You are on page 1of 11

Vigilante

Play by Marc Josiah Pranza | May 18, 2014


Tauhan:
Jaime Villareal, 19
Bobot, 32
Alfonso Almeda, 27

Pook: Isang kanto sa baryo na malapit sa bahay ni Alfonso

{Music}

(Nakaupo si Jaime at Bobot sa harap ng isang maliit na mesa. Kararating lang


ni Jaime na may dalang tasang may kape, habang si Bobot ay umiinom mula sa
isang bote ng alak.)

BOBOT: Hoy, ano sa tingin mo ang ginagawa mo, bata?

JAIME: (nininerbyos) Ah, nagkakape po.

BOBOT: Bata, mas lalo ka lang ninerbyosin sa kape. Teka, ikukuha kita ng isa
pang bote. Di naman malayo yung karinderya. (Magsisimulang tumayo si
Bobot.)

JAIME: Ah, huwag na po, Sir. Okay na ako. Sanay naman ako na magkape
kapag kinakabahan, tulad na lang kapag nag-re-review ako para sa exam.

BOBOT: Aha! Iyan ang gusto ko! Parang exam lang nga ang gagawin natin
ngayon. Hep, hep, ako ang ga-grado sa iyo, kaya pagbutihan mo, Jaime..Jaime
ano? (Tatango si Jaime.)

BOBOT: Teka, bata, talagang nakapag-aral ka?

JAIME: Nakapagtapos po ako ng haiskul. Tapos kurso sa TESDA, computer


hardware repair.
BOBOT: Ah, wow! Ang talino mo pala talaga! Pero alam kong kinakabahan ka.
Chill ka lang! Kaya nga nagkukuwentuhan tayo ngayon. Ito talaga ginagawa ng
mga boys bago ang gig. Di ka ba sinabihan ni Anton tungkol sa SOP
namin? (Tatawa si Bobot habang sinusuri ni Jaime ang paligid.)

JAIME: Di po ba parang medyo malakas ang boses nin— . . . Mga boses natin?

BOBOT: Yun nga! Pagsususpetsahan tayo kung para tayong mga patay na
nakatambay at di nag-iimikan. SOP namin yan. Magkuwentuhan. Mag-inuman.
Parang wala lang. Plus, mas mare-relax ka pa kung ganito, chill ka lang bata.
Sigurado kang ayaw mo? (Iaalok ni Bobot ang kanyang bote.)

JAIME: Ah, di po talaga. Di po kami pinapayagang uminom.

BOBOT: Nakapagtataka. Di ba umiinom ang tatay mo? Sige, ikaw bahala, pero
inumin mo na yang kape mo, parang malamig na yata eh. Pero, makikita mo!
Bibigat yang dibdib mo, mas bibilis ang tibok ng puso mo, at sobrang
manginginig iyang mga daliri mo na di ka na makatutok. Pero, bago ka pa eh,
kaya di ko ipu-puwersa ang mga patakaran ko sa iyo.

JAIME: Sabi po kasi ng tatay ko na mas di ka makakatutok ng baril kapag


lasing ka. (Iinumin ni Jaime ang kanyang kape.) Mamamanhid pa raw ang
pakiramdam.

BOBOT: Eh, iyan nga ang kailangan, eh! Kaya nga number one rule ko ang
mag-beer, oh di kaya mag-Tanduay, bago ang gig. (Ilalapit ni Bobot ang upuan
sa mesa.) Sandali lang. Ano bang alam ng Tatay mo sa barilan?

JAIME: Lahat po.

BOBOT: Sino ka ba? Bakit parang pinapaboran ka ni Boss? Ang bagu-bago mo


pa, ni wala nga akong narinig na nakapag-training ka, diretso initiation na!

JAIME: Uh, pinadala po ako ni Colonel Domingo kay Sir Anton dito.
BOBOT: Naks naman! Sir Anton, Sir Anton ka pa. Para ka talagang isang PO1
magsalita! (Sasaludo si Bobot kay Jaime.) Sir, yes, sir. (patawa) Kakaiba din
ang asal mo, bata! Yan ang kulang sa amin ngayon! (Ibaba ni Bobot ang
kaniyang bote ng alak at titingnan si Jaime.)

JAIME: Tinuruan po ako ng Tatay ko.

