You are on page 1of 22

SENAKULO 2020 | St.

John Bosco Parish - Tondo | 1

ISANG BAYAN, ISANG DIYOS

SCENES:

SCENE 1: SANGA-SANGANG LANDAS IKATLONG PAGNINILAY


SCENE 2: ANG KWENTO NG ATING KALIGTASAN SCENE 13: SI ANNAS AT MGA PARISEO
SCENE 3: ANG PAGTUKSO NG DEMONYO SCENE 14: ANG HULING HAPUNAN
SCENE 4: NARITO NA ANG MESIYAS SCENE 15: ANG PANALANGIN SA GETSEMANE
SCENE 5: ANG PAGPAPAKAIN SA LIMANG LIBO SCENE 16: ANG PAGTATWA NI PEDRO
UNANG PAGNINILAY SCENE 17: SI HESUS SA HARAP NG SANHEDRIN
SCENE 6: TALINGHAGA NG MABUTING SAMARITANO SCENE 18: SA KAMAY NI PILATO
SCENE 7: SI HESUS AT ANG SAMARITANA SCENE 19: ANG PAGKAMATAY NI HUDAS
SCENE 8: TALINGHAGA NG ALIBUGHANG ANAK SCENE 20: ANG DAAN NG KRUS
SCENE 9: PINAGALING NI HESUS ANG 10 KETONGIN SCENE 21: ANG KRUS NG KALBARYO
IKALAWANG PAGNINILAY SCENE 22: ANG PAGLILIBING KAY HESUS
SCENE 10: PAGPASOK SA JERUSALEM SCENE 23: MULING PAGKABUHAY
SCENE 11: PAGLILINIS NG TEMPLO SCENE 24: FINALE – COMMUNITY SONG
SCENE 12: MGA TURO NI HESUS

SCENE 1: SANGA-SANGANG LANDAS

Sa Kaliwang bahagi ng entablado, makikita ang ang isang Muslim na nakatayo, habang maririnig ang mga tinig na
sumasabay sa mga text na naka-display sa LED wall:

VOICE OVER
Terorista, mamamatay-tao, DVD DVD, madaming asawa, pasimuno ng giyera!

Sa kanang bahagi ng entablado, makikita ang Kristyano na nakatayo, at maririnig ang mga tinig na sumasabay sa mga
text na naka-display sa LED wall:

VOICE OVER
Sumasamba sa rebulto, mga impokrito, mga pari nyo mga namomolestiya, corrupt kayo, ‘di naman kayo nagbabasa ng
Bibliya, wala sa bibliya ang ginagawa nyo!

Sa kaliwang bahagi ng entablado makikita ang mga Badjao, Aeta, at iba pang indigenous groups ng bansang Pilipinas at
maririnig ang mga tinig na sumasabay sa mga text na nakadisplay sa LED wall:

VOICE OVER
Mga Badjao, salaula, walang pag-unlad, mga nanlilimos, mga pulubi, nakakahiya, wala kayong lugar dito sa Maynila,
mga taga-bundok!

MUSLIM
Madali ang manghamak,
Madali ang pagkawatak-watak,
Madali ang magkasiraan.

KRISTIYANO
Madaling magkaroon ng hidwaan
Sa mundong mapanghusga.

KATUTUBO
Hindi na kailangan ng sakuna,
Sa alitan at hidwaan pa lamang
Mundo nati’y magugunaw na.

Ipapakita ang mga iba’t ibang sakuna sa mundo: pagsabog ng bulkan, pagkasunog ng gubat, NCoV sa China, at iba pa.

MUSLIM
Hindi ba’t masarap yakapin ang katotohanang
Tayo ay pare-pareho nabubuhay sa iisang mundo?
Na tayong lahat ay pinagpapala ni Allah?

MGA KATUTUBO
Na tayong mga nilalang ni Bathala ay may kakayahang makapagsalita?
Na tayo aymga nilalang na may kakayahang makaintindi?
Na tayo ay may kakayahang makipag-usap at magka-sundo?
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 2
KRISTIYANO
Na tayong mga kapatid ni Kristo ay mga alagad ng kapayapaan?
Hindi ba’t iyan ang unang pagbati ni Hesus sa kanyang mga alagad
noong siya ay Muling Nabuhay?

MGA KATUTUBO, MUSLIM, KRISTIYANO


Sumainyo ang kapayapaan!

Tutunog ang “Awit ng Papuri” at sa saliw nito ay papasok ang mga dancers upang sayawin ito.

SCENE 2: ANG KWENTO NG ATING KALIGTASAN

Visual: CREATION Visual: HARING DAVID

Bumukang liwayway ang araw sa Silangan. Taglay ang pambihirang lakas at tapang,
Sa Silangan umiihip ang hanging Amihan. Ang dating abang pastol, iniangat at hinirang
Mula sa tubig, sumilang ang mga kapuluan, Bilang hari, pinamunuan ang bayan ng Diyos.
Umusbong ang mga luntian, lumago’t nagkabuhay, At mula sa isang matatag na pinuno,
Sa pamamagitan ng Salita… nagsimula ang lahat. Sisibol ang Mesiyas na magliligtas sa mundo.

Mula sa putik, ikaw ay bukod-tanging hinulma, Visual: PROPETA ISAIAS


Umagos ang dugo ng buhay dulot ng kanyang hininga.
Hinulma, hiningahan, pinagmasdan Hinirang upang sa sanlibuta’y ipamalita,
ang wangis ng Maylikha. Kalooban ng Diyos na mula pa noong una,
Hinele sa pagkamangha sa kagandahan ng sannilikha. Sisilay ang pag-asa sa mga dukha,
Saan ba lahat nagsimula, siyang papawi sa dusang tinatamasa.
hindi ba’t sa Pag-ibig ng Maylikha? “Isang dalaga’y tiyak na maglilihi,
Emmanuel ang tawag sa sanggol na lalaki!”
Visual: ADAN AT EBA Sakit at hirap ay Kanyang hihilumin,
Tutubusin ang mga nagsisisi.
Kalayaan ang biyayang ating tinatamasa,
Nagbukas ng kaalaman sa pag-asam ng higit pa. Visual: PAGBATI NG ANGHEL KAY MARIA
Mapanlinlang na pagnanais, dulot ay kapahamakan.
Kasaysayan ng unang pag-ibig, Sa takdang panahon, ang pangako’y naganap,
Kasaysayan din ng unang pagkakamali. Ang Mabuting Balita na dala ng anghel
Ipinarating sa birhen na siyang nakatakda,
Visual: ANG MALAKING PAGBAHA Pag-asang inaasam ng mga pusong aba
at sabik na naghihintay,
Ang kabiguang ito’y nagdulot ng kamatayan “Magalak ka, sa iyo’y isisilang
sa sangnilikha, ang Haring Tagapagligtas.”
Kumot ng kamatayan ang lulunod sa lahat ng nilikha.
Ngunit mula sa kulimlim, pag-asa ay sumilip, Visual: PAGSILANG KAY HESUS
Ang mga tapat at umiibig,
Iaahon ng pangakong hindi na lilipulin, Sinong mag-aakala, Salita’y nagkatawang-tao,
Sagisag sa kalangitan ay tanda ng tipan ng kaligtasan. Mga tala ay nagsiluhod, mga anghel nagsiawitan!
Ang sanggol na Mesiyas, isinilang sa sabsaban.
Visual: ABRAHAM Daigdig na balot ng kadiliman,
napuno ng Kanyang liwanag,
Pananampalatayang dapat ipamalas, Sa Kanyang pagkakahimbing,
Sa pagsubok ang hiling ay dugo ng iyong anak. ang gabi’y naging payapa.
Ang pag-aalay ng handog na pinakamahalaga,
Sa kaganapan ng panahon, ito’y sasalamin lamang Visual: ANG PAGBABAUTISMO KAY HESUS
Sa tunay na pag-aalay ng dugo ng ating kaligtasan.
Sumapit ang oras upang ganap na mahayag,
Visual: MOISES Ang Mesiyas na tagapagligtas ng lahat.
Sa pagkakalubog sa tubig ng kamatayan,
Mula sa pagkaalipin ika’y hahanguin, Binautismuhan sa bagong buhay,
Ang tubig na minsa’y sagisag ng kamatayan. Sa pagbukas ng langit, Espiritu’y pumanaog sa Kanya:
Sa pagihip ng hangin ay gagawa “Ito ang pinakamamahal na Anak
ng daan ng iyong kaligtasan. na lubos Kong kinalulugdan.
Ang paglubog at pag-ahon Pakinggan ninyo siya.”
mula sa tubig na dapat pagdaanan,
Ito ang bautismo sa tubig ng kamatayan at buhay.

