You are on page 1of 5

YUNIT III

Akademikong Pagsulat

Ang pagsulat ay isang kasanayang kailangan sa maraming aspeto ng buhay. Sa


pamamagitan ng pagsulat, malayang naipahahayag kung ano ang nararamdaman at iniisip.
Sabi nga ng sikat na kasabihan sa Ingles: “Pen is mightier than sword.” Tunay ngang isang
makapangyarihang sandata ang panulat. Hindi ba nga at ito ang ginamit na sandata ng
ating pambansang bayani na si Jose Rizal upang tuligsain ang mga mapaniil na Kastila?

Ang akademikong pagsulat ay iba sa karaniwang pagsulat sapagkat ito ay may


sariling alituntunin at paraang sinusunod. Ka iba ito dahil sa pagsulat ng mga kuwento o ng
isang nobela, malaya ang mga may-akdang gumamit ng kahit na anong uri ng salita na nais
nilang gamitin sa kanilang obra. Sa akademikong pagsulat ay hindi ganito ang kalakaran.

Ngunit, ano nga ba ang akademikong pagsulat?

Ayon kay Jones (n.d), ang akademikong pagsulat ay batay sa isang malalim na
pagsusuri - ang mga ideya ay hinahati-hati hanggang sa pinakamaliit na detalye upang
madaling maipaunawa sa mambabasa ang nilalaman ng teksto. Gumagamit ito ng
deductive reasoning na kung saan, inilalahad ang pangunahing detalye ng teksto at saka
ito sinusundan ng mga pantulong na detalye upang ang mga komplikadong ideya ay
madaling maipaunawa o maipaintindi sa mambabasa. Gumagamit din ito tonong hindi
masyadong pormal – hindi ito gumagamit ng mga salitang slang at kolokyal. At ang
pananaw na ginagamit sa sulating ito ay nasa ikatlong panauhan ng panghalip.

Sinabi naman ni Vineski (2016), na ang akademikong pagsulat ay isang proseso ng


pagpapangkat ng mga ideya at gumagamit ng deductive reasoning. Ayon pa rin kay Vineski
(2016), pormal ang tonong ginagamit sa sulating ito at gumagamit ito ng pananaw na nasa
ikatlong panauhan ng panghalip.

Ayon naman sa isang artikulo na may pamagat na “What is Academic Writing?” mula
sa reference (n.d), ang akademikong pagsulat ay isang istilo ng pagsulat na may mga
alituntunin at paraang sinusunod at gumagamit ito ng isang pormal na estruktura at
wastong pagkakasunod – sunod ng mga ideya, Gumagamit din ito ng tamang baybay ng
mga salita gayundin ng tamang bantas sa mga pangungusap. Naglalahad din ng pagkilala
sa sulating ito upang masuportahan ang mga ideyang nakalap. At higit sa lahat, ito ay
gumagamit ng pormal na tono sa pagtalakay ng paksa.

Kung papansinin, ang mga kahulugang ibinigay sa akademikong pagsulat ay halos


magkakapareho o magkakatulad. Sa kabuuan, masasabi na ang akademikong pagsulat ay
may mga alitunintuning at paraang kailangang sundin sa pagsusulat. Ito ay gumagamit ng
deductive reasoning upang mailahad ng maayos ang bawat detalye ng teksto. Ang tonong
ginagamit sa pagsusulat ay pormal at gumagamit ng pananaw na nasa ikatlong panauhan
ng panghalip.
Matapos malaman kung ano ang kahulugan ng akademikong pagsulat, mahalagang
malaman din kung ano-ano ang mga katangiang dapat taglayin ng isang akademikong
pagsulat.

Matatagpuan sa ibaba ang mga dapat isaalang-alang sa pagsulat ng isang akademikong


sulatin ayon sa isang artikulo na may pamagat na “Definition of Academic Writing” mula sa
Your Dictionary (2014):

