You are on page 1of 17

ANG FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA

Katangian at Kasaysayan ng Wikang Filipino

-Yunit 3 -Ilalaang oras: 8


Introduksiyon:
Pangunahing tuon ng yunit na ito ang pagtalakay sa kasaysayan ng
wikang Filipino wikang Pambansa at ang katangian ng wikang Filipino bilang
wikang Pambansa. Hindi naging madali ang pagpoposisyon sa wikang Filipino
bilang wikang Pambansa lalo sa isang bansang minsang naging kolonya ng
Espanya, Amerika, at Hapon. Malalaman sa bahaging ito ang mga hakbang na
naisagawa sa pagsusulong ng isang wikang Pambansa at ang mga isyu o usapin
kaugnay ng pagsusulong ng wikang Pambansa. Sasaklawin din nito ang naging
ebolusyon o mga pagbabago sa sistema ng pagsulat ng mga Pilipino. Ipakikita
rin ang mahahalagang katangiang taglay ng wikang Filipino kung kaya’t patuloy
itong nagiging mabisang behikulo sa ugnayan sa sambayanang Pilipino.
Mga Layunin:
Matapos mong mapag-aralan ang mga aralin sa modyul na ito ay inaasahan
namin na makakatugon ka sa mga sumusunod:
● Natutukoy ang kasaysayan ng Wikang Filipino
● Naisasalaysay ang mahahalagang pangyayaring naganap sa pag-unlad
ng Wikang Pambansa
● Naipapaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wikang
Pambansa
● Nailalahad ang mga katangian ng wikang Filipino bilang wikang
Pambansa
● Naipapaliwanag ang ebolusyon ng wikang pambansa.
● Natataya ang mga naging bunga ng pag-aaral at pagsusuri sa wika,
kultura, at lipunan.

Paunang Pagtatáya:
Panuto: Halika at subukin natin muli ang iyong mga natutuhan batay sa
dati mong kaalaman hinggil sa wikang Filipino. Sagutin mo ang mga pahayag sa
bawat bilang. Piliin mo sa tatlong titik ang may malaking kaugnayan sa bawat
pahayag sa ibaba. Isulat mo lamang ang titik ng tamang sagot sa patlang.
a. Tagalog b. Pilipino c. Filipino
__________ 1. Batayan ng wikang pambansa.
__________ 2. Kasalukuyang wikang pambansa
__________ 3. Wikang Pambansa na nakabatay sa lahat ng umiiral na wika sa
bansa.
__________ 4. Abakada
__________ 5. Wikang opisyal noong panahon ng Amerikano
__________ 6. Unang ipinangalan sa wikang pambansa.
__________ 7. Dalawampu’t walong (28) letra
__________ 8. Lope K. Santos
__________ 9. Lingua Franca sa Bulacan
__________ 10. Balarila
__________ 11. Pambansang Lingua franca
__________ 12. Saligang Batas 1987
__________ 13. Corazon Aquino
__________ 14. Tawag sa mga taong nakatira sa Pilipinas
__________ 15. Panagbëngá
__________ 16. Ortograpiyang Pambansa
__________ 17. Carbon Dioxide
__________ 18. Wikang nakatugon sa tatlong pamantayan sa pagpili ng
magiging batayan ng wikang pambansa
__________ 19. Surian ng Wikang Pambansa
__________ 20. Wikang opisyal ng mga Pilipino sa panahon ng mga
pakikipaglaban sa mga Espanyol.

Mga Susing Salita:


Wikang Pambansa Batas Pambansa Lingua Franca
Filipino Pilipino Tagalog

Aktibidad (Motibasyon):
Paganahin muna natin ang iyong isipan sa munting gawain na ito. Isulat
ang mga nawawalang titik sa mga patlang upang makabuo ng isang salita.
1. W__k__ __g P__m__a__s__ —deskripsiyon sa wikang Filipino.
2. __eb__a__o—wikang sinasalita sa probinsiya ng Cebu.
3. M__n__el L__is __ue__on—Tinaguriang Ama ng wikang Pambansa.
4. Int__l__kt__w__l__s__do—katangian ng wikang Filipino na nagagamit hindi
lamang sa pangkaraniwang komunikasyon kundi maging sa ibang larang gaya
ng agham
5. __ __ __a__og—dominanteng wika na sinasalita sa malaking bahagi ng
gitnang Luzon at rehiyon IV.
6. __ __ __les—wikang opisyal bukod sa wikang Filipino.
7. w__k__a—pangunahing behikulo sa komunikasyon at nagsisilbing
pagkakakilanlan ng bawat indibidwal na kabilang sa isang lugar o komunidad.
8. Es__p__ny__l—wikang ginamit ni Jose Rizal sa pagsulat ng Noli Me Tangere
at El Filibusterismo.
9. l__o__a__o—dominanteng wika na sinasalita sa rehiyon I at rehiyon ng
lambak Cagayan.
10. D__yal__kt__—tumutukoy sa varayti ng wika gaya ng Tagalog-Bulacan at
Tagalog-Rizal.