Lights off.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 3
SCENE 3: ANG PAGTUKSO NG DEMONYO

Sa iba’t-ibang bahagi ng entablado, makikita ang Muslim (kaliwa), Kristiyano (gitna), at Katutubo (kanan). Si Hesus ay
nakaluhod sa gitna ng entablado. Tutugtog ang musikang pang-demonyo. Sa pamamagitan ng projection mapping ay
lalabas ang demonyo na mag-iiba ng anyo. Lalapit siya sa Katutubo at sasanib rito.

DEMONYO (Katutubong Sinapian)


Lilingon-lingon sa palagid na may kasamang paghawak sa sikmura. Ilalahad ang kamay sa abot ng kanyang kaya.

Hindi naman kami magsisipaglikas kung walang magpapalayas! Ang tahanang minana pa namin sa aming mga ninuno ay
ginawa ninyong kalakal, ang pinagmumulan ng aming kinabubuhay ay tinabunan ng mga malalaking gusali. Bakit hindi
nyo na lang sabihin sa aming pagmumukha, sa harap ng aming mga anak… na patayin na lang namin ang aming mga
sarili! Sa kakarampot na lugar ng bansang ito, saan niyo pa kami ilulugar? Saan namin kukunin ang pagkain, at ipapakain
sa aming mga anak? Sa mga batong ito?

HESUS
“Nasusulat, hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa mga salitang namumutawi sa bibig ng Diyos!”

Mangingisay ang Katutubo at aalis sa kanya ang Demonyo. Susunod na sasapian ng Demonyo ang Muslim.

DEMONYO (Muslim na Sinapian)


Aarteng galit na galit sa mga tao sa kanyang paligid.

(Sisigaw) Ahhhh!!! Bakit ganyan ang mga tingin ninyo sa amin?! Pumutok lang ang balita ng gyera sa Marawi, kami na
agad ang inyong sinisisi! Ginawa na namin ang lahat upang makipag-kapwa-tao, nanahimik kami, sinusubukang
mamuhay ng simple, dahil tulad ninyo kapayapaan din naman ang hangad namin. Ngunit bakit ganito ang balik ninyo sa
amin?! Ito lang ba talaga ang pagkakakilala nyo sa amin? Hindi na ba mabubura sa inyong mga mapanghusgang isip na
terorista kami?

Magbabago ang mood, mababaliw na parang gustong maghiganti.

Kung ganito lang pala, baka nga mas mabuting isabuhay na nga namin ang mga paratang ninyo sa amin! Sige!
Magsihanda kayong lahat, hintayin ninyo, gagamitin namin ang lahat ng mayroon kami, hindi ni’yo na kami
masasaktan pa ng labis!

HESUS
“Nasusulat din naman, “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!”

Mangingisay ang Muslim at aalis sa kanya ang Demonyo. Susunod na sasapian ng Demonyo ang Kristiyano.

DEMONYO (Kristiyanong Sinapian - Pari)

(Aarteng maangas) Tingnan mo ang mga parokyano kong ’to; simpleng drama at pakiusap lang, sunod agad silang lahat!
Hahaha! Ang hindi nila alam ginagawa ko lang ang lahat ng iyan para mapagaan ang mga trabahong dapat naman talaga’y
ginagawa ko. Ganito talaga ang nagagawa ng may posisyon, lahat naghihintay ng sasabihin mo, lahat nakatingin sayo,
para silang mga tuta na nakasunod sa kanilang amo! Gustong-gusto ko talagang nangingibabaw sa lahat! Ang sarap ng
may kapangyarihan! Para ko na ring hawak ang kanilang mga buhay! Ang sarap talaga maging Pari!
(Hahalakhak nang malakas)

HESUS
Lumayas ka Satanas, sapagkat nasusulat, “Ang Diyos lamang ang dapat mong sambahin at siya lamang
ang dapat mong paglingkuran!”

Mangingisay ang Kristiyano at aalis sa kanya ang Demonyo. Tutungo sa gitna ang Demonyo.

DEMONYO
Hindi ka magtatagumpay Hesus… Darating ang panahong mahuhulog ka rin sa aking bitag!!!

Aalis ang demonyo sa entablado at maiiwan si Hesus.

Lights off.

SCENE 4: NARITO NA ANG MESIYAS

SAMARITANA, HUDYO (Babaeng Dinudugo), KETONGIN (Samaritano):


Hanggang kailan? Hanggang kailan kami maghihintay sa iyong pagdating, O Panginoon?
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 4
SAMARITANA
Nakatayo siya sa tabi ng balon, bibit ang banga ng tubig; baka sa mukha ang pagod hindi lamang sa kanyang ginagawa,
kundi sa mga nangyayari sa kanyang mga kapwa Samaritano.

Naniniwala kaming darating Siya, ayon sa ipinahayag ni Moises: “Mula sa inyo, si Yahweh
na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko.” (Deut. 18:15)

Subalit, hanggang kailan ang paghihintay naming ito? Batid kong ang mga kapwa kong Samaritano ay labis nang
nabibigatan ang kalooban sa hirap na aming dinaranas, dala ng maraming taon ng sigalot sa pagitan namin at ng mga
Hudyo. Kailan ba darating ang Mesiyas na papawi ng aming pagkauhaw sa katahimikan at kapayapaan?

LAHAT
Hanggang kailan kami maghihintay?

HUDYO (Babaeng Dinudugo)


Nakaupo siya sa kanang bahagi ng entablado, mistulang nananalangin, ngunit halatang nanghihina ang katawan.

Pinanghahawakan namin ang pahayag ng mga propeta, na ang Mesiyas na isisilang


“ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng
Kapayapaan...” (Is. 9:6-7) Patuloy ang aking pananalangin na ‘di magluluwat ay sasapit din ang araw ng kaligtasan ng
buong sangkatauhan.

Nawa ay masilayan ko ang pagdating ng Mesiyas! Sa kabila ng dinaranas kong hirap, umaasa akong masasaksihan ko ang
katuparan ng pangakong ito ni Yahweh. Na sa pagdating ng Mesiyas, hahanguin Niya mula sa kasadlakan ang mga aba at
dukha; ang mga isinasantabi at itinuturing na walang silbi ng lipunan. Kailan ba darating ang Tagapagligtas na Siyang
mag-aangat sa amin mula sa karukhaan?

LAHAT
Hanggang kailan kami maghihintay?

KETONGIN (Samaritano)
Lalabas siya mula sa kaliwang bahagi ng entablado, nakatalukbong ng tela ang kanyang katawan, mistulang nahihiya at
natatakot na makita ng mga tao.

(Aalisin ang talukbong sa mukha) Ang tanging bumubuhay sa aking aandap-andap na pag-asa ay ang walang humpay na
pag-aabang sa pagdating ng Mesiyas. Sa Kanyang pagdating “Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga
bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi.” (Is. 35:5-6)

Umaasa akong maaabutan ko ang pagdating ng Mesiyas! Siya ang magdudulot ng kagalingan at kaginhawaan sa aming
lahat. Siya ang magkakalas ng gapos ng matinding sakit at muling magbabalik sa akin ng buhay na inagaw ng aking
karamdaman. Kailan ba darating ang Kagalingan sa pait at karamdaman ng mga tulad kong wala nang makapitan?

LAHAT
Hanggang kailan kami maghihintay?

Sa saliw ng naaakmang awitin ay makikita ang mga sumusunod na tagpo:

Sa kanang bahagi ng entablado ay papasok si Hesus na kasama sina Andres at Juan. Makikita ni Andres sina Pedro,
Santiago na kapatid ni Juan, Santiago na anak ni Alfeo, Tomas, Simon Makabayan, Tadeo at Bartolome na nangingisda.
Lalapitan sila ni Andres at aanyayahang sumama kay Hesus. Iiwan nila ang kanilang lambat at susunod kay Hesus.