BOBOT: (patawa) Astig! Baril-barilan, mga magagandang asal, di yata tugma


iyon!

JAIME: Hindi lang po iyon ang tinuro niya sa akin, Sir.

BOBOT: Alam mo, PNP recruit pa rin yang panananalita mo. Pero, salamat sa
Diyos, ina-upgrade na yata Niya ang tropa. Gaano katagal kang nakapag-
training sa Laguna?

(Susubukan ni Jaime na iwasan ang titig ni Bobot.)

JAIME: Isang buwan na lang po bago ang graduation. Pinatawag ako sa opisina
ni Colonel. Inalok niya ako ng trabaho. Tinanggap ko naman. (Napatawa si
Bobot habang umiinom.)

(Muling tititigan ni Bobot si Jaime.)

BOBOT: Ibang klase kang bata ka. Ipaliwanag mo nga sa akin. Paano mo
nakaya na itapon ang isang maayos na trabaho, astig na badge, malaking tiyan,
at magarang sasakyan plus bahay? Paano ka napadpad sa tropa naming mga
baliw?

(Dadagdagan ni Jaime ng isang pakete ng asukal ang kaniyang kape.)

JAIME: Yung sinabi mo, Sir. Sinabihan ako ni Colonel Domingo natakot siya
para sa akin. Baka raw magpadala lang daw po ako sa mga kurakot sa loob.
Makalimutan ko raw ang totoong pakay ko at . . . mas aalahanin ko ang ibang
bagay, tulad lang raw ng nangyari sa kanya. May potential daw ako. Tama
naman si Colonel, Sir. Di ako pumasok sa PNP upang magpayaman.
Magpupulis sana ako para makamit ang hustisya. Nangako si Colonel Domingo
na hustisya raw ang negosyo niyo dito.

BOBOT: Impressed na impressed ako sa iyo, bata! Magaling ka,


magaling! (Iaabot ni Bobot ang kaniyang kamay para sa isang high-five,
ngunit biglang naisip ni Jaime na suriin ang palibot at di na napansin si
Bobot.)

JAIME: Saan na siya? Di ba dapat nakauwi na siya? Gabing gabi na, kailangan
na nating tapusin ang trabaho.

BOBOT: Darating din yun; alam mo naman ang mukha niya? Gwapo katulad
mo? (Mapapahinto si Bobot sa pagtawa pagkakita na wala ng laman ang bote
niya.) Sandali lang. Yung mga magulang mo? Yung Tatay mo?

JAIME: Hindi, wala po silang alam, Sir. At wala silang malalaman. Di po ba


mas okay yung wala silang alam? Di ba SOP iyon? (Patuloy na titingnan ni
Jaime ang palibot habang tinitimpla ang kape. Ilalapit pa ni Bobot ang
kaniyang upuan sa mesa upang pag-aralan si Jaime nang maiigi.)

BOBOT: Anak ng . . . Ikaw si Jaime Villareal. Anak ka ni Captain Ilario


Villareal, hindi ba? Bravo! Bravo! Napakaswerte ni Anton sa iyo! Para kang si .
. . (Malikot na iyuyugyog ni Bobot ang kaniyang mga kamay) . . . para kang
isang superhero! Para kang si . . . si Batman! Alam mo, ikaw ang magiging
mukha, ikaw ang magiging bandila ng Kidlat! (bubulong) Alam mo bang timing
na timing ang assignment mo ngayon? Si Alfonso, miyembro siya ng Butirik
Gang. Sila ang parang . . . parang anak-anakan na rin ng Tres Alvarez. Oh,
imposibleng di mo kilala ang Tres Alvarez! Kinatay nila yung daddy mo na
parang litson! (Malakas na tatawa si Bobot) . . . Oh, ngayon, simula na ito ng
daan mo sa paghihiganti! (Tatapikin ni Bobot si Jaime sa pisngi.) Oh, ano?
Ngumiti ka naman diyan!

(Nalilitong titingin si Jaime kay Bobot)

BOBOT: Anong problema? Idol ko yung daddy mo! Kung yung back-up niya
lang sana ay—
JAIME: Sir, hindi ko yata— (Dahan-dahang tatayo si Jaime galing sa kaniyang
upuan ngunit biglang mapapatigil nang may makita sa dilim.)

BOBOT: Dapat gumawa sila ng komiks, hindi, teleserye o pelikula, tungkol sa


iyo. “Ang Paghihiganti ng Isang Anak.”

