You are on page 1of 14

Yunit I- Maikling Kuwento: Kasaysayan, Kahalagahan, Katuturan, Uri at

Bahagi

Unang Aralin- Saysay ng Kasaysayan: Panimula at Pinagmulan

Introduksyon

Ang nakaraan ang nagiging batayan kung paano matututuhang harapin


ang kinabukasan. Kaya bilang panimula, tatalakayin natin sa araling ito ang
kasaysayan ng maikling kuwento bilang bahagi ng panitikan, at ang naging mukha
nito sa paglakad ng panahon. May mga aral ang kasaysayan na maaaring mong
maging gabay bilang indibidwal sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dagdag pa,
makatutulong din ang ginagampanang papel ng maikling kuwento sa
pamumuhay ng Pilipino noon at ngayon.

MAIKLING KWENTO AT NOBELANG PILIPINO

Pagtataya

1. Ano ang maikling kuwento?

2. Sa atin ba nagmula ang pag-usbong ng maikling kuwento? Saang yugto ng


kasaysayan matatagpuan ang pagsibol ng maikling kuwento sa Pilipinas?

3. Ano ang masasabi mo sa pagbabago nito sa pagdaan ng panahon?

Gawain

Kumuha ka ng papel (o kahit anong puwedeng gamiting panulatan). Isulat mo ang


mga pangungusap na “Isang gabing madilim. Malakas ang ulan. Lumalangoy ang
buwan sa kalaliman ng kalawakan.” Bigyan ang iyong sarilI ng isang minuto para
dugtungan ang kuwento. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglampas sa itinakdang
oras.

Pagtalakay

Sa kamalayan (bilang indibidwal) maaaring magsimula ang ating katinuan.


Karanasan ang pundasyon kung paano mabubuo ang kamalayan.
Kasaysayan Maituturing na bulag sa kanyang nilalakaran kung hindi man lang
siya minsang lumingon sa kanyang pinaggalingan. Samakatuwid, malaki ang
bahagi ng kasaysayan sa pagkakakilanlan indibiduwal man o ng lipunan. At isa ang
panitikan sa dalisay na kuwentista ng kasaysayan.

Kung gayon, sa iyong palagay, nawawala ba ang saysay ng kasaysayan kung


hindi tumatalima sa kanyang tungkulin ang panitikan?

Nakokompromiso ba ang iyong pagtunton sa reyalidad?


Isang magandang halimbawa ang kasaysayan ng maikling kuwento
at katuturan nito sa pagdaan ng panahon. Pasubalian man o hindi, may bahagi
ng karanasan ng manunulat ang kaapid sa kabuoan ng kasaysayan.

Kilala natin ang maikling kuwento bilang isang uri ng


panitikang pangkaraniwang banghay ay may simula, pataas na aksyon, gitna (o
kasukdulan), papabang aksyon at wakas, tunggalian ng mga tauhan. Binigyang-
kahulugan naman ito ni Reyes (1982) bilang mas maikli, mas kakaunti ang tauhan at
sitwasyong isinasali kaysa sa nobela. Dagdag pa niya, hiindi rin matatatwa na ang
mga paksa, tauhan at tema na nagamit na sa nobela ay ang siyang
masusumpungan sa maikling akda.

Malaki rin ginampanang papel ng dayuhang mananakop upang sumibol ang


bersyon ng maikling kuwento sa ating bansa. Makikita ito sa sinabi ni Pascual (2015)
na bunga ng kolonyalismong Amerikano bilang isa pang daluyong ng modernisasyon
ng bansa ang maikling kuwento. Bagaman maaari ring sabihin na kapatid o uri rin
nito ang ilang panitikang umiiral na sa Pilipinas kahit wala pa ang mga dayuhan. Ito
ang mga nagpasalin-dila ng mga alamat, kuwentong-bayan, salaysay.

Bitbit ito ng kolonyalistang Amerikano sa unang yugto ng pananakop at


isinama rin sa sistema ng edukasyon dahilan upang lalong manuot sa ugat ng
panitikang Pilipino at maging bahagi na ito ng mga katha ng ilang Pilipinong
manunulat katulad nina Jose Garcia Villa at Zoilo Galang sa wikang Ingles.

Lumabas ang ilan sa mga unang maikling kuwento sa magasin ng


Liwayway, na karamihan sa tema ay naglalaro sa kumbensyonal na pagsulat o
sa tinuran ni Reyes (1982), di nagbabagong realidad na pinainog sa pansariling
karanasan ng ilang indibiduwal. (p. 2)

Pag-ibig o romantisismo ang unang mga paksain ng maikling kuwento.