Paakyat sa kanang bahagi ng entablado, makikita naman nila si Felipe na nakaupo sa isang puno ng igos at nagbabasa
ng kasulatan. Mauunang lumapit sa kanya si Bartolome upang ayain siyang sumunod kay Hesus. Saka lalapit si Hesus at
iaabot ang kanyang kamay kay Felipe, hudyat ng kanyang pagsunod kay Hesus.

Magpapatuloy ang kanilang paglalakad patungong gitna ng entablado kung saan naroon si Mateo na naniningil ng
buwis. Lalapit si Hesus kay Mateo upang anyayahan siya. Tatayo si Mateo at susunod sa kanila. Siya namang pagpasok
ni Hudas Iscariote na ipapakilala ang kanyang sarili at hihingin na maging isa sa mga alagad ni Hesus. Tatanggapin
siya ni Hesus bilang isa sa mga alagad niya.

Sa muling pagbaba nina Hesus patungong kanang bahagi ng entablado, biglang may lalapit na pangkat ng mga ketongin
na magmamakaawa upang sila ay pagalingin. Hahawakan sila ni Hesus, at mararamdaman nila ang kanilang paggaling.
Magpapatirapa sila at magpapasalamat kay Hesus. Mamamangha naman ang mga alagad sa nasaksihang himala.

Lalakad si Hesus at ang mga alagad patungong kanang gawi ng entablado. Makikita namang paparating ang isang
bulag na magmamakaawa rin upang siya ay pagalingin ni Hesus. Hihipuin ni Hesus ang kanyang mga mata, at pagdaka
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 5
ay makakakita na siya. Buong galak siyang magpapasalamat kay Hesus. Muli ay manggigilalas ang lahat ng nakakita sa
himalang ito.

Pag-akyat nina Hesus patungo sa gitna ng entablado ay sasalubong sa kanila ang isang inaalihan ng masamang espiritu,
na pilit na pinipigilan ng kanyang mga kasama. Matatakot ang mga alagad. Iaangat naman ni Hesus ang kanyang kamay
upang palayasin ang demonyong sumasanib sa tao. Mangingisay ang inaalihan at mahihimatay. Maya-maya ay
magkakamalay siya at mapapaluhod sa harap ni Hesus bilang pasasalamat. Magkahalong tuwa at pagkamangha ang
makikita sa mga alagad.

Sa huli ay magtitipon ang lahat sa may hagdan ng entablado, nasa gitna si Hesus at ang kanyang mga alagad. Saka
namang papasok si Magdalena na kinakaladkad ng mga kawal ng Pariseo.

PARISEO 2
Guro! Ang babaeng iyan ay nahuli naming nakikiapid. Ayon sa Kautusan, nararapat na siya ay batuhin hanggang sa
mamatay!

HESUS
Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang unang maghagis ng bato.

Luluhod si Hesus at magsusulat sa lupa. Mapapansin ng mga Pariseo at mga alagad na ang isinusulat ni Hesus ay ang
mga kasalanan ng mga Pariseo. Pagtitinginan ng mga alagad ang mga Pariseo. Mapapahiya sila at aalis.

HESUS
Nasaan na ang mga nagdala sa iyo rito? Hindi ka ba nila pinarusahan?

MARIA MAGDALENA
Hindi po, Panginoon.

HESUS
Hindi rin kita parurusahan

MARIA MAGDALENA
Maraming salamat po.

HESUS
Humayo ka at huwag nang magkasala pa.

Magsasalita si Hesus sa mga tao.

HESUS
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.
Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang loob, at makasusumpong kayo ng
kapahingahan para sa inyong kaluluwa.

Spotlight kay Hesus.

Lights off.

SCENE 5: ANG PAGPAPAKAIN SA LIMANG LIBO

Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay umakyat sa bundok, kasama ang makapal na taong sumusunod sa Kanya.

Pagtakapos nito, siya ay uupo, at lalapit sa kanya ang mga tao. Tuturuan niya sila ng ganito:

HESUS
Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
Mapalad ang mga mapagpakumbabá, sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila'y bubusugin.
Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

(lalapit sa isang bata)


Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.

(lalapit sa isang matanda)


Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 6
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

(Sasabihin sa harap ng mga manonood)


Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao,
at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin.
Magsaya kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.
Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Matapos magsalita ni Hesus, pagmamasdan niya ang mga tao. Bagamat nararamdaman niya ang pagkamangha ng mga
madla sa kanyang mga sinabi, masasalamin pa rin sa mukha nila ang labis na pagod at gutom, gayun din ang pag-aalala
dahil papalubog na ang araw at malayo pa ang kanilang tatahakin pauwi. Mahahabag si Hesus sa kanila.

HESUS
(Tinawag ang mga alagad) Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila
at wala na silang makain.

HUDAS
Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw.
Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.

HESUS
Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.
Hindi na nila kailangang umalis pa, kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.

HUDAS
Subalit hindi po sapat ang ating kaban upang pakanin ang lahat.

FELIPE
Isa pa, saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?

ANDRES
(Ilalapit ni Andres ang isang batang lalaki) Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay
na sabada at dalawang isda. Ngunit gaano na lamang ang mga iyan sa ganitong karaming tao?

Magbibigay ng hudyat si Hesus sa mga alagad na ayusin ang mga tao at paupuin nang kumpul-kumpol.

Pagkatapos nito ay kukunin ni Hesus ang mga pagkain. Magpapasalamat siya sa Diyos, saka hahatiin ang mga tinapay
at isda at ilalagay sa mga bakol. Iaabot ni Hesus sa mga alagad ang mga bakol upang ipamahagi sa mga tao.

Mamamangha ang mga alagad pagkatanggap ng mga bakol sapagkat ang mga ito ay puno ng mga tinapay. Samantala,
makikita ng mga kasama ang ginawang pagbabahagi ng bata at ni Hesus, kaya’t inilabas na rin nila ang kanilang
pagkain at ibinahagi sa iba. Gayon din ang gagawin ng iba pang mga Israelita at masaya silang magsasalu-salo.

HESUS
(Matapos makakain ang lahat) Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.

Pagsasama-samahin ng mga alagad ang natirang pagkain. Labis silang mamamangha na marami pa ang natira.

PEDRO
May labindalawang bakol pa ang natira!

LALAKI 1
Tunay na ito ang propetang paririto sa sanlibutan! Mabuhay si Hesus!

MADLA
Mabuhay si Hesus!

HESUS
(Sa mga alagad) Kailangan na nating umalis.

Aalis si Hesus at ang kanyang mga alagad habang nagkakasiyahan ang mga tao.

Lights off.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 7
UNANG PAGNINILAY (AVP):

Pagpapagaling ng iba’t ibang uri ng karamdaman. Pagpapatawad ng mga kasalanan. Pangangaral tungkol sa paghahari ng
Diyos. Pagpapakain ng libu-libong mga tao mula sa limang tinapay at dalawang isda. Ang mga ito ay higit pa sa sapat na
dahilan upang ang mga madla ay manggilalas at maniwala na si Hesus na nga ang kanilang pinakahihintay na Mesiyas!

Subalit batid ni Hesus ang nilalaman ng kanilang mga puso. Kailangang maunawaan ng mga madla na Siya ay naparito sa
mundo hindi upang maging kanilang hari na tutugon sa kanilang pisikal o materyal na pangangailagan. Pinakamahalaga sa
mga ito, naparito si Hesus upang muling ipagkaisa ang tao sa walang hanggang pag-ibig ng Ama. At ito ay ipamamalas ni
Hesus sa paraang hindi katanggap-tanggap sa paningin ng mga tao, ngunit tatatak sa ating lahat bilang pinakadakilang
pagpapahayag ng pag-ibig sa kasaysayan ng mundo.

Sino si Hesus para sa iyo? Sa paanong paraan mo naranasan ang Kanyang kapangyarihan at dakilang pag-ibig sa iyong
buhay?

SCENE 6: TALINGHAGA NG MABUTING SAMARITANO

Makikita si Hesus na nasa piling ng mga tao na tila kinakausap ang mga ito, may isang Eskriba na lalapit sa kanya
upang magtanong.

ESKRIBA
Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?

HESUS
Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?

Wari payabang na sasagot ang Eskriba dahil sa mga kautusan na nalalaman nya.

ESKRIBA
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at ng buong pag-iisip.
At ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.