 Pagpaplano – Mahalagang magsagawa ng isang pagpaplano bago magsulat upang


mas maging organisado at maayos ang gagawing pagsusulat. Kailangang planuhing
mabuti kung ano-ano ang mga dapat na gawin at kung ano-ano ang mga dapat na
ihanda bago magsulat upang maging matagumpay ang gagawing pagsusulat.
 Paggawa ng balangkas – Ang paggawa ng balangkas ay kailangan sa pagsulat ng
akademikong sulatin sapagkat malaki ang maitutulong nito upang mas maging
maayos ang gagawing pagsulat. Ito ang magiging pamantayan o gabay sa kung
ano-ano ang mga dapat talakayin sa gagawing pagsulat. Sa pamamagitan din ng
balangkas, mas magiging madali ang pagtukoy sa pangunahing ideya ng gagawing
pagsulat at ganoon din ang mga sumusuportang detalye.
 Tono – Sa akademikong pagsulat, mahalagang ang maging tono ng gagawing
pagsulat ay pormal upang madaling maiparating sa mambabasa ang nais ipahiwatig
ng manunulat . Iwasang gumamit ng mga salitang slang, balbal, bulgar, pagpapaikli
ng mga salita at pag-uulit-ulit na paggamit ng mga salita.
 Lengguwahe/salita – Sa pagsulat ng akademikong sulatin, mahalagang maging
malinaw sa paggamit ng mga salita. Ang mga salitang gagamitin sa pagsusulat ay
dapat na pinili at inaayos nang mabuti at siguraduhing ang mga salitang ginamit ay
akma sa gagawing pagsulat. Isang magandang kagamitan sa pagsulat ang paggamit
ng Thesaurus. Makatutulong ito upang makapili ng tamang salita na dapat gamitin
sa pagsulat upang maipaliwanag nang mas maayos ang paksa. Iwasan ding maging
maligoy sa gagawing pagtalakay upang hind maging magulo ang daloy ng pagsulat.
 Pananaw – Ang pananaw ay dapat na nasa ikatlong panauhan ng panghalip.
Sapagkat ang akademikong pagsulat ay may layuning makapagturo at
makapaglahad ng katotohanan at hindi upang suportahan ang isang opinion o
pananaw.
 Dulog – mahalagang bahagi ng akademikong pagsulat ang paggamit ng “deductive
reasoning” sapagkat sa tulong nito, magiging madali ang gagawing pagtalakay sa
paksa. Sa isang akademikong sulatin, sinusundan ng mambabasa kung nasaan ang
konklusyon sa ginawang sulatin.

Ang deductive reasoning at dulog analitik ay mahalaga sa pagsulat ng akademikong


sulatin. Gayon din ang pagsasagawa ng plano bago magsulat upang maihanda ang mga
kakailanganin sa pagsusulat at upang mas maging organisado ang gagawing pagsulat.

Istruktura ng Akademikong Pagsulat

Ang akademikong pagsulat ay mayroong tatlong bahagi – ang panimula, katawan at


kongklusyon.

 Panimula – Sa pagsulat ng panimula, mahalagang makuha agad ang pansin ng


mambabasa upang pagtuunan nila ng panahong basahin ang tekstong isinulat.
Ang panimulang may kaakit – akit, ang siyang binibigyang pansin ng
mambabasa. Sa pagsulat ng isang panimula, maaaring gumamit ng isang
kasabihan na sinasabi ng isang kilalalang tao o maaaring magsimula sa isang
katanungan. Maaari ding magsimula sa pamamagitan ng isang impormasyong
makapukaw interes o bigyang kahulugan ang isang mahalagang termino na may
kaugnayan sa paksang tatalakayin.
 Katawan – Ito ang pangunahing bahagi ng sulatin at ang mga talata ay
kailangang nakasulat nang malinaw at maayos. Siguraduhin ding nakasulat ito
ng sunod – sunod ayon sa hinihingi o sa halaga ng bawat ideya. Ang bawat
talata ay kailangang may kaugnayan sa isa’t isa upang maging maayos ang
daloy ng gagawing pagtalakay sa paksa. Iwasang maging maligoy sa pagtalakay
ng paksa upang hindi maging kabagot-bagot sa mambabasa ang pagbabasa.
Mahalagang matalakay ang bawat ideya ng direkta at hindi na kailangan pang
gumagamit ng kung ano-anong salita na wala naming kaugnayan sa paksa.
 Kongklusyon – Sa bahaging ito – muling binibigyang diin ang mahahalagang
punto at ibinubuod ang mga ito. Binubuo ito ng isang talata.

Metodo sa Akademikong Pagsulat

Paano ba magsulat ng isang akademikong sulatin?

Matatagpuan sa ibaba ang mga metodo sa magsulat ng isang akademikong sulatin


ayon kay Veneski (2016):

 Magsimula sa pamamagitan ng paglalahad kung ano ang paksa ng sulatin . Maaaring


magsimula sa paggamit ng mga katanungan o paggamit ng mga kakaibang
kaalaman na hindi pa batid ng mambabasa. Maaari ding gumamit ng isang kasabihan
na sinabi ng isang prominenteng tao sa lipunan.
 Ilahad ng malinaw ang pangunahing ideya ng sulatin. Ito ang magsisilbing Thesis
statement. Naglalaman ito kung tungkol saan at kung ano ang bibigyang tuon sa
gagawing sulatin. Karaniwang natatagpuan sa hulihan ng panimula ang thesis
statement.
 Ilahad ang pangunahing ideya ng bawat talata. Ito ang tinatawag na paksang
pangungusap. Naglalarawan ito kung tungkol saan ang talata o kung ano ang
nilalaman ng bawat talata. Ang paksang pangungusap ay matatagpuan sa unahan ng
bawat talata. Kailangang maging maayos ang daloy ng bawat talata at siguraduhing
ang bawat talata ay may kaugnayan sa isa’t isa.
 Gumamit ng mga pantulong na detalye upang mga komplikadong ideya ay maging
madali ang pag-unawa. Huwag asahan na mauunawan ng mambabasa ang lahat ng
sinasabi sa talata.
 Gumamit ng pananaw na nasa ikatlong panauhan.
 Gumamit ng pormal na tono sa pagtalakay ng sulatin. Iwasang gumamit ng mga
slang at kolokyal na salita.
 Wakasan ang sulatin sa pamamagitan ng muling paglalahad ng pangunahing ideya
ng talata o ibuod ang mga mahahalagang punto at gumawa ng kongklusyon.
 Muling basahin ang ginawang sulatin upang maitama ang mga pagkakamali katulad
ng baybay ng mga salita, paggamit ng bantas, estruktura ng pangungusap.