Sa maliit at makitid na konsepto ng pag-ibig hinalimbawa ang mga unang tema
ng kuwento. Ito ang mga kuwentong patok at kakagatin kaya nakasanayan na
itong maging paksang pangmasa. Tunay itong naglalayo sa kung ano ang bungang
dulot ng imperyalismong dayuhang Amerikano at Kastila, na karaniwan na tagpuan
ay ang paghahambing ng magkaibang katayuan ng buhay

sa lungsod at kanayunan na nakamamanghang napagtatagpo ng ideyalistang


pananaw. Bagamat may ilang kuwentong sumumpang magsasalaysay ng
materyal na kondisyon ng bansa, hindi maiiwasang matabunan ito ng
kumbensyonal na sulating tunay na destakamento sa katotohanan. Ilan sa mga
manunulat na lumayo sa kumbensyonal ay sina Deogracias Rosario, Amado
Hernandez, Lope K. Santos at iba pa.

Masalimuot man ang simula, nagkaroon ng pagkilos at pagtatangka ang ilang


manunulat na mabago ang tema sa pamamagitan ng paggamit pa rin ng mga luma’t
kombensyonal na banghay ngunit unti-unting pagkalas sa makasarili papunta sa
mas malawak na isyung-panlipunan. Kung dating pag-ibig sa katipan, ay naging
pag-ibig

sa bayan at iba pang masaklaw na tema ang tinatawid na konsepto nito.


Bagaman nandoon pa rin ang romantisismo, kita pa rin ang pamamayani ng
modernismong pagsulat sa panahon ng bagong Kalayaan (1950) at Aktibismo at
Bagong Lipunan (1960).

Depende sa hinihinigi ng panahon, o sa kamulatan/kahandaan ng manunulat


sa pag-inog ng kasaysayan, nahuhulma ang pagsasalaysay ng maikling kuwento
sa umiiral na reyalidad bilang bahagi ng panitikan sa lipunan.

Abstraksyon

Nalaman mo na ang katuturan, kasaysayan ng maikling kuwento at


kahalagahan nito sa kamulatang Filipino, isulat mo naman kung paano nagiging
malayo sa reyalidad/kasaysayan/karanasan ng lipunan ang nilalaman ng maikling
kuwento.

1.Reyalidad-

2. Kasaysayan-

3. Karanasan-

Aplikasyon

Ngayon ay magagamit mo ang iyong natutuhan tungo sa mas mainam


pang pagsusuri sa lipunan. Ano sa tingin mo ang maitutulong ng kasaysayan ngayon
upang masuri/mapag-aralan, kung hindi man masolusyonan, ang kinahaharap na
sakit o pandemya ng buong mundo? Magbigay ng tatlong punto at ipaliwang.

Repleksyon

Isulat kung ano puwede mong maiambag bilang isang Pilipino, o isang mag-
aaral na nagpapakadalubhasa sa kursong Filipino sa pagpapayabong pa ng pag-
aaral ng kasaysayan hindi lang ng maikling kuwento (o ng panitikan)
tungo sa pagpapaunlad ng indibidwal na kamalayan.

Pagtatasa

1. Isulat ang bagong konsepto ng maikling kuwentong nabuo sa iyong isipan


matapos ang talakayan. Maglahad ng dalawang miskonsepsyon na
naliwanagan sa iyo nang matalakay ang kasaysayan ng maikling kuwento sa
bansa.

2. Sa anong aspekto ng pamumuhay ng Pilipino nakatulong ang pagbalikwas sa


nakagawiang tema ng mga manunulat ng maikling kuwento? Ipaliwanag.
3. Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkatuto ng kasaysayan laluna sa kabataan
ngayon.

Ikalawang Aralin-Kahalagahan at Katuturan ng Maikling Kuwento sa Lipunan

Introduksyon

Matapos malaman at maunawaan ang kasaysayan, tatangkain sa araling ito na mas


ilarawan pa ang mga kahalagahan at katuturan ng maikling kuwento sa lipunan.
Bukod sa tagapagsalaysay ng reyalidad, susubukang ihain ang mga gampanin pa
nito bilang bahagi ng panitikang progresibo at umuunlad pa hanggang sa
ngayon. Mahalagang matutuhan at maisabuhay ito sapagkat tumutulong ito sa
matalas na pagsusuri at pagiging malay sa grupo o komunidad na sinisimbulo ng
bawat tauhan at tagpuan ng akda at kung ano kalagayan nila/nito sa lipunan.