Pagtalakay:
Aralin 1 Ebolusyon ng Wikang Pambansa
Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa unang Pambansang
Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa,
na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat
magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”
Ang totoo, una nang naitadhana sa Saligang Batas ng Biak-na-Bato
noong 1897 ang pagsisikap na magkaroon tayo ng opisyal na wikang gagamitin
sa pakikipagtalastasan ng mga Pilipinong mula sa iba’t ibang dako ng bansa na
may sari-sariling din namang wika.
Ang Saligang Batas ng Biak-na-Bato noong 1897 ay nabuo matapos ang
pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa pamahalaang Espanyol noong 1896.
Itinatadhana ng Saligang Batas na “Ang wikang Tagalog ang siyang magiging
wikang opisyal ng mga Pilipino.” Bunga ito ng malakas na paniniwala ng mga
Pilipinong lider noon na makakamit ang kasarinlan ng mga Pilipino sa
pamamagitan ng pagkakaroon ng isang wikang nauunawaan ng lahat.
Ngunit hindi naging madali ang pagsasakatuparan nito lalo na nang
dumating ang mga Amerikano noong 1900.
Pinagtibay noong 1901 ng Philippine Commission sa pamamagitan ng
Batas Blg. 74 na gawing panturo sa mga paaralan ang wikang Ingles sa kabila
ng mga pagtutol ng mga mambabatas, mamamahayag, at mga gurong Pilipino.
Si Teodoro Kalaw, isang mamamahayag ay nagbigay ng puna sa patakaran ng
mga Amerikano sa pagpapagamit ng Ingles sa mga paaralang Pilipino. Taong
1925, lumabas sa isang survey ng Monroe Educational Survey Commission na
mabagal ang pagkatuto ng mga batang Pilipino kung Ingles ang wikang panturo
sa paaralan. Kaya naman, ang mga mababatas na Pilipino ay nagpanukala ng
batas pangwika noong 1931 gaya ng Panukalang Batas Blg. 577 na nag-utos sa
kalihim ng Public Instruction na gamitin bilang panturo sa mga paaralang
primarya ang katutubong wika mula taong panuruan 1932–1933. Sa mga
panahong ito naging masalimuot ang usapin hinggil sa wika. Hindi malaman
kung ano ang magiging wikang opisyal ng mga Pilipino—Espanyol, Ingles, o
Tagalog.
Sa panunungkulan ni dating Pangulog Manuel Luis Quezon ay nadama
niya ang hirap sa pakikipagtalastasan sa mga mamamayan ng Pilipinas na hindi
marunong umunawa ng Ingles at Espanyol. Sa tuwing magtatalumpati siya sa
pook ng mga hindi Tagalog ay hindi niya alam kung anong wika ang gagamitin
upang maunawaan siya ng mga mamamayan. Ito ang nagmulat sa kaniya na
lubhang kailangan ng isang wikang Pambansa na magiging daan sa
pakikipagtalastasan ng mga mamamayan tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng
bansa. Kaya naman ipinaglaban ng mga delagado [na hindi Tagalog] sa
Kumbensiyong Konstitusyonal noong 16 Agosto 1934 ang pagkakaroon ng
sariling wikang Pambansa. Kabilang dito sina Felipe R. Jose (Mountain
Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo),
Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte).
Makikita sa ibaba ang ilang mga pahayag ni Kgg. Felipe R. Jose na sinipi mula
sa kaniyang talumpating binigkas sa Kumbensiyong Konstitusyonal na may
pamagat na “Kailangan ang Sariling Wikang Pambansa.”
“Kailangan natin na ngayon pa’y mahalin ang Kalayaan at
kaluluwa ng bayan—ang wikang sarili. Kayâ lámang táyo
maging marapat sa kalayaan ay kung maipagsasanggalang
natin ang banal na kaluluwa ng bayan, ang wikang sarili”.
Ipinahayag ni Pang. Manuel Luis Quezon sa Unang Pambansang Asamblea
noong 27 Oktubre 1936 na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at
isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”
Taóng 1935 nang suportahan niya ang pagsisikap na magkaroon ng isang
wikang Pambansa. Ipinanukala sa kaniya ng isang pangkat na binubuo nina
Lope K. Santos, Cecilio Lopez, Sofronio Calderon, Jose N. Sevilla, at iba pa ang
isang mungkahi tungo sa pagkakaroon ng isang wikang Pambansa. Iyon ang
naging daan para sa pormal na probisyon na magkaroon ng wikang Pambansa.
Kung kaya naitadhana sa Artikulo Blg. XIV, Seksiyon 3 ng Saligang Batas ng
1935 ay sinasabi ang ganito:
Ang Kongreso ay gagawa ng hakbang tungo sa pagpapatibay
at pagpapaunlad ng isang wikang Pambansa na ibabatay sa
isa sa mga umiiral na katutubong wika sa kapuluan. Hangga’t
ang batas ay hindi nagtatakda ng iba, ang mga wikang Ingles at
Kastila ay mananatiling mga wikang opisyal.
Pinagtibay ang Batas Komonwelt Blg. 184 noong 13 Nobyembre 1936.
Alinsunod dito, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) “na mag-aaral
ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay
ng isang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Humirang ang Pangulong
Quezon noong 12 Enero 1937 ng pitong palaaral na mga Pilipino na siyang
kauna-unahang bumuo sa pamunuan ng nasabing tanggapan. Sila ang gumawa
ng pag-aaral sa mga umiiral na katutubong wika sa buong bansa. Pinamunuan
ito ni Jaime C. de Veyra (Waray), at kinabibilangan ng mga kasaping sina
Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto
(Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez
(Tagalog).
Mula sa pagkakahanay ng mga taong bumuo sa lupon na gagawa ng pag-
aaral upang piliin ang wikang Pambansa, makikita na sila ay mula sa iba’t ibang
panig ng Pilipinas at nagsasalita ng ibang mga wika. Kaya masasabing sa
ginawang pamimili ay hindi nangibabaw ang tinatawag na “regionalism.” Inihanda
ng lupon ang sumusunod na pamantayan sa pagpili ng wikang magiging batayan
ng wikang Pambansa:
1. Ginagamit na nakararaming Pilipino, lalo na sa Maynila na siyang sentro ng
kalakalan.
2. Ginagamit sa pagsulat ng pinakadakilang panitikang Filipino.
3. Wikang may pinakamaunlad na balangkas at mayamang mekanismo at
madaling matutuhan ng mga mamamayang Pilipino.
