You are on page 1of 4

Pagsambang Pansambahayan

Miyerkules/Huwebes: Mayo 5/6, 2021

ANG PAG-AALAGA SA PANANAMPALATAYA


NG MGA INILIGTAS NG DIYOS

Kaugnay ng paggunita natin sa Kapatid na Felix Manalo, ang Sugo ng


Diyos sa mga huling araw, ang mensahe para sa atin ngayon ay ibinatay sa
leksiyong inihanay niya at itinuro sa Iglesia noong siya ay nabubuhay pa.

Kinikilala natin na dakilang biyaya ang ating natamo nang tayo ay


hirangin ng Diyos mula sa sanlibutan sapagkat dahil doon ay naalis tayo
sa kahatulan at nakabilang na sa mga magkakamit ng kaligtasan sa
Araw ng Paghuhukom. Ang pananampalataya nating ito ay dapat nating
alagaan, sapagkat maraming bagay ang maaaring makapagpahina at
makasira rito at maaari rin itong mawala. Ayaw ng Diyos na mangyari
iyon sa ating pananampalataya.

Kaya naglagay Siya sa Iglesia ng Pamamahala at ng mga makakatulong


nila sa pangangalaga sa ating pananampalataya—ang mga ministro, mga
manggagawa, at mga maytungkulin. Subalit, hindi lamang sila ang may
pananagutang alagaan ang pananampalataya natin. Pananagutan ng
bawat isa sa atin na ito ay ingatan at alagaan para pakinabangan nating
lubos ang pagliligtas ng Diyos sa atin sa kahatulan.

Alinsunod sa Gawa 2:42, tungkulin nating gawin din ang ginawa ng mga
naging bunga ng pangangaral ng mga apostol sa kapanahunan nila:
nagsipanatili silang matibay sa turo ng mga apostol. Tandaan natin na
ang mga apostol ay mga sugo ng Diyos at binigyan ng karapatang
mamahala sa Iglesia noon. Ang mga naging bunga ng pangangaral nila
ay nagsipanatili sa pagsasama-sama nila bilang magkakapatid sa loob
ng Iglesia Ni Cristo. Samakatuwid, nanatili sila sa Iglesia Ni Cristo. At
nagsipanatili rin silang matibay sa pananalangin.

Kaya, manatili rin tayong matibay at huwag hihiwalay sa turo na


tinanggap natin sa pamamagitan ng Sugo at ng Pamamahalang inilagay
ng Diyos sa Iglesia. At manatili rin tayong matibay sa mga pananalangin.

Ayon sa Unang Corinto 15:1-2, ang itinuro o ipinangaral ng mga apostol


sa mga hinirang ay ang ebanghelyo o ang mga salita ng Diyos. Upang
pakinabangan natin ang itinuro sa atin na ebanghelyo, kailangan natin
itong tanggapin bilang mga salita ng Diyos at doon tayo dapat
magsipanatili sa paraang matiyaga nating ingatan ang salitang
ipinangaral sa atin ng Sugo. Dapat nating pahalagahan nang ganito ang
ebanghelyo sapagkat iyon ang ating ikaliligtas.
Pagsambang Pansambahayan
Miyerkules/Huwebes: Mayo 5/6, 2021
pahina 2

Lahat ng aral na ipinatutupad sa atin sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay


nakasalig sa ebanghelyo o sa mga salita ng Diyos. Tungkulin nating
tanggapin, panatilihan, at matiyagang ingatan ang lahat ng itinuturo sa
atin sa pamamagitan ng lagi at puspusang pagsunod para tayo ay
maligtas. Masamang hindi natin ito magawa dahil para na ring
nagsisampalataya tayo nang walang kabuluhan. Kung gayon ang
mangyayari sa atin, hindi natin pakikinabangan sa kaligtasan ang ating
pananampalataya.