JAIME: Sir Bobot . . .

BOBOT: Oh. Ano?

(SFX: TAWA NG MGA BATA)

BOBOT: Lintik naman! Upo muna, bata! Dahan-dahan! Inumin mo iyang kape
mo!

JAIME: Diyos ko. . . . Dala niya ang mga anak niya . . .

(Titingnan ni Bobot ang kaniyang likuran.)

BOBOT: (bubulong) Akalain mo, oh! Tatlong babae, dalawang lalake. Parang


ang active nitong batang ito ah! Sabi ng intelligence mag-isa lang raw siya. Ano
ba naman. Galing pa yata sa mall. Hep, hep, papasok na sila ng bahay. Bilis!
Jaime! Sige na! Oras na ng exam! Lapitan mo! Tamaan mo sa ulo! (Sisipain ni
Bobot ang paa ni Jaime, ngunit hindi makagalaw ang bata.)

JAIME: Hindi ko kaya . . .

BOBOT: Hoy! Bata! Anong ginagawa mo! Sige na! Barilin mo na! Dali!

JAIME: Pero wala silang sinabi tungkol sa . . . hindi yata tama . . . wag sa harap
ng . . .

BOBOT: Nakapasok na yung mga bata! Bilis! Tayo! Tayo! (Tatayo si Bobot at


susubukang patayuin si Jaime.)

(HUMIHINA ANG MGA TAWA)


BOBOT: Bwisit kang bata ka! Tuloy, nasa loob na sila ng bahay. Makinig ka sa
akin, ha, tingnan mo ako, Jaime! Bibilang ako hanggang lima, tapos—

JAIME: Sir, parang hindi ko kaya—

BOBOT: Ano?! Anong sabi mo?! (Pakakawalan ni Bobot si Jaime) Hoy, bata,


sa palagay mo ba iuuwi ka namin sa mga Boy Scout sa Laguna kung hindi ka
papasa rito? Huwag kang umasa. Puwede ka ngang patayin ni Boss. Puwede
kitang patayin. (Ilalabas ang isang handgun.)

(Mapapatayo si Jaime)

JAIME: Sandali lang po, sandali lang! Hindi yata ito tama! Hindi ko mapapatay
ang taong ito sa harap ng kaniyang pamilya!

(Ibabalik ni Bobot ang baril sa kaniyang pantalon.)

BOBOT: Jaime, ganito kasi iyon. Kung hindi pa naipaliwanag ni Anton ito, sige
ha? Ako ang magpapaliwanag. Sige, hindi natin siya papatayin. Hayaan nating
mamuhay siya ng mapayapa kasama ang kaniyang mga anak. Galing sa PNP
ang ebidensiya natin na may sala itong si Alfonso, pero sa tingin mo ba, sa dami
ng kanilang inaasikaso, kabilang na doon ang magpayaman sa pagma-manhunt
ng kriminal na kaya silang bayaran, sa tingin mo ba kikilos sila? Sige, bigyan
natin sila ng isang buwan, isang taon. Huhulihin nila si Alfonso. Ibibilanggo.
Papiyansahan lang siya ng mga kaibigan niya. Kung di nila kaya, ipagpapalit
siya sa mas wais. Wala pa ring takot ang mga sindikato sa batas. Tungkulin
natin na—

JAIME: Panatilihin ang hustisya.

BOBOT: Oh! Alam mo naman pala! Eh di, bilis! Gawin mo! Bibilang ako
hanggang lima, tatakbo tayo, papasukin natin ang bahay ng tarantadong ito, may
isang segundo tayo na—

JAIME: (di mapalagay) Panatilihin po ang hustisya, hindi po ang pumatay ng


ama ng isang walong taong gulang na bata, Sir.
(Muling ilalabas ni Bobot ang kaniyang baril at puntoblangkong itututok sa
balikat ni Jaime.)

BOBOT: Alam mo, nalilito talaga ako sa iyo. Anak ka ni Villareal pero para
kang isang tuta na—

(Ilalabas ni Jaime ang kaniyang baril.)

BOBOT: Oh, ano, magpapakalalake ka na? Ang sabi ko, anak ka ni Villareal, na
walang awang pinatay ng mga kasosyo ng unang target mo, pero ang bait-bait
mo naman sa kaniya.