Wikang Tagalog ang nakatugon sa pamantayang ito. Tampok sa pagpili
sa Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga
mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na
pahayagan, publikasyon, at manunulat. Noong 30 Disyembre 1937, sinang-
ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang
Tagalog “bilang batayan ng wikang Pambansa ng Pilipinas.” Ngunit nagkabisa
lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon—30 Disyembre
1939.
Dalawang mahalagang ambag ng SWP ang pagbubuo A Tagalog-English
Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa na nalathala noong 1 Abril 1940 sa
bisa ng Kautusan Tagapagpaganap Blg. 263 na nilagdaan ni Pangulong Quezon.
Noong 7 Hunyo 1940 ay pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas
Komonwelt Blg. 570 na kumikilala wikang Pambansa bilang isa sa mga opisyal
na wika ng bansa. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong
Tagapagpaganap ng Pilipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa
Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang Nihonggo at Tagalog ang magiging mga
opisyal na wika sa buong kapuluan. Napawalang bisa ang nasabing ordinansa
nang lumaya ang Pilipinas sa pananakop ng Hapon. Muli namang ipinalaganap
ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at
negosyo. At upang matupad ang mithing wikang Pambansa, sari-saring seminar
ang idinaos. Naging daan ang isang Kautusang Pangkagawaran na ipinalabas
noon ng Kalihim ng Pagtuturong Pambayan na si Jorge Bacobo upang
masimulang ituro ang wikang pambansa sa mga publiko at pribadong paaralan
noong 19 Hunyo 1940. Iminungkahi din ang paglalaan ng seksiyon para sa
wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan upang masanay magsulat
ang mga estudyante gamit ang wikang ito. Kaya naman sa parehong taon ay
lumabas ang Bultin Blg. 26 na nag-utos na ang lahat ng mga pahayagang
pampaaralan ay dapat magkaroon ng isang pitak sa wikang Pambansa.
Pinasimulan naman noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang
Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong
larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at
heometriya. Noong 4 Hulyo 1946, sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570, inihayag
bilang wikang opisyal ang wikang pambansa.
Ipinatupad ang Linggo ng Wika, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 12 na
nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang pagdiriwang ng Linggo ng
Wikang Pambansa mula Maro 2–4 Abril. Nakapaloob pa sa panahong saklaw
ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas (Abril 2). Sa bisa naman ng Proklamasyon
Blg. 186 na nilagdaan pa rin ni Pangulong Magsaysay bilang susog sa
proklamasyon noong 1954, inilipat ang panahon ng pagdiriwang ng Linggo na
Wikang Pambansa sa 13–19 Agosto bilang paggunita naman sa kaarawan ni
Manuel Luis Quezon na kinilalang “Ama ng Wikang Pambansa. ”
Isinalin sa wikang pambansa ang pambansang awit nang ilang beses
bago naging opisyal ang pambansang awit noong 1956, at binuo ang Panatang
Makabayan noong 1950. Nagpatuloy pa rin ang mga pag-aaral sa iba pang mga
wikang katutubo sa bansa. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang
pambansa at mga katutubong wika sa Pilipinas noong panahon ni Cecilio Lopez.
Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa
korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog
Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo.
Taong 1956, buwan ng Pebrero nang rebisahin ang Lupang Hinirang at
Panatang Makabayan at ipinagamit ito sa mga paaralan. Sa mga panahon ding
ito nirebisa ang bersiyon ng Pambansang Awit sa pangunguna ng noon ay
kalihim ng edukasyon, Gregorio Hernandez, Jr. Lumabas pagkatapos ang
sirkular 21 na nilagdaan ng noon ay direktor ng mga paaralang bayan, ang
pagtuturo at pag-awit ng pambansang awit.
Taong 13 Agosto 1959 naman nang magpalabas ng Kautusan
Pangkagawaran Blg. 7 ang kalihim ng edukasyon na si Jose E. Romero na nag-
aatas na tawaging “Pilipino” ang Wikang Pambansa. Hangarin sa paggamit ng
“Pilipino” na maiwasan ang usapin Tagalog ang wikang Pambansa. Mahalagang
mailinaw na batayan lamang ng wikang pambansa ang Tagalog sa mga
panahong ito at ang wikang pambansa na batay sa Tagalog ay tatawaging
Pilipino. Kaya naman, inilahad sa isang kautusang pangkagawaran na iniutos ng
Kagawaran ng Edukasyon noong Nobyembre 1962 ang pagsasa-Pilipino ng mga
sertipiko at diploma ng mga paaralan. Sa ibaba ng mga salitang Pilipino ay ang
salin ng mga salita sa wikang Ingles. Ngunit, hindi lahat ay sang-ayon dito.
Naging malaking hamon sa pagpapalaganap ng wikang pambansa ang
pangyayari noong 1965 na pagsasampa ni Inocencio Ferrer ng kasong sibil
laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP. Nagsampa rin ng
kaso ang Madyaas Pro-Hiligaynon Society at iba pang tagapagsalita ng wikang
Sebwano laban sa ‘Pilipino” na para sa kanila “puristang Tagalog” ang terminong
ito. Ngunit nanalo ang panig ng SWP at ayon sa korte kinikilala nila na
pagpapayaman sa mga katutubong wika ay kaugnay na proseso ng
pagpapaunlad sa wikang pambansa.
Sa bisa naman ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nilagdaan ng
dating Pang. Ferdinand E. Marcos noong 1967 ay ginamit ang Filipino sa
pagpapangalan sa mga gusali, edipisyo, at tanggapan ng ating pamahalaan.
Bling susog sa ganitong hakbangin ng Pangulong Marcos, nagpalabas naman ng
isang Memorandum Sirkular noong 1968 si Kalihim Tagapagpaganap Rafael
Salas na nagpapahayag na pati ang mga letterhead ng mga kagawaran,
tanggapan, at sangay ng pamahalaan ay nararapat na ring isulat sa Filipino na
may kalakip na teksto rin sa Ingles. Iniutos din na ang mga pormularyo sa