Kaya mahigpit na nagpaalaala ang mga apostol sa mga hinirang na


ingatan nilang matibay ang ebanghelyo at manatiling tapat sa itinuro sa
kanila, gayundin sa pagsasama-sama ng magkakapatid sa Iglesia, at sa
pananalangin, ay dahil may napipinto noon na masamang mangyayari—
ang ibang mga hinirang ay tatalikod sa pananampalataya, ayon sa
Unang Timoteo 4:1. Ang matatalikod sa pananampalataya ay ang
sinuman na ang pipiliing pakinggan ay ang mga espiritung
mapanghikayat at mga aral ng mga demonyo.

Alam na natin na mayroon talagang mga tumalikod sa pananampalataya


at naalis sa pagiging tunay na Cristiano dahil sumunod sa mga aral ng
mga demonyo, na ang dalawa roon ay ang pagbabawal sa pagkain ng
lamangkati o karne at sa pag-aasawa. Subalit, bukod sa mga napaniwala
at napasunod sa mga aral ng demonyo, may mga matatalikod din dahil
ang piniling pakinggan ay ang mga espiritung mapanghikayat.

Samakatuwid, ang pagpili o pagpapasiya para makapanatili o kaya’y


matalikod sa pananampalataya ay nasa kaanib na rin. Kahit ang mga
nag-aalaga sa kaniya ay tinuturuan siya ng mga salita ng Diyos,
pinapayuhan, at ipinapanalangin siya sa Diyos, ngunit kung ang pinili
niyang pakinggan ay ang mga espiritung mapanghikayat ay matatalikod
nga siya. Kaya huwag ang pakinggan natin ay ang mga mandarayang
mangangaral na naglalayong iligaw ang ating pananampalataya. Kapag
sila ang ating pinakinggan ay lalasunin nila ang ating isipan, dadayain,
ililigaw, at itatalikod tayo sa pananampalataya.
Sa Mateo 24:8-12 ay ibinabala rin ng ating Panginoong Jesucristo ang
matinding pagsubok na daranasin ng Kaniyang mga hinirang. Hindi
lamang ang mga kahirapan at mga kapighatian ang daranasin nila. May
mga papatayin at kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa Pangalan ni
Cristo o dahil sa kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo. Dahil dito, maraming
matitisod. Ipagkakanulo ng mga tao ang isa’t isa at mapopoot sila sa isa’t
isa. Magsisibangon ang maraming bulaang propeta na magliligaw sa
marami. Samakatuwid, may mga maihihiwalay sa pananampalataya at
ang pag-ibig ng marami ay manlalamig.
Pagsambang Pansambahayan
Miyerkules/Huwebes: Mayo 5/6, 2021
pahina 3

Talagang dapat ingatan at alagaan ng bawat kapatid ang kaniyang


pananampalataya. Sa dami ng mga pangyayaring magsasapanganib sa
pananampalataya ng mga hinirang at magpapalamig ng kanilang pag-
ibig, itinuro ni Apostol Tadeo, sa Judas 1:3, na ipakipaglaban nilang
masikap ang kanilang pananampalataya.

Kung gayon, hindi natin dapat isuko ang ating pananampalataya sa


anuman o sa kaninuman na naghahangad na ito’y pinsalain—mga
mang-uusig man sila mula sa ibang pangkatin ng pananampalataya, o
mga di tunay na kapatid na ang nais ay maghasik ng kaguluhan at
pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga hinirang ng Diyos. Hindi tayo
dapat magpalinlang kaninuman.

Kaya, dapat nating gawin ang matatag na pakikipaglaban o


pagsasanggalang para sa ating pananampalataya. Sa Unang Timoteo
6:12, itinuro ni Apostol Pablo na ipakipagbaka natin nang mabuting
pakikipagbaka ang ating pananampalataya. Upang magkaroon tayo ng
inspirasyon at lakas ng loob sa pakikipaglabang ito, manghawak tayo at
huwag bibitiw sa pangako ng Diyos na tayo ang magtatamo ng buhay na
walang hanggan. Puhunanin man natin ang lahat ng bagay para matamo
ang pangakong ito ng Diyos ay hindi tayo magiging kawawa o mawawalan,
sapagkat ang mapapasaatin ay walang kapantay ang kahalagahan.

