You are on page 1of 5

TEKSTONG DESKRIPTIBO

ALAM MO BA?

Ang pagsulat ng paglalarawan ay maaaring maging subhetibo o obhetibo. Masasabing Subhetibo ang
paglalarawan kung ang manunulat ay maglalarawan nang napakalinaw at halos madama na ng mambabasa
subalit ang paglalarawan ay nakabatay lamang sa kanyang mayamang imahinasyon at hindi nakabatay sa
isang katotohanan sa totoong buhay. Ito ay karaniwang nangyayari sa paglalarawan sa mga tekstong naratibo
tulad ng halimbawa ng mga tauhan sa maikling kuwento. Likhang-isip lamang ng manunulat ang mga tauhan
kaya’t ang lahat ng mga katangiang taglay nila ay batay lamang sa kanyang imahinasyon. Ang ganitong uri ng
paglalarawan ay maituturing na subhetibo.

Obhetibo naman ang paglalarawan kung ito ay may pinagbatayang katotohanan. Halimbawa, kung ang
lugar na inilarawan ng isang manunulat ay isa sa magagandang lugar sa bansa na kilala rin ng kanyang
mambabasa, gagamit pa rin siya ng sarili niyang mga salitang maglalarawan sa lugar subalit hindi siya
maaaring maglagay ng mga detalyeng hindi taglay ng kanyang paksa.

Ang tekstong deskriptibo ay maihahalintulad sa isang larawang ipininta o iginuhit kung saan kapag nakita
ito ng iba ay parang nakita narin nila ang orihinal na pinagmulan ng larawan. Subalit, sa halip na pintura o
pangkulay, mga salita ang ginagamit ng manunulat upang mabuo sa isipan ng mambabasa ang paglalarawan
sa tekstong deskriptibo. Mga pang-uri at pang-abay ang karaniwang ginagamit ng manunulat upang
mailarawan ang bawat tauhan, tagpuan, mga kilos, o galaw, o anumang bagay na nais niyang mabigyang-
buhay sa imahinasyon ng mambabasa. Mula sa epektibong paglalarawan ay halos makikita, maaamoy,
maririnig, malalasahan, o mahahawakan na ng mambabasa ang mga bagay na inilalarawan kahit pa sa isipan
lamang niyang nabubuo ang mga imaheng ito.

Karaniwang Bahagi lang ng Ibang Teksto ang Tekstong Deskriptibo

Isang bagay na dapat tandaan sa pagbuo ng tekstong deskriptibo ay ang relasyon nito sa iba pang uri ng
teksto. Ang paglalarawan kasing ginagawa sa tekstong deskriptibo ay laging kabahagi ng iba pang uri ng
teksto partikular ang tekstong naratibo kung saan kinakailangang ilarawan ang mga tauhan, ang tagpuan, ang
damdamin, ang tono ng pagsasalaysay, at iba pa. Bihirang magamit ang tekstong deskriptibo nang hindi
kabahagi ng iba pang uri ng teksto.

Gamit ng Cohesive Devices o Kohesyong Gramatikal sa Pagsulat ng Tekstong Deskriptibo

Ang mga ito kasi ay mahalaga sa pagbibigay ng mas malinaw at maayos na daloy ng mga kaisipan sa isang
teksto. Ang mga teksto ay hindi lang basta binubuo ng magkakahiwalay na pangungusap, parirala, o sugnay,
bagkus ang mga ito ay binubuo ng magkakaugnay na mga kaisipan kaya’t kinakailangan ang mga salitang
magbibigay ng kohesyon upang higit na lumitaw ang kabuluhan at kahulugan ng bawat bahagi nito.

Ang limang pangunahing cohesive device o kohesyong gramatikal ay ang sumusunod: reperensiya
(reference), substitusyon (substitution), ellipsis, pang-ugnay, at leksikal.
1. Reperensiya (Reference) – ito ang paggamit ng mga salitang maaaring tumukoy o maging reperensiya ng
paksang pinag-uusapan sa pangungusap. Maaari itong maging anapora (kung kailangang bumalik sa teksto
upang malaman kung ano o sino ang tinutukoy) o kaya’y katapora (kung nauna ang panghalip at malalaman
lang kung sino o ano ang tinutukoy kapag ipinagpatuloy ang pagbabasa sa teksto).

Halimbawa:

● Anapora

Aso ang gusto kong alagaan. Ito kasi ay maaaring maging mabuting kaibigan.

● Katapora

Siya ang nagbibigay sa akin ng inspirasyong bumangon sa umaga at masiglang umuwi sa gabi. Ang
matatamis niyang ngiti at mainit na yakap sa aking pagdating ay sapat para makapawi sa kapaguran hindi
lang ang aking katawan kundi ng aking puso at damdamin. Siya si Bella, ang bunso kong kapatid na mag-
iisang taon pa lamang.

2. Substitusyon (Substitution) – Paggamit ng ibang salitang ipapalit sa halip na muling ulitin ang salita.

Halimbawa:

● Nawala ko ang aklat mo. Ibibili na lang kita ng bago.