Gawain

Gamit ang salitang ‘kuwento’, bigyan ito ng akronim ng mga bagay na


maaaring iuganay sa aralin. Maaari itong Isang kilalang manunulat o
akda, o mga konseptong/mga parirala o pangungusap na naglalarawan sa
maikling kuwento.

Pagtalakay

Kung tutuntunin muli ang kasaysayan, maaaaring ang maging hinuha ay


mapait ang pinagdaanan ng maikling kuwento lumubog sa putikan ng
komersiyalisasyon, nalahiran ng dungis ng konsepto ng makasarili at makitid na
pag-ibig. Ngunit hindi mananatili sa ganito ang lakad ng kasaysayan. Paunti- unti
nitong nahuhugasan ang dumi at nagkaroon ng hangarin na hindi na lamang
naglilingkod sa interes ng iilan.

Dito nagsimulang mabuo ang tunay na landas na tatahakin ng maikling


kuwento. Marami itong pinukaw na damdamin sa pagbabago ng genre. May
mga kumbensiyonal na mga manunulat ang umalma sa paparating na
pagbabago, pangyayaring hindi maiiwasan sapagkat bumabangga na ito sa
nakasanayang

kamalayan. Higit sa lahat, tumaas man ang mga sarkastikong kilay ng luma,
nagbigay naman ito ng daan para magkaroon ng mas mataas na katuturan. Pag-
aralin natin ang mga sumusunod:

Pagmumulat . Kasunod ng paglalahad, hindi maaaring hindi mababago


ang bihis ng maiking kuwento nang sumimulang dumaong ang modernismo sa
nilalaman nito. Naging isa sa mga katuturan nito ang pagmumulat sa
mambabasa na dinadaluyong ng ibat ibang pagpapahirap bunga ng sistemang
kapital. Ang pagsulat ay dapat may layuning panlipunan (Tablan, 2011). Hindi
lang basta pagmumulat-kaisipan, hanggang maaari ay puwersang magtutulak para
kumilos at tanggapin ang hamon sa pagbabagong sosyal at politikal sa lipunan.

Paglilingkod sa minorya ng lipunan. Matatandaang napag-aralan na


ang tagpuan na gamit sa kuwento ng modernismo ay wala pa rin iniwan sa luma,
pero pinihit ang tema nito nang dahan-dahan upang pumanig naman sa
mga sentimiyentong nagpapahirap at pinagdidildil ng asin ng masang-api.
Lumutang ang mga akdang pumapanig sa kababaihan, iskuwater, manggagawa,
mga pulubi na pagala-gala sa lungsod, puta, lahi/etnisidad na bansang hindi pansin
at iba pang grupo na nasa laylayan.

Mapagpalaya at makatotohanang tema. Maaaring pagmulan ng


diskusyon ang puntong ito sapagkat hindi pa saklaw ang temang ito ng maikling
kuwento sa panahon ng Amerikano. Matatandaang tinalakay sa nakaraang
aralin na ang romantisismo o ang ‘katotohanang’ ito ay nangyayari lang, sa danas
ng iilan at malayo sa mambabasa.

Kung gayon, mas matimbang ang katotohanang nagaganap sa mayorya o masa.


Masasabing ang nauna ay isang katotohanang ‘katha’ ng sintetikong imahinasyon
ng manunulat kung tutuusin. Hindi dama at nangyayari lamang ito isang
ideyalistikong dimensyon. Ang kadenang ito ang kinalag ng reyalisasyon
ng modernismong panahon. Patunay lamang na sa sinabi ni Pascual (2015) na
kayang kargahin ng maikliing kuwento ang pambansang karanasan ng bansa sa
kabila ng limitasyon sa anyo.

Ang tatlong nabanggit ay makikita sa mga maikling kuwentong naghimagsik


sa kani-kaniyang panahon. Ang mga ito ang responsable sa pagbuo ng bait ng
prinsipyo puwedeng likhain sa kaisipan ng mambabasa. Marami pang katangian ng
katuturan ang hindi mababanggit sa aralin na ito ngunit masusumpungan
naman sa mga pangunahing tinatalakay na katuturan ng maikling kuwento.

Abstraksyon

Ilan lamang sa natutuhan mo ngayon ang katuturan ng maikling


kuwento. Subukan mong magbigay pa ng dalawa o tatlong katuturan pa hango sa
sarili mong bersyon. Maaaring gawing sanggunian ang mahihinuha mong
katuturan sa mga nabasa mong mga akda.