Nilinaw sa Efeso 6:12 na ang uri ng labanan na sinisikap nating


maipagtagumpay ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga
namamahala ng kadiliman sa sanlibutan at sa espiritu ng kasamaan.
Kaya, ang pakikipagbaka natin ay isang espirituwal na pakikipaglaban.

Dahil dito, kailangan natin ang tulong ng Diyos sa labanang ito upang
tayo'y magtagumpay. Ang sandata na dapat nating gamitin ay ang
Kaniyang mga salita at mga aral na itinuturo sa atin sa tuwing tayo ay
sumasamba. Ngayon natin lalong dapat pagtalagahan ang ating mga
pagsamba at paramihin ang ating mga gawaing ukol sa Panginoon para
hindi magkaroon ng pagkakataon ang diablo na tayo’y linlangin. Ngayon
natin lalong dapat pag-alabin ang ating kasiglahang espirituwal sa
paglilingkod sa Diyos.

Kailangan nating gawin ang masikap na pakikipagbaka upang maingatan


natin ang ating pananampalataya, alinsunod sa Unang Timoteo 1:18-20.
Kapag itinakwil o inabandona natin ang ating pananampalataya ay
matutulad tayo kina Himeneo at Alejandro na nangabagbag o napinsala
ang pananampalataya kaya sila'y ibinigay na kay Satanas.
Pagsambang Pansambahayan
Miyerkules/Huwebes: Mayo 5/6, 2021
pahina 4

Bawat isa sa atin na biniyayaan ng Diyos ng tunay na pananampalataya ay


nananagot sa Kaniya na ito ay ingatan, alagaan, at ipaglaban. Batay sa
Ikalawang Timoteo 4:7-8, masasabi nating naging mabuti ang ginawa
nating pakikipaglaban alang-alang sa pananampalataya kapag natapos
natin ang ating takbuhin. Kaya, huwag nating bibitiwan ang
pananampalatayang tinanggap natin sa Diyos. Tapusin natin ang ating
takbuhin. Sa gayon ay makaaasa rin tayo na ipagkakaloob sa atin ng
Panginoong Jesucristo ang gantimpala sa Kaniyang muling pagparito.

Ito naman talaga ang nais nating lahat, kaya nga tayo nananatili sa
ating kahalalan. Hindi dahil wala tayong nasagupang mga hadlang,
problema, hirap, at iba’t ibang pagsubok. Ang totoo’y marami na ang
dinanas nating mga tiisin. Subalit sa kabila ng lahat ng iyon ay
nagsisikap pa rin tayong makapanatili sa ating pagka-Iglesia Ni Cristo.
May tinatanaw at inaasam tayo kaya ipinakikipaglaban natin ang ating
pananampalataya at sinisikap na tapusin ang ating takbuhin. Ganito
ang nakasulat sa Mateo 24:13:

Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

Ito ang pinakamahalaga sa lahat—ang tayo’y maligtas. Kaya kailangan


nating manatili hanggang sa wakas—alin man sa wakas ng ating buhay
o wakas ng sanlibutan ang maunang dumating. Ang maliligtas ay ang
mga nakapanatili hanggang sa wakas. Sila ang bibigyan ng walang
hanggang buhay at makapananahan sa Bayang Banal.

Kaya anumang problema ang dumating sa buhay natin, gaano man


katinding pagsubok ang ating danasin, patuloy tayong manghawak sa
pangako ng Diyos. Magtiwala tayo na hindi Niya tayo titiisin kapag sa
mabibigat na sitwasyon ay sa Kaniya tayo dudulog upang makiusap na
tulungan at palakasin tayo para makapanindigan pa rin tayo sa panig
Niya at kailanma’y huwag nang mahiwalay pa sa Kaniya.

PAGSAMBANG PANSAMBAHAYAN
BATAY SA LEKSIYONG BINALANGKAS
NG KAPATID NA FELIX MANALO
MIYERKULES/HUWEBES: MAYO 5/6, 2021

You might also like