Mga Hakbang sa Pagsulat


Matapos malaman ang mga metodo sa akademikong pagsulat, mahalaga rin na
malaman ang mga hakbang sa pagsulat. Mayroong limang hakbang sa pagsulat at ito ang
mga sumusunod:

a. Pre-writing. Sa hakbang na ito nagaganap ang paghahanda at pagpaplano sa


gagawing pagsulat. Sa bahaging ito rin ginagawa ang pagpili ng paksang nais
talakayin, pag-iisip ng layunin sa gagawing pagsulat at kung sino-sino ang
inaasahang magiging mambabasa. Dito rin nagaganap ang pangangalap ng mga
impormasyong kakailanganin at paggawa ng balangkas na gagamiting gabay sa
pagsusulat.

b. Drafting. Sa bahaging ito, sinisimulang isulat ng manunulat ang lahat ng ideyang


pumasok sa kanyang isipan sa paksang napili. Tinitiyak ng manunulat na lahat ng
ideyang kanyang isinulat ay kailangan at tumutugma sa paksang tinatalakay.
Sinisiguro din ng manunulat na ang mga ideyang kanyang naisip ay nakasulat nang
maayos upang madaling maipaunawa sa mambabasa ang nilalaman ng sulatin.

Sa hakbang na ito, hindi kailangang pagtuunan ng pansin ang pagkakabuo ng


mga pangungusap, mga bantas at mga salitang ginamit. Ang mahalaga ay
maisulat sa papel lahat ng ideyang pumapasok sa isipan.

c. Revising. Sa bahaging ito, sinusuring mabuti ng manunulat ang laman ng kanyang


isinulat upang matukoy kung anong pangungusap ang kailangan pang paunlarin o
kung anong ideya ang dapat na alisin at palitan o nangangailangan pa ng
pagpapaunlad para sa mas higit na ikagaganda ng sulatin.

d. Editing. Sa hakbang na ito nagaganap ang pagwawasto sa buong bahagi ng sulatin.


Itinatama ang mga pangungusap na may maling grammar, bantas at baybay ng mga
salita. Dito rin inaayos ang tamang pagkakasunod-sunod ng mga ideya upang mas
maging maayos ang sulatin at madaling maunawaan ng mambabasa.

e. Rewriting. Pagkatapos na ma i edit ang buong nilalaman ng sulatin, maaari na itong


isulat na muli.
Gawain Bilang 1:

I. Panuto: Isulat sa patlang ang T kung tama ang isinasaad ng pangungusap at M kung
mali.

_______1. Ang pagsulat ay isang kasanayang kailangan ng maraming tao sa buhay.


_______2. Sa pagsulat, hindi na kailangang magsagawa ng pagpaplano.
_______3. Ang akademikong pagsulat ay may alituntunin at paraang sinusunod sa
pagsulat.
_______4. Sa revising nagaganap ang pagwawasto ng grammar, bokabularyo, baybay ng
mga salita at wastong bantas.
_______5. Ang daloy ng pagtalakay sa akademikong pagsulat ay pormal at gumagamit ng
pananaw na ikalawang panauhan.
_______6. Dapat na makuha ang atensyon ng mambabasa sa panimula pa lamang ng
sulatin.
_______7. Sa pagsulat ng isang sulatin, mahalaga na maging maligoy sa pagtalakay ng
paksa
upang matalakay nang maayos ang paksa.
_______8. Ang kongklusyon ang nagbubuod ng buong laman ng isang teksto.
_______9. Sa pagpili ng paksang susulatin, kailangang isaalang-alang ang panahon, lugar
at
oras.
_______10. Sa pre-writing, mahalagang maisulat nang wasto ang buong ideya.

II. Panuto: Ipaliwanag ang pahayag na matatagpuan sa ibaba.

1. Ang pagsulat ay isang makapangyarihang sandata na kayang magpayuko ng kahit


na sinong katunggali,

_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________

Gawain Bilang 2:

Sumulat ng isang sanaysay tungkol sa kalagayang pangkapayapaan ng bansang


Pilipinas.

You might also like