Aplikasyon

Ang kahalagahan ng maikling kuwento ang sasalamin kung paano


mo magagamit ang natutuhan sa aralin. Sinadaya itong hindi isama sapagkat
mas maganda kung personal kang magbibigay ng kahalagahan nito sayo matapos
mong matutuhan ang mga katuturan. Gamit ang kaalamang natamo sa aralin,
ipaliwanag sa ang kahalagahan ng mga katururang ito sa pag-unawa ng mga
akdang nabasa at babasahin mo sa hinaharap at kaugnay sa pag-aaral ng lipunan
at panitikang Pilipino.
Repleksyon

Sa isang sanaysay, isulat kung paano nabago ang iyong pagtingin sa mga
akdang pampanitikan matapos ang malaman ang ilan sa katuturan ng
maikling kuwento.

Pagtataya

1. Sa iyong palagay, paano nakatulong ang mga mapangmulat na akda


sa panahon ng pananakop at kahirapan noon?

2. Ano naman ang kalagayan at ‘turing’ ngayon sa mga akdang tumatalakay


sa kamalayan at isyung panlipunan ng ating bansa? Ipaliwanag.

3. Ano ang naging pekto ng komersyalisasyon sa katuturan ng mga


akdang pampanitikan ngayon? Ipaliwanag.

Ikatlong Aralin: Uri, Katangian at Bahagi ng Maikling Kuwento

Introduksyon

Ilalahad sa aralin na ito ang uri, katangian ng bahagi ng maikling kuwento na


umiral simula nang ito’y yakapin hanggang sa mga nagdaang yugto ng pantikang
Pilipino. Magkakaroon ng ideya tungkol sa teknikalidad ng akda ang mag-
aaral hanggang sa mamalas ang paglaya nito sa kumbensiyonal na pagsulat sa
istruktura at paggamit ng wika.

Pagtataya

1. Bakit hindi nanatili ang maikling kuwento sa nakagisnang pormat nito?

2. Ano sa iyong palagay ang istruktura ng maikling kuwento nang kumalas ito
sa tradisyunal na kaayusan?

3. Mahalaga ba na malaman ng mababasa ang teknikalidad ng akda? Paano


ito nakatutulong sa pag-unawa ng nilalaman?

Gawain

Mula sa salitang “katha”, bumuo ng akronim ng mga uri, katangian, bahagi ng


maikling kuwento nabubuo sa iyong isipan.

Pagtalakay

Nalaman na natin na hindi talaga sa panitikang Pilipino isinilang ang


maikling kuwento at may mga ebidensyang umusbong lang ito sa panahon ng
pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa. Gayumpaman, sinasabing ang mga
uri nito ay mga akdang pampanitikan na natunghayan nating buhay na kahit
wala pa ang mga dayuhan sa ating lupa. Isa lamang patunay na may sarili na
rin tayong bersyon bagaman magkakatalo lamang sa pagkakaiba kung ano ang
kaayusan, istruktura at tema. Ngayon, aalaman naman natin kung ano bang mga
sangkap ang bumubuo sa maikling kuwento at iba pang uri’t katangian nito.

Bahagi. Likas na mas maiklli ito kaysa nobela kung kayat siguradong may
pagkakaiba ang kani-kanilang mga bahagi. Narito ngayon ang sangkap ng
maikling kuwento:

1. Banghay- Naririto ang pagkakasunod-sunod at pagkakaugnay-ugnay ng


daloy ng mga pangyayari sa kuwento. mauunawaan ng mambabasa ang
akda kung ito ba ay gumagamit ng baliktanaw (flashback), pabaligtad na
simula, at iba pa. maaaring maglaman ito ng mga sumusunod:

a. Panimula

b. Suliranin

c. Tunggalian

d. Papataas na aksyon

e. Kasukdulan

f. Kakalasan

g. Pababang aksyon

h. Wakas

2. Tauhan- ang personang gumagampan s takbo ng kuwento. maaaring ito


ang pangunahing tauhan, pantulong na tauhan, o
protagonista/antagonista sa ibang katawagan.

3. Tagpuan- tumutukoy sa lugar o pinangyarihan ng kuwento. Hindi sa lahat


ng maikling kuwento ay iisa lamang ang tagpuan. Maaari rin itong
madagdagan depende sa hinihingi ng banghay ng kuwento. madalas na
iisa lamang ang tagpuan dahil sa taglay na kaiklian ng akda.