(Yuyuko si Jaime.)

JAIME: Walong taong gulang lang rin po ako nung—

BOBOT: Ah, di bale na, puwede naman natin siyang patayin pag tulog na
siya. (sisigawan si Jaime) Oh di kaya, pag sumikat na ang araw, kapag tapos na
iyang pagkukuwento mo!

JAIME: Iniwan kami ni Nanay. Umalis siya para sa Dubai. Di na raw niya kaya
si Tatay. Palagi na lang raid, palagi na lang overtime. Sabi nga niya na may mga
oras na . . . na hindi siya sigurado kung maghahanda ba siya ng tatlong plato, o
dalawa na lang, kasi hindi na raw siya sigurado kung magkakasama pa ba
kaming tatlo sa hapag-kainan. Pero sa akin— (Tatalikuran ni Jaime si Bobot at
dahan-dahang lalayo. Tutukan ni Bobot si Jaime sa ulo at ikakasa ang baril.
Titingnan ni Jaime si Bobot.)

JAIME: Para sa akin ay superhero si Tatay. Mayroon siyang magarang baril,


posas, at ginagamit niya ang mga ito para hulihin ang mga masasamang tao at
ipadala sa bilangguan para dun magdusa.

BOBOT: Villareal, pasukin mo na ang bahay! Ngayon na! Siguro para sa iyo,
superhero si Alfonso sa kaniyang mga anak, pero isa lang siyang kriminal na
iniihian ang batas, siya at lahat ng mga kasama niya! Kaya, dalian mo na!
Panatilihin mo ang hustisyang ikinamatay ng tatay mo!
(Babalik si Jaime sa mesa at ibababa ang baril dito. Nakasandal ang ulo niya
sa kaniyang mga palad.)

JAIME: Pero ipinakita ng Tres Alvarez na hindi siya superhero.

BOBOT: Sige, iyak lang, bata. Pero siguraduhin mo na nasa umagang balita ang
mga imahe ng labi ng target mo. Alam mo, sige, ako na lang. Pero isusumbong
kita kay Boss at patay ka.

JAIME: Siguro kaya po ninyo, Sir, pero hindi ko po kayang sumira ng pamilya
sa ngalan ng hustisya. Kung wala mang anak itong si Alfonso Almeda, may
mga magulang siya, may mga kapatid siya, hindi yata hustisya ang—

BOBOT: Hoy, Jaime, ha! (Hihilahin si Jaime.) Nakita mo ba ang record ng


taong ito? Oo nga, unang assignment mo siya, pero nakita mo ba? Siya ang
runner ng Butirik at ng . . . (Pakakawalan si Jaime.) Ano ba ito, di mo siguro
talaga maintindihan. Di ko rin maintindihan anong nakita ni Boss sa iyo, isa ka
lang emo-emo na teenager, may gatas ka pa sa labi!

JAIME: Sir, alam ko naman na kailangan itong gawin pero . . .

BOBOT: Jaime! Inaantok na ako! (Itataas ang boses) Tinatapon mo na rin ba


ang pagkakataong ito? Gusto kita, Jaime! Astig kang bata ka! Ibang klase ang
magagawa mo sa Kidlat! Itataas mo ang morale ng mga tauhan natin! At
matalino ka naman ah! Di ka lang killing machine, may utak ra rin! Baka nga
mapatumba mo ang Tres Alvarez balang araw kung gagamitin mo lang iyang
utak na iyan! Pero ngayon, ano! Mas pipiliin mong mamatay para sa isang
kriminal?

JAIME: Pero, Sir—

BOBOT: Ayan Sir, Sir, ka pa! Wala kang sarili mong konsiyensiya! Sige nga,
kung ako ang Sir dito, inuutusan kitang—

JAIME: (mataas na boses) Kung hindi natin siya bibigyan ng pagkakataon, ano


na lang ang mangyayari sa mga anak niya?
BOBOT: Eh di yan! Ibabalik namin ang bangkay mo sa PNP, oh, kaya sa
BJMP! Magpastor ka na lang sa mga preso! Pero sana hindi mo na lang inisip
na sumali dito!

(Lumabas si Alfonso sa bahay.)