panunumpa sa tungkulin ay gawin sa Filipino. Nanawagan din si Kalihim Salas
na dumalo ang mga pinuno at kawani sa mga tanggapan ng pamahalaan sa mga
seminar sa Filipino na idaraos ng Surian ng Wikang Pambansa. Lumabas din sa
taong ito ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187 na nilagdaan din ng dating
Pangulong Marcos na nag-uutos sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan,
at iba pang sangay ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na
komunikasyon sa mga transaksiyong pampamahalaan. Sa pamamagitan ng
Memo Sirkular Blg. 227, ang noon ay Kalihim ng Edukasyon Ernesto Maceda ay
nag-utos na ang mga pinuno at kawani ng mga tanggapan ay dumalo sa mga
seminar na idaraos kaugnay ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187.
Naging wikang panturo naman ang wikang pambansa sa mga paaralang
primarya sa bisa ng Resolusyon Blg. 70 na lumabas noong 1970. Ang
hakbanging ito ay sinundan ng paghaharap ng Kilusang Pilipino ng Pambansang
Lupon sa Edukasyon na ipatupad sa lahat ng kolehiyo at unibersidad—pribado at
publiko ang paggamit ng Pilipino bilang panturo sa mga kursong Rizal,
Kasaysayan ng Pilipinas at Pamahalaan noong 25 Pebrero 1970. Kasabay nito,
iminungkahi ng direktor ng mga paaralang bayan sa pamamagitan ng isang
memorandum ang paggamit ng salin sa Pilipino ng mga salitang Ingles na gamit
sa pagmamarka sa mga mag-aaral.
Mayo 1973 nang tanggapin ang pagsang-ayon ng Kalihim ng Katarungan
Vicente Abad Santos hinggil sa pagiging opisyal ng Pilipino bilang wikang
Pambansa sa Bagong Konstitusyon. Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa
Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973
na ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa
paglinang at pormal na adopsiyon ng isang panlahat na wikang pambansa na
tatawaging Filipino. Kasabay nito ang pagiging asignatura at midyum ng
pagtuturo sa lahat ng antas ng pag-aaral. Sa taong ito ay pinagtibay rin ang
Resolusyon Blg. 73-7 ng Pambansang Lupon sa Edukasyon na nagsabing ang
Ingles at Filipino ay isama sa kurikulum mula unang baitang ng mababang
paaralan hanggang sa kolehiyo—sa lahat ng paaralang pribado at publiko. Ang
Resolusyon Blg. 73-7 ang nagluwal sa Patakarang Bilingguwal sa Edukasyong
Pilipino.
Noong Hunyo 1974, nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel ng Kagawaran
ng Edukasyon at Kultura ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 na nagtatakda
ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng patakarang edukasyong bilingguwal sa
mga paaralan na magsisimula sa taong-aralan 1974–1975. Inilabas naman
noong Oktubre 1975 ng Surian ng Wikang Pambansa ang isang aklat na may
pamagat na “Mga Katawagan sa Edukasyong Bilinggwal.” Layunin nito na
makatulong sa mabilis na pagpapalaganap ng bilingguwalismo. Lumabas din ang
isang kautusan mula sa kagawaran na ipatupad ang bilingguwalismo sa
pagtuturo sa mga kolehiyo.
Lumabas naman noong 1978 ang Kautusang Pangministri ng Kagawaran
ng Eduaksyon na siyang nag-utos ng pagkakaroon ng 6 yunit na Filipino sa lahat
ng kurso sa tersiyarya at 12 yunit ng Filipino sa mga kursong pang-eduaksyon.
Nang sumusnod na taon, 1979, ipinag-utos din ng kagawaran na sa mga
kursong Medisina, Dentista, Abogasya, at Paaralang Gradwado ay magkakaroon
na rin ng Filipino sa kanilang kurikulum. Pati na rin ang mga estudyanteng
dayuhan sa bansa ay pinakuha ng asignaturang Filipino.
Kaugnay ng masigasig na pagnanais na mapalaganap ang edukasyong
bilingguwal sa kabila ng di-maikakailang kakulangan ng suportang pinansiyal ng
pamahalaan, may mga samahang nagdaos ng mga Pambansa, panrehiyon, at
lokal na mga seminar sa pagtuturo ng Filipino sa konteksto ng edukasyong
bilingguwal.
Sa pagtatayang ginawa ng Surian ng Wikang Pambansa, batay sa ulat ng
Tanggapan ng Pambansang Sensus at Estadistika noong 1970, 1975, at 1980,
isandaang bahagdan (100%) ng mga mamamayan ang gagamit ng Filipino sa
kanilang pakikipagtalastasan. Inaasahang mangyayari ito sapagkat sa mga taong
ito ay maraming mga palatandaan ng unti-unti nang tinatanggap ng marami ang
paggamit ng wikang sarili sa pagtalakay sa mga mahahalagang isyu sa bansa.
Marami nang pagkakataon na kapag gumagamit ng Ingles sa pagtalakay, ang
mga mamamayan mismo ang humihiling na Filipino ang gamitin upang lalo itong
maintindihan ng maraming mamamayan.
Noong 1986, naging katuwang ang SWP sa paghahanda ng salin ng
Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang
wika ay “Filipino.” Sinasabi sa batas na, “habang nililinang ang Filipino ay dapat
itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang
umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”
Noong Enero 1987, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na
nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino ay nalikha ang Linangan ng mga Wika sa
Pilipinas (LWP) na pumalit sa SWP.
Artikulo XIV, Seksiyon 6
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang
nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa
umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang mga wika.
Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na
maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang
pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino
bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa
sistemang pang-edukasyon.
Artikulo XIV, Seksiyon 7
Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga
wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang
ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang
panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga
rehiyon at magsisilbi na pantulong sa mga wikang panturo
roon.