HESUS
Tama ang sagot mo! Gawin mo iyan at mabubuhay ka.
(Tipong aalis na sana ang Eskriba pero bumalik pa rin sya kay Hesus upang lumabas na di sya aalis na kahiya-hiya.)

ESKRIBA
Guro, sino naman ang aking kapwa?

HESUS
May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa
katawan, binugbog at halos patay na nang iwan.

Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng
kanyang lakad.

Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad.
Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit
siya, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop,
dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng
bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking
pagbabalik.’

Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?

ESKRIBA
Ang nagpakita ng habag sa kanya!

HESUS
Humayo ka’t gayon din ang gawin mo.

Aalis ang Eskriba at susundan siya ng tingin ni Hesus.

Lights off.

SCENE 7: SI HESUS AT ANG SAMARITANA


SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 8
Papasok si Hesus kasama ang mga alagad. Sila ay titigil malapit sa balon.

PEDRO
Guro, maiwan po muna kayo rito at bibili lang kami sa bayan ng makakain natin.

Uupo si Hesus sa tabi ng balon. Darating ang isang Samaritanang may dalang banga para umigib. Lalayo nang
bahagya si Hesussa balon para bigyang-daan ang babae.

HESUS
Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom?

SAMARITANA
Ginoo, ikaw ay Hudyo at Samaritana naman ako! Ang mga Hudyo ay hindi nakikihalubilo sa aming mga Samaritano.
Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?

HESUS
Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at
bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay.

SAMARITANA
(Sasalok ang Samaritana at aabutan ng tubig si Hesus)
Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong
ito ay pamana pa ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit
ka pa ba sa kanya?

HESUS
Ang bawat uminom ng tubig na itoý muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay
hindi na muling mauuhaw kailanman. Ito’y magiging batis sa loob niya at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng
buhay na walang hanggan.

SAMARITANA
Bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa para sumalok muli.

HESUS
Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa.

SAMARITANA
Wala po akong asawa. (Titingnan si Hesus at mapapayuko)

HESUS
Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi
mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.

SAMARITANA
(Nagulat) Paano ninyo nalaman, Ginoo, isa ka bang propeta? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming ninuno,
ngunit sinasabi ninyong mga Hudyo na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.

HESUS
Maniwala ka sa akin, dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba
sa kanya sa Espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama.

SAMARITANA
Alam ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat
ng bagay.

HESUS
Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy.

Darating ang mga alagad at mabibigla silang makitang nakikipag-usap si Hesus sa isang Samaritana.

SANTIAGO
Ano ang kailangan ng Samaritanang iyon?

BARTOLOME
Bakit kaya siya kinakausap ng Guro?

Iiwan ng babae ang banga para ipamalita sa bayan ang narinig.


SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 9

JUAN
Guro, kumain na ba kayo?

HESUS
Ako’y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.

FELIPE
Ano raw? May nagdala na ba sa kanya ng pagkain?

SIMON
Guro, gusto na ba ninyong kumain?

HESUS
Ang pagkain ko’y tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.

Dumating ang maraming tao kasama ang Samaritana.

SAMARITANA
Halikayo, tingnan ninyo ang nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko! Siya na nga kaya ang Kristo?

SAMARITANO
Ginoo, tumigil po muna kayo rito at mangaral sa amin.

HESUS
(Nagsimulang makinig ang madla sa aral ni Hesus.)
Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit…

SAMARITANO
(Sinabi sa Samaritana) Naniniwala kami ngayon, hindi dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na
naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Lights off.

SCENE 8: ANG TALINGHAGA NG ALIBUGHANG ANAK

Habang nakikinig ang mga tao kay Hesus, isang talinhaga ang ang binitawan nito sa kanila.

HESUS
May isang tao na may dalawang anak na lalaki, Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, Ama, ibigay mo sa akin
ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin, at hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari. Makaraan ang ilang araw,
tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang
kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.

Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang
mangailangan. Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa
kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy. At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain
ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.

Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na
pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom? Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama,
nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.

Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod. Siya'y tumindig at
pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa
kanya. Ang ama'y[b] tumakbo, niyakap siya at hinagkan. At sinabi ng anak sa kanya, Ama, nagkasala ako laban sa langit at
sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.

Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, ‘Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa
kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa. At kunin ninyo ang
pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang.

Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.’ At sila'y nagsimulang
magdiwang. Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig
siya ng tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 10
At sinabi niya sa kanya, ‘Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y
tinanggap niyang ligtas at malusog. Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y
pinakiusapan. Subalit sumagot siya sa kanyang ama, Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at
kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang
kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan.

Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa
siya ng pinatabang guya. At sinabi niya sa kanya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa
iyo. Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y
nawala at natagpuan.

Lights off.

SCENE 9: PINAGALING NI HESUS ANG SAMPUNG KETONGIN

Sa kaliwang bahagi ng stage ay papasok si Hesus kasama ang mga alagad nang may nakasalubong silang sampung
ketongin, ngunit tumayo lang ang mga ito sa malayo at sumigaw.

MGA KETONGIN
Panginoong Hesus, maawa po kayo sa amin!

HESUS
Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.

At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya,
bumalik siya kay Hesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. Lumuhod siya sa harap ni Hesus at nagpasalamat sa kanya. Isa
siyang Samaritano.

KETONGIN
Marami pong Salamat Panginoon!

HESUS
Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 1 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa
taong ito na hindi Judio?

HESUS
(Sinabi niya sa lalaki) Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas ka ng pananampalataya mo.

Lights off.

IKALAWANG PAGNINILAY (AVP):

Noong panahon ni Hesus, mahigpit na kaaway ng mga Hudyo ang mga Samaritano. Kaya naman ang pakikihalubilo ni
Hesus sa babaeng Samaritana, gayundin ang pagkilala niya sa kabutihang-loob at pasasalamat ng Samaritanong ketongin
na Kanyang pinagaling ay maituturing na eskandalo at hindi katanggap-tanggap para sa mga kapwa Niyang Hudyo. Sa
pamamagitan ng mga tagpong ito, ipinapaalala sa ating lahat na biyaya ng kagalingan at kaligtasang hatid ng Diyos ay
walang tinatangi at pinipiling lahi, paniniwala o kulay. Tayong lahat ay karapat-dapat sa biyaya ng pag-ibig ng ating
Panginoon.

Paano ka nagsisilbing daluyan ng kagalingan at pag-ibig ng Diyos, lalo na sa mga taong pinagkakaitan nito dahil sa iba
nilang paniniwala, lahi o kulay?

SCENE 10: ANG PAGPASOK SA JERUSALEM

Papasok si Hesus kasama ang mga alagad sa Jerusalem, at masaya siyang sasalubungin ng mga madla.
Ipapakita ito sa isang sayaw.

MADLA
Hosana sa Anak ni David! Hosana sa kaitaasan! Mabuhay ang anak ni David!
Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos! Mabuhay ang anak ni David!

PARISEO 1
Ngayon ko lang nakitang ganito kaligalig ang pagdating ng mga tao rito sa Jerusalem.
Marami ang nakikisabay sa pagdating ng taong iyan.

ANNAS
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 11
At sino naman ang taong iyan?

ESKRIBA
Si Hesus ng Nazareth, kamahalan. Dumarami ang kanyang tagasunod dahil namamangha sa kanyang
pagpapakita ng mga himala. Nangangaral din siya at nagpapagaling ng mga may sakit.

PARISEO 2
Nakakakita ang mga bulag at nakakalakad ang mga pilay; pati ang mga ketongin ay kanyang pinagaling.
Ito mismo ang nakita ng aking dalawang mata.

PARISEO 3
Sinubukan na namin siyang siluhin ng aming mga nalalaman sa kasulatan at batas ni Moises, pero mukhang alam na alam
niya ang kanyang isasagot. Ilang beses na niya kaming pinahiya at pinagsabihang mga ulupong at mga mapagbalatkayo.

CAIFAS
Kahibangan… Bulaang propeta… Ilan na ba ang sinupil nating mapagpanggap na propeta?

ANNAS
Ang alam ko kakaiba ang Hesus na iyan. Lumalakad sa ibabaw ng tubig at pinipigil ang unos sa lawa!

CAIFAS
Naniniwala ka ba sa kanya, mahal kong biyenan?