ALFONSO: Hoy, mga pre! Anong kaguluhan to! Natutulog na ang mga anak
ko! . . . (Makikita ni Alfonso ang mga baril ni Jaime at Bobot.) . . . Put
— (Ilalabas ni Alfonso ang kaniyang baril pero bago siyang makaputok ay
babarilin ni Bobot ang kaniyang kamay at hita at mapapadapa si Alfonso.)

BOBOT: Tingnan mo nga ang ginawa mo, Villareal! Hoy, Alfonso, ha! Isara
mo iyang bibig mo! Gusto mo bang makita ng mga anak mo ito?

ALFONSO: Diyos ko, Villareal? Huwag niyong sabihin si—

BOBOT: (pagalit na bubulong) Tahimik sabi! Itaas ang kamay!

ALFONSO: Sir, please! Wala akong alam!

(Kukunin ni Bobot ang baril na naitapon ni Alfonso at babalik sa may tabi ni


Jaime na nakatutok ang dalawang baril kay Alfonso.)

BOBOT: Villareal, makinig ka! Bibigyan kita ng huling pagkakataon!

(Itataas ni Jaime ang baril at itututok kay Alfonso.)

ALFONSO: Mga pare, inutusan lang ako! Kailangan ko lang po ng pera, hindi
kakasya ang suweldo ng asawa ko!

BOBOT: Bata! Dalawa sa puso, isa sa ulo! Parang sa Marines lang!

ALFONSO: (nagmamakaawa) Mga bro naman, oh! Please! Pramis, susuko na


ako sa pulis, bukas agad, pramis iyan!

JAIME: (nanginginig ang kamay) Bobot! Narinig mo! Susuko na raw siya!


BOBOT: Ako na lang ang tatapos sa kaniya, ha, duwag? Huwag kang
magbakasakali, ikaw na ang susunod!

ALFONSO: Mga sir, please po! Ang mga anak ko po! Ang asawa ko!

BOBOT: Hindi lang pala itong si Jaime ang mahilig sa drama. Sana nandito
yung Tatay mo, Villareal, siguradong. . . (Ihahampas ni Jaime sa ulo ni Bobot
ang kaniyang baril at mawawalan ng malay si Bobot.)

ALFONSO: Pare. Kinailangan ko lang talaga ng pera. Pakawalan mo na ako,


pramis, aayusin ko ito. (Tatayo si Alfonso at ibababa ni Jaime ang kaniyang
baril. Ilalagay ni Alfonso ang kaniyang kamay sa likod niya.)

JAIME: Sorry, Alfonso.

ALFONSO: Hindi, Jaime, sorry. Sorry sa Tatay mo, hindi siya karapatdapat na
mamatay. Pero, anong magagawa natin, ganito talaga ang mundo. May mga
pangangailangan ang pamilya, papasok sa kahit anong negosyo. Gagawin ang
lahat para di rin mawala sa kanila.

(Dahan-dahang itataas ni Jaime ang kanyang baril.)

ALFONSO: Oh, sige na. Kung puwedeng magba-bye na muna tayo. May
aasikasuhin pa ako sa umaga. Umalis ka na muna, pre. (Ilalabas ni Alfonso ang
isa pang baril ngunit bago pa man niyang maitutok ito, babarilin na siya ni
Jaime. Mapapadapa uli ito at lalapitan ni Jaime. Sisikapin ni Alfonso na
tumayo, ngunit babarilin na naman ni Jaime, at mapapatumba si Alfonso at
mapapahiga sa kaniyang tiyan.)

JAIME: Pangako, gagawin ko ang lahat upang matulungan ang pamilya mo.

(Magsimulang bumalik sa kanyang sarili si Bobot at siya’y papalakpak.


Lalapitan pa ni Jaime ang bangkay ni Alfonso at gagamitin ang kanyang paa
upang ipahiga ito sa kaniyang likod.)
BOBOT: Ayan. Ayan ang sinabi ko sa pinakauna kong biktima. (patawa) At
hinding hindi ko nagawa. Maiintindihan mo rin, bata. Pero, pasok ka na.
Congrats. Isa ka ng vigilante.

(Didilim habang may ilang mga putok ng naka-silencer na handgun.)

{Music}

Marc Josiah Pranza is a BA English-Creative Writing student from the


University of the Philippines Mindanao. He has been a Fellow to the Davao
Writers Workshop and the Iligan National Writers Workshop. This play
was presented in UP Mindanao in March 2014. 

You might also like