Artikulo XIV, Seksiyon 8


Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles
at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic,
at Kastila.
Kaugnay nito, nilagdaan naman ni Pangulong Corazon Aquino noong 25
Agosto 1988 ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na nag-aatas sa lahat ng
kagawaran, kawanihan, tanggapan, ahensiya, at instrumentaliti ng pamahalaan
na na magsagawa ng mga hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang
Filipino sa opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.
Samantala, nangangahulugan naman ang Seksiyon 6 na ang “Filipino” ay
nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa nabanggit
na simulain na dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga
katutubong wika ng bansa. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na
nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang
pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa
Pilipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na
wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang
institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng
“pagsusuri” ng mga wika. Makikita sa ibaba ang presentasyon ng konsepto ng
Tagalog, Pilipino at Filipino.
Pigura 1: Konsepto ng ebolusyon ng wikang pambansa mula Tagalog patungong Pilipino
hanggang sa maitadhana ang Filipino. Kung babalikan ang naging talakay sa kasaysayan
habang inuunawa ang pigura makikita na maliit na bilog na kumakatawan sa Tagalog ay
nangangahulugang pagsisimula ito ng pagsisikap sa pagkakaroon ng wikang pambansa. Paglaon
ay ginamit naman ang “Pilipino” bilang pangalan ng wikang pambansa na batay pa rin sa
Tagalog. Kumakatawan naman ang malaking bilog sa itinatadhana ng 1987 Konstitusyon sa
Filipino bilang wikang pambansa. Mapapansin na pinakanukleo ng Filipino ang Tagalog na unang
naging wikang batayan nito. Gayunman, patuloy na yumayaman at nalilinang ang Filipino salig sa
mga katutubong wika ng bansa at sa patuloy na pagpasok ng mga bagong termino dulot ng
modernisasyon.

