“Dapat lagi grateful ka anak, kasi sa kabila ng mga
nangyari na pandemya at krisis- buhay pa tayo at nakakain pa ng tatlong beses sa isang araw” ito ang paulit-ulit na binibigkas ng aking ina habang kumakain kami sa hapag-kainan. Pagkatapos ng lockdown ay tila nawalan na ng direksiyon ang aking buhay. Hindi ko na mawari kung ano ang aking pangarap at bisyon. Nagsimula akong mawalan ng gana sa mga bagay na gustong-gusto kong gawin. Nakakulong ako sa kwarto at nag dadalamhati, umiiyak at napapatanong kung bakit umabot ang mundo sa puntong sobrang lala at hirap ng ibangon. Ang pagkamatay ng higit isang milyon at pagka gutom ng bilyon-bilyong katao ang patuloy na bumibiyak sa aking puso at pagkatao. Alam kong wala akong karapatang kuwestiyonin ang Panginoon kung bakit ito nangyare. Ngunit napapatanong ako, bakit? Bakit?
Bakit kailangan pang mabawian ng buhay at mapigtas
ang matatayog na pangarap ng mga taong pilit na nagsasakripisyo upang maka-ahon sa hirap ng mundong ating ginagalawan? Bakit ang mga mahihirap ay patuloy na naghihirap? At ang pinakamasakit sa lahat ay “bakit wala akong magawa?”
Natutunan ko ngayong taon ang kumapit sa katiting
na pag-asa na aahon din ang ating mundo sa kabila ng lahat ng krisis na patuloy nating nilalabanan. Mapapatanong man ako kung bakit ito nangyayari, ngunit patuloy parin akong magtitiwala sa plano ng Panginoon at mananalig sa kanyang kapangyarihan.
Ngayon ay Disyembre na, nagdaan ang mga buwan
ng lungkot at pagkadismaya. Pagiging bayani kung ituring- ang mga taong patuloy na gumagawa ng paraan upang mapabuti ang ating mga mamamayan at ating bansa. Ang mga front-liners na patuloy nagsasakripisyo. Ang taong ito ang nagpa realize saakin na hindi dapat nagrereklamo, dahil mas madami ang walang-wala. At masasabi man ng iba na ang online class ay pasakit sa ulo, masaya ako na patuloy kaming natututo at nagagamit sa tama ang ating teknolohiya.