang mga sandaling iyon, na muling paghawak ng gilingan
pagkaraan ng maraming taon, ay nakaramdam ako ng paninibago. Kaybigat niyon! Nangalay
agad ang kanang braso ko at kinailangang ihalili ko ang kaliwa. Napansin iyon ni Ina at siya'y
nangiti.

"Hindi ka na 'ta marunong," sabi niya.

Noong araw, kahit sa kamuraan ko, ay parang nilalaro ko lamang ang paggiling. Ang
palanggana'y napapangalahati ko sa galapong nang hindi ako nagpapalit ng kamay. Bakit
ngayo'y kayhirap? Naisip ko na ang gaan at bigat ng isang gawain ay naaayon lamang sa
kasanayan.

"Sino ba naman ang nagpapagawa pa sa inyo?" tanong ko.

"Isang taga-Kamyas. Naimporta. Panregalo daw sa binyagan."

"Hindi na kayo dapat pang tumanggap ng trabahao. At sila . . . hindi ba nila nakikita na sa edad
n'yong 'yan e kawawa naman kayo kung pagtatrabahuhin pa?"

"Kaya ko 'yan."

Hindi alam ni Ina ang taon, maging ang buwan at petsa ng kanyang kapanganakan. Ngunit
nang siya'y namaalam at tuusin namin ay humigit-kumulang siya sa 80 taon.

Sa mga huling araw ni Ina, siya'y nagpaaninaw na at mahinang-mahina na upang makayanan


pang pumihit ng gilingang bato. At ang kanyang sinabi noon, ang pagtigil sa gawaing mahal sa
kanya ay maaaring magpadali sa kanyang buhay, ay waring nagkatotoo. Ayon kay Ditse, mula
nang "mamahinga" si Ina ay naging masasakitin ito, bumilis ang panghihina. Gayunman, kahit
paipud-ipod ay lumalabas ito sa kusina, dinadalaw ang kanyang gilingang bato, na nakatabi sa
ilalim ng kalanan. Hinuhugasan nito iyon, o dili kaya'y pinupunasan ng basahang basa.

Bigla rin ang kanyang pagkamatay, tulad ng pagyao ni Ama. Ang kalooban namin ay handa na
sa mangyayari ngunit inakala namin na mabubuhay pa siya nang mga dalawa o tatlong taon pa.
Ngunit isang umaga ay dumating sa amin ang aking bayaw (asawa ni Ditse) at ibinalita na patay
na si Ina. Kung ano ang kinamatay, mahirap matiyak. Ngunit hinulaan namin, batay sa nakita sa
kanya na mga palatandaan bago siya namatay, na iyo'y pulmonya.
Tatlong gabing paglalamay. Sa usap-usapan ay maraming papuri kay Ina. Di na iilang patay
ang napagmasdan ko sa pagkakaburol, at pangkaraniwang larawan ng patay sa pagkakaburol
ay hapis. Ngunit ang aming Ina, sa pagkakaburol, ay waring nakangiti pa!

Nairaos nang maayos ang libing. At kahit sa kanyang kamatayan, kaming mga anak ay hindi
nagkaroon ng pagkakataong gastusan siya. May pera siya sa kanyang bulsikot, mahigit na
dalawang daang piso, husto na sa isang payak, payapang libing.

Pagkaraan, bago kami magkanya-kanya ng uwi, ay pinag-usapan namin ang tungkol sa mga
naiwang pamana sa amin ni Ina.

Bahagi ito ng isang matandang kaugalian hindi lamang sa San Fermin bagkus sa buong
lalawigan na sa pagyao ng isang magulang, ang bawat isa sa mga anak ay kailangang kumuha
ng kahit isa man lamang na bagay na naiwan, may materyal mang kahalagahan o wala. Ang
dapat piliin ng isang anak ay kung alin ang inaakala niya na higit na makapagpapagunita sa
kanya sa yumaong magulang.

Ang bakuran at ang bahay ay hindi na dapat pang pag-usapan. Buhay pa si Ina ay
napagpulungan na namin (si Kuya, si Ate, si Diko saka ako) na sa ano't ano man, ang bahay at
bakuran ay kay Ditse. Itinuturing namin na siya ang pinakakawawa sa aming magkakapatid.
Kinikilala rin namin na siya ang may pinakamalaking naitulong kay Ina sa hanapbuhay, na
kaming apat, hindi si Ditse, ang higit na nakinabang. Siya rin sa aming lima ang tanging
nakapagsilbi sa aming ina sa huling panahon ng buhay nito.

Inisip namin ang iba pang mahalagang bagay na naiwan ni Ina.

Isang singsing na may limang maliliit na butil ng brilyante.

"Ibigay na rin natin 'yon kay Chedeng," mungkahi ni Ate, na ang tinutukoy ay si Ditse. Alam ni
Ate na wala ni isang pirasong alahas si Ditse.

"Yon ba'ng gusto mo?" tanong ni Kuya kay Ditse.

Tumango si Ditse, tangong alanganin, nahihiya.

Isang karaniwang hikaw na tumbaga.

"Kung walang may gusto n'on sa inyo," sabi ni Kuya, "yon na lang ang sa 'kin. Para kay Ester,"
na tinutukoy naman ay ang kanyang asawa.

Sang-ayon kami.

Naalala ni Ate ang bulaklaking bestido ni Ina, na regalo rin naman niya, ni Ate, sa aming ina
noong nagdaang Pasko. Iyon na lamang daw ang kukunin niya, sabi ni Ate.

"Sa 'kin 'yong bulsikot!" sabi ni Diko. "Baka sakaling kung ibitin ko sa loob ng aming aparador e
magbigay sa 'min ng konting suwerte sa pera."

Hindi namin napigil, napangiti kami. Marahil, ang pinagbatayan ni Diko sa kanyang "pamahiin"
ay ang kaalaman niya na kailanman ay hindi nawalan ng lamang pera ang bulsikot ni Ina. Iyo'y
yari sa sinauna, antigong seda; tahing kamay, at kung hindi ako nagkakamali ay matanda pa sa
akin.

Binalingan ako ni Kuya. "Ikaw?"

Sinabi ko na ang nakakuwadro, ipinintang larawan ng aming mga magulang sa bihis-pangkasal.

Lahat sila'y nanganga, natigilan. Nahiwatigan ko ang panghihinayang nila na walang nakaalala
sa kanila sa larawang iyon.

"O, maayos na?" pagkuwa'y tanong ni Kuya.

Tanguan kami.

Pagkaraa'y kanya-kanya nang pagpapaalam sa mga maiiwan, dala ang kanya-kanyang inaring
pinakamahalagang alaala ng yumaong magulang.
Palanca Awards for Literature
Jose Garcia Villa
Nick Joaquin
NVM Gonzales
Bienvenido Santos
Gregorio Brillantes
Gilda CorderoFernando

National Artist Awards


Jose Garcia Villa
Nick Joaquian

You might also like