ANNAS
Mahal kong manugang; kakaiba ang kanyang aral! Tinawag niyang dakila ang mga bata, mapapalad ang mga aba at dukha
at inuusig. Nakikihalubilo siya sa mga publikano at makasalanan. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at gumagawa siya ng
himala kahit araw ng Sabbath! At ang matindi pa rito, nagpapatawad siya ng kasalanan! Mukhang may darating na unos
sa ating pamamahala sa bayang ito kapag nagpatuloy pa ang ganitong klaseng pagkamangha ng mga tao!
Mukhang sisiklab ang isang himagsikan laban sa ating paniniwala...

CAIFAS
Mapanganib nga ang taong 'yan! Kailangan nating magmasid at bantayan ang kanyang mga gawi.

Lights off.

SCENE 11: ANG PAGLILINIS NG TEMPLO

Papasok si Hesus at ang mga alagad sa Templo, at madadaanan ang mga nagbebenta at mamimili roon.
Ipagtatabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at mga mangangalakal ng ibat ibang uri ng hayop.
Isasabog niya salapi ng mga namamalit ng pera at pagtataubin ang kanilang mga mesa.

HESUS
Sinasabi sa kasulatan, ang aking Tahanan ay gagawing bahay-dalanginan.
Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw! Alisin ninyo rito ang mga iyan!
Huwag ninyong gawing pugad ng mga magnanakaw ang Tahanan ng aking Ama!

PARISEO 1
Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ang mga ito?

HESUS
Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.

PARISEO 2
Nahihibang ka na ba? Apatnapu't anim na taon na ginawa ang Templong ito,
at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?

HESUS
Sa aba ninyong mga Eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila
mapagharian ng Diyos! Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Kayo ang mga hangal! Ang katulad ninyo'y mga libingang
pinaputi - magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan! Sa paningin ng tao ay mabubuti kayo;
ngunit ang totoo, punong-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan!

Aalis si Hesus at ang mga alagad. Mahuhuli si Hudas.

ESKRIBA
Hindi natin dapat palampasin ang kalapastangan ng Hesus na iyan. Panahon na upang matigil ang kahibangang
bumabalot sa bayang ito. (Titingin lahat kay Hudas) Kailangang malaman ito ng buong Sanhedrin. Tayo na kay Caifas!
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 12

Lights off.
SCENE 12: ANG MGA TURO NI HESUS

Si Hesus, kasama ng mga alagad ay nasa bahay ni Simon na Pariseo para sa isang salu-salo. Maraming panauhin ang
naroon kabilang ang mga Pariseo. Napansin ni Hesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal.

HESUS
Sinasabi ninyong Mabuti ang punong kahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punong kahoy kung masama
ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. Lahi ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng
mabubuting bagay gayong kayo’y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. Mabuti
ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao,
sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.

Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya.
Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.

Samantala, darating naman ang ina at mga kapatid ni Hesus. Maghihintay sila sa labas ng bahay, at hindi makapasok
dahil maraming tao. May taong lalapit kay Hesus upang ipaalam ito sa Kanya.

HUDYO
Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.

HESUS
Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?

Ituturo niya ang kanyang mga alagad.

Sila ang aking ina at mga kapatid. Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking ama na nasa langit;
iyon ang aking ina at mga kapatid.

Pagkatapos naman nito ay lalapit naman ang mga alagad kay Hesus upang magtanong.

MATEO
Guro, sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?

Tatawag si Jesus ng isang bata, patatyuin siya sa harap nila.

HESUS
Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng
langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang
tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa Akin, Ako ang kanyang tinatanggap.”

Lights off.

IKATLONG PAGNINILAY (AVP):

Madalas na magtalo si Hesus at ang mga Pariseo’t Eskriba, dahil ang mga turo ni Hesus ay malimit na sumasalungat sa
mga turo ng mga itinuturing na dalubhasa sa pananampalataya at kautusang Hudyo noong panahong iyon. Sa mga
diskusyong ito, ang tanging hangarin ni Hesus ay ituwid ang isip at puso ng tao – na ang pagiging karapat-dapat sa Diyos
ay hindi nasusukat sa pagiging marunong sa batas, kundi sa ganap na pagsunod sa Kanyang kalooban. At isang bata ang
ibinigay ni Hesus sa atin bilang pamantayan ng pagiging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos. Isang bata na sa taglay
niyang kamusmusan, ay mapagpakumbaba, mapagbigay, mapagtiwala at mapagmahal nang walang pagtatangi.

Paano ko tinatrato ang mga taong hindi ko kapareho ng pananampalataya o kulturang pinanggalingan? Buong puso ko ba
silang tinatanggap bilang kapatid sa iisang Diyos, o itinuturing ko silang kaaway at hindi karapat-dapat sa kaharian ng
Ama?

SCENE 13: SI ANNAS AT MGA PARISEO

Sa Templo ng Jerusalem ay naroroon sa gitna ang Eskriba, Pariseo 1, 2, at 3, at si Annas.


May mga sulo upang ipakitang sa gabi nagaganap ang eksena.

Papasok si Caifas.Magbibigay-galang si Annas at ang mga Pariseo.

ANNAS
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 13
Magandang gabi sa iyo, mahal kong biyenan.

ESKRIBA AT MGA PARISEO


Magandang gabi, Kamahalang Caifas!

CAIFAS
Magandang gabi sa inyong lahat. Kamahalang Annas, mahal kong biyenan, maaari bang ipaliwanag mo sa akin
ang matinding pangangailangan upang magtipon sa ganitong oras ng gabi?

ANNAS
Isang nakababahalang kaganapan na hindi maaaring ipagpabukas pa. Ang kaganapang si Hesus ng Nazareth.

CAIFAS
Hesus ng Nazareth? Narinig ko na nga ang pangalang iyan. Ganoon ba kalaking suliranin ang taong ito at kailangan pa
ninyong gambalin ang pamamahinga nating lahat? Ano ba ang ginawa niya?

ESKRIBA
Gumagawa ng kababalaghan ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang lahat.
Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.

CAIFAS
Kung gayon, utusan ninyo ang mga kawal na dakpin ang Hesus na iyan, sampu ng kanyang mga alagad!

ESKRIBA
Patawad, Kamahalan, tinangka na naming ipahuli si Hesus subali’t siya’y lubhang mailap. Ang mga tagasunod na rin niya
mismo ang humahadlang sa mga pagkakataong masusukol na namin siya. Maging ang ilan sa ating mga kawal
ay nahumaling na rin sa kanyang mga aral kung kaya’t hindi nila ito dinakip.

CAIFAS
Mahal na Eskriba, mukhang nasusubok na ang iyong kakayahang pakilusin ang ating mga tauhan.
Kaya mo pa ba o kailangan na nating magtalaga ng kapalit?

ESKRIBA
Subali’t…

Puputulin ni Caifas ang kanyang pagsasalita. Mapapahiya ang Eskriba. Sasaluhin siya ni Annas.

ANNAS
Hindi mo ba nakikita? May kakayahan ang Hesus na iyan upang paikutin sa kanyang mga kamay ang taumbayan.
Hihintayin pa ba nating ipita niya laban sa atin ang mga mananampalataya?

Sesenyasan ni Annas ang mga Pariseo upang magsalita.

PARISEO 2
Hayagan ang kanyang pagbatikos sa ating mga lingkod ng Diyos, Kamahalan.
Pinagbabantaan niya ang mga tao laban sa atin. Tayo raw ay mga mapagpaimbabaw at mga ulupong.

PARISEO 1
Sinabi rin niyang gigibain niya ang Templo at magtatayo ng bago para sa kanya.

PARISEO 3
Siya raw ang pagkaing nagbibigay-buhay, ang bukal ng tubig na papawi sa lahat ng pagkauhaw.
Magtatayo siya ng kaharian para sa mga makasalanan at mga maysakit!

ANNAS
Ang lahat ng ito ay kaya niyang gawin sapagkat ayon sa kanya, siya ang Anak ng Diyos!

CAIFAS
Kalokohan! Isang bulaang propeta ang Hesus na iyan!

ANNAS
“Sabihin ninyo sa lunsod ng Sion: Masdan mo, dumarating ang iyong hari.
Siya’y mapagpakumbaba; nakasakay sa isang asno. Sa isang bisiro, bisiro ng isang asno.”

Nasaksihan ba ninyo ang mga kaganapan noong si Hesus ay pumasok dito sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Pista ng
Paskuwa? Kung paano siyang salubungin at tanggapin ng mga tao? Kung paanong maraming naglatag ng kanilang
balabal sa kanyang daraanan? Nagwawagayway ng palaspas bilang pagpupugay sa kanilang hari?
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 14
“Mabuhay ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos! Purihin si Hesus!”

