You are on page 1of 2

Ang Biag ni Lam-ang

Buod na Epiko
Ni Pedro Bukaneg
Si Lam-ang, ang bayani ng Hilaga, ay anak nina Don Juan Panganiban at Namongan. Sila
ang mag-asawang nakatira sa may Nalbuan sa may lambak ng Ilog Naguilian sa La Union. Nang
malapit ng manganak si Namongan, si Don Juan ay nagpunta sa bundok upang parusahan ang
isang pangkat ng mga Igorot.
Nanganak si Namongan at sa kanyang pagkamangha, napansin niyang ang kanyang anak
ay may kakatwang laki ng katawan at nagsasalita na. Ipinangalan sa bata ay Lam-ang at siya na
rin ang pumili ng kanyang magiging ninong at saka itinanong kung nasaan ang kanyang ama.
Mabilis ang paglaki ni Lam-ang at nang siyam na buwan na siya taglay na niya ang laki
ng isang ganap na lalaki at nalamang di pa bumabalik ang kanyang ama. Sinundan niya ang
kanyang ama. Sa daan ay napanaginipan niyang ipinagdiriwang ng mga Igorot ang pagkamatay
ng kanyang ama. Galit na galit siya at mabilis na tinungo ang tirahan ng mga Igorot at doon ay
inabot niya ang pugot na ulo ng kanyang ama at paligid-ligid na sinasayawan. Pinatay ni Lam-
ang ang mga Igorot maliban sa isang pinahirapan muna niya bago pinaalis.
Nang bumalik si Lam-ang sa Nalbuan, pinaliguan siya ng ilang babaeng kaibigan niya sa
Ilog ng Amburayan. Sa kapal ng libag at sama ng amoy sa nahugasang katawan, ang lahat ng
isda sa ilog ay nangamatay.
May naibigan si Lam-ang na isang babaing nagngangalang Ines Cannoyan at nagtungo
siya sa bayan nito upang ligawan. Kasama ni Lam-ang ang isang puting manok na tandang at
isang aso. Nakasalubong niya si Sumarang na nanliligaw rin ay Ines. Sila ay naglaban at
madaling napatay si Sumarang. Sa harap ng bahay ni Ines ay nadatnan ni Lam-ang ang
maraming manliligaw ni Ines. Pinatilaok ni Lam-ang ang kanyang manok na tandang at
karakaraka'y isang bahay ang nagiba. Dumungaw ang mga magulang ng dalaga. Ang pagibig ni
Lam-ang ay ipinahayag ng kanyang tandang. Pumayag naman ang mga magulang ni Ines kung
mapapantayan ang kanilang kayamanan.
Umuwi si Lam-ang at nang magbalik siya sa Kalanutian, ang bayan ni Ines, sakay siya ng
isang kaskong puno ng ginto na ang halaga ay lampas sa kayamanan nina Ines. Kaya't sila ay
ikinasal at nagkaroon ng malaking pagdiriwang.
Pagkaraan ng ilang panahon, pinagsabihan ng Apo ng bayan na turno ni Lam-ang ang
paghuli ng Rarang, isang isdang di pangkaraniwan. Kanyang ginanap ang atas na ito, kahit
atubili, kung hindi ay wala siyang mukhang maihaharap sa bayan ng kanyang asawa.
Mayroon na siyang pangitain na may malubhang sakunang naghihintay sa kanya.
Ipinagtapat niya ito kay Ines na siya ay makakagat at mapapatay ng Berkakan (kauri ng pating).
Kapag nakildtang ang kanilang hagdan ay nagsasayaw at ang bato ay nahati sa dalawa, ito'y
nangangahulugang napatay siya ng Berkakan.
Si Lam-ang, kahit batid na ang naghihintay na sakuna ay nagtungo sa dagat. Lumusong
siya sa tubig ngunit nabatid niyang mahirap palang makita ang Rarang na ito. Maraming beses
siyang nagtangkang mahuli ito hanggang sa wakas ay nalulon siya ng pating. Ang mga pangitain
ay nakita ni Ines at nang mabatid ang pagkamatay ni Lam-ang, siya ay nanangis.
Ang lahat ng hayop ni Lam-ang, kabilang ang tandang, ang inahing manok at ang aso ay
umaliw kay Ines at ipinangakong kung makukuha ang mga buto ni Lam-ang, ito ay mabubuhay.
Natuwa si Ines. Kasama niya si Marcos na maninisid at ang mga hayop na nagtungo sa
dalampasigan upang makuha ang bangkay ni Lam-ang.
Nang ang lahat ng buto ni Lam-ang ay nakuha na, ipinagaspas ng inahing manok ang
mga pakpak nito at ang aso ay umungol ng makalawa. Nagtatakbo ang mga aso na kagat-kagat
ang mga buto ni Lam-ang. Unti-unting nagkabuhay ang mga buto. Nagkaroon ng anyo at laman
ang mga ito. Nagbangon si Lam-ang mula sa isang mahimbing na pagkatulog. Muli siyang
nagkamalay at niyakap si Ines. Kasama ang mga hayop, nagbalik sila sa kanilang tahanan at
nabuhay ng maligaya.

You might also like