You are on page 1of 3

MODYUL 4: WIKA AT USAPING PANLIPUNAN

NETFLIX PARTY BUT MAKE IT PBO


Isang Komentaryo sa Pelikulang “GOYO: Ang Batang Heneral”

A. Tungkol saan ang pelikula? (Buod)

Kilala bilang bayani at pinakabatang naging Heneral ng Pilipinas si Gregorio Del Pilar o
kilala sa tawag na Goyo. Binigyang kulay at linaw ng pelikulang “GOYO: Ang Batang Heneral”
ang bahagi ng buhay ni Goyo at ang kaniyang naging papel sa kasaysayan ng bansa partikular
sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.
Sa bahaging simula ng kwento, ipinakita sa pelikula ang pagiging paborito ng Pangulong
Emilio Aguinaldo kay Goyo na marahil ay malaking salik sa pagkakaroon ni Goyo ng higit na
mataas na ranggo. Sa kabila ng pagiging Heneral, bunsod marahil ng pagiging bata, mapaglaro
si Goyo sa damdamin ng mga kababaihan at sa iba pang mga aspekto.
Bakas sa mga kilos ni Goyo ang pagiging bata, kaya dumating sa puntong habang
nagtatampisaw siya sa batis kasama ang mga kapatid, hindi nila namalayang nagsimula na ang
mga Amerikano sa paglusob sa mga kampo. Sa mga lumipas na araw, unti-unting nagapi ang
mga Pilipinong sundalo dahil sa sunod-sunod na engkwentro. Napilitang magtago ang mga nasa
katungkulan, kabilang na si Pangulong Aguinaldo, sa kabundukan ng Cordillera. Doon ay hinabol
sila ng mga Amerikano at kalaunan ay nadakip at nahuli ang ina at anak ni Aguinaldo. Sa puntong
iyon, nanghihina, gutom, at kaunti na lamang ang mga sundalong Pilipino ngunit nagkaroon ng
mahusay na plano si Goyo. Ang porma ng bundok Tirad ay ginamit nila upang madaling matanaw
at ma-asinta ang mga Amerinakong Sundalo. Sa una ay naging matagumpay sila at napaatras
ang hukbo ng mga Amerikano kaya’t sila ay naging kampante, ngunit sa hindi inaasahang
pangyayari, naakyat sila ng mga Amerikano dahil sa tulong ng isang Pinoy na nakapagturo ng
ibang daan upang maakyat ang Tirad Pass nang hindi nalalaman nina Goyo. Nang makarating
ang mga Amerikano sa bundok, napaslang nila ang hukbo ng mga Pilipino kabilang na ang batang
heneral na si Goyo. Ipinakita sa huling bahagi ng pelikula na matapos ang mga madugong
labanan ng mga Pilipino, na pinangunahan ni Aguinaldo, laban sa mga Amerikano, mismong si
Aguinaldo ay nanumpa sa kinalabang bansa.
B. Ano ang gender roles na tinalakay sa pelikula?

Sa panahon ng digmaan, kalalakihan ang lumalaban, namumuno, at nangingibabaw. Iyan


ang pangunahing kaisipan sa napanood na pelikula. Masasabing ang representasyon sa ugali ng
mga Pilipino sa panahong sinasalamin ng pelikula ay patriyarkal kung saan pinapakita ang
dominasyon ng kalalakihan sa halos lahat ng aspekto ng buhay ng tao. Una, nakasentro sa mga
kalalakihan ang pagiging tagapagtanggol at ang mga kababaihan ay hindi maaaring sumapi sa
sandatahang lakas. Kakabit nito ay ang representasyon sa kakayahan ng babae na tila limitado
lamang ang kanilang kayang gawin: mula sa gawaing bahay, mga trabaho sa palengke, sa pag-
aayos ng mga handaan, at sa mga pagtatanghal. Pangalawa, madali lamang para sa mga
kalalakihan na laruin ang damdamin ng mga kababaihan. Pangatlo, ang mga kababaihan ay
kailangang mahinhin, malumanay, may respeto sa pagsasalita, at may iisa lamang dapat na
kasintahan na iba sa litaw na katangian ng mga kalalakihan tulad ng pagiging matikas, matapang,
radikal sa pagsasalita. At panghuli ay ang pagiging makasarili ng mga lalaking namumuno sa
nasyon na naging patunay na kaya nilang ipagpalit ang sariling bayan para sa kapakanan ng
ibang bansa na kanilang piniling panigan.