Magbubulung-bulungan ang mga Pariseo sa pagsang-ayon kay Annas.

CAIFAS
Kamatayan! Dapat mamatay ang Hesus na iyan!

NICODEMO
Mawalang-galang na, mga kapwa kong lingkod ng Diyos. Mawalang-galang na po, Kamahalang Caifas. Labag sa ating
kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa, hindi ba?

ESKRIBA
Kayo ba’y taga-Galilea rin? Magsaliksik kayo’t makikita mo na walang propetang magmumula sa Galilea.

ANNAS
Hindi na mahalaga iyan! May mga taong handang magpatotoo laban kay Hesus ng Nazareth.

CAIFAS
Kung gayon, ipinag-uutos kong dakpin si Hesus ng Nazareth upang humarap sa paglilitis sa salang pagpapanggap na Hari
at pagsisimula ng paghihimagsik. Isinasakdal din siya sa salang pagpapanggap na Anak ng Diyos at paglabag sa ating
mga kautusan! Tapos na ang pagpupulong na ito.

Magsisialisan na ang mga Pariseo. Maiiwan sina Annas, Caifas, Eskriba, Pariseo 1, 2 at 3.

ANNAS
Magaling, mahal kong biyenan!
Ang kailangan na lamang nating gawin ay pagplanuhang mabuti ang pagdakip kay Hesus.

ESKRIBA
Hindi natin siya maaaring dakpin sa harap ng kanyang mga tagasunod. Tiyak na ipagtatanggol siya ng mga ito!

ANNAS
Magiging matagumpay lamang ang ating paghuli sa kanya kung ito ay gagawin natin sa pagkukubli sa kadiliman ng gabi.

CAIFAS
At saan tayo makahahanap ng taong maaaring makapagbigay ng impormasyon kung kailan at saan siya malayo sa mga
tao? Marahil, isang malapit na alagad ni Hesus. Kailangan natin ng isang taksil!

Papasok ang isang kawal-Pariseo.

KAWAL PARISEO
Mga Kamahalan, mayroon pong nais makipag-usap sa inyo. Isa raw po siyang alagad ni Hesus.

Ipapasok ng isa pang kawal si Hudas.

HUDAS
Ang pangalan ko po ay Hudas Iscariote.
Ano po ba ang maibibigay ninyo sa akin kung ipagkakanulo ko sa inyo si Hesus ng Nazareth?

Lalapitan ni Annas si Caifas at bubulungan.

ANNAS
Tingnan mo nga naman. Kahit kailan sa kasaysayan ng tao ay hindi masisiguro ang tiwala ng isang samahan, mayroon pa
ring lilitaw na ahas na tutuklaw sa tamang pagkakataon. Nariyan na ang kasagutan sa iyong mga katanungan, mahal na
Caifas. Ang pagkakataon na ang gumagawa ng paraan upang mawasak ang pinaghahari-harian ng Hesus na yan.

Sesenyasan ni Caifas ang Eskriba, kukuha ito ng tatlumpung pirasong pilak, at ihahagis kay Hudas.

Lights off.

SCENE 14: ANG HULING HAPUNAN

Makikita sa enteblado si Hesus at ang kanyang mga alagad na nakaupo sa harap ng hapag-kainan.

HESUS
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 15
Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo,
sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin
ito sa isa't isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.

Magbubulungan ang mga alagad. Uupo si Hesus, at aanyayahang paupuin ang mga alagad.

HESUS
Malaon ko nang inaasam-asam na makasalo kaya sa Hapunang Pampaskuwang ito bago ako magbatá.
Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.

Dadampot si Hesus ng tinapay, magpapasalamat sa Diyos, pipira-pirasuhin ito, at ibibigay sa mga alagad.

HESUS
Kunin ninyo ito at kanin; ito ang aking katawan.

Hahawakan niya ang isang saro, magpapasalamat sa Diyos, at ibibigay sa mga alagad.

HESUS
Uminom kayong lahat nito, sapagkat ito ang dugo ng tipan,
ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Habang nagaganap ito, saka darating si Hudas at uupo sa kaliwa ni Hesus.

HESUS
Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.

Magkakatinginan ang mga alagad. Hindi nila alam kung sino ang tinutukoy ni Hesus.
Si Hudas ay tahimik na kakain at halatang kinakabahan. Kakalabitin ni Pedro si Juan at tatanungin.

MATEO
Ako po ba, Panginoon?

PEDRO
Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.

JUAN
Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?

HESUS
Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa
nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na isinilang ang taong iyon.

Magsasabay sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok sina Hesus at Hudas.

HUDAS
Guro, ako po ba?

HESUS
(Kay Hudas) Ikaw na ang nagsabi. Gawin mo na ang gagawin mo.

Aalis si Hudas.

HESUS
Huwag kayong mabalisa. Manalig kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid, at paroroon ako
upang ipaghanda kayo ng matitirhan. Paririto akong muli at isasama ko kayo sa kinaroroonan ko.

TOMAS
Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo paroroon. Paano namin malalaman ang daan?

HESUS
Tomas, ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

PEDRO
Saan po kayo pupunta, Panginoon?

HESUS
Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 16
Subalit idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya.
At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.

PEDRO
Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!

HESUS
Pedro, tandaan mo: bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa…

(Sa mga alagad.) Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong iniibig ko kayo,
gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.

Lights off.

SCENE 15: ANG PANALANGIN SA GETSEMANE

Papasok si Hesus sa halamanan, kasama ang kanyang mga alagad.

HESUS
Dito muna kayo, mananalangin ako sa dako roon. Pedro, Santiago, Juan samahan ninyo ako.

Lalakad si Hesus kasama ang tatlong alagad.

HESUS
Ang puso ko'y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at magbantay sa akin.

Lalapit si Hesus sa lugar kung saan siya luluhod upang manalangin.

Ama ko! Kung maaari’y ilayo mo sa akin ang saro ng paghihirap na ito.
Gayunman, huwag ang kalooban ko, kundi ang kalooban Mo ang mangyari.

Tatayo si Hesus at babalik sa tatlong alagad.

Pedro, talaga bang hindi ninyo ako sasamahan kahit isang oras man lamang? Manatili kayong gising at manalangin upang
hindi madaig ng tukso. Ang Espiritu'y nakahanda ngunit mahina ang laman.

Muling mananalangin si Hesus.

Ama ko, kung hindi maaalis ang sarong ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.

Tatayo si Hesus at bababa sa pinagdadasalan niya. Darating si Hudas kasama ng Pariseo at kawal ng Templo.
Lalapit si Hudas kay Hesus at hahagkan niya ito.

HESUS
Ipinagkanulo mo ba ako, Hudas, sa isang halik?

Magugulat si Hudas sa kanyang narinig at mapapaatras siya.

PARISEO
Dakpin ang taong iyan!

Magsisipaggisingan ang mga alagad. Huhugutin ni Pedro ang tabak at tatagain sa tainga ang isang kawal.
Aawatin si Pedro ng ilang mga alagad habang ang iba naman ay magsisipagtakbuhan palayo.

HESUS
Pedro, itigil mo yan! (Lalapit si Hesus sa kawal at paggagalingin ang sugat.)

Ako si Hesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, huwag na ninyong idamay ang aking mga kaibigan.

Agad hahawakan si Hesus ng mga kawal at ilalabas.

PEDRO
(Susundan si Hesus) Guro!
(Mapapalingon siya kay Hudas at galit na lalapitan) Ano ang ginawa mo, Hudas! (Sasapakin si Hudas)

Lights off.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 17

SCENE 16: ANG PAGTATWA NI PEDRO

Papasok si Pedro at makikipainit sa siga. Makikilala siya ng mga Hudyo.

HUDYO 1
Teka, namumukhaan kita… kasama ka rin ni Hesus!

PEDRO
Babae… ni hindi ko siya kilala!

Mapapansin din siya ng isa pang Hudyo.

HUDYO 3
Oo nga, ang lalaking ito ay kasama ni Hesus na taga-Nazaret!

PEDRO
Isinusumpa ko, hindi ko nakikilala ang taong iyan…

Magsisilapitan ang iba pang mga Hudyo sa kinaroroonan ni Pedro.

