You are on page 1of 7

Pambansang Mataas na Paaralan ng Silangang Dasmariñas

San Simon, Lungsod ng Dasmariñas, Cabite

Panahunang Ulat na Dapat Tuparin sa Filipino III

Lingguhang Suring Basa

Iniharap kay:

G. Jay-R Delos Santos Gajilan


Guro sa Filipino III

Iniharap ni:
Pangalan: BAGRO, Melvhic A.
Taon at Pangkat: 3-ARGON

Petsa ng Pagpasa: Septyembre 7, 2012


Pamagat: Paalam sa Pagkabata

May-akda: Nazareno P. Fojas

Buod: Ang kwentong ito ay tungkol sa buhay ng isang batang nagngangalang Celso, na maraming
katanungan tungkol sa kanyang buhay.Mga katanungang nananatiling walang kasagutan, at ang
misteryo ng lambat na labis niyang pinag-iisipan. Ano nga ba ang mayroon sa lambat na ito? Sa araw-
araw na ginawa ng Diyos ay lagi na lamang pag-iyak ang ginagawa ng kanyang ina na si Aling Isidra.
At sa tuwing sasagi ang titig nito sa lambat ay lalong namumukal ang luha sa kanyang mga mata.
Maraming hindi naiintindihan si Celso. At nais niyang maintindihan ang mga ito. Naalala niya ang
isang araw na tinangkang itapon ng kanyang ina ang nakasampay na lambat, ngunit nahuli siya ng
kanyang amang si Tomas at pinagbuhatan ito ng kamay. Lalo siyang naguluhan sa sumunod na
usapan ng kanyang mga magulang matapos ang pangyayaring iyon.
“Kailan mo ba matatanggap na wala akong kasalanan? Ang lahat ng nangyaring iyon ay isa
lamang pagkakamali. Gabi noon. Pareho kayong galing sa dagat, pareho kayo ng amoy, parehong-
pareho kayo. Huli na ang lahat ng malaman ko ang katotohanan. Totoong lumigaw siya sa akin ngunit
alam mong ikaw lamang ang aking mahal, Tomas!” At pagkasabi nito’y lalong umiyak ang kanyang ina,
at lalo namang nag-alab ang galit ng ama.
Isang araw ay may narinig na magandang musika ng gitara si Celso. Ngunit ang magandang
musikang ito ay musika ng kalungkutan. Nais niyang malaman kung saan nanggagaling ang musikang
iyon. Sinundan niya ang musika… Hanggang sa marating niya ang isang bahay-pawid sa ilalim ng mga
punong niyog. Alam niya ang lugar na iyon. Pinagbawalan siya ng kanyang ama na tumapak sa lupang
iyon—lalo na sa bahay na iyon. Ngunit nais niyang magkaroon ng mga kasagutan. Wala naman ang
kanyang ama. Binilisan niya ang kanyang paglakad hanggang sa makarating siya sa loob ng bahay na
pinanggagalingan ng kundimang nagmulto sa kanyang isipan. Ang marikit na tinig at musika ay nagmula
sa isang lalaki. Tumitig ito sa kanya. Dahan-dahang lumapit. Kinabahan si Celso. Umakma siyang
tatakbo… ngunit nahawakan ng lalaki ang kanyang kamay, at pagkatapos… ay niyakap siya… nang
mahigpit. Mas mahigpit pa. Nang bitiwan siya ng lalaki ay nakita ni Celso ang labis na pagmamahal na
lumalagos sa mga mata nito. Isang damdaming hindi man lamang niya naramdaman mula sa ama. Hinimas
ng lalaki ang ulo ni Celso, at kasabay niyon ay napansin ng bata ang pamilyar na anyo ng lalaki. Lagi
niyang nakikita ang mukhang iyon… sa tuwing--- sa tuwing titingin siya sa salamin. Sinabi sa kanya ng
lalaki na lagging dumalaw si Celso sa bahay na iyon, bago pa man tuluyang umalis si Celso.
Sasalubong si Celso sa kanyang ama. Ngunit nakita niya ang galit na anyo nito, at nang
makalapit dito ay sinabi ni Tomas na ayaw niya sa mga batang matigas ang ulo, sabay sampal kay
Celso. Habang sila’y naglalakad pauwi ay dinama ni Celso ang pisnging sinampal ng kanyang ama at
lalong nahirapang intindihin ang lahat. Nang siya’y makarating na sa kanilang tahanan ay nakita niya
na naman ang kanyang lumuluhang ina sa harap ng lambat. Tinatahi naman ng kanyang ama ang mga
sira ng lambat. Tumingin sa salamin si Celso, at naalala ang lalaking umaawit ng malungkot na
kundiman. At sa sandaling iyon, naunawaan niya ang lahat. Kinuha niya ang itak ng kanyang ama, at
parang bagyong lumabas ng kanilang tahanan. Sinira niya ang lambat, nagpapoot sa kanyang ama, at
siya’y binugbog nito hanggang sa mawalan ng malay. Nang siya’y dumilat ay naramdaman niyang
yakap na siya ng kanyang ama… mahigpit… at nagsabing, “Patawad.”