3. Ellipsis – may binabawas na bahagi ng pangungusap subalit inaasahang maiintindihan o magiging malinaw
pa rin sa mambabasa ang pangungusap dahil makatutulong ang naunang pahayag para matukoy ang nais
ipahiwatig ng nawalang salita.

Halimbawa:

● Bumili si Gina ng apat na aklat at si Rina naman ay tatlo.

4. Pang-ugnay – Nagagamit ang mga pang-ugnay tulad ng at sa pag-uugnay ng sugnay sa sugnay, parirala
sa parirala, at pangungusap sa pangungusap. Sa pamamagitan nito ay higit na nauunawaan ng mambabasa o
tagapakinig ang relasyon sa pagitan ng mga pinag-uganay.

Halimbawa:

● Ang mabuting magulang ay nagsasakripisyo para sa anak at ang mga anak naman ay dapat magbalik ng
pagmamahal sa kanilang mga magulang.

5. Kohesyong Leksikal – mabibisang salitang ginagamit sa teksto upang magkaroon ito ng kohesyon. Maaari
itong mauri sa dalawa: ang reiterasyon at ang kolokasyon.

a. Reiterasyon – kung ang ginagawa o sinasabi ay nauulit nang ilang beses. Maaari itong mauri sa tatlo: pag-
uulit o repetisyon, pag-iisa-isa, at pagbibigay-kahulugan.
(1) Pag-uulit o repetisyon – Maraming bata ang hindi nakapapasok sa paaralan. Ang mga batang ito ay
nagtatrabaho na sa murang gulang pa lang.

(2) Pag-iisa-isa – Nagtatanim sila ng mga gulay sa bakuran. Ang mga gulay na ito ay talong, sitaw, kalabasa,
at ampalaya.

(3) Pagbibigay-kahulugan – Marami sa mga batang manggagawa ay nagmula sa mga pamilyang dukha.
Mahirap sila kaya ang pag-aaral ay naiisantabi kapalit ng ilang baryang naiaakyat nila para sa hapag-kainan.

b. Kolokasyon – mga salitang karaniwang nagagamit nang magkapareha o may kaugnayan sa isa’t isa kaya’t
kapag nabanggit ang isa ay naiisip din ang isa. Maaaring magkapareha o maaari ding magkasalungat.

Halimbawa:

● nanay – tatay guro – mag-aaral hilaga – timog doctor – pasyente

● puti – itim maliit – malaki mayaman – mahirap

Ilang Tekstong Deskriptibong Bahagi ng Iba Pang Teksto

Paglalarawan sa Tauhan

Sa paglalarawan sa tauhan, hindi lang sapat na mailarawan ang itsura at mga detalye patungkol sa tauhan
kundi kailangang maging makatotohanan din ang pagkakalarawan dito.

Halimbawa: Ang aking kaibigan ay maliit, maikli at unat ang buhok, at mahilig magsuot ng pantalong maong at
puting kamiseta.

Ang ganitong paglalarawan bagama’t tama ang mga detalye ay hindi magmamarka sa isipan at pandama ng
mambabasa. Katunayan, kung sakali’t isang suspek na pinaghahanap ng mga pulis ang inilalarawan ay
mahihirapan silang maghanap kung gamit lang ang naunang paglalarawan. Kulang na kulang ito sa mga tiyak
at magmamarkang katangian.

Mahalagang maging mabisa ang paglalarawan sa tauhan. Iyon bang halos nabubuo sa isipan nang
mambabasa ang anyo, gayak, amoy, kulay, at iba pang katangian ng tauhan gamit ang pinakaangkop na mga
pang-uri. Mahalaga ring pakilusin ang tauhan para mas magmarka ang mga katangiang taglay niya tulad
halimbawa ng kung paano maglakad, humalakhak, magsalita, at iba pa.

Halimbawa:

Namumutla, nangangatog ang buong katawan, at nanginginig ang boses, si Pak idjo ay walang iniwan sa isang
taong inaatake ng malaria. Ang totoo’y may sakit nga siyang talaga. Parang nakasabit na lang ang tagpi-tagpi at
maruming damit sa napakanipis niyang katawan, at nakalubog sa humpak niyang mga pisngi ang kanyang
namumutla at nagluluhang mata.

Mula sa “Takipsilim sa Dyakarta” ni Mochtar Lubis

(salin ni Aurora E. Batnag)


Paglalarawan sa Damdamin o Emosyon

Ang paglalarawan sa damdamin ay bahagi pa rin ng paglalarawan sa tauhan subalit sa halip na sa kanyang
panlabas na anyo o katangian ito nakapokus, ang binibigyang diin dito’y ang kanyang damdamin o emosyong
taglay.

Paraan ng Paglalarawan sa Damdamin o Emosyon nang hindi na malayo at konektado pa rin sa


tauhan:

● Pagsasaad sa aktuwal na naranasan ng tauhan – maaaninag ng mambabasa mula sa aktuwal na


nararanasan ng tauhan ang damdamin o emosyong taglay nito.

Halimbawa: Matindi ang pagkirot ng tiyan ni Mang Tonyo. Nagdidilim na ang kanyang paningin at nanlalambot
na ang mga tuhod sa matinding gutom na nadarama. Dalawang araw na pala nang huling masayaran ng
pagkain ang nanunuyo niyang mga labi.

