You are on page 1of 4

Ang Kuwento ni Rosario

PROJECT LAAN·SATURDAY, APRIL 2, 2016

ANG BARRIONG TANYONG ay nasa tabi ng estero ng ilog Malabon. Ito ay may
laking 5 ektarya kung saan may nakatirang 1,850 pamilya o may 12,400 katao. Para
marating ang mga bahay-bahay, ang mga tao ay lumalakad sa mga tulay na hindi naman
matitibay. Kaya maraming tao ang naaaksidente at maraming mga bata ang nahuhulog sa
marumi at napakaitim na tubig. Ang tubig sa ilalim ng bahay ay tapunan ng basura at
palikuran na rin.

Sa survey na isinagawa, 10% lamang ang may sariling palikuran at ang 90% ay
gumagamit ng “balot system” o diretso na sa istero. May 10% ang may sariling tubig at
90% ay umiigib sa poso. May dalawang pampublikong poso at ang tubig ay binibili. Ang
isang container na may lamang 5 galon ay may halagang PhP15.00 – PhP30.00 depende
sa layo ng bahay.

Ang mga nakatira rito ay walang titulo sa lupang tinitirikan. Ang upa sa kuwartong
parang tirahan ng baboy ay PhP500 – Php1,000 bawat buwan. Ang mabuti-buti naman ay
Php1,500 – PhP2,000 bawat buwan. Dito sa barrio Tanyong nakatira si Jaime, 24 taong
gulang. Ang kanyang asawa ay si Lucy, 27 taong gulang. Ang mga anak nila ay sina
Jocelyn, 5 taon; Marites, 4 na taon; Antonio, 2 ½ taon; at si Rosario, 1 taon at 4 na
buwan.

Isa si Jaime sa 70% na galling sa probinsiya at lumuwas patungong Maynila upang


magkaroon ng mahusay-husay na buhay. Ang pamilya niya ay galing sa Pangasinan. Ang
kanyang ama ay isang maliit na magsasaka. Ngunit ang kanilang ani ay hindi sapat sa
kanilang pamilya kayat lumuwas silang patungong Maynila.

Ngayon, si Jaime ay isang laborer sa isang construction site sa Quezon City. Ang kita
niya ay Php165.00 isang araw. Hindi ito sapat para sa kanilang pamilya. Tinitipid nila
ang lahat ng gastos, ngunit baon sila palagi sa utang. Kung namamalengke si Lucy, ang
Php50.00 na ulam ay pinagkakasiya niya sa tatlong kainan. Kung minsan ay hindi na siya
nakakatikim ng ulam.
Minsan, nung buntis si Lucy kay Rosario at gustong-gusto niyang kumain ng
masusustansiya at masasarap na pagkain ay hindi niya ito magawa, mapakain lamang
niya ang kanilang tatlong anak noong mga panahong iyon. Nagtitiis na lamang siya at
iniisip niyang Diyos na lamang ang bahala sa kanya. Sabi nga ng bishop sa sermon …
“pinagpapala ang mahihirap, dahil mapapasakanila ang kaharian ng Diyos!”.

Si Lucy ay tubong Bisaya at siya ay high school graduate, hindi tulad ni Jaime na
hanggang Grade 3 lamang. Kulang ang mga pangangalaga niya sa kanyang mga anak.
Noong sanggol pa ang mga ito, sinabihan siya ng doctor na bawal sa kanya ang
magpasuso dahil may sakit siya sa puso. Ang sabi sa kanya ay bumili na lamang siya ng
infant formula sa katabing botika na ang doctor mismo ang mag-me-may-ari. Subalit
malusog naman si Lucy. Dahil nga sa pinagbawalan siya ng doctor na magpasuso, ang
apat niyang anak ay lumaki sa condensada. Kaya lamang, ang pagtimpla niya ng
condensada ay 1 guhit na gatas sa 7 guhit na tubig. Kung may pera sila ay bumibili siya
ng Bear Brand, ngunit hindi naman siya tinuruan kung papaano ang wastong pagtitimpla
ng gatas kayat para sa kanya ay sapat na ang magkulay puti ang tubig. Hindi niya
pinapakuluan ang mga tubig, tsupon at bote ng mga bata. Ang mga tsupon at bote ay
hinuhugasan niya ng basta na lamang ng tubig at sabon. Hindi rin siya tinuruan ng
wastong pagpapakain sa mga bata at may paniniwala siya na ang kalamansi ay masama
para sa mga bata. Kape at kanin ang pang-almusal ng mga bata.

