Professional Documents
Culture Documents
Ang “Hello, Love, Goodbye” ay isang drama na pelikula. Ang mga pangunahing
tauhan ng pelikula ay si Joy, na ginampanan ni Kathryn Bernardo, at si Ethan, na
ginampanan ni Alden Richards. Nagpapakita ang pelikula ng mga makatotohanang
karakter at pangyayari. Ang pelikula ay tungkol sa dalawang OFW sa Hong Kong na may
magkaibang buhay, at pagmamahal at pagsasakripisyo ang mga tema ng pelikula. Ang
pinakasukdulan ng pelikula ay ang eksena kung saan na ospital ang ina ni Joy at nalaman
ni Joy ang katotohanan sa mga maling akala niya tungkol sa kanyang ina at ama. Tila
gumuho ang mundo ni Joy nang nalaman niya iyon dahil nararamdaman niyang parang
nasira lahat ng mga pangarap at plano niya para sa kanya at ng kanyang pamilya.
Ang antas ng wika na madalas ginamit ng pelikula ay di-pormal, pero kapag
kumakausap ang pangunahing karakter sa isang taong kanyang labis na nirerespeto,
pormal ang antas na wikang ginagamit niya. Marami ring mga tayutay ang maririnig sa
pelikula. Ani pa ni Joy sa simula ng pelikula, “Dito sa Hong kong, time is gold.” Ang
tayutay na “time is gold” ay nangangahulugang importante ang oras. Bawat segundo ay
may halaga para sa isang OFW katulad ni Joy. “Kapag tumigil ka, magugutom ka.”
Sabi rin ni Ethan nung pinakita niya kay Joy ang kanyang tattoo, na may pangalan
ng kanyang dating sintahan, “Yan ang eternal proof ng kabobohan ko sa pag-ibig.” Ang
“eternal proof”, na nangangahulugang walang hanggang patunay, ay isang halimbawa
ng pagmamalabis. Dagdag pa rito, “Bingi ka ba? O may amnesia?”, na isang retorikal na
tanong, ay itinanong ni Joy nang sinabi ni Ethan na gusto niyang mapa-oo si Joy kahit na
ilang beses na sinabi ni Joy na ayaw niyang magka-relasyon sila ni Ethan. Sa
pinakasukdulan ng kwento, sabi ng ina ni Joy, “Lahat ng pagmamahal ko sa kanya,
napalitan na ng galit”, ay isa ng halimbawa ng pagtatambis, dahil may dalawang salitang
nabanggit sa pangungusap na magkasalungat. At panghuling halimbawa ng tayutay ay
“May mga lugar na pangmatagalan. May mga lugar na dinadaanan lang. Parang Hong
Kong. Tulad din ng tao. May mga dumadaan lang. Meron din pangmatagalan, na
babaguhin ka habang-buhay”, na sabi ni Joy sa katapusan ng pelikula. Inihalintulad niya
ang mga tao at ang Hong Kong sa mga lugar na dinadaanan lang at sa mga lugar na
pangmatagalan.
May isang eksena kung saan humingi ng sapatos ang kapatid ni Joy sa kanya, at
kahit na gipit na siya ay ipinagbigyan parin niya ito. Hirap na hirap siyang kumita ng pera.
Subalit, hindi niya tinatanggihan ang kaniyang pamilya kapag may hinihingi sila. Makikita
talaga kay Joy ang kanyang isang mapagmahal na anak at kapatid. Ngunit, minsan ay
hindi na rin nakakabuti dahil naaabuso na ang kanyang kabaitan.
Sa mga pangyayari sa pelikula, naaalala ko ang aking ina na OFW. Kahit hindi
siya nagtatrabaho sa Hong Kong at nagtatrabaho siya sa ibang bansa, humaharap din
siya ng mga pagsubok bilang OFW. Makikita rin sa pelikula na kadalasan ng mga OFW
doon ay nagtatrabaho upang kumita ng pera para mabigyan ng magandang buhay ang
kanilang mga pamilya, dahil sa hirap na mararanasan nila sa Pilipinas kapag hindi nila
pinagpatuloy ang kanilang mga trabaho sa Hong Kong. Napakahirap mamuhay sa
Pilipinas, lalo na kapag wala kang permanenteng trabaho. Mas malaki ang pwedeng
kikitain sa ibang bansa kaya’t maraming Pilipino ang nais magtrabaho bilang OFW. Mas
marami ring oportunidad na makukuha nila sa ibang bansa.