Kaya naman kasama sa pinagtibay sa Saligang Batas ng 1987 ang


pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika.
Artikulo XIV, Seksiyon 9
Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang
pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t-ibang mga
rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, maguugnay at
magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad,
pagpapalaganap at pagpapanatili sa Filipino at iba pang mga
wika.
Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14
Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino. Kailangan ang
Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ito ang ahensiyang
makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa
mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika.
Unang pinamunuan ito ni Ponciano B.P. Pineda, at ng mga kasamang
komisyoner na sina Ernesto H. Cubar, Nita P. Buenaobra, Andrew P. Gonzales,
Florentino H. Hornedo, Angela P. Sarile, at Bonifacio P.Sibayan. Noong 13 Mayo
1992, pinagtibay ng mga komisyoner ang Resolusyon Blg. 92-1 na naglalahad ng
batayang deskripsiyon ng Filipino na:
Ito ay ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro
Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang
sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng
komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng alinmang
wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng
paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika
ng Pilipinas at mga di-katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t
ibang baryedad ng wika para sa iba-ibang sitwasyong sosyal,
sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal, at
para sa mga paksa ng talakayan at matalisik na
pagpapahayag.
Ang mga probisyong ito at ang mga pagsisikap na ginawa ng mga
samahang pangwika pati na ang mga suportang mula sa pangulo ng bansa, at
ang pakikiisa ng bawat Pilipino ang siyang inaasahang maglalagay sa wikang
pambansa sa kalagayang magiging mabisang instrumento sa pagpapaunlad ng
industriya at ekonomiyang Pilipino.
Taong 1996, inilabas ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukayon
(CHED) ang CHED Memorandum Order (CMO) Blg. 59, Serye 1996 ang hinggil
sa New General Education Curriculum (GEC) na nagsasaad na kailangang
magkaroon ng 9 yunit sa pangkalahatang edukasyon sa kolehiyo—ang Filipino 1
(Sining ng Komunikasyon), Filipino 2 (Pagbasa’t Pagsulat sa Iba’t Ibang
Disiplina), at Filipino 3 (Retorika).
Sa bisa naman ng Proklamasyon Blg. 1041 noong 1997, sa atas ng
Pangulong Fidel V. Ramos ay ipinahayag ang 1–31 Agosto nilang Buwan ng
Wikang Pambansa na taunang ipagdiriwang at pangungunahan ng mga pinuno
at kawani sa sektor ng pamahalaan, mga pinuno at guro sa sektor ng edukasyon,
mga kinatawan ng pakikipag-ugnayang pang-madla, mga pinuno at miyembro ng
iba’t ibang organisasyong pangwika, pang-edukasyon, pangkultura at sibiko, at
mga organisasyong di-pampamahalaan.
Taong Hulyo 2009, inilbas ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kautusang
Pangkagawaran Blg. 74 na may pamagat na “Institutionalizing Mother Tongue-
Based Multilingual Education (MTB-MLE). Iniaatas nito na gamitin ang unang
wika ng mga bata bilang wikang panturo mula pre-school hanggang baitang 3.
Mula dito, ang Filipino, Ingles, at iba pang dagdag na wika ay ipakikilala bilang
bukod na sabjek. Ihahanda ang mga mag-aaral at unti-unting ipagagamit bilang
wikang panturo mulang Baitang 3 at patuloy pa ring gagamitin ang unang wika
bilang pantulong sa pagtuturo hanggang sa antas sekundarya.
Samantala, noong Agosto 2013, sa ilalim ng pamumuno ng Pambansang
Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, naglabas ng kauna-unahang depinisyon ng
Filipino ang KWF sa bisa ng binuong Resolusyon Blg. 13-39 na:
Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong
Filipinas bilang wika ng komunikasyon, sa pabigkas at sa
pasulat na paraan, ng mga pangkating katutubo sa buong
kapuluan. Sapagkat isang wikang buháy, mabilis itong
pinauunlad ng araw-araw at iba’t ibang uri ng paggamit sa iba’t
ibang pook at sitwasyon at nililinang sa iba’t ibang antas ng
saliksik at talakayang akademiko ngunit sa paraang maugnayin
at mapagtampok sa mga lahok na nagtataglay ng mga
malikhaing katangian at kailangang karunungan mula sa mga
katutubong wika sa bansa.
Taong 2013 din nagdulot ng pagkabalisa sa mga guro sa Filipino,
mananaliksik-wika, at mga tagapagtanggol ng wikang pambansa ang paglabas
ng CMO Blg. 20 Serye 2013 na nag-aalis sa Filipino sa GEC sa kolehiyo. Sa
halip ay inilipat ito sa Senior High School sa ilalim ng binagong kurikulum na K to
12. Bunga ng mga kabi-kabilang petisyon at di-pagsang-ayon sa CMO Blg. 20,
naglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema sa
implementasyon nito noong Abril 2015. Ngunit taong 2018 ay inalis din ng Korte
Suprema ang TRO sa CMO Blg. 20. Hanggang sa kasalukuyan ay itinuturing pa
rin ito ng mga tagapagtanggol ng wikang pambansa na isang malaking hamon sa
patuloy na pagpapayabong at pagpapaunlad ng wikang pambansa.
Ebolusyon ng Alpabetong Filipino
Maaari nating ugatin ang kasaysayan ng ortograpiya ng wikang Filipino
mula sa sinaunang panahong gumamit ang mga Pilipino ng katutubong paraan
ng pagsulat na tinatawag na baybáyin. Sinasabing napakahalaga ng baybáyin
dahil isa ito sa mga natatanging malinaw na ebidensiya na taglay na sariling
kultura at talino ng mga sinaunang Pilipino, bago pa dumating ang mga
Espanyol.
Larawan 1: Mga karakter sa sinaunang
paraan ng pagsulat ng mga Pilipino—ang
Baybayin. (Larawan mula sa KWF Manwal
sa Masinop na Pagsulat 2015)