Aral / Kaisipan: “Ang lahat ng sikreto ay nabubunyag, tulad ng ang lahat ng pagkakasala ay dapat
mapatawad.”
Pamagat: Kasalan sa Nayon

May-akda: Eleuterio P. Fojas

Buod: Ang kwentong ito ay simple lamang. Isang binata ang nakasaksi sa kasal ng kanyang kuya.
Masaya ito. Magarbo. Maraming kinatay na mga baboy, baka, at manok. Simula noon ay nangarap
rin siya na maging ganoon ang kanyang kasal. Hanggang sa isang araw ay dumating na ang kanyang
panahon. Ang pakikipag-isang dibdib niya. Sinabi niya sa kanyang ama ang mga nais niyang
mangyari. Ang mga paghahandang nais niyang maisagawa. Tahimik lamang ang kanyang ama’t ina
habang sinasabi ng binata ang kanyang magarbong plano.
Sa araw ng kasal, lahat ng kanyang mga kaibigan at mga lutang na tao sa kanilang nayon ay
inimbitahan nila. Napakasaya ng handaang iyon. Ng kasalan. Tuwang-tuwa ang lahat. Nang matapos
na ang kasalan ay hindi pa rin umaalis ang ibang mga panauhin. Nainis ang binata, dahil para bang
hindi pa nasasapatan sa kasiyahan at kagandahan ng nagdaang handaan ang kanyang mga bisita.
Nais niya nang magkaroon ng pribadong panahon kasama ang kaniyang bagong kabiyak. Maya-maya
pa’y umalis na ang mga kinaiinisan niyang bisita.
Dalawa na lamang sila noon nang may maulinigan silang nag-uusap. Tinig ito ng kanyang ina
at ama. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa handaan. Ngunit hindi sila masaya, bagkus sila ay nag-
aalala. Narinig niya ang lahat. Tinakpan niya ang kanyang tainga upang takasan ang katotohanan.
Ngunit hindi na iyon maaari. Doon niya nalaman na lahat pala ng kagandahan at kasiyahan ng
handaan at kasalang iyon ay hiram… utang… isang utang mahirap, at mukhang imposible nang
mabayaran.

Aral / Kaisipan: “Hindi lahat ng kasiyahan ay dapat nating tamasain, bagkus, dapat ay linangin natin
ang ating sarili upang umiwas sa mga luhong kasiyahan ang alok, gayong sa kaibuturan ay paghihirap
ang tanging handog.”
Pamagat: Ang Gilingang Bato

May-akda: Edgardo M. Reyes

Buod: Ang kanilang ama ay isang panday at ang kanya namang ina ay isang magkakakanin.
Gumagamit ang kanilang ina ng gilingang bato sa paggawa ng mga kakaning kanyang ibinebenta, na
pamana pa raw sa kanya ng kanyang ina. Walang nakaaalam kung gaano na katanda ang gilingang
bato na iyon, ngunit ito ay tulong rin sa hanapbuhay ng pamilya.
Nairaraos naman ng kanilang ama ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapanday.
Nagtatrabaho rin ang kanilang ina, ngunit pantulong na hanapbuhay lamang ang kanyang
pagkakakanin. Isang araw ay may inindang sakit sa katawan ang kanilang ama, na pinabayaan lang nito,
sapagkat akala niya’y ito’y lilipas rin. Ngunit siya’y nagkamali. Huli na ang lahat nang siya’y pasugod
sa ospital. Sa karitela pa lamang ay pumutok na ang kanyang apendiks. Dalawang beses lamang
lumuha si ina… sa mismong pagkamatay ni ama, at sa pagbaba ng kanyang kabaong sa buhay. Simula
noon ay sinabi ni inay na lahat kami ay dapat na kumilos, upang kami’y makaraos. At simula rin noon,
lahat kami’y may nakaatang na gawain, ang gilingang bato ang bumuhay sa amin. Nakapag-aral kaming
lahat dahil sa pagsisikap ng aming ina, hanggang sa kami’y makatapos at makapangasawa. Gumagawa
pa rin ng kakanin si ina, gayong siya’y matanda na. Minsa’y pinipilit niya kaming bigyan ng pera, na
amin na lamang tinatanggap, upang hindi kasakitan ng loob si ina. Nagpatuloy sa paggawa ang
kanilang ina, hanggang siya’y tumanda, at manghina, at pumanaw. Nang pumanaw ang kanilang ina ay
naghati-hati sila sa gamit ng kanilang pamilya, pumili ng kanilang mga nais na kunin. Ngunit ang aking
pinili ay ang larawan ng aming mga pumanaw na magulang.