4. Paningin- ang punto-de-bista ng kuwento. maaaring sumanib sa tauhan


ang manunulat o ang tauhan mismo ang naglalahad ng kanyang
pananaw sa habang sumusulong ang kuwento. ilan sa halimbawa nito
ay ang mga sumusunod:

a. Pangingin ng/sa unang tauhan- maaaring nakapaloob na ang pananaw sa


sa tauhang dominante sa kuwento o kaya naman instrumento siya para sa
pananaw ng manunulat.
b. Paningin ng/sa ikatlo/pantulong na tauhan- ang pananaw namang ito
ay kakikitaan kadalasan ng pansuportang paningin sa pangunahing tauhan.
Maaari ring may sarili rin itong paningin na tutuligsa sa naunang paningin.

c. Tagapagsalaysay- nagsisilbing lente ng kuwento ang may hawak ng


paningin. Hindi siya nakakapasok sa alinmang tauhan sa kuwento. Tanging
obserbasyon sa pangyayari at paglalarawan nito ang tungkulin ng
tagapagsalaysay.

Ang ilan sa mga paningin ay halos nagkakaroon na lamang ng


pagkakapareho at umiikot lang ito sa unang tatlong nabanggit.

Uri. Maaaring magkaiba ang maikling kuwento batay sa nilalamang tema o


genre. Narito ang ilan sa mga halimbawa (Salazar et al., 1995)

1. Kuwento ng Katutubong Kulay- binibigyang-diin ang kapaligiran at mga


pananamit ng mga tauhan, ang uri ng pamumuhay at hanapbuhay ng mga
tao sa nasabing pook.

2. Kuwento ng Madulang Pangyayari- binibigyang-pansin ang mahahalaga,


kasindak-sindak at mga pambihirang pangyayaring nakapagpapabago sa
mga tauhan.

3. Kuwento ng Pakikipagsapalaran- nasa balangkas ng pangyayari at wala sa


tauhan ang kawilihan at interes nito.

4. Kuwento ng Kababalaghan- mga di kapani-paniwalang mga pangyayari


bukod pa sa mga katatakutan ang tuon

5. Kuwento ng Tauhan- ang interes at diin ay nasa pangunahing tauhan.

6. Kuwento ng Sikolohiko- bihira ang sumusulat ng ganitong uri sapagkat


mahirap ilarawan ang pag-iisip ng isang tao. Kailangang maipadama sa mga
bumabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang pangyayari.

7. Kuwento ng Katatakutan- nasa mga nakasisindak na mga pangyayari na


nakapagpapatinag ng damdamin at kilos ng mga bumabasa.

8. Kuwento ng Katatawanan- magpatawa at magbigay-aliw sa mga


mambabasa ang layunin ng akda.

Katangian. Makikita na hindi magiging interesante ang maikling kuwento kung hindi
ito nagtataglay ng mga mabubuting katangian ng isang akda. Narito ang ilan:

1. May kalinawan- sinisigurong ang daloy ng kuwento ay hindi nakagugulo sa


pang-unawa ng mambabasa bilang iisa na lamang din ang pokus (sa
tauhan, tema at istruktura) nito.
2. May kaisahan- nagkakasundo ang banghay, uri ng maikling kuwentong
gagamitin. Tugma ma ba ang ikinikilos ng isang tauhan sa isang bahag ng
akda? Nabigyan ba ng hustisya ang tunggalian sa simula? Lahat ng mga
konseptong ito ay kinakailangan na may kaugnayan sa isat-isa.

3. Paggamit ng mga idyoma- may pagkakataon na ang paggamit ng salita ay


nagkakaiba base sa kung ano ang istila ng manunulat. Gayumpaman,
siguraduhing mauunawaan kahit nais mag-iwan ng palaisipan ang sa dulo o
sa aral ng kuwento.

4. Mga simbolismo- hindi ito nawawala sa isang akda sapagkat nagbibigay ito
kalinawan sa kung ano/sino ang nais katawanin

ng isang bagay/tauhan/lugar sa kuwento. Kagaya rin ng idyoma, Siguraduhin lang


din na may kalinawan ito.

5. Palaisipan- kakabit ng dalawang naunang katangian, nakasalalay sa mga ito


ang ikagaganda ng palaisipan. Dito hinahamon ang mambabasa sa kung ano ang
puwedeng resulta sa isang kaganapan sa akda.

Ilan lamang ito sa dapat ikonsidera tungo sa ganap na pag-intindi ng


akda. Gayumpaman, may mga manunulat na hindi sinusunod ang ganitong
kaayusan depende sa pamamaraan. Nagsisilbi lamang itong obserbasyon at
puwede itong mabago dahil ang pagsulat ay isang malayang sining.