● Paggamit ng diyalogo o iniisip – maipakikita sa sinasabi o iniisip ng tauhan ang emosyon o damdaming
taglay niya.

Halimbawa: “Ale, sa likod po ang pila. Isang oras na kaming nakapila rito kaya dapat lang na sa hulihan kayo
pumila!”

● Pagsasaad sa ginawa ng tauhan – sa pamamagitan ng pagsasaad sa ginawa ng tauhan minsa’y higit pang
nauunanwaan ng mambabasa ang damdamin o emosyong naghahari sa kanyang puso at isipan.

Halimbawa: “Umalis ka na!” ang mariing sabi ni Aling Lena sa asawa habang tiim bagang na nakatingin sa
malayo upang mapigil ang luhang kanina pa nagpupumilit bumalong mula sa kanyang mga mata.

● Paggamit ng Tayutay o Matatalinghagang Pananalita – ang mga tayutay at matatalinhagang pananalita


ay hindi lang nagagamit sa pagbibigay ng rikit at indayog sa tula kundi gayundin sa prosa.

Halimbawa: Ito na marahil ang pinakamadilim na sandali sa kanyang buhay. Maging ang langit ay lumuha sa
kalungkutang dulot ng pagyao ng pinakamamahal niyang si Berta.

Paglalarawan sa Tagpuan

Sa paglalarawan ng tagpuan ay mahalagang mailarawan nang tama ang lugar o panahon kung kailan at saan
naganap ang akda sa paraang makagaganyak sa mga mambabasa. Maaaring ilarawan ang tagpuan sa
pamamagitan ng pagkilos ng tauhan sa kapaligirang ito.

Halimbawa: ay isang munting barungbarong sa tambakan

Maaaring itanong ang sumusunod para sa isang mabisang paglalarawan:


● Ano ang itsura ng barong-barong at kapaligiran nito? Marumi, luma, kinakalawang, gumigiray, nakaririmarim
na basura, naglipanang langaw, mga mangangalkal ng basurang nakasuot ng tagpi-tagping halos basahan,
nakapanlulumong kahirapan at kapangitan.

● Anu-anong tunog ang maririnig sa paligid? Sigaw ng mga inang hindi magkamayaw sa mga gawain, iyakan
ng mga batang gutom at di pa nakapag-almusal, ingay ng mga trak na nagdadala ng basura, hugos ng
basurang ibinabagsak sa tambakan, busina ng mga sasakyan sa di kalayuang kalsada, tawanan ng mga
mirong nag-iinuman sa kalapit na tindahan.

● Anong amoy ang namamayani? Masangsang na amoy ng nabubulok na basura, amoy ng usok na
nagmumula sa bunton ng mga basura, amoy pawis ng mga basurerong bilad sa araw, maasim na amoy ng
batang hindi pa napapaliguan ng ilang araw, amoy ng tuyong iniihaw sa kalan.

● Ano ang pakiramdam sa lugar na ito? Maiinit o maalinsangan, gutom, nakapanlalagkit na pawis at alikabok,
hindi komportable, nakaririmarim o nakadidiring bagay sa paligid, kawalan ng pag-asa.

● Ano ang lasa ng mga pagkain dito? Pagpag na manok na nagsisimula nang mapanis kaya’t maasim na,
masebo at matabang na karne mula sa karinderyang nilalangaw.

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali. Lumagon sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng
mga taong pagal sa paghahanap ng lunas sa mga suliranin sa araw-araw. Ngunit ang gabi ay waring manipis na
sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay
ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig ng mabangis na liwanag ng mga
ilaw-dagitab.

Mula sa “Mabangis na Lungsod”

ni Efren R. Abueg

Paglalarawan sa Isang Mahalagang Bagay

Sa maraming pagkakataon, sa isang mahalagang bagay umiikot ang mga pangyayari sa akda at ito rin ang
nagbibigay nang mas malalim na kahulugan dito. Hindi sapat na maglagay lamang ng larawan ng nasabing
bagay sa pahina ng akda upang mabigyang diin ang kahalagahan nito. Dapat mailahad kung saan nagmula
ang bagay na ito. Kailangan ding mailarawan itong mabuti upang halos madama na ng mambabasa ang itsura,
amoy, bigat, lasa, tunog, at iba pang katangian nito.

Sa tuwing itatayo ko ang krismas tri kapag malapit na ang kapaskuhan ay parang laging may kulang, pilit kong
dinaragdagan ng mga palamuti. At hindi basta-basta palamuti, yung mamahalin. Pagkatapos ng mamahaling
bola, nang sumunod na tao ay magagandang bulaklak naman ang binili ko. Maraming pulang poinsettia na
nakapaligid sa krisman tri, “Ang ganda!” Ang may pagkamanghang sabi ng bawat nakakikita. Malalaki at
makikintab na pulang bola, malalaki at magagandang pulang poinsettia… ah! Pero bakit ba tila may kulang pa
rin?

Mula sa “Ang Aking Krismas Tri”

Ni Mary Grace Del Rosario

You might also like