HUDYO 2
Siguradong kasama nga ni Hesus ang taong ito, kitang-kita naman sa kanya; isa siyang taga-Galilea!

PEDRO
Mamatay man ko, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!

Daraan sa harapan nila ang mga kawal, hinahatak ang bihag nilang si Hesus. Madadapa si Hesus sa harapan ni Pedro.
Magkakatinginan ang dalawa at saka maririnig ang tilaok ng manok…

Itatayo ng mga kawal si Hesus at hahataking palabas ng entablado. Lalabas din ang mga Hudyo. Maiiwan si Pedro na
sinusundan ng tingin si Hesus, at maaalala niya ang mga sinabi sa kanya ni Hesus.

VOICE OVER
Pedro, tandaan mo: bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlong beses mo akong itatatwa…

Makikita sa kanyang mukha ang matinding lungkot at pagsisisi sa kasalanang ginawa niya sa kanyang Guro.

PEDRO
(Nagnanangis na isisigaw at dadagukan ang dibdib) Guro!!!

Lights off.

SCENE 17: SI HESUS SA HARAP NG SANHEDRIN

Nagkakatipon sa Sanedrin ang mga Pariseo. Hinihintay ang pagdating ng Punong Pari. Nasa tabi ng pangunahing
luklukuan si Annas. Malapit kina Annas ang Eskriba. Sa magkabilang gilid ay naroroon ang mga Pariseo
at kanya-kanyang nag-uusap. Si Hesus ay nasa gitna, nakaharap sa mga tao.

Papasok si Caifas at uupo sa kanyang luklukan. Babati ng kapayapaan ang mga Pariseo.

CAIFAS
Shalom Alacheim!

Mga PARISEO, ESKRIBA, ANNAS


Shalom Alacheim, Kamahalang Caifas!

CAIFAS
Tayo ay naririto ngayon upang litisin ang nasasakdal, si Hesus ng Nazareth, sa salang pagpapanggap
na Mesiyas at Anak ng Diyos. Simulan ang paglilitis!

PARISEO 1
Hinihikayat ni Hesus ang mga tao na huwag sumunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos kay Moises.
Ilang ulit siyang nagpagaling at gumawa ng kababalaghan sa Araw ng Pamamahinga.

PARISEO 2
Sinabi niyang gigibain niya ang Templo at muling itatayo sa loob lamang ng tatlong araw.
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 18

PARISEO 3
Pinapaniwala niya na siya at ang Diyos ay iisa! Ipinangangaral niya na siya ang Anak ng Diyos!

NICODEMUS
Sandali lamang, mga Kamahalan. Hindi nararapat na tayong naatasang humatol sa nasasakdal
ang siyang magpapatotoo ng kanyang mga kasalanan.

JOSE NG ARIMATEA
Kailangan natin ng mga lehitimong saksi upang makarating sa isang patas na paghatol.

Magbubulung-bulungan ang mga Pariseo. Kakausapin ni Annas si Caifas.

ANNAS
May punto sina Nicodemus at Jose, Kamahalan.

CAIFAS
Hindi maaaring hindi maparusahan si Hesus.

ANNAS
Bakit hindi kaya ang Kamahalan ang siyang magsiyasat sa Hesus na iyan. Natitiyak kong kayang-kaya mong idiin ang
taong iyan. ‘Di hamak na mas mahusay ka sa pangangatwiran kaysa kina Nicodemus o Jose ng Arimatea.

Tatayo si Caifas at sesenyasahan ang lahat na tumahimik. Lalapit siya kay Hesus.

CAIFAS
Ano ang masasabi mo sa mga paratang nila sa iyo?

HESUS
Hindi kikibo.

CAIFAS
Bakit hindi ka magsalita?

HESUS
Hindi pa rin kikibo.

CAIFAS
Ano bang aral ang itinuturo mo?

HESUS
Hayagan akong nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo ng mga Hudyo. Wala akong
sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Bakit hindi ninyo tanungin ang mga nakarinig sa akin?

Sasampalin ng kawal si Hesus.

KAWAL PARISEO
Bakit mo sinasagot ng ganyan ang pinakapunong saserdote?

CAIFAS
Sabihin mo sa aming lahat ngayon kung wala ka ngang inililihim:
Ikaw ba ang Mesiyas? Ikaw ba ang Anak ng Kataas-taasan?

HESUS
Ako nga, at makikita ninyo ang Anak ng Tao, na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat.
At makikita ninyong siya’y dumarating, nasa alapaap ng langit.

CAIFAS
(Wawasakin ang kasuutan) Isang kalapastanganan!
(Sa mga Pariseo.) Hindi na natin kailangan ang mga saksi!
Kayo na ang nakarining ng kanyang kalapastanganan sa Diyos! Ano ang inyong hatol?

MGA PARISEO
Kamatayan para kay Hesus ng Nazareth!

CAIFAS
Dalhin siya kay Pilato!
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 19

Lights off.

SCENE 18: SA KAMAY NI PILATO

PILATO
Ano’t kayo’y nagbalik?

CAIFAS
Sa mga kamay mo ipinauubaya ni Haring Herodes ang kapalaran ng taong ito!
Sesenyasan ni Pilato ang isang kawal na ilapit sa kanya si Hesus.

PILATO
Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?

HESUS
Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?

PILATO
Sa tingin mo ba’y Hudyo ako? Ang mga kababayan mo ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?

HESUS
Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban na sana ako ng aking
mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Hudyo. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!

PILATO
Kung gayon, isa ka ngang hari?

HESUS
Ikaw na ang nagsasabing ako’y isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan,
upang magpatotoo sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.

PILATO
Ano ba ang katotohanan?

(Haharap muli sa mga tao.) Wala akong ankikitang dahilan upang hatulan si Hesus ng Nazaret!
Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa.
Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Hudyo?

MADLA
Hindi! Hindi siya kundi si Barrabas!

Ilalabas ng dalawang kawal si Barrabas at palalayain.


Ipuputong kay Hesus ng isang kawal ang koronang tinik na kanyang hawak.

KAWAL ROMANO
Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!

PILATO
Pagmasdan ninyo ang taong ito!

ESKRIBA
Ipako siya sa krus!

MADLA
Ipako sa krus!

PILATO
Kayo ang bahala sa kanya at magpako sa kanya sa krus, dahil wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.

CAIFAS
Mayroon kaming batas at ayon dito ay nararapat siyang mamatay, sapagkat sinasabi niyang siya’y Anak ng Diyos.

ANNAS
Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador!
Ang sinumang nagsasabing siya’y hari ay kalaban ng Emperador!
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 20

PILATO
Narito ang inyong hari!

MADLA
Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!

PILATO
Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?

CAIFAS
Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!

PILATO
Kayo ang bahala! Kunin ninyo siya at ipako sa krus!

ESKRIBA
Tayo na, Kamahalan! Ihahatid na namin kayo sa inyong hantungan! Ang krus!

Magsisigawan sa galak ang mga tao! Ngingisi-ngising magtitinginan ang mga punong saserdote.

Lights off.

SCENE 19: ANG PAGKAMATAY NI HUDAS

Makikita si Hudas, nakaluhod sa gitna, nanlilisik ang mga mata, nagiisip ng malalim, naghahalong galit, pag-sisisi,
lungkot, konsensya. Sa kanyang likuran nakatayo ang tatlong dimonyo sa katauhan ng Muslim, Katutubo, At Pari, sila ay
pinaliligiran ng mga dimonyong dancers.

MUSLIM
Ang hirap ‘no? ‘yung lahat ng tao sa ‘yo’y nakatingin?

HUDAS
(Mapapatingin sa mga audience) Ano’t kayo’y nakatingin?

KATUTUBO
Yung bigla ka nalang manliliit, at gugutushin mo nalang maglaho…

(biglang mapapaiyak si Hudas at yuyuko, at dinadagukan ang dibdib)

PARI
Yung mas nasilaw ka sa salapi, kesa sa liwanag ni Hesus…

(Kukunin ni Hudas ang Tatlumpung pirasong pilak, Mapapangiti)

HUDAS
Hindi ako alagad ni Hesus! Ito ang katibayan!
(Ipakikita ang supot ng pilak) Ibinigay ito sa akin ng mga punong saserdote…
Sapagkat ako, si Hudas, ang nagkanulo sa aking Guro at Panginoon!