Abstraksyon

Gamit ang Venn Diagram, isulat ang iyong mga nalaman sa aralin at ihambing ang
sa tingin mong mukha ng maikling kuwento noon at ngayon sa bahagi, uri at
katangian.

Maikling kuwento Noon Maikling Kuwento Ngayon

Aplikasyon

Pumili ng isa sa mga uri ng maikling kuwento bilang tema para makasulat ng isang
dagli na may habang 100-300 salita. Maaaring isang eksena lang ito sa iyong mga
nagdaang araw na may kawili-wil at interesanteng kuwento.

Repleksyon

Isulat sa isang sanaysay ang reyalisasyon mo ukol sa kahalagan ng bahagi, uri at


katangian ng maikling kuwento at bakit hindi ito sinusunod ng ilan sa mga manunulat
ngayon.

Pagtataya

1. Sa mga uri ng maikling kuwento tinalakay, alin ang pinakagamiting tema


sa ngayon? Bakit?
2. Mahusay ba ang isang akda kung maganda ang nilalaman ngunit
walang istruktura/kumbensyon sinusundan? Ipaliwanag.

3. Saang bahagi at katangian ng maikling kuwento lubos na napupukaw


ang interes ng mambabasa? Ipaliwanag.

Ikaapat na Aralin: Deogracias Rosario at Amado Hernandez: Ang Kanilang


Maikling Kuwento at Ambag sa Panitikan at Kamalayang Pilipino

Introduksyon

Tatalakayin sa araling ito ang talambuhay ng ilan sa mga mahuhusay na


manunulat sa maikling kuwento at ang ilan sa mga naitulong ng kanilang katha sa
mga mambabasa at sa pagyabong ng Panitikang Pilipino sa mga nagdaang
panahon. Maaaring masuri ng mag-aaral kung saan kumukuha at namamalas
ng isang manunulat ang kanyang inspirasyon sa paglikha ng mga obra.

Pagtataya

1. Anong akda ng iyong paboritong Pilipinong manunulat ang hilig mong


basahin? Tungkol saan ito?

2. Masasalamin ba sa mga akdang nagawa ng isang manunulat ang


karanasan niya sa lipunan? Ipaliwanag.

3. Kailangan bang taglayin ng isang manunulat ang malawak na karanasan?


Bakit at bakit hindi?

Gawain

Subukin ang kaalaman. Bigyang-kahulugan ang salitang “tema’ sa paggawa ng


akronim nito na galing sa mga mga manunulat na kilala mo. Maaari itong lokal na
manunulat o dayuhan.

Pagtalakay

Maraming nagsasabing ang henerasyon ngayon ay hindi na nagbabasa.


Maraming distraksyon ang nakapaligid simula nang umigpaw ang panahon ng
modernisasyon sa teknolohiya, salarin kung bakit hati ang atensyon ng
kabataan. Ngunit minsang sinabi ni Jun Cruz Reyes, nagbabasa pa rin sila, iba
nga lang ang binabasa nila.

Malaki ba ang responsibilidad ng manunulat sa ganitong pag-uugali


o behaviour ng mga mambabasa? Bahagi rin ba ng kamalayan ng manunulat na
nasa akda ang bumubuo sa malaking kamalayan ng mambabasa?
Maaari nating sabihing ang iba na tinutukoy ni Reyes ay isang manipestasyon
ng dating anyo ng maikling kuwento. Ang romantisismo—sa panahon ngayon ay
nagbago lang ng anyo, pero nandoon pa rin ang makitid at makasariling konsepto ng
pag-ibig bunga ng ideyalismo. O di kaya nama’y simpleng iba na ang
“romantisismo” na hilig ng mga mambabasa ngayon na nagbagong anyo.

Mas mainam kung matuturuan ang mambabasa na mahalin ang mga


akdang hindi nalalayo sa reyalidad. Kung gayon, Isa sa mga mainam na pantulong
ay pag-aaral sa talambuhay ng dalawang piling manunulat sa aralin na ito.

Si Deogracias Rosario ay isa sa mga manunulat na kilala sa larangan


ng maikling kuwento. nakalikha siya ng hindi aabot sa isandaang katha, na
karamihan ay naglalaman ng kuwento ng pag-ibig bilang kanyang instrumento sa
pagtalakay sa mas malawak na suliranin at reyalidad ng lipunan. Makikita ito
sa sinabi ni Dizon (2014)”. sinikap niyang masuri ang paksang pag-ibig sa
iba’t ibang aspekto ng kanyang paglitaw sa buhay ng tao at lipunan.”. Ilan sa mga
gawa niya ay napasama sa antolohiya ng pinakamahuhusay na akda. Sapat na
para ituran siya ng mga kritiko bilang “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong
Tagalog”.