Bilang patunay na
baybayin talaga ang tawag dito,
maraming mga unang pag-aaral
sa sinaunang pagsulat ng mga
Pilipino ang bumabanggit na
tinawag itong baybayin ng mga
sinaunang Pilipino at hindi
alibata. Halimbawa ay ang pag-aaral ni Pedro Andres de Castro na may pamagat
na Ortograpiya at mga tuntunin sa Pagsulat sa Wikang Tagalog at ang pag-aaral
ni Trinidad Pardo H. de Tavera na may pamagat na Contribucion para el Estudio
Antiguos Alfabetos Filipinos (Mga ambag sa Pag-aaral ng Sinaunang Alpabeto
ng mga Filipino) noong 1884.
Sa pag-aaral ni Trinidad Pardo de Tavera noong 1884, ipinakita niya ang
iba’t ibang katutubong paraan ng pagsulat sa iba-ibang wika sa bansa, hindi lang
ang sa Tagalog. Kinuha niya lahat na mga sampol at nakaipon siya ng apat sa
Tagalog, dalawa sa Ilokano, dalawa sa Bisaya, isa sa Pangasinan, isa sa
Kapampangan, at dalawa mula sa talâ ng Lingguwistang Aleman ngunit hindi pa
nalalaman kung anong wika sa bansa ang pinanggalingan. Patunay ito
na nakakalat na sa Pilipinas ang baybayin bago pa dumating ang mga Espanyol.
Patunay din ito na kahit may pagkakaiba ang paraan ng pagsulat ay halos
magkakahawig ang karakter.

Larawan 2: Mga talâ sa iba’t ibang paraan ng pagsulat ng baybayin na


tinipon ni Pardp H. de Tavera (larawan mula aklat na Isang Sariling
Wikang Pambansa, 2015, pahina 76).

Sa ulat naman ng ibang misyonerong


Espanyol, isa na rito si Padre Pedro Chirino,
nadatnan niláng 100 porsiyentong letrado ang mga
Tagalog at marunong sumulat at bumása sa
baybáyin ang matanda’t kabataan, laláki man o
babae. Ilang patunay dito ay ang sumusunod:
Larawan 3: Batong Monreal na nadiskubre sa Isla ng Ticao, Monreal, Masbate at ang Palayok ng Calatagan
na kapuwa ay ukit ng Baybayin na pinaniniwalaang ginamit ng mga sinaunang Filipino. (larawan mula sa
lektura ng KWF hinggil sa Ortograpiyang Pambansa)