Dahil dito, ang lahat ng anak niya ay 2nd degree malnourished. Pare-pareho ang kanilang
mga sakit – palagi silang inuubo, nilalagnat at nagtatae. Ang kanilang tiyan ay
malalaking parang tambol. May bulateng lumalabas kapag sila ay dumudumi na
pinaniniwalaan naman ni Lucy na normal lamang dahil sa pagkakaalam na tumutulong
ang mga bulate sa pagtunaw ng pagkain sa tiyan.

Wala ring bakuna sina Antonio at Rosario dahil natakot si Lucy noong nilalagnat ng
bahagya sina Jocelyn at Marites nung ang mga ito ay pinabakunahan niya. Kinagagalitan
din diya ni Jaime kung lagnatin ang bata pagkatapos ng bakuna. Isa pang dahilan ay ang
walang katiyakang pagkakaroon ng libreng bakuna sa kanilang barangay health center
sanhi ng kakulangan sa bakuna at kakulangan ng midwife at health workers sa center.
Ang pinakasakitin sa kanilang lahat ay ang bunsong si Rosario. Siya ang pinakapayat,
maputla at palaging nagtatae. Isang araw, si Rosario ay nagkasakit ng tigdas. Dinala siya
ni Lucy sa pinakamalapit na health center na siya rin namang kanilang barangay health
center. Libre ang konsulta subalit walang naibibigay na libreng gamot ang
barangay.health center. Ang sabi ng nurse ay ubos na raw ang budget para sa taong iyon
para sa mga gamot sa center. Hindi rin daw na-approve ng Sangguniang Bayan ang
request ng Municipal Health Officer na dagdag na budget para sa mga gamot sa taong ito.
Dahil daw ito sa naghihinala ang mga konsehal ng bayan na mapupunta lamang sa Mayor
at Municipal Health Officer ang idadagdag na pondo.

Binili na lamang ni Lucy ang tatlong gamot na inireseta para kay Rosario – Loviscol
syrup (para sa ubo) / 60ml PhP109.00, Ercefuryl suspension (para sa pagtatae) 220mg
per 5ml / 60ml Php243.00 at Ceporex (isang antibiotic) 250mg per 5ml / 30ml
PhP150.00. Sinabihan siyang yung mga mismong brands na inireseta ang dapat bibilhin
dahil ito ang para sa karamdaman mismo ni Rosario. Nang maubos na ang tig-isang bote
ng tatlong gamot ay hindi na sila makabili dahil wala na silang pera. Hindi tuluyang
gumaling si Rosario. Patuloy ang pagtatae niya hanggang sa matuyuan.

Dinala muli ni Lucy si Rosario sa health center subalit ipinalipat na sila sa pribadong
ospital ng hindi malinaw kay Lucy kung bakit hindi puwedeng sa barangay health center
tingnan si Rosario. Humingi ang ospital ng deposito na PhP1,200.00. Mabuti na lang at
naka-utang sila ng PhP 1,500 sa kanilang Barangay Captain na nagpapa-“5 - 6”. Dahil
maputlang-maputla si Rosario ay isang yunit ng dugo ang kinailangang isalin sa kanya. Si
Jaime ang kinunan ng isang yunit ng dugo para rito.

Sa pagtigil nila ng isang gabi sa ospital, ang kanilang gastos ay umabot sa PhP4,150 at
ipinasya nilang ilabas na lang si Rosario kahit ayaw nilang ilabas ito ng hindi pa
magaling dahil parang patak ng metro ng taxi ang gastos nila sa ospital. Lahat ay
sinisingil sa kanila – bulak, alcohol, gasa, tape at iba pa. Pagkatapos ng kataku-takot na
pakiusapan ay pinayagan din ang pasyente na lumabas. Pinapirma sila na silang mag-
anak ay nagpipilit lumabas ng ospital kahit labag sa utos ng doctor. Pinayuhan silang
bumalik na lamang kung may pera na o kaya ay sa government ospital pumunta.
Pagkaraan ng isang linggong patuloy na pagtatae at lagnat, si Rosario ay nanghina,
natuyuan at tuluyan ng namatay.

You might also like