Isang magandang halimbawa ang mamalas ang ilan sa mga karanasan


ng buhay-manunulat Rosario dahil ang kanyang panulat na ay napagitnaan ng
transisyon ng makabago at kumbensyonal na pamamaraaan ng pagsusulat, o
maaari nating masabing sa sipat ng araling ito, sa gitna ng romantisismo at
modernismo ng pagsulat.

Ipinanganak noong Oktubre 17, 1894, masasabing namalas ni Rosario


ang pagbabagong-bihis ng kolonyal na estado kung hindi man ng Pilipinas,
ay sa kalunsuran bilang sentro ng “pag-unlad” sa iba-ibang larangan.

Mababakas sa karamihan ng tagpuan ng kanyang akda ay nakabatay sa


mga pamosong pagkakakilanlan ng Maynila. Makikita ito sa sinabi ni Dizon (2014):

“.. Ang posibilidad ng bagong panahon at ang epekto nito sa buhay, lalung-laluna
sa siyudad na siyang sentro ng alinmang bagong litaw na kultura o tradisyon, ang
pilit na tinutuklas ni Deogracias A. Rosario sa kanyang sining. Mayroon bang
makapagkukuwento ng kagaya ng pagkukuwento ni Deogracias A. Rosario sa “Ang
Babaing Nakadominong Itim,” sa Taginting ng Jazz,” “Ang Dalawang Larawan sa
May-ari ng Puso Ko,” “Greta Garbo”? Sinong manunulat ang makalilikha ng mga
tauhang gaya ng isang pintor, biyolinista, mezzo soprano, sportman , payaso, at iba
pang mga personaheng maaaring mabuhay at umiral lamang sa masalimuot at
dekadenteng atmospera ng lungsod ng Maynila?”
Malaking pader ang binasag ng sining ng Ama ng Maikling Kuwento dahil
ang ginamit niya ang istilong

kinagisnan (romantisismo) ng mga naunang manunulat upang maging tulay at


buhayin ang kamalayan ng mambabasa tungo sa mas mapagpalaya pang mga
kaisipan at tumiwalag sa ‘moralidad’ na tinakda ng simbahan ng naunang
mananakop at kalunsurang karangyaan ng Amerikano na talakayan din sa mga
nagdaang aralin.

Isa naman sa kilala ring manunulat ng maikling kuwento at naghatid ng


kakaibang temang isinilang ng kanyang mga katha bunga ng kanyang karanasan ay
si Amado V. Hernandez, binansagang “Manunulat ng mga Manggagawa” dahil sa
kanyang mga akda na tumatalakay sa mga suliranin at pagdarahop na dinaranas ng
mga taong nas laylayan ng lipunan partikular na ang mga uring bumubuhay sa
mundo.

Sa tala ni Tablan (2011), isinilang si Ka Amado sa Tundo, kilalang lugar


ng anakpawis sa kalunsuran, noong Setyembre 13, 1903. Kakikitaan na kaagad
siya ng husay sa pagsulat nang gawan niya ng tula na naglalarawan sa kanyang
lugar ng kapanganakan bilang lugar ng mahirap at maraming tao. Narito pa ang
pagtalakay ni Tablan sa buhay ni Hernandez:

“.. Ang panahon ni Hernandez (1903-1970) ay sumasakop sa panahon


ng pananakop sa bansa ng mga Amerikano, panahon ng Commonwealth,
ikalawang digmaang pandaigdig, at ng unang tatlong dekada ng panahon ng
kalayaan. Ang pananankop ng Hapon ay lalong nagpaigting sa relasyon ng mga
Pilipino at mga Amerikano habang sila’y nagtulong sa digmaan. Dahil din sa
digmaan, maraming mga maylupa ang napilitang iwanan ang kanilang hacienda at
ito ay napunta sa kamay ng mga magsasaka na

nakaranas ng kalayaan at pagsasarili. Nagtatag sila ng Hukbalahap. Ngunit


matapos ay digmaan ay pinaalis sila sa lupang kanilang sinasaka at itinuring ni
Pangulong Roxas na tulisan dahil sa pagsuporta nila sa kalaban sa
pagkapangulo na si Osmena. Malungkot na winika ni Hernandez na ang nangyari
sa Pilipinas ay kabaliktaran sa naganap sa mga bansa sa Europa kung saan ang
mga bayaning nakipaglaban sa mga mananakop ang siyang pinaranglan at
humawak ng liderato matapos ang digmaan. Sa halip, ang mga bayani ay
inusig at tinugis. Maraming suliranin ang kinaharap ng bayan matapos ang
digmaan tulad halimbawa ng mga isyung kolaborasyon at back-pay, rehabilitasyon,
at kahirapan.” (p. 18)