C. Paano ginamit ang WIKA upang idiin ang gender roles na ipinakita sa pelikula?
(Maaaring sabihin din paano nakatulong/nakilala ang wika sa isyu ng gender roles dito.)

Ang panahong sinasalamin ng pelikula ay isang patriyarkal na lipunan kung saan


kapansin-pansin ang subordinasyon ng kalalakihan sa kababaihan. Sa hindi mabilang na tagpo,
mapapansin ang pagkakaiba sa mga salitang nababanggit, tono, at ekspresyon ng mga lalaki at
babae. Bilang isang halimbawa sa tatlong askpektong nabanggit, ang kalalakihan ay madalas
magmura habang ang mga kababaihan naman ay kinakailangang panatilihin ang respeto at
pagiging mahinhin dahil dinidikta ito sa kanila ng lipunan. Mahihinuha sa halimbawang ito na higit
na may otoridad at kalayaang magsalita ang kalalakihan. Ibig sabihin, ang pagkakaiba sa paraan
ng paggamit ng wika ng kalalakihan at kababaihan ay patunay na may mga umiiral na isyung
pangkasarian.

D. Ano ang inyong tindig o opinyon ukol sa tinalakay na gender roles sa pelikula?

Ang pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas ay nagbunga ng matagal na digmaan,


rebolusyon at paghihirap sa dalawang partido. Itinuturing ang mga kalalakihan noon bilang ang
lakas at kamao ng bansa laban sa mga mananakop habang ang kababaihan naman ay ang
sumusuporta sa kapakanan ng mga kalalakihan at kinikilalang mga simpleng housewives. Ang
konsepto na ito ay sinusuportahan ng patriyarkal na ideya na ipinakilala ng lahing naunang
manakop sa bansa – ang mga Espanyol. Ang angkop na gender role na ipinakita sa pelikula ay
makatwiran sapagkat hindi pa mulat o hindi pa ipinaglalaban ng mga kababaihan ang kanilang
mga karapatan sa panahong iyon. Ngunit hindi ito dahilan ng pagkawala ng posibilidad na
maaaring tumindig at makipaglaban ang mga kababaihan noon. Kahit simpleng gawain lamang
ang kontribusyon ng mga kababaihan noon, malaki na ang suporta na binibigay nito sa mga
kapwa Pilipino. Maaari silang maging higit pa kaysa sa kanilang iniisip na kakayahan noon. Ang
mga kalalakihan naman ay ang tumatayong bastiyon ng bansa sa pamamagitan ng kanilang mga
abilidad at pisikal na lakas. Sila ang may kakayahang dumepensa laban sa agresyon dulot ng
mga Amerikano. Tunay na ipinakita ng mga kalalakihan noon ang dangal, husay at sakripisyo
noong panahon ng rebolusyon.
Kung ihahalintulad sa mga kinalakihan noon, mawawari na malaki ang pinagbago ng mga
gender roles sa panahon ngayon. Ang lahat ng mga gender roles na ipinakita sa pelikula ay
nakabatay sa patriyarkal na lipunang nangibabaw noong nasakop ng mga Espanyol ang Pilipinas
at lalo na noong panahon ng mga Amerikano. Mapapansin na mayroong malinaw na dibisyon sa
pagpapangkat ng mga gawain at/o karapatan sa pagitan ng mga kababaihan at kalalakihan noon,
subalit sa paglipas ng panahon ay unti-unting nagbago ang mga ito. Sa panahon ngayon, mas
bukas na ang pag-iisip ng lipunan sa pagtanggap ng mga bagay o kaisipan na hindi na gaanong
nakahanay sa mga gender roles na naging default sa loob ng mahabang panahon – na naging
dahilan ng pag-usbong ng konsepto ng stereotyping sa iba’t ibang gender. Gayunpaman, hindi
tuluyang nagbago ang pananaw na ito sapagkat mayroon pa ring diskriminasyon sa mga babaeng
pumapasok sa iba’t ibang larangan tulad sa politka na nakasanayan ng lipunan bilang pang
kalalakihan lamang. Samakatuwid, ang mga kalalakihang gumaganap sa mga tungkulin na
pinaniniwalaang para sa mga babae lamang ay hindi sinasang-ayunan ng karamihan sapagkat
sila ay inaasahan na sumunod sa toxic masculinity na naitanim sa isipan ng lipunang patriyarkal.

Ang sulating ito ay nailikha mula sa pagtutulungan ng mga sumusunod na mag-aaral:


FERNANDEZ, Ciane Aynsley T.
SAMBRANO, Archie C.
SORIANO, Paolo
TRINIDAD, Rhiza
ZEPEDA, Vox

You might also like