Aral / Kaisipan: “Walang imposible sa isang pamilyang matatag, tulong-tulong, at sama-sama.”


Pamagat: Ang Mangingisda

May-akda: Ponciano B. P. Pineda

Buod: Maging nang sumabog sa kanyuang kamay ang dinamitay nagsasayaw pa rin sa kanyang isip
ang mga lantsa ni Don Cesar na hindi man lamang natitigatig sa hampas ng mga daluyong. Ang ugong
ng ikanyang motor ,sa pandinig niya,ay tila tugtuging nagbubuhat sa radyong nasa nagliliwanag na
punduhan nina Fides.
Ito ang kanyang lakas at pag asa,ang mga lantsa ni Don Cesar at ang punduhan nina Fides.
Ang mga bagay na ito ang nagsilang sa kanyang mithin.hindi mawawaglit sa kanyang diwa saglit man.
Ang kanyang mithiing binuo ng mga lntsa at ang punduhan ay lalong kinukulayan ng mga
pangyayaring lumiligid sa kanyang buhay. Katulad ng pangyayaring nakaraan. Kanina,nang
pakargahan niya ng gasolina ang kanyang motor sa punduhan nina Fides, ay naulit na naman ang
kanyang pinakaiiwasan:ang pangungutang kina Fides:
"Kung maari sany idagdag mo muna sa dati kong utang, ha, Fides?"
Tiningnan lamang siya ni Fides. Ni hindi ito kumibo. Ngunit sumulat sa mga talaan ng mga utang.
naunawaan niya ang katotohanang ibinadha ng naniningklit na mga matang iyon: pag aalinlangan sa
katuparan na kanyang pangako,nahuli niya ang buntot ng sulyap na iyon.
Nang lumabas siya kahapon ,kaparis din ng dalawang araw ng nangagdaan,ay hindi siya
nanghuli ng sapat na makatutugan sa pangangailangan nila ng kanyang ina at sa kanyang utang kina
Fides.
"Minalas ho ako," nasabi na lamang niya. Baka sakaling suertihin mamayang gabi."
Sinabi niya iyon upang magpaliwang;upang humingi ng miling kaluwagan;upang kahit paanoy
hugasan ng pakiusap ang kanyang kahihiyan.
Hindi niya nagawang isipin ang pagbabayad kina Fides. Inunahan siya ng pagsasabi ng
kanyang ina kaninang umaga ng "Magdiskargo ka muna sa punduhan anak." Nabatid niyang wala
siyang ibabayad kung sa bagay.
Nalalaman niyang sinundan siya ng tingin ni Fides at ng ina nito nang siyay magpaalam. Hindi
nakababayad ang mga mangingisdang nangungutang sa punduhan. "Aba e, pa'no kaya kami kung
ganyan ng ganyan ? Pare-pareho tayong nakukumprumiso...”

Aral / Kaisipan: “Ang isang tao ay hindi titigil sa paniniwalang ang isang paniniwala ay tama, kahit na
anumang kasamaan pa ang dulot nito, basta’t sila ay patuloy sa paniniwalang ito ay tama.”
Pamagat: Bangkang Papel