MUSLIM
Nakamamatay ang mapanghusagang mga titig; ‘yung ninilibing ka ng buhay hanggang sa hindi ka na makahinga.
‘Yung walang maaaninag kundi kadiliman… sa sawalan…. Ang iyong kamatayan…

(Manlilisik ang mga tingin ni Hudas sa taas, na animo’y susumbatan ang Diyos)

HUDAS
(Manlilisik ang mga tingin ni Hudas sa Taas, na animo’y susumbatan ang Diyos)

Naririnig mo ba ako, Hesus?! Hindi ba’t ikaw ang anak ng Diyos? hindi sana nangyayari ang lahat ng ito, kung ililigtas
mo lang ang iyong sarili… nang mapawi na ang bigat at sakit na nandirito!
(Dadagukan nang paulit-ulit ang dibdib) Dito! Dito! (Hahagulgol)

KATUTUBO
Dito (tinuturo ang sintido), Dito lahat naglalaro ang mga kaisipang walang permanente sa mundo, lahat masisira,
lahat maglalaho, lahat mabubulok. Mapapatanong ka nalang…
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 21
HUDAS
(Nanghihina) Bakit? Bakit habang tinatawag mo akong lumapit sa Iyo ay nararamdaman kong Ikaw ay labis kong
nasaktan!? Bakit habang hinahanap ko ang mga mali sa Iyong mga gawa ay nararamdaman kong labis mo akong
minamahal!? Bakit, Hesus?! Bakit kabutihan pa rin ang ibinabalik mo sa akin?! (hagulgol)

PARI
Yung panahong gusto mo ng ituwid ang lahat, yung panahong gusto mo ng magbalik-loob, yung gusto mo ng
makipagkasundo… Yung magsisimula ka na muli ngunit sa harap ng iba’y nahatulan ka na! Huli na ang lahat,
wala ka ng pag-asa.

HUDAS
May pag-asa pa ba, Panginoon, na maituwid ko ang lahat?! Hindi ba’t wala na! Wala na, Hesus, papatayin ka na nila!
At ako ang dahilan ng iyong kamatayan! (hagulgol) Hindi ako karapat-dapat na tawagin mong kaibigan…
Mabuti pa ngang hindi ako isinilang… dahil ako… akong si Hudas, ang siyang nagdala sa iyo sa kapahamakan.
Isa akong taksil… taksil… taksil!!!

Lalapit ang mga dancers na nakapaligid sa tatlong dimonyo, lalapit lahat kay Hudas, ibibigay ang lubid sa kanya.
Ipapasok ni Hudas ang lubid sa kanyang ulo, at sya ay magbibigti.

HUDAS
Dito magwawakas ang lahat!

Lights off.

SCENE 20: ANG DAAN NG KRUS

Sa pagbukas ng ilaw ng entablado ay makikita ang mga madla na nag-aabang sa pagdaan ni Hesus. Marami ang
umiiyak, habang may ilang Pariseo at Eskriba na ngingisi-ngisi at mukhang nangungutya.

Papasok si Hesus na pasan ang krus. Masasalubong Niya ang mga umiiyak na babae ng Jerusalem. Madadapa si Hesus.
Hahagupitin siya ng mga Kawal Romano. Lalapit si Veronica upang punasan ang mukha ni Hesus. Muling madadapa si
Hesus. Kasama sina Juan at Magdalena, patakbong lalapit sa Kanya si Maria upang hagkan Siya. Bakas sa kanilang
mga mukha ang labis na hirap at pighati.

Pagkatapos nito ay muling hahampasin ng mga kawal si Hesus, at susunod sa Kanya sina Maria, Juan, Magdalena.

SCENE 21: ANG KRUS NG KALBARYO

Si Hesus ay nakabayubay sa krus. Sa kanyang paanan ay naroroon ang mga Kawal Romano na pinagsusugalan ang mga
damit ni Hesus. Nakatayo sa di-kalayuan ang kapitan ng mga Romano. Sa paanan ng krus ay makikita sina Maria,
Maria ina ni Cleopas, at Maria Magdalena. Kasama rin nila si Juan.

HESUS
Ako’y nauuhaw…

Sesenyasan ng isa sa mga kawal ang kasama upang painumin si Hesus. Lalagyan nito ng espongha ang dulo ng sibat at
bubuhusan ng maasim na alak. Ipasisipsip ito kay Hesus. Bakas sa mukha ni Hesus ang sama ng lasa ng alak. Pilit pa rin
itong idadampi sa kanyang bibig. Patakbong lalapit si Maria at pakikiusapang itigil ng kawal ang kanyang ginagawa.

HESUS
(Kay Maria) Ginang, narito ang iyong anak. (Kay Juan) Anak, narito ang iyong ina.

HESUS
Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

PARISEO 1
‘Di ba’t ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob lamang ng tatlong araw?
Papaano mo ito tutuparin ngayon?

PARISEO 2
Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!

PARISEO 3
Iniligtas niya ang iba, ngunit ang sarili’y ‘di mailigtas! ‘Di ba siya ang Hari ng Israel?
Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya!

ESKRIBA
SENAKULO 2020 | St. John Bosco Parish - Tondo | 22
Nananalig siya sa Diyos at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!

Maghahalakhakan ang mga Pariseo.

HESUS
(pasigaw, nap uno ng hirap) Eli, Eli, lama sabachthani!
(Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?)

ESKRIBA
Shhh! Tinatawag niya si Elias! Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.

Maghahalakhakan ang mga Pariseo.

HESUS
(Hihinga nang malalim) In manus tuas, Pater, commendo spiritum meum!
(Ama, sa mga kamay mo’y itinatagubilin ko ang aking Espiritu!)

Malalagutan ng hininga si Hesus. Mayayanig ang lupa.

Dahan-dahang ibababa si Hesus sa krus at dadalhin sa kanlungan ni Maria. Sa saliw ng awiting Pieta (Oyayi sa paanan
ni Hesus), ipapakita ang hinagpis ni Maria habang kalong ang patay niyang anak.

Sa pagtatapos ng awitin ay kukunin ng mga kawal ang labi ni Hesus.

Maririnig ang Voice Over/Emcee…

Panalangin para sa Taon ng Ekumenismo, Interreligious Dialogue at mga Katutubo

Lights off.

SCENE 22: ANG PAGLILIBING KAY HESUS

Sa simula ay may isang alagad/madla na kakanta ng isang maramdaming awit para kay Hesus na nag-alay ng Kanyang
buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Malungkot, ngunit puno ng pagmamahal ang kanyang pag-awit nito.

Makikita naman sa umpisa ng AVP ang iba’t ibang mukha ng kahirapan at karahasan na mga kabataang Pilipino: mga
pagpatay sa mga Kristiyano, hindi pagpapapasok sa mga dayuhan (refugees), pagpapalayaw sa mga katutubo sa
kanilang mga lupain, at iba pang paglabag sa Karapatan at dignidad nila bilang tao.

Ipapakita ang mga kalagayang ito upang ipaalala sa bawat paghihirap at hinagpis ng ating kapwa na dulot ng ating
pagkakaiba sa paniniwala, kultura o kulay, para na rin nating muling ipinapako at pinapatay ang Diyos na lumikha at
nagmamahal sa atin.

Sa kalagitnaan ng awit ay lalabas sa entablado ang mga alagad ni Hesus at ilan sa mga madla na sasabay sa pag-awit.

Sa huli ay lalabas ang mga kawal Romano na buhat ang labi ni Hesus, kasunod sina Maria, Juan, at Magdalena,
upang ilibing ang Panginoon.

Pagkatapos ng libing, blackout sa entablado.

Babasahing muli nang pabalik ang tula.

SCENE 23: MULING PAGKABUHAY

Sa isang sayaw, makikitang naglalalaban ang Buhay at Kamatayan, mapagtatagumpayan ng liwanag ang kadiliman.
Tatanggalin ng Anghel ang balabal na nakatalukbong kay Maria.

Makikita ang libingan ni Hesus na binabantayan ng mga kawal. Biglang lilindol at mabubuksan ang libingan.
Magkakaroon ng maningning na liwanag. Takot na tatakbo ang mga kawal. Lalabas si Hesus na muling nabuhay.

Music: Handel’s Alleluia

SCENE 24: FINALE - COMMUNITY SONG

You might also like