Kung mabuting susuriin, tunay na nakatulong ang karanasan ni Hernandez


sa kanyang pagsulat at mas

malalim pang pag-abot sa mga kolektibong danas ng mga mahihirap sa kalunsuran


maging sa kanayunan. Dagdag pa, nagkaroon ng mas lalim ang kanyang sulat nang
siya’y ikulong sa bilibid sa salang rebelyon noong 1951 sa panahon ng
administrasyong Quirino, na binatbat ng mga isyu ng mga Huk na nagtangka
noon na patalsikin ang pamahalaan. Ito ang naging isa sa mga akusasyon kay
Hernandez para makulong nang paratangan siyang kabilang sa makakaliwang
grupo na naghahasik umano ng lagim sa bansa. Nakapagsulat siya ng ilang
akdang nagbibida sa kanyang mga nasaksihan kahit nasa loob na ng piitan gaya
ng “Isang Dipang Langit’, “Luwa ng Buwaya” at ang kanyang maikling kuwentong
‘Langaw sa Isang Basong Gatas’. (Tablan, 2011)

Ang kanilang mga akda ang nagmarka sa makabagong pamamaraan ng


pagsulat kundi man ay

unang mga hakbang para bumalikwas sa doble-karang moralidad na itinatak sa


katinuan ng ating mga mananakop. Ang inhustisyang pilit pinagtatakpan ng
romansang dumaloy din sa karamihan ng nobelang Pilipino noon ay ganito ang
pinapaksa malayo sa katotohanan, eskapismo at eksaheradong katotohanan
(Alcantara, 2014).

Kapansin-pansin din na malaki ang naging impluwensya ng dalawang


manunulat upang maghimagsik ang iba pa sa larangan ng panitikan noon at
ngayon. Ibig sabihin, hindi lang mambabasa ang nagiging kaapid ng manunulat sa
kanyang kamalayan at kamulatan (sa pinakamataas na maabot ng impluwensya),
kundi kapwa niya ring tagapagkuwento ng kasaysayan at danas-lipunan.
Maituturing ngayon na malaki ang tungkulin ng manunulat sa kanyang mambabasa.
Maaari niyang ihatid ang tumutunghay sa kanyang akda sa dalawang
posibleng paroonan sa kamangmangan o sa umiiral na pangkalahatang
katotohanan sa kanyang paligid.

Bilang mambabasa/mag-aaral, saan ka ngayon patutungo?

Abstraksyon

Ano sa mga nalaman mo tungkol sa dalawang manunulat ng maiking kuwento ang


kapaki-pakinabang sa pagsusuri ng maikling kuwento? Maaari ba itong maging sa
mga pamantayan ng panunuring pampanitikan?

Aplikasyon

Natutuhan mong malaki ang ginampanan ng mga karanasan ng


dalawang manunulat para makalikha sila ng mga obrang napapakinabangan pa rin
hanggang sa ngayon. Ngayong panahon ng pandemya, pumili ng isang ispesipikong
karanasan at gamitin ito para makabuo ng isang tanaga.

Repleksyon
Sa isang sanaysay, isulat mo ang napagnilayan sa buhay ng dalawang
dakilang manunulat at sino sa tingin mo ang may ganito pa ring paninindigan
sa panahon ngayon.

Pagtataya

1. Kung naibigay na manunulat ang kanyang tungkulin sa pagsasalaysay ng


kanyang ng nakita sa lipunan, at hindi pa rin nagkaroon ng ganap na kamalayan
ang mambabasa, maaari kayany may problema na ang panitikan? Ipaliwanag.

2. Sa anong aspeto nagkakahawig ang layunin ng panulat ni Rizal sa layunin ng


panulat ng dalawang makatang natalakay? Magbigay ng dalawang
halimbawa.

3. Maituturing ba na kasalanan ang pagsulat para sa sarili/pag-unlad sa sarili sa


halip na tumalakay ng tungkol sa kanyang paligid? Ipaliwanag.

You might also like