Dahil dito, kailangan ilimbag ng mga Espanyol ang unang aklat sa


Pilipinas, ang Doctrina Christiana (1593), nang may bersiyon ng mga dasal at
tuntuning Kristiyano sa paraang baybáyin.
Ngunit mula noong ika-16 Siglo,
unti-unting naging romanisado ang
baybayin o ang paraan ng pagsulat ng
mga Pilipino nang turuan tayo ng
alpabetong Espanyol o abecedario.
Kung kailan marami nang
Pilipino ang marunong bumasa at
sumulat sa paraang ito, sila Rizal din
ang nakapansin na parang maraming
mali sa paraan ng pagsulat na iyon.
Parang hindi angkop sa tunog ng mga
Pilipino ang mga ginagamit na
karakter. Kaya sila din ang unang
nagsulat ng reporma sa ortograpiya o
orthographic reform. Ang una nga dito
ay Sobre la nueva ortografia de la
lengua tagala (1890). Ipinanukala niya
rito ang paggamit ng K at W;
pagsasaayos ng pantig na GUI at QUI;
at pagsasaayos ng diptonggo na AO. Noong nakadestiyero siya sa Dapitan,
isinulat naman niya Estudios sobre la lengua tagala na nalathala noong 1899.
Kasáma sa mga panukala niyang reporma sa ortograpiyang Tagalog ang
alpabetong may limang patinig at labinlimang katinig. Ang mga titik na ito ang
naging batayan ng abakada na binuo ni Lope K. Santos nang kaniyang sulatin
ang Balarila (nalathala, 1940). Idinagdag sa orihinal na mga titik ng baybáyin ang
katinig na R at ginawang lima ang patinig: A, E, I, O, U kayâ dalawampu (20) ang
mga titik ng lumaganap na abakada hanggang sa panahong tinatawag ang
Wikang Pambansa na wikang Filipino.
Hindi isináma sa abakada ang mga letra para sa mga tunog na C, CH, F,
J, LL, Ñ, Q, RR, V, X, Z. Nanatili ang mga ito sa mga pangngalang pantangi,
gaya sa Carmen, Pacheco, Fullon, Jaro, Magallanes, Cariño, Quirino,
Barrameda, Vizcaya, Maximo, at Zamboanga. Ngunit marami sa mga salitang
hiram sa Espanyol at nagtataglay ng naturang mga titik ay tinapatan ng mga
tunog sa mga titik ng abakada, gaya ng nagaganap na noong paghiram sa mga
naging palasak na salitang Espanyol. Ang iba pang gabay sa pagsulat, gaya ng
kung paano gamitin ang ng at nang, kung kailan nagiging R ang D, o kung bakit
nagiging U ang O sa dulo ng salita kapag inulit, ay hinango sa mga tuntunin mula
sa Balarila ni Lope K. Santos. Ang makabuluhang mga tuntunin ay tinipon ng
Surian ng Wikang Pambansa makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinamagatan itong Mga Batayang Tuntuning Sinusunod sa Pagsusuring Aklat
(walang petsa) na inihanda ni Bienvenido V. Reyes sa isang hiwalay at
nakamimeograp na polyeto at naging gabay ng mga guro, manunulat, at editor.
Kasabay ng mga pangyayaring naganap sa kasaysayan ng wikang
pambansa mula sa pagpapalit ng pangalan mula Pilipino na batay sa Tagalog
patungong Filipino, nagkaroon din ng mga pagbabago sa tuntunin sa pagsulat
wikang pambansa. Lumabas ang iba’t ibang mga gabay sa orograpiya gaya ng
nabuo noong 1976 at nalathala sa anyong mimeograp noong 1977 sa pamagat
na Mga Tuntunin ng Ortograpiyang Filipino. Makikita dito ang pagbabago sa
abakada na naging tatlumpu’t isa (31) ang mga titik sa pamamagitan ng dagdag
na labing-isang (11) titik. Bunga ito ng napagkasunduan sa isang serye ng mga
simposyum noong 1976 at ikalawa ang lumang Patnubay na Sinusunod sa
Pagwawasto ng mga Aklat Babasahin na noon pang dekada 60 ginagamit. Dahil
sa dami ng mga titik ng bagong alpabeto ay tinawag itong “pinagyamang
alpabeto”; ngunit sinundan ng mga puna na lubhang pinarami ito kaysa
kailangang mga bagong titik.
Pagkatapos ng muling pagsusuri dito, binago itong mulo at nalathala
noong 1987 ang Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino ng
Linangan ng mga Wika sa Pilipinas na may dalawampu’t walo (28) ang mga titik.
Idinagdag dito ang mga titik na C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z. Pinalaganap din ang
isang “modernisadong alpabeto” na ipinababása ang mga titik sa paraang Ingles,
maliban sa Ñ mulang alpabetong Espanyol, gaya ng sumusunod: A /ey/, B / bi/,
C /si/, D /di/, E /i/, F /ef/, G /dyi/, H /eyts/, I /ay/, J /dyey/, K /key/, L /el/, M /em/,
N /en/, Ñ /enye/, NG /endyi/, O /o/, P /pi/, Q /kyu/, R /ar/, S /es/, T /ti/, U /yu/, V
/vi/, W /dobolyu/, X /eks/, Y /way/, Z /zi/. Ngunit may mga usapin sa ispeling na
hindi pa nasagot sa nabanggit na patnubay.
Kung kaya’t may mga sumunod pang nailabas na mga gabay ang KWF
mula noong itadhana ng 1987 Konstitusyon ang Filipino bilang wikang pambansa
gaya ng sumusunod (kwf.gov.ph/tungkol-sa-kwf):
● 2001 – muling nagkaroon ng rebisyon sa alpabetong Filipino.
Itinaguyod nito ang leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa
pamamagitan ng pagluluwag sa panghihiram ng salita at pagsasalin,
karamihan mula sa Ingles at Espanyol, gamit ang walong
karagdagang letra ng alpabeto, ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x, z.
● Oktubre 9, 2006 – sa kahilingan ng KWF, ang DepEd ay
nagpalabas ng isang memorandum na pansamantalang nagpapatigil
sa implementasyon ng
“2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino”.
● Agosto, 2007 – inilabas ng KWF ang borador ng Ortograpiya
ng Wikang Pambansa.
● Mayo 20, 2008 – inilabas ng KWF ang Gabay sa Ortograpiya
ng Wikang Pambansa.
Taóng 2013 nang maglabas muli ng bagong gabay sa Ortograpiyang
Pambansa ang KWF na siyang ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
Mungkahing babasahin:
1. De las Lenguas de las Filipinas (1604) / Padre Pedro Chirino
2. Hinggil sa mga Wika sa Filipinas Salin ni Virgilio S. Almario
3. The Language Situation in the Philippine Islands (1931) / Dr. Cecilio P.
Lopez Ang Sitwasyong Pangwika sa Filipinas Salin ni Kriscell Largo Labor
4. Kailangan ang Sariling Wikang Pambansa (1934) Kgg. Felipe R. Jose
5. Shall the Philippines Have a Common Language? (1931) / Vice Governor
George C. Butte Dapat Bang Magkaroon ng Wikang Panlahat ang
Filipinas? Salin ni Michael John E. De Juan
6. Si Rizal hinggil sa isang Wikang Filipino (1937) Pangulong Manuel Luis
Quezon.

You might also like