May-akda: Genoveva Edroza-Matute

Buod: Ikinukwento ng nagsasalaysay ang kanyang pagkakaalala sa isang batang lalaki sa tuwing
makakakita siya ng mga batang naglalaro ng mga bangkang papel.
Isang gabi iyon na bumabagyo. Hindi na naman umuwi ang kanyang ama. Nagataka siya.
Tinanong niya ang kanyang ina kung saan natutulog ang kanyang ama sa mga gabing hindi siya
umuuwi sa kanila. Hindi sumagot ang kanyang ina. Hinaplos niya ang mukha ng ina upang malaman
kung gising pa ito, ngunit hindi na siya kumikilos. Sinabi lamang ng ina na hindi niya alam. Hiniling
niyang matulog na ang anak at bukas ay magpapalutang siya ng bangkang kanyang ginawa. Natuwa
ang bata sa kanyang narinig, at siya’y natulog sa kasiyahan ng pahayag na iyon ng kanyang ina. Nang
sumunod na araw ay nagulat siya dahil wala ang kanyang ina at ang kanyang kapatid. Nakita niyang
maraming tao sa kanilang labasan. Naroon ang kanilang kapit-bahay, at ang mga titig nito sa bata ay
puno ng awa at kasawian. Hindi alam ng batang lalaki kung saan nanggagaling ang damdaming ito ng
kanyang kapit-bahay. Agad niyang hinanap ang kanyang ina at ang kapatid na babae, at nakita itong
umiiyak sa isang sulok, ang kanyang ina ay humahaplos sa buhok ng kapatid habang tumitingin sa
kawalan. Tinanong niya kung ano ang nangyayari, ngunit parang hindi siya naririnig ng kanyang ina.
Bumalik siya sa kinapupulungan ng mga tao, at doon narinig niya ang sabi nilang labin-lima raw ang
namatay… Matagal bago niya naintindihan ang lahat. Labin-lima, kasama ang kanyang ama, ang
pumanaw sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at mga mamamayan. Lumuha ang bata.
At sa tuwing nakakakita ng bangkang papel ang nagsasalaysay ay naaalala niya ang batang lalaking
gumawa ng tatlong bangkang papel na kalian man ay hindi niya napalutang.

Aral / Kaisipan: “Ang buhay ay pagsubok, at ang bawat pagsubok ay ang ating buhay.”
Pamagat: Pagbabalik

May-akda: Genoveva Edroza-Matute

Buod: Ang kwentong ito ay tungkol sa isang rebeldeng nagngangalang Roman, na siyang nagbalak
nang masama sa kanyang matalik na kaibigang si Basilio. Nagtatago sila sa kanilang bundok, mga
bilanggo ng sarili nilang prinsipyo. Isang araw ay may naisip na plano si Roman. Isang planong nag-
ugat sa pagkakadakip ng isang pinuno ng isa pang grupo ng mga rebelde sa kabilang bundok. Ang
nagsuplong sa pinuno ay nabigyan ng pabuya—Php 80,000. Malaki na iyon. Napakalaki. Maaari
siyang lumayo sa kasalukuyan niyang buhay, at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang
kanyang maybahay, ang kanilang pamilya.
Isinagawa nga ni Roman ang naturang plano. Labag man sa kanyang loob ang gagawin niyang
ito ay kailangan niya itong gawin, para sa kanya, at sa kanyang pamilya. Bumaba ng kanilang bundok
si Roman nang mag-isa. At hindi na muling pumanhik pa. Sa halip ay mga sundalo ang pumalit sa
kanya, salamat sa mapang iginuhit ni roman, at natunton ng gobyerno ang kinalalagyan ni Basilio. At
nakuha ni Roman ang pera. Ngunit durog ang kanyang pusong tinanggap iyon, kasabay sa
pagkakakita sa katawan ni Basilio na tadtad ng tama ng bala. Sinabihan niya ang asawa na sila’y
lalayo. Lalayo sa lugar na iyon na may masalimuot na bahagi ng kanilang nakaraan. Ngunit walang
maitatago si Roman sa mga mapagmatyag na mata ng kabiyak. Hindi niya kasamang bumaba ng
bundok si Basilio. Kasabay ng bigat na umaalintana sa kanyang puso ay napaupo si Roman sa ilalim
ng puno ng sampalok, at napatitig sa perang ipinagpalit niya sa buhay ng isang taong may prinsipyo…
isang tao… isang kaibigan… Oo, tama, ang lahat ng ito ay babago sa kanyang buhay… sa kanyang
bukas… at nakaraan.

Aral / Kaisipan: “Ang salapi, para sa tao ay katumbas ng lahat, ngunit ang salaping para sa tao’y
buhay ang katumbas, ay sampung itatakwil ng Langit at walang payapang katumbas.”

You might also like